ARALING ARTIKULO 8
Panatilihin ang Kagalakan Kahit May mga Pagsubok
“Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok.”—SANT. 1:2.
AWIT 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan
NILALAMANa
1-2. Ayon sa Mateo 5:11, ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga pagsubok?
IPINANGAKO ni Jesus sa mga tagasunod niya na magiging tunay silang masaya. Pero sinabi rin niya na ang mga taong nagmamahal sa kaniya ay dadanas ng mga pagsubok. (Mat. 10:22, 23; Luc. 6:20-23) Maligaya tayo kasi mga alagad tayo ni Kristo. Pero paano kung pag-usigin tayo ng ating kapamilya at ng gobyerno o gipitin ng mga katrabaho o kaeskuwela na gumawa ng mali? Iniisip pa lang natin iyan, baka nag-aalala na tayo.
2 Para sa marami, hindi dahilan ang pag-uusig para magsaya. Pero iyan ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Halimbawa, isinulat ng alagad na si Santiago na imbes na mawalan ng pag-asa, dapat na ituring nating kagalakan kapag dumaranas tayo ng iba’t ibang pagsubok. (Sant. 1:2, 12) Sinabi rin ni Jesus na dapat tayong maging maligaya kapag pinag-uusig tayo. (Basahin ang Mateo 5:11.) Paano natin mapapanatili ang ating kagalakan kahit may mga pagsubok? Marami tayong matututuhan sa sulat ni Santiago sa mga Kristiyano noon. Pero talakayin muna natin ang mga problemang hinarap nila.
ANONG MGA PAGSUBOK ANG DINANAS NG UNANG-SIGLONG MGA KRISTIYANO?
3. Ano ang nangyari pagkatapos maging alagad ni Jesus si Santiago?
3 Pagkatapos maging alagad ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago, pinag-usig ang mga Kristiyano sa Jerusalem. (Gawa 1:14; 5:17, 18) At nang patayin ang alagad na si Esteban, tumakas ang maraming Kristiyano mula sa lunsod at “nangalat sa Judea at Samaria.” Pagkatapos, nakarating sila hanggang sa Ciprus at Antioquia. (Gawa 7:58–8:1; 11:19) Talagang dumanas ng maraming hirap ang mga alagad. Pero masigasig pa rin nilang ipinangaral ang mabuting balita saanman sila mapunta, kaya nakapagtatag ng mga kongregasyon sa buong Imperyo ng Roma. (1 Ped. 1:1) Pero simula pa lang iyan ng mga problema na haharapin nila.
4. Ano pang mga pagsubok ang dinanas ng mga Kristiyano noon?
4 Iba’t iba ang pagsubok na dinanas ng mga Kristiyano noon. Halimbawa, noong mga 50 C.E., iniutos ng Romanong emperador na si Claudio na paalisin ang lahat ng Judio sa Roma. Kaya napilitan ang mga Judio na naging mga Kristiyano na iwan ang kanilang mga bahay at lumipat sa ibang lugar. (Gawa 18:1-3) Noong mga 61 C.E., isinulat ni apostol Pablo na ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay inalipusta sa publiko, ibinilanggo, at sapilitang kinuha ang mga pag-aari nila. (Heb. 10:32-34) At gaya ng iba, may mga Kristiyano ding mahihirap at may sakit.—Roma 15:26; Fil. 2:25-27.
5. Anong mga tanong ang sasagutin natin?
5 Nang isulat ni Santiago ang liham niya bago ang 62 C.E., alam na alam niya ang mga pagsubok na dinadanas ng kaniyang mga kapatid. Ginabayan siya ni Jehova na sulatan ang mga Kristiyano para bigyan sila ng mga praktikal na payo na makakatulong sa kanila na manatiling masaya kahit may mga pagsubok. Talakayin natin ang liham ni Santiago at sagutin ang mga tanong na ito: Anong kagalakan ang tinutukoy ni Santiago? Paano posibleng mawala ang kagalakan ng isang Kristiyano? Paano makakatulong ang karunungan, pananampalataya, at lakas ng loob para manatili tayong masaya kahit may mga pagsubok?
PAANO NAGIGING MASAYA ANG ISANG KRISTIYANO?
