Karisma—Papuri sa Tao o Kaluwalhatian sa Diyos?
“ANG isang tagapamahala ay hindi lamang dapat na mas mahusay kaysa sa kaniyang mga nasasakupan, kundi dapat ay mayroon din siyang pang-akit sa kanila,” ang sulat ni Xenophon, isang bantog na Griegong heneral. Sa ngayon, karisma ang tawag ng marami sa gayong “pang-akit.”
Sabihin pa, hindi lahat ng tagapamahalang tao ay may karisma. Subalit ang mga nagtataglay nito ay gumagamit ng kanilang kakayahan upang pumukaw ng debosyon at maniobrahin ang madla para sa kanilang sariling layunin. Marahil ang pinakakilalang halimbawa rito kamakailan ay si Adolf Hitler. “[Noong 1933] para sa karamihan ng mga Aleman ay taglay—o di-magtatagal ay tataglayin—ni Hitler ang katangian ng isang pinunong may tunay na karisma,” ang sulat ni William L. Shirer sa kaniyang aklat na The Rise and Fall of the Third Reich. “Sila’y bulag na nagsitalima sa kaniya, na para bang nagtataglay siya ng banal na paghatol, sa sumunod na labindalawang maligalig na mga taon.”
Ang kasaysayan ng relihiyon ay puno rin ng mga pinunong may karisma na pumukaw sa mga tao na maging deboto sa kanila subalit nagsipagdulot naman ng kasakunaan sa kanilang mga tagasunod. “Mag-ingat na walang sinuman ang magligaw sa inyo,” ang babala ni Jesus, “sapagkat maraming tao ang paririto sa aking pangalan na magsasabi ‘Ako ang Kristo’, at kanilang ililigaw ang marami.” (Mateo 24:4, 5, Phillips) Ang may karisma at bulaang mga Kristo ay hindi lamang umiral noong unang siglo. Noong dekada ng 1970, ipinahayag ni Jim Jones ang kaniyang sarili bilang ang “mesiyas ng People’s Temple.” Inilarawan siya bilang “isang may karismang klerigo” na may “kakaibang impluwensiya sa mga tao,” at noong 1978 ay nagpasimuno siya sa isa sa pinakamalaking lansakang pagpapatiwakal sa kasaysayan.a
Maliwanag, ang karisma ay maaaring maging mapanganib na kaloob. Subalit ang Bibliya ay bumabanggit tungkol sa isang naiibang uri ng kaloob, o mga kaloob, mula sa Diyos, na matatamo ng lahat para sa kapakinabangan ng lahat. Ang Griegong salita para sa kaloob na ito ay khaʹri·sma, at ito’y lumilitaw ng 17 beses sa Bibliya. Binigyang-katuturan ito ng isang iskolar sa Griego bilang ‘isang walang-bayad at di-sana-nararapat na kaloob, isang bagay na ibinigay sa isang tao nang hindi pinagpaguran at hindi naman niya karapatan, isang bagay na galing sa biyaya ng Diyos at na hindi kailanman natamo o nakuha sa pamamagitan ng sariling pagsisikap ng tao.’
Kaya sa maka-Kasulatang pangmalas, ang khaʹri·sma ay isang natanggap na kaloob, dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Ano ang ilan sa mga kaloob na ito na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos? At paano natin magagamit ang mga ito upang magdulot ng kapurihan sa kaniya? Isaalang-alang natin ang tatlo sa mga kaayaayang kaloob na ito.
Buhay na Walang Hanggan
Ang pinakadakilang kaloob sa lahat ay tiyak na ang kaloob na buhay na walang hanggan. Sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Roma: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob [khaʹri·sma] na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Kapansin-pansin na ang “kabayaran” (kamatayan) ay isang bagay na ating natamo, bagaman di-kusa, dahil sa ating likas na pagkamakasalanan. Sa kabilang panig, ang walang-hanggang buhay na ibinibigay ng Diyos ay isang bagay na lubusang di-sana-nararapat anupat hindi natin kailanman matatamo sa ating sariling pagsisikap.
