Huwag Kayong Susuko sa Takbuhan Ukol sa Buhay!
“Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin.”—Hebreo 12:1.
1, 2. Anong kapana-panabik na mga pangyayari ang ikinagagalak ng mga lingkod ni Jehova sa mga huling araw na ito?
NABUBUHAY tayo sa kapana-panabik at mahirap na panahon. Mahigit nang 80 taon ang nakaraan, noong 1914, si Jesus ay iniluklok bilang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Nagsimula ang “araw ng Panginoon” at kasabay nito ang “panahon ng kawakasan” ng sistemang ito ng mga bagay. (Apocalipsis 1:10; Daniel 12:9) Mula noo’y lalo nang naging apurahan ang takbuhan ukol sa buhay na tinatahak ng isang Kristiyano. Buong-sikap na nagpapagal ang mga lingkod ng Diyos upang makialinsabay sa makalangit na karo ni Jehova, ang kaniyang makalangit na organisasyon, na kumikilos nang walang-humpay upang tuparin ang mga layunin ni Jehova.—Ezekiel 1:4-28; 1 Corinto 9:24.
2 Nakasumpong ba ng kagalakan ang bayan ng Diyos habang ‘tinatakbo nila ang takbuhan’ tungo sa buhay na walang hanggan? Oo, nakasumpong nga sila! Tuwang-tuwa silang makita ang pagtitipon ng mga nalabi sa mga kapatid ni Jesus, at nagagalak silang matanto na halos matatapos na ang pangwakas na pagtatatak sa mga nalabi ng 144,000. (Apocalipsis 7:3, 4) Bukod dito, sabik silang maunawaan na isinulong na ng Haring hinirang ni Jehova ang kaniyang karit upang gapasin “ang aanihin sa lupa.” (Apocalipsis 14:15, 16) At talaga namang iyon ay isang malaking pag-aani! (Mateo 9:37) Hanggang sa kasalukuyan, mahigit sa limang milyong kaluluwa ang natipon—“isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Walang sinuman ang makapagsasabi kung magiging gaano kalaki sa wakas ang pulutong na iyon, yamang hindi iyon mabilang ng sinumang tao.
3. Sa kabila ng ano dapat nating laging sikapin na linangin ang espiritu ng kagalakan?
3 Totoo, sinisikap ni Satanas na tisurin tayo o pabagalin tayo habang nagtutumulin tayo sa takbuhan. (Apocalipsis 12:17) At hindi madali ang patuloy na pagtakbo sa kabila ng mga digmaan, taggutom, salot, at lahat ng iba pang kahirapan na siyang palatandaan ng panahon ng kawakasan. (Mateo 24:3-9; Lucas 21:11; 2 Timoteo 3:1-5) Gayunpaman, lumulundag ang ating puso sa kagalakan habang papalapit ang katapusan ng takbuhan. Sinisikap nating ipamalas ang espiritung inihimok ni Pablo na taglayin ng mga kapuwa Kristiyano noong kaniyang panahon: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!”—Filipos 4:4.
4. Anong uri ng espiritu ang ipinamalas ng mga Kristiyanong taga-Filipos?
4 Walang alinlangan na ang mga Kristiyanong pinagsabihan ni Pablo ng mga salitang ito ay nakasumpong ng kagalakan sa kanilang pananampalataya, sapagkat ganito ang sabi ni Pablo sa kanila: “Patuloy kayong magsaya sa Panginoon.” (Filipos 3:1) Ang mga taga-Filipos ay isang bukas-palad at maibiging kongregasyon na naglilingkod nang may sigasig at kasiglahan. (Filipos 1:3-5; 4:10, 14-20) Ngunit hindi lahat ng Kristiyano noong unang siglo ay may ganiyang espiritu. Halimbawa, isang dahilan ng pagkabahala ang ilang Judiong Kristiyano na sinulatan ni Pablo sa aklat ng mga Hebreo.
