Gaano Katibay ang Kaugnayan Mo kay Jehova?
“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—SANT. 4:8.
1. Bakit dapat nating panatilihing matibay ang ating kaugnayan kay Jehova?
ISA ka bang nakaalay at bautisadong Saksi ni Jehova? Kung oo, may mahalagang pag-aari ka—ang personal na kaugnayan mo sa Diyos. Pero ang kaugnayang iyan ay pinahihina hindi lang ng sanlibutan ni Satanas kundi pati ng ating sariling di-kasakdalan. Nararanasan ito ng lahat ng Kristiyano. Kaya dapat nating panatilihing matibay ang ating kaugnayan kay Jehova hangga’t posible.
2. Paano natin mapatitibay ang ating kaugnayan kay Jehova?
2 Gaano katotoo sa iyo si Jehova? Gusto mo bang patibayin ang kaugnayan mo sa kaniya? Sinasabi ng Santiago 4:8 kung paano ito gagawin: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Habang may ginagawa tayong hakbang para maging malapít sa Diyos, may ginagawa rin siya para maging malapít sa atin. Kung patuloy nating gagawin ito, mas magiging totoo si Jehova sa atin, at mas titibay ang kaugnayan natin sa kaniya. Makapagtitiwala rin tayo gaya ni Jesus, na nagsabi: “Siya na nagsugo sa akin ay tunay, at . . . kilala ko siya.” (Juan 7:28, 29) Kaya ano ang kailangan mong gawin para maging malapít ka kay Jehova?
3. Paano tayo nakikipag-usap kay Jehova, at paano siya nakikipag-usap sa atin?
3 Napakahalaga ng regular na pakikipag-usap kay Jehova para maging malapít sa kaniya. Paano mo magagawa iyan? Paano ka ba nakikipag-usap sa kaibigan mong nakatira sa malayo? Malamang na madalas kayong nag-uusap sa phone at nagsusulatan. Kinakausap mo si Jehova sa tuwing nananalangin ka sa kaniya. (Basahin ang Awit 142:2.) At hinahayaan mong kausapin ka ni Jehova, wika nga, kapag regular mong binabasa ang kaniyang Salita at binubulay-bulay ito. (Basahin ang Isaias 30:20, 21.) Talakayin natin ngayon kung paano mapatitibay ng ganitong komunikasyon ang ating kaugnayan kay Jehova, sa gayon ay magiging totoong-totoo siya sa atin.
NAKIKIPAG-USAP SA IYO SI JEHOVA KAPAG NAG-AARAL KA NG BIBLIYA
4, 5. Paano nakikipag-usap sa iyo si Jehova kapag nag-aaral ka ng Bibliya? Magbigay ng halimbawa.
4 Alam natin na ang Bibliya ay mensahe ng Diyos para sa lahat ng tao. Pero sinasabi rin ba ng Bibliya kung paano ka mapapalapít kay Jehova? Oo. Habang regular mong binabasa at pinag-aaralan ang Bibliya, bigyang-pansin ang nadarama mo sa sinasabi nito at pag-isipan kung paano mo iyon maikakapit. Sa gayon, hinahayaan mong kausapin ka ni Jehova. Makatutulong naman ito para mapalapít ka sa kaniya.—Heb. 4:12; Sant. 1:23-25.
5 Halimbawa, basahin at bulay-bulayin ang sinabi ni Jesus na “huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa.” Kung sa tingin mo ay inuuna mo na sa iyong buhay ang kapakanan ng Kaharian, madarama mong nalulugod sa iyo si Jehova. Kung nakikita mo namang kailangan mong pasimplehin ang iyong buhay at mas magpokus sa pag-una sa kapakanan ng Kaharian, parang tinatapik ka ni Jehova at ipinauunawa sa iyo ang kailangan mong pasulungin para maging malapít sa kaniya.—Mat. 6:19, 20.
6, 7. (a) Paano nakaaapekto sa pag-ibig natin kay Jehova at sa pag-ibig niya sa atin ang pag-aaral ng Bibliya? (b) Ano ang dapat na maging layunin natin kapag nag-aaral ng Bibliya?
6 Hindi lang iyan ang nagagawa ng pag-aaral ng Bibliya. Napalalalim din nito ang pagpapahalaga natin sa magagandang katangian ni Jehova, na lalong nagpapalago ng pag-ibig natin sa kaniya. Kasabay nito, lumalago rin ang pag-ibig niya sa atin. Sa gayon, tumitibay ang kaugnayan natin sa kaniya.—Basahin ang 1 Corinto 8:3.
