Mga Kabataan—Ano ang Inyong Itinataguyod?
“Layuan mo ang mga pita na kaugnay ng kabataan, ngunit itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.”—2 TIMOTEO 2:22.
1. Ano ang ating inaasahan sa mga kabataan na kasama natin?
“ANG MGA SAKSI NI JEHOVA,” pahayag ng Swekong Pentecostal na pahayagang Dagen (Ang Araw), “ang bumubuo ng grupo na may pinakamaraming bagong mga miyembro taun-taon at may pinakamaraming kabataan.” Marahil ikaw ay bahagi ng pulutong na ito ng mga kabataang malilinis, may takot sa Diyos. Marahil ikaw ay pinalaki ayon sa paraang Kristiyano mula sa pagkasanggol, o marahil ay iyong narinig at tinugon ang pabalita ng Kaharian sa iyong ganang sarili. Sa anumang kaso, ikinagagalak namin na kayo’y naririto na kasama namin. At aming inaasahan na kayo’y magtataguyod ng landas ng katuwiran, gaya ng tapat na mga kabataang Kristiyano noong unang siglo. Ang mga salita ni apostol Juan ay mainam ang pagkalarawan sa inyo: “Kayo’y malalakas at ang salita ng Diyos ay nananahan sa inyo at inyong dinaig ang balakyot.”—1 Juan 2:14.
2. Anong mga salik ang nagiging hadlang sa pagtataguyod ng matuwid na landas sa panahon ng “kasariwaan ng kabataan”?
2 Marami—oo ang karamihan—sa mga kabataang Kristiyano sa ngayon ay naninindigan laban sa mga panggigipit ng sanlibutan. Subalit, masusumpungan mo na ang gayong paninindigan ay hindi madali. Pagka ikaw ay nasa “kasariwaan ng kabataan,” maiisip mo na ikaw ay madadaig ng bago at mapupusok na damdamin. (1 Corinto 7:36) Gayundin, baka madama mo ang patuloy na dumaraming pananagutan sa paaralan, sa tahanan, at sa kongregasyon. May panggigipit pa buhat kay Satanas na Diyablo mismo. Determinadong mailigaw ang pinakamarami hangga’t maaari, kaniyang inaatake yaong waring madaling madaig—gaya ng ginawa niya sa halamanan ng Eden. Noon, itinutok niya ang kaniyang nakahihikayat na katusuhan, hindi sa nakatatanda, na lalong malaki ang kaalaman na si Adan, kundi sa nakababata at walang gaanong kaalaman na babae, si Eva. (Genesis 3:1-5) Makalipas ang daan-daang taon, si Satanas ay gumamit ng nahahawig na mga paraan sa baguhang kongregasyon ng mga Kristiyano sa Corinto. Sinabi ni apostol Pablo: “Ako’y natatakot na sa papaano man, kung papaanong nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan, baka ang inyong mga isip naman ay pasamain upang mailayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”—2 Corinto 11:3.
3, 4. Ano ang ilan sa mga paraan na ginagamit ni Satanas na Diyablo upang iligaw ang kabataan, at ano ang posibleng maging resulta?
3 Sa ngayon, ang inyong mga magulang na Kristiyano ay maaaring nababahala tungkol sa inyo. Hindi sapagkat kanilang iniisip na kayo ay mahilig sa kasamaan, kundi batid nila buhat sa karanasan na ang mga kabataan ang lalo nang madaling madala ng “mga gawang katusuhan” ni Satanas. (Efeso 6:11, talababa) Palibhasa’y parang hindi nakapipinsala, ang mga patibong ni Satanas ay ginagawang waring lubhang kaakit-akit, kanais-nais. Ang mga pagtatanghal sa telebisyon ay may katusuhang nang-aakit para mabuyo sa materyalismo, sa tahasang pakikipagtalik, sa tuwirang karahasan, at sa espiritismo bilang libangan. Ang kaisipan ng mga kabataan ay maaaring mapuno ng mga bagay na ‘di-totoo, di-karapatdapat pag-isipan, di-matuwid, di-malinis, at di-kaibig-ibig.’ (Filipos 4:8) Ang panggigipit ng mga kasama ay isa pang mabisang paraan ni Satanas. Ang iyong mga kasama ay maaaring isailalim ka ng matinding panggigipit upang tumulad sa kanilang istilo ng pamumuhay, pananamit, at pag-aayos. (1 Pedro 4:3, 4) Ang kolumnista ng pahayagan na si William Brown ay may ganitong puna: “Kung mayroong anumang kaisa-isa, sekular na Diyos para sa tin-edyer iyon ay ang Diyos ng pakikiayon. . . . Ang pagiging iba para sa mga tin-edyer ay isang kapalaran na masama pa kaysa kamatayan.” Ipinagtapat ng isang dalagitang Saksi sa Italya: “Ako’y nahihiya na malaman ng aking mga kamag-aral na ako ay isang Saksi. At dahilan sa batid ko na hindi natutuwa sa akin si Jehova, ako’y nalungkot at nasiraan ng loob.”
