Isuot at Panatilihin ang Bagong Personalidad
“Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad.”—COL. 3:10.
1, 2. (a) Bakit makakaya nating isuot ang bagong personalidad? (b) Anong mga katangian ng bagong personalidad ang nakaulat sa Colosas 3:10-14?
“BAGONG personalidad.” Ang pananalitang iyan ay dalawang beses na lumilitaw sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. (Efe. 4:24; Col. 3:10) Tumutukoy ito sa personalidad na “nilalang ayon sa kalooban ng Diyos.” Pero makakaya ba nating isuot ang bagong personalidad na iyan? Oo. Dahil nilalang ni Jehova ang mga tao ayon sa kaniyang larawan, puwede nating tularan ang kaniyang magagandang katangian.—Gen. 1:26, 27; Efe. 5:1.
2 Totoo, dahil sa minana nating di-kasakdalan, kung minsan ay nagkakaroon tayo ng maling mga pagnanasa. Naiimpluwensiyahan din tayo ng ating kapaligiran. Pero sa tulong ni Jehova, puwede nating malinang ang pagkatao na gusto niya para sa atin. Para lalo tayong magsikap na abutin ang tunguhing iyan, tatalakayin natin ang ilang katangian na bahagi ng bagong personalidad na tinukoy ni apostol Pablo. (Basahin ang Colosas 3:10-14.) Tatalakayin din natin kung paano natin maipakikita ang mga katangiang ito sa ating ministeryo.
‘KAYONG LAHAT AY IISA’
3. Ano ang isang katangian ng bagong personalidad?
3 Matapos ibigay ang payo na isuot ang bagong personalidad, ipinaliwanag ni Pablo na isang mahalagang bahagi nito ay ang kawalang-pagtatangi. Sinabi niya: “Walang Griego ni Judio, pagtutuli ni di-pagtutuli, banyaga, Scita, alipin, taong laya.”a Bakit hindi dapat magkaroon ng pagtatangi-tangi sa kongregasyon ayon sa lahi, nasyonalidad, o katayuan sa lipunan? Dahil ang mga tunay na tagasunod ni Kristo ay ‘iisa.’—Col. 3:11; Gal. 3:28.
4. (a) Paano dapat makitungo sa iba ang mga lingkod ni Jehova? (b) Anong sitwasyon ang maaaring maging hamon sa pagkakaisa ng mga Kristiyano?
4 Ang mga nagbihis ng bagong personalidad ay nakikitungo nang may dignidad sa kanilang mga kapananampalataya at sa mga tagalabas, anuman ang lahi o katayuan sa lipunan ng mga ito. (Roma 2:11) Hindi madaling gawin ito sa ilang parte ng mundo. Halimbawa, sa South Africa, karamihan sa mga Saksi ay nakatira pa rin sa mga lugar na itinakda ng gobyerno para sa kanilang lahi. Para pasiglahin ang mga kapatid na “magpalawak,” inaprobahan ng Lupong Tagapamahala noong Oktubre 2013 ang isang espesyal na kaayusan. Tutulong ito para mas magkakilala ang mga kapatid na magkakaiba ang lahi. (2 Cor. 6:13) Ano ang kalakip dito?
5, 6. (a) Anong mga kaayusan ang ginawa sa isang bansa para mapatibay ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang naging resulta?
5 Isinaayos ng mga kapatid na sa ilang dulo ng sanlinggo, dalawang kongregasyon na magkaiba ang wika o lahi ang magkasamang mangangaral, dadalo sa mga pulong, at magsasalusalo sa mga tahanan. Daan-daang kongregasyon ang nakibahagi rito, at nakatanggap ang tanggapang pansangay ng maraming magagandang ulat, kahit sa mga tagalabas. Halimbawa, isang ministro ng ibang relihiyon ang nagsabi, “Hindi ako Saksi, pero masasabi kong napakaorganisado ng inyong pangangaral, at may pagkakaisa kayo ng mga lahi.” Ano ang naging epekto ng kaayusang ito sa mga Saksi?
