KABANATA 13
“Gawin Ninyo ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos”
BILANG nakaalay na mga lingkod ng Diyos, pananagutan nating ipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa. Isinulat ni apostol Pablo ang isang prinsipyong dapat gumabay sa atin: “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Cor. 10:31) Kasama rito ang pagsunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova, na repleksiyon ng kaniyang perpektong personalidad. (Col. 3:10) Bilang isang banal na bayan, dapat nating tularan ang Diyos.—Efe. 5:1, 2.
2 Pinaaalalahanan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog sa mga pagnanasa na mayroon kayo noong wala pa kayong alam, kundi gaya ng Banal na Diyos na tumawag sa inyo, magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo, dahil nasusulat: ‘Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.’” (1 Ped. 1:14-16) Tulad ng sinaunang Israel, dapat manatiling banal ang lahat ng nasa kongregasyong Kristiyano. Ibig sabihin, dapat silang manatiling walang batik, o malinis mula sa karumihan ng kasalanan at pagiging makasanlibutan. Sa ganitong paraan, naibubukod sila para sa sagradong paglilingkod.—Ex. 20:5.
3 Napananatili ang kabanalan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at prinsipyo ni Jehova, na malinaw na mababasa sa Banal na Kasulatan. (2 Tim. 3:16) Sa pag-aaral ng Bibliya, natuto tayo tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga daan, at napalapít tayo sa kaniya. Nakumbinsi rin tayo na kailangan nating unahin sa ating buhay ang Kaharian ng Diyos at ang paggawa ng kalooban ni Jehova. (Mat. 6:33; Roma 12:2) Para magawa ito, kailangan nating isuot ang bagong personalidad.—Efe. 4:22-24.
KALINISAN SA ESPIRITUWAL AT MORAL
4 Hindi laging madaling sumunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Sinisikap ng ating kalaban, si Satanas na Diyablo, na ilihis tayo sa katotohanan. Kung minsan, nahihirapan tayo dahil sa napakasamang impluwensiya ng sanlibutang ito at dahil makasalanan tayo. Para makapamuhay ayon sa ating pag-aalay, kailangan nating pagsikapan na ingatan ang ating espirituwalidad. Sinasabi ng Kasulatan na hindi tayo dapat magtaka kapag napaharap tayo sa pagsalansang o mga pagsubok. Kailangan tayong magdusa alang-alang sa katuwiran. (2 Tim. 3:12) Pero puwede tayong maging maligaya kahit dumaranas ng pagsubok dahil alam nating patunay ito na ginagawa natin ang kalooban ng Diyos.—1 Ped. 3:14-16; 4:12, 14-16.
5 Perpekto si Jesus, pero natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya. Hindi siya kailanman nagpadala sa mga tukso ni Satanas o naghangad ng magandang buhay sa sanlibutan. (Mat. 4:1-11; Juan 6:15) Kahit minsan, hindi inisip ni Jesus na makipagkompromiso. Napoot man sa kaniya ang sanlibutan dahil sa kaniyang katapatan, nanghawakan pa rin siya sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Nang malapit na siyang mamatay, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad na mapopoot din sa kanila ang sanlibutan. Mula noon, dumanas na ng kapighatian ang mga tagasunod ni Jesus, pero lakas-loob nilang hinarap ito dahil alam nilang dinaig ng Anak ng Diyos ang sanlibutan.—Juan 15:19; 16:33; 17:16.
6 Para hindi maging bahagi ng sanlibutan, kailangan nating sundin ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova, gaya ng ginawa ng ating Panginoon. Bukod sa pag-iwas na masangkot sa mga isyung pampulitika at panlipunan, dapat din nating ingatan ang ating sarili laban sa napakababang moralidad ng sanlibutan. Sinusunod natin ang payo sa Santiago 1:21: “Alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang bawat bahid ng kasamaan, at tanggapin nang may kahinahunan ang salitang itinatanim sa puso ninyo na makapagliligtas sa inyo.” Sa pamamagitan ng pag-aaral at pagdalo sa mga pulong, ‘maitatanim ang salita’ ng katotohanan sa ating isip at puso, at hindi rin natin hahangarin ang mga iniaalok ng sanlibutan. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipaglaban sa Diyos? Kaya kung gusto ng sinuman na maging kaibigan ng sanlibutan, ginagawa niyang kaaway ng Diyos ang sarili niya.” (Sant. 4:4) Iyan ang dahilan kaya ganoon na lang ang payo ng Bibliya na manghawakan sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova at manatiling hindi bahagi ng sanlibutan.
