‘Patuloy na Lumakad Kaisa ni Kristo’
“Samakatuwid, kung paanong tinanggap ninyo si Kristo Jesus na Panginoon, patuloy na lumakad kaisa niya.”—COLOSAS 2:6.
1, 2. (a) Paano inilalarawan sa Bibliya ang buhay ni Enoc sa tapat na paglilingkuran kay Jehova? (b) Paano tayo tinulungan ni Jehova na makalakad na kasama niya, gaya ng ipinakikita ng Colosas 2:6, 7?
NAPAGMASDAN na ba ninyo ang isang munting batang lalaki na naglalakad na kasama ng kaniyang ama? Ginagaya ng paslit ang bawat kilos ng kaniyang ama, anupat nababakas sa kaniyang mukha ang paghanga; habang daan ay tinutulungan naman siya ng ama, na sa mukha niya’y mababakas ang pag-ibig at pagsang-ayon. Angkop lamang, ginagamit ni Jehova ang ganitung-ganitong tanawin upang ilarawan ang buhay sa tapat na paglilingkuran sa kaniya. Halimbawa, sinasabi ng Salita ng Diyos na ang tapat na lalaking si Enoc ay “patuloy na lumakad na kasama ng [tunay] na Diyos.”—Genesis 5:24; 6:9.
2 Kagaya ng isang maalalahaning ama na tumutulong sa kaniyang munting anak na lumakad kasama niya, binigyan tayo ni Jehova ng pinakamainam na tulong. Isinugo niya ang kaniyang bugtong na Anak sa lupa. Sa bawat hakbang ng kaniyang buong-buhay na paglakad dito sa lupa, ganap na masasalamin kay Jesu-Kristo ang kaniyang makalangit na Ama. (Juan 14:9, 10; Hebreo 1:3) Kaya upang makalakad na kasama ng Diyos, kailangan nating lumakad na kasama ni Jesus. Sumulat si apostol Pablo: “Samakatuwid, kung paanong tinanggap ninyo si Kristo Jesus na Panginoon, patuloy na lumakad kaisa niya, na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya, kung paanong kayo ay tinuruan, na nag-uumapaw sa pananampalataya sa pagpapasalamat.”—Colosas 2:6, 7.
3. Ayon sa Colosas 2:6, 7, bakit natin masasabi na higit pa ang nasasangkot sa paglakad na kaisa ni Kristo kaysa sa pagpapabautismo lamang?
3 Dahil sa ibig nilang lumakad na kaisa ni Kristo, anupat sinisikap na sundan ang kaniyang sakdal na mga hakbang, ang tapat-pusong mga estudyante ng Bibliya ay nagpapabautismo. (Lucas 3:21; Hebreo 10:7-9) Sa buong daigdig, noong 1997 lamang, mahigit sa 375,000 ang gumawa ng mahalagang hakbang na ito—may aberids na mahigit sa 1,000 bawat araw. Nakatutuwa ang pagsulong na ito! Gayunman, ipinakikita ng mga salita ni Pablo na nakaulat sa Colosas 2:6, 7 na higit pa ang nasasangkot sa paglakad na kaisa ni Kristo kaysa sa pagpapabautismo lamang. Ang pandiwang Griego na isinaling “patuloy na lumakad” ay naglalarawan ng isang pagkilos na kailangang patuluyan at pasulong. Isa pa, idinagdag ni Pablo na may nasasangkot na apat na bagay sa paglakad na kasama ni Kristo: ang pagiging nakaugat kay Kristo, itinatayo sa kaniya, pinatatatag sa pananampalataya, at nag-uumapaw sa pagpapasalamat. Isaalang-alang natin ang bawat parirala at tingnan kung paano ito tumutulong sa atin na magpatuloy sa paglakad na kaisa ni Kristo.
Kayo Ba’y ‘Nakaugat kay Kristo’?
4. Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘nakaugat kay Kristo’?