4 Huwag palilinlang—nais ni Satanas na iligaw ka tungo sa iyong kapahamakan. Maraming kabataan na nasa sanlibutan ang mamamatay sa malaking kapighatian dahilan sa pinayagan nilang sila’y mailigaw. (Ezekiel 9:6) Ang tanging paraan upang makaligtas ay ang itaguyod ang matuwid.
Mag-ingat Laban sa Masasamang Kasama
5, 6. (a) Sa anong mga hamon napaharap ang binatang si Timoteo samantalang naninirahan sa Efeso? (b) Ano ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo?
5 Iyan ang pinakabuod ng payo na ibinigay ni apostol Pablo sa binatang si Timoteo. Sa mahigit na sampung taon, si Timoteo ay kasama ni apostol Pablo sa kaniyang mga paglalakbay misyonero. Sa panahon na si Timoteo ay naglilingkod sa paganong siyudad ng Efeso, si Pablo naman ay nasa isang bilangguan sa Roma at naghihintay ng kamatayan. Habang papalapit ang oras ng kaniyang kamatayan, tiyak na si Pablo ay nababahala tungkol sa kung ano ang mangyayari kay Timoteo. Ang Efeso ay isang siyudad na napabantog sa kaniyang kayamanan, imoralidad, at mababang-uring libangan, at si Timoteo ay hindi na tatanggap ng tulong buhat sa kaniyang minamahal na tagapayo.
6 Kaya si Pablo ay sumulat sa kaniyang “minamahal na anak” ng sumusunod: “Ngayon sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga sisidlang ginto at pilak kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba ay sa ikapupuri ngunit ang iba ay sa ikasisirang-puri. Kung ang sinuman nga ay malinis buhat sa mga nabanggit na, siya’y magiging sisidlang ikapupuri, pinaging-banal, napapakinabangan ng may-ari, nahahanda sa lahat ng gawang mabuti. Kaya, layuan mo ang mga pita na kaugnay ng kabataan, ngunit itaguyod mo ang katuwiran, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.”—2 Timoteo 1:2; 2:20-22.
7. (a) Ano ang ‘mga sisidlan sa ikasisirang-puri’ na itinawag-pansin ni Pablo? (b) Papaano maikakapit ng mga kabataan sa ngayon ang mga salita ni Pablo?
7 Sa gayo’y pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo na kahit na sa gitna ng kapuwa mga Kristiyano ay maaaring may ‘mga sisidlan sa ikasisirang-puri’—mga taong hindi gumagawi nang nararapat. Ngayon kung ang pakikisama sa ilang pinahirang Kristiyano ay makasásamâ kay Timoteo, gaano pa nga na ang pakikisama sa mga makasanlibutan ay makapipinsala sa isang kabataang Kristiyano sa ngayon! (1 Corinto 15:33) Ito ay hindi naman nangangahulugan na magiging malamig ang iyong pakikitungo sa iyong mga kamag-aral. Ngunit dapat kang pakaingat na huwag labis na mapasangkot sa kanilang lakad, kahit na kung iyon ay ginagawa kang waring isang mapagbukod ng iyong sarili paminsan-minsan. Ito’y napakahirap. Ang sabi ng isang dalagitang taga-Brazil: “Mahirap iyan. Ako’y laging naaanyayahan ng aking mga kamag-aral upang pumunta sa mga kasayahan at mga lugar na hindi nararapat para sa mga kabataang Kristiyano. Kanilang sinasabi: ‘Ano! Hindi ka pupunta? Nababaliw ka!’ ”
8, 9. (a) Papaano ang pakikisama, kahit sa waring mabubuting mga makasanlibutan, ay magsisilbing panganib sa isang Kristiyano? (b) Saan ka makasusumpong ng mabubuting kaibigan?
