Susundin Mo ba ang Maliwanag na Babala ni Jehova?
“Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”—ISA. 30:21.
1, 2. Ano ang determinadong gawin ni Satanas, at paano tayo tinutulungan ng Salita ng Diyos?
KAPAG mali ang karatula, hindi lang ito mapandaya—mapanganib din ito. Ipagpalagay na sinabihan ka ng kaibigan mo na pinalitan ng isang masamang tao ang isang karatula para ipahamak ang walang-kamalay-malay na mga naglalakbay. Hindi ka ba makikinig sa kaniyang babala?
2 Si Satanas ay isang napakasamang kaaway at determinado siyang iligaw tayo. (Apoc. 12:9) Sa kaniya galing ang mga panganib na tinalakay natin sa naunang artikulo at layunin niyang ilihis tayo mula sa daang patungo sa buhay na walang hanggan. (Mat. 7:13, 14) Mabuti na lang, binababalaan tayo ng ating maibiging Diyos na huwag sumunod sa mapandayang mga ‘karatula’ ni Satanas. Talakayin natin ngayon ang tatlo pang panganib na iniuumang sa atin ni Satanas. Habang tinatalakay natin kung paano tayo tinutulungan ng Salita ng Diyos, isipin natin na nasa likod natin si Jehova at itinuturo niya sa atin ang tamang direksiyon: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.” (Isa. 30:21) Kung bubulay-bulayin natin ang maliwanag na mga babala ni Jehova, titibay ang ating determinasyon na sundin ang mga iyon.
Huwag Sumunod sa “mga Bulaang Guro”
3, 4. (a) Bakit maihahambing sa mga tuyong balon ang mga bulaang guro? (b) Saan karaniwang galing ang mga bulaang guro, at ano ang gusto nila?
3 Sabihin nating naglalakbay ka sa disyerto. May nakita kang balon sa malayo. Nilapitan mo ito dahil gusto mong makakuha ng tubig na pamatid-uhaw. Pero tuyo pala ang balon. Dismayadung-dismayado ka! Ang mga bulaang guro ay parang mga tuyong balon. Sinumang uháw sa tubig ng katotohanan at lalapit sa kanila ay siguradong madidismaya. Sa pamamagitan nina apostol Pablo at Pedro, nagbabala si Jehova laban sa mga bulaang guro. (Basahin ang Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1-3.) Sino ang mga gurong ito? Ang isinulat ng dalawang apostol na iyon ay tutulong sa atin na matukoy kung saan galing ang mga bulaang guro at kung paano sila nanlilinlang.
4 Sinabi ni Pablo sa matatanda ng kongregasyon sa Efeso: “Mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit.” Sumulat naman si Pedro sa mga kapuwa Kristiyano: “Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo.” Kaya saan galing ang mga bulaang guro? Maaaring sa loob mismo ng kongregasyon. Sila’y mga apostata.a Ano ang gusto nila? Hindi sila kontento na basta iwan ang organisasyon na marahil ay dati nilang minahal. Ang pakay nila, gaya ng paliwanag ni Pablo, ay ‘ilayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.’ Pansinin ang pamanggit na pantukoy sa pananalitang “ang mga alagad.” Sa halip na humayo at gumawa ng sarili nilang mga alagad, sinisikap ng mga apostata na tangayin ang mga alagad ni Kristo. Gaya ng “mga dayukdok na lobo,” sinisikap ng mga bulaang guro na lamunin ang mga miyembro ng kongregasyon, anupat sinisira ang kanilang pananampalataya at inililihis sila sa katotohanan.—Mat. 7:15; 2 Tim. 2:18.
