PAGKASI
Ang kalagayan kapag ang isang tao ay pinakikilos ng espiritung nagmumula sa isa na nakahihigit-sa-tao o kapag ang isang bagay ay ginagawa sa ilalim ng patnubay ng gayong espiritu. Kapag si Jehova ang pinagmulan niyaon, ang resulta ay isang kapahayagan o mga akda na tunay na salita ng Diyos. Sa 2 Timoteo 3:16, sinabi ng apostol na si Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” Ang pariralang “kinasihan ng Diyos” ay isinalin mula sa tambalang salitang Griego na the·oʹpneu·stos, literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.”
Iyon ang kaisa-isang paglitaw sa Kasulatan ng terminong Griegong ito. Malinaw na ipinakikita ng pagkakagamit nito sa talatang iyon na ang Diyos ang Pinagmulan at Maygawa ng Sagradong Kasulatan, ang Bibliya. Ang paglalarawan sa Kasulatan bilang “hiningahan ng Diyos” ay katulad ng pananalitang matatagpuan sa Hebreong Kasulatan sa Awit 33:6: “Sa pamamagitan ng salita ni Jehova ay nalikha ang langit, at ang buong hukbo nila ay sa pamamagitan ng espiritu [o hininga] ng kaniyang bibig.”
Mga Resulta ng Pagkilos ng Espiritu ng Diyos. Kinasihan ang “lahat ng Kasulatan” sa pamamagitan ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. (Tingnan ang ESPIRITU.) Kumilos ang banal na espiritung iyon sa mga tao upang udyukan sila at patnubayan sila sa pagsulat ng mensahe ng Diyos. Kaya naman sinabi ng apostol na si Pedro tungkol sa mga hula ng Bibliya: “Alamin muna ninyo ito, na walang hula ng Kasulatan ang nagmumula sa anumang sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2Pe 1:20, 21) Ipinakikita ng katibayan na ang espiritu ng Diyos ay kumilos sa isip at puso ng lahat ng manunulat ng Bibliya upang akayin sila sa tunguhing nilayon ng Diyos. Sinabi ni Haring David: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay nasa aking dila.” (2Sa 23:2) Nang sipiin ni Jesus ang Awit 110, sinabi niya na isinulat iyon ni David “sa ilalim ng pagkasi [sa literal, sa espiritu].” (Mat 22:43) Ang katulad na ulat naman sa Marcos 12:36 ay nagsasabing “sa pamamagitan ng banal na espiritu.”
Kung paanong pinakilos ng espiritu ni Jehova ang mga tao, o ginawa silang kuwalipikado, upang gampanan ang ibang mga atas mula sa Diyos—paggawa ng mga kasuutan ng mga saserdote at mga kasangkapan para sa tabernakulo (Exo 28:3; 35:30-35), pagganap ng tungkulin ng pangangasiwa (Deu 34:9), pangunguna sa hukbong militar (Huk 3:9, 10; 6:33, 34)—ginabayan din sila nito upang isulat ang Kasulatan. Sa pamamagitan ng espiritung iyon, maaari silang bigyan ng karunungan, unawa, kaalaman, payo, at kapangyarihan, na higit sa karaniwan at ayon sa kanilang partikular na pangangailangan. (Isa 11:2; Mik 3:8; 1Co 12:7, 8) Sinasabing tinanggap ni David ang arkitektural na plano ng templo “sa pamamagitan ng pagkasi [sa literal, sa pamamagitan ng espiritu].” (1Cr 28:12) Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga apostol na tutulungan sila ng espiritu ng Diyos, anupat tuturuan at papatnubayan sila nito, ipaaalaala nito sa kanilang mga pag-iisip ang mga bagay na narinig nila sa kaniya, at isisiwalat nito sa kanila ang mga bagay na mangyayari sa hinaharap. (Ju 14:26; 16:13) Sa gayong paraan, natiyak na ang kanilang mga ulat ng Ebanghelyo, lakip ang marami at mahahabang pagsipi sa mga diskurso ni Jesus, ay totoo at tumpak, kahit ang Ebanghelyo ni Juan na isinulat maraming dekada pagkamatay ni Jesus.
