Pagtitiis—Kailangan ng mga Kristiyano
“Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis.”—2 PEDRO 1:5, 6.
1, 2. Bakit lahat tayo ay kailangang magtiis hanggang wakas?
ANG naglalakbay na tagapangasiwa at ang kaniyang asawa ay dumadalaw sa isang kapuwa Kristiyano na mahigit nang 90-taóng gulang. Siya’y gumugol ng mga dekada sa buong-panahong ministeryo. Sa kanilang pag-uusap, nagunita ng nakatatandang kapatid ang tungkol sa ilang pribilehiyo na kaniyang tinamasa sa lumipas na mga taon. “Ngunit,” ang kaniyang hinanakit habang umaagos ang luha sa kaniyang mukha, “ngayon ay hindi ako gaanong makagawa ng anuman.” Binuklat ng naglalakbay na tagapangasiwa ang kaniyang Bibliya at binasa ang Mateo 24:13, na kung saan si Jesu-Kristo ay sinisipi na nagsabi: “Ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.” Pagkatapos ay tiningnan ng tagapangasiwa ang mahal na kapatid at nagsabi: “Ang panghuling atas nating lahat, gaano man kalaki o kaliit ang ating magagawa, ay ang magtiis hanggang sa wakas.”
2 Oo, bilang mga Kristiyano lahat tayo ay kailangang magtiis hanggang sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay o hanggang sa wakas ng ating buhay. Wala nang ibang paraan upang tanggapin ang pagsang-ayon ni Jehova ukol sa kaligtasan. Tayo ay nasa isang takbuhan ukol sa buhay, at tayo’y kailangang “tumakbo nang may pagtitiis” hanggang sa wakas. (Hebreo 12:1) Idiniin ni apostol Pedro ang kahalagahan ng katangiang ito nang kaniyang sabihin sa kapuwa mga Kristiyano: “Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis.” (2 Pedro 1:5, 6) Subalit ano nga ba ang pagtitiis?
Pagtitiis—Kung Ano ang Ibig Sabihin Nito
3, 4. Ano ang ibig sabihin ng magtiis?
3 Ano ba ang ibig sabihin ng magtiis? Ang pandiwang Griego para sa “magtiis” (hy·po·meʹno) ay literal na nangangahulugang “manatili o lumagi na nasa ilalim.” Ito’y lumilitaw ng 17 beses sa Bibliya. Sang-ayon sa mga leksikograpo na sina W. Bauer, F. W. Gingrich, at F. Danker, nangangahulugan ito na “manatili sa halip na tumakas . . . , manatiling matibay, patuloy na lumaban.” Ang pangngalang Griego para sa “pagtitiis” (hy·po·mo·neʹ) ay lumilitaw nang mahigit na 30 beses. Tungkol dito, ang A New Testament Wordbook, ni William Barclay, ay nagsasabi: “Ito ang espiritu na nabábatá ang mga bagay, hindi lamang taglay ang buong pagsang-ayon ng kalooban, kundi taglay ang maningas na pag-asa . . . Ito ang katangian na nagpapanatiling nakatayo ang isang tao na ang mukha’y nakaharap sa hangin. Ito ang kagalingan na maaaring bumago sa pinakamahirap na pagsubok upang maging kaluwalhatian sapagkat sa kabila ng hirap ay natatanaw nito ang tunguhin.”
4 Kung gayon, ang pagtitiis ay tumutulong sa atin na makapanatiling matibay at hindi nawawalan ng pag-asa sa harap ng mga balakid o mga kahirapan. (Roma 5:3-5) Samantalang dumaranas ng kasalukuyang pagsubok ito’y nakatanaw sa tunguhin—ang gantimpala, o regalo, na walang-hanggang buhay, sa langit man o sa lupa.—Santiago 1:12.
Pagtitiis—Bakit?
5. (a) Bakit lahat ng Kristiyano ay “nangangailangan ng pagtitiis”? (b) Sa anong dalawang uri maaaring hatiin ang ating mga pagsubok?