4 Una, sumulat si Pablo na kailangang tayo’y ‘nakaugat kay Kristo.’ (Ihambing ang Mateo 13:20, 21.) Paano mapagsisikapan ng isang tao na maging nakaugat kay Kristo? Buweno, ang mga ugat ng isang halaman ay hindi nakikita, ngunit mahalaga ang mga ito sa halaman—ito ang nagpapatatag dito at naglalaan dito ng pagkain. Sa katulad na paraan, sa pasimula ay hindi nakikita ang epekto sa atin ng halimbawa at turo ni Kristo, anupat ito’y napapabaon sa ating isip at puso. Doon, ang mga ito’y nagpapalusog at nagpapalakas sa atin. Kapag hinayaan nating ugitan nito ang ating pag-iisip, ang ating pagkilos, at ang ating mga pasiya, napakikilos tayong mag-alay ng ating buhay kay Jehova.—1 Pedro 2:21.
5. Paano tayo ‘magkakaroon ng pananabik’ sa espirituwal na pagkain?
5 Iniibig ni Jesus ang kaalaman mula sa Diyos. Inihalintulad pa man din niya ito sa pagkain. (Mateo 4:4) Sa katunayan, sa kaniyang Sermon sa Bundok, 21 beses siyang bumanggit mula sa walong iba’t ibang aklat ng Hebreong Kasulatan. Upang masunod ang kaniyang halimbawa, dapat nating gawin ang ipinayo ni apostol Pedro—‘magkaroon ng pananabik’ sa espirituwal na pagkain “gaya ng mga sanggol na bagong-silang.” (1 Pedro 2:2) Kapag nananabik sa pagkain ang isang bagong-silang na sanggol, talagang ipinababatid niya ang kaniyang matinding pananabik. Kung sa kasalukuyan ay hindi ganiyan ang nadarama natin tungkol sa espirituwal na pagkain, pinasisigla tayo ng mga salita ni Pedro na “magkaroon” ng gayong pananabik. Paano? Maaaring makatulong ang simulaing masusumpungan sa Awit 34:8: “Tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti.” Kung palagian nating ‘tinitikman’ ang Salita ni Jehova, ang Bibliya, marahil ay binabasa ang bahagi nito sa araw-araw, makikita natin na ito ay nakapagpapalusog at nakabubuti sa espirituwal. Sa kalaunan, titindi ang ating pananabik dito.
6. Bakit mahalaga na bulay-bulayin ang ating binabasa?
6 Gayunman, mahalaga na tunawing mabuti ang pagkain kapag nalunok na natin ito. Kaya kailangang bulay-bulayin natin ang ating binabasa. (Awit 77:11, 12) Halimbawa, habang binabasa natin ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, nagiging lalong kapaki-pakinabang ang bawat kabanata kapag humihinto tayo at nagtatanong sa ating sarili: ‘Anong pitak sa personalidad ni Kristo ang nakikita ko sa salaysay na ito, at paano ko matutularan ito sa aking sariling buhay?’ Ang pagbubulay-bulay sa ganitong paraan ay magpapangyaring maikapit natin ang ating natututuhan. Pagkatapos, kapag napaharap tayo sa isang pagpapasiya, maaari nating tanungin ang ating sarili kung ano kaya ang maaaring ginawa ni Jesus. Kung magpapasiya tayo alinsunod dito, nagpapakita tayo ng patotoo sa pagiging tunay na nakaugat kay Kristo.
7. Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa matigas na pagkaing espirituwal?