Kinontrol ng “kamay ni Jehova.” Samakatuwid, ang mga manunulat ng Bibliya ay napasailalim ng “kamay” ni Jehova, o ng kapangyarihan niyang pumatnubay at kumontrol. (2Ha 3:15, 16; Eze 3:14, 22) Kung paanong mapangyayari ng “kamay” ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay magsalita o tumahimik sa mga takdang panahon (Eze 3:4, 26, 27; 33:22), magagawa rin nitong pakilusin ang isa upang sumulat o kaya’y pigilan siya; magagawa nitong udyukan ang manunulat na sumulat tungkol sa partikular na mga bagay o pigilan siya na ilakip ang ibang materyal. Sa bawat kaso, ang maisusulat niya ay yaong nais ipasulat ni Jehova.
Kung Paano Pinatnubayan ng Diyos ang mga Manunulat. Gaya ng sinabi ng apostol, “sa maraming paraan” ay nagsalita ang Diyos sa kaniyang mga lingkod bago ang panahong Kristiyano. (Heb 1:1, 2) Sa kaso ng Sampung Utos, o Dekalogo, ang impormasyong inilaan ng Diyos ay nakasulat na, anupat kokopyahin na lamang iyon sa mga balumbon o sa iba pang materyales na ginamit ni Moises. (Exo 31:18; Deu 10:1-5) Sa ibang mga kaso, ang impormasyon ay idinikta nang berbalan at salita-por-salita. Nang ibigay ni Jehova ang malaking kalipunan ng mga kautusan at mga batas ng kaniyang tipan sa Israel, tinagubilinan niya si Moises: “Isulat mo sa ganang iyo ang mga salitang ito.” (Exo 34:27) Kadalasa’y ibinibigay rin sa mga propeta ang espesipikong mga mensahe na ihahatid nila, at ang mga iyon ay itinatala nila sa dakong huli at nagiging bahagi ng Kasulatan.—1Ha 22:14; Jer 1:7; 2:1; 11:1-5; Eze 3:4; 11:5.
Ginamit din ang mga panaginip at mga pangitain upang maghatid ng impormasyon sa mga manunulat ng Bibliya. Sa mga panaginip, na kung minsan ay tinatawag na mga pangitain sa gabi, maliwanag na inilalagay sa isip ng taong natutulog ang isang larawan ng mensahe o layunin ng Diyos. (Dan 2:19; 7:1) Ang mga pangitain namang ibinibigay samantalang may malay ang isa ay mas madalas gamitin upang maitawid sa isip ng manunulat ang mga kaisipan ng Diyos, anupat ang pagsisiwalat ay ikinikintal sa may-malay na isip sa pamamagitan ng mga larawan. (Eze 1:1; Dan 8:1; Apo 9:17) Ang ilang pangitain ay tinanggap habang nasa kawalan ng diwa ang isang tao. Bagaman may malay siya, maliwanag na buhos na buhos ang kaniyang pansin sa pangitaing tinatanggap niya samantalang siya’y nasa kawalan ng diwa anupat wala siyang kaalam-alam sa mga nangyayari sa paligid.—Gaw 10:9-17; 11:5-10; 22:17-21; tingnan ang PANGITAIN.
Sa maraming pagkakataon, mga anghelikong mensahero ang ginamit upang maghatid ng mga mensahe ng Diyos. (Heb 2:2) Kung minsan ay hindi binabanggit sa ulat ang malaking bahaging ginampanan ng gayong mga mensahero sa pagtatawid ng impormasyon. Kaya bagaman ang Kautusang ibinigay kay Moises ay iniulat na sinalita ng Diyos, ipinakita kapuwa nina Esteban at Pablo na ang ginamit ng Diyos sa paghahatid ng legal na kodigong iyon ay mga anghel. (Gaw 7:53; Gal 3:19) Yamang nagsalita ang mga anghel sa pangalan ni Jehova, ang mensaheng binigkas nila ay wastong matatawag na “ang salita ni Jehova.”—Gen 22:11, 12, 15-18; Zac 1:7, 9.
Anuman ang partikular na paraang ginamit sa paghahatid ng mga mensahe, ang lahat ng bahagi ng Kasulatan ay may iisang katangian, anupat lahat ay kinasihan, o “hiningahan ng Diyos.”