5 Bilang mga Kristiyano, lahat tayo ay “nangangailangan ng pagtitiis.” (Hebreo 10:36) Bakit? Pangunahin na ay sapagkat tayo’y ‘napapaharap sa sari-saring pagsubok.’ Ang Griegong teksto rito sa Santiago 1:2 ay nagpapahiwatig ng isang di-inaasahan o di-ninanais na pakikipagsagupaan, gaya nang kung ang isang tao ay may nakasagupang isang magnanakaw. (Ihambing ang Lucas 10:30.) Napapaharap tayo sa mga pagsubok na maaaring hatiin sa dalawang uri: yaong pangkaraniwan sa mga tao bilang resulta ng minanang kasalanan, at yaong lumitaw dahilan sa ating maka-Diyos na debosyon. (1 Corinto 10:13; 2 Timoteo 3:12) Ano ang ilan sa mga pagsubok na ito?
6. Papaano nagtiis ang isang Saksi nang mapaharap sa isang malubhang karamdaman?
6 Malubhang sakit. Tulad ni Timoteo, ang ilang Kristiyano ay kailangang magtiis ng “madalas na pagkakasakit.” (1 Timoteo 5:23) Lalo na pagka napaharap sa isang talamak, marahil pagkasakit-sakit, na karamdaman kailangan na tayo’y magtiis, hindi sumusuko, sa tulong ng Diyos at hindi naiwawala ang ating pag-asang Kristiyano. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang Saksi na mahigit lamang 50 taóng gulang at nasa matagal, mahirap na pakikipagbaka sa isang mabilis-kumalat at nakamamatay na bukol. Sa dalawang operasyon ay nanatili siyang matatag sa pasiya na huwag pasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Subalit ang bukol ay muling nakita sa kaniyang tiyan at nagpatuloy ng paglaki malapit sa kaniyang gulugod. Habang ganoon, siya’y dumanas ng di-maguniguning pisikal na kirot na hindi mapawi ng gaano mang karaming gamot. Gayunman, samantalang dumaranas ng kasalukuyang pagsubok siya’y nakatanaw sa gantimpalang buhay sa bagong sanlibutan. Patuloy na ibinahagi niya sa mga doktor, nars, at mga bisita ang kaniyang maningning na pag-asa. Siya’y nakapagtiis hanggang sa wakas—ang wakas ng kaniyang buhay. Ang iyong suliranin sa kalusugan ay baka naman hindi nagsasapanganib sa buhay o kasingkirot ng naranasan ng mahal na kapatid na iyan, subalit ito’y maaari pa ring maging isang malaking pagsubok ng pagtitiis.
7. Anong uri ng kirot ang kaugnay ng pagtitiis para sa ilan sa ating espirituwal na mga kapatid?
7 Kirot ng damdamin. Paminsan-minsan, ang ilan sa mga lingkod ni Jehova ay nakararanas ng “kapanglawan ng puso” na ang resulta ay “isang nababagbag na diwa.” (Kawikaan 15:13) Ang matinding panlulumo ay karaniwan sa ‘mapanganib na panahong ito na mahirap pakitunguhan.’ (2 Timoteo 3:1) Ang Science News ng Disyembre 5, 1992, ay nag-ulat: “Ang matindi, kadalasan sumasalantang panlulumo ay dumarami sa bawat kasunod na salinlahing isinilang sapol noong 1915.” Ang mga sanhi ng gayong panlulumo ay sari-sari, mula sa pisyolohikong mga salik hanggang sa malungkot at di-kalugud-lugod na mga karanasan. Para sa ilang Kristiyano, kasali na sa pagtitiis ang araw-araw na pakikipagpunyagi na makapanatiling matatag sa kabila ng kirot ng damdamin. Gayunman, sila’y hindi sumusuko. Nananatili silang tapat kay Jehova sa kabila ng mga pagluha.—Ihambing ang Awit 126:5, 6.
8. Anong pagsubok tungkol sa pananalapi ang maaaring maranasan natin?
8 Sa sari-saring pagsubok na napapaharap sa atin ay maaaring kasali ang malubhang paghihirap sa kabuhayan. Nang ang isang kapatid sa New Jersey, E.U.A., ay biglang naalis sa trabaho, siyempre pa, siya’y nabahala tungkol sa pagpapakain sa kaniyang pamilya at sa pagbabayad sa bahay. Gayunman, hindi lumabo ang kaniyang pag-asa sa Kaharian. Samantalang humahanap siya ng ibang trabaho, sinamantala niya ang pagkakataon na maglingkod bilang isang auxiliary pioneer. Sa wakas, siya’y nakakita ng trabaho.—Mateo 6:25-34.
