Kabanata 15
Pagtatayo ng Isang Pamilyang Nagpaparangal sa Diyos
1-3. Bakit hindi malutas ng ilan ang mga suliranin na karaniwan na sa pag-aasawa at sa pagiging mga magulang, ngunit bakit nakatutulong ang Bibliya?
HALIMBAWANG nagplano kang magtayo ng sariling bahay. Bumili ka ng lupa. Dahil sa matinding pananabik, para bang nakikini-kinita mo na ang iyong bagong bahay. Ngunit papaano kung wala ka namang kagamitan at walang kakayahan sa pagtatayo? Sayang na sayang naman ang iyong pagsisikap!
2 Marami ang nagpapakasal sa pag-asang magkakaroon ng isang maligayang pamilya, ngunit wala namang kagamitan ni kakayahang kakailanganin upang makapagtayo nito. Di-nagtatagal pagkatapos ng kasal, lumilitaw ang di-mabubuting ugali. Ang away at taltalan ay karaniwan na lamang sa araw-araw. Kapag nagkaanak na, natutuklasan ng bagong tatay at nanay na sila’y kulang din ng kakayahan bilang mga magulang kung papaanong sila’y nagkulang ng kakayahan sa pagkakaroon ng maligayang pag-aasawa.
3 Gayunman, nakatutuwang malaman na ang Bibliya ay makatutulong. Ang mga simulain nito ay parang mga kagamitan na magpapangyari upang makapagtayo ka ng isang maligayang pamilya. (Kawikaan 24:3) Tingnan natin kung papaano.
MGA KAGAMITAN PARA SA PAGTATAYO NG ISANG MALIGAYANG PAG-AASAWA
4. Bakit dapat asahan ang mga suliranin sa pag-aasawa, at anong mga pamantayan ang inilalaan ng Bibliya?
4 Kahit waring magkabagay ang mag-asawa, sila’y nagkakaiba pa rin sa emosyonal na kayarian, mga karanasan noong sila’y mga bata pa, at pinagmulan ng pamilya. Samakatuwid, dapat lamang asahan ang mga suliranin pagkatapos ng kasal. Papaano haharapin ang mga ito? Buweno, kapag ang mga tagapagtayo ay gumagawa ng bahay, kumokonsulta sila sa plano. Ito ang mga giya na dapat sundin. Naglalaan ang Bibliya ng mga pamantayan ng Diyos para sa pagtatayo ng isang maligayang pamilya. Suriin natin ngayon ang ilan sa mga ito.
5. Papaano idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng pagkamatapat sa pag-aasawa?
5 Pagkamatapat. Sabi ni Jesus: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”a (Mateo 19:6) Sumulat si apostol Pablo: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at ang higaang pangmag-asawa ay maging walang dungis, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Samakatuwid ay dapat madama ng mga may-asawa na sila’y may obligasyon kay Jehova na manatiling tapat sa kani-kanilang kabiyak.—Genesis 39:7-9.
6. Papaano makatutulong ang pagkamatapat upang maingatan ang pagsasama ng mag-asawa?
6 Ang pagkamatapat ay nagkakaloob ng dignidad at katiwasayan sa pag-aasawa. Alam ng nagtatapatang mag-asawa na, anuman ang mangyari, sila’y magtutulungan sa isa’t isa. (Eclesiastes 4:9-12) Ibang-iba ito sa mga karaka-rakang naghihiwalay sa unang paglitaw pa lamang ng problema! Ang ganitong mga tao ay agad nagpapasiyang sila’y ‘nagkamali sa pagpili,’ na sila’y ‘hindi na nagmamahalan,’ na ang lunas ay ang mag-asawa uli. Ngunit ito’y hindi nagbibigay ng pagkakataon na sumulong ang sinuman sa mag-asawa. Sa halip, baka dala pa rin ng mga di-tapat na ito ang gayunding suliranin sa kani-kanilang bagong kabiyak. Kapag ang isang tao ay may isang mainam na tahanan ngunit nakitang tumutulo ang bubong, tiyak na sisikapin niyang makumpuni ito. Hindi siya basta lilipat sa ibang bahay. Sa gayunding paraan, ang pagpapalit ng asawa ay hindi siyang kalutasan sa mga isyung nasa likod ng pag-aaway ng mag-asawa. Kapag bumangon ang mga problema, huwag tangkaing putulin ang pagiging mag-asawa, kundi sikaping mabuti na maingatan ito. Kapag may gayong pagkamatapat, ang pag-aasawa ay itinuturing na isang bagay na karapat-dapat ipagsanggalang, panatilihin, at pakamahalin.
