“Subukin ang Pagiging Tunay ng Inyong Pag-ibig”
ANO ba ang ipinaaalaala sa iyo ng binanggit na mga pananalita? Pag-uusig at kahirapan? Pagkamartir? Ang mga salitang iyan ay isinulat ni apostol Pablo ang orihinal sa isang liham sa mga Kristiyano sa sinaunang Corinto. Ang mga iyan ay may malaking kahalagahan sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon sa bagay na ‘ang pagiging tunay ng kanilang pag-ibig’ ay sinusubok din. Subalit papaano? Bilang sagot, suriin natin ang konteksto ng mga salita ni Pablo.
Ang Batayan ng Pagsubok
Mga dalawampung taon pagkatapos na matatag ang Kristiyanismo, ang kongregasyon sa Jerusalem ay nasa mahigpit na pangangailangan. Palibhasa’y naninirahan sa mistulang moog ng pananalansang at maling akala na nagmumula sa mga Judio, ang mga Kristiyano sa lumipas na mga taon ay “nagbata ng malaking pagsubok sa gitna ng mga kahirapan,” at nakaranas pa man din sila ng ‘pag-agaw sa kanilang mga ari-arian.’ (Hebreo 10:32-34) Kinailangan noon ang tulong buhat sa labas.
Tunay, ang kanilang mga kapatid na Gentil ay nangabagbag ang damdamin upang tumulong sa kanila. Mangyari pa, sila’y may natatanging “pagkakautang” sa mga Kristiyano sa Jerusalem. Hindi baga nanggaling sa Jerusalem ang mabuting balita na kumalat hanggang sa mga Gentil? Ipinagunita ni Pablo: “Kung ang kanilang espirituwal na kayamanan ay ibinahagi sa mga Gentil ng mga Judiong Kristiyano, ang mga Gentil ay may maliwanag na tungkuling mag-abuloy sa kanilang materyal na mga pangangailangan.”—Roma 15:27, The New English Bible.
Pagsasaayos ng Abuluyan
Kay Pablo’y itinagubilin ng lupong tagapamahala na “laging alalahanin ang dukha [na mga Kristiyano].” (Galacia 2:10) Kaya’t nagpasabi siya sa mga Kristiyano sa Europa at sa Asia Minor tungkol sa kalagayan sa Jerusalem. Narito ang mga tagubilin ni Pablo: “Ngayon tungkol sa abuluyan para sa mga banal, gaya ng tagubilin ko sa mga kongregasyon sa Galacia, ganoon din ang gawin ninyo. Tuwing unang araw ng sanlinggo bawat isa sa inyo sa kani-kaniyang sambahayan ay magtabi ng kung magkano man ayon sa kaniyang ikagiginhawa, upang huwag nang pagdating ko lamang diyan saka mag-abuluyan.”—1 Corinto 16:1, 2.
Sa ganitong paraan ng pagbabadyet ng kanilang salapi, walang sinuman na mag-iisip na siya’y napilitan o pinilit pagdating ng aktuwal na pag-aabuluyan. Ang mga kapatid ay walang anumang pangamba na ang kanilang salapi ay gagastahin sa maling paraan o aaksayahin. Tanging ‘subok na mga lalaki’ ang papayagang maghatid sa nakulektang mga pondo, anupa’t si Pablo mismo ang makakasama nila kung sakaling kailangan iyon.—1 Corinto 16:3-5.
Ano ba ang tugon ng mga taga-Corinto? Bagaman marahil ang mga kapatid ay tumugon nang may pagsang-ayon sa ipinayo ni Pablo, ang mga abuloy ay hindi kailanman naipadala. (2 Corinto 8:6, 10, 11) Marahil ang malaking panahon ng matatanda ay nagugol sa paglutas sa mga suliranin ng mga kongregasyon tungkol sa pagkakabaha-bahagi, imoralidad, at iba pang mga suliranin na isinulat sa kanila ni Pablo.