6. Ayon sa Lucas 6:22, 23, bakit posibleng maging masaya ang isang Kristiyano kahit may mga pagsubok?
6 Iniisip ng mga tao na magiging masaya lang sila kung maganda ang kalusugan nila, marami silang pera, at maligaya ang pamilya nila. Pero ang kagalakan na isinulat ni Santiago ay kasama sa mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos at hindi ito nakadepende sa kalagayan ng isang tao. (Gal. 5:22) Nagiging maligaya, o tunay na masaya, ang isang Kristiyano kapag alam niyang napapasaya niya si Jehova at nasusunod ang halimbawa ni Jesus. (Basahin ang Lucas 6:22, 23; Col. 1:10, 11) Ang kagalakan natin ay parang apoy na napoprotektahan ng lampara; hindi ito basta-basta namamatay. Hindi agad nawawala ang kagalakan natin kahit magkasakit tayo o kahit kaunti na lang ang pera natin. Hindi rin ito nawawala kahit inaalipusta o pinag-uusig tayo ng mga kapamilya natin o ng iba. Lalo pa nga itong nagniningas, o lalo tayong nagiging masaya habang pinag-uusig tayo. Ang mga pagsubok na dinadanas natin dahil sa ating pananampalataya ay nagpapatunay na mga tunay na alagad tayo ni Kristo. (Mat. 10:22; 24:9; Juan 15:20) Kaya isinulat ni Santiago: “Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok.”—Sant. 1:2.
7-8. Paano napapatibay ang pananampalataya natin kapag may mga pagsubok?
7 Binanggit ni Santiago ang isa pang dahilan kung bakit handang magtiis ng mga pagsubok ang mga Kristiyano. Sinabi niya: “Kapag nasubok . . . ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis.” (Sant. 1:3) Ang mga pagsubok ay gaya ng apoy na ginagamit kapag gumagawa ng espadang bakal. Kapag idinaan ito sa apoy, pagkatapos ay pinalamig, mas tumitibay ang bakal. Ganoon din kapag nagtitiis tayo ng mga pagsubok—mas tumitibay ang pananampalataya natin. Kaya isinulat ni Santiago: “Hayaang gawin ng pagtitiis ang layunin nito, para kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng aspekto.” (Sant. 1:4) Kapag nakita natin na napapatibay ng mga pagsubok ang pananampalataya natin, mas matitiis natin ang mga iyon nang may kagalakan.
8 Sa sulat na ito ni Santiago, tinukoy rin niya ang ilang bagay na puwedeng maging dahilan para mawala ang kagalakan natin. Ano ang mga problemang ito, at paano natin ito masosolusyunan?
MGA DAPAT GAWIN PARA HINDI MAWALA ANG KAGALAKAN
9. Bakit kailangan natin ng karunungan?
9 Problema: Hindi alam ang gagawin. Kapag may pagsubok, humihingi tayo ng tulong sa Diyos na Jehova para makagawa ng desisyong magpapasaya sa kaniya, makakabuti sa mga kapatid, at makakatulong sa atin na makapanatiling tapat. (Jer. 10:23) Kailangan natin ng karunungan para malaman ang gagawin at sasabihin kapag pinag-uusig tayo. Kapag hindi natin alam ang gagawin, baka madama nating mahina tayo at walang kalaban-laban, at posibleng mawala agad ang kagalakan natin.
10. Para magkaroon ng karunungan, ano ang dapat nating gawin ayon sa Santiago 1:5?
10 Solusyon: Humingi ng karunungan kay Jehova. Para matiis ang mga pagsubok nang may kagalakan, dapat tayong manalangin kay Jehova at humingi ng karunungan para makagawa tayo ng tamang desisyon. (Basahin ang Santiago 1:5.) Pero paano kung pakiramdam natin, hindi agad sinagot ni Jehova ang panalangin natin? Sinabi ni Santiago na dapat tayong ‘patuloy na humingi’ sa Diyos. Hindi makukulitan sa atin si Jehova kahit paulit-ulit tayong hihingi ng karunungan. Hindi rin siya magagalit sa atin. Kung ipapanalangin natin na bigyan tayo ng karunungan para makapagtiis, ‘sagana itong ibibigay’ ng ating Ama sa langit. (Awit 25:12, 13) Nakikita niya ang mga pagsubok na dinadanas natin at nalulungkot siya dahil dito, kaya gustong-gusto niya tayong tulungan. Hindi ba dahilan iyan para maging masaya tayo? Pero paano tayo binibigyan ni Jehova ng karunungan?