Ang kaloob na buhay na walang hanggan ay dapat na pakamahalin at ibahagi. Matutulungan natin ang mga tao na makilala si Jehova, na paglingkuran siya at sa gayon ay mabigyan ng kaloob na buhay na walang hanggan. Ganito ang sabi ng Apocalipsis 22:17: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”
Paano natin maaakay ang iba sa nagbibigay-buhay na tubig na ito? Pangunahin nang sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng Bibliya sa ating ministeryo. Totoo na sa ilang bahagi ng daigdig, ang mga tao ay madalang magbasa o mag-isip ng tungkol sa espirituwal na mga bagay; gayunpaman, laging may mga pagkakataon upang ‘magising ang tainga’ ng isang tao. (Isaias 50:4) Sa bagay na ito, makapagtitiwala tayo sa nagpapakilos na puwersa ng Bibliya, “sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Ito man ay ang praktikal na karunungan sa Bibliya, ang iniaalok nitong kaaliwan at pag-asa, o ang paliwanag nito tungkol sa layunin ng buhay, ang Salita ng Diyos ay maaaring umantig ng puso at magpakilos sa mga tao na tumahak sa daan ng buhay.—2 Timoteo 3:16, 17.
Karagdagan dito, ang salig-sa-Bibliyang literatura ay makatutulong sa atin na magsabi ng “Halika!” Inihula ni propeta Isaias na sa panahong ito ng espirituwal na kadiliman, ‘sisikat si Jehova’ sa kaniyang bayan. (Isaias 60:2) Ipinaaaninaw ng mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ang mga pagpapalang ito mula kay Jehova, at taun-taon ay nakaaakay ang mga ito ng libu-libong tao kay Jehova, ang Bukal ng espirituwal na kaliwanagan. Sa lahat ng pahina ng mga ito ay hindi itinatanyag ang mga tao. Gaya ng ipinaliliwanag ng pambungad ng Ang Bantayan, “ang layunin ng Ang Bantayan ay upang dakilain ang Diyos na Jehova bilang Soberanong Panginoon ng sansinukob. . . . Pinatitibay nito ang pananampalataya sa ngayo’y namamahalang Hari na inatasan ng Diyos, si Jesu-Kristo, na ang itinigis na dugo’y nagbubukas ng daan upang tamuhin ng sangkatauhan ang buhay na walang-hanggan.”
Nagkomento ang isang buong-panahong Kristiyanong ministro, na sa loob ng maraming taon ay nagkaroon ng natatanging tagumpay sa kaniyang ministeryo, hinggil sa kahalagahan ng Ang Bantayan at Gumising! sa pagtulong sa mga tao na mapalapit sa Diyos: “Kapag ang aking mga estudyante sa Bibliya ay nagsimulang magbasa ng Ang Bantayan at Gumising! at masiyahan dito, mabilis silang sumusulong. Minamalas ko ang mga magasin bilang napakahalagang pantulong sa pag-akay sa mga tao na makilala si Jehova.”
Mga Pribilehiyo sa Paglilingkod
Si Timoteo ay isang Kristiyanong alagad na binigyan ng isa pang kaloob na nararapat pag-ukulan ng pantanging pansin. Sinabi sa kaniya ni apostol Pablo: “Huwag kang magpapabaya sa kaloob [khaʹri·sma] na nasa iyo na ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng prediksiyón at nang ipatong ng lupon ng mga nakatatandang lalaki ang kanilang mga kamay sa iyo.” (1 Timoteo 4:14) Ano ang kaloob na ito? Kabilang dito ang pagkahirang ni Timoteo bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, isang pribilehiyo sa paglilingkod na kailangan niyang gampanan sa responsableng paraan. Sa kabanata ring iyon, masidhing pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Patuloy na ituon mo ang iyong sarili sa pangmadlang pagbabasa, sa masidhing pagpapayo, sa pagtuturo. Magbigay ka ng palagiang pansin sa iyong sarili at sa iyong turo. Mamalagi ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 Timoteo 4:13, 16.