7. Bakit ang pag-uusap ay madalas na mahirap para sa mga may-asawa, ngunit papaano makatutulong ang pagbibihis ng “bagong personalidad”?
7 Pag-uusap. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang may pagtitiwalang pag-uusap,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 15:22) Gayunman, ang pag-uusap ay mahirap para sa ilang mag-asawa. Bakit nagkagayon? Sapagkat ang mga tao ay may iba’t ibang istilo sa pakikipag-usap. Ito’y isang bagay na madalas umakay sa maraming di-pagkakaunawaan at pagkasiphayo. Maaaring may ginagampanang papel dito ang pagpapalaki ng magulang. Halimbawa, ang ilan ay baka lumaki sa isang pamilyang ang mga magulang ay palaging nagtataltalan. Bilang mga may-asawa na ngayon, baka hindi nila alam ang mabait at maibiging paraan ng pakikipag-usap sa kani-kanilang asawa. Magkagayon man, ang iyong tahanan ay hindi kailangang humantong sa pagiging ‘isang bahay na punô ng alitan.’ (Kawikaan 17:1) Idiniriin ng Bibliya ang pagbibihis ng “bagong personalidad,” at hindi nito kinukunsinti ang mapaminsalang kapaitan, hiyawan, at mapang-abusong pananalita.—Efeso 4:22-24, 31.
8. Ano ang maaaring makatulong kapag nagtatalo kayong mag-asawa?
8 Ano ang maaari mong gawin kapag may mga pagtatalo? Kung umiinit na ang ulo, makabubuting sundin ang payo ng Kawikaan 17:14: “Bago sumiklab ang away, umalis-alis ka na.” Oo, baka mabuting ipagpaliban mo muna ang pag-uusap sa ibang panahon, kapag kayo’y kapuwa kalmado na. (Eclesiastes 3:1, 7) Anuman ang mangyari, sikaping maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Ang iyong tunguhin ay ang malunasan ang kalagayan, hindi ang manalo sa pagtatalo. (Genesis 13:8, 9) Pumili ng mga salita at ng paraan ng pagsasalita na magpapakalma sa iyo at sa iyong asawa. (Kawikaan 12:18; 15:1, 4; 29:11) Higit sa lahat, huwag manatili sa kalagayang pukáw sa galit, kundi humingi ng tulong sa pamamagitan ng magkasamang pakikipag-usap sa Diyos sa mapagpakumbabang panalangin.—Efeso 4:26, 27; 6:18.
9. Bakit masasabing ang pag-uusap ay nagsisimula sa puso?
9 Sabi nga ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig upang magpakita ng unawa, at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan.” (Kawikaan 16:23) Tunay kung gayon, ang susi sa matagumpay na pag-uusap ay nasa puso, wala sa bibig. Ano ba ang iyong damdamin sa iyong asawa? Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na magpakita ng “damdaming pakikipagkapuwa.” (1 Pedro 3:8) Maipakikita mo ba ito kapag ang iyong asawa ay dumaranas ng nakababahalang pagkabalisa? Kung oo, matutulungan ka nitong malaman ang paraan ng pagsagot.—Isaias 50:4.
10, 11. Papaano maikakapit ng asawang lalaki ang payo ng 1 Pedro 3:7?
10 Karangalan at Paggalang. Sinasabihan ang mga asawang lalaking Kristiyano na manahanang kasama ng kani-kanilang asawa “alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae.” (1 Pedro 3:7) Ang paggalang sa asawa ng isa ay nagsasangkot ng pagkilala sa kaniyang kahalagahan. Ang isang asawang lalaki na nananahanang kasama ng kaniyang asawa “alinsunod sa kaalaman” ay may mataas na pagpapahalaga sa kaniyang damdamin, lakas, talino, at dignidad. Dapat na nanaisin din niyang malaman ang pangmalas ni Jehova sa mga babae at ang pakikitungong nais niyang iukol sa kanila.
