Nasasangkapan Para sa Paglilingkurang Misyonero sa Dekada ng 1990
ISANG natatanging panahon ang nagsisimula para sa paglilingkurang misyonero. Ngayong ang mga pinto ng pagkakataon ay nagbubukas sa maraming bagong larangan, lahat ng tapat na mga Saksi ni Jehova ay sabik na sumulong tungo sa isang lalong malawak na gawain.
Kaya taglay ang matinding pananabik ang 24 na mag-aarál sa ika-89 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead ay dumalo sa kanilang programa ng graduwasyon noong Setyembre 9, 1990. Ang dumalo ay mahigit na 5,000 inanyayahang panauhin at mga miyembro ng pamilyang Bethel na nagtipon para sa graduwasyon ng bagong mga misyonerong ito, na tumanggap na ng kanilang mga atas ng paglilingkod sa sampung bansa. Ang buong programa ay doon nanggaling sa Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Jersey City, New Jersey, at narinig din ng mga naroroon sa Brooklyn Bethel, Watchtower Farms, at sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York.
Karakaraka sa ganap na ika-10:00 n.u., si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at chairman para sa araw na iyon, ay humiling na awitin ang isang pambungad na awit. Pagkatapos, nanguna sa panalangin si Arthur Worsley ng pamilyang Bethel sa Brooklyn. Pagkatapos ay binanggit ng chairman ang Gawa 10:33, na kung saan ang senturiong Romano na si Cornelio ay nagsabi kay Pedro: “Kaming lahat ay naririto sa harap ng Diyos upang makinig sa lahat ng bagay na iniutos sa iyo ni Jehova na salitain.” Napansin na ang makasaysayang pangyayaring naganap noong kaarawan ni Pedro ay nagbukas ng daan upang ang mabuting balita ay maipangaral sa mga tao ng lahat ng bansa.
Si Philip D. Wilcox, na taga-Watchtower Farms, ang nagbigay ng una sa pitong masisiglang pahayag. Batay sa Filipos 4:7, ang kaniyang ipinahayag na tema ay “Hayaang ang Kapayapaan ng Diyos ay Tumulong sa Inyo sa Atas sa Inyo.” Sinabi niya: “Ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng tunay na kapayapaan. Siya’y nagtatamasa ng kapayapaan sa isang lubusan, o ganap, na diwa at hindi nakararanas ng anumang suliranin sa kabalisahan, pagkabahala, o ligalig ng isip. Kaya naman, may katahimikan at kapayapaan na nakapalibot sa maningning na presensiya ni Jehova sa kaniyang trono, gaya ng ipinakikita ng kulay esmeraldang-luntiang bahaghari na nakita ni Juan sa pangitain. (Apocalipsis 4:2, 3) Ang kaniyang kapayapaan ay may lawak na lampas pa sa mismong kinaroroonan niya at natutulungan ang lahat ng nagnanais na sila’y tulungan. Kayo ba’y patutulong?” Binalangkas ni Brother Wilcox ang dalawang mahalagang tulong, panalangin at ang pagsang-ayon na hintayin si Jehova. (Mikas 7:7; Filipos 4:6) Hindi pinapayagan ng Diyos ang anumang makapagdudulot sa atin ng walang-katapusang pinsala, ang napansin niya.
Si Lloyd Barry, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay sumunod na nagpahayag sa temang “Palaging Ngumiti.” Kaniyang sinimulan ito sa pagsasabing, “Ang pagtawa ay magaling na gamot.” Kaniyang natatandaan ang pangungusap na iyan sapagkat noong 1955 ay iyan ang temang nasa pabalat ng unang labas ng magasing Gumising! sa wikang Hapones. Ngunit anong uri ng pagtawa? Hindi yaong sobrang-ingay, walang-kabuluhang “pagtawa ng mangmang.” (Eclesiastes 7:6) Bagkus, ito ang masaya, maluwag na tawanan ng mga misyonero at ng mga iba pa na tumutugon sa paanyaya ni David na laging “mangagalak kay Jehova.” (Awit 32:11) Napansin ni Brother Barry na sa kabila ng mahigpit na pagsubok, si Job ay naari pa ring patuloy na ngumiti, sapagkat batid niya na siya’y nananatiling tapat sa Diyos. Ang mga misyonero na matatag sa kabila ng mahihirap na karanasan na katulad ng kay Job ay tatanggap ng lalong malaking pagpapala sa wakas. (Job 29:24; 42:12) Ang tagapagpahayag ay nagtapos: “Kayo’y maging laging magawain, palaging ngumiti, at kayo man ay tatanggap ng walang-hanggang ngiti ng pagsang-ayon ni Jehova.”