Yamang ang mga manunulat ng Bibliya ay nagpakita ng indibiduwalidad sa kanilang pagsulat, kaayon ba ito ng bagay na kinasihan ng Diyos ang Bibliya?
Ipinakikita ng katibayan na ang mga taong ginamit ng Diyos upang sumulat ng Kasulatan ay hindi parang mga robot lamang na basta nagtala ng anumang idinikta sa kanila. Tungkol sa apostol na si Juan, mababasa natin na ang Apocalipsis, na “hiningahan ng Diyos,” ay iniharap sa kaniya “sa mga tanda” sa pamamagitan ng isang anghel, at na pagkatapos nito, si Juan ay “nagpatotoo sa salita na ibinigay ng Diyos at sa patotoo na ibinigay ni Jesu-Kristo, maging sa lahat ng bagay na kaniyang nakita.” (Apo 1:1, 2) “Sa pamamagitan ng pagkasi [sa literal, “sa espiritu”],” si Juan ay ‘dumating sa araw ng Panginoon’ at sinabi sa kaniya: “Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang balumbon.” (Apo 1:10, 11) Samakatuwid, lumilitaw na minabuti ng Diyos na hayaan ang mga manunulat ng Bibliya na gamitin ang kanilang sariling kaisipan sa pagpili ng mga salita at mga ekspresyon upang ilarawan ang mga pangitaing nakita nila (Hab 2:2); kasabay nito, kinokontrol at pinapatnubayan pa rin niya sila upang ang maisulat nila ay hindi lamang tumpak at totoo kundi angkop din sa kaniyang layunin. (Kaw 30:5, 6) Ipinakikita ng pananalita sa Eclesiastes 12:9, 10 na kinailangan ng manunulat ang personal na pagsisikap, yamang kailangan ang pagmumuni-muni, pagsasaliksik, at pagsasaayos upang angkop na maiharap ang “nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan.”—Ihambing ang Luc 1:1-4.
Tiyak na ito ang dahilan kung bakit iba-iba ang istilo ng pagsulat ng indibiduwal na mga manunulat at iba-iba rin ang ginamit nilang mga ekspresyon na maliwanag na nagpabanaag ng kanilang pinagmulan. Maaaring isinaalang-alang ng Diyos ang likas na mga kuwalipikasyon ng mga manunulat nang piliin niya sila para sa kanilang partikular na atas; maaaring patiuna rin niya silang inihanda para sa kaniyang partikular na layunin.
Bilang katibayan ng ganitong indibiduwalidad sa pagsulat, si Mateo, na dating isang maniningil ng buwis, ay gumawa ng maraming espesipikong pagtukoy sa mga numero at mga halaga ng salapi. (Mat 17:27; 26:15; 27:3) Si Lucas, “ang minamahal na manggagamot” (Col 4:14), ay gumamit naman ng natatanging mga pananalita na nagpabanaag ng kaniyang kaalaman sa medisina.—Luc 4:38; 5:12; 16:20.
Kahit sa mga kaso na sinabi ng manunulat na tinanggap niya ang “salita ni Jehova” o ang isang partikular na “kapahayagan,” maaaring inihatid iyon, hindi salita-por-salita, kundi sa pamamagitan ng paglalagay sa isip ng manunulat ng isang larawan ng layunin ng Diyos, na pagkatapos ay ipapahayag niya sa pamamagitan ng mga salita. Ito marahil ang ibig sabihin ng mga manunulat kapag sinasabi nila na kanilang “nakita” (sa halip na “narinig”) “ang kapahayagan” o “ang salita ni Jehova.”—Isa 13:1; Mik 1:1; Hab 1:1; 2:1, 2.
Samakatuwid, ang mga taong ginamit sa pagsulat ng Kasulatan ay nakipagtulungan sa pagkilos ng banal na espiritu ni Jehova. Sila ay naging masunurin at mapagpasakop sa patnubay ng Diyos (Isa 50:4, 5), anupat sabik na malaman ang kalooban at pag-akay ng Diyos. (Isa 26:9) Sa maraming kaso, mayroon silang partikular na mga tunguhin (Luc 1:1-4) o kaya’y tumugon sila sa isang pangangailangan (1Co 1:10, 11; 5:1; 7:1), at pinatnubayan sila ng Diyos upang ang maisulat nila ay tumugma at tumupad sa kaniyang layunin. (Kaw 16:9) Bilang mga taong espirituwal, nakaayon ang kanilang puso at isip sa kalooban ng Diyos, anupat ‘taglay nila ang pag-iisip ni Kristo’ at sa gayo’y hindi basta karunungan ng tao o “pangitain ng kanilang sariling puso” ang isinulat nila, gaya ng ginawa ng mga bulaang propeta.—1Co 2:13-16; Jer 23:16; Eze 13:2, 3, 17.