11 Sa iyong bahay, sabihin nating mayroon kang isang madalas gamiting lalagyan na totoong delikado. Hindi ba gayon na lamang ang iyong gagawing pag-iingat dito? Buweno, ito rin ang nasa isip ni Pedro nang gamitin niya ang pananalitang “mas mahinang sisidlan,” at ito’y dapat mag-udyok sa isang asawang lalaking Kristiyano na magpamalas ng magiliw na konsiderasyon sa kaniyang mahal na asawa.
12. Papaano maipakikita ng asawang babae na matinding iginagalang niya ang kaniyang asawa?
12 Ngunit anong payo ang ibinibigay ng Bibliya sa asawang babae? Sumulat si Pablo: “Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Kung papaanong kailangang madama ng asawang babae na siya’y pinararangalan at pinakamamahal ng kaniyang asawa, gayundin ang asawang lalaki ay kailangang makadama na siya’y iginagalang ng kaniyang asawa. Hindi ipagsasabi ng isang magalang na asawang babae ang mga pagkakamali ng kaniyang asawa, Kristiyano man siya o hindi. Hindi niya ito aalisan ng kaniyang dignidad sa pamamagitan ng pagpintas at paghamak sa kaniya sa paraang sarilinan o hayagan man.—1 Timoteo 3:11; 5:13.
13. Papaano maaaring ipahayag sa isang mapayapang paraan ang mga opinyon?
13 Hindi naman ito nangangahulugang hindi na maaaring ipahayag ng isang asawang babae ang kaniyang mga opinyon. Kapag may bumabagabag sa kaniya, maaari niyang sabihin iyon nang may paggalang. (Genesis 21:9-12) Ang paghahatid ng idea sa kaniyang asawa ay maaaring itulad sa paghahagis ng bola sa kaniya. Maaari niyang marahang ihagis ito upang madali niyang masalo ito, o ibalibag ito nang malakas anupat masasaktan siya. Totoong makabubuti kung iiwasan nila kapuwa ang pagbabatuhan ng mga paratang at sa halip ay mag-usap sa isang mabait at mahinahong paraan!—Mateo 7:12; Colosas 4:6; 1 Pedro 3:3, 4.
14. Ano ang dapat mong gawin kapag ang iyong asawa ay walang kainte-interes sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa pag-aasawa?
14 Gaya ng nakita na natin, makatutulong sa iyo ang mga simulain ng Bibliya upang makapagtayo ng isang maligayang pag-aasawa. Ngunit papaano kung wala namang kainte-interes ang iyong asawa sa sinasabi ng Bibliya? Malaki pa rin ang magagawa kung ikakapit mo ang kaalaman ng Diyos sa iyong papel na ginagampanan. Sumulat si Pedro: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, ay mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae, dahil sa pagiging mga saksing nakakita sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2) Mangyari pa, kapit din ito sa asawang lalaki na ang asawa’y walang interes sa Bibliya. Anuman ang naising gawin ng iyong asawa, hayaang ikaw ay maging mas mabuting asawa dahil sa mga simulain sa Bibliya. Maaari ka ring maging isang mas mabuting magulang dahil sa kaalaman ng Diyos.
PAGPAPALAKI NG MGA ANAK AYON SA KAALAMAN NG DIYOS
15. Papaano naipapasa kung minsan ang mga maling paraan ng pagpapalaki sa mga anak, ngunit papaano maaaring baguhin ang ugaling ito?