7 Gayunman, para maging malapít tayo kay Jehova, mahalaga na tama ang layunin natin sa pag-aaral. Sinasabi ng Juan 17:3: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Marami tayong matututuhan sa pag-aaral ng Bibliya, pero ang dapat na maging pangunahing layunin natin ay makilala si Jehova nang higit bilang Persona.—Basahin ang Exodo 33:13; Awit 25:4.
8. (a) Ano ang maaaring isipin ng ilan tungkol sa naging pakikitungo ni Jehova kay Haring Azarias sa 2 Hari 15:1-5? (b) Paano makatutulong ang pagkakilala natin kay Jehova para hindi tayo magduda sa mga ginagawa niya?
8 Ang malalim na pagkakilala kay Jehova ay tutulong sa atin na huwag magduda kapag hindi ipinaliliwanag sa Bibliya kung bakit niya ginawa ang isang bagay. Halimbawa, ano ang iisipin mo kay Jehova dahil sa ginawa niya kay Haring Azarias ng Juda? (2 Hari 15:1-5) Pansinin na noong panahong iyon, “ang bayan ay naghahain pa rin at gumagawa ng haing usok sa matataas na dako.” Pero si Azarias ay “patuloy [na] gumawa ng matuwid sa paningin ni Jehova.” Gayunman, “sinalot ni Jehova ang hari, at nanatili siyang isang ketongin hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.” Bakit? Hindi sinasabi ng ulat. Iisipin ba natin na basta na lang pinarusahan ni Jehova si Azarias nang walang dahilan? Kung kilalang-kilala natin si Jehova at alam natin kung paano siya kumikilos, hindi natin iisipin iyon. Alam natin na ang pagdidisiplina ni Jehova ay laging “sa wastong antas.” (Jer. 30:11) Kaya hindi man natin alam kung bakit ginawa ni Jehova ang isang bagay, gaya ng naging pakikitungo niya kay Azarias, makatitiyak tayong matuwid ang hatol niya.
9. Anong mga detalye ang nakatulong para maunawaan natin kung bakit pinasapitan ni Jehova ng ketong si Azarias?
9 Gayunman, ang Bibliya ay nagbibigay ng iba pang detalye tungkol sa ulat na ito. Si Haring Azarias ay kilala rin bilang Haring Uzias. (2 Hari 15:7, 32) Sa katulad na ulat sa 2 Cronica 26:3-5, 16-21, nalaman natin na sa pasimula, ginawa ni Uzias ang tama sa paningin ni Jehova. Pero nang maglaon, “ang kaniyang puso ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng [kaniyang] kapahamakan.” Tinangka niyang gawin ang tungkulin ng isang saserdote na wala siyang karapatang gawin. Sinikap siyang pigilan ng 81 saserdote. Ano ang naging reaksiyon niya? “Si Uzias ay nagngalit” laban sa mga saserdote. Hindi nga kataka-takang pinasapitan siya ni Jehova ng ketong!
10. Bakit hindi natin laging kailangan ang paliwanag tungkol sa mga ginagawa ni Jehova? Paano natin mapatitibay ang ating tiwala na laging ginagawa ni Jehova ang tama?
10 Ano ang matututuhan natin dito? Paano kung hindi binabanggit ng Salita ng Diyos ang lahat ng detalye ng isang ulat, gaya ng ibang maiikling ulat ng Bibliya? Pagdududahan mo ba ang pagiging matuwid ng Diyos? O iisipin mong may sapat na impormasyon sa Bibliya para magtiwala kang palaging ginagawa ni Jehova kung ano ang tama? (Deut. 32:4) Habang mas nakikilala natin si Jehova bilang Persona, mas lumalalim ang pagpapahalaga natin sa kaniyang mga daan hanggang sa hindi na natin kailanganing malaman ang paliwanag sa bawat ginagawa niya. Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, lalong magiging totoo sa iyo si Jehova at mas magiging malapít ka sa kaniya.—Awit 77:12, 13.
NAKIKIPAG-USAP KA KAY JEHOVA KAPAG NANANALANGIN KA
11-13. Bakit natin masasabing nakikinig si Jehova sa mga panalangin? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
11 Kapag nananalangin tayo, nagiging malapít tayo kay Jehova. Pinupuri natin siya, pinasasalamatan, at hinihiling ang patnubay niya. (Awit 32:8) Pero para maging matibay ang kaugnayan mo kay Jehova, dapat na kumbinsido kang dinirinig niya ang mga panalangin.