Ang sumunod na tagapagpahayag ay si Richard E. Abrahamson, na pumili ng temang “Makilala Nawa ng Lahat ng Tao ang Inyong Pagkamakatuwiran,” batay sa Filipos 4:5. Sang-ayon sa Griegong pinagbabatayan, ang salitang “makatuwiran” ay maaaring magpahiwatig ng diwa ng “pakikibagay.” May mga misyonerong nagkaroon ng mga suliranin dahil lamang sa personal na mga kagustuhan. Ang isa ay nabigla sa isang kapuwa misyonero sa kaniyang paraan ng padaskul-daskol na paghiwa ng isang piraso ng keso sa mesa. Pagkaraan ng 22 taon ng paglilingkurang misyonero, napansin niyaong nabiglang iyon na karamihan ng mga suliranin ay nagsisimula sa mga bagay na di-gaanong mahalaga na katulad na nga kung papaano humihiwa ng keso ang isang tao. Nagpayo ang tagapagpahayag: “Matutong bumagay, tulad ng isang punungkahoy na nasa landas ng isang ipuipo. Maraming mapapakinabang sa pagiging marunong bumagay, tulad halimbawa ng pagkakaroon ng kakayahan na makapagtiis sa mga pagsubok at manatili sa iyong atas taglay ang kapayapaan ng isip.”
Tinalakay ni Milton G. Henschel, ng Lupong Tagapamahala, ang temang “Isang Malaking Pintuang Patungo sa Gawain ang Bukás.” Napansin ni Brother Henschel na si Jesus ay maibigin sa tao, maawain sa kanila, at sila’y tinuruan ng maraming bagay. Mula sa Efeso si apostol Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto: “Sa akin ay nabuksan ang isang pintuang malaki na patungo sa gawain, ngunit maraming mananalansang.” (1 Corinto 16:8, 9) Sa kabila ng pananalansang na ito, si Pablo ay nagturo sa auditorium ng paaralan ni Tiranno sa loob ng dalawang taon, kung kaya’t ang balita ng Kaharian ay nakilala sa buong purok ng Asia. (Gawa 19:9, 10) Ang pintuang bukás ay umakay sa kaniya sa tagumpay sa kaniyang pangangaral. Ang kongregasyon sa Efeso ay aktibo pa rin hanggang sa katapusan ng unang siglo.—Apocalipsis 2:1-7.
Si Jack D. Redford, isang instruktor sa Gilead ay nagpahayag sa temang “Patuloy na Subukin Kung Ano Kayo.” (2 Corinto 13:5) Ang mga misyonero sa Gilead ay nagbubukas ng mga bagong larangan at nagpapalakas sa mga kongregasyon na umiiral na, na nagtitiis nang malaki at sumasalansang sa silo na iniuumang ng Diyablo upang sila’y maihiwalay. At ang mga baguhan ay patuloy na sumasama. Sa pamamagitan ng dalawang buháy na mga karanasan, ipinaghalimbawa ng instruktor kung gaano kahalaga na subukin ang pananampalataya ng isang tao. Isang misyonero ang nawalan ng kaniyang mga pribilehiyo pagkatapos na may pagmamataas na ipagwalang-bahala niya ang babala at payo tungkol sa isang maling landasin. Subalit, isa namang misyonera ang namalagi sa kaniyang atas taglay ang kagalakan, bagaman sa kaniyang unang tatlong buwan doon, siya’y naging buto’t balat na lamang dahilan sa pagkakasakit na ang resulta’y panlulugon ng kaniyang buhok at pagkawala ng kaniyang pandinig. Siya’y naroroon pa rin pagkaraan ng 42 taon at, sa pamamagitan ng mga pag-aaral sa Bibliya, ay nakatulong sa 156 katao upang mabautismuhan. Nagtapos si Brother Redford: “Labanan ninyo ang Diyablo, at siya’y tatakas sa inyo. Kailanman ay huwag kayong kakagat sa kaniyang pain. Patuloy na patunayan kung ano nga kayo sa inyong sarili. Kayo’y tutulungan ni Jehova.”