7 Hinihimok din tayo ni Pablo na kumain ng “matigas na pagkain,” ang mas malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos. (Hebreo 5:14) Maaaring ang pagbabasa ng buong Bibliya ang maging una nating tunguhin hinggil sa bagay na ito. Pagkatapos ay nariyan ang mas espesipikong mga paksa sa pag-aaral, gaya ng haing pantubos ni Kristo, ang iba’t ibang tipan na ginawa ni Jehova sa kaniyang bayan, o ang ilan sa makahulang mensahe sa Bibliya. Napakaraming materyal na tutulong sa atin na makain at matunaw ang gayong matigas na espirituwal na pagkain. Ano ba ang tunguhin sa pagkuha ng gayong kaalaman? Iyon ay, hindi upang magbigay sa atin ng dahilan upang maghambog, kundi ang patibayin ang ating pag-ibig kay Jehova at gawin tayong lalong malapit sa kaniya. (1 Corinto 8:1; Santiago 4:8) Kung tayo’y buong-kasabikang kukuha ng kaalamang ito, ikakapit ito sa ating sarili, at gagamitin ito upang tulungan ang iba, tunay na tinutularan natin si Kristo. Tutulong ito sa atin na maging wastong nakaugat sa kaniya.
Kayo Ba’y ‘Itinatayo kay Kristo’?
8. Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘itinatayo kay Kristo’?
8 Para sa susunod na aspekto ng paglakad na kaisa ni Kristo, agad bumaling si Pablo mula sa isang malinaw na larawan tungo sa isa pa—mula sa isang halaman tungo sa isang gusali. Kapag iniisip natin ang tungkol sa isang itinatayong gusali, hindi lamang pundasyon ang iniisip natin kundi pati ang gusali na kitang-kita nating itinatayo, sa pamamagitan ng malaking pagpapagal. Sa katulad na paraan, kailangan nating magpagal nang husto upang maglinang ng mga katangian at kaugaliang tulad-Kristo. Ang gayong pagpapagal ay napapansin, gaya ng isinulat ni Pablo kay Timoteo: ‘Hayaang mahayag sa lahat ang iyong pagsulong.’ (1 Timoteo 4:15; Mateo 5:16) Ano ang ilang Kristiyanong gawain na nagpapatibay sa atin?
9. (a) Upang matularan si Kristo sa ating ministeryo, ano ang ilang praktikal na tunguhing maaari nating itakda? (b) Paano natin nalalaman na ibig ni Jehova na masiyahan tayo sa ating ministeryo?
9 Inatasan tayo ni Jesus na mangaral at magturo ng mabuting balita. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Naglaan siya ng sakdal na halimbawa, anupat nagpatotoo nang buong-tapang at sa mabisang paraan. Sabihin pa, hindi tayo kailanman makagagawa nang kasinghusay niya. Gayunman, inilagay ni apostol Pedro ang tunguhing ito para sa atin: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handa na gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na mahigpit na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Kung sa palagay ninyo ay hindi kayo “laging handa na gumawa ng pagtatanggol,” huwag masiraan ng loob. Magtakda ng makatuwirang mga tunguhin na tutulong sa inyo na unti-unting sumulong sa pamantayang iyon. Ang patiunang paghahanda ay magpapangyari sa inyo na makagawa ng iba’t ibang presentasyon o mailakip dito ang isa o dalawang kasulatan. Maaari kayong magtakda ng mga tunguhin na makapagpasakamay ng higit pang literatura sa Bibliya, makagawa ng higit pang pagdalaw muli, o makapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Hindi dapat na ang bigyang-diin lamang ay ang dami—gaya ng bilang ng oras, ng naipasakamay, o ng mga inaaralan—kundi ang kalidad. Ang pagtatakda ng makatuwirang mga tunguhin at pagsisikap na maabot ang mga ito ay makatutulong sa atin na masiyahan sa pagbibigay ng ating sarili sa ministeryo. Iyan ang ibig ni Jehova—na atin siyang paglingkuran “nang may pagsasaya.”—Awit 100:2; ihambing ang 2 Corinto 9:7.
