KABANATA 16
Labanan ang Diyablo
“Labanan ninyo ang Diyablo, at lalayo siya sa inyo.”—SANTIAGO 4:7.
1, 2. Ano ang kailangan nating malaman tungkol kay Satanas at sa mga demonyo?
NAPAKAGANDA ng magiging buhay sa bagong sanlibutan ni Jehova. Sa wakas, mabubuhay na tayo ayon sa layunin ng Diyos para sa atin. Pero sa ngayon, nabubuhay tayo sa mundong kontrolado ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. (2 Corinto 4:4) Kahit hindi natin sila nakikita, umiiral sila at napakamakapangyarihan nila.
2 Sa kabanatang ito, pag-uusapan natin kung paano tayo makapananatiling malapít kay Jehova at kung paano natin mapoprotektahan ang sarili natin mula kay Satanas. Nangangako si Jehova na tutulungan niya tayo. Pero kailangan nating malaman ang mga paraang ginagamit ni Satanas at ng mga demonyo para dayain at saktan tayo.
“GAYA NG ISANG UMUUNGAL NA LEON”
3. Ano ang gustong gawin ng Diyablo sa atin?
3 Sinasabi ni Satanas na sinasamba lang ng tao si Jehova dahil sa pakinabang at hindi na raw tayo maglilingkod sa Kaniya kapag nagkaproblema tayo. (Basahin ang Job 2:4, 5.) Kapag ipinapakita ng isang tao na gusto niyang matuto tungkol kay Jehova, nakikita iyon ni Satanas at ng mga demonyo, at sinisikap nilang pahintuin siya. Galít sila kapag inialay ng isa ang sarili niya kay Jehova at nagpabautismo. Itinutulad ng Bibliya ang Diyablo sa “isang umuungal na leon, na naghahanap ng malalapa.” (1 Pedro 5:8) Gustong sirain ni Satanas ang kaugnayan natin kay Jehova.—Awit 7:1, 2; 2 Timoteo 3:12.
4, 5. (a) Ano ang hindi kayang gawin ni Satanas? (b) Ano ang ibig sabihin ng ‘labanan ang Diyablo’?
4 Pero hindi tayo dapat matakot kay Satanas at sa mga demonyo. Nilagyan ni Jehova ng limitasyon ang magagawa nila sa atin. Nangangako si Jehova na “isang malaking pulutong” ng mga tunay na Kristiyano ang makakaligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Walang magagawa ang Diyablo para hadlangan iyan, dahil pinoprotektahan ni Jehova ang bayan Niya.
5 Kung mananatili tayong malapít kay Jehova, hindi masisira ni Satanas ang kaugnayan natin sa Kaniya. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay nananatili sa panig niya.” (2 Cronica 15:2; basahin ang 1 Corinto 10:13.) Maraming tapat na lalaki at babae, gaya nina Abel, Enoc, Noe, Sara, at Moises, ang nanatiling malapít kay Jehova kaya nalabanan nila ang Diyablo. (Hebreo 11:4-40) Magagawa rin natin iyan. Nangangako ang Salita ng Diyos: “Labanan ninyo ang Diyablo, at lalayo siya sa inyo.”—Santiago 4:7.
“NAKIKIPAGLABAN TAYO”
6. Ano ang ginagawa ni Satanas para biktimahin tayo?
6 Kahit alam ni Satanas na nilimitahan ni Jehova ang magagawa niya sa atin, gagawin pa rin niya ang lahat para pahinain ang kaugnayan natin sa Diyos. Sa ngayon, maraming paraan ang Diyablo para biktimahin tayo, at libo-libong taon na niyang ginagamit ang mga ito. Ano ang ilan sa mga ito?
7. Bakit inaatake ni Satanas ang mga lingkod ni Jehova?
7 Isinulat ni apostol Juan: “Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Kontrolado ni Satanas ang masamang sanlibutang ito at gusto rin niyang kontrolin ang mga lingkod ni Jehova. (Mikas 4:1; Juan 15:19; Apocalipsis 12:12, 17) Alam ng Diyablo na kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya, kaya ginagawa niya ang lahat para mahirapan tayo at maiwala natin ang katapatan sa Diyos. Kung minsan, direktang umaatake ang Diyablo, pero may panahon namang hindi halata ang mga pag-atake niya.
8. Ano ang dapat na alam ng bawat Kristiyano?
8 Mababasa sa Efeso 6:12: “Nakikipaglaban tayo . . . sa hukbo ng napakasasamang espiritu sa makalangit na dako.” Ang bawat Kristiyano ay nakikipaglaban sa Diyablo at sa mga demonyo. Alam natin na ang lahat ng nag-alay kay Jehova ay kasama sa pakikipaglabang ito. Sa sulat niya sa mga taga-Efeso, tatlong beses hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na maging “matatag.”—Efeso 6:11, 13, 14.