Maliwanag na ang banal na espiritu ay magkakaroon ng “sari-saring gawain (o, pagkilos)” sa mga manunulat ng Bibliya. (1Co 12:6) Maraming impormasyon noon ang maaari nilang magamit, na ang iba ay nakasulat na, gaya ng mga talaangkanan at mga ulat ng kasaysayan. (Luc 1:3; 3:23-38; Bil 21:14, 15; 1Ha 14:19, 29; 2Ha 15:31; 24:5; tingnan ang AKLAT.) Sa ganitong kaso, kikilos ang espiritu ng Diyos upang tiyakin na walang kamalian ang makapapasok sa Banal na Ulat at upang patnubayan din ang pagpili ng materyal na ilalakip. Maliwanag na hindi lahat ng sinabi ng ibang mga tao na inilakip sa Bibliya nang dakong huli ay kinasihan ng Diyos, ngunit ang pagpili ng materyal na magiging bahagi ng Banal na Kasulatan at ang tumpak na pagtatala niyaon ay pinatnubayan ng banal na espiritu. (Tingnan ang Gen 3:4, 5; Job 42:3; Mat 16:21-23.) Sa ganitong paraan, naingatan ng Diyos sa kaniyang kinasihang Salita ang isang rekord na nagpapakita kung ano ang nangyayari kapag ang mga tao ay nakikinig sa kaniya at kumikilos kaayon ng kaniyang layunin, at kung ano naman ang resulta kapag sila ay nag-iisip, nagsasalita, at gumagawi sa mga paraang nagwawalang-halaga sa Diyos o nagpapamalas ng kawalang-alam sa kaniyang matuwid na mga daan. Sa kabilang dako, ang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng lupa bago nilalang ang tao (Gen 1:1-26), ang mga pangyayari sa langit (Job 1:6-12 at iba pang mga teksto), at ang mga hula, gayundin ang pagsisiwalat sa mga layunin ng Diyos at sa mga doktrina, ay hindi posibleng malaman ng mga tao malibang ihatid ang mga ito ng espiritu ng Diyos sa makahimalang paraan. Tungkol sa pantas na mga kasabihan at payo, bagaman maaaring marami nang natutuhan ang manunulat mula sa kaniyang personal na karanasan sa buhay at maaaring mas marami pa mula sa sarili niyang pag-aaral at pagkakapit niyaong mga bahagi ng Kasulatan na naisulat na, kailangan pa rin ang pagkilos ng espiritu ng Diyos upang matiyak na ang impormasyon ay angkop na maging bahagi ng Salita ng Diyos na “buháy at may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.”—Heb 4:12.
Makikita ito sa pananalita ng apostol na si Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto. Nang magpayo siya hinggil sa pag-aasawa at sa pananatiling walang asawa, binanggit niya: “Ngunit sa iba naman ay sinasabi ko, oo, ako, hindi ang Panginoon . . . ” Gayundin: “Ngayon may kinalaman sa mga birhen ay wala akong utos mula sa Panginoon, kundi ibinibigay ko ang aking opinyon.” At bilang panghuli, may kinalaman sa babaing balo, sinabi niya: “Ngunit siya ay mas maligaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan, ayon sa aking opinyon. Iniisip ko na taglay ko rin naman ang espiritu ng Diyos.” (1Co 7:12, 25, 40) Maliwanag na ang pananalita ni Pablo ay nangangahulugan na wala siyang masisiping tuwirang turo ng Panginoong Jesus hinggil sa ilang partikular na punto. Kaya naman ibinigay ni Pablo ang kaniyang personal na opinyon bilang isang apostol na puspos ng espiritu. Gayunman, ang kaniyang payo ay “hiningahan ng Diyos” at sa gayo’y naging bahagi ng Sagradong Kasulatan, anupat may awtoridad na kapantay niyaong sa iba pang mga Kasulatang iyon.
