Hanapin ang mga Kayamanang “Maingat na Nakakubli sa Kaniya”
“Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.”—COL. 2:3.
1, 2. (a) Ano ang natuklasan noong 1922? Nasaan na ang mga ito ngayon? (b) Ano ang paanyaya ng Salita ng Diyos para sa lahat?
KADALASAN nang ulo ng mga balita ang pagkakatuklas sa nakatagong kayamanan. Halimbawa, noong 1922, natuklasan ng Britanong arkeologo na si Howard Carter ang isang napakalaking kayamanan pagkatapos ng maraming taóng paghahanap. Natagpuan niya ang libingan ni Paraon Tutankhamen na naglalaman ng halos 5,000 bagay.
2 Bagaman napakapambihira ng mga natuklasan ni Carter, karamihan sa mga ito ay nasa mga museo na ngayon o sa kamay ng mga kolektor. Maaaring may halaga ang mga ito sa kasaysayan o sining, pero halos wala naman itong halaga sa ating pang-araw-araw na buhay. Gayunman, inaanyayahan tayo ng Salita ng Diyos na maghanap ng kayamanan na talagang may halaga para sa atin. Ang paanyayang ito ay para sa lahat. Ang matatagpuan mo ay higit pa sa materyal na kayamanan.—Basahin ang Kawikaan 2:1-6.
3. Bakit kapaki-pakinabang ang kayamanang hinihimok ni Jehova na hanapin ng kaniyang mga mananamba?
3 Hinihimok ni Jehova ang kaniyang mga mananamba na maghanap ng kayamanan. Ang isa sa mga kayamanang ito ay ang “pagkatakot kay Jehova” na nagsisilbing proteksiyon natin sa maliligalig na panahong ito. (Awit 19:9) Kapag natagpuan natin ang “mismong kaalaman sa Diyos,” maaari itong tumulong sa atin na maging malapít sa Kataas-taasan—isang napakalaking karangalan para sa sinumang tao. At sa pamamagitan ng mga kayamanang gaya ng karunungan, kaalaman, at kaunawaang mula sa Diyos, mahaharap natin ang anumang problema at alalahanin sa ating pang-araw-araw na buhay. (Kaw. 9:10, 11) Paano natin masusumpungan ang gayong mga kayamanan?
Kung Bakit Dapat Hanapin ang Espirituwal na Kayamanan
4. Paano natin matatagpuan ang espirituwal na kayamanan?
4 Kadalasan nang kung saan-saan nakararating ang mga arkeologo at manggagalugad para maghanap ng kayamanan. Di-tulad nila, nakatitiyak tayo kung saan natin makikita ang espirituwal na kayamanan. Gaya ng isang mapa, itinuturo sa atin ng Salita ng Diyos kung saan mismo matatagpuan ang kayamanang ipinangako ng Diyos. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo tungkol kay Kristo: “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Col. 2:3) Habang binabasa natin ang tekstong ito, baka maitanong natin: ‘Bakit natin dapat hanapin ang kayamanang ito? Paano ito “nakakubli” kay Kristo? At paano natin ito matatagpuan?’ Suriin nating mabuti ang mga salitang ito ng apostol para malaman natin ang sagot.
5. Bakit sumulat si Pablo hinggil sa espirituwal na kayamanan?
5 Isinulat ni Pablo ang mga salitang ito para sa mga Kristiyano sa Colosas. Sinabi niya na nagpupunyagi siya para sa kanila “upang ang kanilang mga puso ay maaliw [at] upang sila ay magkakasuwatong mabuklod sa pag-ibig.” (Basahin ang Colosas 2:1, 2.) Bakit gayon na lamang ang kaniyang pagmamalasakit sa kanila? Lumilitaw na alam ni Pablo na may ilang kapatid doon na naimpluwensiyahan ng mga nagtataguyod ng mga pilosopiyang Griego o ng Kautusang Mosaiko. Binabalaan niya ang mga kapatid: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”—Col. 2:8.
