Napakakapal na Ulap ng mga Saksi!
“Yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, . . . takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhang inilagay sa harapan natin.”—HEBREO 12:1.
1, 2. (a) Anong makatalinghagang tanawin ang marahil ay nasa isip ni Pablo nang siya’y sumulat sa mga Hebreong Kristiyano? (b) Bakit ang mga Hebreong kapananampalataya ay nangangailangan ng matibay na pananampalataya?
GUNI-GUNIHIN ang iyong sarili na isang mananakbo sa isang istadyum. Ikaw ay tumatakbo, lahat ng kalamnan mo ay maigting, habang ang iyong mga mata ay nakapirme sa pagtitig sa gol. Subalit kumusta naman ang mga tagapagmasid? Bueno, lahat sila ay mga matatagumpay na mananakbo! Sila’y hindi lamang mga tagapanood kundi aktibong mga saksi kapuwa sa salita at sa gawa.
2 Maaaring nasa isip ni apostol Pablo ang gayong makatalinghagang tanawin nang siya’y sumulat sa mga Hebreong Kristiyano (c. 61 C.E.). Sila’y nangangailangan ng matatag na pananampalataya. (Hebreo 10:32-39) Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya maaari nilang dinggin ang babala ni Jesus na tumakas pagka ang Jerusalem ay napalilibutan ng nagkampamentong mga hukbo (noong 66 C.E.) mga ilang taon bago iyon mapuksa sa kamay ng mga Romano (noong 70 C.E.). Ang pananampalataya ay nagpapalakas din sa kanila pagka sila’y “pinag-usig dahilan sa katuwiran.”—Mateo 5:10; Lucas 21:20-24.
3. Sa Hebreo 12:1, ano “ang kasalanang madaling pumipigil sa atin,” at anong takbuhan ang ipinapayo sa mga Kristiyano na takbuhin nang may pagtitiis?
3 Pagkatapos na repasuhin ang mga gawa ng pananampalataya bago ng panahon ng mga Kristiyano (sa Hebreo, kabanata 11), si Pablo ay nagpayo: “Yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi natin ang bawat pabigat [na makasasagabal sa atin sa espirituwal] at ang kasalanan [kakulangan ng pananampalataya] na madaling pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhin [ukol sa buhay na walang hanggan] na inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 12:1) Ang pagrerepaso ni Pablo ng pananampalatayang may gawa ay nagtatampok ng sari-saring katangian nito at tutulong sa atin, tayo man ay pinahirang mga Kristiyano na tumatakbo sa takbuhan para tamuhin ang walang kamatayang buhay sa langit o tayo ay bahagi ng “malaking pulutong” na may tunguhin na buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso. (Apocalipsis 7:4-10; Lucas 23:43; Roma 8:16, 17) Subalit ano nga ba ang pananampalataya? Ano ang mga ilang katangian ng espirituwal na hiyas na ito? At paano tayo kikilos kung tayo’y may pananampalataya? Samantalang humahanap ka ng mga kasagutan sa ganiyang mga katanungan, pakisuyong basahin ang binanggit na mga talata ng Hebreo kabanata 11 at 12 sa iyong sarilinang pag-aaral at sa pag-aaral sa kongregasyon.
Kung Ano ang Pananampalataya
4. Ano ang pananampalataya?
4 Una muna’y tinutukoy ni Pablo kung ano ang pananampalataya. (Basahin ang Hebreo 11:1-3.) Sa isang bahagi, ang pananampalataya ay “ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay.” Ang taong may pananampalataya ay may garantiya na lahat ng ipinangako ng Diyos ay para na ring ito’y natupad na. Ang pananampalataya ay siya ring “ang malinaw na katunayan ng mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita.” Ang kapani-paniwalang katibayan ng di-nakikitang mga totohanang bagay ay napakatibay na anupa’t ang pananampalataya ay sinasabi na katumbas ng ebidensiyang iyon.
