Kapag Wala Nang Kasalanan
“IPINANGANAK ba tayo sa kasalanan?” Ang tanong na ito ay nakagulo sa isip ng isang graduate student sa Estados Unidos di-nagtagal nang magsimula siyang mag-aral ng Bibliya. Dahil sa lumaki siya bilang isang Hindu, bago sa kaniya ang ideya tungkol sa minanang kasalanan. Ngunit nangatuwiran siya na kung ang kasalanan ay talaga ngang minana, walang kabuluhan ang pagtanggi o pagwawalang-bahala sa katunayan nito. Paano makasusumpong ang isa ng kasagutan sa tanong na ito?
Kung minana, tiyak na may pasimula ang kasalanan. Nilalang ba na balakyot ang unang tao, kung kaya naipasa niya sa kaniyang mga anak ang masasamang katangian? O lumitaw ang depekto nang dakong huli? Kailan nga ba talaga nagsimula ang kasalanan? Sa kabilang banda, kung ang kasalanan ay panlabas lamang, anupat isang bagay o simulain na masama, makaaasa pa kaya tayo na makalaya mula rito?
Ayon sa paniniwalang Hindu, kaakibat na ng paglalang ang pagdurusa at kasamaan. “Ang pagdurusa [o kasamaan],” sabi ng isang iskolar na Hindu, “tulad ng talamak na rayuma, ay lumilipat lamang sa iba’t ibang lugar ngunit hindi lubusang maaalis.” Ang kasamaan ay tiyak na naging bahagi na ng sanlibutan ng sangkatauhan sa buong nakaulat na kasaysayan. Kung nauna pa ito sa makasaysayang ulat ng tao, ang maaasahang mga sagot tungkol sa pinagmulan nito ay tiyak na kailangang manggaling sa isa na nakatataas sa tao. Ang mga sagot ay dapat na manggaling sa Diyos.—Awit 36:9.
Ang Tao—Nilalang na Walang Kasalanan
Makasagisag ang mga paglalarawan ng mga Veda tungkol sa paglalang sa tao, ang inamin ng pilosopong Hindu na si Nikhilananda. Sa katulad na paraan, karamihan ng Silanganing mga relihiyon ay naglalaan lamang ng makaalamat na paliwanag tungkol sa paglalang. Gayunman, may kapuwa makatuwiran at siyentipikong mga dahilan para maniwala sa ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang sa unang tao.a Sinasabi sa pinakaunang kabanata nito: “Nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae.”—Genesis 1:27.
Ano ang ibig sabihin ng nilalang “sa larawan ng Diyos”? Ganito lamang: Ang tao ay ginawa na kahawig ng Diyos, anupat nagtataglay ng makadiyos na mga katangian—tulad ng katarungan, karunungan, at pag-ibig—na nagtatangi sa kaniya mula sa mga hayop. (Ihambing ang Colosas 3:9, 10.) Ang mga katangiang ito ang nagbigay sa kaniya ng kakayahang pumili na gawin ang mabuti o masama, anupat ginagawa siyang isang nilalang na may malayang kalooban. Walang kasalanan ang unang tao, walang kasamaan o pagdurusa sa kaniyang buhay, nang siya’y lalangin.
Sa taong si Adan, ibinigay ng Diyos na Jehova ang utos na ito: “Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Sa pagpapasiyang sumunod, si Adan at ang kaniyang asawang si Eva ay makapagdudulot ng kapurihan at karangalan sa kanilang Maylalang at makapananatiling malaya sa kasalanan. Sa kabilang panig, ang pagsuway ay magpapakita ng kanilang pagkabigo na maabot ang sakdal na mga pamantayan ng Diyos at gagawin silang di-sakdal—makasalanan.
Hindi nilalang na banal sina Adan at Eva. Gayunman, taglay nila ang isang antas ng banal na mga katangian at ang kakayahan na makagawa ng moral na mga pasiya. Palibhasa’y nilalang ng Diyos, sila’y walang-kasalanan, o sakdal. (Genesis 1:31; Deuteronomio 32:4) Ang pagkalalang sa kanila ay hindi sumira sa pagkakasuwato na umiiral sa pagitan ng Diyos at ng sansinukob sa loob ng matagal na panahon hanggang noon. Kung gayon, paano nagsimula ang kasalanan?
