KALIGAYAHAN
Ang kaligayahan ay ang pagtataglay ng namamalaging kasiyahan. Saklaw nito ang emosyon mula sa simpleng pagkakontento hanggang sa malalim at masidhing kagalakan sa buhay, gayundin ang likas na pagnanais na magpatuloy ang kalagayang ito. Kaya naman naiiba ito sa simpleng pagkalugod na maaaring nagkataon lamang.
Ang salitang Hebreo para sa “maligaya” ay ʼeʹsher (Aw 40:4), samantalang ang kaugnay na pandiwang ʼa·sharʹ ay nangangahulugang “ipahayag na maligaya.” (Gen 30:13) Ginagamit ang mga terminong Hebreo na ito may kaugnayan sa mga tao. Kadalasa’y tumutukoy ang mga ito sa resulta ng positibong pagkilos, gaya ng paggawi nang may pakundangan sa maralita o pagiging may-takot kay Jehova. (Aw 41:1; 112:1) Ang salitang Griego na isinalin bilang “maligaya” ay ma·kaʹri·os.
Sa ilang salin ng Bibliya, ang mga taong nagtataglay ng kaligayahang inilarawan sa Mga Awit at sa Mga Kawikaan, at partikular na yaong mga binigkas ni Jesu-Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok, ay madalas ilarawan bilang “mapalad” o “pinagpala.” Gayunman, “maligaya” ang mas eksaktong salin ng mga terminong ginamit sa Bibliya, dahil ang Hebreo at ang Griego ay may ibang mga salita para sa “pagpalain” (sa Heb., ba·rakhʹ; sa Gr., eu·lo·geʹo). Karagdagan pa, ang “pinagpala” ay may diwa ng akto ng pagpapala, samantalang ipinaaalaala ng “maligaya” ang kalagayan o situwasyon na resulta ng pagpapala ng Diyos. Isinasalin ng maraming makabagong bersiyon ang ʼa·sharʹ at ma·kaʹri·os bilang “maligaya,” “kaligayahan.” (CK, JB, Ph, Ro, TEV, Yg, NW, at iba pang mga bersiyon) Ang ma·kaʹri·os ay isinasalin bilang “maligaya” sa KJ sa Gawa 26:2 at Roma 14:22.
Si Jehova at si Jesu-Kristo. Si Jehova ang “maligayang Diyos” at ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ay tinatawag na ang “maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala.” (1Ti 1:11; 6:15) Bagaman hinamon ang soberanya ni Jehova dahil sa pagpasok ng kabalakyutan kapuwa sa langit at sa lupa (tingnan ang JEHOVA), nakatitiyak siyang matutupad ang kaniyang mga layunin; walang anumang magagawa na hindi ipinahihintulot ng kaniyang kalooban. (Isa 46:10, 11; 55:10, 11) May partikular siyang layunin kung bakit siya nagpapakita ng mahabang pagtitiis habang pinahihintulutan niyang umiral ang mga kalagayang kaya niyang baguhin; kaya naman siya ay maligaya. Sumulat ang apostol na si Pablo: “Ang Diyos, bagaman niloloob na ipakita ang kaniyang poot at ihayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagparaya taglay ang labis na mahabang pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, upang maihayag niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na patiuna niyang inihanda ukol sa kaluwalhatian.”—Ro 9:22-24.
Samakatuwid, gaya ng naibulalas ng salmista: “Ang kaluwalhatian ni Jehova ay magiging hanggang sa panahong walang takda. Si Jehova ay magsasaya sa kaniyang mga gawa.” (Aw 104:31) Siya ang pinakadakila at pinakapangunahing Tagapagbigay, anupat hindi siya nagbabago ni pinahihintulutan man niya na ang kaniyang pagkabukas-palad, awa, at pag-ibig ay maging kapaitan dahil sa kawalan ng utang na loob ng kaniyang mga nilalang. “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag, at sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (San 1:17) Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay maligaya, yamang mayroon siyang lubos na pananalig sa kaniyang Ama at lagi niyang ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Kaniya. (Ju 8:29) Kahit noong dumaranas siya ng mga pagsubok at mga paghihirap, si Jesus ay nagkaroon ng panloob na kagalakan.—Heb 12:2; ihambing ang Mat 5:10-12.
Ano ang saligan ng tunay na kaligayahan?
Ang lahat ng mga kaligayahang ipinangako sa Bibliya ay nakadepende sa isang tamang kaugnayan sa Diyos. Ang lahat ng iyon ay maaaring matamo salig sa pag-ibig sa Diyos at tapat na paglilingkod sa kaniya. Hindi maaaring makamit ang tunay na kaligayahan kung hindi magiging masunurin kay Jehova. Mahalaga ang kaniyang pagpapala para sa kaligayahan, yamang isa ito sa kaniyang ‘mabubuting kaloob’ at ‘sakdal na mga regalo.’
Hindi masusumpungan ang bukal ng kaligayahan sa pagkakamal ng materyal na yaman o kapangyarihan. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gaw 20:35) Ang isa na nagpapakundangan sa maralita, anupat nagtatamasa ng kaligayahan ng pagbibigay, ay pinangangakuan: “Babantayan siya ni Jehova at iingatan siyang buháy. Ipahahayag siyang maligaya sa lupa.” (Aw 41:1, 2) Ang mga bagay na nakadaragdag sa tunay na kaligayahan ay ang kaalaman kay Jehova, karunungan mula sa kaniya, at maging ang kaniyang pagtutuwid at disiplina. (Kaw 2:6; 3:13, 18; Aw 94:12) Ang taong tunay na maligaya ay nagtitiwala kay Jehova (Kaw 16:20), nalulugod at lumalakad sa Kaniyang kautusan (Aw 1:1, 2; 112:1), nag-iingat ng katarungan (Aw 106:3), at may takot sa Kaniya (Aw 128:1).