6. Bakit tayo dapat maging interesado sa payo ni Pablo?
6 Sa ngayon, napapaharap tayo sa ganito ring mga impluwensiya mula kay Satanas at sa kaniyang masamang sistema. Hinuhubog ng pilosopiya ng sanlibutan, kasama na ang sobrang pagtitiwala sa kakayahan ng tao at teoriya ng ebolusyon, ang pag-iisip, moralidad, tunguhin, at paraan ng pamumuhay ng mga tao. Itinataguyod ng huwad na relihiyon ang maraming popular na kapistahan. Pinupukaw ng Internet at industriya ng telebisyon, pelikula, at musika ang mga pagnanasa ng laman. Talagang mapanganib ito para sa mga bata’t matanda. Kapag lagi tayong nahahantad sa mga ito at sa iba pang impluwensiya ng sanlibutan, maaaring maapektuhan ang ating saloobin tungkol sa mga tagubilin ni Jehova anupat hindi na manghawakan sa tunay na buhay. (Basahin ang 1 Timoteo 6:17-19.) Maliwanag, kailangan nating maunawaan at isapuso ang payo ni Pablo sa mga taga-Colosas kung ayaw nating mahulog sa mga pakana ni Satanas.
7. Anong dalawang bagay ang sinabi ni Pablo na makatutulong sa mga taga-Colosas?
7 Balikan natin ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Colosas. Pagkatapos niyang ipahayag ang kaniyang malasakit sa kanila, tinukoy niya ang dalawang bagay na makapagbibigay ng kaaliwan at makatutulong sa kanila na mabuklod sa pag-ibig. Una, binanggit niya ang “lubos na katiyakan ng kanilang unawa.” Dapat na kumbinsido silang wasto ang kanilang pagkaunawa sa Kasulatan. Sa gayon, magiging matibay ang saligan ng kanilang pananampalataya. (Heb. 11:1) Pagkatapos, binanggit niya ang “tumpak na kaalaman sa sagradong lihim ng Diyos.” Kailangan nilang sumulong sa kaalaman sa katotohanan at lubusang maunawaan ang malalalim na bagay ng Diyos. (Heb. 5:13, 14) Angkop na payo nga para sa mga taga-Colosas at sa atin ngayon! Pero paano natin matatamo ang gayong katiyakan at tumpak na kaalaman? Sinabi ni Pablo kung ano ang makatutulong sa atin na magawa ito: “Maingat na nakakubli [kay Jesu-Kristo] ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.”
Kayamanang “Nakakubli” kay Kristo
8. Ipaliwanag ang kahulugan ng salitang “nakakubli” kay Kristo.
8 Hindi naman ibig sabihin na dahil “nakakubli” kay Kristo ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ay hindi na natin ito matatagpuan. Ang ibig sabihin lamang nito ay kailangan ng puspusang pagsisikap at pagtutuon ng pansin kay Jesu-Kristo para matagpuan ang kayamanang iyon. Ito ay kasuwato ng sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Oo, kailangan natin ang tulong at patnubay ni Jesus para matagpuan ang kaalaman ng Diyos.
9. Ano ang mga papel ni Jesus?
9 Bukod sa pagiging “daan,” sinabi ni Jesus na siya rin “ang katotohanan at ang buhay.” Ipinakikita nito na higit pa sa pagiging tagapamagitan sa Ama ang kaniyang papel. Napakahalaga rin na maunawaan natin ang iba pang papel ni Jesus para maunawaan natin ang katotohanan sa Bibliya at matamo ang buhay na walang hanggan. Oo, nakakubli kay Jesus ang walang-katulad na espirituwal na kayamanan na naghihintay lamang na matuklasan ng masusugid na estudyante ng Bibliya. Suriin natin ang ilang kayamanan na tuwirang nakaaapekto sa ating pag-asa sa hinaharap at sa ating kaugnayan sa Diyos.
10. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus sa Colosas 1:19 at 2:9?
10 “Sa kaniya tumatahan sa katawan ang buong kalubusan ng tulad-Diyos na katangian.” (Col. 1:19; 2:9) Dahil nakasama ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit sa loob ng napakahabang panahon, alam na alam ni Jesus ang kalooban at mga katangian ng Diyos. Sa kaniyang ministeryo sa lupa, itinuro niya sa iba kung ano ang itinuro sa kaniya ng kaniyang Ama. Ipinakita niya sa kaniyang mga ginawa rito sa lupa ang mga katangian ng kaniyang Ama. Kaya masasabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Lahat ng karunungan at kaalaman ng Diyos ay nakakubli kay Kristo. Wala ng ibang paraan para matuto tungkol kay Jehova kundi ang matuto pa nang higit tungkol kay Jesus.