“Magbigay ng Higit sa Karaniwang Pansin”
5. (a) Anong espiritu ang taglay ng mga Hebreong Kristiyano nang itatag ang unang kongregasyong Kristiyano? (b) Ilarawan ang espiritung taglay ng ilang Hebreong Kristiyano noong mga 60 C.E.
5 Ang unang kongregasyong Kristiyano sa kasaysayan ng daigdig ay binubuo ng likas na mga Judio at mga proselita at itinatag sa Jerusalem noong 33 C.E. Anong uri ng espiritu ang taglay nito? Ang kailangan lamang ay basahin ng isa ang mga unang kabanata ng aklat ng Mga Gawa upang malaman ang tungkol sa kasiglahan at kagalakan nito, maging sa harap ng pag-uusig. (Gawa 2:44-47; 4:32-34; 5:41; 6:7) Subalit sa paglipas ng mga dekada, nagbago ang mga bagay-bagay, at maraming Judiong Kristiyano ang maliwanag na bumagal sa takbuhan ukol sa buhay. Ganito ang sabi ng isang akdang reperensiya tungkol sa kanilang situwasyong umiiral noong mga 60 C.E.: “Isang kalagayan ng pananamlay at panghihimagod, ng di-natupad na mga inaasam, naantalang mga inaasahan, maliwanag na kabiguan at pag-aalinlangan sa karaniwang mga bagay. Sila’y mga Kristiyano ngunit may babahagyang pagpapahalaga sa kaluwalhatian ng pagkatawag sa kanila.” Paano napunta sa gayong kalagayan ang mga pinahirang Kristiyano? Ang pagsasaalang-alang sa mga bahagi ng liham ni Pablo sa mga Hebreo (isinulat mga 61 C.E.) ay tutulong sa atin na masagot ang tanong na ito. Ang gayong pagsasaalang-alang ay tutulong sa ating lahat ngayon na maiwasang masadlak sa katulad na mahinang kalagayan sa espirituwal.
6. Ano ang ilang pagkakaiba sa pagitan ng pagsamba sa ilalim ng Batas ni Moises at ng pagsamba salig sa pananampalataya kay Jesu-Kristo?
6 Ang Hebreong mga Kristiyano ay lumabas mula sa Judaismo, isang sistema na nag-aangking sumusunod sa Batas na ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ni Moises. Waring ang Batas na ito ay patuloy na may pang-akit sa maraming Judiong Kristiyano, marahil dahil sa loob ng maraming siglo ay ito lamang ang tanging paraan ng paglapit kay Jehova, at ito ay isang kahanga-hangang sistema sa pagsamba, na may mga saserdote, regular na paghahain, at isang templo sa Jerusalem na kilala sa buong daigdig. Naiiba naman ang Kristiyanismo. Nangangailangan ito ng espirituwal na pangmalas, tulad niyaong kay Moises, na ‘tuminging mabuti sa gantimpalang kabayaran sa hinaharap’ at ‘nagpatuloy na matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.’ (Hebreo 11:26, 27) Maliwanag na hindi taglay ng maraming Judiong Kristiyano ang gayong espirituwal na pangmalas. Sila’y iika-ika sa halip na tumatakbo sa isang makabuluhang paraan.
7. Paano makaaapekto sa paraan ng pagtakbo natin sa takbuhan ukol sa buhay ang sistema na doo’y nakalabas na tayo?
7 Mayroon bang isang nakakatulad na situwasyon sa ngayon? Buweno, hindi naman eksaktong pareho nito ang mga bagay-bagay. Gayunpaman, ang mga Kristiyano ay lumabas na mula sa isang sistema ng mga bagay na lubhang naghahambog. Ang sanlibutan ay nag-aalok ng kapana-panabik na mga pagkakataon, ngunit kasabay nito, mabigat naman ang mga hinihingi nito sa mga tao. Karagdagan pa, marami sa atin ang namumuhay sa mga lupain kung saan pangkaraniwan ang negatibong saloobin at ang mga tao ay may mapag-imbot at ako-munang pangmalas sa mga bagay-bagay. Kung hahayaan natin ang ating sarili na maimpluwensiyahan ng gayong sistema, maaaring madaling lumabo ang ‘mga mata ng ating puso.’ (Efeso 1:18) Paano tayo makatatakbong mainam sa takbuhan ukol sa buhay kung hindi na natin malinaw na nauunawaan kung saan tayo patungo?