5. Sa pananampalataya ano ang natatalastas natin?
5 Sa pamamagitan ng pananampalataya “ang sinaunang mga tao ay pinatotohanan” na sila’y nakalugod sa Diyos. Gayundin, “sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang mga sistema ng mga bagay”—ang lupa, ang araw, ang buwan, at ang mga bituin—“ay napasaayos sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, kung kaya’t ang nakikita ay nanggaling sa mga bagay na di-nakikita.” Tayo ay kumbinsido na si Jehova ang Maylikha ng gayong mga bagay, bagama’t hindi natin siya nakikita sapagkat siya’y isang di-nakikitang Espiritu.—Genesis 1:1; Juan 4:24; Roma 1:20.
Ang Pananampalataya at ang “Sinaunang Sanlibutan”
6. Bakit si Abel ay nagkaroon ng isang “tiyak na pag-asa” na ang mga salitang inihula ni Jehova tungkol sa ‘binhi ng babae’ ay matutupad?
6 Isa sa maraming katangian ng pananampalataya ay pagpapahalaga sa pangangailangan ng isang hain para sa mga kasalanan. (Basahin ang Hebreo 11:4.) Sa “sinaunang sanlibutan,” ang pananampalataya sa isang dugong hain ay ipinakita ni Abel, ang ikalawang anak ng unang mag-asawa, si Adan at si Eva. (2 Pedro 2:5) Walang alinlangan na naunawaan ni Abel na siya’y tatablan ng nakamamatay na mga epekto ng minanang kasalanan. (Genesis 2:16, 17; 3:6, 7; Roma 5:12) Marahil ay napansin din niya ang katuparan ng hatol ng Diyos na sa tulo ng pawis mabubuhay si Adan at si Eva’y daranas ng malaking paghihirap sa panahon ng pagdadalantao niya. (Genesis 3:16-19) Kaya’t si Abel ay may “tiyak na pag-asa” na ang iba pang mga bagay na sinalita ni Jehova ay matutupad. Kasali na rito ang makahulang mga salita na nakadirekta sa pusakal na mandarayang si Satanas nang sabihin ng Diyos sa ahas: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.”—Genesis 3:15.
7. (a) Paanong si Abel ay nagpakita ng pagpapahalaga sa pangangailangan ng isang hain ukol sa mga kasalanan? (b) Paanong ang Diyos ay ‘nagpatotoo tungkol sa mga kaloob ni Abel’?
7 Si Abel ay nagpakita ng pananampalataya sa ipinangakong Binhi sa pamamagitan ng paghahandog sa Diyos ng isang haing hayop na makasagisag na lalarawan sa sariling buhay ni Abel. Subalit ang kaniyang walang pananampalatayang nakatatandang kapatid na si Cain ay naghandog ng walang dugong mga gulay. Bilang isang mamamatay-tao, pagkatapos ay ibinubo ni Cain ang dugo ni Abel. (Genesis 4:1-8) Gayunman ay namatay si Abel na taglay ang kaalaman na siya’y itinuring na matuwid ni Jehova, “ang Diyos ang nagpatotoo tungkol sa kaniyang mga kaloob.” Sa paano? Sa pamamagitan ng pagtanggap sa hain ni Abel na inihandog niya nang may pananampalataya. Dahilan sa kaniyang pananampalataya at pagsang-ayon sa kaniya ng Diyos, at tungkol dito’y patuloy na nagpapatotoo ang Kinasihang Kasulatan, ‘bagaman patay na si Abel, siya’y nagsasalita pa.’ Kaniyang nakita na kailangan ang isang hain para sa mga kasalanan. Ikaw ba ay may pananampalataya sa lalong mahalagang haing pantubos na handog ni Jesu-Kristo?—1 Juan 2:1, 2; 3:23.
8. (a) Tungkol sa pananampalataya ano ang natututuhan natin buhat sa lakas-loob na pagpapatotoo ni Enoc? (b) Paanong si Enoc ay “inilipat upang huwag makakita ng kamatayan”?