Isang Maligayang Bansa. Ang kaligayahan ay maaaring matamo ng isang buong bansa o bayan kung ang bansang iyon ay tunay na sumusunod kay Jehova bilang Diyos nito at tumutupad sa kaniyang mga kautusan. (Aw 33:12; 144:15) Pagkatapos ng matuwid na pamumuno ni David at noong panahong sinusunod ni Haring Solomon ang kautusan ni Jehova, ang bansang Israel ay tiwasay at maligaya, “tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa dami, kumakain at umiinom at nagsasaya.” (1Ha 4:20, 25; 10:8; 2Cr 9:7) Ipinakikita nito ang impluwensiya ng matuwid na pamamahala sa isang bansa. (Ihambing ang Kaw 29:2, 18.) Inakala ng mga makabayang Judio na dahil mga inapo sila nina Abraham at Jacob sa laman, sila ang ‘maligayang bansa na ang Diyos ay si Jehova.’ (Aw 33:12) Gayunman, nilinaw sa kanila ni Jesus kung ano ang kahilingan upang matamo ang kaligayahan bilang bansa. Sinabi niya sa kanila na ang Kaharian ng Diyos ay kukunin sa kanila at “ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat 21:43) Nang maglaon, ikinapit ng apostol na si Pedro ang terminong “bansa” sa espirituwal na mga indibiduwal na kaisa ni Kristo, sa pagsasabing: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”—1Pe 2:9.
Ang Payo ni Kristo Tungkol sa Kaligayahan. Kapansin-pansin na sinimulan ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok sa pamamagitan ng isa-isang pagbanggit sa siyam na kaligayahan, anupat tinutukoy ang mga katangiang magdudulot sa isa ng pagsang-ayon ng Diyos, taglay ang pag-asang magmana ng Kaharian ng langit. (Mat 5:1-12) Sa mga kaligayahang ito, kapuna-puna na hindi ang kalagayan ng isang tao dahil sa panahon at di-inaasahang pangyayari ni ang basta pagkakawanggawa niya ang magdudulot ng pagpapala ng kaligayahan. Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa mga bagay na may kinalaman sa espirituwalidad, pagsamba sa Diyos, at sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Halimbawa, sinasabi ni Jesus: “Pinagpala ang mga dukha sa espiritu . . . ” (KJ), o, kung isasalin sa paraang mas mauunawaan: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat 5:3) Nagpatuloy pa siya: “Maligaya yaong mga nagdadalamhati, yamang sila ay aaliwin.” (Mat 5:4) Maliwanag, hindi niya tinutukoy ang lahat ng taong nagdadalamhati sa kahit anong kadahilanan. Ang pagdadalamhating ito ay dahil sa kanilang dukhang kalagayan sa espirituwal, sa kanilang makasalanang kalagayan, at sa mga nakapipighating kalagayan na ibinunga ng pagkamakasalanan ng tao, gayundin ang kanilang pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran. Makikita ng Diyos ang mga nagdadalamhating ito at lilingapin niya sila ng kaniyang pagpapala ng espirituwal na kasiyahan, gaya ng ipinangangako ni Jesus: “Sila ay bubusugin.”—Ihambing ang 2Co 7:10; Isa 61:1-3; Eze 9:4.
Sa aklat ng Apocalipsis, si Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng anghelikong mensahero, ay nagpapahayag ng pitong kaligayahan. (Apo 1:3; 14:13; 16:15; 19:9; 20:6; 22:7; 22:14) Sa introduksiyon nito, ipinahahayag ng aklat: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nakasulat dito” (Apo 1:3), at sa konklusyon nito ay sinasabi nito: “Maligaya yaong mga naglalaba ng kanilang mahabang damit, upang ang awtoridad na pumaroon sa mga punungkahoy ng buhay ay maging kanila at upang makapasok sila sa loob ng lunsod [Bagong Jerusalem] sa pamamagitan ng mga pintuang-daan nito.”—Apo 22:14.
Malugod kay Jehova. Bilang buod, maliwanag na yaong mga nagtatamo ng tunay na kaligayahan ay ang “banal na bansa” ng Diyos (1Pe 2:9), kasama ang lahat niyaong mga nakikisama sa bansang iyon na mga naglilingkod at sumusunod kay Jehova mula sa puso. Sabi ng salmista: “Magsaya kayo kay Jehova, O kayong mga matuwid, at magpasalamat kayo sa kaniyang banal na pang-alaala.” (Aw 97:12) Inulit ng apostol na si Pablo ang payong ito nang sumulat siya sa kongregasyong Kristiyano: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!” (Fil 4:4) Kung gayon, hindi sa yaman o karunungan, ni sa mga bagay na nagawa o sa lakas ng isa masusumpungan ng isang tao ang kaligayahan. Ito ay sa kaalaman kay Jehova, na siyang nagpapayo: “Huwag ipagyabang ng taong marunong ang kaniyang sarili dahil sa kaniyang karunungan, at huwag ipagyabang ng makapangyarihang lalaki ang kaniyang sarili dahil sa kaniyang kalakasan. Huwag ipagyabang ng taong mayaman ang kaniyang sarili dahil sa kaniyang kayamanan. Kundi ang nagyayabang tungkol sa kaniyang sarili ay magyabang dahil sa mismong bagay na ito, sa pagkakaroon ng kaunawaan at sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat ang mga bagay na ito ay kinalulugdan ko.”—Jer 9:23, 24.