10. Ano ang iba pang Kristiyanong mga gawain na kailangan nating gampanan, at paano nakatutulong sa atin ang mga ito?
10 Nariyan din ang mga gawaing ginagampanan natin sa kongregasyon na nagpapatibay sa atin kay Kristo. Ang pinakamahalaga ay yaong pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ito ang pagkakakilanlang tanda ng mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:34, 35) Samantalang nag-aaral pa tayo, marami sa atin ang napalapit sa ating guro, na likas lamang. Gayunman, maaari kayang sundin na natin ngayon ang payo ni Pablo na “magpalawak” sa pamamagitan ng pakikipagkilala sa iba sa kongregasyon? (2 Corinto 6:13) Kailangan din ng matatanda ang ating pag-ibig at pagpapahalaga. Sa pakikipagtulungan sa kanila, paghingi at pagtanggap ng kanilang maka-Kasulatang payo, mapagagaan natin ang kanilang mabigat na gawain. (Hebreo 13:17) Kasabay nito, makatutulong ito sa ating pagiging itinatayo kay Kristo.
11. Anong makatotohanang pangmalas ang dapat nating taglayin tungkol sa bautismo?
11 Napakasayang okasyon ang bautismo! Gayunman, hindi natin dapat asahan na bawat sandali sa ating buhay pagkatapos nito ay magiging kasinsaya nito. Ang isang malaking bahagi ng ating pagiging itinatayo kay Kristo ay nagsasangkot ng ‘paglakad nang maayos sa kinagawian ding ito.’ (Filipos 3:16) Hindi ito nangangahulugan ng isang malungkot at nakababagot na istilo ng pamumuhay. Nangangahulugan lamang ito ng paglakad na pasulong sa isang tuwid na linya—sa ibang salita, pagkakaroon ng mabubuting espirituwal na kinagawian at pagsasagawa ng mga ito sa araw-araw, sa taun-taon. Tandaan, “siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.
Kayo Ba’y “Pinatatatag sa Pananampalataya”?
12. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “pinatatatag sa pananampalataya”?
12 Sa ikatlong bahagi ng kaniyang paglalarawan sa ating paglakad na kaisa ni Kristo, hinihimok tayo ni Pablo na maging “pinatatatag sa pananampalataya.” Ang isang bersiyon ay kababasahan ng, “pinagtitibay hinggil sa pananampalataya,” sapagkat ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay maaaring mangahulugan ng “pagtibayin, garantiyahan, at gawing di-nababago sa legal na paraan.” Habang sumusulong tayo sa kaalaman, nabibigyan tayo ng higit na mga dahilan upang makita na ang ating pananampalataya sa Diyos na Jehova ay batay sa katotohanan at, sa katunayan, itinatag ayon sa batas. Ang resulta ay ang ating pagiging higit na matatag. Nagiging lalong mahirap para sa sanlibutan ni Satanas na ilihis tayo. Ipinaaalaala nito ang payo ni Pablo na “sumulong tayo sa pagkamaygulang.” (Hebreo 6:1) May malapit na kaugnayan ang pagkamaygulang at katatagan.
13, 14. (a) Ang mga Kristiyano sa Colosas noong unang siglo ay napaharap sa anong mga banta sa kanilang katatagan? (b) Ano ang maaaring ikinabahala ni apostol Pablo?
13 Ang mga Kristiyano sa Colosas noong unang siglo ay napaharap sa mga banta sa kanilang katatagan. Nagbabala si Pablo: “Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.” (Colosas 2:8) Hindi ibig ni Pablo na ang mga taga-Colosas, na naging mga sakop na ng “kaharian ng Anak ng pag-ibig [ng Diyos],” ay matangay, anupat mapalayo mula sa kanilang pinagpalang espirituwal na kalagayan. (Colosas 1:13) Mailigaw sa anong paraan? Tinukoy ni Pablo ang “pilosopiya,” ang tanging pagkakataon na lumitaw ang salitang ito sa Bibliya. Ang tinutukoy ba niya ay yaong mga pilosopong Griego, gaya nina Plato at Socrates? Bagaman ang mga ito ay naging isang banta sa mga tunay na Kristiyano, noong panahong iyon, may malawak na gamit ang salitang “pilosopiya.” Ito ay karaniwang tumutukoy sa maraming grupo at mga may nagkakaisang kaisipan—maging yaong tungkol sa relihiyon. Halimbawa, tinawag ng unang-siglong mga Judio na gaya nina Josephus at Philo ang kanilang sariling relihiyon na isang pilosopiya—marahil upang patingkarin ang pang-akit nito.