‘Maging Bukas-Palad sa May Kagandahang-Loob na Pagbibigay’
Sa papaano man, sila’y sinulatan ni Pablo ng isa pang liham na nagsasabi: “Mga kapatid, ipinatatalastas namin sa inyo ang tungkol sa di-sana-nararapat na awa ng Diyos na ipinagkaloob sa mga kongregasyon ng Macedonia, kung papaanong sa gitna ng malaking pagsubok sa ilalim ng kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagkat ayon sa kanilang kaya, oo, ako’y magpapatotoo ayon sa higit pa sa kanilang kaya, sila’y nagsiabuloy ayon sa kanilang sariling kalooban, na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa pribilehiyong ito ng may kagandahang-loob na pagbibigay at pakikibahagi sa ministeryo na ukol sa mga banal. At ito ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos. Ito ang umakay sa amin na himukin si Tito na, yamang siya ang nagpasimula nito noong una sa gitna ninyo, siya na rin sana ang gumanap sa inyo ng ganitong bukas-palad na pagbibigay. Datapuwat, yamang kayo’y sumasagana sa lahat ng bagay, sa pananampalataya at pananalita at kaalaman at sa buong kasipagan at sa aming pag-ibig na ito sa inyo, harinawang magsisagana rin naman kayo sa bukas-palad na pagbibigay na ito.”—2 Corinto 8:1-7.
Ang ganitong halimbawa ng mapagsakripisyong mga taga-Macedonia ay nagbigay sa mga taga-Corinto ng malaking palaisipan. Ang Corinto ay naging kasabihan dahil sa kaniyang kayamanan, luho, at komersiyo. Ang ilan sa mga kapatid doon ay maaaring may karalitaan, subalit, sa kabuuan, walang alinlangan na ang kongregasyon ay nasa mas mabuting kalagayan kaysa mga Kristiyano sa Macedonia na nasa “labis na karukhaan.” Sa kabila nito, ang mga taga-Macedonia ay nag-abuloy ng ‘lampas pa sa kaniyang aktuwal na kaya.’ Sila’y hindi na kinailangang udyukan pa ni Pablo na mag-abuloy. Anupa’t kanilang ‘ipinamanhik’ kay Pablo ‘nang may pagsusumamo’ na magkaroon sila ng bahagi sa abuluyang ito! Ito’y patotoo na ang mga Kristiyano sa Macedonia ay tunay na “nagbigay ng kanilang sarili sa Panginoon [sa walang pasubaling pag-aalay] at kay [Pablo at sa kaniyang mga kasama],” anupa’t nagpapasakop sa kanilang teokratikong pamamatnubay.
Sinubok Tungkol sa Kanilang Pag-ibig at Kagandahang-Loob
Ang mga taga-Corinto kaya ay kikilos din upang ‘sumagana sa may kagandahang-loob na pagbibigay’? Nang unang dumalaw sa Corinto, si Pablo ay napilitan na tustusan ang kaniyang sarili bilang isang manggagawa ng tolda. (Gawa 18:1-3) Kaniyang ipinagpatuloy ang ganitong patakaran ng pagtustos sa sarili kahit na nagkaroon doon ng isang kongregasyon, at kaniyang iniwasan na gamitin ang kaniyang “autoridad” bilang isang buong-panahong ebanghelisador na tatanggap ng salaping panustos.—1 Corinto 9:3-12.
Ang sabi ng komentarista sa Bibliya na si Thomas Scott: “Marahil, kanilang nasaksihan ang ilang mga bagay sa ugali ng mga Kristiyanong taga-Corinto, na unang nag-udyok sa kaniya na tanggihan ang kanilang iniaalok na panustos.” Marahil sa impluwensiya ng mapag-imbot na materyalismong nakapalibot sa kanila, ang nakaririwasang mga taga-Corinto ay marahil basta walang hilig na maging mga bukas-palad. Baka naman nangangamba si Pablo na ang mahilig sa komersiyong mga taga-Corinto ay mag-alinlangan sa kaniyang motibo kung kaniyang tatanggapin ang kanilang iniaalok na panustos. Baka mayroon din doon na, tulad ng ilan sa Tesalonica, mga taong tamad at ang hangarin ay maging pasanin na lamang sa kanilang mga kapuwa Kristiyano.—2 Tesalonica 3:7-12.