Sumunod, isa pang instruktor, si Ulysses V. Glass, ay nagpahayag sa temang “Ang Karunungan ay Nasa Mahihinhin.” (Kawikaan 11:2) Siya’y gumamit ng isang relong pambraso na may bateryang solar-powered upang ipaghalimbawa na magagawa ng ilaw ng Salita ng Diyos na tayo’y patuluyang “kargahan.” “Subalit,” kaniyang binanggit, “kung kaalaman lamang na mag-isa ay hindi nagbibigay ng karunungan. Isang kahilingan ng Diyos ang kahinhinan.” (Mikas 6:8) Ang kahinhinan ay aakay sa atin na matakot sa Diyos, at “ang pagkatakot kay Jehova ay pasimula ng karunungan.” (Kawikaan 9:10) Totoo, kailangang isipin natin ang isang bagay tungkol sa ating sarili; ang pagkondena sa sarili ay maaaring makapinsala. Si Jehova’y nagkaloob ng pantanging kakayahan sa ilan, gaya ng kaniyang ginawa noong itinatayo ang tabernakulo, ngunit ang katapatan na may kahinhinan ay kailangang pasulungin. “Sa panahon ng inyong pag-aaral,” ang sabi ni Brother Glass sa klase, “pinatunayan ninyo na kayo’y maaasahan at kagalang-galang. Ipamalas ninyo ang ganito ring katapatan pagka kayo’y nasa inyong teritoryo na, at kayo’y pagpapalain ng Diyos.”
Si Albert D. Schroeder, ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng tampok na pahayag na pinamagatang “Nasasangkapang Mainam Para sa Paglilingkurang Misyonero sa Dekada ng 1990.” Ganito siya nagsimula: “Ang dekada ng 1990 ay nagkaroon na ng isang naghuhumugong na pagsisimula. Maraming mga bansa sa Silangang Europa ang nayanig. Mga ilang buwan na ngayon na nabuksan ang Pader ng Berlin. Ang The New York Times ay may paulong balita: ‘Agosto 1990, ang Buwan na Yumanig sa Daigdig.’ Samakatuwid, kayong mga nagtapos ay nabubuhay sa isang panahon ng pagyanig. Ang inyo bang limang buwang pag-aaral ay naghanda sa inyo para riyan? Tiyak na oo!” Pagkatapos ay binanggit niya ang ilan sa pantulong na mga katangian ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References at kung papaano ang pag-aaral nito ay bumuhay sa Salita ng Diyos. Ang isa pang mahalagang instrumento na nagsangkap sa mga estudyante ay “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial,” na ngayon ay may rebisadong 1990 edisyon. Ang publikasyon kamakailan na Mankind’s Search for God ay dapat ding maging mabisang tulong para sa mga misyonero. Nagtapos si Brother Schroeder: “Kaya ngayon, mga kapatid, pasalamatan ninyo si Jehova dahil sa kahanga-hanga, walang-maitutumbas na edukasyon na nakamtan ninyo—isa na matatag at hindi makikilos. Humayo kayo na taglay ang pagpapala ni Jehova at lubusang magtiwala sa kaniya at sa ating kahanga-hangang Lider, si Jesu-Kristo. Ang mga salita na taglay natin sa Kasulatan ay tunay na kinasihan at aakay at papatnubay sa inyo sa pagmimisyonero.”
Binasa ang mga pagbati na galing sa 11 bansa. Tinanggap ng mga mag-aarál ang kanilang mga diploma, at isa sa kanila ang bumasa ng isang taus-pusong liham sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel.
Ang sesyon sa hapon ay may pinaikling pag-aaral ng Ang Bantayan, na pinangunahan ni David L. Walker, isang miyembro ng Watchtower Farms Committee. Pagkatapos ay ginamit ng mga mag-aarál ang nakapagbibigay-inspirasyong tema na “Ang Bisa ng Panalangin sa Pangangaral” sa pag-akto ng mga karanasan sa larangan. Isang lokal na kongregasyon ang nagtanghal ng masiglang drama na Pinalaya Upang Itaguyod ang Tunay na Pagsamba, salig sa pagbabalik ni Ezra sa Jerusalem upang ipagpatuloy ang tunay na pagsamba. Si Brother Frederick W. Franz, ang pangulo ng Gilead School, ang nagtapos sa pamamagitan ng isang nakapupukaw na panalangin.
[Larawan sa pahina 24]
Ika-89 na Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay may bilang mula harap palikod, at ang mga pangalan ay nakasulat mula kaliwa pakanan sa bawat hanay. (1) Ahr, K.; Johnston, L.; Ng Ying Kin, V.; Sukkau, A.; Rodriguez, A.; Myklebust, N. (2) Ahr, H.; Verbeek, P.; Verbeek, K.; DeBolt, S.; DeBolt, S. (3) Sukkau, W.; Ayala, L.; Ayala, S.; Jenson, R.; Ng Ying Kin, J.; Myklebust, T. (4) Rodriguez, C.; Ferlisi, G.; Ferlisi, L.; Tank, J.; Jenson, K.; Tank, J.; Johnston, P.