14 Ang ilang pilosopiya na maaaring ikinabahala ni Pablo ay tungkol sa relihiyon. Nang maglaon sa kabanata ring iyon ng kaniyang liham sa mga taga-Colosas, binanggit niya yaong mga nagtuturo, “Huwag humawak, ni tumikim, ni humipo,” sa gayo’y tinutukoy ang mga bahagi ng Batas Mosaiko na pinawalang-bisa na ng kamatayan ni Kristo. (Roma 10:4) Bukod sa mga paganong pilosopiya, gumagana noon ang mga impluwensiya na nagsasapanganib sa espirituwalidad ng kongregasyon. (Colosas 2:20-22) Nagbabala si Pablo laban sa pilosopiya na bahagi ng “mga panimulang bagay ng sanlibutan.” Nanggaling sa tao ang gayong huwad na pagtuturo.
15. Paano natin maiiwasang mailihis ng di-makakasulatang kaisipan na madalas na mapaharap sa atin?
15 Maaaring maging isang panganib sa katatagan ng isang Kristiyano ang pagtataguyod ng mga ideya at kaisipan na hindi matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos. Tayo sa ngayon ay dapat na mag-ingat sa gayong mga panganib. Nagpayo si apostol Juan: “Mga iniibig, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang pahayag, kundi subukin ang kinasihang mga pahayag upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Kaya kung sikapin ng isang kamag-aral na kumbinsihin kayo na ang pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya ay makaluma, o may hilig ang isang kapitbahay na impluwensiyahan kayong magkaroon ng materyalistikong saloobin, o kung buong-katusuhang gipitin kayo ng isang kamanggagawa na labagin ang inyong budhing sinanay sa Bibliya, o maging kung ang isang kapananampalataya ay magpahayag ng mapamintas at negatibong mga komento tungkol sa iba sa kongregasyon batay sa kaniyang sariling opinyon, huwag kayong basta maniwala sa sinasabi nila. Iwaksi ninyo ang hindi kasuwato ng Salita ng Diyos. Habang ginagawa natin ito, mapananatili natin ang ating katatagan habang lumalakad tayo na kaisa ni Kristo.
“Nag-uumapaw sa Pananampalataya sa Pagpapasalamat”
16. Ano ang ikaapat na aspekto sa paglakad na kaisa ni Kristo, at ano ang maaaring itanong natin?
16 Ang ikaapat na aspekto sa paglakad na kaisa ni Kristo na binanggit ni Pablo ay na tayo’y dapat na “nag-uumapaw sa pananampalataya sa pagpapasalamat.” (Colosas 2:7) Ang salitang “nag-uumapaw” ay nagpapaalaala sa atin ng isang ilog na umaapaw sa pampang nito. Nagpapahiwatig ito na para sa atin na mga Kristiyano, ang ating pagpapasalamat ay isang patuluyan o kinaugaliang bagay. Makabubuti na itanong ng bawat isa sa atin, ‘Ako ba’y mapagpasalamat?’
17. (a) Bakit masasabi na marami tayong dapat ipagpasalamat, kahit na sa mahihirap na panahon? (b) Ano ang ilan sa mga kaloob ni Jehova na lalo ninyong ipinagpapasalamat?