12 Para sa ilan, ang pananalangin ay nagpapagaan lang ng loob. Sinasabi nila na kung iniisip mo mang sinasagot ang panalangin mo, iyon ay dahil kapag nananalangin ka, nasasabi mo ang nadarama mo, natutukoy mo ang iyong problema, at iniisip mo kung ano ang posibleng solusyon. Totoo, may ganiyan ngang epekto ang panalangin. Pero kapag nananalangin ka kay Jehova, talagang dinirinig ka niya. Bakit natin masasabi iyan?
13 Pag-isipan ito: Bago naging tao si Jesus, nakita niya mismo na sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ng mga lingkod Niya. Noong nasa lupa si Jesus, nanalangin siya para sabihin sa kaniyang Ama sa langit ang nadarama niya. Mananalangin ba si Jesus—nang magdamag pa nga—kung iniisip niyang hindi naman talaga siya dinirinig ni Jehova? (Luc. 6:12; 22:40-46) Tuturuan ba ni Jesus na manalangin ang mga alagad niya kung iniisip niyang nakapagpapagaan lang ito ng loob? Maliwanag, alam ni Jesus na talagang nakikinig si Jehova sa mga panalangin. Minsan ay sinabi ni Jesus: “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na dininig mo ako. Totoo, alam ko na lagi mo akong dinirinig.” Makapagtitiwala rin tayo na si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.”—Juan 11:41, 42; Awit 65:2.
14, 15. (a) Paano tayo makikinabang kung espesipiko ang mga panalangin natin? (b) Paano nakatulong sa isang sister ang panalangin para tumibay ang kaugnayan niya kay Jehova?
14 Kung espesipiko ang mga panalangin mo, mas makikita mo ang sagot ni Jehova, kahit hindi iyon masyadong halata. Kapag nasagot ang mga panalangin mo, nagiging mas totoo sa iyo si Jehova. At habang lalo mong ibinubuhos kay Jehova ang mga ikinababahala mo, lalo siyang lalapit sa iyo.
15 Tingnan ang karanasan ni Kathy.a Kahit na regular siya sa ministeryo, hindi niya ito nae-enjoy. Sinabi niya: “Hindi ko gusto ang paglilingkod sa larangan. Ayoko talaga ’yon. Nang magretiro ako sa trabaho, sinabi ng isang elder na sana ay mag-regular pioneer ako; binigyan pa nga niya ako ng application form. Nagpayunir ako, pero araw-araw akong nananalangin kay Jehova na tulungan niya akong magustuhan ang paglilingkod sa larangan.” Sinagot ba ni Jehova ang panalangin niya? Sinabi ni Kathy: “Tatlong taon na akong payunir ngayon. Dahil mas marami akong panahon sa ministeryo at natututo ako sa ibang mga sister, unti-unting sumulong ang kakayahan kong magpatotoo. Sa ngayon, hindi ko lang gusto ang paglilingkod sa larangan—gustong-gusto ko ito. Lalo rin akong napalapít kay Jehova.” Oo, nakatulong kay Kathy ang pananalangin para tumibay ang kaugnayan niya kay Jehova.
GAWIN ANG ATING BAHAGI
16, 17. (a) Ano ang dapat nating gawin para patuloy na tumibay ang ating kaugnayan kay Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
16 Ang paglilinang ng malapít na kaugnayan kay Jehova ay panghabambuhay. Dapat tayong gumawa ng mga hakbang para mapalapít sa Diyos kung gusto nating lumapit din siya sa atin. Kaya gawin natin ang lahat para manatiling regular ang ating komunikasyon sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pananalangin. Sa gayon, lalong titibay ang kaugnayan natin kay Jehova at tutulong ito para makayanan natin ang mga pagsubok.
17 Pero kung minsan, kahit taimtim tayong nananalangin, parang walang katapusan ang personal na mga problema. Sa gayong mga pagkakataon, baka humina ang tiwala natin kay Jehova. Baka madama nating parang hindi dinirinig ni Jehova ang mga pananalangin natin o parang hindi tayo mahalaga sa kaniya. Kapag naranasan natin iyan, ano ang puwede nating gawin? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
a Binago ang pangalan.