11. Ano pa ang kailangan para magkaroon tayo ng karunungan?
11 Gamit ang kaniyang Salita, binibigyan tayo ni Jehova ng karunungan. (Kaw. 2:6) Para magkaroon ng karunungan, dapat nating pag-aralan ang Salita ng Diyos at ang salig-Bibliyang mga publikasyon. Pero hindi sapat na basta magkaroon ng kaalaman. Dapat nating isabuhay ang karunungan ng Diyos. Magagawa natin iyan kung susundin natin ang mga payo niya. Sinabi ni Santiago: “Maging tagatupad kayo ng salita at hindi tagapakinig lang.” (Sant. 1:22) Kapag sinunod natin ang payo ng Diyos, mas nagiging mapagpayapa tayo, makatuwiran, at maawain. (Sant. 3:17) Makakatulong ang mga katangiang iyon para hindi mawala ang kagalakan natin kahit may pagsubok.
12. Bakit mahalagang pamilyar tayo sa nilalaman ng Bibliya?
12 Ang Salita ng Diyos ay parang isang salamin; tutulong ito sa atin na makita ang mga dapat pasulungin at kung paano mapapasulong ang mga iyon. (Sant. 1:23-25) Halimbawa, pagkatapos nating mag-aral ng Bibliya, baka napansin natin na kailangan pa nating kontrolin ang ating galit. Sa tulong ni Jehova, matututuhan natin kung paano maging mahinahon sa pakikitungo sa iba o kapag may problema na nakakagalit sa atin. Dahil mahinahon tayo, hindi tayo masyadong nagpapadala sa problema. Mas nakakapag-isip tayo nang malinaw at nakakagawa tayo ng tamang desisyon. (Sant. 3:13) Kaya mahalagang pamilyar tayo sa nilalaman ng Bibliya!
13. Bakit dapat nating pag-aralan ang mga halimbawa ng mga karakter sa Bibliya?
13 Minsan, nalalaman lang natin ang mga bagay na dapat nating iwasan pagkatapos nating magkamali. Pero hindi iyan ang pinakamagandang paraan para matuto. Mas mabuting matuto tayo mula sa karanasan ng iba—sa kanilang tagumpay at mga pagkakamali. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Santiago na mahalagang pag-aralan ang mga halimbawa ng mga karakter sa Bibliya gaya nina Abraham, Rahab, Job, at Elias. (Sant. 2:21-26; 5:10, 11, 17, 18) Ang tapat na mga lingkod na iyon ni Jehova ay nakapagtiis ng mga pagsubok na puwedeng mag-alis ng kagalakan nila. Ipinapakita ng mga halimbawa nila na magagawa rin natin iyon sa tulong ni Jehova.
14-15. Kung may mga pagdududa tayo, bakit hindi ito dapat bale-walain?
14 Problema: May mga pagdududa. Minsan, sa pagbabasa natin ng Bibliya, baka mayroon tayong hindi maintindihan. O baka hindi sinagot ni Jehova ang panalangin natin sa paraang inaasahan natin. Dahil diyan, baka magduda tayo. Kapag hinayaan natin ito, hihina ang pananampalataya natin at maaapektuhan nito ang kaugnayan natin kay Jehova. (Sant. 1:7, 8) Puwede pa ngang mawala ang pag-asa natin sa hinaharap dahil dito.
15 Itinulad ni apostol Pablo sa isang angkla ang pag-asa natin sa hinaharap. (Heb. 6:19) Kapag may bagyo, hindi natatangay ng alon ang isang barko at hindi ito naaanod papunta sa batuhan dahil sa angkla. Pero ang angkla ay dapat na laging nakakabit sa barko. Hindi dapat maputol ang kadena nito. Kayang sirain ng kalawang ang kadena ng angkla; kaya ring sirain ng pagdududa ang pananampalataya natin. Kapag napaharap sa pag-uusig ang isang taong may pagdududa, madaling mawawala ang pagtitiwala niya na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako. Kapag nawala ang pananampalataya natin, mawawala rin ang pag-asa natin. Sinabi ni Santiago na ang taong may pagdududa, o pag-aalinlangan, ay “gaya ng alon sa dagat na hinihipan ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan.” (Sant. 1:6) Hinding-hindi magiging masaya ang taong iyon!