8 Ang pananampalataya ang magpapakilos sa atin na salitain nang may lakas ng loob ang mensahe ng Diyos. (Basahin ang Hebreo 11:5, 6.) Ang sinaunang saksi ni Jehova na si Enoc ay may lakas ng loob na humula tungkol sa makalangit na pagpaparusa sa mga masasama. (Judas 14, 15) Tiyak na ang mga kaaway ni Enoc ay nagsikap na patayin siya, subalit “siya’y kinuha” ng Diyos kaya’t siya’y hindi dumanas ng paghihirap sa kamatayan. (Genesis 5:24) Subalit, una muna, “pinatotohanan sa kaniya na siya’y nakalugod na mabuti sa Diyos.” Sa paano nga? “Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag makakita ng kamatayan.” Gayundin naman, si Pablo, ay inilipat, o “inagaw tungo sa paraiso,” marahil tumanggap siya ng isang pangitain ng darating na espirituwal na paraiso ng kongregasyong Kristiyano. (2 Corinto 12:1-4) Samakatuwid si Enoc ay maliwanag na nasisiyahan noon sa isang pangitain ng darating na makalupang Paraiso nang siya’y patulugin ni Jehova sa kamatayan upang maging ligtas sa mga kamay ng kaaway. Upang tayo’y makalugod sa Diyos, tulad ni Enoc, kailangang salitain natin ang mensahe ng Diyos nang may katapangan. (Gawa 4:29-31) Kailangan ding maniwala tayo na umiiral ang Diyos at siya “ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.”
9. Sa paanong ang hakbang ni Noe ay nagpapakita na ang maingat na pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos ay isa pang katangian ng pananampalataya?
9 Ang maingat na pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos ay isa pang katangian ng pananampalataya. (Basahin ang Hebreo 11:7.) Sa pagkilos na may pananampalataya, ‘lahat ng iniutos ng Diyos’ ay ginawa ni Noe. (Genesis 6:22; 7:16) Si Noe ay ‘pinaunawaan ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita’ at siya’y naniwala sa sinabi ni Jehova na isang pambuong-lupang baha ang darating. Dahil sa pananampalataya at sa may pitagang pagkatakot sa Diyos, si Noe ay “naghanda ng isang arka sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan.” Sa pamamagitan ng pagsunod at mga gawang matuwid, sa ganoo’y hinatulan niya ang di-sumasampalatayang sanlibutan dahilan sa mga gawang kabalakyutan niyaon at ipinakita niya na iyo’y karapat-dapat lipulin.—Genesis 6:13-22.
10. Bagama’t si Noe ay nagtatayo ng arka, siya’y naglaan ng panahon para sa ano pang ibang gawain?
10 Si Noe ay isa rin sa mga saksi ni Jehova sa bagay na siya’y “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Bagama’t abala ng pagtatayo ng arka, siya’y naglaan ng panahon na mangaral, gaya ng ginagawa sa ngayon ng mga Saksi ni Jehova. Oo nga, si Noe ay nagsalita nang lakas-loob bilang isang tagapagbalita ng babala ng Diyos sa mga taong iyon bago sumapit ang baha, subalit “sila’y hindi nagbigay pansin hanggang sa sumapit ang baha at nilipol silang lahat.”—Mateo 24:36-39.
Pananampalataya ng mga Patriarka Pagkatapos ng Baha
11. (a) Paanong nagpakita si Abraham na sa pananampalataya ay kasali ang lubos na pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova? (b) Sa pananampalataya, si Abraham ay naghintay noon ng anong “lunsod”?