8. Ano ang ilang paraan na doo’y nakahihigit ang Kristiyanismo kaysa sa pagsamba sa ilalim ng Batas?
8 Upang pasiglahin ang mga Judiong Kristiyano, ipinaalaala sa kanila ni Pablo ang kahigitan ng sistemang Kristiyano sa Batas Mosaiko. Totoo, nang ang bansa ng likas na Israel ang siyang bayan ni Jehova sa ilalim ng Batas, nagsalita rito si Jehova sa pamamagitan ng kinasihang mga propeta. Ngunit, sabi ni Pablo, nagsasalita siya ngayon “sa pamamagitan ng isang Anak, na inatasan niyang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, at na sa pamamagitan niya ay kaniyang ginawa ang mga sistema ng mga bagay.” (Hebreo 1:2) Isa pa, si Jesus ay mas dakila kaysa sa lahat ng hari sa hanay ni David, ang kaniyang “mga kasama.” Nakahihigit pa nga siya sa mga anghel.—Hebreo 1:5, 6, 9.
9. Bakit tayo, tulad ng mga Judiong Kristiyano noong panahon ni Pablo, ay kailangang magbigay ng “higit sa karaniwang pansin” sa sinasabi ni Jehova?
9 Kaya naman, ganito ang payo ni Pablo sa mga Kristiyanong Judio: “Kailangan nating magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod palayo.” (Hebreo 2:1) Bagaman isang kamangha-manghang pagpapala ang pagkatuto tungkol sa Kristo, higit pa ang kailangan. Kailangan nilang magbigay ng masusing pansin sa Salita ng Diyos upang mapaglabanan ang impluwensiya ng Judiong sanlibutan na nakapalibot sa kanila. Tayo rin naman ay kailangang magbigay ng “higit kaysa sa karaniwang pansin” sa sinasabi ni Jehova dahil sa nakalantad tayo sa patuloy na propaganda ng sanlibutang ito. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng maiinam na kaugalian sa pag-aaral at pag-iingat ng isang mahusay na iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya. Gaya ng sinabi ni Pablo nang dakong huli sa kaniyang liham sa mga Hebreo, nangangahulugan din ito ng pagiging regular sa mga pulong at sa paghahayag ng ating pananampalataya sa iba. (Hebreo 10:23-25) Ang gayong gawain ay tutulong sa atin na manatiling gising sa espirituwal upang hindi natin maiwala ang ating maluwalhating pag-asa. Kung pupunuin natin ang ating isip ng mga kaisipan ni Jehova, hindi tayo madaraig o mabubuwal ng anumang bagay na maaaring gawin sa atin ng sanlibutang ito.—Awit 1:1-3; Kawikaan 3:1-6.
“Patuloy Ninyong Masidhing Payuhan ang Isa’t Isa”
10. (a) Ano ang maaaring mangyari sa isa na hindi nagbibigay ng higit sa karaniwang pansin sa Salita ni Jehova? (b) Paano natin ‘patuloy na masidhing mapapayuhan ang isa’t isa’?