7 Nagbababala ang Salita ng Diyos laban sa kahiya-hiya at imoral na paggawi: “Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo ang seksuwal na imoralidad at lahat ng uri ng karumihan o kasakiman, dahil hindi iyan angkop sa mga taong banal.” (Efe. 5:3) Kaya hindi natin hahayaang maglaro sa ating isip ang mga bagay na mahalay, kahiya-hiya, o marumi, at lalo nang hindi natin ito hahayaang mapasama sa mga kuwentuhan natin. Sa ganitong paraan, napatutunayan natin na gusto nating manghawakan sa malinis at matuwid na mga pamantayang moral ni Jehova.
KALINISAN SA PISIKAL
8 Bukod sa pagiging malinis sa espirituwal at moral, alam ng mga Kristiyano na mahalaga ring maging malinis sa pisikal. Sa sinaunang Israel, ipinag-utos ng banal na Diyos na panatilihing malinis ang kampo. Dapat na malinis din tayo para ‘hindi makakita si Jehova ng anumang marumi’ sa atin.—Deut. 23:14.
9 Sa Bibliya, may malapit na kaugnayan ang kabanalan sa pisikal na kalinisan. Halimbawa, sumulat si Pablo: “Mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu para maabot natin ang lubos na kabanalan nang may takot sa Diyos.” (2 Cor. 7:1) Kaya dapat sikapin ng mga Kristiyanong lalaki at babae na panatilihing malinis ang kanilang katawan sa pamamagitan ng regular na paliligo at paglalaba ng kanilang damit. Iba-iba ang kalagayan sa bawat bansa, pero karaniwan nang makakakuha tayo ng sapat na sabon at tubig para mapanatiling malinis ang ating sarili at ang ating mga anak.
10 Dahil sa ating gawaing pagpapatotoo, karaniwan nang kilaláng-kilalá tayo sa ating komunidad. Kung laging masinop, malinis, at maayos ang loob at labas ng ating bahay, nagsisilbi na itong patotoo sa mga kapitbahay. Puwedeng magtulungan ang buong pamilya sa bagay na ito. Dapat tiyakin ng mga brother na malinis at masinop ang bahay at ang bakuran, dahil makapagbibigay ito ng magandang impresyon sa iba. Ang pagganap sa pananagutang ito, pati na ang pangunguna sa espirituwal na mga bagay, ay patunay na ang mga ulo ng pamilya ay namumuno sa kani-kanilang pamilya sa mahusay na paraan. (1 Tim. 3:4, 12) May pananagutan din ang mga sister sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay, lalo na sa loob ng bahay. (Tito 2:4, 5) At para naman sa mga batang sinanay na mabuti, dapat nilang panatilihing malinis at maayos ang kanilang sarili at ang kanilang mga kuwarto. Kaya sa pakikipagtulungan ng bawat miyembro ng pamilya, nasasanay silang maging malinis, na angkop sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.
11 Maraming lingkod ni Jehova sa ngayon ang gumagamit ng sasakyan sa pagdalo sa mga pulong. Sa ilang lugar, kailangang-kailangan ang sasakyan para sa ministeryo. Dapat panatilihing malinis at nasa kondisyon ang sasakyan. Ang ating mga bahay at sasakyan ay dapat magsilbing patotoo na bahagi tayo ng malinis at banal na bayan ni Jehova. Dapat na malinis at maayos din ang ginagamit nating Bibliya at bag sa pangangaral.