11 Kasali sa pananampalataya ang lubos na pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova. (Basahin ang Hebreo 11:8-12.) Sa pananampalataya si Abraham (Abram) ay sumunod sa pag-uutos ng Diyos at lumisan sa Ur ng mga Caldeo, isang siyudad na maraming maibibigay na materyal na mga bagay. Siya’y sumampalataya sa pangako ni Jehova na “lahat ng mga angkan sa lupa” ay magpapala sa kanilang sarili sa pamamagitan niya at na ang kaniyang binhi ay bibigyan ng isang lupain. (Genesis 12: 1-9; 15:18-21) Ang anak ni Abraham na si Isaac at ang kaniyang apong si Jacob ay “kasama niyang mga tagapagmana ng mismong pangakong iyon.” Sa pananampalataya si Abraham ay “tumahan na isang dayuhan sa lupang pangako na gaya nang siya’y nasa lupaing banyaga.” Siya’y naghintay ng “lunsod na may mga tunay na pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.” Oo, si Abraham ay naghintay sa makalangit na Kaharian ng Diyos na sa ilalim nito siya’y bubuhaying mag-uli sa buhay sa lupa. Ang Kaharian ba ay may ganiyang kahalagang dako sa iyong buhay?—Mateo 6:33.
12. Ano ang nangyari nang dahil sa si Sarah ay may pananampalataya sa mga pangako ni Jehova?
12 Ang mga babaing asawa ng mga patriarkang may takot sa Diyos ay nagkaroon din ng pananampalataya sa mga pangako ni Jehova. Halimbawa, sa pananampalataya ang asawa ni Abraham na si Sarah, bagaman baog hanggang sa sumapit sa edad na mga 90 anyos at “lampas na sa edad ng pag-aanak,” ay binigyan ng kapangyarihan na “maglihi, . . . palibhasa’y kaniyang itinuring na tapat siya [ang Diyos] na nangako.” Nang sumapit ang panahon, ipinanganak ni Sarah si Isaac. Kaya’t buhat sa 100-taóng-gulang na si Abraham, “na mistulang patay” kung tungkol sa pag-aanak, sa wakas ay “nagkaanak ng singdami ng karamihang mga bituin sa langit.”—Genesis 17:15-17; 18:11; 21:1-7.
13, 14. (a) Bagaman si Abraham, si Isaac, at si Jacob ay ‘hindi nagkamit ng katuparan ng mga pangako,’ ano ang epekto nito sa kanila? (b) Paano tayo makikinabang sa pagsasaalang-alang sa katapatan ng mga patriarka kay Jehova kahit na kung hindi natin nakikita ang agad-agad na katuparan ng kaniyang mga pangako?
13 Ang pananampalataya ang magpapanatili sa atin na tapat kay Jehova kahit na hindi natin masaksihan ang agad-agad na katuparan ng kaniyang mga pangako. (Basahin ang Hebreo 11:13-16.) Ang tapat na mga patriarka ay nangamatay na lahat nang hindi nila nakikita ang lubos na katuparan ng mga pangako ng Diyos sa kanila. Ngunit “kanilang nangakita [ang ipinangakong mga bagay] na natanaw mula sa malayo at ikinagalak at hayagang ipinahayag nila na sila’y mga tagaibang-bayan at mga pansamantalang mananahan sa lupain.” Oo, sa pananampalataya natapos ang kanilang buhay, sapagkat sali’t saling lahi ang lumipas bago ang Lupang Pangako ay inari ng mga supling ni Abraham.