9. Ano ang sinisikap na gawin sa atin ni Satanas at ng mga demonyo?
9 Sinisikap tayong dayain ni Satanas at ng mga demonyo sa iba’t ibang paraan. Hindi komo nalabanan natin ang isang pakana ni Satanas, hindi na tayo madadaya ng iba pa niyang pakana. Sinisikap ng Diyablo na hanapin ang mga kahinaan natin para makapili siya ng pain na huhuli sa atin. Pero hindi tayo dapat magpahuli, dahil itinuturo sa atin ng Bibliya kung ano ang mga bitag ng Diyablo. (2 Corinto 2:11; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 31.) Isa diyan ang demonismo.
LUMAYO SA MGA DEMONYO
10. (a) Ano ang demonismo? (b) Ano ang tingin ni Jehova sa demonismo?
10 Ang demonismo ay tumutukoy sa anumang pakikipag-ugnayan sa demonyo, gaya ng panghuhula, pangkukulam, paglalagay ng sumpa at panggagayuma, o pakikipag-usap sa mga patay. Sinasabi ng Bibliya na ang demonismo ay “kasuklam-suklam.” Kaya kung sumasamba tayo kay Jehova, hindi tayo dapat masangkot sa demonismo. (Deuteronomio 18:10-12; Apocalipsis 21:8) Dapat iwasan ng mga Kristiyano ang lahat ng klase ng demonismo.—Roma 12:9.
11. Saan puwedeng mauwi ang pagiging interesado sa mga kababalaghan?
11 Alam ni Satanas na kung interesado tayo sa mga kababalaghan, magiging madali sa kaniya na ilapit tayo sa demonismo. Anumang klase ng demonismo ay makakasira sa kaugnayan natin kay Jehova.
SINISIKAP TAYONG DAYAIN NI SATANAS
12. Ano ang gusto ni Satanas na isipin natin?
12 Nililito ni Satanas ang isip ng mga tao. Unti-unti siyang nagtatanim ng mga pag-aalinlangan, hanggang sa isipin na ng tao na “ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.” (Isaias 5:20) Gusto ng Diyablo na isipin natin na hindi makakatulong sa atin ang mga payo ng Bibliya at magiging mas masaya tayo kung babale-walain natin ang mga pamantayan ng Diyos.
13. Paano nagtatanim ng pag-aalinlangan si Satanas?
13 Ang pagtatanim ng pag-aalinlangan ay isa sa pinakaepektibong paraan ni Satanas. Matagal na niya itong ginagamit. Sa hardin ng Eden, nagtanim siya ng pag-aalinlangan nang tanungin niya si Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” (Genesis 3:1) Noong panahon naman ni Job, tinanong ni Satanas si Jehova sa harap ng mga anghel: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan?” (Job 1:9) Pagkatapos ng bautismo ni Jesus, hinamon siya ni Satanas: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.”—Mateo 4:3.
14. Ano ang ginagawa ni Satanas para hindi isipin ng mga tao na mapanganib ang demonismo?
14 Sa ngayon, nagtatanim pa rin ng pag-aalinlangan ang Diyablo. Pinagmumukha niyang hindi masama ang ilang klase ng demonismo para isipin ng mga tao na hindi naman ito ganoon kasamâ. Kahit ang ilang Kristiyano ay nabiktima nito. (2 Corinto 11:3) Kaya paano natin mapoprotektahan ang sarili natin? Paano natin matitiyak na hindi tayo nadadaya ni Satanas? Pag-usapan natin ang dalawang bagay kung saan puwede tayong madaya: sa libangan at sa pagpapagamot.
GINAGAMIT NI SATANAS ANG SARILI NATING PAGNANASA LABAN SA ATIN
15. Paano tayo puwedeng masangkot sa mga demonyo dahil sa pinipili nating libangan?
15 Sa ngayon, makikita sa maraming pelikula, video, palabas sa TV, computer game, at website ang mga demonyo, mahika, at mahiwagang kapangyarihan. Para sa marami, katuwaan lang ito, pero hindi nila nakikita na pinapapasok nila ang mga demonyo sa buhay nila. Puwede ring masangkot ang isang tao sa demonismo sa pamamagitan ng horoscope, pagbasa ng palad, barahang tarot, at bolang kristal. Itinatago ng Diyablo ang mga panganib nito at pinagmumukha ang mga itong misteryoso, kamangha-mangha, at nakakatuwa. Baka isipin pa nga ng isa na walang masama sa panonood ng tungkol sa mga kababalaghan o sa mga demonyo, basta hindi siya gumagawa ng demonismo. Bakit mapanganib ang ganitong kaisipan?—1 Corinto 10:12.
16. Bakit dapat nating iwasan ang mga libangan na tungkol sa kababalaghan?
16 Hindi kayang basahin ni Satanas at ng mga demonyo ang isip natin. Pero nalalaman nila kung ano ang gusto at iniisip natin dahil inoobserbahan nila ang mga pinipili natin para sa sarili natin at sa ating pamilya, kasama na ang libangan. Kung pinipili natin ang mga pelikula, musika, o aklat tungkol sa espiritista, mahika, pagsapi ng demonyo, mangkukulam, bampira, o iba pang gaya nito, nakikita ni Satanas at ng mga demonyo na interesado tayo sa kanila. Kaya sisikapin nila na lalo tayong masangkot sa demonismo.—Basahin ang Galacia 6:7.
