Liham sa mga Taga-Colosas
2 Dahil gusto kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko alang-alang sa inyo, sa mga nasa Laodicea,+ at sa lahat ng iba pang hindi pa nakakakita sa akin nang personal, 2 para mapatibay+ ang lahat at mabuklod ng pag-ibig+ at mapasainyo ang lahat ng kayamanan na nagmumula sa lubos na pagkaunawa ninyo sa katotohanan, ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa sagradong lihim ng Diyos, tungkol kay Kristo.+ 3 Ang lahat ng karunungan at kaalaman* ay nakatago sa kaniya.+ 4 Sinasabi ko ito sa inyo para hindi kayo malinlang ng sinuman sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga argumento. 5 Hindi man ninyo ako kasama, lagi kayong nasa isip ko, at masaya akong malaman na organisado kayo+ at may matibay na pananampalataya kay Kristo.+
6 Kaya dahil tinanggap na ninyo ang Panginoong Kristo Jesus, patuloy kayong lumakad na kaisa niya.+ 7 Gaya ng itinuro sa inyo, dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,+ dapat na magpalakas ito sa inyo at magpatatag,+ at dapat itong mag-umapaw kasama ng pasasalamat.+
8 Maging mapagbantay kayo para walang bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya+ na ayon sa mga tradisyon ng tao at pananaw ng sanlibutan,+ at hindi ayon kay Kristo; 9 dahil nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas.+ 10 Kaya naman hindi kayo nagkulang ng anuman dahil sa kaniya, na ulo ng lahat ng pamahalaan at awtoridad.+ 11 Dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, tinuli rin kayo, hindi sa pamamagitan ng kamay, kundi sa pamamagitan ng pag-aalis ng makasalanang laman,+ dahil sa ganiyang paraan tinutuli ang mga lingkod ng Kristo.+ 12 Dahil inilibing kayong kasama niya sa kaniyang bautismo,+ at dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, ibinangon din kayong+ kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa makapangyarihang gawa ng Diyos, na bumuhay-muli sa kaniya.*+
13 Isa pa, kahit patay kayo dahil sa inyong mga kasalanan at dahil hindi kayo tuli, binuhay kayo ng Diyos kasama ni Kristo.+ Buong puso niyang pinatawad ang lahat ng kasalanan natin+ 14 at binura ang sulat-kamay na dokumento+ na binubuo ng mga batas+ at isinulat laban sa atin.+ Inalis niya ito sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.+ 15 Sa pamamagitan ng pahirapang tulos, hinubaran niya ang mga pamahalaan at mga awtoridad at isinama sa prusisyon ng tagumpay+ para makita ng publiko na natalo niya sila at nabihag.
16 Kaya huwag ninyong hayaan ang sinuman na hatulan kayo dahil sa pagkain at pag-inom+ o pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan,+ o sabbath.+ 17 Ang mga iyon ay anino lang ng mga bagay na darating,+ anino ng Kristo.+ 18 Huwag ninyong hayaan na hindi ninyo makuha ang gantimpala+ dahil sa sinuman na nagkukunwaring mapagpakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ang gayong tao ay “naninindigan sa” mga bagay na nakita niya. At dahil sa makalamang pag-iisip niya, nagmamataas siya nang walang basehan. 19 Hindi rin siya nanghahawakan sa ulo,+ na nagbibigay sa buong katawan ng kinakailangan nito at nagbubuklod sa mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at litid at nagpapalaki sa katawan sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos.+
20 Kung itinakwil na ninyo ang mga bagay sa sanlibutan+ at namatay na kayong kasama ni Kristo, bakit namumuhay kayo na para bang bahagi pa rin ng sanlibutan? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga batas+ na ito: 21 “Huwag kang humawak o tumikim o humipo” 22 ng mga bagay na naglalaho rin at nauubos? Mga utos at turo lang ito ng tao.+ 23 Para bang batay sa karunungan ang mga utos na ito, pero ang mga sumusunod dito ay sumasamba ayon sa sarili nilang paraan. Pinahihirapan nila ang katawan nila+ para magmukha silang mapagpakumbaba. Pero hindi nakatutulong ang mga ito para mapaglabanan ang mga pagnanasa ng laman.