Kailangan ding pakamahalin ng matatanda sa ngayon ang kanilang mga pribilehiyo sa paglilingkod. Gaya ng binanggit ni Pablo, ang isang paraan upang magawa nila ito ay sa pamamagitan ng ‘pagbibigay-pansin sa kanilang mga turo.’ Sa halip na tularan ang may karismang mga pinuno sa sanlibutan, kanilang inaakay ang pansin sa Diyos, hindi sa kanilang sarili. Si Jesus, ang kanilang Huwaran, ay isang mahusay na guro na tiyak na may kaakit-akit na personalidad, subalit mapagpakumbaba niyang iniukol ang kaluwalhatian sa kaniyang Ama. “Ang aking itinuturo ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin,” ang sabi niya.—Juan 5:41; 7:16.
Niluwalhati ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama sa pamamagitan ng paggamit sa Salita ng Diyos bilang awtoridad sa kaniyang pagtuturo. (Mateo 19:4-6; 22:31, 32, 37-40) Idiniin din naman ni Pablo ang pangangailangan para sa mga tagapangasiwa na ‘manghawakang matatag sa tapat na salita may kinalaman sa kanilang sining ng pagtuturo.’ (Tito 1:9) Sa pamamagitan ng matibay na pagsasalig ng kanilang mga pahayag sa Kasulatan, sa diwa ay sinasabi ng matatanda ang gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang mga bagay na sinasabi ko sa inyo ay hindi ko sinasalita nang mula sa aking sarili.”—Juan 14:10.
Paano ‘makapanghahawakang matatag sa tapat na salita’ ang matatanda? Sa pamamagitan ng pagsesentro ng kanilang mga pahayag at mga bahagi sa pulong sa Salita ng Diyos, na ipinaliliwanag at idiniriin ang mga teksto na kanilang ginagamit. Ang madudulang ilustrasyon at nakatutuwang mga kuwento, lalo na kung labis ang pagkakagamit, ay maaaring maglihis sa pansin ng mga tagapakinig mula sa Salita ng Diyos at umakay ng pansin sa sariling kakayahan ng tagapagsalita. Sa kabilang panig, ang mga talata ng Bibliya ang siyang tatagos sa puso at magpapakilos sa mga tagapakinig. (Awit 19:7-9; 119:40; ihambing ang Lucas 24:32.) Ang gayong mga pahayag ay hindi gaanong umaakay ng pansin sa tao kundi ito’y higit na lumuluwalhati sa Diyos.
Ang isa pang paraan na magpapangyaring maging higit na epektibong guro ang matatanda ay ang pagkatuto mula sa isa’t isa. Kung paanong natulungan ni Pablo si Timoteo, ang isang matanda ay makatutulong din sa iba. “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal mismo ay pinatatalas. Gayon pinatatalas ng tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17; Filipos 2:3)) Nakikinabang ang matatanda sa pakikipagpalitan ng mga ideya at mungkahi. Ganito ang ipinaliwanag ng isang bagong hirang na matanda: “Gumugol ng panahon ang isang makaranasang matanda upang ipakita sa akin kung paano siya bumubuo ng isang pahayag pangmadla. Sa kaniyang paghahanda, gumamit siya ng retorikal na mga tanong, mga ilustrasyon, halimbawa, o maiikling karanasan, gayundin ng mga teksto sa Kasulatan na maingat niyang sinaliksik. Natutuhan ko sa kaniya kung paano gagawing makulay ang aking pahayag upang maiwasan ang isang walang-buhay at nakababagot na pagpapahayag.”
