“Nakita” Nila ang mga Bagay na Ipinangako
“Hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo.”—HEB. 11:13.
1. Paano tayo makikinabang sa kakayahan nating ilarawan sa isipan ang mga bagay na hindi natin nakikita? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
MAY kakayahan tayong ilarawan sa isipan ang mga bagay na hindi natin nakikita, at iyan ay isang regalo mula sa Diyos. Dahil sa kakayahang iyan, nakapagpaplano tayo nang maayos at nananabik sa magagandang bagay na darating. Alam ni Jehova ang mangyayari sa hinaharap, at sinasabi niya sa atin ang ilan sa mga ito sa Bibliya. Maaari nating mailarawan ang mga ito sa ating isipan. Sa katunayan, ang kakayahan nating “makita” ang mga bagay na di-nakikita ay tumutulong sa atin na manampalataya.—2 Cor. 4:18.
2, 3. (a) Bakit mahalaga kung saan nakabatay ang mga iniisip natin? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Kung minsan, ang mga inilalarawan natin sa isipan ay hindi nakabatay sa realidad. Halimbawa, baka iniisip ng isang bata na nakasakay siya sa isang paruparo. Imposibleng mangyari iyan. Pero si Hana, na ina ni Samuel, ay gumamit ng kaniyang imahinasyon sa ibang paraan. Lagi niyang iniisip ang araw kung kailan dadalhin niya sa tabernakulo si Samuel para maglingkod doon. Ang iniisip niyang ito ay nakabatay sa ipinasiya niyang gawin at nakatulong para matupad niya ang kaniyang pangako kay Jehova. (1 Sam. 1:22) Kapag ang inilalarawan natin sa ating isipan ay mga pangako ng Diyos, mga bagay na tiyak na matutupad ang iniisip natin.—2 Ped. 1:19-21.
3 Tiyak na inilarawan ng maraming lingkod noon ng Diyos sa kanilang isipan ang mga pangako niya. Paano iyon nakatulong sa kanila? Paano tayo makikinabang kung bubulay-bulayin natin ang magagandang bagay na ipinangako ng Diyos sa masunuring mga tao?
“NAKITA” NILA ANG HINAHARAP AT TUMIBAY ANG PANANAMPALATAYA NILA
4. Ano ang naging batayan ni Abel para pag-isipan ang tungkol sa hinaharap?
4 Si Abel ang unang taong nanampalataya sa mga pangako ni Jehova. Alam niya ang sinabi ni Jehova sa serpiyente matapos magkasala sina Adan at Eva: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Gen. 3:14, 15) Hindi alam ni Abel kung paano ito eksaktong matutupad. Pero malamang na pinag-isipan niyang mabuti ang pangakong ito at naunawaang kailangang may ‘sugatan sa sakong’ para maibalik sa kasakdalan ang mga tao. Anuman ang nakini-kinita ni Abel tungkol sa hinaharap, nanampalataya siya batay sa pangako ng Diyos. Kaya naman nang maghain siya, tinanggap ito ni Jehova.—Basahin ang Genesis 4:3-5; Hebreo 11:4.
5. Bakit makatutulong noon kay Enoc na ilarawan sa isipan ang mangyayari sa hinaharap?
5 Ang tapat na si Enoc ay nanampalataya rin sa Diyos. Namuhay siya sa gitna ng di-makadiyos na mga taong nagsasalita ng nakapangingilabot na mga bagay laban sa Diyos. Kinasihan siyang ihula na si Jehova ay darating “kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Jud. 14, 15) Bilang isa na nanampalataya, maaaring inilarawan ni Enoc sa kaniyang isipan ang mangyayari kapag wala nang di-makadiyos na mga tao sa daigdig.—Basahin ang Hebreo 11:5, 6.
