Makikinabang Ka ba sa Di-sana-nararapat na Awa?
“MIENTRAS nalalaman ko ang mga pamantayan ng Diyos sa Bibliya, lalong nararamdaman ko na ako’y di-karapat-dapat sa kaniyang kagandahang-loob at pagpapala,” ang sabi ni Frank. Ang kaniyang interes sa Bibliya ay napukaw nang siya’y mapiit dahil sa paggamit ng mga bawal na gamot. Kaniyang nabasa ang isang sipi ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan,a anupa’t kaniyang natiyak na ang sinasabi niyaon ay katotohanan, at, pagkatapos na siya’y makalaya buhat sa piitan, kaniyang hinanap ang mga Saksi ni Jehova upang higit pang matuto tungkol sa Bibliya.
Bakit sa pag-aaral ng Bibliya ay kaniyang nadamang siya’y di-karapat-dapat? Dahilan sa ang kaniyang nakalipas na istilo ng pamumuhay ay labag sa marami sa mga simulain ng Diyos. Ang paggamit ng bawal na gamot, pag-aabuso sa alak, at iba pang masasamang bisyo ang nakapinsala nang husto sa kaniya kung kaya’t minsan isang pulis ang nagsabi sa kaniya: “Ipakibigay mo nga sa akin ang iyong direksiyon? Ibig ko lang malaman kung saan ipadadala ang bangkay mo!”
Subalit sa bandang huli ang nagpadama sa kaniya na siya’y talagang di-karapat-dapat, ay yaong bagay na gaano mang pagsisikap ang gawin niya, siya’y totoong nahirapan na daigin ang nakatanim nang maruruming ugaling ito. Halimbawa, ang nakahihiyang bisyong alkoholismo ay halos naggupo sa kaniya. “Ako’y paulit-ulit na nabigo at nakaranas ng matinding pamamanglaw,” ang sabi niya. “Ako’y halos sumuko na sa ganang sarili ko, anupa’t inakala ko na wala na akong pag-asa.”
Ang mga iba ay malamang na wala namang ganiyang nakalipas na gaya ng kay Frank. Gayunman, baka sila’y may matitinding damdamin na sila’y kapos na kapos. Ito’y maaari na ang dahilan ay sapagkat nagtatakda sila ng totoong napakatataas na mga pamantayan para sa kanilang sarili samantalang sinusubok nilang masunod ang kanilang inaakala na mga kahilingan ng Diyos. Pagka sila’y nabigo, kanilang nadaramang sila’y nagkasala. “Ang pagkadama ng pagkakasala ay maaaring mauwi sa isang pangit na panaginip,” ang paliwanag ni Dr. Claire Weekes sa kaniyang aklat na Self-Help for Your Nerves, “lalo na sa mga taong sumusubok na magtakda ng mataas na pamantayan para sa kanilang sarili.” Ano ba ang magagawa ng isang Kristiyano kung siya’y nakadarama na siya’y di-karapat-dapat?
Unawain ang Di-sana-nararapat na Awa
“Ang isang nakatulong sa akin nang malaki,” ang sabi ni Frank, “ay ang pagkaunawa sa sinasabi ng Bibliya sa Hebreo 4:15, 16.” Dito si apostol Pablo ay nagpapaalaala sa atin na si Jesus ay isang nagmamalasakit na tagatulong na “nahahabag sa ating mga kahinaan” at dahil sa kaniya kung kaya tayo’y “nagtatamo ng habag at nakasusumpong ng di-sana-nararapat na awa na tutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.”