6 Noong una, nag-aalangan si Noma, isang sister na nagsasalita ng Xhosa, na anyayahan sa kaniyang simpleng tahanan ang mga kapatid na puti mula sa isang English congregation. Pero matapos niya silang makasama sa pangangaral at maanyayahan siya sa bahay ng mga ito, nasabi niya, “Kagaya din pala natin sila!” Kaya naman, nang toka na ng kanilang kongregasyon na magpakita ng pagkamapagpatuloy sa mga taga-English congregation, nagluto siya at nag-anyaya ng ilang kapatid. Isa sa mga bisita niya ay isang elder na puti. Sinabi ni Noma, “Humanga ako dahil ayos lang sa kaniya na maupo sa isang plastic crate sa sahig.” Dahil sa patuluyang programang ito, maraming kapatid ang naging magkakaibigan at determinado pang magpalawak.
“MAGILIW NA PAGMAMAHAL NA MAY HABAG, KABAITAN”
7. Bakit dapat tayong patuloy na magpakita ng pagkamahabagin?
7 Hangga’t hindi napupuksa ang sanlibutan ni Satanas, patuloy tayong daranas ng mga pagsubok. Apektado tayo ng kawalan ng trabaho, malulubhang sakit, pag-uusig, likas na mga sakuna, pagkawala ng ari-arian dahil sa krimen, at iba pang mga problema. Para matulungan ang isa’t isa sa panahon ng pagdurusa, kailangan tayong maging tunay na mahabagin. Kapag nakadarama tayo ng magiliw na pagkamahabagin, mapakikilos tayong magpakita ng kabaitan. (Efe. 4:32) Ang mga katangiang ito ng bagong personalidad ay tutulong sa atin na tularan ang Diyos at maglaan ng kaaliwan sa iba.—2 Cor. 1:3, 4.
8. Ano ang magagandang resulta ng pagpapakita ng habag at kabaitan sa lahat ng nasa kongregasyon? Magbigay ng halimbawa.
8 Paano tayo magpapakita ng higit na konsiderasyon sa mga banyaga o sa mga kapos-palad sa ating kongregasyon? Kaibiganin natin sila at ipadama na mahalagang bahagi sila ng kongregasyon. (1 Cor. 12:22, 25) Pansinin ang nangyari kay Dannykarl na lumipat sa Japan mula sa Pilipinas. Sa trabaho niya, hindi maganda ang trato sa kaniya kumpara sa mga empleadong tagaroon. Pagkatapos, dumalo siya sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova. “Halos lahat ng naroon ay Japanese,” ang sabi ni Dannykarl, “pero mainit nila akong tinanggap na para bang matagal na kaming magkakakilala.” Patuloy nila siyang pinagpakitaan ng kabaitan, at nakatulong ito para sumulong siya sa espirituwal. Nabautismuhan siya at ngayon ay isa nang elder. Para sa kaniyang mga kapuwa elder, si Dannykarl at ang asawa niyang si Jennifer ay pagpapala sa kongregasyon. Ganito ang sabi ng mga elder tungkol sa kanila, “Napakasimple ng kanilang buhay bilang mga payunir at mabubuting halimbawa sila ng pag-una sa Kaharian.”—Luc. 12:31.
9, 10. Magbigay ng mga halimbawa ng mabubuting resulta ng pagpapakita ng habag sa mga tao sa ministeryo.
9 May pagkakataon din tayong “gumawa . . . ng mabuti sa lahat” kapag ibinabahagi natin ang mensahe ng Kaharian. (Gal. 6:10) Udyok ng habag sa mga nandayuhan, maraming Saksi ang nagsisikap na mag-aral ng ibang wika. (1 Cor. 9:23) Dahil dito, pinagpapala sila. Halimbawa, si Tiffany, isang payunir sa Australia, ay nag-aral ng Swahili para makatulong sa isang Swahili congregation sa lunsod ng Brisbane. Kahit nahirapan siyang mag-aral ng wika, naging mas masaya ang buhay ni Tiffany. Sinabi niya: “Kung gusto mo ng exciting na ministeryo, para sa iyo ang paglilingkod sa kongregasyong banyaga ang wika. Para kang naglalakbay pero hindi mo kailangang umalis sa inyong lunsod. Mararanasan mo mismo ang ating pambuong-daigdig na kapatiran at ang pambihirang pagkakaisa nito.”