Tayong lahat na nagtatamasa ng mga pribilehiyo sa paglilingkod, tayo man ay matanda, ministeryal na lingkod, o payunir, ay kailangang magpahalagang mabuti sa kaloob sa atin. Nang malapit na siyang mamatay, pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo na ‘paningasin tulad ng apoy ang kaloob [khaʹri·sma] ng Diyos na nasa kaniya,’ na sa kaso ni Timoteo ay kasali ang isang pantanging kaloob ng espiritu. (2 Timoteo 1:6) Sa mga tahanan ng mga Israelita, ang mga apoy ay karaniwan nang mga nagbabagang uling lamang. Posible na ‘paningasin ang mga ito’ upang magliyab at maglaan ng higit na init. Kaya pinasisigla tayo na pakadibdibin ang atas sa atin, anupat pinagniningas na tulad ng apoy ang anumang espirituwal na kaloob na ipinagkatiwala sa atin.
Espirituwal na mga Kaloob na Dapat Ibahagi
Ang pag-ibig ni Pablo sa kaniyang mga kapatid sa Roma ay nag-udyok sa kaniya na sumulat: “Nananabik akong makita kayo, upang maibahagi ko ang ilang espirituwal na kaloob [khaʹri·sma] sa inyo nang sa gayon ay mapatatag kayo; o, kaya, upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” (Roma 1:11, 12) Minalas ni Pablo na isang espirituwal na kaloob ang ating kakayahang patibayin ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng ating pakikipag-usap sa kanila. Ang pagpapalitan ng gayong espirituwal na mga kaloob ay magbubunga ng pagpapalakas ng pananampalataya at pagpapatibayan sa isa’t isa.
At ito ay tiyak na kailangan. Sa balakyot na sistemang ito na kinabubuhayan natin, tayong lahat ay napapaharap sa kaigtingan sa iba’t ibang paraan. Gayunpaman, ang regular na pagpapalitan ng pampatibay-loob ay makatutulong sa atin na magtiyaga. Ang ideya ng pagpapalitan—kapuwa ang pagbibigay at pagtanggap—ay mahalaga upang mapanatili ang espirituwal na lakas. Totoo, tayong lahat ay nangangailangan ng pampasigla sa pana-panahon, subalit lahat tayo ay maaari ring magpatibayan sa isa’t isa.
Kung tayo ay alisto sa pagpansin sa ating kapananampalataya na pinanghihinaan ng loob, baka “maaliw natin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw rin sa atin mismo ng Diyos.” (2 Corinto 1:3-5) Ang Griegong salita para sa kaaliwan (pa·raʹkle·sis) ay literal na nangangahulugang “isang panawagan upang tumabi sa isa.” Kung, sa panahong kailangan, tayo ay nasa kaniyang tabi upang magbigay ng tulong sa ating kapatid, tiyak na tayo mismo ay tatanggap ng gayunding maibiging pag-alalay kapag tayo ang nangailangan.—Eclesiastes 4:9, 10; ihambing ang Gawa 9:36-41.
May malaking kapakinabangan din ang maibiging pagdalaw ng matatanda bilang mga pastol. Bagaman may mga pagkakataon na ginagawa ang pagdalaw upang magbigay ng maka-Kasulatang payo hinggil sa isang bagay na kailangang bigyang-pansin, karamihan ng mga pagdalaw bilang pastol ay mga pagkakataon sa pagpapatibay, isang ‘pag-aliw sa mga puso.’ (Colosas 2:2) Kapag ang mga tagapangasiwa ay gumagawa ng gayong nakapagpapatibay-pananampalatayang pagdalaw, sila’y tunay na nagbibigay ng espirituwal na kaloob. Gaya ni Pablo, masusumpungan nilang kasiya-siya ang ganitong natatanging uri ng pagbibigay, at magkakaroon sila ng ‘pananabik’ sa kanilang mga kapatid.—Roma 1:11.