16. Ano ang dapat nating gawin kung may mga pagdududa tayo?
16 Solusyon: Alisin ang pagdududa; patibayin ang pananampalataya. Kumilos agad. Noong panahon ni propeta Elias, hindi sigurado ang bayan ni Jehova kung ano ang papaniwalaan nila. Sinabi ni Elias sa kanila: “Hanggang kailan kayo magpapaika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; pero kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya!” (1 Hari 18:21) Dapat din tayong kumilos agad. Dapat tayong mag-research para mapatunayan nating si Jehova ang Diyos, na ang Bibliya ay Salita niya, at na ang mga Saksi ni Jehova ang bayan niya. (1 Tes. 5:21) Kapag ginawa natin iyan, mawawala ang pagdududa natin at titibay ang ating pananampalataya. Kung kailangan natin ng tulong, magpatulong sa mga elder. Dapat tayong kumilos agad kung gusto natin na manatili ang kagalakan natin habang naglilingkod kay Jehova!
17. Ano ang mangyayari kapag nawalan tayo ng lakas ng loob?
17 Problema: Panghihina ng loob. Mababasa sa Salita ng Diyos: “Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, mababawasan din ang lakas mo.” (Kaw. 24:10) Ang salitang Hebreo na isinaling “nanghihina ang loob” ay puwedeng mangahulugang “mawalan ng lakas ng loob.” Kapag nawalan ka ng lakas ng loob, mawawala din agad ang kagalakan mo.
18. Ano ang puwede nating maisip sa salitang “pagtitiis”?
18 Solusyon: Magtiwala na bibigyan tayo ni Jehova ng lakas ng loob para makapagtiis. Kailangan natin ng lakas ng loob para matiis ang mga pagsubok. (Sant. 5:11) Sa salitang ginamit ni Santiago para sa “pagtitiis,” maiisip natin ang isang tao na nakatayo at hindi umaalis sa kaniyang posisyon. Parang isang sundalo sa isang labanan—hindi niya iiwan ang puwesto niya o tatakbo palayo kahit salakayin siya ng kaaway.
19. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni apostol Pablo?
19 Matututo tayo sa magandang halimbawa ni apostol Pablo sa pagpapakita ng lakas ng loob at pagtitiis. May mga pagkakataon na nanghihina rin siya. Pero natiis niya ito dahil umasa siya na bibigyan siya ni Jehova ng lakas na kailangan niya. (2 Cor. 12:8-10; Fil. 4:13) Puwede rin tayong magkaroon ng ganiyang lakas ng loob kung mapagpakumbaba nating tatanggapin na kailangan natin ang tulong ni Jehova.—Sant. 4:10.
MAGING MALAPÍT SA DIYOS PARA MANATILI ANG IYONG KAGALAKAN
20-21. Sa ano tayo makakatiyak?
20 Makakapagtiwala tayo na hindi parusa ni Jehova ang mga pagsubok na dinadanas natin. Tinitiyak sa atin ni Santiago: “Kapag dumaranas ng pagsubok, huwag sabihin ninuman: ‘Sinusubok ako ng Diyos.’ Dahil ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama, at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama.” (Sant. 1:13) Kung kumbinsido tayo na totoo ito, mas mapapalapít tayo sa ating maibiging Ama sa langit.—Sant. 4:8.
21 Si Jehova ay ‘hindi nag-iiba o nagbabago.’ (Sant. 1:17) Tinulungan niya ang mga Kristiyano noong unang siglo na maharap ang mga pagsubok, at tutulungan din niya tayo ngayon. Taimtim na manalangin kay Jehova para tulungan ka niya na magkaroon ng karunungan, pananampalataya, at lakas ng loob. At siguradong sasagutin niya ang mga panalangin mo. Kaya makakatiyak ka na tutulungan ka ni Jehova para manatiling maligaya kahit may mga pagsubok!
AWIT 128 Magtiis Hanggang sa Wakas
a Maraming payo sa aklat ng Santiago na makakatulong para maharap natin ang mga pagsubok. Tatalakayin sa artikulong ito ang ilan sa mga payong iyon. Makakatulong ang mga iyon para matiis natin ang mga pagsubok nang hindi nawawala ang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova.
b LARAWAN: Isang brother na inaresto sa bahay niya. Nakatingin ang asawa’t anak niya habang inaaresto siya ng mga pulis. Habang nakabilanggo siya, sinamahan ng mga kapatid ang kaniyang mag-ina sa family worship. Laging nananalangin kay Jehova ang magnanay para humingi ng lakas at matiis ang mga pagsubok. Binigyan sila ni Jehova ng kapayapaan ng isip at lakas ng loob. Kaya tumibay ang pananampalataya nila at natiis nila ang mga pagsubok nang may kagalakan.