12 Ang ating pananamit at pag-aayos ay dapat na kaayon ng mga prinsipyo ng Diyos. Hindi tayo haharap sa isang prominenteng tao kung ang pananamit natin ay marumi o masyadong casual. Kaya dapat na maging mas palaisip tayo sa ating pananamit kapag kinakatawan natin si Jehova sa ministeryo o sa plataporma. Ang ating pag-aayos at istilo ng pananamit ay puwedeng makaimpluwensiya sa pananaw ng iba sa pagsamba kay Jehova. Kaya dapat tayong maging mahinhin at makonsiderasyon sa iba. (Mik. 6:8; 1 Cor. 10:31-33; 1 Tim. 2:9, 10) Kapag naghahanda para sa ministeryo o para sa pagdalo sa mga pulong, asamblea, o kombensiyon, isinasaisip natin ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pisikal na kalinisan at sa mahinhing pananamit at pag-aayos. Lagi nating gustong maparangalan at maluwalhati si Jehova.
Bilang nakaalay na mga lingkod ng Diyos, pananagutan nating ipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa
13 Angkop din ang prinsipyong ito kapag dumadalaw tayo sa punong-tanggapan o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Tandaan, ang pangalang Bethel ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” Kaya kung paano tayo nananamit at kumikilos sa Kingdom Hall, dapat na gayon din kapag nasa Bethel.
14 Kahit naglilibang lang tayo, gusto pa rin nating maging palaisip sa ating pananamit at pag-aayos. Puwede nating tanungin ang sarili, ‘Mahihiya ba akong magpatotoo nang di-pormal dahil sa suot ko?’
ANGKOP NA LIBANGAN
15 Kailangan ang pahinga at paglilibang para manatiling balanse at malusog. Minsan, niyaya ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa isang lugar na malayo sa mga tao para “magpahinga . . . nang kaunti.” (Mar. 6:31) Ang pagpapahinga at angkop na libangan ay nakarerepresko. Tutulong ito sa atin na makapagpatuloy sa mga gawain natin sa araw-araw.
16 Sa dami ng libangan sa ngayon, ang mga Kristiyano ay dapat na maging mapamili, na ginagamit ang makadiyos na karunungan sa pagpapasiya. Makakabuti ang paglilibang, pero hindi ito ang pinakaimportante sa buhay natin. Binababalaan tayo na sa “mga huling araw,” ang mga tao ay magiging “maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos.” (2 Tim. 3:1, 4) Ang karamihan sa mga libangan sa ngayon ay hindi angkop para sa mga gustong sumunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova.
17 Kailangang labanan ng unang mga Kristiyano ang masamang impluwensiya ng mga tao na laging inuuna ang kaluguran. Sa mga arena ng mga Romano, tuwang-tuwa ang mga tao na panoorin ang pagdurusa ng iba. Itinatampok sa mga dula noon ang karahasan, pagdanak ng dugo, at seksuwal na imoralidad, pero iniwasan iyon ng unang mga Kristiyano. Ganiyan din ang itinatampok sa mga libangan sa ngayon para masapatan ang masasamang pagnanasa ng tao. Kaya kailangan nating ‘bantayang mabuti’ ang ating pagkilos at iwasan ang libangang nakapagpapababa ng moralidad. (Efe. 5:15, 16; Awit 11:5) Kahit hindi masama ang mismong libangan, baka hindi naman katanggap-tanggap ang ginagawa ng mga taong naroon, ang musika, at iba pa.—1 Ped. 4:1-4.
18 May mga kasiya-siyang libangan naman na angkop sa mga Kristiyano. Marami ang nakinabang sa pagsunod sa mga payo sa Bibliya at sa makatuwirang mga mungkahi sa ating mga publikasyon.
