ARALING ARTIKULO 32
Hayaang Sumagana ang Inyong Pag-ibig
“Lagi kong ipinapanalangin na patuloy na sumagana ang inyong pag-ibig.”—FIL. 1:9.
AWIT 106 Mahalaga ang Pag-ibig
NILALAMANa
1. Sino ang mga tumulong sa pagbuo ng kongregasyon sa Filipos?
NANG dumating sina apostol Pablo, Silas, Lucas, at Timoteo sa kolonya ng Roma na Filipos, marami silang nakitang interesado sa mensahe ng Kaharian. Tumulong ang masisigasig na kapatid na ito sa pagbuo ng kongregasyon, at ang mga naging alagad ay nagsimulang magtipon, malamang sa bahay ng mapagpatuloy na kapatid na si Lydia.—Gawa 16:40.
2. Ano ang naging problema ng bagong kongregasyong iyon?
2 Pero nagkaproblema agad ang bagong kongregasyon. Inudyukan ni Satanas ang mga kaaway ng katotohanan na hadlangan ang pangangaral ng tapat na mga Kristiyanong ito. Sina Pablo at Silas ay inaresto, pinagpapalo, at ibinilanggo. Matapos lumaya, dinalaw nila ang mga bagong alagad at pinatibay ang mga ito. Pagkatapos, umalis na sa lunsod sina Pablo, Silas, at Timoteo, pero malamang na naiwan doon si Lucas. Ano naman ang nangyari sa bagong-tatag na kongregasyon? Sa tulong ng espiritu ni Jehova, ang mga bagong Kristiyanong ito ay patuloy na naglingkod nang masigasig kay Jehova. (Fil. 2:12) Siguradong tuwang-tuwa si Pablo sa kanila!
3. Gaya ng mababasa sa Filipos 1:9-11, ano ang ipinanalangin ni Pablo?
3 Pagkalipas ng mga 10 taon, sumulat si Pablo sa kongregasyon ng Filipos. Habang binabasa mo ang liham na iyon, makikita mo agad kung gaano kamahal ni Pablo ang kaniyang mga kapatid. “Gustong-gusto ko kayong makita, dahil mahal na mahal ko kayong lahat, gaya ng pagmamahal sa inyo ni Kristo Jesus,” ang sabi niya. (Fil. 1:8) Sinabi niya sa liham na ipinapanalangin niya sila. Hinihiling niya kay Jehova na tulungan silang sumagana sa pag-ibig, matiyak ang mas mahahalagang bagay, manatiling taimtim, huwag makatisod, at patuloy na magkaroon ng matuwid na mga bunga. Tiyak na marami tayong matututuhan sa mga sinabing iyon ni Pablo. Kaya basahin natin ang liham niya sa mga taga-Filipos. (Basahin ang Filipos 1:9-11.) Pagkatapos, talakayin natin ang mga puntong binanggit niya at kung paano natin masusunod ang bawat isa sa mga iyon.
SUMAGANA SA PAG-IBIG
4. (a) Sa 1 Juan 4:9, 10, paano ipinakita ni Jehova kung gaano niya tayo kamahal? (b) Paano natin dapat ibigin ang Diyos?
4 Ipinakita ni Jehova kung gaano niya tayo kamahal nang isugo niya ang kaniyang Anak sa lupa para mamatay at matubos tayo sa kasalanan. (Basahin ang 1 Juan 4:9, 10.) Dahil sa mapagsakripisyong pag-ibig ng Diyos sa atin, nauudyukan tayong ibigin din siya. (Roma 5:8) Paano natin dapat ibigin ang Diyos? Sinagot iyan ni Jesus nang sabihin niya sa isang Pariseo: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” (Mat. 22:36, 37) Ayaw nating may kaagaw ang Diyos sa pag-ibig natin. Sa halip, gusto nating mapalalim pa ang pag-ibig natin sa kaniya araw-araw. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos na dapat na “patuloy na sumagana ang . . . pag-ibig” nila. Paano natin mapapalalim ang pag-ibig natin sa Diyos?