11. Ano ang kaugnayan ni Jesus sa mga hula sa Bibliya?
11 “Ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.” (Apoc. 19:10) Ipinakikita ng mga pananalitang ito na may pangunahing papel si Jesus sa katuparan ng maraming hula sa Bibliya. Mauunawaan lamang ang mga hula sa Bibliya—mula sa unang hula na binigkas ni Jehova na nakaulat sa Genesis 3:15 hanggang sa kamangha-manghang mga pangitain sa aklat ng Apocalipsis—kung isasaalang-alang ang papel ni Jesus sa Mesiyanikong Kaharian. Iyan ang dahilan kung bakit ang maraming hula sa Hebreong Kasulatan ay hindi maunawaan ng mga ayaw kumilala kay Jesus bilang ipinangakong Mesiyas. Ito rin ang dahilan kung bakit tao lamang ang turing sa kaniya ng mga hindi nagpapahalaga sa Hebreong Kasulatan na naglalaman ng maraming hula tungkol sa Mesiyas. Ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol kay Jesus ang tumutulong sa bayan ng Diyos na maunawaan ang kahulugan ng mga hula sa Bibliya na hindi pa natutupad.—2 Cor. 1:20.
12, 13. (a) Bakit naging “liwanag ng sanlibutan” si Jesus? (b) Dahil nakalaya na sa espirituwal na kadiliman, ano ang obligasyon ng mga tagasunod ni Kristo?
12 “Ako ang liwanag ng sanlibutan.” (Basahin ang Juan 8:12; 9:5.) Matagal pa bago isilang si Jesus, inihula na ni propeta Isaias: “Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng isang malaking liwanag. Para doon sa mga tumatahan sa lupain ng matinding dilim, ang liwanag ay sumikat sa kanila.” (Isa. 9:2) Ipinaliwanag ni apostol Mateo na tinupad ni Jesus ang hulang ito nang magsimula Siyang mangaral at sabihin: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat. 4:16, 17) Dahil sa ministeryo ni Jesus, naunawaan ng mga tao ang espirituwal na mga bagay at nakalaya sa pagkaalipin sa huwad na mga turo. Sinabi ni Jesus: “Ako ay pumarito bilang liwanag sa sanlibutan, upang ang bawat isa na nananampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman.”—Juan 1:3-5; 12:46.
13 Pagkalipas ng maraming taon, sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Kayo ay dating kadiliman, ngunit kayo ngayon ay liwanag may kaugnayan sa Panginoon. Patuloy kayong lumakad bilang mga anak ng liwanag.” (Efe. 5:8) Dahil nakalaya na sa espirituwal na kadiliman, obligado ang mga Kristiyano na lumakad bilang mga anak ng liwanag. Ito ay kasuwato ng sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod sa Sermon sa Bundok: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mat. 5:16) Lubusan mo bang pinahahalagahan ang espirituwal na kayamanang nasumpungan mo kay Jesus anupat inirerekomenda mo na hanapin din ito ng iba sa pamamagitan ng iyong salita at mainam na paggawi?
14, 15. (a) Paano naging bahagi ng tunay na pagsamba noong panahon ng Bibliya ang mga tupa at ibang mga hayop? (b) Bakit hindi maitutulad sa anumang materyal na kayamanan si Jesus bilang “Kordero ng Diyos”?
14 Si Jesus ang “Kordero ng Diyos.” (Juan 1:29, 36) Sa Bibliya, mahalaga ang tupa para makahingi ng kapatawaran sa kasalanan at makalapit sa Diyos. Halimbawa, nang ihahandog na ni Abraham ang kaniyang anak na si Isaac, sinabihan siya na huwag saktan si Isaac at pinaglaanan siya ng barakong tupa upang ito ang ihandog. (Gen. 22:12, 13) Nang makalaya ang mga Israelita mula sa Ehipto, gumamit din sila ng tupa para sa “paskuwa ni Jehova.” (Ex. 12:1-13) Bukod diyan, binanggit sa Kautusang Mosaiko ang tungkol sa paghahandog ng iba’t ibang hayop, kasama na ang mga tupa at kambing.—Ex. 29:38-42; Lev. 5:6, 7.
