Ang Pangmalas ng Bibliya
Lagi bang Masama ang Magalit?
“ANG galit ay sandaling kabaliwan.” Gayon ipinahayag ng sinaunang makatang Romano na si Horace ang karaniwang pangmalas sa isa sa pinakamatindi sa lahat ng damdamin. Bagaman hindi lahat ay sumasang-ayon na ang galit ay isang anyo ng sandaling kabaliwan, minamalas ito ng marami bilang likas na masama. Sing-aga ng ikaanim na siglo C.E., tinipon ng mga mongheng Katoliko ang kilalang katalogo ng “pitong nakamamatay na mga kasalanan.” Hindi kataka-taka, ang galit ang nanguna sa listahan.
Madaling maunawaan kung bakit ganito ang palagay nila. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Maglikat ka ng pagkagalit at bayaan mo ang poot.” (Awit 37:8) At pinayuhan ni apostol Pablo ang kongregasyon sa Efeso: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo kasama ng lahat ng kasamaan.”—Efeso 4:31.
Gayunman, maaaring magtanong ka, ‘Iyan lang ba ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa galit? Sa paano man, hindi ba inihula ni Pablo na ang “mga huling araw” na ito na kinabubuhayan natin ay magiging “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan”?’ (2 Timoteo 3:1-5) Talaga bang maaasahan ng Diyos na tayo ay mamuhay sa mga panahong ito kung saan ang mga tao ay ‘mababangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga walang likas na pagmamahal’—at hindi kailanman magalit nang bahagya?
Isang Timbang na Pangmalas
Ang pakikitungo ng Bibliya sa paksang ito ay hindi napakasimple. Pansinin, bilang halimbawa, ang mga salita ni Pablo sa Efeso 4:26: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala.” Ang talatang ito ay magiging lubhang nakalilito kung ang galit ay kusang isang “nakamamatay na kasalanan,” isa na karapat-dapat sa walang-hanggang parusa.
Si Pablo ay sumisipi sa Awit 4:4, na kababasahan: “Kayo’y magsipanginig, at huwag magkasala.” Sang-ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Biblical Words, ang salitang Hebreo na isinalin ditong “magsipanginig,” ra·ghazʹ, ay nangangahulugang “manginig taglay ang matinding damdamin.” Subalit aling matinding damdamin? Ito ba’y galit? Sa salin ng Septuagint ng Awit 4:4, ang ra·ghazʹ ay isinalin sa Griego bilang “mapoot,” at maliwanag na ganiyan ang layon dito ni Pablo.
Bakit papayagan ng Bibliya ang isang dako para sa galit? Sapagkat hindi lahat ng galit ay masama. Gaya ng pagkakasabi ng isang komentarista sa Bibliya, ang pangmalas na “ang galit ng tao ay hindi kailanman matuwid at ipinahihintulot sa ganang sarili” ay hindi maka-Kasulatan. Wastong nagkomento ang iskolar sa Bibliya na si R. C. H. Lenski tungkol sa Efeso 4:26: “Ang etika na nagbabawal sa lahat ng galit at humihiling ng kahinahunan sa lahat ng situwasyon ay Estoiko at hindi Kristiyano.” Gayundin ang sinabi ni Propesor William Barclay: “Dapat na may galit sa buhay Kristiyano, subalit ito ay dapat na maging ang tamang uri ng galit.” Subalit ano ba “ang tamang uri ng galit”?
Matuwid na Galit
Bagaman ang galit ay hindi isa sa kaniyang litaw na mga katangian, si Jehova ay paulit-ulit na inilarawan sa Kasulatan bilang nakadarama at nagpapahayag ng kaniyang galit. Sa dalawang kadahilanan, gayunman, ang kaniyang matinding galit ay laging matuwid. Ang isang dahilan, hindi siya kailanman nagagalit nang walang tamang saligan. At ang ikalawang dahilan, ipinahahayag niya ang kaniyang galit sa isang makatarungan at matuwid na paraan, hindi kailanman nawawalan ng pagpipigil.—Exodo 34:6; Awit 85:3.