15 Hindi komo ang isa’y may lagari o martilyo ay masasabi nang siya’y isang mahusay na karpintero. Gayundin naman, ang basta pagkakaroon ng anak ay hindi dahilan upang sabihing siya’y isang mahusay na magulang. Sinasadya man o hindi, karaniwan nang kung papaano sila pinalaki ng kanilang mga magulang ay gayundin ang pagpapalaki nila sa kanilang mga anak. Sa gayon, ang maling paraan ng pagpapalaki sa mga anak ay naipapasa kung minsan sa sunud-sunod na henerasyon. Ganito ang sabi ng sinaunang Hebreong kawikaan: “Mga ama ang mga kumakain ng hilaw na ubas, ngunit ang mga ngipin ng mga anak ang nangingilo.” Ngunit, ipinakikita ng Kasulatan na hindi naman kailangang sundin ng isang tao ang landas na itinatag ng kaniyang mga magulang. Makapamimili siya ng ibang daan, isa na naiimpluwensiyahan ng mga batas ni Jehova.—Ezekiel 18:2, 14, 17.
16. Bakit mahalagang paglaanan ang iyong pamilya, at ano ang kasali rito?
16 Inaasahan ni Jehova na bibigyan ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak ng wastong patnubay at pangangalaga. Sumulat si Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Napakatinding pananalita! Ang pagtupad sa iyong papel bilang tagapaglaan, na kasali rito ang pangangalaga sa pisikal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan ng iyong mga anak, ay pribilehiyo at pananagutan ng isang taong maka-Diyos. Nagbibigay ang Bibliya ng mga simulain na makatutulong sa mga magulang na makapagtayo ng isang maligayang kapaligiran para sa kanilang mga anak. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito.
17. Ano ang kailangan upang taglayin ng iyong mga anak sa kanilang puso ang batas ng Diyos?
17 Magpakita ng isang mainam na halimbawa. Pinag-utusan ang mga magulang na Israelita: “Dapat mong ikintal [ang mga salita ng Diyos] sa iyong anak at salitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” Ituturo ng mga magulang ang mga pamantayan ng Diyos sa kanilang mga anak. Subalit ganito ang paunang salita ng utos na ito: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay dapat na nasa iyong puso.” (Deuteronomio 6:6, 7) Oo, hindi maibibigay ng mga magulang ang wala sa kanila. Ang mga batas ng Diyos ay dapat munang mapaukit sa iyong sariling puso kung nais mong mapasulat ang mga iyon sa puso ng iyong mga anak.—Kawikaan 20:7; ihambing ang Lucas 6:40.
18. Sa pagpapahayag ng pag-ibig, papaano nagpakita si Jehova ng isang sukdulang halimbawa para sa mga magulang?
18 Pagbibigay-katiyakan ng iyong pag-ibig. Noong bautismo ni Jesus, ipinahayag ni Jehova: “Ikaw ang aking Anak, ang iniibig; ikaw ay aking sinang-ayunan.” (Lucas 3:22) Sa gayon ay kinilala ni Jehova ang kaniyang Anak, lubusang ipinadama ang pagsang-ayon niya sa kaniya at nagbigay-katiyakan sa Kaniyang pag-ibig. Pagkaraan ay sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Inibig mo ako bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 17:24) Samakatuwid, bilang maka-Diyos na mga magulang, bigyan ang inyong mga anak ng bibigan at pisikal na pagpapahayag ng inyong pag-ibig para sa kanila—at gawin itong palagi. Laging tandaan na ang “pag-ibig ay nagpapatibay.”—1 Corinto 8:1.
19, 20. Ano ang nasasangkot sa wastong pagdidisiplina sa mga anak, at papaano makikinabang ang mga magulang mula sa halimbawa ni Jehova?
19 Disiplina. Idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng maibiging disiplina. (Kawikaan 1:8) Ang mga magulang na nagpapabaya sa kanilang pananagutang patnubayan ang kanilang mga anak sa ngayon ay malamang na mapaharap sa masaklap na kahahantungan nito bukas. Gayunman, ang mga magulang ay binababalaan din na huwag namang magpapakalabis. “Kayong mga ama,” sulat ni Pablo, “huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Dapat iwasan ng mga magulang ang labis na pagtutuwid sa kanilang mga anak o pangungulit sa kanilang mga kakulangan at pamimintas sa kanilang mga pagsisikap.