10 Kung hindi tayo magbibigay ng masusing pansin sa espirituwal na mga bagay, baka maging waring di-totoo ang mga pangako ng Diyos. Nangyari ito maging noong unang siglo nang ang mga kongregasyon ay binubuo lamang ng pinahirang mga Kristiyano at nabubuhay pa ang ilan sa mga apostol. Nagbabala si Pablo sa mga Hebreo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy; subalit patuloy ninyong masidhing payuhan ang isa’t isa bawat araw, hangga’t matatawag itong ‘Ngayon,’ baka may sinuman sa inyo na maging mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.” (Hebreo 3:12, 13) Ang pananalita ni Pablo na “mag-ingat kayo” ay nagdiriin sa pangangailangang maging alisto. Nagbabanta ang panganib! Ang kawalan ng pananampalataya—ang “kasalanan”—ay maaaring tumubo sa ating puso, at maaari tayong mapalayo sa Diyos sa halip na mapalapit sa kaniya. (Santiago 4:8) Ipinaalaala sa atin ni Pablo na ‘patuloy na masidhing payuhan ang isa’t isa.’ Kailangan natin ang init ng pagsasamahan ng magkakapatid. “Ang isang nagbubukod ng kaniyang sarili ay humahanap ng kaniyang sariling mapag-imbot na nasa; siya’y nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.” (Kawikaan 18:1) Ang pangangailangan para sa gayong pagsasamahan ay nagpapakilos sa mga Kristiyano ngayon na maging regular sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, asamblea, at mga kombensiyon.
11, 12. Bakit hindi tayo dapat masiyahan sa pagkakaroon lamang ng kaalaman sa mga saligang doktrinang Kristiyano?
11 Nang maglaon sa kaniyang liham, nagbigay si Pablo ng ganitong karagdagang mahalagang payo: “Bagaman dapat nga na maging mga guro na kayo dahilan sa panahon, kayo ay muling nangangailangan na may magturo sa inyo mula sa pasimula ng mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos; at kayo ay naging gaya ng nangangailangan ng gatas, hindi ng matigas na pagkain. . . . Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:12-14) Maliwanag, ang ilang Judiong Kristiyano ay hindi sumulong sa unawa. Naging mabagal sila sa pagtanggap ng higit pang liwanag tungkol sa Batas at sa pagtutuli. (Gawa 15:27-29; Galacia 2:11-14; 6:12, 13) Baka pinahahalagahan pa rin ng ilan ang tradisyonal na mga kaugalian tulad ng lingguhang Sabbath at ang maringal na taunang Araw ng Pagbabayad-sala.—Colosas 2:16, 17; Hebreo 9:1-14.
12 Kaya naman, ganito ang sabi ni Pablo: “Ngayon na atin nang iniwan ang pang-unang doktrina tungkol sa Kristo, sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang.” (Hebreo 6:1) Ang isang mananakbo sa mahabang takbuhan na nagbibigay ng masusing pansin sa kaniyang pagkain ay mas makatatagal sa mahaba at nakapapagod na takbuhan. Gayundin naman, ang isang Kristiyano na nagbibigay ng masusing pansin sa espirituwal na pagkain—anupat hindi nililimitahan ang sarili sa saligan at ‘pang-unang mga doktrina’—ay mas makapananatili sa takbuhan at makatatapos nito. (Ihambing ang 2 Timoteo 4:7.) Nangangahulugan ito ng paglinang ng interes sa “lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan, sa gayo’y sumusulong sa pagkamaygulang.—Efeso 3:18.
“Nangangailangan Kayo ng Pagbabata”
13. Paano ipinamalas ng mga Hebreong Kristiyano ang kanilang pananampalataya noong panahong nakalipas?
13 Sa yugto ng panahon karaka-raka pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ang mga Judiong Kristiyano ay nanindigang matatag sa kabila ng mahigpit na pagsalansang. (Gawa 8:1) Marahil ito ang nasa isip ni Pablo nang isulat niya: “Patuloy ninyong alalahanin ang mga araw noong una kung kailan, pagkatapos na kayo ay maliwanagan, kayo ay nagbata ng malaking pakikipaglaban sa ilalim ng mga pagdurusa.” (Hebreo 10:32) Ang gayong tapat na pagbabata ay nagpakita ng kanilang pag-ibig sa Diyos at nagbigay sa kanila ng kalayaan sa pagsasalita sa harap niya. (1 Juan 4:17) Sila’y pinayuhan ni Pablo na huwag iwala iyon dahil sa kawalan ng pananampalataya. Hinimok niya sila: “Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang, pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos, ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako. Sapagkat ‘kaunting-kaunting panahon’ na lamang, at ‘siya na dumarating ay darating at hindi magluluwat.’ ”—Hebreo 10:35-37.