14 Hindi komo hindi nila nakamit ang katuparan ng mga ipinangako ng Diyos sa panahon na sila’y nabubuhay ay hindi umakay kay Abraham, Isaac, at Jacob na sumamâ ang loob o humila sa kanila na maging mga apostata. Hindi nila itinakuwil si Jehova at hindi sila bumalik sa Ur, at napalulong sa makasanlibutang mga gawain. (Ihambing ang Juan 17:16; 2 Timoteo 4:10; Santiago 1:27; 1 Juan 2:15-17.) Hindi, ang mga patriarkang iyon ay ‘nagnasa’ ng isang dako na lalong magaling kaysa Ur, “samakatuwid baga, ang pag-aari ng langit.” Kaya hindi sila ikinahihiya ni Jehova ‘na tawaging siya’y Diyos nila.’ Sila’y nanatiling may pananampalataya sa Kataas-taasan hanggang sa kanilang kamatayan at sila ay malapit na ngayong buhaying mag-uli sa lupa, na bahagi ng sakop ng “lunsod,” ang Mesiyanikong Kaharian na inihanda ng Diyos para sa kanila. Subalit kumusta ka naman? Kahit na kung ikaw ay ‘lumakad sa katotohanan’ sa loob ng maraming taon, at tumanda na sa paglilingkod kay Jehova, kailangang manatili ka na nagtitiwala sa kaniyang ipinangakong bagong sistema. (3 Juan 4; 2 Pedro 3:11-13) Anong laking gantimpala ang tatanggapin mo at ng tapat na mga patriarka dahil sa gayong pananampalataya!
15. (a) Ano ang nagpangyari upang halos na nga ay maihandog ni Abraham si Isaac bilang isang hain? (b) Paanong ang ating pananampalataya ay maaapektuhan ng pangyayari tungkol kay Abraham at kay Isaac? (c) Ano ang makahulang inilarawan ng pangyayaring iyan?
15 Ang walang atubiling pagsunod sa Diyos ay isang mahalagang katangian ng pananampalataya. (Basahin ang Hebreo 11:17-19.) Dahil sa si Abraham ay sumunod kay Jehova nang walang pag-aatubili, “para na ring inihandog niya si Isaac,” ang kaniyang “bugtong na anak”—ang kaisa-isang bugtong na anak niya kay Sarah. Paano magagawa ito ni Abraham? Sapagkat “nanalig siya na magagawa ng Diyos na ibangon [si Isaac] kahit buhat sa mga patay,” kung kinakailangan iyon, upang tuparin ang pangakong lilitaw ang binhi sa pamamagitan niya. Sa isang saglit ang balisong na hawak ni Abraham ay disin sana’y kumitil sa buhay ni Isaac, subalit ang tinig ng isang anghel ang humadlang. Sa gayon, tinanggap ni Abraham si Isaac buhat sa kamatayan “sa patalinghagang paraan.” Tayo man ay dapat ding mapakilos na sumunod sa Diyos nang may pananampalataya kahit na ang ating buhay o ang buhay ng ating mga anak ay nakataya sa panganib. (1 Juan 5:3) Kapuna-puna rin na noon ay makahulang inilarawan ni Abraham at ni Isaac kung paano ilalaan ng Diyos na Jehova ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, bilang isang pantubos upang ang mga nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Genesis 22:1-19; Juan 3:16.
16. Kung tungkol sa ating mga anak at sa pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, anong halimbawa ang ipinakita ng mga patriarka?
16 Kung tayo’y may pananampalataya, tutulungan natin ang ating supling na ilagak ang kanilang pag-asa sa mga pangako ng Diyos para sa hinaharap. (Basahin ang Hebreo 11:20-22.) Napakatibay ang pananampalataya ng mga patriarka kung kaya’t bagaman ang mga pangako ni Jehova sa kanila ay hindi lubusang natupad sa panahon na kanilang ikinabubuhay, kanilang ipinasa ito sa kanilang mga anak bilang isang mahalagang pamana. Kaya naman, “binasbasan ni Isaac si Jacob at si Esau tungkol sa mga bagay na darating,” at binasbasan nang mamamatay nang si Jacob ang mga anak ni Jose na si Ephraim at Manases. Dahil sa si Jose mismo ay may matibay na pananampalataya na lilisanin ng mga Israelita ang Ehipto para magtungo sa lupaing ipinangako, kaniyang pinasumpa ang kaniyang mga kapatid na dalhin ang kaniyang mga buto paglisan nila. (Genesis 27:27-29, 38-40; 48:8-22; 50:24-26) Tinutulungan mo ba ang iyong pamilya upang mapaunlad ang isang kahawig na pananampalataya sa mga ipinangako ni Jehova?
