“Mga Bagay na Nagpapatibay ng Ating mga Inaasahan”
NOON ay isang may kainitang Linggo ng umaga, Setyembre 10, nang 4,155 ang nagkatipon sa magandang Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Jersey City, New Jersey, para sa pagtatapos ng ika-87 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Naroroon ang 24 na mga estudyante at ang kani-kanilang inanyayahang mga panauhin kasama pa rin ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn at sa mga taniman ng Samahan.
Eksaktong alas-10:00 n.u. ay tinawagang-pansin ni Brother Albert Schroeder, na nagsilbing chairman para sa araw na iyon. Pagkatapos ng pambungad na awit, si John Barr ay naghandog ng panalangin. Ang kapuwa mga kapatid na ito ay mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Si Brother Schroeder ay nagharap ng isang maikling paliwanag tungkol sa mga katangian ng klase at bumanggit na ang mga nagtapos ay “handang makibahagi sa pangglobong aktibidad ng mga Saksi ni Jehova, ngayon sa 210 lupain.” Pagkatapos ay kaniyang ipinakilala ang pitong mga tagapagpahayag.
Si Robert Wallen, na nagtatrabaho sa Executive Offices sa punong-tanggapan sa Brooklyn, ay nagpahayag sa kaniyang tema, “Maningas na Mag-ibigan sa Isa’t isa,” batay sa 1 Pedro 4:8. Sinabi niyang ang mga misyonero ay kailangang magtulungan, at yamang lahat ng mga estudyante ng klaseng ito ay may asawa, ang kaniyang pahayag ay lalong higit na sa mga mag-asawa niya ipinatungkol. “Kailangang ibigin ng isang babae ang kaniyang asawa bagaman siya marahil ay mas mabilis matuto ng isang wikang banyaga kaysa kaniyang asawang lalaki,” ang ipinayo niya. “Ang babae’y dapat maging maunawain at mahabagin. At, dapat na maunawaan niya ang asawang lalaki pagka ito’y gumaganap ng kaniyang lingguhang araw sa pagluluto!” (Pangkaraniwan, bawat misyonero ay inaatasan ng isang regular na araw upang maghanda ng maghapong pagkain para sa lahat ng naninirahan sa tahanang Bethel.) Pagkatapos ay tinalakay ng tagapagsalita ang mga kabiguan at katawa-tawang mga karanasan ng mga ilang asawang lalaki nang sila’y nag-aaral magluto, tulad halimbawa ng karanasan ng asawang lalaki na baking soda ang ginamit sa halip na baking powder. Binanggit din ni Brother Wallen na ang asawang lalaki ay dapat “maging maunawain tungkol sa mga pangangailangan ng kaniyang asawa,” yamang malaking bahagi ng panahon ng asawang lalaki ang marahil ginugugol sa pag-aasikaso sa mga responsabilidad sa kongregasyon. Sa mga mag-asawa, sinabi niya: “Sa tuwina’y maging nagpapatibay; huwag maging negatibo sa pagsasalita, kahit na sa inyong pag-uusapang dalawa. Iwasang ibukod ang inyong sarili. At kung kayo’y magkamali, aminin ninyo ang inyong pagkakamali.”
Ang susunod na tagapagsalita, si Daniel Sydlik, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay ganito ang piniling tema: “Panatilihing Buháy ang Apoy ng Espiritu ng Diyos,” batay sa 1 Tesalonica 5:19. “Ang apoy ay maaaring kapuwa maging mainit at makapuksa,” aniya. “Kung minsan ang mga misyonero ay nagpapatibay-loob at kung minsan sila’y nananakot. Isang matandang lalaking Aprikano ang minsa’y nagsabi: ‘Hipan mong marahan,’ tulad ng paghihip sa isang titis na gusto mong mag-apoy! Sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na marahil masusumpungan mo sa iyong assignment—walang takip na mga imburnal, langaw, maingay na trapik, isang bagong lupain, isang relihiyong banyaga—magpakitang galang. Lalong maraming langaw ang mahuhuli mo sa pamamagitan ng pulut-pukyutan kaysa sa pamamagitan ng suka. Matutong ‘umihip ng dahan-dahan’ at panatilihing buháy ang apoy ng espiritu ni Jehova.”