20 Ang Diyos na Jehova, ang ating makalangit na Ama, ay nagpapakita ng halimbawa sa paglalaan ng disiplina. Ang kaniyang pagtutuwid ay hindi kailanman naging labis. “Kakailanganin kong lapatan ka ng parusa sa wastong antas,” ang sabi ng Diyos sa kaniyang bayan. (Jeremias 46:28) Dapat tularan ng mga magulang si Jehova sa bagay na ito. Ang disiplinang lumalabis sa makatuwirang antas o lumalampas sa sadyang layunin ng pagtutuwid at pagtuturo ay tiyak na nakasisira ng loob.
21. Papaano matitiyak ng mga magulang kung epektibo nga ang kanilang disiplina?
21 Papaano matitiyak ng mga magulang kung epektibo nga ang kanilang disiplina? Marahil ay itatanong nila sa kanilang sarili, ‘Ano ang nagagawa ng aking disiplina?’ Dapat na nakapagtuturo iyon. Dapat maunawaan ng iyong anak kung bakit ipinapataw ang disiplina. Dapat na alalahanin din ng mga magulang ang kalalabasan ng kanilang pagtutuwid. Totoo, halos lahat ng mga anak sa pasimula ay mayayamot sa disiplina. (Hebreo 12:11) Ngunit ang isang anak ay hindi kailanman dapat matakot o makadamang siya’y pinabayaan o magkaroon ng impresyon na siya’y likas na masama dahil sa disiplina. Bago ituwid ang kaniyang bayan, sinabi ni Jehova: “Huwag kang matakot, . . . sapagkat ako’y sumasaiyo.” (Jeremias 46:28) Oo, ang pagtutuwid ay dapat ilapat sa paraang nadarama ng inyong anak na kayo ay laging kasama niya bilang maibigin at matulunging mga magulang.
KUMUKUHA NG “MAGALING NA PATNUBAY”
22, 23.Papaano mo makukuha ang patnubay na kailangan upang makapagtayo ng isang maligayang pamilya?
22 Makapagpapasalamat tayo na si Jehova ay naglaan ng mga kagamitang kailangan natin upang makapagtayo ng isang maligayang pamilya. Ngunit ang basta pagtataglay ng mga kagamitan ay hindi sapat. Dapat tayong magsanay sa paggamit nito nang wasto. Halimbawa, baka ang isang tagapagtayo ay magkaroon ng di-kasiya-siyang ugali sa paraan ng paggamit ng kaniyang kasangkapan. Baka mali ang paggamit niya sa ilan sa mga ito. Sa ganitong mga kalagayan, ang kaniyang mga paraan ay malamang na magbunga ng mababang uri ng pagkakayari. Sa gayunding paraan, maaaring nakikita mo na ngayon ang di-mabubuting ugali na unti-unting pumapasok sa iyong pamilya. Ang ilan ay baka pinag-ugatan na at mahirap nang baguhin. Magkagayon man, sundin ang payo ng Bibliya: “Ang taong pantas ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ang siyang kumukuha ng magaling na patnubay.”—Kawikaan 1:5.
23 Makakukuha ka ng magaling na patnubay sa pamamagitan ng patuloy na pagkuha ng kaalaman ng Diyos. Maging alisto sa mga simulain ng Bibliya na kumakapit sa buhay pampamilya, at gumawa ng mga pagbabago kung saan kailangan. Tingnan ang maygulang na mga Kristiyano na nagpapakita ng isang mainam na halimbawa bilang mga asawa at mga magulang. Makipag-usap sa kanila. Higit sa lahat, sabihin ang iyong mga alalahanin kay Jehova sa panalangin. (Awit 55:22; Filipos 4:6, 7) Matutulungan ka niyang tamasahin mo ang isang maligayang buhay pampamilya na nagpaparangal sa kaniya.
[Talababa]
a Ang tanging maka-Kasulatang dahilan ng diborsiyo na nagpapahintulot sa muling pag-aasawa ay ang “pakikiapid”—pakikipagtalik sa hindi asawa.—Mateo 19:9.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Papaano tumutulong ang pagkamatapat, pag-uusap, karangalan, at paggalang sa isang maligayang pag-aasawa?
Sa anu-anong paraan makapagbibigay-katiyakan ang mga magulang sa kanilang mga anak na sila’y kanilang iniibig?
Anu-anong salik ang nasasangkot sa wastong disiplina?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 147]