Ang Pinagmulan ng Kasalanan
Unang naganap ang kasalanan sa dako ng mga espiritu. Bago lalangin ang lupa at ang tao, lumalang ang Diyos ng matatalinong espiritung nilikha—ang mga anghel. (Job 1:6; 2:1; 38:4-7; Colosas 1:15-17) Ang isa sa mga anghel na ito ay labis na nagpahalaga sa kaniyang kagandahan at katalinuhan. (Ihambing ang Ezekiel 28:13-15.) Sa utos ng Diyos kina Adan at Eva na magluwal ng mga anak, nakita ng anghel na ito na di-magtatagal at ang buong lupa ay mapupuno ng matutuwid na tao, na pawang sumasamba sa Diyos. (Genesis 1:27, 28) Hinangad ng espiritung nilalang na ito ang kanilang pagsamba para sa kaniyang sarili. (Mateo 4:9, 10) Ang pagmumunimuni sa hangaring ito ay umakay sa kaniya na kumuha ng isang maling landasin.—Santiago 1:14, 15.
Sa pakikipag-usap kay Eva sa pamamagitan ng isang serpiyente, sinabi ng rebelyosong anghel na sa pagbabawal ng pagkain ng bunga mula sa punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama, ipinagkakait ng Diyos ang kaalaman na dapat sana’y taglay niya. (Genesis 3:1-5) Ang pagsasabi nito ay isang kasuklam-suklam na kasinungalingan—isang gawa ng kasalanan. Sa pagsasabi ng kasinungalingang ito, ginawang makasalanan ng anghel ang kaniyang sarili. Bunga nito, tinawag siyang Diyablo, isang maninirang-puri, at Satanas, isang mananalansang sa Diyos.—Apocalipsis 12:9.
Ang nakahihikayat na pangangatuwiran ni Satanas ay nagkaroon ng masamang epekto kay Eva. Palibhasa’y nagtiwala sa mga salita ng Manunukso, hinayaan niyang maakit siya at kumain ng ilan sa mga bunga ng ipinagbabawal na punungkahoy. Ang kaniyang asawang si Adan ay sumama sa kaniya sa pagkain ng bunga, at kapuwa sila naging makasalanan dahil doon. (Genesis 3:6; 1 Timoteo 2:14) Maliwanag, sa pagpiling sumuway sa Diyos, sumala ang ating mga unang magulang sa tanda ng kasakdalan at ginawang makasalanan ang kanilang sarili.
Kumusta naman ang mga supling nina Adan at Eva? Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Gumagana na ang batas ng pagmamana. Hindi maaaring ipasa ni Adan sa kaniyang mga anak ang hindi na niya taglay. (Job 14:4) Palibhasa’y naiwala na ang kasakdalan, makasalanan na ang unang mag-asawa nang ipaglihi ang kanilang mga anak. Bunga nito, tayong lahat—walang eksepsiyon—ay nagmana ng kasalanan. (Awit 51:5; Roma 3:23) Ang kasalanan naman ay walang ibinunga kundi kasamaan at pagdurusa. Isa pa, dahil dito, tumatanda at namamatay tayong lahat, “sapagkat ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.”—Roma 6:23.
Ang Budhi ang ‘Nag-aakusa’ o ‘Nagpapawalang-sala’
Isaalang-alang din ang epekto ng kasalanan sa paggawi ng unang mag-asawa. Tinakpan nila ang mga bahagi ng kanilang katawan at nagtangkang magtago mula sa Diyos. (Genesis 3:7, 8) Kaya naman ang kasalanan ang nagpangyari sa kanila na makadama ng pagkakasala, kabalisahan, at kahihiyan. Alam na alam ng mga tao sa ngayon ang mga damdaming ito.
Sino ang hindi nakadama ng kabalisahan dahil sa pagkakait ng kabaitan sa isang nangangailangan o hindi nakadama ng pagsisisi dahil sa pagsasabi ng mga salitang hindi niya dapat sinabi? (Santiago 4:17) Bakit mayroon tayong gayong naliligalig na damdamin? Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang ‘batas ay nakasulat sa ating mga puso.’ Maliban nang maging manhid ang ating budhi, anumang paglabag sa batas na iyan ay nagdudulot ng pagkabagabag ng loob. Kaya ang tinig ng budhi ang ‘nag-aakusa’ o ‘nagpapawalang-sala’ sa atin. (Roma 2:15; 1 Timoteo 4:2; Tito 1:15) Natatanto man natin o hindi, nakadarama tayo ng pagkakamali, ng kasalanan!
Batid ni Pablo ang kaniyang makasalanang hilig. “Kapag nais kong gawin ang tama, ang masama ay narito sa akin,” inamin niya. “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” Kaya nagtanong si Pablo: “Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?”—Roma 7:21-24.
Paglaya Mula sa Kasalanan—Paano?
“Ang paglaya, sa tradisyong Hindu,” sabi ng isang iskolar, “ay paglaya mula sa paulit-ulit na pagsilang at kamatayan.” Bilang solusyon, ang Budhismo ay tumutukoy din naman sa Nirvana—isang kalagayan ng paglimot sa panlabas na katunayan. Palibhasa’y hindi maunawaan ang ideya ng minanang kasalanan, nangangako lamang ang Hinduismo ng pagtakas mula sa pag-iral.