14. Anong mga katotohanan ang dapat tumulong sa atin na makapagbata kahit pagkatapos ng maraming taon ng paglilingkod kay Jehova?
14 Kumusta naman tayo ngayon? Karamihan sa atin ay masigasig nang una nating malaman ang Kristiyanong katotohanan. Taglay pa rin ba natin ang sigasig na iyon? O atin nang ‘iniwan ang pag-ibig na taglay natin noong una’? (Apocalipsis 2:4) Nanlamig na ba tayo, marahil medyo nasiphayo o napagod sa paghihintay sa Armagedon? Subalit huminto at isaalang-alang ito. Hindi nabawasan ang pagiging kamangha-mangha ng katotohanan. Si Jesus pa rin ang ating makalangit na Hari. Umaasa pa rin tayo sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa, at mayroon pa rin tayong kaugnayan kay Jehova. At huwag kalimutan: “Siya na dumarating ay darating at hindi magluluwat.”
15. Tulad ni Jesus, paano nagtiis ang ilang Kristiyano ng matinding pag-uusig?
15 Samakatuwid, angkop na angkop ang mga salita ni Pablo na nakaulat sa Hebreo 12:1, 2: “Alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan [kawalan ng pananampalataya] na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.” Maraming bagay ang pinagtiisan ng mga lingkod ng Diyos sa mga huling araw na ito. Tulad ni Jesus, na nagtapat hanggang sa napakasakit na kamatayan, ang ilan sa ating mga kapatid ay buong-katapatang nagbata ng pinakamalupit na pag-uusig—mga kampong piitan, pagpapahirap, panghahalay, maging ng kamatayan. (1 Pedro 2:21) Hindi ba nag-uumapaw ang ating pag-ibig sa kanila kapag isinasaalang-alang natin ang kanilang integridad?
16, 17. (a) Anong mga hamon sa kanilang pananampalataya ang pinaglalabanan ng karamihan sa mga Kristiyano? (b) Ano ang aalalahanin natin na tutulong sa atin na magpatuloy sa pagtakbo sa takbuhan ukol sa buhay?
16 Subalit sa karamihan ay kumakapit ang mga sinabi pa ni Pablo: “Sa pagsasagawa ng inyong pakikipaglaban sa kasalanang iyon ay hindi pa kayo kailanman nakipaglaban hanggang sa dugo.” (Hebreo 12:4) Gayunpaman, sa sistemang ito ay hindi madali para sa sinuman sa atin ang daan ng katotohanan. Ang ilan ay nasisiraan ng loob dahil sa “salungat na salita ng mga makasalanan” sa sekular na trabaho o sa paaralan, anupat nagbabantang panlilibak o nakikipaglaban sa panggigipit na magkasala. (Hebreo 12:3) Ang matinding tukso ay sumira sa determinasyon ng ilan na manghawakan sa matataas na pamantayan ng Diyos. (Hebreo 13:4, 5) Ang mga apostata ay nakaapekto sa pagiging timbang sa espirituwal ng ilan na nakikinig sa kanilang makamandag na propaganda. (Hebreo 13:9) Ang mga di-pagkakaunawaan ay nag-alis ng kagalakan ng iba. Ang labis na pagdiriin sa paglilibang at mga gawain sa malayang panahon ay nagpahina sa ilang Kristiyano. At ang karamihan ay nabibigatan sa mga suliranin ng pamumuhay sa sistemang ito ng mga bagay.
17 Totoo, sa mga situwasyong ito ay walang maituturing na ‘pakikipaglaban hanggang sa dugo.’ At ang ilan ay matutunton mula sa maling mga pasiya na ginagawa natin mismo. Subalit ang lahat ng ito ay naghaharap ng hamon sa ating pananampalataya. Kaya naman dapat tayong magtutok ng pansin sa dakilang halimbawa ni Jesus sa pagbabata. Huwag nawa nating makalimutan kung gaano kaganda ang ating pag-asa. Huwag nawa nating maiwala ang ating pananalig na si Jehova ay “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kung magkagayon, magkakaroon tayo ng espirituwal na lakas upang makapagpatuloy sa takbuhan ukol sa buhay.