15 Wala sa mga haing iyon—sa katunayan, walang anumang handog ng mga tao—ang magdudulot ng permanenteng kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan. (Heb. 10:1-4) Sa kabilang banda, si Jesus “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Isa na itong matibay na patotoo na hindi maitutulad si Jesus sa anumang materyal na kayamanan. Kung gayon, makikinabang tayo kung pag-aaralan nating mabuti ang tungkol sa pantubos at mananampalataya rito. Sa paggawa nito, tatanggap tayo ng malaking gantimpala—kaluwalhatian at karangalan na makasama si Kristo sa langit para sa “munting kawan,” at buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa para sa “ibang mga tupa.”—Luc. 12:32; Juan 6:40, 47; 10:16.
16, 17. Bakit mahalaga na maunawaan natin ang papel ni Jesus bilang “Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya”?
16 Si Jesus ang “Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya.” (Basahin ang Hebreo 12:1, 2.) Sa Hebreo kabanata 11, tinalakay ni Pablo ang pananampalataya. Mababasa rito ang maikli ngunit kumpletong kahulugan ng salitang ito. Makikita rito ang talaan ng mga lalaki at babae na huwaran sa pananampalataya, gaya nina Noe, Abraham, Sara, at Rahab. Pagkatapos, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ‘tuminging mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.’ Bakit?
17 Totoo, matibay ang pananampalataya sa pangako ng Diyos ng mga lalaki at babaing binanggit sa Hebreo kabanata 11. Pero hindi nila alam ang lahat ng detalye kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako sa pamamagitan ng Mesiyas at ng Kaharian. Sa diwang ito, hindi buo ang kanilang pananampalataya. Sa katunayan, hindi lubusang naunawaan ng mga sumulat ng maraming hula tungkol sa Mesiyas ang kanilang isinulat. (1 Ped. 1:10-12) Sa pamamagitan lamang ni Jesus mapasasakdal, o magiging buo, ang pananampalataya. Napakahalaga ngang maunawaan at kilalanin nating mabuti ang papel ni Jesus bilang “Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya”!
Patuloy na Maghanap
18, 19. (a) Banggitin ang iba pang espirituwal na kayamanang nakakubli kay Kristo. (b) Bakit tayo dapat patuloy na maghanap ng espirituwal na kayamanang masusumpungan kay Jesus?
18 Tinalakay natin ang ilang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos para sa kaligtasan ng tao. May iba pang espirituwal na kayamanang nakakubli kay Kristo. Masisiyahan at makikinabang tayo kung hahanapin din natin ang mga ito. Halimbawa, tinawag ni apostol Pedro si Jesus na “Punong Ahente ng buhay” at “bituing pang-araw” na sumisikat. (Gawa 3:15; 5:31; 2 Ped. 1:19) At tinukoy rin ng Bibliya si Jesus bilang “Amen.” (Apoc. 3:14) Alam mo ba ang kahulugan at kahalagahan ng mga papel na ito ni Jesus? Sinabi niya na “patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong.”—Mat. 7:7.
19 Walang ibang nabuhay gaya ni Jesus ang nagkaroon ng napakahalagang bahagi sa ating walang hanggang kinabukasan. Nasa kaniya ang espirituwal na kayamanang madaling matagpuan ng sinumang buong-pusong naghahanap nito. Magalak ka nawa sa paghahanap ng kayamanang “maingat na nakakubli sa kaniya.”
Naaalaala Mo Ba?
• Hinihimok ang mga Kristiyano na hanapin ang anong kayamanan?
• Bakit angkop pa rin sa atin ngayon ang payo ni Pablo sa mga taga-Colosas?
• Banggitin at ipaliwanag ang ilang espirituwal na kayamanang “nakakubli” kay Kristo.
[Mga larawan sa pahina 5]
Gaya ng isang mapa, itinuturo sa atin ng Bibliya ang kayamanang “maingat na nakakubli” kay Kristo