5. Paano natin mapapalalim ang ating pag-ibig?
5 Kailangan muna nating makilala ang Diyos para mahalin natin siya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, dahil ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Sinabi ni apostol Pablo na lumalalim ang pag-ibig natin sa Diyos habang nagkakaroon tayo ng “tumpak na kaalaman at malalim na unawa” tungkol sa Kaniya. (Fil. 1:9) Nang una tayong mag-aral ng Bibliya, minahal na natin ang Diyos kahit kaunti pa lang ang alam natin tungkol sa kaniya. At habang nakikilala natin si Jehova nang higit, lalong lumalalim ang pag-ibig natin sa kaniya. Kaya napakahalaga talagang regular na pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ito!—Fil. 2:16.
6. Ayon sa 1 Juan 4:11, 20, 21, paano tayo sasagana sa pag-ibig?
6 Dahil sa matinding pag-ibig sa atin ng Diyos, nauudyukan tayong mahalin din ang mga kapatid natin. (Basahin ang 1 Juan 4:11, 20, 21.) Baka iniisip nating madali lang namang mahalin ang mga kapatid. Tutal, sumasamba tayo kay Jehova at nagsisikap tayong tularan siya. Tinutularan din natin si Jesus, na nagpakita ng matinding pag-ibig sa atin nang ibigay niya ang sarili niyang buhay para sa atin. Pero kung minsan, baka mahirapan tayong sumunod sa utos na mahalin ang isa’t isa. Tingnan ang isang halimbawa sa kongregasyon ng Filipos.
7. Ano ang matututuhan natin sa payo ni Pablo kina Euodias at Sintique?
7 Sina Euodias at Sintique ay masisigasig na sister na parehong nakasama ni apostol Pablo sa paglilingkod. Pero posibleng nagkaroon sila ng di-pagkakaunawaan kaya nasira ang pagkakaibigan nila. Sa liham ni Pablo sa kongregasyong kinauugnayan ng dalawang sister, espesipiko niyang binanggit sina Euodias at Sintique at pinayuhang “magkaroon ng iisang kaisipan.” (Fil. 4:2, 3) Naisip ni Pablo na kailangan niyang sabihan ang buong kongregasyon: “Patuloy ninyong gawin ang lahat ng bagay nang hindi nagbubulong-bulungan o nakikipagtalo.” (Fil. 2:14) Siguradong nakatulong ang maliwanag na payo ni Pablo, hindi lang sa tapat na mga sister na iyon kundi pati na sa buong kongregasyon, para higit nilang mahalin ang isa’t isa.
8. Bakit nahihirapan tayo kung minsan na mahalin ang mga kapatid natin, at paano natin ito maiiwasan?
8 Gaya nina Euodias at Sintique, nahihirapan tayo kung minsan na mahalin ang iba dahil mas nakikita natin ang mga pagkakamali nila. Lahat tayo ay nagkakamali araw-araw. Kung magpopokus tayo sa mga pagkakamali ng iba, lalamig ang pag-ibig natin sa kanila. Halimbawa, kung makalimutan ng isang kapatid na tulungan tayong maglinis ng Kingdom Hall, baka mainis tayo. At kung babalikan pa natin ang lahat ng pagkakamaling nagawa ng kapatid na iyon, baka lalo tayong mainis at mabawasan ang pagmamahal natin sa kaniya. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, magandang tandaan ito: Nakikita ni Jehova ang mga pagkakamali natin at ang mga pagkakamali ng ating kapatid. Pero mahal pa rin niya ang kapatid natin, at mahal pa rin niya tayo. Kaya tularan natin ang pag-ibig ni Jehova at magpokus tayo sa magagandang katangian ng ating mga kapatid. Kung magsisikap tayong mahalin ang mga kapatid natin, lalong titibay ang ating buklod ng pagkakaisa.—Fil. 2:1, 2.
“ANG MAS MAHAHALAGANG BAGAY”
9. Ano-ano ang kasama sa “mas mahahalagang bagay” na binanggit ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Filipos?
9 Sa patnubay ng banal na espiritu, nagbigay si Pablo ng tagubilin sa mga taga-Filipos—at sa lahat ng Kristiyano—na ‘tiyakin kung ano ang mas mahahalagang bagay.’ (Fil. 1:10, tlb.) Kasama sa mahahalagang bagay na ito ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, ang katuparan ng mga layunin niya, at ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon. (Mat. 6:9, 10; Juan 13:35) Kapag ang mga ito ang pinakamahalaga sa buhay natin, naipapakita nating mahal natin si Jehova.