5. Anong pamamaraan ang ginagamit ng mga bulaang guro?
5 Paano nanlilinlang ang mga bulaang guro? Napakatuso ng kanilang pamamaraan. Gaya ng mga ismagler, ang mga apostatang ito ay kumikilos nang palihim at ‘tahimik na nagpapasok’ ng kanilang masasamang ideya. At gaya ng mga palsipikador na gumagawa ng mga pekeng dokumento, ang mga apostata ay gumagamit ng “huwad na mga salita,” o maling mga argumento, at pinalilitaw na tama ang mga ito. Nagkakalat sila ng “mga turong mapanlinlang,” at ‘pinipilipit ang Kasulatan’ para umayon sa kanilang sariling mga ideya. (2 Ped. 2:1, 3, 13; 3:16) Maliwanag na hindi kapakanan natin ang iniisip ng mga apostata. Kung susunod tayo sa kanila, maililihis tayo mula sa daang patungo sa buhay na walang hanggan.
6. Anong maliwanag na payo ang ibinibigay sa atin ng Bibliya tungkol sa mga bulaang guro?
6 Paano natin mapoprotektahan ang ating sarili sa mga bulaang guro? Sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat nating gawin. (Basahin ang Roma 16:17; 2 Juan 9-11.) “Iwasan ninyo sila,” ang sabi ng Salita ng Diyos. Ang ibang salin ay nagsasabing “lumayo kayo sa kanila.” Napakalinaw nga ng payong iyan! Ipagpalagay nating pinayuhan ka ng isang doktor na iwasan ang isang taong may nakahahawa at nakamamatay na sakit. Alam mo ang ibig sabihin ng doktor at tiyak na susundin mo ang babala niya. Ang mga apostata ay “may sakit sa isip,” at sinisikap nilang mahawahan tayo ng kanilang maling turo. (1 Tim. 6:3, 4) Sinasabi ng Dakilang Doktor, si Jehova, na iwasan natin sila. Alam natin ang ibig niyang sabihin, pero determinado ba tayong sundin ang kaniyang mga babala sa lahat ng aspekto ng ating buhay?
7, 8. (a) Paano natin iiwasan ang mga bulaang guro? (b) Bakit ka determinadong umiwas sa mga bulaang guro?
7 Paano natin iiwasan ang mga bulaang guro? Hindi natin sila babatiin o tatanggapin sa ating tahanan. Hindi rin natin babasahin ang kanilang mga literatura, panonoorin ang programa nila sa TV, bubuksan ang kanilang mga Web site, o magkokomento sa kanilang mga blog. Bakit? Dahil sa pag-ibig. Iniibig natin ang “Diyos ng katotohanan,” kaya hindi tayo interesado sa pilipit na mga turong salungat sa kaniyang Salita ng katotohanan. (Awit 31:5; Juan 17:17) Iniibig din natin ang organisasyon ni Jehova na nagturo sa atin ng kamangha-manghang mga katotohanan—kasali na ang pangalan ng Diyos at ang kahulugan nito, ang layunin ng Diyos para sa lupa, ang kalagayan ng mga patay, at ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Natatandaan mo pa ba kung ano ang nadama mo nang una mong matutuhan ang mga ito at ang iba pang mahahalagang katotohanan? Kaya bakit mo tatalikuran ang organisasyon na nagturo sa iyo ng mga katotohanang ito dahil lang sa paninira ng iba?—Juan 6:66-69.
8 Anuman ang sabihin ng mga bulaang guro, hindi tayo makikinig sa kanila! Bakit tayo lalapit sa mga tuyong balon na iyon? Madadaya at madidismaya lang tayo. Sa halip, maging determinado tayo na manatiling tapat kay Jehova at sa organisasyon na matagal nang naglalaan sa atin ng pamatid-uhaw—ang dalisay at nakagiginhawang tubig ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos.—Isa. 55:1-3; Mat. 24:45-47.
Huwag Sumunod sa “mga Kuwentong Di-totoo”
9, 10. Ano ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo tungkol sa “mga kuwentong di-totoo,” at ano ang malamang na tinutukoy ni Pablo? (Tingnan din ang talababa.)
9 Kung minsan, halatang-halata kung ang karatula ay pinakialaman at hindi na nakaturo sa tamang direksiyon. Pero minsan naman, mahirap mapansin kung may gumalaw nito. Ganiyan din ang mga kasinungalingan ni Satanas; ang ilan ay hindi mahahalata. Nagbabala si apostol Pablo tungkol sa isang tusong estratehiya ni Satanas—“mga kuwentong di-totoo.” (Basahin ang 1 Timoteo 1:3, 4.) Para hindi tayo mailihis mula sa daang patungo sa buhay, kailangan nating malaman kung ano ang mga kuwentong di-totoo, at kung paano natin iiwasan ang mga ito.