Ibig mo bang malaman ang lihim kung papaano madadaig ang nadaramang pagkadi-karapat-dapat? Ito: Tandaan na ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ang nakaaalam na tayo’y mahihina dahilan sa minanang di-kasakdalan. Kanilang naunawaan na hindi tayo lubusang makasusunod sa matuwid na mga pamantayan. (Awit 51:5; Roma 3:23; 5:12, 18; Santiago 3:2) Kung gayon ay hindi nila inaasahan ang higit kaysa maibibigay natin. Ang tinitingnan nila ay ang ating mabubuting katangian, hindi ang ating mga kahinaan. Ang tanong ng salmista: “Kung mga kamalian ang iyong inaabangan, Oh Jah, Oh Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Mahuhulo mo na wala sa atin ang makatatayo. Gayunman, sa pamamagitan ng pantubos na hain ni Jesu-Kristo, maawaing mabibigyan tayo ni Jehova ng isang malinis na katayuan sa kabila ng ating di-kasakdalan. (1 Juan 2:2; 4:9, 10) Maaari nating makamit “ang kapatawaran ng ating mga kasalanan”—at sa gayo’y matulungan na madaig ang pagkadama natin na tayo’y di-karapat-dapat—“ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na awa.”—Efeso 1:7.
Malasin iyon sa ganitong paraan. Ang mga taong mahilig sa mga gawa ng sining ay magsasakripisyo nang malaki upang maisauli sa dati ang lubhang napinsalang mga painting o iba pang mga gawang sining. Halimbawa, sa National Gallery sa London, Inglatera, isang taong may baril ang nakapinsala sa isang drawing na iginuhit ni Leonardo da Vinci at ito’y nagkakahalaga ng £20 milyon (mga $32 milyon, U.S.) walang nagmungkahi na yamang napinsala na nga ang drawing na iyon, kailangan na itapon na. Agad-agad na nagsimula ang trabaho upang maisauli sa dati ang 487-anyos na obra-maestra. Bakit? Dahil sa mahalaga iyon sa paningin ng mga mahilig sa sining.
Hindi ba ikaw ay mas mahalaga kaysa sa isang drawing na iginuhit ng tisa at ng kapirasong uling? Sa paningin ng Diyos ay gayon nga—anumang laki ng taglay mong pinsala dahilan sa minanang pagkamakasalanan. (Awit 72:12-14; Mateo 20:28) Lahat ng kailangan ay gagawin ng Diyos na Jehova, ang dalubhasang orihinal na Maylikha ng pamilya ng sangkatauhan, upang isauli sa kasakdalan ang mga miyembro ng pamilyang iyan na kusang tutugon sa kaniyang maibiging pangangalaga.—Ihambing ang Gawa 3:21; Roma 8:20-22.
Tumugon Ka sa Di-sana-nararapat na Awa
Tularan ang halimbawa ni apostol Pablo. Lubhang pinahalagahan niya ang kagandahang-loob ng Diyos sa maawaing pagpapatawad sa kaniya sa kaniyang nakalipas na mga pagkakamali at sa patuloy na pag-alalay sa kaniya sa pagpupunyagi niya na madaig ang ulit at ulit na mga pagkakamali. (Roma 7:15-25; 1 Corinto 15:9, 10) Itinuwid ni Pablo ang kaniyang pamumuhay at kaniya ring ‘hinahampas ang kaniyang katawan at sinusupil na parang alipin’ upang makapagpatuloy sa pamumuhay na sinasang-ayunan ng Diyos. (1 Corinto 9:27) Hindi niya pinayagang ang kaniyang katawan, at ang makasalanang likas at emosyonal na mga hilig niyaon, ay sumupil sa kaniya na parang alipin.
Tanggapin mo ang di-nararapat na awa ng Diyos, at hayaan mo na ito ang umakay sa iyo sa pagsisisi. (Roma 2:4; 2 Corinto 6:1) Kung sakaling binabagabag ka ng nakaraang pagkakamali, ituwid mo ang mga iyan at pagkatapos ay maniwala ka sa katiyakang ibinibigay ni Jehova na ikaw ay pinatawad na niya. (Isaias 1:16-18; Gawa 2:38) Kung nagpapatuloy na ginagambala ka ng mga kahinaan, patuloy na labanan mo ang mga iyan. Taimtim na manalangin na tulungan kang madaig ang mga iyan at kasabay rin na isailalim mo ang iyong sarili sa kaniyang awa. (Awit 55:22) Batay sa kaniyang sariling karanasan, ganito ang payo ni Frank: “Pagka may sinumang manakanaka’y nabibigo sa kaniyang pakikipagbaka laban sa isang masamang kinaugalian, huwag niyang titingnan iyon na isang lubusang ultimong pagkabigo, kundi sa halip, ituring niya na iyon ay isang pansamantalang kabiguan.” Kung sa iyong mga problema ay may sinumang nagpapalubha sa kanilang paghiling sa iyo na gawin ang isang bagay na higit pa sa iyong maibibigay, alalahanin na ang Diyos ang ibig mong mapalugdan, hindi ang mga tao.—Galacia 1:10.