8 Ang ilang makasanlibutang kabataan ay nagmumukhang mabubuti dahil sa sila’y hindi naninigarilyo, hindi gumagamit ng malalaswang pananalita, o gumagawa ng seksuwal na imoralidad. Datapuwat, kung sila’y hindi nagtataguyod ng katuwiran, ikaw ay madaling maiimpluwensiyahan ng kanilang makalamang kaisipan at mga saloobin. Isa pa, sa anong mga kapakanan magkakapareho kayo ng mga di-kapananampalataya? (2 Corinto 6:14-16) Aba, ang espirituwal na mga pamantayan na iyong minamahalaga ay “kamangmangan” lamang sa kanila! (1 Corinto 2:14) Iyo bang mapananatili ang inyong pagkakaibigan nang hindi ikinukumpromiso ang iyong mga simulain?
9 Kaya iwasan ang di-mabubuting kasama. Ang piliin mo’y yaon lamang mga Kristiyanong may espirituwal na kaisipan na talagang umiibig kay Jehova. Mag-ingat ka kahit na sa mga kabataan sa kongregasyon na may negatibo o mapamintas na kaisipan. Samantalang lumalaki ka sa espirituwal, malamang na mababago ang pipiliin mong mga kaibigan. Ang sabi ng isang dalagitang Saksi: “Ako’y nagkakaroon ng mga bagong kaibigan sa iba’t ibang kongregasyon. Ipinabatid nito sa akin na hindi na pala kailangan ang makasanlibutang mga kaibigan.”
Layuan ang Masasamang Pita
10, 11. (a) Ano ba ang ibig sabihin ng “layuan ang mga pita na kaugnay ng kabataan”? (b) Papaano ang isa ay ‘makalalayo sa pakikiapid’?
10 Ipinayo rin ni Pablo kay Timoteo na “layuan ang mga pita na kaugnay ng kabataan.” Pagka ikaw ay nasa kabataan, ang hangad na maging popular, magkatuwaan, o bigyang kasiyahan ang mga pita sa sekso ay nangingibabaw. Kung hindi susupilin, ang gayong mga naisin ay maaaring umakay sa iyo sa kasalanan. Kaya sinabi ni Pablo na layuan ang nakapipinsalang mga pita—tumakbo na para bang ang buhay ng isa ang nakataya.a
11 Halimbawa, ang pita sa sekso ay umakay sa maraming kabataang Kristiyano sa pagkapahamak ng espirituwalidad. Kung gayon, may mabuting dahilan ang Bibliya ng pagsasabi sa atin na tayo’y “lumayo sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Kung ang dalawa ay nagliligawan, nagde-date, maikakapit nila ang simulaing ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa nakatutuksong mga situwasyon—tulad ng pagsasama nang silang dalawa lamang sa isang apartment o sa isang nakaparadang kotse. Ang pagsasama ng tsáperón ay maaaring makalumang-uso kung pakikinggan, ngunit ito ay isang tunay na pananggalang. At samantalang ang ilang kapahayagan ng pagmamahal ay angkop, kailangang may makatwirang mga limitasyon upang maiwasan ang mahalay na paggawi. (1 Tesalonica 4:7) Kasali sa paglayo sa pakikiapid ang pag-iwas sa mga palabas sa sine o sa TV na makapupukaw ng masamang pita. (Santiago 1:14, 15) Kung sakaling mahalay na mga kaisipan ang pumasok sa iyong isip nang di-sinasadya, baguhin mo ang paksa na iyong iniisip. Maglakad-lakad ka; magbasa-basa; gumawa ng anumang gawaing-bahay. Ang panalangin ay isang natatanging mabisang pantulong sa bagay na ito.—Awit 62:8.b