6. Pagkatapos ng Baha, ano ang maaaring binulay-bulay ni Noe?
6 Nakaligtas si Noe sa Delubyo dahil sa pananampalataya niya. (Heb. 11:7) Pagkatapos, dahil sa pananampalataya, naghandog siya ng mga hayop. (Gen. 8:20) Gaya ni Abel, tiyak na nanampalataya rin siya na darating ang panahon na ang mga tao ay mapalalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Pagkatapos ng Baha, patuloy na nanampalataya at umasa si Noe kahit noong muling sumamâ ang daigdig at sinalansang ni Nimrod si Jehova. (Gen. 10:8-12) Malamang na binulay-bulay ni Noe ang panahon kung kailan ang mga tao ay mapalalaya mula sa mapaniil na tagapamahala, minanang kasalanan, at kamatayan. Puwede rin nating “makita” ang napakagandang panahong iyon, na napakalapit na!—Roma 6:23.
“NAKITA” NILANG NATUPAD ANG MGA PANGAKO
7. Anong kinabukasan ang maaaring “nakita” nina Abraham, Isaac, at Jacob?
7 Isang napakagandang kinabukasan ang maaaring nakini-kinita nina Abraham, Isaac, at Jacob. Ipinangako ng Diyos na sa pamamagitan ng kanilang binhi, ang lahat ng bansa sa lupa ay magkakamit ng pagpapala. (Gen. 22:18; 26:4; 28:14) Ang mga inapo ng mga patriyarkang iyon ay darami at maninirahan sa Lupang Pangako na ibibigay ng Diyos. (Gen. 15:5-7) Sa pamamagitan ng pananampalataya, “nakita” nina Abraham, Isaac, at Jacob na naninirahan na sa lupaing iyon ang kanilang mga supling. Ang totoo, mula pa noong maiwala ng tao ang kasakdalan, tiniyak na ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod na maisasauli ang mga pagpapalang naiwala ni Adan.
8. Ano ang nakatulong kay Abraham na makapagpakita ng matibay na pananampalataya?
8 Malamang na dahil nailarawan ni Abraham sa kaniyang isipan ang ipinangako ng Diyos kaya nakagawa siya ng kamangha-manghang mga bagay na nagpapakita ng pananampalataya. Tungkol kay Abraham at sa iba pang tapat na lingkod ng Diyos, sinasabi ng Kasulatan na kahit “hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako” noong buhay pa sila, “nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na inasahan ang mga iyon.” (Basahin ang Hebreo 11:8-13.) Alam ni Abraham na laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga ipinangako, kaya nakatitiyak siya na matutupad ang lahat ng pangako ni Jehova para sa hinaharap.
9. Paano nakatulong kay Abraham ang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos?
9 Dahil nanampalataya si Abraham sa mga pangako ng Diyos, lalo siyang naging determinado na gawin ang kalooban ng Diyos. Iniwan niya ang lunsod ng Ur at hindi siya nanirahan nang permanente sa alinmang lunsod ng Canaan. Tulad ng Ur, hindi matibay ang pundasyon ng mga lunsod na iyon dahil sa di-makadiyos na mga tagapamahala. (Jos. 24:2) Buong-buhay na hinintay ni Abraham “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.” (Heb. 11:10) “Nakita” ni Abraham na naninirahan na siya sa isang permanenteng lugar na pinamamahalaan ni Jehova. Sina Abel, Enoc, Noe, Abraham, at iba pa ay naniwala sa pagkabuhay-muli ng mga patay at nanabik na mabuhay sa isang daigdig sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon.” Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga pagpapala ay nagpalakas ng kanilang pananampalataya kay Jehova.—Basahin ang Hebreo 11:15, 16.
10. Paano nakatulong kay Sara ang pananaw niya sa hinaharap?
10 Isaalang-alang natin ang asawa ni Abraham na si Sara. Sa edad na 90, wala pa rin siyang anak. Pero dahil sa positibong pananaw niya sa hinaharap, naipakita niya ang kaniyang pananampalataya. Maaaring nakini-kinita niyang tinatamasa ng kaniyang mga supling ang mga pagpapalang ipinangako ni Jehova. (Heb. 11:11, 12) Bakit gayon na lang siya kasigurado? Dahil sinabi ni Jehova sa kaniyang asawa: “Pagpapalain ko siya at bibigyan din kita ng isang anak na lalaki mula sa kaniya; at pagpapalain ko siya at siya ay magiging mga bansa; mga hari ng mga bayan ang magmumula sa kaniya.” (Gen. 17:16) Nang isilang ni Sara si Isaac, lalo siyang naging kumbinsido na matutupad ang iba pang pangako ni Jehova kay Abraham. Mapatitibay rin natin ang ating pananampalataya kapag inilalarawan natin sa ating isipan ang mga pangako ni Jehova na siguradong matutupad!