9. (a) Papaano nangangailangan ng pagtitiis ang pagkaulila sa isang mahal sa buhay? (b) Anong mga talata ang nagpapakita na hindi mali na lumuha dahil sa pagdadalamhati?
9 Kung ikaw ay nakaranas ng pagkaulila sa isang mahal sa buhay, kailangan mo ang pagtitiis na tumatagal kahit na pagkatapos na yaong mga nakapalibot sa iyo ay bumalik na sa kanilang normal na mga gawain. Baka maranasan mo rin na lalo palang mahirap para sa iyo sa taun-taon ang pagsapit ng panahon ng kamatayan ng iyong mahal sa buhay. Ang pagtitiis ng gayong pagkaulila ay hindi nangangahulugan na mali ang lumuha dahil sa pagdadalamhati. Likas lamang na ipagdalamhati ang kamatayan ng isang taong iniibig natin, at ito sa anumang paraan ay hindi nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. (Genesis 23:2; ihambing ang Hebreo 11:19.) Si Jesus ay “tumangis” pagkamatay ni Lazaro, bagaman Kaniyang buong pagtitiwalang sinabi kay Marta: “Ang iyong kapatid ay mabubuhay.” At nabuhay nga si Lazaro!—Juan 11:23, 32-35, 41-44.
10. Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay may pambihirang pangangailangan na magtiis?
10 Bukod sa pagtitiis sa mga pagsubok na karaniwan sa lahat ng tao, ang mga lingkod ni Jehova ay may pambihirang pangangailangan na magtiis. “Kayo’y kapopootan ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan,” ang babala ni Jesus. (Mateo 24:9) Sinabi rin niya: “Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Ano ang dahilan ng lahat ng pagkapoot at pag-uusig? Sapagkat saanman tayo nakatira sa lupang ito bilang mga lingkod ng Diyos, sinisikap ni Satanas na sirain ang ating katapatan kay Jehova. (1 Pedro 5:8; ihambing ang Apocalipsis 12:17.) Sa layuning ito pinangyayari ni Satanas ang matinding pag-uusig, anupat nalalagay sa mahigpit na pagsubok ang ating pagtitiis.
11, 12. (a) Ang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga anak ay napaharap sa anong pagsubok sa kanilang pagtitiis noong dekada ng 1930 at sa may pasimula ng dekada ng 1940? (b) Bakit tumatangging sumaludo sa bandila ang mga Saksi ni Jehova?
11 Halimbawa, noong dekada ng 1930 at sa may pasimula ng dekada ng 1940, ang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga anak sa Estados Unidos at sa Canada ay naging tudlaan ng pag-uusig dahil tumanggi silang sumaludo sa bandila udyok ng kanilang budhi. Iginagalang ng mga Saksi ang bandila ng bansa na kanilang kinatitirhan, subalit sinusunod nila ang simulain na ipinahayag sa Kautusan ng Diyos sa Exodo 20:4, 5: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng ano mang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.” Nang ang ilang batang mag-aarál na Saksi ay pinaalis dahil nais nilang ang Diyos na Jehova lamang ang sambahin, itinayo ng mga Saksi ang mga Kingdom School upang sila ay maturuan. Ang mga estudyanteng ito ay nagbalik sa pampublikong mga paaralan nang kilalanin ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang kanilang relihiyosong paninindigan, gaya ng ginagawa ng naliwanagang mga bansa sa ngayon. Gayunman, ang may tibay-loob na pagtitiis ng mga kabataang ito ay nagsisilbing isang mahusay na halimbawa lalo na para sa mga kabataang Kristiyano sa ngayon na nakaharap sa mga paglibak dahilan sa sinisikap nilang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya.—1 Juan 5:21.
12 Ang sari-saring pagsubok na napapaharap sa atin—kapuwa ang karaniwang dinaranas ng mga tao at ang napapaharap sa atin dahilan sa ating pananampalatayang Kristiyano—ay nagpapakita kung bakit kailangan natin ang pagtitiis. Subalit papaano tayo makapagtitiis?