10 Ang babala ni Pablo tungkol sa mga kuwentong di-totoo ay mababasa sa kaniyang unang liham kay Timoteo, isang tagapangasiwang Kristiyano na inatasang mag-ingat ng kalinisan ng kongregasyon at tumulong sa mga kapananampalataya na manatiling tapat. (1 Tim. 1:18, 19) Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa “mga kuwentong di-totoo” ay maaaring tumukoy sa kathang-isip, alamat, o kabulaanan. Ayon sa The International Standard Bible Encyclopaedia, ang salitang ito ay tumutukoy sa “isang (relihiyosong) kuwento na malayo sa katotohanan.” Marahil ay tinutukoy ni Pablo ang mga kasinungalingan sa relihiyon na galing sa matatandang kuwento na kinatha at pinalabis ng mga tao.b Ang gayong mga kuwento ay “nagbabangon [lang] ng mga tanong ukol sa pagsasaliksik.” Ibig sabihin, mga walang-kabuluhang tanong na pinag-aaksayahan ng panahon para masagot. Ginagamit ni Satanas ang inimbentong mga kuwentong ito at mga kasinungalingan sa relihiyon para iligaw ang mga walang kamalay-malay. Maliwanag ang payo ni Pablo: Huwag magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo!
11. Paano ginagamit ni Satanas ang huwad na relihiyon para iligaw ang mga tao? Anong babala ang dapat nating sundin?
11 Ano ang ilan sa “mga kuwentong di-totoo” na makapaglíligáw sa mga walang-kamalay-malay? Puwede itong tumukoy sa anumang turo o kasinungalingan sa relihiyon na makapaglilihis sa isa “mula sa katotohanan.” (2 Tim. 4:3, 4) Ginagamit ni Satanas, na nagkukunwaring “isang anghel ng liwanag,” ang huwad na relihiyon para iligaw ang mga tao. (2 Cor. 11:14) Inaangkin ng Sangkakristiyanuhan na sumusunod sila kay Kristo, pero nagtuturo naman sila ng mga kasinungalingan gaya ng Trinidad, impiyerno, at imortalidad ng kaluluwa. Nagdiriwang din sila ng mga kapistahang gaya ng Pasko at Easter, na inaakalang nakalulugod sa Diyos, pero nagmula sa mitolohiya at paganismo. Kung susundin natin ang babala ng Diyos na humiwalay tayo sa huwad na relihiyon at ‘tumigil sa paghipo sa maruming bagay,’ hindi tayo maililigaw ng mga kuwentong di-totoo.—2 Cor. 6:14-17.
12, 13. (a) Anong mga kasinungalingan ang itinataguyod ni Satanas? Pero ano ang totoo? (b) Ano ang dapat nating gawin para hindi tayo mailigaw ng mga kuwentong di-totoo ni Satanas?
12 Puwede tayong mailigaw ng iba pang kasinungalingan ni Satanas kung hindi tayo mag-iingat. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa. Lahat ng bagay, puwede. Bahala kang magpasiya kung ano ang tama at mali. Itinataguyod ng media ang ideyang ito. Kaya naman, baka matukso tayong ipagwalang-bahala ang mga pamantayan ng Diyos. Pero ang totoo, kailangang-kailangan natin ang patnubay ng Diyos. (Jer. 10:23) Hindi makikialam ang Diyos sa mga nangyayari sa lupa. Dahil sa kasinungalingang ito, maraming tao ang nabubuhay lang para sa kasalukuyan. Kung magpapaimpluwensiya tayo sa ganitong kaisipan, tayo’y magiging “di-aktibo o di-mabunga.” (2 Ped. 1:8) Ang totoo, napakalapit na ng araw ni Jehova, at dapat natin itong patuloy na hintayin. (Mat. 24:44) Hindi nagmamalasakit sa iyo ang Diyos. Kung maniniwala tayo sa kasinungalingang ito ni Satanas at iisiping hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos, baka tumigil na tayo sa paglilingkod sa Kaniya. Pero ang totoo, iniibig at pinahahalagahan ni Jehova ang bawat lingkod niya.—Mat. 10:29-31.