Naging totoo ito sa isang matanda sa Espanya, na siyang naglahad sa sumusunod na karanasan: “Si Ricardo, isang 11-taong-gulang na batang lalaki, ay waring hindi gaanong interesado sa mga pulong at sa kongregasyon sa pangkalahatan. Kaya humingi ako ng pahintulot sa mga magulang ni Ricardo upang madalaw ang kanilang anak, na agad naman nilang pinagbigyan. Naninirahan sila sa bundok na mga isang oras ang biyahe mula sa aking tahanan. Maliwanag na nasiyahan si Ricardo sa interes na ipinakita ko sa kaniya, at agad siyang tumugon. Di-nagtagal at siya’y naging isang di-bautisadong mamamahayag at masiglang miyembro ng kongregasyon. Ang kaniyang likas na pagkamahiyain ay napalitan ng isang masayahin at higit na palakaibigang personalidad. May ilan sa kongregasyon na nagtanong: ‘Ano ang nangyari kay Ricardo?’ Waring napansin nila siya sa unang pagkakataon. Sa pagbabalik-tanaw sa napakahalagang pagdalaw na iyon bilang pastol, nadama ko na higit akong nakinabang kaysa kay Ricardo. Kapag pumapasok siya sa Kingdom Hall, nagniningning ang kaniyang mukha, at nagmamadali siyang pumupunta sa akin upang batiin ako. Isang kagalakan na makita ang kaniyang espirituwal na pagsulong.”
Walang-alinlangang ang mga pagdalaw bilang pastol na gaya nito, ay saganang pinagpapala. Ang gayong mga pagdalaw ay kasuwato ng pakiusap ni Jesus: “Magpastol ka sa aking maliliit na tupa.” (Juan 21:16) Sabihin pa, hindi lamang ang matatanda ang makapagbibigay ng gayong espirituwal na mga kaloob. Bawat isa sa kongregasyon ay makapag-uudyok sa iba sa pag-ibig at mabubuting gawa. (Hebreo 10:23, 24) Kung paanong ang mga umaakyat sa isang bundok ay nakatali sa isa’t isa, tayo man ay sama-samang nabubuklod ng espirituwal na mga bigkis. Tiyak, ang ating ginagawa o sinasabi ay may epekto sa iba. Ang masakit na pananalita o walang-pakundangang pagpuna ay maaaring magpahina sa bigkis na nagbubuklod sa atin. (Efeso 4:29; Santiago 3:8) Sa kabilang panig, ang piling mga salita na pampatibay-loob at ang maibiging pag-alalay ay makatutulong sa ating mga kapatid na mapanagumpayan ang kanilang mga suliranin. Sa ganitong paraan ay makapagbibigay tayo ng namamalaging espirituwal na mga kaloob.—Kawikaan 12:25.
Lubusang Ipinaaaninaw ang Kaluwalhatian ng Diyos
Maliwanag na ang bawat Kristiyano ay may angking karisma. Tayo ay pinagkalooban ng di-matutumbasang pag-asa na buhay na walang hanggan. Mayroon din tayong espirituwal na mga kaloob na maibabahagi natin sa isa’t isa. At maaari tayong magsikap na ganyakin o pakilusin ang iba tungo sa mga tamang tunguhin. Ang ilan ay may karagdagang mga kaloob gaya ng mga pribilehiyo sa paglilingkod. Ang lahat ng kaloob na ito ay mga patotoo ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. At yamang ang anumang kaloob na maaaring taglay natin ay isang bagay na tinanggap natin mula sa Diyos, tiyak na wala tayong dahilan upang magyabang.—1 Corinto 4:7.
Bilang mga Kristiyano, makabubuting tanungin ang ating sarili, ‘Gagamitin ko ba ang anumang karisma na maaaring taglay ko upang luwalhatiin si Jehova, ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at . . . bawat sakdal na regalo”? (Santiago 1:17) Tutularan ko ba si Jesus at maglilingkod sa iba ayon sa aking kakayahan at kalagayan?’
Binuod ni apostol Pedro ang ating pananagutan sa bagay na ito: “Ayon sa kaloob [khaʹri·sma] na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang maiinam na katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan. Kung ang sinuman ay nagsasalita, salitain niya iyon na gaya ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos; kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na inilalaan ng Diyos; upang sa lahat ng mga bagay ay maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—1 Pedro 4:10, 11.
[Talababa]
a May kabuuang 913 tao ang namatay, kasali na si Jim Jones mismo.
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Corbis-Bettmann
UPI/Corbis-Bettmann