10. Paano natin maipapakita na taimtim tayo, o walang kapintasan?
10 Sinabi rin ni Pablo na dapat tayong ‘manatiling taimtim.’ Ang salitang Griego na ginamit para dito ay isinasalin ding “maging walang kapintasan.” Pero hindi naman ibig sabihin nito na kailangan nating maging perpekto. Imposibleng maging gaya tayo ng Diyos na Jehova na wala talagang kapintasan. Pero ituturing tayo ni Jehova na walang kapintasan kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya para mapalalim ang pag-ibig natin at matiyak kung ano ang mas mahahalagang bagay. Maipapakita natin ang ating pag-ibig kapag ginagawa natin ang lahat para hindi tayo makatisod sa iba.
11. Bakit dapat nating iwasang makatisod sa iba?
11 Seryosong tagubilin ang huwag makatisod sa iba. Paano ba tayo puwedeng makatisod? Puwede tayong makatisod sa mga pinipili nating libangan, damit, o trabaho. Baka wala naman talagang mali sa pinili natin. Pero kung hindi tanggap ng konsensiya ng iba ang desisyon natin at natisod siya, seryosong bagay iyon. Sinabi ni Jesus na mas mabuti pang bitinan ang leeg natin ng isang mabigat na bato at ihulog tayo sa dagat kaysa sa makatisod tayo sa kaniyang tupa!—Mat. 18:6.
12. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng isang mag-asawang payunir?
12 Pansinin kung paano isinapuso ng isang mag-asawang payunir ang babala ni Jesus. Sa kongregasyon nila, may mag-asawang bagong bautisado na galing sa pamilyang masyadong konserbatibo. Para sa mag-asawang baguhan, hindi dapat manood ng sine ang mga Kristiyano, kahit katanggap-tanggap naman ang palabas. Natisod sila nang malaman nilang nanood ng sine ang mag-asawang payunir. Kaya simula noon, ang mag-asawang payunir ay umiwas muna sa panonood ng sine hanggang sa maging balanse ang konsensiya ng mag-asawang baguhan. (Heb. 5:14) Sa ginawa nilang ito, napatunayan nilang mahal nila ang kanilang bagong mga kapatid, hindi lang sa salita, kundi pati sa gawa.—Roma 14:19-21; 1 Juan 3:18.
13. Paano tayo puwedeng maging dahilan para magkasala ang iba?
13 Nakakatisod din tayo kapag nagiging dahilan tayo para magkasala ang iba. Paano puwedeng mangyari iyon? Pag-isipan ang sitwasyong ito. Pagkatapos ng matagal na pakikipaglaban ng isang Bible study sa kaniyang adiksiyon sa alak, napagtagumpayan niya rin ito. Nagdesisyon siyang hinding-hindi na siya iinom ng alak. Mabilis siyang sumulong hanggang sa mabautismuhan siya. Pero minsan, sa isang salusalo ng mga kapatid, hinikayat siya ng host na uminom ng alak. Sinabi nito: “Kristiyano ka na. May espiritu ka na ni Jehova; may pagpipigil ka na sa sarili. Kaya hindi ka mapaparami ng inom.” Alam na natin kung ano ang puwedeng mangyari sa baguhang brother kung makikinig siya sa maling payong iyon!
14. Paano nakakatulong ang mga Kristiyanong pagpupulong para masunod natin ang payo sa Filipos 1:10?
14 Nakakatulong ang mga Kristiyanong pagpupulong para masunod natin ang payo sa Filipos 1:10. Una, naipapaalaala sa atin ng mga tinatalakay sa pulong kung ano ang pinakamahalaga kay Jehova. Ikalawa, natututo tayong isabuhay ang mga napag-aaralan natin para maipakitang taimtim tayo, o walang kapintasan. At ikatlo, napapasigla tayong “magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti.” (Heb. 10:24, 25) Habang napapatibay tayo ng mga kapatid, lalong lumalalim ang pag-ibig natin sa Diyos at sa ating mga kapatid. At kapag mahal natin ang Diyos at ang mga kapatid natin nang buong puso, gagawin natin ang lahat para hindi tayo makatisod sa iba.