13 Dapat tayong magpakaingat dahil ang pag-iisip at saloobin ng mga tao sa sanlibutan ni Satanas ay tila makatuwiran. Pero tandaan natin na si Satanas ay eksperto sa panlilinlang. Kailangan tayong makinig sa payo at paalaala ng Salita ng Diyos para hindi tayo mailigaw ng “mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha” ni Satanas.—2 Ped. 1:16.
Huwag ‘Sumunod kay Satanas’
14. Ano ang babala ni Pablo sa ilang nakababatang babaing balo? Bakit tayo dapat magbigay-pansin sa mga babalang ito?
14 Paano kung nakakita ka ng karatulang nagsasabing “Daan Para sa mga Gustong Sumunod kay Satanas”? Siyempre, walang sinuman sa atin ang susunod sa karatulang iyon! Pero nagbabala si Pablo na kahit ang mga tunay na Kristiyano ay puwedeng mahikayat na ‘bumaling sa pagsunod kay Satanas.’ (Basahin ang 1 Timoteo 5:11-15.) Ang mga salitang ito ni Pablo ay para sa ilang “nakababatang babaing balo,” pero kapit sa ating lahat ang mga simulain dito. Baka hindi naman iniisip ng mga Kristiyanong iyon noong unang siglo na sumusunod sila kay Satanas. Pero ganoon nga ang ginagawa nila. Paano natin maiiwasan kahit ang di-namamalayang pagsunod kay Satanas? Isaalang-alang natin ang babala ni Pablo tungkol sa tsismis.
15. Ano ang gustong gawin ni Satanas, at paano tinukoy ni Pablo ang mga taktika ni Satanas?
15 Gusto tayong pahintuin ni Satanas sa pangangaral ng mabuting balita. (Apoc. 12:17) Kaya naman, inuudyukan niya tayong sayangin ang ating oras sa mga bagay na walang kabuluhan o lumilikha ng pagkakabaha-bahagi. Pansinin kung paano tinukoy ni Pablo ang mga taktika ni Satanas. “Walang pinagkakaabalahan, nagpapalipat-lipat.” Sa panahong ito ng makabagong teknolohiya, baka maubos natin ang ating oras at ang oras ng iba, halimbawa, sa pagpapadala ng e-mail o text message na walang katuturan o kung minsan ay hindi pa nga totoo. “Mga tsismosa.” Ang tsismis ay puwedeng mauwi sa paninirang-puri, na madalas ay sanhi ng pagtatalo. (Kaw. 26:20) Alam man ito ng mga maninirang-puri o hindi, tumutulad sila kay Satanas na Diyablo.c “Mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao.” Wala tayong karapatang diktahan ang iba kung ano ang dapat nilang gawin sa kanilang buhay. Ang mga nabanggit na taktika ni Satanas ay makagagambala sa ating atas na pangangaral ng mabuting balita. Kung hihinto tayo sa aktibong pagsuporta sa gawain ni Jehova, magsisimula na tayong sumunod kay Satanas. Pero tandaan, hindi tayo puwedeng mamangka sa dalawang ilog.—Mat. 12:30.
16. Anong payo ang tutulong sa atin para hindi tayo ‘maibaling sa pagsunod kay Satanas’?
16 Ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay tutulong sa atin para hindi tayo ‘maibaling sa pagsunod kay Satanas.’ Isaalang-alang ang ilang praktikal na payo ni Pablo. Maging abala “sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Kung abala tayo sa gawaing pang-Kaharian, wala tayong panahon sa mga bagay na hindi mahalaga at nakapipinsala. (Mat. 6:33) Magsalita ng “mabuti sa ikatitibay.” (Efe. 4:29) Huwag makinig o magkalat ng tsismis.d Magtiwala sa mga kapananampalataya at igalang sila. Sa gayon, mauudyukan tayong magsalita nang nakapagpapatibay sa halip na nakapagpapahina. “Gawing inyong tunguhin [na] asikasuhin ang inyong sariling gawain.” (1 Tes. 4:11) Magpakita ng personal na interes sa iba, pero huwag silang panghimasukan o alisan ng dignidad. Tandaan din na hindi natin dapat igiit ang sarili nating opinyon pagdating sa mga bagay na sila lang ang dapat magpasiya.—Gal. 6:5.