Anuman ang dahilan, ang minabuti ni Pablo at ng kaniyang mga kasama ay suportahan ang kanilang mga sarili “upang kami ay huwag pagmulan ng anumang hadlang sa mabuting balita tungkol sa Kristo.” (1 Corinto 9:12) Datapuwat, sumapit ang panahon na si Pablo’y dumanas ng paghihikahos, na nabalitaan ng maralitang mga kapatid sa Filipos. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Ang mga ibang kongregasyon ay pinagsamantalahan ko sa pamamagitan ng pagtanggap ko sa kanila ng mga paglalaan upang ako’y makapaglingkod sa inyo; gayunman kung ako’y naririyan sa inyo at nagkukulang ng ikabubuhay, ako’y hindi naging isang pasanin sa kanino man, sapagkat ang mga kapatid na nanggaling sa Macedonia (marahil Filipos) ang nagtakip ng aking mga pangangailangan. Oo, sa lahat ng paraan ay pinag-ingatan kong huwag maging pasanin sa inyo at palaging magiging gayon ako.”—2 Corinto 11:8, 9; ihambing ang Filipos 4:15, 16.
Totoo, inamin ni Pablo mismo na hindi siya ‘tatanggap ng mga paglalaan’ buhat sa mga taga-Corinto. Subalit nang subukin ni Pablo na tanggihan ang pagmamagandang-loob ng babaing taga-Filipos na si Lydia, ‘kaniyang pinilit sila.’ (Gawa 16:15) Ang mga taga-Corinto ba ay nagpakita ng ganoon ding pamimilit kay Pablo kung tungkol sa materyal na pangangailangan niya? Ang sino man ay mananabik na malaman iyan. Sa papaano man, ang kongregasyon sa Jerusalem ay nagbigay ng pagkakataon na subukin kung ang mga taga-Corinto ay nahihilig na maging maramot o kung sila ay sumulong na sa pagiging bukas-palad. Sa gayo’y kaniyang ipinayo:
“Hindi ako nangungusap na tulad sa nag-uutos sa inyo, kundi . . . upang subukin ang pagiging tunay ng inyong pag-ibig, kaya ako nangungusap. Sapagkat hindi ko sinasabi ito upang ang mga iba ay magaangan, at kayo’y mabigatan [samakatuwid baga, hindi upang ang iba ay maginhawahan at kayo naman ay mapabigatan]; kundi ayon sa pagkakapantay-pantay, ang inyong kasaganaan ngayon ay maging abuloy sana sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan naman ay maging abuloy sa inyong kakulangan, upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. Gaya ng nasusulat: ‘Ang nagtipon ng marami ay hindi naglabis, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang.’”—2 Corinto 8:8, 13-15.
Maliwanag, ang mga taga-Corinto ay pumasá sa pagsubok sa kanila. Nang malaunan ay nag-ulat si Pablo: “Minagaling ng mga nasa Macedonia at Achaia [na kinaroroonan ng Corinto] na mag-abuluyan para sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.”—Roma 15:26.
Ang Pagtatagumpay sa Pagsubok Ngayon
Subalit, tayo ba ay nagtatagumpay sa mga pagsubok ng pag-ibig at kagandahang-loob na napapaharap sa atin ngayon? Tayo ay nabubuhay sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Marami sa atin ang gipit sa pananalapi. At kung minsan “ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan” ang lumilikha ng sariling mga kagipitan. (1 Juan 2:16) Anong dali na ang isa’y sa kaniyang sarili lamang mapasentro ang pag-iisip, walang pakiramdam na tulungan ang ibang nasa pangangailangan!
Sa kabuuan, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nakapagtagumpay sa mga pagsubok sa kanilang pag-iibigang pangmagkakapatid sa isang kapuna-punang paraan. Halimbawa, noong Marso 3, 1985, isang lindol ang naganap sa Santiago, Chile. Daan-daang mga kapatid ang nawalan ng kanilang tahanan at ari-arian. Karakaraka, ang mga kongregasyon ay nagsaayos ng mga paraan ng pagtulong. “Sa loob lamang ng mga ilang oras,” ayon sa pag-uulat ng mga kapatid, “mayroon nang nagdatingang mga may dalang pagkain, damit, kumot at iba pang mga kagamitan.” May dumating ding mga abuloy na galing sa buong daigdig. Nakakatulad na mga pangyayari ang naganap maraming beses noong lumipas na mga taon.
Subalit hindi na kailangang hintayin pa natin ang anumang kapahamakan upang patunayan ang ating pag-ibig pangmagkakapatid. Kung isang kapuwa Kristiyano ang dumaranas ng paghihikahos, maaaring damayan natin siya sa kaniyang mga pangangailangan, na higit pa ang ginagawa kaysa pagsasabi lamang, “magpakainit ka at magpakabusog.” (Santiago 2:15, 16) At kumusta naman yaong nasa buong-panahong paglilingkod na “nabubuhay sa pamamagitan ng mabuting balita.” Katulad ni Pablo, ang gayong mga tao ay hindi humihingi ni umaasa man ng tulong na salapi buhat sa mga pinaglilingkuran nila. Gayunman, marami ang nabagbag ang damdamin upang magpakita ng kagandahang-loob sa mga nagpapagal upang ‘maghasik ng espirituwal na mga bagay’ alang-alang sa kanila.—1 Corinto 9:11, 14.