Sa iyong pakikibaka upang gawin ang matuwid, mag-ingat ka laban sa “mga tusong pakana” ni Satanas, na matatawag na “mga kadayaan ng Diyablo.” (Efeso 6:11, Reference Bible, talababa; Today’s English Version) Isaalang-alang ang dalawang “mga kadayaan” na kaniyang gagamitin upang subuking mahadlangan ka sa pakikinabang sa di-sana-nararapat na awa.
“Mga Kadayaan” ni Satanas
Sinasamantala ng Diyablo ang palagay mo na ikaw ay walang halaga upang mailayo ka sa Diyos. Si Satanas ang dahilan ng kasalanan na nakapipinsala sa iyo unang-una. Ngayon ay baka subukin ka na mahikayat na maniwalang ikaw ay walang halaga sa paningin ng Diyos, gaya ng sinubukang gawin ni Bildad kay Job. (Job 25:4-6; Juan 8:44) Ilan nang mga pakikibaka ang nabigo dahilan sa ang mga kawal ay pumasok sa labanan na pinanghihinaan na ng loob! Kaya, huwag payagang pahinain ni Satanas ang iyong kalooban. (Efeso 6:10-13) Kung alam natin ang mga pakana ni Satanas dapat na tayo’y mapalakas-loob na lalong puspusang makipagbaka upang magawa natin kung ano ang matuwid.—2 Corinto 2:11.
Kung paminsan-minsan ay pinalulungkot ka ng ganoo’t ganitong kabiguan, tiyakin mo na ikaw ay hindi ‘nadadaig ng labis na kalumbayan.’ (2 Corinto 2:7) Si Dr Claire Weekes ay may komento tungkol sa hilig ng iba na payagang ang nakaraang mga kamalian ay dumaig sa kanila: “Ang pagpapahintulot na ang nakalipas na pagkakasala’y pumigil sa kasalukuyang pagkilos ay kapaha-pahamak na pamumuhay.”—Tingnan ang Gawa 3:19.
Kung lahat ng mga hinihiling ng Diyos ay ating lubusang matutugunan, iyon ay magiging isang karapat-dapat na awa para tayo’y bigyan niya ng mga pagpapala na kaniyang ipinangako. Subalit ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay nagpapakita sa atin ng “di-sana-nararapat” na awa. Ang A Greek-English Lexicon of the New Testament, ni J. H. Thayer, ay nagpapaliwanag ng kahulugan ng salita na ginamit ni apostol Pablo upang ilarawan ang katangiang ito ng Diyos: “Ang salita [khaʹris] ay may ideya ng awa na nagkakaloob sa isa ng isang bagay na hindi karapat-dapat sa kaniya.” Walang mga gawa natin ang maaaring magsilbing bayad sa mga pagpapalang ibinibigay ng Diyos. Ito nga, gaya ng sabi ni Pablo, ay isang si-sana-nararapat na awa. Kung taimtim na ginagampanan mo ang lahat ng iyong magagawa ayon sa iyong makakaya upang tupdin ang iyong mga obligasyon sa Diyos, magpakaligaya ka sa paggawa mo niyan, hindi na hihigit pa ang hinihingi sa iyo ni Jehova.