TUMINGING MABUTI SA GANTIMPALA
11, 12. Ano ang nakatulong kay Moises na ibigin si Jehova?
11 Si Moises ay nanampalataya rin kay Jehova. Malalim ang naging pag-ibig niya sa Diyos. Dahil lumaki sa Ehipto bilang prinsipe, puwede sanang inibig niya ang kapangyarihan at kayamanan. Pero maliwanag na mula sa kaniyang tunay na mga magulang, nakilala ni Moises si Jehova. Nalaman niya na layunin ni Jehova na palayain ang mga Hebreo sa pagkaalipin at ibigay sa kanila ang Lupang Pangako. (Gen. 13:14, 15; Ex. 2:5-10) Kung laging iniisip noon ni Moises ang mga pangako ng Diyos, ano sa tingin mo ang lalago sa puso niya—pag-ibig sa katanyagan o pag-ibig kay Jehova?
12 Sinasabi ng Bibliya: “Sa pananampalataya si Moises, nang malaki na, ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan, sapagkat itinuring niya ang kadustaan ni Kristo bilang kayamanan na nakahihigit kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto; sapagkat tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran.”—Heb. 11:24-26.
13. Paano nakinabang si Moises sa pagbubulay-bulay tungkol sa pangako ng Diyos?
13 Habang binubulay-bulay ni Moises ang pangako ni Jehova para sa mga Israelita, lumalago ang pananampalataya at pag-ibig niya sa Diyos. Tulad ng iba pang lingkod ng Diyos, malamang na naunawaan niyang palalayain ni Jehova ang lahat ng tao mula sa kamatayan. (Job 14:14, 15; Heb. 11:17-19) Kaya naman lalong inibig ni Moises ang Diyos. Pananampalataya at pag-ibig ang nagpakilos sa kaniya na paglingkuran habambuhay si Jehova. (Deut. 6:4, 5) Kahit noong pagbantaan ni Paraon ang buhay ni Moises, ang pananampalataya at pag-ibig niya sa Diyos, at ang malamang na nakini-kinita niyang magandang kinabukasan ang nagpalakas ng loob niya.—Ex. 10:28, 29.
ILARAWAN SA ISIPAN ANG MGA GAGAWIN NG KAHARIAN
14. Ano ang di-makatotohanang iniisip o pinapangarap ng ilan?
14 Marami sa ngayon ang nag-iisip o nangangarap ng mga bagay na di-makatotohanan. Halimbawa, nangangarap ang ilang mahihirap na sana’y yumaman sila at mawala ang lahat ng kanilang problema. Pero sinasabi ng Bibliya na ang buhay ng tao ay punô ng “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” (Awit 90:10) Iniisip ng iba na malulutas ng gobyerno ng tao ang mga problema sa daigdig, samantalang sinasabi ng Bibliya na ang Kaharian ng Diyos lang ang makagagawa nito. (Dan. 2:44) Para sa marami, hindi pupuksain ng Diyos ang masamang sistemang ito, pero hindi ganiyan ang sinasabi ng Bibliya. (Zef. 1:18; 1 Juan 2:15-17) Ang mga inaasahang ito ng mga taong hindi nagbibigay-pansin sa layunin ni Jehova para sa hinaharap ay mananatiling pangarap lang.
15. (a) Paano nakikinabang ang mga Kristiyano kapag inilalarawan nila sa isipan ang kanilang pag-asa? (b) Ano ang pinananabikan mo kapag tinupad na ng Diyos ang kaniyang mga pangako?