Sa kabilang panig, ang pamamaraan ng Bibliya sa pagpapalaya ay nagbubunga ng aktuwal na pag-aalis ng makasalanang kalagayan. Matapos magtanong kung paano siya masasagip mula sa kasalanan, sumagot si apostol Pablo: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:25) Oo, ang pagsagip ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
Ayon sa Ebanghelyo ni Mateo, “ang Anak ng tao,” si Jesu-Kristo, ay dumating upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Gaya ng nakaulat sa 1 Timoteo 2:6, sumulat si Pablo na si Jesus ay “nagbigay ng kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat.” Ang salitang “pantubos” ay nagpapahiwatig ng pagbabayad ng halaga para tubusin ang mga bihag. Ang bagay na ito ay isang katumbas na pantubos ay nagdiriin sa bisa ng halaga upang balansehin ang timbangan ng katarungan. Ngunit paano maituturing na “katumbas na pantubos para sa lahat” ang kamatayan ng isang tao?
Ipinagbili ni Adan ang buong sangkatauhan, kasali na tayo, sa kasalanan at kamatayan. Ang halaga, o multa, na kaniyang ibinayad ay ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao. Upang matakpan ito, isa pang sakdal na buhay ng tao—isang katumbas na pantubos—ang kailangang ibayad. (Exodo 21:23; Deuteronomio 19:21; Roma 5:18, 19) Yamang walang di-sakdal na tao ang makapaglalaan ng pantubos na ito, ang Diyos, sa taglay niyang walang-takdang karunungan, ang siyang nagbukas ng daan palabas sa kagipitang ito. (Awit 49:6, 7) Inilipat niya ang sakdal na buhay ng kaniyang bugtong na Anak mula sa mga langit tungo sa sinapupunan ng isang birhen sa lupa, anupat hinayaan siyang maipanganak bilang isang sakdal na tao.—Lucas 1:30-38; Juan 3:16-18.
Upang maisakatuparan ang pagtubos sa sangkatauhan, kinailangang manatili si Jesus na may malinis na rekord sa buong panahon ng paglagi niya sa lupa. Ginawa naman niya ito. Pagkatapos ay dumanas siya ng sakripisyong kamatayan. Sa ganitong paraan ay tiniyak ni Jesus na ang halaga ng isang sakdal na buhay ng tao—ang sa kaniya—ay magagamit na pambayad bilang pantubos upang iligtas ang sangkatauhan.—2 Corinto 5:14; 1 Pedro 1:18, 19.
Kung Ano ang Magagawa Para sa Atin ng Pantubos ni Kristo
Ngayon pa lamang ay makikinabang na tayo sa haing pantubos ni Jesus. Sa pananampalataya rito, maaari nating tamasahin ang isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos at maaaring sumailalim sa maibigin at magiliw na pangangalaga ni Jehova. (Gawa 10:43; Roma 3:21-24) Sa halip na labis na mabagabag dahil sa mga kasalanan na maaaring nagawa natin, malaya tayong makahihingi ng kapatawaran mula sa Diyos salig sa pantubos.—Isaias 1:18; Efeso 1:7; 1 Juan 2:1, 2.
Sa darating na panahon, gagawing posible ng pantubos ang lubusang pagpapagaling sa may-sakit na kalagayan ng sangkatauhan bunga ng kasalanan. Inilalarawan ng huling aklat sa Bibliya ang “isang ilog ng tubig ng buhay” na umaagos mula sa trono ng Diyos. Sa mga pampang ng ilog ay naroroon ang saganang namumungang mga punungkahoy na may mga dahon “para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Sa makasagisag na paraan, bumabanggit dito ang Bibliya tungkol sa kahanga-hangang paglalaan ng Maylalang upang palayain magpakailanman ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan salig sa haing pantubos ni Jesus.
Malapit nang matupad ang makahulang mga pangitain sa aklat ng Apocalipsis. (Apocalipsis 22:6, 7) Kung magkagayo’y magiging sakdal ang lahat ng matuwid-pusong mga tao, yamang ‘pinalaya mula sa pagkaalipin sa kasiraan.’ (Roma 8:20, 21) Hindi ba dapat magpakilos ito sa atin na matuto pa ng higit tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang matapat na Anak, si Jesu-Kristo, na siyang naging pantubos?—Juan 17:3.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 6]
Nagdulot si Adan ng kasalanan at kamatayan sa sangkatauhan
[Larawan sa pahina 7]
Nagdudulot ng kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan ang haing pantubos ni Jesus