Mga Gawa ng mga Apostol
28 Nang makarating kaming ligtas sa isla, nalaman namin na iyon ay tinatawag na Malta.+ 2 At ang mga tagaroon ay nagpakita ng pambihirang kabaitan sa amin. Nagpaningas sila ng apoy at inasikaso kaming lahat dahil umuulan noon at maginaw.+ 3 Pero nang kumuha si Pablo ng isang bungkos ng kahoy at ilagay ito sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init at kinagat siya nito sa kamay. 4 Nang makita ng mga tagaroon na nakabitin sa kamay niya ang makamandag na ahas, sinabi nila sa isa’t isa: “Tiyak na mamamatay-tao ang lalaking ito. Nakaligtas man siya sa dagat, hindi ipinahintulot ng Katarungan na mabuhay pa siya.” 5 Pero ipinagpag niya sa apoy ang ahas at wala namang nangyari sa kaniya. 6 Inaasahan nilang mamamaga ang katawan niya o bigla na lang siyang mabubuwal at mamamatay. Pagkatapos nilang maghintay nang matagal at makitang wala namang nangyaring masama sa kaniya, nagbago ang tingin nila at sinabing isa siyang diyos.+
7 At malapit sa lugar na iyon, may mga lupaing pag-aari si Publio, ang pinuno sa isla, at malugod niya kaming tinanggap at inasikasong mabuti sa loob ng tatlong araw. 8 Nagkataong may lagnat at disintirya ang ama ni Publio at nakahiga ito, kaya pinuntahan ito ni Pablo at nanalangin, ipinatong ang mga kamay niya rito at pinagaling.+ 9 Pagkatapos nito, pinupuntahan na siya ng iba pang maysakit sa isla at gumagaling din sila.+ 10 Bilang pasasalamat, binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang maglalayag na kami, ibinigay nila ang lahat ng kailangan namin at ikinarga sa barko.
11 Pagkalipas ng tatlong buwan, sumakay kami sa barko na may nakalagay na simbolo ng “Mga Anak ni Zeus.” Ang barko ay mula sa Alejandria at nagpalipas ng taglamig sa isla. 12 Pagkadaong sa Siracusa, nanatili kami roon nang tatlong araw; 13 mula roon, naglayag kami at nakarating sa Regio. Pagkaraan ng isang araw, humihip ang hangin mula sa timog at nakarating kami sa Puteoli noong ikalawang araw. 14 Doon, may nakita kaming mga kapatid at hiniling nila na manatili kami nang pitong araw; pagkatapos, pumunta na kami sa Roma. 15 Nang mabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apio at sa Tatlong Taberna. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang loob niya.+ 16 Nang sa wakas ay makarating na kami sa Roma, pinayagan si Pablo na tumirang mag-isa sa bahay niya pero may sundalong magbabantay sa kaniya.
17 Pagkalipas ng tatlong araw, tinawag niya ang mga prominenteng lalaking Judio. Nang matipon na sila, sinabi niya: “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang laban sa bayan o sa kaugalian ng mga ninuno natin,+ ibinigay ako sa mga Romano bilang isang bilanggo+ mula sa Jerusalem. 18 At pagkatapos nila akong pagtatanungin,+ gusto nila akong palayain, dahil wala silang makitang dahilan para patayin ako.+ 19 Pero nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong umapela kay Cesar,+ pero hindi dahil sa may reklamo ako sa aking bansa. 20 Iyan ang dahilan kung bakit ko kayo gustong makita at makausap. Nakatanikala ako dahil sa kaniya na hinihintay ng Israel.”+ 21 Sinabi nila: “Wala kaming natanggap na mga sulat tungkol sa iyo mula sa Judea. Wala ring masamang sinabi o ikinuwento tungkol sa iyo ang mga kapatid* na galing doon. 22 Pero gusto rin naming marinig ang sasabihin mo, dahil masama ang sinasabi ng mga tao saanmang lugar tungkol sa sektang ito.”+
23 Kaya nagsaayos sila ng isang araw para makita siya, at mas marami sila ngayon na nagpunta sa tinutuluyan niya. Mula umaga hanggang gabi, nangaral siya sa kanila sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos at hinikayat niya silang maniwala kay Jesus+ gamit ang Kautusan ni Moises+ at ang mga Propeta.+ 24 Naniwala ang ilan sa mga sinabi niya; ang iba ay hindi. 25 At dahil hindi sila magkasundo, umalis sila, at sinabi ni Pablo:
“Tama ang sinabi ng banal na espiritu sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Isaias na propeta, 26 ‘Pumunta ka sa bayang ito, at sabihin mo: “Maririnig ninyo iyon pero hindi ninyo mauunawaan, at titingin kayo pero wala kayong makikita.+ 27 Dahil ang puso ng bayang ito ay naging manhid,* at nakaririnig ang mga tainga nila pero hindi sila tumutugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata, para hindi makakita ang mga mata nila at hindi makarinig ang mga tainga nila at hindi makaunawa ang mga puso nila kaya hindi sila nanunumbalik at hindi ko sila napagagaling.”’+ 28 Kaya dapat nga ninyong malaman na ang pagliligtas na ito ng Diyos ay ipinahayag na sa ibang mga bansa;+ tiyak na pakikinggan nila ito.”+ 29 ——
30 Dalawang taon siyang nanatili sa inuupahan niyang bahay,+ at malugod niyang tinatanggap ang lahat ng pumupunta sa kaniya; 31 ipinangangaral niya sa kanila ang Kaharian ng Diyos+ at itinuturo ang tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo nang may buong kalayaan sa pagsasalita,+ nang walang hadlang.