17. Paano puwedeng samantalahin ni Satanas ang kagustuhan natin na maging malusog?
17 Puwede ring samantalahin ni Satanas ang kagustuhan nating maging malusog. Sa ngayon, marami ang nagdurusa dahil sa sakit. Baka kung saan-saan na nagpagamot ang isang tao pero hindi pa rin siya gumagaling. (Marcos 5:25, 26) Dahil desperado na siya, baka kung ano-ano na lang ang subukan niya. Pero bilang mga Kristiyano, kailangan nating mag-ingat na huwag magpagamot sa mga gumagamit ng “mahika.”—Isaias 1:13.
18. Anong paraan ng paggamot ang dapat nating iwasan?
18 May mga gumamit ng “mahika” sa sinaunang Israel. Sinabi ni Jehova sa kanila: “Kapag itinataas ninyo ang inyong mga kamay, hindi ako tumitingin sa inyo. Kahit nananalangin kayo nang maraming ulit, hindi ako nakikinig.” (Isaias 1:15) Isipin iyan—hindi man lang nakikinig si Jehova sa mga panalangin nila! Ayaw nating gumawa ng anumang bagay na makakasira sa kaugnayan natin kay Jehova at makakahadlang sa kaniya na tulungan tayo, lalo na kapag may sakit tayo. (Awit 41:3) Kaya dapat nating alamin kung ang paraan ng paggamot na pinag-iisipan natin ay may anumang kaugnayan sa demonismo o mahiwagang kapangyarihan. (Mateo 6:13) Kung mayroon, dapat natin itong iwasan!—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 32.
MGA KUWENTO TUNGKOL SA MGA DEMONYO
19. Paano tinatakot ng Diyablo ang marami?
19 Iniisip ng ilan na kathang-isip lang ang Diyablo at ang mga demonyo. Pero para sa iba, totoo ang mga ito dahil sa sarili nilang karanasan. Marami ang takót sa masasamang espiritu at alipin ng mga pamahiin. Tinatakot naman ng iba ang ilan sa pamamagitan ng pagkukuwento tungkol sa masasamang ginagawa ng mga demonyo sa tao. Kadalasan, humahanga ang mga tao sa ganitong mga kuwento kaya ikinukuwento rin nila ito sa iba. Dahil diyan, natatakot ang mga tao sa Diyablo.
20. Paano natin puwedeng maikalat ang mga kasinungalingan ni Satanas?
20 Pag-isipan ito: Gusto ni Satanas na matakot sa kaniya ang mga tao. (2 Tesalonica 2:9, 10) Sinungaling siya at alam niya kung paano iimpluwensiyahan ang isip ng mga taong interesado sa demonismo at pinapapaniwala sila sa mga bagay na hindi naman talaga totoo. Baka magkuwento ang mga taong iyon ng iniisip nilang nakita at narinig nila. Hangga’t ikinukuwento nila ang mga istoryang ito, lalong nadadagdagan ang kuwento. Hinding-hindi natin sasabihin sa iba ang ganitong mga kuwento dahil para na rin nating tinuturuan ang mga tao na matakot kay Satanas.—Juan 8:44; 2 Timoteo 2:16.
21. Sa halip na magkuwento tungkol sa mga demonyo, ano ang puwede nating ikuwento?
21 Kung ang isang lingkod ni Jehova ay nagkaroon ng karanasan sa mga demonyo, hindi niya ito dapat ikuwento bilang katuwaan. Ang mga lingkod ni Jehova ay hindi dapat matakot sa anumang kayang gawin ng Diyablo at ng mga demonyo. Sa halip, kailangan nating magpokus kay Jesus at sa kapangyarihang ibinigay sa kaniya ni Jehova. (Hebreo 12:2) Hindi nagkuwento si Jesus sa mga alagad niya tungkol sa mga demonyo bilang katuwaan. Nagpokus siya sa mensahe ng Kaharian at sa “makapangyarihang mga gawa ng Diyos.”—Gawa 2:11; Lucas 8:1; Roma 1:11, 12.
22. Ano ang determinado mong gawin?
22 Huwag nating kalimutan na layunin ni Satanas na sirain ang kaugnayan natin kay Jehova. Gagawin niya ang lahat para mangyari iyan. Pero alam natin ang mga paraan ng Diyablo at determinado tayong labanan ang lahat ng klase ng demonismo. Hindi natin ‘bibigyan ng pagkakataon ang Diyablo’ na pahinain ang determinasyon natin. (Basahin ang Efeso 4:27.) Oo, kung lalabanan natin ang Diyablo, hindi tayo mabibiktima ng mga pakana niya at magiging ligtas tayo sa ilalim ng proteksiyon ni Jehova.—Efeso 6:11.