12. Papaano ka natututong mapoot sa masama? Magbigay ng halimbawa.
12 Higit sa lahat, kailangang matuto kang mapoot, mamuhi, at itakwil ang masama. (Awit 97:10) Papaano mo kapopootan ang sa simula ay maaaring nakatutuwa o nakalulugod? Sa pamamagitan ng pag-iisip ng tungkol sa magiging resulta! “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman.” (Galacia 6:7, 8) Pagka natutukso na magbigay-daan sa silakbo ng damdamin, pag-isipan kung ano ang lalong may malubhang epekto—kung papaano ito makasasakit sa Diyos na Jehova. (Ihambing ang Awit 78:41.) Pag-isipan din ang tungkol sa posibilidad ng pagbubuntis nang di-inaasahan o pagkakasakit, halimbawa ng AIDS. Pag-isipan ang sakit ng damdamin at pagkawala ng paggalang sa sarili na daranasin mo. Maaaring magkaroon din ito ng pangmahabang-panahong mga resulta. Inaamin ng isang babaing Kristiyano: “Kami ng aking kabiyak ay nakikipagtalik na sa iba bago kami nagkakilala. Bagaman kami ay kapuwa Kristiyano na ngayon, ang aming nakalipas may kinalaman sa sekso ay pinagmumulan ng pagtatalo at paninibugho sa aming pagsasama.” Hindi rin dapat kaligtaan ang pagkawala ng iyong mga pribilehiyong teokratiko o ang posibilidad na matiwalag sa kongregasyong Kristiyano! (1 Corinto 5:9-13) Ang anumang panandaliang kaligayahan ba ay sulit sa napakataas na halagang ibabayad?
Pagtataguyod ng Isang Matalik na Kaugnayan kay Jehova
13, 14. (a) Bakit hindi sapat na layuan ang masama? (b) Papaano magagawa ng isa na “itaguyod ang pagkakilala kay Jehova”?
13 Gayunman, hindi sapat na layuan ang masama. Si Timoteo ay pinayuhan din na “itaguyod ang katuwiran, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan.” Ito’y nagpapahiwatig ng puspusang pagkilos. Si propeta Oseas ay namanhik sa di-tapat na bansang Israel: “Halikayo, kayong mga tao, at tayo’y manumbalik kay Jehova . . . Ating itataguyod ang pagkakilala kay Jehova.” (Oseas 6:1-3) Gumawa ka ba sa ganang sarili ng gayong pagtataguyod? Dito’y kasali hindi lamang ang pagdalo sa mga pulong at pagsama sa iyong mga magulang sa paglilingkod sa larangan. Nagtapat ang isang babaing Kristiyano: “Sa katotohanan ako pinalaki ng aking mga magulang, at ako’y nabautismuhan sa maagang edad. . . . Bihira akong pumalya sa pulong at hindi ko nakakaligtaan ang paglilingkod sa buwan-buwan, subalit kailanman ay hindi ako nakapagpaunlad ng isang matalik at personal na kaugnayan kay Jehova.”
14 Inaamin ng isa pa ring kabataan (na babae) na siya man ay hindi nakaranas na makilala si Jehova bilang isang Kaibigan at Ama, anupat kinikilala niya ito bilang isang Espiritung di-malirip. Siya’y napalulong sa imoralidad at naging isang dalagang-ina sa edad na 18. Huwag kang gagawa ng gayon ding pagkakamali! “Itaguyod ang pagkakilala kay Jehova,” gaya ng payo ni Oseas. Sa pamamagitan ng panalangin at paglakad sa araw-araw na kaalinsabay ni Jehova, siya’y magagawa mong iyong pinagtitiwalaang kaibigan. (Ihambing ang Mikas 6:8; Jeremias 3:4.) “Siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin” kung siya’y ating hahanapin. (Gawa 17:27) Isang palagiang programa ng personal na pag-aaral ng Bibliya ang sa gayo’y kailangan. Ang gayong rutina ay hindi naman kailangang maging napakadetalyado o masalimuot. “Sa araw-araw binabasa ko ang Bibliya nang mga 15 minuto,” sabi ng isang dalagitang nagngangalang Melody. Magbigay ng panahon sa pagbabasa sa bawat labas ng Ang Bantayan at Gumising! Maghanda para sa mga pulong sa kongregasyon upang magawa mong “pukawin [ang iba] sa pag-ibig at mabubuting gawa.”—Hebreo 10:24, 25.