17. (a) Bakit nagbabala si Jehova tungkol sa mga hindi natin dapat sundan? (b) Ano ang dapat nating maging determinasyon?
17 Laking pasasalamat natin na nilinaw sa atin ni Jehova kung ano ang mga hindi natin dapat sundan! Tandaan natin na matinding pag-ibig ang nag-udyok kay Jehova na ibigay ang mga babalang tinalakay natin dito at sa naunang artikulo. Gusto niyang makaiwas tayo sa pagdurusang dulot ng pagsunod sa mapandayang mga ‘karatula’ ni Satanas. Masikip ang daang gusto ni Jehova na tahakin natin, pero ito lang ang daang patungo sa buhay na walang hanggan. (Mat. 7:14) Huwag nawang matinag ang ating determinasyon na sundin ang payo ni Jehova: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”—Isa. 30:21.
[Mga talababa]
a Ang “apostasya” ay ang paglayo sa tunay na pagsamba, isang paghiwalay, pagtalikod, pagrerebelde, pag-iwan.
b Halimbawa, ang apokripal na aklat na Tobit (Tobias), na isinulat noong mga ikatlong siglo B.C.E. at umiiral na noong panahon ni Pablo, ay punô ng pamahiin at kakatwang mga kuwento ng mahika at panggagaway na pinalilitaw na totoo.—Tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, pahina 153.
c Ang Griegong salita na isinaling “diyablo” ay di·aʹbo·los, na nangangahulugang “maninirang-puri.” “Diyablo” ang isang katawagan kay Satanas dahil siya ang kauna-unahang maninirang-puri.—Juan 8:44; Apoc. 12:9, 10.
d Tingnan ang kahong “Nagsasaboy ng Balahibo sa Hangin.”
Ano ang Sagot Mo?
Paano mo masusunod ang babala sa mga tekstong ito?
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 19]
Nagsasaboy ng Balahibo sa Hangin
Ang mga Judio ay may kuwento na nagpapakita ng pinsalang dulot ng pagkakalat ng tsismis. May iba’t ibang bersiyon ito, pero ganito ang takbo ng istorya.
Isang lalaki ang naglibot sa bayan para siraang-puri ang matalinong tao roon. Nang matauhan ang tsismoso, lumapit siya sa matalinong tao para humingi ng tawad, at nangako siyang gagawin ang lahat para makabawi. Pero may kahilingan ang matalinong tao: Sinabihan niya ang tsismoso na kumuha ng unan na may lamang balahibo, hiwain ito, at isaboy ang mga balahibo. Nagtaka ang tsismoso sa ipinagagawa sa kaniya, pero sumunod siya at saka nagbalik sa matalinong tao.
“Pinapatawad n’yo na ba ’ko?” ang tanong ng tsismoso.
“Tipunin mo muna ang lahat ng balahibo,” ang sagot ng matalinong tao.
“Pa’no po? Eh tinangay na ’yon ng hangin.”
“Kung paanong hindi mo na kayang tipunin ang mga balahibo, hindi mo na rin mababawi ang pinsalang dulot ng mga sinabi mo.”
Maliwanag ang aral. Hindi na natin mababawi ang mga salitang binitiwan natin, at baka hindi na natin maremedyuhan ang pinsalang dulot nito. Kaya bago magkalat ng tsismis, makabubuting tandaan na para tayong magsasaboy ng balahibo sa hangin.
[Larawan sa pahina 16]
Paano pinapapasok ng ilan ang mga apostata sa kanilang tahanan?