Pagkatapos ang temang “Italaga ang Sarili sa Inyong Atas Nang May Kasiglahan at Pag-iingat” ay tinalakay ni Kenneth Flodin, tagapangasiwa ng Tahanang Bethel sa Watchtower Farms. Yamang ang Paaralang Gilead ay naroroon ngayon sa Watchtower Farms, lahat ng mga nagtapos ay lubhang nakakikilala kay Brother Flodin. Dalawang pitak ng pag-iingat ang tinalakay sa kaniyang pahayag: (1) materyalismo at (2) negatibong pangungusap at negatibong pag-iisip. “Iwasan ang kaimbutan at huwag ang sarili ang tingnan” ang payo. “Ang mga kaginhawahan at magagandang bagay ay doon na asahan sa bagong sanlibutan; huwag hanapin ngayon,” aniya. Upang matulungan ang mga estudyante na iwasan ang negativismo, ang tagapagsalita ay sumipi ng Bilang 13:28, 32. “Kung minsan,” ang sabi niya, “nakikita ng mga tao ang iisang bagay, at ang iba’y magkakaroon ng negatibong pangmalas, ang iba nama’y ng isang positibong pangmalas. Katulad ni Caleb noong una, magtiwala kay Jehova. Sabihin sa iba ang inyong positibong mga kaisipan. At kung mapaharap kayo sa negatibong pangungusap, baguhin ang paksa upang maiwasan ang negatibong mga kaisipan.”
Si Lloyd Barry, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala at isang dating misyonero, ay nagbigay ng praktikal na payo. “Ang pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan ay mahalagang mga katangian para sa mga bagong misyonero,” aniya. “Kayo’y magiging palaisip sa mga kahinaan ng iba sa inyong tahanang misyonero, ngunit itutok ang inyong pansin sa inyong sariling mga kahinaan.” Kaniyang ginunita ang kaniyang mga unang araw sa Hapon nang ang mga misyonero’y pulos isda ang kinakain sa araw-araw, ngunit may mga bagong misyonerong dumating na may allergy sa isda. kaya’t binago ang menu dahil sa pag-ibig sa mga baguhang ito. Siya’y nagpayo rin: “Huwag ninyong aalisin sa inyo ang pagkamapagpatawa; huwag hayaang lubugan ng araw ang anumang mga problema na mayroon kayo. Patuloy na itaguyod sa tahanan ang kapayapaan, at kayo’y magiging maligaya sa inyong buhay bilang misyonero.”—Efeso 4:26.
Si Jack Redford, isa sa mga instruktor sa Gilead, ay nagsalita naman sa paksang: “Tatapusin ni Jehova ang Inyong Pagsasanay,” na sa 1 Pedro 5:10 ibinatay ang kaniyang ipinahayag. Sinabi niya: “Maaari kang sanayin ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapahintulot na bumangon ang mga kalagayang mahirap na pakitunguhan. Kung papaano niya sinanay ang mga apostol ng paghawak sa mga suliranin na may kinalaman sa personalidad, kaniya ring sasanayin kayo. Huwag kayong mawalan ng pag-asa pagka may pagkakaiba-iba ng opinyon. Maging handa na ibagay ang inyong personalidad. Dahil sa pagmamataas ay mahirap na gawin ito, ngunit posible sa tulong ng pagpapakumbaba. Matutong makibagay. Kayo’y sasanayin ni Jehova upang makasundo ang iba. Basta ‘huwag didibdibin ang lahat ng salita na maaaring salitain ng mga tao’ tungkol sa inyo.” (Eclesiastes 7:21, 22) Ang pag-uusig ay nagsisilbi ring pagsasanay. Ang mga misyonerong nakapagtiis ng pag-uusig ay maliligaya at walang pinagsisisihan, wala silang nadarama kundi kagalakan sa pagiging nasanay ng pag-uusig.
Si Ulysses Glass, isa pang instruktor, ay nagbigay naman ng kaniyang pangkatapusang mga pananalita sa mga nagtapos. Siya’y nagtutok ng pansin sa Efeso 4:1-3, nagbigay ng komendasyon sa klase dahil sa pagpapakita ng mga katangiang umaakay sa pagkakaisa na tinalakay roon at hinimok sila na magpatuloy na gawin iyon, na sinasabi: “Ang kapayapaan ay isang tagapagbuklod, at ito’y kailangan para sa pagkakaisa.” Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa Efeso 4:4-6 at nirepaso ang kasindak-sindak na katangian ng espiritu ng Diyos, anupa’t ipinaalaala sa lahat na “si Jehova ang Bukal ng lahat ng dinamikong lakas. Tayo’y dapat tumayong may pagkasindak sa kaniya; isang kakila-kilabot na bagay ang mahulog sa kaniyang mga kamay.”—Hebreo 10:31.