Ang Pananampalataya ang Nagtutulak sa Atin na Unahin ang Diyos
17. Paanong ang mga magulang ni Moises ay kumilos nang may pananampalataya?
17 Ang pananampalataya ang nagbibigay sa atin ng motibo na unahin si Jehova at ang kaniyang bayan sa halip na ang anuman na iniaalok ng sanlibutang ito. (Basahin ang Hebreo 11:23-26.) Ang mga Israelita ay mga alipin noon na nangangailangang palayain buhat sa pagkaalipin sa Ehipto kaya’t ang mga magulang ni Moises ay kumilos nang may pananampalataya. ‘Sila’y hindi natakot sa utos ng hari’ na patayin ang mga sanggol na Hebreo sa pagsilang pa lamang. Bagkus, kanilang itinago si Moises nang may tatlong buwan, sa wakas ay inilagay siya sa isang takbang yantok at ikinubli sa mga talahiban sa tabi ng Ilog Nilo. Siya’y nasumpungan ng anak na babae ni Faraon, at siya’y ‘pinalaki na mistulang kaniyang sariling anak.’ Datapuwat, si Moises ay lumaki at sinanay upang umunlad sa espirituwal sa tahanan ng kaniyang ama at ina, si Amram at si Jochebed. Pagkatapos, bilang isang miyembro ng sambahayan ni Faraon, siya ay “tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo” at siya’y naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa,” matalino ang pag-iisip at malakas ang pangangatawan.—Gawa 7:20-22; Exodo 2:1-10; 6:20.
18. Dahilan sa kaniyang pananampalataya, ano ang kinuhang paninindigan ni Moises kung tungkol sa pagsamba kay Jehova?
18 Gayunman, hindi dahil sa siya’y may pinag-aralan sa Ehipto at sa materyal na karangyaan ng palasyo ay iniwan ni Moises ang pagsamba kay Jehova at naging isang apostata. Bagkus, “sa pananampalataya si Moises, nang lumaki na, ay tumangging patawag na anak ng anak na babae ni Faraon,” anupa’t mahihiwatigan ito nang kaniyang ipagtanggol ang isang kapatid na Hebreo. (Exodo 2:11, 12) Minabuti pa ni Moises na siya’y “apihin kasama ng bayan ng Diyos [mga Israelitang kapuwa mananamba kay Jehova] kaysa pansamantalang maligayahan sa pagkakasala.” Kung ikaw ay isang bautismadong lingkod ni Jehova na may matatag at tumpak na pagkasanay sa espirituwal, tutularan mo ba ang halimbawa ni Moises at maninindigang matatag ukol sa tunay na pagsamba?
19. (a) Paano mapatutunayan na inuna ni Moises sa kaniyang buhay si Jehova at nang Kaniyang bayan? (b) Sa anong gantimpalang kabayaran nakatitig ni Moises?
19 Si Moises ay nanindigan sa panig ng bayan ni Jehova “sapagkat ang kadustaan ng Kristo ay kaniyang inaring mga kayamanan na nakahihigit kaysa mga kayamanan ng Ehipto.” Malamang na ‘ang kadustaan ng pagiging isang sinaunang tipo ng Kristo, o Pinahiran ng Diyos, ay inari [ni Moises] na mga kayamanang nakahihigit kaysa mga kayamanan ng Ehipto.’ Bilang isang miyembro ng maharlikang sambahayan, disin sana’y naligayahan siya sa pagtatamasa ng kayamanan at katanyagan sa Ehipto. Subalit siya’y nagsagawa ng pananampalataya at siya’y “doon nakatitig sa gantimpalang kabayaran”—buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa lupa sa ipinangako ng Diyos na bagong sistema.
20. Tungkol sa karanasan ni Moises, ano ang nagpapakita na dahilan sa pananampalataya ay nawawalan tayo ng takot bilang mga lingkod ni Jehova?