Magtiis Hanggang Wakas—Papaano?
13. Papaano nagkakaloob si Jehova ng pagtitiis?
13 Ang bayan ng Diyos ay may tiyak na bentaha sa mga hindi sumasamba kay Jehova. Sa paghingi ng tulong, tayo’y maaaring dumulog sa “Diyos na nagkakaloob ng pagtitiis.” (Roma 15:5) Ngunit, papaano nagkakaloob si Jehova ng pagtitiis? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng mga halimbawa ng pagtitiis na nakaulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Roma 15:4) Samantalang ating pinag-iisipan ang mga ito, tayo ay hindi lamang napatitibay-loob na magtiis kundi malaki rin ang ating natututuhan tungkol sa kung papaano magtitiis. Isaalang-alang ang dalawang litaw na mga halimbawa—ang may tibay-loob na pagtitiis ni Job at ang walang-kapintasang pagtitiis ni Jesu-Kristo.—Hebreo 12:1-3; Santiago 5:11.
14, 15. (a) Anong mga pagsubok ang pinagtiisan ni Job? (b) Papaano napagtiisan ni Job ang mga pagsubok na kaniyang naranasan?
14 Anong mga kalagayan ang sumubok sa pagtitiis ni Job? Siya’y dumanas ng paghihirap sa kabuhayan nang mawala ang karamihan ng kaniyang mga ari-arian. (Job 1:14-17; ihambing ang Job 1:3.) Nadama ni Job ang sakit ng pangungulila nang ang lahat ng sampung anak niya ay mamatay dahil sa isang malakas na hangin. (Job 1:18-21) Siya’y dumanas ng malubha, pagkasakit-sakit na karamdaman. (Job 2:7, 8; 7:4, 5) Siya’y ginipit ng kaniyang sariling asawa upang tumalikod sa Diyos. (Job 2:9) Ang malalapit niyang kaibigan ay nagsalita ng mga bagay na nakasasakit, malupit, at walang katotohanan. (Ihambing ang Job 16:1-3 at Job 42:7.) Gayunman, sa lahat na ito ay nagpakatatag, nanatiling tapat si Job. (Job 27:5) Ang mga bagay na kaniyang pinagtiisan ay nakakatulad ng mga pagsubok na napapaharap sa mga lingkod ni Jehova ngayon.
15 Papaano napagtiisan ni Job ang lahat ng mga pagsubok na iyon? Ang isang nagpalakas kay Job ay ang pag-asa. “May pag-asa kahit na sa isang punungkahoy,” ang sabi niya. “Kung ito’y putulin, ito ay sisibol uli, at muling mananariwa ang mga sanga.” (Job 14:7) Ano ang pag-asa ni Job? Gaya ng mapapansin sa sumunod na ilang talata, sinabi niya: “Kung ang isang malakas na tao ay mamamatay mabubuhay pa kaya siya? . . . Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Ikaw ay magnanasa [o, mananabik] sa gawa ng iyong mga kamay.” (Job 14:14, 15) Oo, si Job ay nakatanaw sa kabila pa ng kaniyang kasalukuyang pagdurusa. Batid niya na matatapos din ang mga pagsubok sa kaniya. Sa pinakamatagal siya’y magtitiis hanggang sa kamatayan. Ang kaniyang inaasahan ay na siya’y bubuhaying muli ni Jehova, na maibiging nagnanasa na buhaying muli ang mga patay.—Gawa 24:15.
16. (a) Ano ang ating matututuhan tungkol sa pagtitiis buhat sa halimbawa ni Job? (b) Ang pag-asa sa Kaharian ay kailangang maging gaano katotoo sa atin, at bakit?