Mga Bagay na Lubhang Maaasahan
Pagkatapos lahat ay matamang nakinig kay Theodore Jaracs, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na nagpahayag sa tampok na temang: “Mga Bagay na Nagpapatibay ng Ating mga Inaasahan.” Sa pangangatuwiran sa 1 Corinto 2:9, sinabi niya: “Ang talatang ito ay hindi tumutukoy sa mga bagay na materyal, sapagkat sa susunod na talata, 1 Corinto 2:10, ay tinutukoy ‘ang malalalim na bagay ng Diyos.’ Kasali na rito ang ‘karunungan ng Diyos’ may kaugnayan sa ‘banal na lihim,’ sa kaniyang ‘natatagong karunungan’ na nanggaling sa kabila pa roon ng sistema solar na ito, oo, sa Diyos mismo.” (1 Corinto 2:7) Ang mga tagapakinig ay pinabuklat naman sa Isaias 64:4, na isang tagapagpaalaala na ‘patuloy na asahan’ ang Diyos at ang mga bagay na kaniyang inihanda.
Anong gandang mga inaasahan ang talagang taglay ng bayan ng Diyos! Binanggit ni Brother Jaracs ang sumusunod: “Noong 1919 nariyan ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila; noong 1922 ang kahindik-hindik na paanyayang ‘ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian,’ ipangaral ang tatag na Kaharian sa buong daigdig; noong 1935 napag-alaman ng bayan ng Diyos ang kahulugan ng ‘malaking pulutong’ sa Apocalipsis 7:9; noong 1943 kanilang nakita ang Paaralang Gilead sa pagsisimulang magpadala ng mga misyonero sa mga wakas ng lupa; sa ngayon, 1989, kayong mga nagtapos ay may pribilehiyong magbalita ng mabubuting bagay sa mga tao sa inyong mga teritoryo na handang makinig.”
Pagkatapos na ipamahagi ang mga diploma, isa sa mga estudyante ang bumasa ng isang nakababagbag-damdaming liham ng pagpapahalaga buhat sa klase.
Sa hapon, si Lon Schilling, coordinator ng Watchtower Farms Committee, ang naging konduktor sa isang pinaikling Watchtower Study. Pagkatapos ay nagtanghal ang mga estudyante ng isang nakalulugod na programang musikal at isinadula ang ilan sa kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan. Pagkatapos nito, ang lokal na mga mamamahayag ay nagtanghal ng isang napapanahong drama na pinamagatang: “Kung Papaano Haharapin ang mga Tusong Pakana ni Satanas.” Sa katapus-tapusan, pagkatapos makinig sa mga kinapanayam na anim sa mga bagong nagtapos, ang maligayang pulutong ay umawit ng isang pantapos na awitin at buong lugod na nagsama ng pananalangin sa 96-anyos na presidente ng Paaralang Gilead, si Frederick Franz.
[Kahon sa pahina 23]
MGA KATANGIAN NG KLASE
Bilang ng mga bansang kinakatawan: 5
Bilang ng mga bansang pinag-atasan sa kanila: 10
Bilang ng mga mag-asawa: 12
Kabuoang bilang ng mga estudyante: 24
Katamtamang edad: 30.9
Katamtamang taon sa katotohanan: 13.4
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 9.2
[Larawan sa pahina 23]
Ika-87 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay ninumerohan mula harap patungo sa likod, at ang mga pangalan ay nakatala mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Heindel, E.; Andrews, D.; Casavant, D.; Montanez, E.; Nale, P.; Koukaras, S. (2) Miell, T.; Heithaus, M.; Melton, T.; Hagberg, N.; Kettinen, M. (3) Kettinen, L.; Andrews, W.; Koukaras, E.; McCollough, S.; Melton, G.; McCollough, J. (4) Heindel, W.; Casavant, G.; Miell, G.; Montanez, J.; Nale, M.; Hagberg, I.; Heithaus, K.