19 Kung minsan, puwedeng anyayahan sa bahay ang ilang pamilya para sa Kristiyanong pakikipagsamahan. Puwede ring imbitahan ang mga kapatid sa isang kasalan o sa katulad na mga okasyon. (Juan 2:2) Dapat alam ng nag-imbita na siya ang responsable sa lahat ng mangyayari sa pagtitipon. Kaya kailangang mag-ingat kapag malaki ang grupo. Kapag hindi nababantayang mabuti ang gayong mga pagtitipon, may ilang nakakalimot kung paano dapat gumawi bilang Kristiyano. Ang ilan ay nasosobrahan sa pagkain at pag-inom, at nakagagawa ng iba pang malubhang pagkakasala. Kaya naman nakikita ng isang matalinong Kristiyano na makakabuting limitahan ang laki ng grupo at haba ng oras ng gayong mga pagtitipon. Kung may ilalabas na alak, dapat maging katamtaman sa pag-inom nito. (Fil. 4:5) Kung gagawin ang lahat para matiyak na ang mga salusalo ay angkop at nakagiginhawa sa espirituwal, hindi magiging pangunahin ang pagkain at inumin.
20 Magandang maging mapagpatuloy. (1 Ped. 4:9) Kapag nag-iimbita tayo ng ibang Kristiyano sa ating bahay para kumain, maglibang, at makipagsamahan, gusto nating alalahanin ang mahihirap at may kapansanan. (Luc. 14:12-14) Kung tayo naman ang bisita, dapat nating sundin ang payo sa Marcos 12:31 tungkol sa paggawi. Lagi nating pahalagahan ang kabaitan ng iba.
21 Nasisiyahan ang mga Kristiyano sa saganang mga pagpapala ng Diyos at dahil alam nilang puwede silang “kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng pinaghirapan [nila].” (Ecles. 3:12, 13) Kung ‘gagawin natin ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos,’ matutuwa ang nag-imbita at ang mga bisita na alalahanin ang salusalo dahil napatibay sila sa espirituwal.
MGA GAWAIN SA PAARALAN
22 Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay nakikinabang sa sekular na edukasyon. Gusto nilang maging mahusay sa pagbasa at pagsulat. May mga subject na itinuturo sa paaralan na magagamit ng mga kabataan sa pag-abot ng espirituwal na mga tunguhin. Kahit nag-aaral pa, sinisikap nilang ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylalang’ sa pamamagitan ng pag-una sa espirituwal na mga bagay.—Ecles. 12:1.
23 Kung ikaw ay isang kabataang Kristiyano na nag-aaral pa, sikaping umiwas sa di-kinakailangang pakikipagsamahan sa mga kabataan sa sanlibutan. (2 Tim. 3:1, 2) Inilaan ni Jehova ang kinakailangang proteksiyon, kaya maiiwasan mo ang impluwensiya ng sanlibutan. (Awit 23:4; 91:1, 2) Mapoprotektahan mo ang iyong sarili kung sasamantalahin mo ang mga paglalaan ni Jehova.—Awit 23:5.
24 Para manatiling hiwalay sa sanlibutan habang nasa paaralan, pinipili ng karamihan sa mga kabataang Saksi na huwag sumali sa mga extracurricular activity. Baka hindi ito maintindihan ng kanilang mga kaklase at guro. Pero ang mahalaga ay ang mapasaya ang Diyos. Para magawa iyan, kailangan mong gamitin ang iyong konsensiya na sinanay sa Bibliya at maging determinadong huwag makibahagi sa makasanlibutang kompetisyon o nasyonalismo. (Gal. 5:19, 26) Mga kabataan, kung makikinig kayo sa makakasulatang payo ng inyong Kristiyanong mga magulang at makikipagsamahan sa mabubuting kaibigan sa kongregasyon, masusunod ninyo ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova.
TRABAHO AT MGA KASAMA
25 May makakasulatang obligasyon ang mga ulo ng pamilya na paglaanan ang kanilang pamilya. (1 Tim. 5:8) Pero bilang mga ministro, alam nilang mas mahalaga pa rin ang kapakanan ng Kaharian kaysa sa kanilang trabaho. (Mat. 6:33; Roma 11:13) Namumuhay sila nang may makadiyos na debosyon at kontento na sa pagkakaroon ng pagkain at damit, kaya naiiwasan nila ang mga álalahanín at bitag ng materyalistikong pamumuhay.—1 Tim. 6:6-10.