20 Dahil sa pananampalataya ay nawawalan tayo ng takot sapagkat tayo’y nagtitiwala kay Jehova bilang isang tagapagligtas. (Basahin ang Hebreo 11:27-29.) Nang mabalitaan na nakapatay si Moises ng isang Ehipsiyo, sinikap ni Faraon na siya’y ipapatay. “Subalit si Moises ay tumakas sa harapan ni Faraon upang siya’y doon makatahan sa lupain ng Midian.” (Exodo 2:11-15) Kaya wari ngang ang tinutukoy ni Pablo ay ang Paglabas ng mga Hebreo sa Ehipto noong bandang huli nang kaniyang sabihin: “Sa pananampalataya ay nilisan niya [ni Moises] ang Ehipto, ngunit hindi natatakot sa poot ng hari [na nagbabantang papatayin siya dahilan sa kaniyang pagiging kinatawan ng Diyos sa Israel], sapagkat siya’y nagpatuloy na matatag tulad sa nakakakita sa Isang di-nakikita.” (Exodo 10:28, 29) Bagama’t kailanman ay hindi aktuwal na nakita ni Moises ang Diyos, tunay na tunay ang pakikitungo ni Jehova sa kaniya kung kaya’t siya’y kumilos na para bagang nakikita niya ‘ang Isang di-nakikita.’ (Exodo 33:20) Ganiyan bang katibay ang iyong relasyon kay Jehova?—Awit 37:5; Kawikaan 16:3.
21. Tungkol sa paglisan ng Israel sa Ehipto, ano ang nangyari dahil “sa pananampalataya”?
21 Mga ilang saglit lang bago lisanin ng Israel ang Ehipto, “sa pananampalataya ay ginanap [ni Moises] ang Paskua at ang pagwiwisik ng dugo, upang ang mga panganay nila [ng mga Israelita] ay huwag lipulin ng manglilipol.” Oo, pananampalataya ang kinailangan upang ganapin ang paskua taglay ang pananalig na ang mga lalaking panganay na anak ng Israel ay ililigtas samantalang ang mga panganay ng mga Ehipsiyo ay papatayin, at ang pananampalatayang ito ay ginantimpalaan. (Exodo 12:1-39) Gayundin naman “sa pananampalataya sila [ang mga Israelita] ay tumawid sa Dagat na Pula patungo sa tuyong lupa, subalit nang subuking gawin ito ng mga Ehipsiyo sila ay nangalunod.” Anong kahanga-hangang tagapagligtas nga ang Diyos! At dahilan sa pagliligtas na ito, ang mga Israelita ay “nangatakot kay Jehova at sumampalataya kay Jehova at kay Moises na kaniyang lingkod.”—Exodo 14:21-31.
22. Tungkol sa pananampalataya, anong mga tanong ang natitira pa upang isaalang-alang?
22 Ang pananampalataya ni Moises at ng mga patriarka ay tunay na isang huwaran para sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Subalit ano ang nangyari nang patuloy pang nakitungo ang Diyos sa mga inapo ni Abraham bilang isang teokratikong bansang organisado? Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa iba pang mga gawa ng pananampalataya noong sinaunang mga panahon?
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang pananampalataya?
◻ Ang halimbawa ni Enoc ay nagtuturo sa atin ng ano tungkol sa pananampalataya?
◻ Paanong ang may takot-sa-Diyos na mga patriarka ay nagpakita ng pananampalataya na kasali na roon ang lubos na pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova?
◻ Anong pagkilos ni Abraham ang nagpapakita na ang walang pag-aatubiling pagsunod sa Diyos ay isang mahalagang katangian ng pananampalataya?
◻ Anong mga pagkilos ni Moises ang nagpapakita na ang pananampalataya ay nangangahulugan ng paglalagay na una sa lahat kay Jehova at sa Kaniyang bayan higit sa ano pa man na iniaalok ng sanlibutan?