17 Ang totoo, tayong lahat ay maraming dahilan upang mag-umapaw sa pasasalamat kay Jehova sa araw-araw. Maging sa pinakamahihirap na panahon, may ilang simpleng bagay na naglalaan ng mga sandali ng ginhawa. Nagpapakita ng empatiya ang isang kaibigan. Nakapagpapanatag ng loob ang haplos ng isang minamahal. Nakapagsasauli ng lakas ang sapat na pamamahinga sa gabi. Pinapawi ng masarap na pagkain ang hapdi ng sikmura. Ang huni ng ibon, ang halakhak ng isang bata, ang maaliwalas na bughaw na himpapawid, ang nakagiginhawang simoy ng hangin—lahat ng ito at marami pa ay maaari nating maranasan sa isang araw. Napakadaling ipagwalang-bahala ang ganitong mga kaloob. Hindi ba ang lahat ng ito ay nararapat ipagpasalamat? Lahat ng ito ay galing kay Jehova, ang Bukal ng “bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17) At binigyan niya tayo ng mga kaloob na nagpamukhang maliit sa mga ito—ang buhay mismo, bilang halimbawa. (Awit 36:9) Karagdagan pa, binigyan niya tayo ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. Upang mailaan ang kaloob na ito, gumawa si Jehova ng napakalaking pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagsusugo ng kaniyang bugtong na Anak, “ang natatanging kinagigiliwan niya.”—Kawikaan 8:30; Juan 3:16.
18. Paano natin maipakikitang tayo’y mapagpasalamat kay Jehova?
18 Totoong-totoo, kung gayon, ang mga salita ng salmista: “Mabuti na magpasalamat kay Jehova.” (Awit 92:1) Sa kahawig na paraan, pinaalalahanan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica: “May kaugnayan sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo.” (1 Tesalonica 5:18; Efeso 5:20; Colosas 3:15) Ang bawat isa sa atin ay maaaring magpasiyang maging lalong mapagpasalamat. Ang ating mga panalangin ay hindi naman kailangang binubuo lamang ng mga pakiusap sa Diyos hinggil sa ating mga pangangailangan. May angkop na dako ang mga ito. Ngunit isip-isipin ang pagkakaroon ng isang kaibigan na nakikipag-usap lamang sa iyo kapag may kailangan siya! Kaya bakit hindi manalangin kay Jehova para lamang pasalamatan at purihin siya? Tiyak na nalulugod siya sa gayong mga panalangin kapag tinatanaw niya ang walang-utang-na-loob na sanlibutang ito! Ang isa pang pakinabang ay na ang gayong mga panalangin ay maaaring tumulong sa atin na magtuon ng pansin sa mga positibong bagay sa buhay, anupat ipinaaalaala sa atin na tayo’y totoong pinagpala.
19. Paano ipinahihiwatig ng pananalita ni Pablo sa Colosas 2:6, 7 na tayong lahat ay maaaring magpatuloy sa pagpapabuti ng ating paglakad na kasama ni Kristo?
19 Hindi ba kapansin-pansin kung gaano karaming matalinong patnubay ang makukuha mula sa isang talata sa Salita ng Diyos? Ang payo ni Pablo na patuloy na lumakad na kaisa ni Kristo ay isang bagay na dapat nating isapuso. Kung gayo’y magpasiya tayo na maging ‘nakaugat kay Kristo,’ “itinatayo sa kaniya,” “pinatatatag sa pananampalataya,” at ‘nag-uumapaw sa pagpapasalamat.’ Lalo nang mahalaga ang payong ito sa mga bagong bautisado. Ngunit kumakapit ito sa ating lahat. Isipin kung paanong ang punong-ugat ay lalong bumabaon sa ilalim at kung paanong ang isang itinatayong gusali ay lalong tumataas. Kaya hindi kailanman natatapos ang ating paglakad na kasama ni Kristo. May malawak na lugar para sa pagsulong. Tutulungan at pagpapalain tayo ni Jehova, sapagkat ibig niya na magpatuloy tayo sa paglakad na kasama niya at ng kaniyang sinisintang Anak magpakailanman.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang nasasangkot sa paglakad na kaisa ni Kristo?
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘nakaugat kay Kristo’?
◻ Paano tayo maaaring maging ‘itinatayo kay Kristo’?
◻ Bakit napakahalaga na maging “pinatatatag sa pananampalataya”?
◻ Anong mga dahilan ang taglay natin upang ‘mag-umapaw sa pagpapasalamat’?
[Larawan sa pahina 10]
Maaaring hindi nakikita ang mga ugat ng isang punungkahoy, ngunit ang mga ito ang nagsusuplay ng pagkain dito at nagpapatatag dito