Gayunman, maging listo ka sa isa pang “mga kadayaan” ni Satanas. Kaniyang inililigaw ang ilan sa pag-aakalang kanilang maaaring samantalahin ang di-sana-nararapat na awa ng Diyos, na kanilang napagsasamantalahan ang kaniyang habag. Maibiging pinatatawad ni Jehova ang ating mga kahinaan, subalit hindi ibig sabihin na tayo’y maaaring huminto ng pakikipagpunyagi upang mapagtagumpayan ang mga ito. Binanggit ni Pablo ang tungkol sa ilan na “yumurak sa Anak ng Diyos at . . . umalipusta sa espiritu ng di-sana-nararapat na awa.” (Hebreo 10:29) Ang mga ito ay hindi nagpakita ng paggalang sa matuwid na mga simulain at kanilang hinamak at niwalang-kabuluhan ang mga batas ng Diyos, na naglagay sa kanila sa kalagayan na kung saan hindi na sila maisasauli pa sa dati. Ang kapatid ni Jesus sa ina na si Judas, na nakakita sa panganib na likha ng gayong nailigaw ni Satanas, ay sumulat: “May mga taong nagsipasok nang lihim [sa mga kongregasyon], . . . mga taong liko, na ang di-sana-nararapat na awa ng ating Diyos ay ginagawang dahilan ng paggawa ng kalibugan.”—Judas 4.
Malamang na dinadaya ni Satanas ang gayong mga tao upang mag-isip na sila’y maaaring sadyang magpakabuyo sa gawang masama at pagkatapos ay hilingin sa Diyos na patawarin ang kanilang mga kasalanan. Subalit hindi patatawarin ni Jehova ang gayong sadyang lumalabag sa kaniyang mga batas. Siya’y “sagana sa kagandahang-loob” sa mga taong nagsusumikap na maglingkod sa kaniya sa pinakamagaling na magagawa nila sa kabila ng kanilang mga di-kasakdalan. “Subalit sa anumang paraan ay hindi niya iuurong ang pagpaparusa” kung iyon ay kinakailangan.—Exodo 34:6, 7.
Maaari Kang Makinabang sa Di-sana-nararapat na Awa
Nakagiginhawang malaman na hindi ka minamalas ni Jehova sa iyo lamang kalagayan na di-sakdal, at may kapinsalaan. Batid niya kung ano ang kalalabasan mo pagka lubusang ikinapit na sa iyo ang bisa ng inihandog ni Jesus na haing pantubos. Kung gayon, may tiwalang manalangin ka kay Jehova, gaya ng ginawa ng salmistang si David. “Maawa ka sa akin, Oh Diyos,” ang sabi ni David, “ayon sa iyong kagandahang-loob. Ayon sa karamihan ng iyong malumanay na kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang. Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan. Sapagkat nakikilala ko ang aking mga pagsalansang, at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko. Ikubli mo ang iyong mukha buhat sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang lahat kong pagkakamali. . . . Isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Diyos, ay hindi mo wawaling kabuluhan.”—Awit 51:1-3, 9, 17.
Ang iyong mga pagsalansang at mga pagkukulang ay marahil laging nasa harap mo. Kung minsan ay madarama mong ikaw ay katulad ng alibughang anak na inilarawan ni Jesus. Nang ang binatang ito’y bumalik sa tahanan pagkatapos na walang kahiya-hiyang lustayin sa ibang bansa ang kaniyang minana, siya’y bumulalas sa kaniyang ama: “Ako’y hindi na karapat-dapat na tawaging iyong anak”! (Lucas 15:21) Datapuwat, ang binatang ito ay may tamang saloobin. Hindi niya tinanggihan ang awa na ipinakita ng kaniyang ama ni kaniya mang pinagsamantalahan iyon. Kaya’t siya’y mapagmahal na tinanggap muli ng kaniyang ama doon sa kaniyang sambahayan. (Lucas 15:20-24) Si Jehova’y nagagalak na gawin din iyan sa ngayon para sa mga taong makasalanan na taimtim na nagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban.—Awit 103:8-14; Isaias 55:7.
Hindi pinayagan ni Frank na daigin siya ng paniwala na siya’y walang halaga. Siya’y tumugon sa di-sana-nararapat na awa ng Diyos, at ngayon siya’y naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Ako’y lumulundag ngayon sa kagalakan,” ang sabi niya, “pagka naiisip ko ang ginawa at gagawin pa para sa atin ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo!”
[Talababa]
a Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.