Si Jehova ay nagsisiklab sa galit sa sinasadyang kasamaan. Halimbawa, sinabi niya sa mga Israelita na kung bibiktimahin nila ang walang kalaban-laban na mga babae at mga bata, kaniyang ‘walang pagsalang diringgin ang daing’ ng mga iyon. Siya’y nagbabala: “Ang aking galit ay tunay na mag-aalab.” (Exodo 22:22-24; ihambing ang Kawikaan 21:13.) Tulad ng kaniyang Ama, si Jesus ay may magiliw na damdamin sa kaniyang puso para sa mga bata. Nang minsa’y sinikap na hadlangan ng kaniyang mababait na mga tagasunod ang ilang bata sa paglapit sa kaniya, “nagalit si Jesus” at kinuha niya ang mga bata sa kaniyang mga bisig. (Marcos 10:14-16) Kapansin-pansin, ang salitang Griego para sa “nagalit” ay orihinal na tumutukoy sa “pisikal na kirot o pagkayamot.” Matinding damdamin nga!
Ang matuwid na pagkagalit ang pumukaw rin sa puso ni Jesus nang makita niya ang mga mangangalakal at mga tagapagpalit ng salapi na ginawang “yungib ng mga magnanakaw” ang bahay ng kaniyang Ama. Itinaob niya ang kanilang mga mesa at pinalayas silang lahat! (Mateo 21:12, 13; Juan 2:15) Nang ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagpakita ng higit na pagkabahala sa kanilang nakayayamot na mga alituntunin sa Sabbath kaysa sa mga maysakit na nangangailangan ng tulong, si Jesus ay “nasaktang lubha sa pagkadama niya sa kanilang kalupitan” at “tiningnan ang mga mukha na nakapaligid sa kaniya na may pagkagalit.”—Marcos 3:5, Phillips.
Sa gayunding paraan, ang tapat na si Moises noong una ay napunô ng matuwid na pagkagalit sa di-tapat na mga Israelita nang ihagis niya ang mga tapyas ng Kautusang Mosaiko. (Exodo 32:19) At ang matuwid na eskribang si Ezra ay galit na galit sa pagsuway ng mga Israelita sa kautusan ng Diyos tungkol sa pag-aasawa anupat hinapak niya ang kaniyang mga suot at binaltak pa nga ang ilan sa kaniyang buhok!—Ezra 9:3.
Lahat ng mga “umiibig sa mabuti” ay nagsisikap na “kapootan ang masama.” (Amos 5:15) Kaya nga, ang mga Kristiyano sa ngayon ay maaaring makadama ng matuwid na galit na lumilitaw sa kanilang mga puso kapag nakikita nila ang sinasadya, hindi nagsisising mga gawa ng kalupitan, pagpapaimbabaw, pandaraya, kawalan ng katapatan, o kawalang katarungan.
Wastong Pangangasiwa sa Galit
Hindi nagkataon lamang na madalas na itinutulad ng Bibliya ang galit sa isang apoy. Tulad ng apoy, ito ay may kaniyang dako. Subalit maaari rin itong maging lubhang mapangwasak. Kadalasan na, di-tulad ni Jehova at ni Jesus, ang mga tao ay nakadarama ng galit nang walang tamang saligan o nagpapahayag ng kanilang galit sa isang hindi matuwid na paraan.—Tingnan ang Genesis 4:4-8; 49:5-7; Jonas 4:1, 4, 9.
Sa kabilang panig, ang basta pagpigil ng galit at pagkukunwang wala ito roon ay maaaring hindi rin matuwid. Tandaan, si Pablo ay nagpayo: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) May maka-Kasulatang mga paraan upang ipahayag ang galit, gaya ng ‘pagsasabi sa iyong puso,’ pagsasabi ng iyong mga damdamin sa isang maygulang na katapatang-loob, o kahit na ang mahinahong pagharap sa nagkasala.—Awit 4:4; Kawikaan 15:22; Mateo 5:23, 24; Santiago 5:14.
Samakatuwid, hindi laging masama na magalit. Kapuwa si Jehova at si Jesus ay nagalit—at muling magagalit! (Apocalipsis 19:15) Kung tutularan natin sila, maaaring makaharap pa nga natin ang mga kalagayan kung saan masama ang hindi magalit! Ang mahalaga ay sundin ang payo ng Bibliya, tinitiyak na mayroon tayong makatarungang saligan sa ating mga damdamin at na ipinahahayag natin ang mga ito sa isang matuwid, Kristiyanong paraan.
[Larawan sa pahina 18]
Si Cain at si Abel