Tayo’y Maaaring Magbata
18, 19. Anong makasaysayang mga pangyayari ang nagpapahiwatig na sinunod ng mga Hebreong Kristiyano sa Jerusalem ang kinasihang payo ni Pablo?
18 Paano tumugon ang mga Judiong Kristiyano sa liham ni Pablo? Mga anim na taon pagkatapos isulat ang liham sa mga Hebreo, nakikipagdigma ang Judea. Noong 66 C.E., kinubkob ng hukbong Romano ang Jerusalem, anupat natupad ang mga salita ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” (Lucas 21:20) Gayunman, sa kapakinabangan ng mga Kristiyanong nasa Jerusalem nang panahong iyon, sinabi ni Jesus: “Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawiganing dako ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:21) Kaya naman, nagharap ng isang pagsubok ang pakikipagdigma sa Roma: Lilisanin kaya ng mga Judiong Kristiyanong iyon ang Jerusalem, ang sentro ng pagsamba ng mga Judio at kinaroroonan ng maringal na templo?
19 Biglang-bigla, at sa di-malamang dahilan, umurong ang mga Romano. Malamang, minalas ito ng mga relihiyosong Judio bilang patotoo na may proteksiyon ang Diyos sa kanilang banal na lunsod. Kumusta naman ang mga Kristiyano? Sinasabi sa atin ng kasaysayan na sila’y tumakas. Pagkatapos, noong 70 C.E., ang mga Romano ay bumalik at lubusang winasak ang Jerusalem anupat napakaraming nasawi. Ang “araw ni Jehova” na inihula ni Joel ay sumapit sa Jerusalem. Ngunit wala na roon ang mga tapat na Kristiyano. Sila’y ‘nakaligtas.’—Joel 2:30-32; Gawa 2:16-21.
20. Ang pagkabatid na malapit na ang dakilang “araw ni Jehova” ay dapat magpakilos sa atin sa anu-anong paraan?
20 Sa ngayon, batid natin na isa pang dakilang “araw ni Jehova” ang malapit nang sumapit sa buong sistemang ito ng mga bagay. (Joel 3:12-14) Hindi natin alam kung kailan darating ang araw na iyon. Ngunit tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na iyon ay walang-pagsalang darating! Sinasabi ni Jehova na hindi iyon magluluwat. (Habacuc 2:3; 2 Pedro 3:9, 10) Kaya naman, tayo’y “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig.” Iwasan ang kawalan ng pananampalataya, “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.” Maging determinado na magbata gaano man ito katagal. Tandaan, pasulong ang dakilang tulad-karong organisasyon ni Jehova sa langit. Tutuparin nito ang layunin nito. Kaya magpatuloy nawa tayo sa pagtakbo at huwag susuko sa takbuhan ukol sa buhay!
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ang pagsunod sa anong payo ni Pablo sa mga taga-Filipos ay tutulong sa atin na magbata sa takbuhan ukol sa buhay?
◻ Ano ang tutulong sa atin na mapaglabanan ang hilig ng sanlibutang ito na hadlangan tayo?
◻ Paano natin matutulungan ang isa’t isa na magbata sa takbuhan?
◻ Ano ang ilang bagay na maaaring magpabagal sa isang Kristiyano?
◻ Paanong ang halimbawa ni Jesus ay makatutulong sa atin na magbata?
[Larawan sa pahina 8, 9]
Tulad ng mga mananakbo, hindi dapat hayaan ng mga Kristiyano na mahadlangan sila ng anuman
[Larawan sa pahina 10]
Walang makahahadlang sa dakilang makalangit na karo ni Jehova sa pagtupad ng layunin ng Diyos