10 Ganito rin ang ginawa ng isang pamilya sa Japan. Ikinuwento ng anak na babae, si Sakiko: “Noong dekada ’90, marami kaming natatagpuan sa ministeryo na mga nandayuhan mula sa Brazil. Kapag ipinapabasa namin sa kanilang Bibliyang Portuguese ang mga tekstong gaya ng Apocalipsis 21:3, 4 o Awit 37:10, 11, 29, nakikinig sila at kung minsan ay naluluha pa.” Pero talagang nahabag ang pamilyang ito sa mga nandayuhang iyon. “Dahil nakita naming gutóm sila sa espirituwal,” ang sabi ni Sakiko, “nag-aral kami ng Portuguese bilang isang pamilya.” Nang maglaon, nakatulong ang pamilyang ito para maitatag ang isang Portuguese congregation. Marami silang natulungan na maging lingkod ni Jehova. “Malaking pagsisikap ang kinailangan para matuto kami ng Portuguese,” ang sabi pa ni Sakiko, “pero walang-wala ito kung ihahambing sa mga pagpapalang tinanggap namin. Nagpapasalamat talaga kami kay Jehova.”—Basahin ang Gawa 10:34, 35.
‘DAMTAN ANG SARILI NG KABABAAN NG PAG-IISIP’
11, 12. (a) Bakit mahalaga ang tamang motibo sa pagsusuot ng bagong personalidad? (b) Ano ang tutulong sa atin na manatiling mapagpakumbaba?
11 Ang motibo natin sa pagsusuot ng bagong personalidad ay para parangalan si Jehova, hindi para purihin tayo ng ibang tao. Tandaan na kahit ang isang sakdal na espiritung nilalang ay nagkasala dahil naging mapagmapuri siya. (Ihambing ang Ezekiel 28:17.) At dahil hindi tayo sakdal, mas mahirap para sa atin na iwasan ang pagmamapuri at kapalaluan! Pero posible pa ring damtan ang ating sarili ng kababaan ng pag-iisip, o kapakumbabaan. Paano?
12 Para manatiling mapagpakumbaba, kailangan tayong maglaan ng panahon para basahin at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos araw-araw. (Deut. 17:18-20) Higit sa lahat, dapat nating bulay-bulayin ang mga turo ni Jesus at ang magandang halimbawa niya ng kapakumbabaan. (Mat. 20:28) Hinugasan pa nga ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga apostol! (Juan 13:12-17) Kailangan din tayong laging manalangin para tulungan tayo ng espiritu ng Diyos na labanan ang anumang kaisipan na nakahihigit tayo sa iba.—Gal. 6:3, 4; Fil. 2:3.
13. Ano ang mga gantimpala ng pagiging mapagpakumbaba?
13 Basahin ang Kawikaan 22:4. Kahilingan sa mga tunay na mananamba ang pagiging mapagpakumbaba, at nagdudulot ito ng maraming gantimpala. Kung mapagpakumbaba tayo, naitataguyod natin ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon. Tatanggap din tayo ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Sinabi ni apostol Pedro: “Kayong lahat ay magbigkis ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”—1 Ped. 5:5.
‘DAMTAN ANG SARILI NG KAHINAHUNAN AT MAHABANG PAGTITIIS’
14. Sino ang pinakamagandang halimbawa ng kahinahunan at pagkamatiisin?
14 Sa ngayon, ang mga taong mahinahon at mapagpasensiya ay kadalasang itinuturing na mahina. Hindi totoo iyan! Ang magagandang katangiang ito ay nagmumula sa pinakamakapangyarihang Persona sa buong uniberso. Ang Diyos na Jehova ang pinakamagandang halimbawa ng kahinahunan at pagkamatiisin. (2 Ped. 3:9) Pansinin kung paano siya tumugon sa pamamagitan ng kaniyang mga kinatawang anghel nang magtanong si Abraham at si Lot. (Gen. 18:22-33; 19:18-21) Mahigit 1,500 taon ding pinagtiisan ni Jehova ang suwail na bansang Israel.—Ezek. 33:11.
15. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus pagdating sa kahinahunan at pagkamatiisin?
15 Si Jesus ay “mahinahong-loob.” (Mat. 11:29) Pinagpasensiyahan niya ang mga kahinaan ng kaniyang mga tagasunod. Noong panahon ng ministeryo niya sa lupa, nagbata si Jesus ng di-makatuwirang pamumuna mula sa mga relihiyosong mananalansang. Pero naging mahinahon siya at matiisin hanggang sa kaniyang di-makatarungang kamatayan. Habang nagdurusa sa pahirapang tulos, nanalangin si Jesus na patawarin sana ng kaniyang Ama ang mga papatay sa kaniya dahil, ang sabi niya, “hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Luc. 23:34) Anong husay na halimbawa ng kahinahunan at pagkamatiisin sa ilalim ng pagdurusa at kaigtingan!—Basahin ang 1 Pedro 2:21-23.