15 Sa kabilang dako naman, pinasisigla tayong mga Kristiyano na ilarawan sa isipan ang ating pag-asa, sa langit man ito o sa lupa. Nakikita mo bang tinatamasa mo ang mga pangako ng Diyos? Kapag binubulay-bulay mo ang mga puwede mong gawin habang tinutupad ng Diyos ang kaniyang mga pangako, tiyak na sasaya ka. Baka “nakikita” mong nabubuhay ka na nang walang hanggan at nakikipagtulungan sa iba para gawing paraiso ang buong lupa. Ang lahat ng tao sa paligid mo ay umiibig din kay Jehova. Malusog ka, masigla, at walang kaproble-problema. Masayang-masaya ka dahil ang mga nangangasiwa sa gawaing pagsasauli ay tunay na nagmamalasakit sa iyo. Nagagamit mo rin ang iyong talento at kakayahan para sa kapakanan ng iba at sa kapurihan ng Diyos. Baka tinutulungan mo ang mga binuhay-muli na makilala si Jehova. (Juan 17:3; Gawa 24:15) Hindi iyan pangarap lang. Lahat ng iyan ay nakabatay sa katotohanang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hinaharap.—Isa. 11:9; 25:8; 33:24; 35:5-7; 65:22.
BAKIT DAPAT NATING IPAKIPAG-USAP ANG ATING PAG-ASA?
16, 17. Paano tayo nakikinabang kapag ipinakikipag-usap natin ang ating pag-asa?
16 Kapag ipinakikipag-usap natin sa ating mga kapatid ang mga gusto nating gawin habang tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako, mas tumitingkad sa ating isipan ang larawan ng magandang hinaharap. Hindi natin alam kung ano ang magiging kalagayan ng bawat isa sa atin sa bagong sanlibutan. Pero kapag pinag-uusapan natin ang mga puwedeng mangyari, napatitibay natin ang isa’t isa at naipapahayag ang ating pananampalataya sa katuparan ng pangako ng Diyos. Nang dalawin ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya sa Roma, tiyak na napahalagahan nila nang husto ang “pagpapalitan ng pampatibay-loob,” at ganiyan din tayo sa mahirap na panahong ito.—Roma 1:11, 12.
17 Kapag iniisip natin ang kinabukasang ipinangako ni Jehova, natutulungan tayo nito na huwag masyadong mag-alala sa kasalukuyang mga problema. Maaaring nag-aalala noon si apostol Pedro nang sabihin niya kay Jesus: “Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo; ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?” Para matulungan si Pedro at ang iba pang alagad na mailarawan sa isipan ang hinaharap, sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono, na hahatol sa labindalawang tribo ng Israel. At ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.” (Mat. 19:27-29) Sa tulong nito, mabubulay-bulay ni Pedro at ng iba pang alagad ang magiging papel nila sa gobyernong mamamahala sa lupa at magdadala ng saganang pagpapala sa masunuring mga tao.
18. Paano tayo nakikinabang kapag binubulay-bulay natin ang katuparan ng mga pangako ng Diyos?
18 Nakatutulong sa mga lingkod ni Jehova ang pagbubulay-bulay sa katuparan ng mga pangako niya. May sapat na kaalaman si Abel tungkol sa mga layunin ng Diyos kaya nakini-kinita niya ang isang magandang hinaharap, nanampalataya siya, at naniwala sa isang tunay na pag-asa. Naging matibay ang pananampalataya ni Abraham dahil “nakita” niya ang tungkol sa katuparan ng hula ng Diyos may kinalaman sa ipinangakong “binhi.” (Gen. 3:15) Si Moises ay ‘tuminging mabuti sa gantimpalang kabayaran,’ kaya naman kumilos siya nang may pananampalataya at lumago ang pag-ibig niya kay Jehova. (Heb. 11:26) Kapag ginagamit natin ang ating kakayahang ilarawan sa isipan ang katuparan ng mga pangako ni Jehova, lalago rin ang ating pananampalataya at pag-ibig sa Diyos. Sa susunod na artikulo, tatalakayin kung paano pa natin magagamit ang kakayahang iyan.