LAGING ‘MAGING SAGANA SA MATUWID NA MGA BUNGA’
15. Ano ang ibig sabihin ng ‘maging sagana sa matuwid na mga bunga’?
15 Marubdob na ipinanalangin ni Pablo na ang mga taga-Filipos ay ‘maging sagana sa matuwid na mga bunga.’ (Fil. 1:11) Siguradong kasama sa “matuwid na mga bunga” ang pag-ibig nila kay Jehova at sa bayan niya. Kasama rin dito ang pagsasabi sa iba ng pananampalataya nila kay Jesus at ng napakaganda nilang pag-asa. Sa Filipos 2:15, ginamit naman ang pananalitang ‘sumikat bilang liwanag sa mundo.’ Angkop iyan dahil tinawag ni Jesus ang mga alagad niya na “liwanag ng sangkatauhan.” (Mat. 5:14-16) Inutusan din niya ang mga tagasunod niya na “gumawa ng mga alagad,” at sinabi niyang sila ay “magiging mga saksi . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Mat. 28:18-20; Gawa 1:8) Nagkakaroon tayo ng “matuwid na mga bunga” kapag aktibo tayo sa pinakamahalagang gawaing ito.
16. Paano ipinapakita ng Filipos 1:12-14 na puwede tayong sumikat bilang liwanag kahit nasa mahirap na sitwasyon? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
16 Anuman ang sitwasyon natin, puwede tayong sumikat bilang liwanag. Kung minsan, ang mga bagay na parang hadlang sa pangangaral natin ay nagiging daan pa nga para makapangaral tayo. Halimbawa, nakabilanggo si apostol Pablo sa tirahan niya sa Roma nang sumulat siya sa mga taga-Filipos. Pero hindi siya tumigil sa pangangaral; nagpatotoo siya sa mga nagbabantay at dumadalaw sa kaniya. Masigasig na nangaral si Pablo kahit ganoon ang sitwasyon niya, at nagpalakas iyan ng loob ng mga kapatid na ‘ihayag ang salita ng Diyos nang walang takot.’—Basahin ang Filipos 1:12-14; 4:22.
17. Paano patuloy na nakakapangaral ang ilang kapatid sa ngayon kahit may pagbabawal?
17 Marami tayong kapatid na tumutulad sa lakas ng loob ni Pablo. Nakatira sila sa mga bansang ipinagbabawal ang pangangaral sa publiko o sa bahay-bahay, kaya humahanap sila ng ibang paraan para maipangaral ang mabuting balita. (Mat. 10:16-20) Sa isa sa mga bansang iyon, iminungkahi ng isang tagapangasiwa ng sirkito na bawat mamamahayag ay mangaral sa sarili niyang “teritoryo”—mga kapamilya, kapitbahay, kaeskuwela, katrabaho, at kakilala. Sa loob lang ng dalawang taon, dumami ang mga kongregasyon sa sirkitong iyon. Baka malaya naman tayong nakakapangaral sa bansa natin. Pero may matututuhan pa rin tayo sa ating mapamaraang mga kapatid: Laging humanap ng paraan para lubusang makapangaral at magtiwalang ibibigay ni Jehova ang lakas na kailangan mo para malampasan ang anumang hadlang.—Fil. 2:13.
18. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
18 Sa panahong ito, lalo nang dapat tayong maging determinadong sundin ang payo ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos. Tiyakin sana natin kung ano ang mas mahahalagang bagay; manatili tayong taimtim, o walang kapintasan; iwasan nating makatisod sa iba; at magpakita tayo ng matuwid na mga bunga. Sa gayon, sasagana tayo sa pag-ibig at mapaparangalan natin ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova.
AWIT 17 Handang Tumulong
a Ngayon natin higit na kailangang patibayin ang ating pag-ibig sa mga kapatid. Matututuhan natin sa liham sa mga taga-Filipos kung paano tayo sasagana sa pag-ibig kahit may mga pagsubok.
b LARAWAN: Habang naglilinis ang mga kapatid sa Kingdom Hall, huminto ang brother na si Joe para makipag-usap sa isang mag-ama. Nainis si Mike, ang brother na nagba-vacuum. Naisip niya, ‘Dapat naglilinis siya, hindi nakikipagkuwentuhan.’ Pagkatapos, nakita ni Mike na inaalalayan ni Joe ang isang may-edad na sister. Natuwa si Mike at naisip niyang mahalagang mas magpokus siya sa magagandang katangian ni Joe.
c LARAWAN: Sa isang bansa kung saan hindi malayang nakakapangaral ang mga Saksi, maingat na nangaral ang isang brother sa isang kakilala. Pagkatapos, habang break niya sa trabaho, nangaral naman siya sa isa niyang katrabaho.