16 Ano ang ating matututuhan buhat sa pagtitiis ni Job? Upang makapagtiis hanggang wakas, huwag nating kaliligtaan ang ating pag-asa. Alalahanin din, na ang katiyakan ng pag-asa sa Kaharian ay nangangahulugan na anumang pagdurusa na danasin natin ay “panandalian” lamang kung ihahambing doon. (2 Corinto 4:16-18) Ang ating mahalagang pag-asa ay buong-tibay na nakasalig sa pangako ni Jehova na pagsapit ng panahon sa malapit na hinaharap ay “papahirin niya ang bawat luha sa [ating] mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Ang pag-asang iyan, na “hindi humahantong sa kabiguan,” ang magbabantay sa ating kaisipan. (Roma 5:4, 5; 1 Tesalonica 5:8) Ito’y kailangang maging gayon na lamang katotoo sa atin—totoong-totoo na anupat sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, mailalarawan natin na tayo’y nasa bagong sanlibutan na—hindi na nakikipagpunyagi sa sakit at panlulumo kundi gumigising sa bawat araw na nasa mabuting kalusugan at taglay ang malinaw na pag-iisip; hindi na nag-aalala tungkol sa malulubhang kagipitan sa kabuhayan kundi namumuhay nang tiwasay; hindi na ipinagdadalamhati ang pagpanaw ng mga mahal sa buhay kundi nakararanas ng di-kawasang kaligayahan sa pagkakita na sila’y buháy na. (Hebreo 11:1) Kung wala ng gayong pag-asa tayo’y maaaring madaig ng kasalukuyang mga pagsubok sa atin hanggang sa sumuko tayo. Taglay ang ating pag-asa, anong laking pampasigla sa atin na tayo’y patuloy na makipagbaka, patuloy na magtiis hanggang wakas!
17. (a) Anong mga pagsubok ang pinagtiisan ni Jesus? (b) Ang matinding paghihirap na pinagtiisan ni Jesus ay posibleng makikita buhat sa anong pangyayari? (Tingnan ang talababa.)
17 Tayo’y hinihimok ng Bibliya na ‘masidhing magmasid’ kay Jesus at ‘siya’y pag-isipang maingat.’ Anong mga pagsubok ang kaniyang tiniis? Ang ilan sa mga ito ay resulta ng kasalanan at di-kasakdalan ng iba. Tiniis ni Jesus hindi lamang ang “pag-alipusta ng mga makasalanan” kundi pati ang mga suliranin na bumangon sa gitna ng kaniyang mga alagad, kasali na ang kanilang paulit-ulit na pagtatalo kung sino ang pinakadakila. Higit pa riyan, kaniyang dinanas ang isang walang-katulad na pagsubok sa pananampalataya. Siya’y “nagtiis sa pahirapang tulos.” (Hebreo 12:1-3; Lucas 9:46; 22:24) Mahirap na gunigunihin man lamang ang pagdurusa ng isip at ng katawan may kaugnayan sa kirot ng pagkabayubay at ang kahihiyan nang siya’y patayin na gaya ng isang mamumusong.a
18. Sang-ayon kay apostol Pablo, anong dalawang bagay ang nagbigay-lakas kay Jesus?
18 Ano’t si Jesus ay nakapagtiis hanggang wakas? Bumabanggit si apostol Pablo ng dalawang bagay na nagbigay-lakas kay Jesus: ‘ang panalangin at mga daing’ at gayundin ang “kagalakan na inilagay sa harap niya.” Si Jesus, ang sakdal na Anak ng Diyos, ay hindi nahiya na humingi ng tulong. Siya’y nanalangin “lakip ang malakas na pagsigaw at pagluha.” (Hebreo 5:7; 12:2) Lalo na nang malapit na ang sukdulang pagsubok sa kaniya kinailangan na siya’y manalangin nang paulit-ulit at nang buong kataimtiman upang humingi ng lakas. (Lucas 22:39-44) Sa pagtugon sa mga pagsusumamo ni Jesus, hindi inalis ni Jehova ang pagsubok, kundi kaniyang pinalakas si Jesus upang mapagtiisan iyon. Si Jesus ay nakapagtiis din sapagkat ang kaniyang pananaw ay umabot sa kabila pa ng pahirapang tulos hanggang sa gantimpala sa kaniya—ang kagalakan ng pagkakaroon niya ng bahagi sa pagbanal sa pangalan ni Jehova at ang pagtubos sa sangkatauhan buhat sa kamatayan.—Mateo 6:9; 20:28.
19, 20. Papaano tayo tinutulungan ng halimbawa ni Jesus upang magkaroon ng makatotohanang pangmalas kung ano ang kasangkot sa pagtitiis?