Buksan ang Iyong Puso sa Iyong mga Magulang
15. (a) Bakit kung minsan ay mahirap na sundin ang mga magulang? (b) Bakit ang pagsunod ay karaniwan nang sa ikabubuti ng isang kabataan?
15 Ang mga magulang na may takot sa Diyos ay maaaring pagmulan ng tunay na tulong at pagtangkilik. Ngunit pansinin ang bahaging iyong gagampanan: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyu-inyong magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid: ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mabuhay ka nang matagal sa lupa.’ ” (Efeso 6:1-3) Totoo, ikaw ay nagkakaedad at malamang na ibig mo ng higit pang kalayaan. Marahil ay patuloy na nahahalata mo rin ang mga pagkukulang ng iyong mga magulang. “Ang ating likas na mga ama,” inamin ni apostol Pablo, “ay makagagawa lamang ng kanilang inaakalang pinakamagaling.” (Hebreo 12:10, The Jerusalem Bible) Gayunman, sa pagsasaalang-alang ng pangkalahatang kapakinabangan, sa ikabubuti mo pa rin kung susundin mo sila. Ikaw ay minamahal ng iyong mga magulang at sila ang nakakakilala sa iyo nang higit kaysa kaninuman. Bagaman ikaw ay hindi laging kasang-ayon nila, kadalasan ang kanilang iniisip ay yaong magiging pinakamabuti sa iyo. Bakit sasalungatin ang kanilang pagsisikap na palakihin ka “sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova”? (Efeso 6:4) Tunay, isang mangmang lamang ang “hindi gumagalang sa disiplina ng kaniyang ama.” (Kawikaan 15:5) Kikilalanin ng isang pantas na kabataan ang awtoridad ng kaniyang mga magulang at magpapakita ng nararapat na paggalang.—Kawikaan 1:8.
16. (a) Bakit hindi isang katalinuhan para sa mga kabataan na ilihim sa kanilang mga magulang ang mga suliranin nila? (b) Ano ang maaaring gawin ng mga kabataan upang pagbutihin ang pakikipag-usap sa kanilang mga magulang?
16 Kasali na riyan ang pagsasalita ng katotohanan sa iyong mga magulang, na ipinaaalam sa kanila kung ikaw ay may mga suliranin, tulad halimbawa ng lumiligalig na mga pag-aalinlangan sa katotohanan o pagkabuyo sa alanganing asal. (Efeso 4:25) Ang paglilihim sa mga magulang ng gayong lumiligalig na mga kalagayan ay lumilikha ng higit pang mga suliranin. (Awit 26:4) Ipagpalagay natin, ang ibang mga magulang ay hindi gaanong mahilig makipag-usap. “Ang aking ina ay hindi nauupo at nakikipag-usap sa akin,” ang reklamo ng isang dalagita. “Ako’y walang lakas ng loob na sabihin kung ano ang aking nadarama sapagkat nangangamba ako na ako’y kaniyang pipintasan.” Kung ikaw ay nasa ganiyang kalagayan, matalinong pumili ng angkop na panahon upang ipaalám sa iyong mga magulang ang iyong niloloob. “Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso,” ang payo ng Kawikaan 23:26. Pagsikapan na palagiang ipakipag-usap sa kanila ang iyong mga kabalisahan, bago may mangyaring malulubhang suliranin.
Patuloy na Itaguyod ang Katuwiran!
17, 18. Ano ang tutulong sa isang kabataan na magpatuloy sa kaniyang pagtataguyod ng katuwiran?