At kumusta naman ang mga pangangailangan ng pandaigdig na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova? Ang 1989 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay nag-uulat na “noong 1988 taon ng paglilingkod ang Watch Tower Society ay gumugol ng $29,834,676.97 para sa pantustos sa mga special payunir, misyonero, at naglalakbay na mga tagapangasiwa sa iniatas sa kanila na mga paglilingkuran sa larangan.” Malaki rin ang nagasta sa pag-aasikaso at pagbili ng mga pasilidad, gamit, makinarya, papel para sa sangay—huwag nang sabihin pa ang pangunahing mga gastos sa pamumuhay ng pamilyang Bethel sa buong globo, na ngayo’y may bilang na mahigit nang 9,000! Karagdagan pa, mga 18 proyekto sa konstruksiyon at pagkukumpuni at pagbabago ng yari ng mga gusali ang kasalukuyang nagaganap sa iba’t ibang sangay, at 19 sa ating punong tanggapan sa Brooklyn, New York. Ikaw ba’y may ginaganap na bahagi sa pagtustos sa pangglobong gawaing ito?
Tulad noong unang siglo, sa ngayon lahat ay nakikibahagi sa pag-aasikaso ng pananagutang ito, kasali na ang mga di-nakaririwasa, na, sa kanilang kaunting abuloy, pinatutunayan nila na sila ang pinakamatibay na suporta ng pananalapi ng Samahan. Ang iba’y natutulungan na sundin ang batayan na nasa 1 Corinto 16:2 at regular na nagsasaayos ng kanilang sariling pondo upang may maiabuloy sa lokal na Kingdom Hall. Ang iba naman ay nagpapasiyang mag-abuloy na tuwiran ng salapi sa Watch Tower Society sa 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa isa sa mga tanggapang sangay.
Nasisiguro ninyo na pinahahalagahan ni Jehova ang mga taong, sa pamamagitan ng kanilang kagandahang-loob, ay nagpapakita na tunay ang kanilang pag-ibig. Huwag mong pagkaitan ang iyong sarili ng mga pagpapala! Ipinangako ni Pablo: “At maaaring gawin ng Diyos na ang lahat ng kaniyang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ay sumagana sa inyo, na, samantalang kayo’y laging may lubos na kasaganaan sa lahat ng bagay, kayo’y sumagana naman sa bawat mabuting gawa.”—2 Corinto 9:8.
[Kahon sa pahina 26]
KUNG PAPAANONG ANG IBA’Y NAG-AABULOY SA GAWAING PANGKAHARIAN
◻ KALOOB: Kusang-loob na mga donasyon ng salapi ang maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa. Mga ari-arian na katulad ng lupa’t bahay, ng mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ang maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang donasyon ang dapat kasama ng mga abuloy na ito.
◻ KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON: Maaaring magbigay ng salapi sa Watch Tower Society upang ito ang maghawak niyaon, kasama ng probisyon na sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito’y ibabalik sa nagkaloob.
◻ SEGURO: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyario ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano tungkol sa pagreretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
◻ DEPOSITO (TRUSTS): Ang mga deposito sa bangko ay maaaring ilagay sa pangalan ng Samahan. Kung ito’y gagawin, pakisuyong ipagbigay-alam sa Samahan. Mga aksiyon, bono, at ari-arian ay maaari ring ibigay na donasyon sa ilalim ng isang kaayusan na pakikinabangan ito ng nagkaloob sa panahon na kaniyang ikinabubuhay. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito ay naiiwasan ang gastos at kawalang-kasiguruhan ng paghaharap ng kaso sa hukuman tungkol sa naiwang ari-arian, samantalang sinisiguro na tatanggapin ng Samahan ang ari-arian pagkamatay ng may-ari.
◻ TESTAMENTO: Ang ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan. Isang kopya ang dapat na ipadala sa Samahan.
Para sa higit pang impormasyon at payo para sa gayong mga bagay, sumulat kayo sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan.