ARALIN 11
Paano Ka Mas Makikinabang sa Pagbabasa ng Bibliya?
Nasubukan mo na bang magkaroon ng isang proyekto pero hindi mo alam kung paano ito sisimulan? Baka hinati-hati mo muna ang mga gagawin mo para mas madali mo itong maumpisahan. Ganiyan din sa pagbabasa ng Bibliya. Baka maitanong mo, ‘Paano ko ’yon uumpisahan?’ Sa araling ito, tatalakayin natin ang mga puwede mong gawin para ma-enjoy mo ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya.
1. Bakit dapat nating regular na basahin ang Bibliya?
Maligaya at matagumpay ang taong regular na nagbabasa ng Bibliya, o ng “kautusan ni Jehova.” (Basahin ang Awit 1:1-3.) Subukan itong basahin nang kahit ilang minuto araw-araw. Habang mas nagiging pamilyar ka sa Salita ng Diyos, mas mag-e-enjoy ka sa pagbabasa nito.
2. Ano ang makakatulong sa iyo para mas makinabang ka sa pagbabasa mo ng Bibliya?
Kailangan nating huminto at pag-isipan ang mga binabasa natin. Dapat natin itong “bulay-bulayin.” (Josue 1:8, talababa) Habang nagbabasa ka, tanungin ang sarili: ‘Ano ang itinuturo nito sa akin tungkol sa Diyos na Jehova? Paano ko ito maisasabuhay? Paano ko magagamit ang tekstong ito para matulungan ang iba?’
3. Ano ang puwede mong gawin para lagi kang makapagbasa ng Bibliya?
Nahihirapan ka bang basahin ang Bibliya araw-araw? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Bakit hindi mo subukang ‘gamitin sa pinakamabuting paraan ang oras mo’? (Efeso 5:16) Magagawa mo iyan kung mag-iiskedyul ka ng espesipikong oras para sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw. May ilan na ginagawa ito sa umaga, pagkagising nila. Ang iba naman tuwing tanghali, kapag lunch break nila. Ginagawa naman ito ng iba sa gabi, bago sila matulog. Para sa iyo, ano ang pinakamagandang iskedyul?
PAG-ARALAN
Alamin kung paano mag-e-enjoy sa pagbabasa ng Bibliya, at kung paano maghahanda para mas makinabang sa pag-aaral ng Bibliya.
4. Kung paano ka mag-e-enjoy sa pagbabasa ng Bibliya
Hindi laging madaling umpisahan ang pagbabasa ng Bibliya. Pero puwede mo itong ‘panabikan’ o ma-enjoy, kung paanong na-e-enjoy mong tikman ang mga pagkaing bago sa panlasa mo. Basahin ang 1 Pedro 2:2. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sa tingin mo, mas mag-e-enjoy ka ba at gaganahan kung babasahin mo ang Bibliya araw-araw?
Panoorin ang VIDEO para makita kung paano na-enjoy ng ilang tao ang pagbabasa ng Bibliya. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga hamon sa pagbabasa ng Bibliya ang naranasan ng mga kabataan?
Ano ang nakatulong sa kanila para regular nilang mabasa ang Bibliya?
Ano ang ginawa nila para mas ma-enjoy nila ang pagbabasa ng Bibliya?
Mga tip sa pagbabasa ng Bibliya:
Pumili ng mapagkakatiwalaan at makabagong salin ng Bibliya. Gamitin ang Bagong Sanlibutang Salin, kung available ito sa wika mo.
Unahing basahin ang mga bahagi na magiging interesado ka. Para magkaideya ka, tingnan ang chart na “Basahin ang Bibliya.”
Tandaan kung ano na ang mga nabasa mo. Gamitin ang chart na “Nasaan Ka Na sa Pagbabasa Mo ng Bibliya?” na nasa aklat na ito.
Gamitin ang JW Library® app. Kung mayroon ka nito sa cellphone o gadyet mo, mababasa at mapapakinggan mo ang Bibliya kahit nasaan ka.
Gamitin ang mga karagdagang materyal sa Bagong Sanlibutang Salin. Kasama rito ang glosari, mga mapa, at chart na tutulong sa iyo para ma-enjoy mo ang pagbabasa ng Bibliya.
5. Maghanda para sa pag-aaral ninyo ng Bibliya
Basahin ang Awit 119:34. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit mahalagang manalangin bago ka magbasa ng Bibliya o maghanda para sa pag-aaral ninyo ng Bibliya?
Paano ka mas makikinabang sa bawat pag-aaral ninyo ng Bibliya? Kapag naghahanda ka para sa aralin, subukan ang mga ito:
Basahin ang unang bahagi ng aralin.
Basahin ang mga teksto at intindihin ang kaugnayan nito sa paksa ng aralin.
I-highlight ang ilang salita na sagot sa tanong. Makakatulong ito kapag nagba-Bible study na kayo ng nagtuturo sa iyo.
Alam mo ba?
Gumagamit ang mga Saksi ni Jehova ng iba’t ibang salin ng Bibliya. Pero mas gusto naming gamitin ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan kasi mas tama at malinaw ang saling ito, at ginagamit nito ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang artikulo na “May Sarili Bang Bibliya ang mga Saksi ni Jehova?” sa jw.org/tl.
MAY NAGSASABI: “Mahirap pag-aralan ang Bibliya. Wala ’kong panahon para diyan.”
Ano ang masasabi mo tungkol sa pag-aaral mo ng Bibliya?
SUMARYO
Para mas makinabang sa pagbabasa ng Bibliya, gumawa ng iskedyul, manalangin para maintindihan ang binabasa mo, at maghanda para sa bawat Bible study ninyo.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang makakatulong sa iyo para mas makinabang ka sa pagbabasa ng Bibliya?
Ano kaya ang pinakamagandang iskedyul ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya para sa iyo?
Bakit mahalagang maghanda sa bawat pag-aaral ng Bibliya?
TINGNAN DIN
Tingnan ang makakatulong sa iyo para mas makinabang ka sa pagbabasa ng Bibliya.
“Mag-enjoy at Makinabang sa Pagbabasa ng Bibliya” (Ang Bantayan Blg. 1 2017)
Tingnan ang tatlong paraan ng pagbabasa ng Bibliya.
Alamin kung paano mag-e-enjoy sa pagbabasa ng Bibliya.
Panoorin ang video tungkol sa mga tip na ibinigay ng matatagal nang nagbabasa ng Bibliya.