16. Sa anong praktikal na paraan natin maipakikita ang kahinahunan at pagkamatiisin?
16 Paano tayo makapagpapakita ng kahinahunan at pagkamatiisin? Binanggit ni Pablo ang isang paraan: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Col. 3:13) Totoo, kailangan natin ng kahinahunan at pagkamatiisin para masunod ang utos na ito. Pero kung mapagpatawad tayo, maitataguyod natin at maiingatan ang pagkakaisa ng kongregasyon.
17. Bakit mahalaga ang kahinahunan at pagkamatiisin?
17 Kahilingan ni Jehova na damtan ng mga Kristiyano ang kanilang sarili ng kahinahunan at pagkamatiisin. Mahalaga ito para sa ating kaligtasan. (Mat. 5:5; Sant. 1:21) Higit sa lahat, dahil sa mga katangiang ito, napararangalan natin si Jehova at natutulungan ang iba na sundin ang payo ng Bibliya.—Gal. 6:1; 2 Tim. 2:24, 25.
“DAMTAN NINYO ANG INYONG SARILI NG PAG-IBIG”
18. Ano ang kaugnayan ng pag-ibig at ng kawalang-pagtatangi?
18 Lahat ng mga katangiang natalakay natin ay may malapit na kaugnayan sa pag-ibig. Halimbawa, pinayuhan ng alagad na si Santiago ang mga kapatid dahil nagpapakita sila ng paboritismo sa mayayaman. Ipinakita niya na iyon ay isang paglabag sa makaharing kautusan: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Sinabi pa niya: “Kung patuloy kayong nagpapakita ng paboritismo, kayo ay gumagawa ng kasalanan.” (Sant. 2:8, 9) Samantala, pag-ibig ang mag-uudyok sa atin na iwasan ang anumang diskriminasyon dahil sa edukasyon, lahi, o katayuan sa lipunan. Hindi puwedeng pakitang-tao lang ang ating kawalang-pagtatangi. Kailangang maging bahagi talaga ito ng ating personalidad.
19. Bakit mahalagang damtan natin ang ating sarili ng pag-ibig?
19 Karagdagan pa, ang pag-ibig ay “may mahabang pagtitiis at mabait” at “hindi nagmamalaki.” (1 Cor. 13:4) Talagang kailangan nating maging matiisin, mabait, at mapagpakumbaba para patuloy na maibahagi ang mensahe ng Kaharian sa ating kapuwa. (Mat. 28:19) Dahil din sa mga katangiang ito, mas madali para sa atin na makasundo ang lahat ng kapatid sa kongregasyon. Ano ang resulta ng pagpapakita ng ganitong pag-ibig? Magkakaisa ang mga kongregasyon, magbibigay ito ng kapurihan kay Jehova, at maaakit ang mga interesado. Kaya naman ganito tinapos ng Bibliya ang paglalarawan sa bagong personalidad: “Bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Col. 3:14.
PATULOY NA ‘MAGBAGO’
20. (a) Ano ang mga dapat nating itanong sa sarili, at bakit? (b) Ano ang inaasam-asam natin?
20 Tanungin ang sarili, ‘Ano pa kaya ang puwede kong gawin para hubarin at iwan ang lumang personalidad?’ Kailangan tayong taimtim na manalangin para sa tulong ng Diyos at sikaping pagtagumpayan ang anumang saloobin o gawain na makahahadlang sa atin na magmana ng Kaharian ng Diyos. (Gal. 5:19-21) Kailangan din nating itanong, ‘Patuloy ba akong nagbabago sa puwersa na nagpapakilos sa aking pag-iisip?’ (Efe. 4:23, 24) Hindi tayo sakdal, kaya kailangan tayong magsikap na isuot at panatilihin ang bagong personalidad. Isa itong patuluyang proseso. Pero isip-isipin ang magiging buhay natin kapag ang lahat ay perpekto nang nadaramtan ng bagong personalidad!
a Noong panahon ng Bibliya, ang mga Scita ay itinuturing na di-sibilisado at hinahamak.