19 Buhat sa halimbawa ni Jesus, tayo’y may natutuhang ilang bagay na tumutulong sa atin upang magkaroon ng makatotohanang pangmalas sa kung ano ang kasangkot sa pagtitiis. Ang landas ng pagtitiis ay hindi madaling lakaran. Kung tayo’y nahihirapang pagtiisan ang isang pagsubok, tayo’y may kaaliwan sa pagkaalam na ganoon din ang nangyari kay Jesus. Upang makapagtiis hanggang wakas, tayo’y kailangang paulit-ulit na manalangin na bigyan tayo ng lakas. Pagka nasa ilalim ng pagsubok baka naiisip natin kung minsan na tayo’y hindi karapat-dapat manalangin. Subalit inaanyayahan tayo ni Jehova na ipaalám natin sa kaniya ang laman ng ating puso ‘sapagkat tayo’y ipinagmamalasakit niya.’ (1 Pedro 5:7) At dahilan sa ipinangako ni Jehova sa kaniyang Salita, inubliga niya ang kaniyang sarili na magkaloob ng “lakas na higit kaysa karaniwan” sa mga tumatawag sa kaniya nang may pananampalataya.—2 Corinto 4:7-9.
20 Kung minsan tayo ay kailangang magtiis na taglay ang pagluha. Para kay Jesus ang kirot na dulot ng pahirapang tulos ay sa ganang sarili hindi isang dahilan na ikagagalak. Bagkus, ang kagalakan ay nasa gantimpala na inilagay sa harap niya. Sa ating kaso ay hindi makatotohanan na asahang sa tuwina’y magiging laging masaya at natutuwa tayo pagka nasa ilalim ng pagsubok. (Ihambing ang Hebreo 12:11.) Gayunman, sa pamamagitan ng pagtanaw sa gantimpala, marahil ay magagawa natin na ‘ariin iyon nang buong kagalakan’ kahit na mapaharap tayo sa pinakamahirap na mga kalagayan. (Santiago 1:2-4; Gawa 5:41) Ang pinakamahalaga ay na manatili tayong matatag—kahit na kung kinakailangan na iyon ay may kasabay na pagluha. Gayunpaman, hindi sinabi ni Jesus, ‘Ang bahagyang lumuluha ay maliligtas’ kundi, “Ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.
21. (a) Sa 2 Pedro 1:5, 6, hinihimok tayo na lakipan ng ano ang ating pagtitiis? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Ang pagtitiis ay kailangan kung gayon para sa kaligtasan. Gayunman, sa 2 Pedro 1:5, 6, hinihimok tayo na lakipan ng maka-Diyos na debosyon ang ating pagtitiis. Ano ba ang maka-Diyos na debosyon? Papaano ito nauugnay sa pagtitiis, at papaano mo makakamit ito? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang matinding paghihirap na pinagtiisan ni Jesus ay posibleng maunawaan buhat sa pangyayaring ang kaniyang sakdal na katawan ay nalagutan ng hininga makalipas lamang ang ilang oras ng pagkabayubay, samantalang ang mga magnanakaw na ibinayubay kasabay niya ay kinailangang baliin ang mga hita upang mapabilis ang pagkamatay. (Juan 19:31-33) Sila’y hindi nakaranas ng paghihirap ng isip at katawan na gaya ng ipinaranas kay Jesus nang magdamag na siya’y walang tulog bago siya ibayubay, marahil hanggang sa sukdulan na wala na siyang lakas na pasanin man lamang ang kaniyang sariling pahirapang tulos.—Marcos 15:15, 21.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ibig sabihin ng magtiis?
◻ Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay may pambihirang pangangailangan na magtiis?
◻ Ano ang tumulong kay Job upang makapagtiis?
◻ Papaano tayo tinutulungan ng halimbawa ni Jesus upang magkaroon ng makatotohanang pangmalas sa pagtitiis?
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga Kingdom School ay itinayo upang turuan ang mga batang Kristiyano na pinaalis sa paaralan dahil ang kanilang sinasamba ay si Jehova
[Larawan sa pahina 12]
Desididong parangalan ang kaniyang ama, si Jesus ay nanalangin para humingi ng lakas na makapagtiis