17 Sa may katapusan ng kaniyang ikalawang liham, ipinayo ni Pablo kay Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na paniwalaan.” (2 Timoteo 3:14) Ganiyan din ang kailangang gawin mo. Huwag hayaang sinuman o anuman ay umakit sa iyo upang mapalayo sa iyong pagtataguyod ng katuwiran. Ang sanlibutan ni Satanas—sa kabila ng lahat ng pang-aakit nito—ay punung-puno ng kabalakyutan. Hindi na magtatagal at ito at lahat ng bahagi nito ay lilipulin. (Awit 92:7) Maging determinado ka na hindi mapuksa kasama ng pulutong ni Satanas.
18 Samantalang isinasaisip ang layuning ito, laging suriin ang iyong mga tunguhin, mga hangarin, at mga kapakanan. Tanungin ang iyong sarili, ‘Sinusunod ko ba ang matataas na pamantayan ng pagsasalita at asal pagka hindi ako nakikita ng aking mga magulang at ng mga miyembro ng kongregasyon? Ano bang uri ng mga kaibigan ang pinipili ko? Ang makasanlibutang mga kasama ba ang nagdidikta ng aking pananamit at pag-aayos? Anong mga tunguhin ang itinakda ko para sa aking sarili? Ang akin bang puso ay nakalagak nang lubusan sa buong-panahong ministeryo—o sa isang karera sa pumapanaw na sistema ng mga bagay ni Satanas?’
19, 20. (a) Bakit hindi dapat isipin ng isang kabataan na labis-labis ang mga kahilingan ni Jehova? (b) Anong mga paglalaan ang makatutulong sa mga kabataan?
19 Marahil ay nakikita mo ang pangangailangan na gumawa ng ilang mga pagbabago sa iyong kaisipan. (2 Corinto 13:11) Huwag akalain na ikaw ay nagagapi. Tandaan, si Jehova ay hindi humihingi sa iyo ng higit kaysa makatwiran. Ang tanong ng propetang si Mikas: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:8) Ito’y hindi magiging napakahirap kung sasamantalahin mo ang mga paglalaan ni Jehova upang makatulong sa iyo. Magkaroon ka ng matalik na kaugnayan sa iyong mga magulang. Palaging makisama sa kongregasyong Kristiyano. Sa partikular, sikaping makilalang mainam ang matatanda sa kongregasyon. Sila’y palaisip tungkol sa iyong ikabubuti at maaaring pagmulan ng suporta at kaaliwan. (Isaias 32:2) Higit sa lahat, pagyamanin ang isang matalik, mainit na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Siya ang magbibigay sa iyo ng lakas at determinasyon na itaguyod ang matuwid!
20 Gayunman, nasisira ang pagsisikap ng ilang kabataan na sila’y lumaki sa espirituwal dahil sa pakikinig sa di-mabuting musika. Ang sumusunod na artikulo ay magbibigay ng pantanging pansin sa paksang ito.
[Mga talababa]
a Ang salitang Griego para sa “layuan” (“flee” sa Ingles) ay ginagamit din sa Mateo 2:13, na kung saan sina Maria at Jose ay sinabihan na “lumayo at tumakas sa Ehipto” upang makaiwas sa nakamamatay na pakana ni Herodes.—Ihambing ang Mateo 10:23.
b Makasusumpong ka ng maraming makatutulong na mungkahi para sa pagsupil sa pita sa sekso sa kabanata 26 ng aklat na Mga Tanong ng Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang mga kabataan lalo na ang madaling mahikayat ng “mga gawang katusuhan” ni Satanas?
◻ Bakit mapanganib ang matalik na pakikisama sa makasanlibutang mga kabataan?
◻ Papaano mo malalayuan ang seksuwal na imoralidad?
◻ Papaano mo maitataguyod ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova?
◻ Bakit mahalaga na makipag-usap ka sa iyong mga magulang?
[Larawan sa pahina 16]
Makabubuting makilala ng mga magkasintahan ang isa’t isa sa mga kalagayan, tulad ng ice skating, na hindi sila nabubukod sa ibang mga tao