26 Dapat na laging isaisip ng lahat ng nakaalay na Kristiyanong nagtatrabaho ang mga prinsipyo sa Bibliya. Para mapanatili ang ating katapatan habang nagtatrabaho, hindi tayo nakikibahagi sa mga gawaing labag sa batas ng Diyos o ng bansa. (Roma 13:1, 2; 1 Cor. 6:9, 10) Isinasaisip natin ang panganib ng masasamang kasama. Bilang mga sundalo ni Kristo, hindi tayo nakikibahagi sa mga negosyo na lumalabag sa mga pamantayan ng Diyos, magkokompromiso sa ating Kristiyanong neutralidad, o magsasapanganib sa ating espirituwalidad. (Isa. 2:4; 2 Tim. 2:3, 4) At hindi tayo nakikipag-ugnayan sa kaaway ng Diyos, ang “Babilonyang Dakila.”—Apoc. 18:2, 4; 2 Cor. 6:14-17.
27 Kung sinusunod natin ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos, hindi natin sasamantalahin ang mga Kristiyanong pagtitipon para mag-endorso ng negosyo o para sa ibang personal na pakinabang. Ang layunin talaga ng ating pakikipagsamahan sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon ay para sambahin si Jehova. Kumakain tayo sa kaniyang espirituwal na mesa at ‘nagpapatibayan’ sa isa’t isa. (Roma 1:11, 12; Heb. 10:24, 25) Ang gayong pakikipagsamahan ay dapat na nakasentro sa espirituwal na mga bagay.
PAMUMUHAY NANG MAY PAGKAKAISA BILANG MGA KRISTIYANO
28 Bilang pagsunod sa matuwid na pamantayan ni Jehova, kailangan ng kaniyang bayan na “mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.” (Efe. 4:1-3) Sa halip na paluguran ang sarili, inuuna ng bawat isa ang kapakanan ng iba. (1 Tes. 5:15) Tiyak na iyan ang saloobing nakikita mo sa inyong kongregasyon. Anuman ang ating lahi, bansa, katayuan sa lipunan, kabuhayan, o edukasyon, iisa ang matuwid na mga pamantayang sinusunod natin. Napapansin kahit ng mga di-Saksi ang napakagandang pagkakakilanlang ito ng bayan ni Jehova.—1 Ped. 2:12.
29 Para idiin ang saligan ng pagkakaisa, isinulat ni apostol Pablo: “May iisang katawan at iisang espiritu, kung paanong may iisang gantimpala na inialok ang Diyos sa atin; iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo; iisang Diyos at Ama ng lahat, na namumuno sa lahat at kumikilos sa pamamagitan ng lahat at sumasaating lahat.” (Efe. 4:4-6) Ibig sabihin, dapat na nagkakaisa tayo sa pagkaunawa sa saligang mga doktrina ng Bibliya at sa mas malalalim na turo nito para maipakita nating kinikilala natin ang soberanya ni Jehova. Oo, ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan ang dalisay na wika ng katotohanan para makapaglingkod tayo nang balikatan.—Zef. 3:9.
30 Ang pagkakaisa at kapayapaan ng kongregasyong Kristiyano ay nakagiginhawa sa lahat ng sumasamba kay Jehova. Nararanasan natin ang katuparan ng pangako ni Jehova: “Pagkakaisahin ko sila, gaya ng mga tupa sa kulungan.” (Mik. 2:12) Mapananatili natin ang pagkakaisa at kapayapaan kung susundin natin ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova.
31 Talaga ngang maligaya ang mga naging bahagi ng malinis na kongregasyon ng Diyos! Sulit ang lahat ng sakripisyo natin para dalhin ang pangalan ni Jehova. Habang iniingatan natin ang ating mahalagang kaugnayan kay Jehova, pagsisikapan nating manghawakan sa kaniyang matuwid na mga pamantayan at tulungan ang iba na gayon din ang gawin.—2 Cor. 3:18.