Malinaw na may pagkakaiba sa pagitan ng kinasihang mga akda ng Bibliya at ng iba pang mga akda na hindi inilakip sa Sagradong Kasulatan bagaman waring kakikitaan ng patnubay ng espiritu. Gaya ng naipakita na, bukod sa kanonikal na mga aklat ng Hebreong Kasulatan, may iba pang mga akda na magagamit noon, gaya ng opisyal na mga rekord tungkol sa mga hari ng Juda at ng Israel, at posibleng humalaw sa mga ito ang mga taong tapat sa Diyos. Ang mga ito ay ginamit pa nga ng mga manunulat na kinasihang sumulat ng ilang bahagi ng Sagradong Kasulatan para sa kanilang pagsasaliksik. Gayundin ang kalagayan noong panahong apostoliko. Bukod sa mga liham na kasama sa kanon ng Bibliya, tiyak na sa paglipas ng mga taon ay marami pang ibang liham ang isinulat ng mga apostol at matatandang lalaki para sa maraming kongregasyon. Bagaman may patnubay ng espiritu ang mga manunulat na iyon, hindi kinilala ng Diyos ang gayong mga akda bilang bahagi ng walang-kamaliang Salita ng Diyos. Ang di-kanonikal na mga akdang Hebreo ay maaaring may ilang pagkakamali, at maging ang di-kanonikal na mga akda ng mga apostol ay maaaring nagpapabanaag ng kanilang di-kumpletong pagkaunawa noong unang mga taon ng kongregasyong Kristiyano. (Ihambing ang Gaw 15:1-32; Gal 2:11-14; Efe 4:11-16.) Gayunman, kung paanong ang Diyos, sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, o aktibong puwersa, ay nagkaloob sa ilang Kristiyano ng “kaunawaan sa kinasihang mga pananalita,” maaari rin niyang patnubayan ang lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano upang makilala kung aling kinasihang mga akda ang dapat isama sa kanon ng Sagradong Kasulatan.—1Co 12:10; tingnan ang KANON.
Pagkilala sa Kasulatan Bilang Kinasihan. Malinaw ang katibayan na ang lahat ng Sagradong Kasulatan, habang unti-unting idinaragdag sa kanon ng Bibliya, ay may-pagkakaisang kinilala ng mga lingkod ng Diyos bilang kinasihan, kabilang na rito si Jesus at ang kaniyang mga apostol. Ang “pagkasi” ay nangangahulugan ng pagsulat ng mga akda na walang pagkakamali at may awtoridad na para bang isinulat ng Diyos mismo. Ito ang dahilan kung bakit maraming beses na kinilala ng mga propetang nakibahagi sa pagsulat ng Hebreong Kasulatan na ang Diyos ang pinagmulan ng kanilang mga mensahe, sa pamamagitan ng pananalitang “Ito ang sinabi ni Jehova,” anupat ginawa nila iyon nang mahigit 300 beses. (Isa 37:33; Jer 2:2; Na 1:12) May-pagtitiwalang sinipi ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang Hebreong Kasulatan bilang sariling salita ng Diyos na sinalita sa pamamagitan ng inatasang mga manunulat, sa gayon ay tiyak na matutupad at maituturing na ultimong awtoridad sa anumang usapin. (Mat 4:4-10; 19:3-6; Luc 24:44-48; Ju 13:18; Gaw 13:33-35; 1Co 15:3, 4; 1Pe 1:16; 2:6-9) Dito masusumpungan ang “mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Ro 3:1, 2; Heb 5:12) Pagkatapos ipaliwanag ni Pablo sa Hebreo 1:1 na ang Diyos ay nagsalita sa Israel sa pamamagitan ng mga propeta, sumipi siya mula sa ilang aklat ng Hebreong Kasulatan, anupat iniharap niya ang mga teksto na para bang sinalita ng Diyos na Jehova mismo. (Heb 1:5-13) Ihambing ang kahawig na pananalita hinggil sa banal na espiritu sa Gawa 1:16; 28:25; Hebreo 3:7; 10:15-17.
Upang ipakita na lubos siyang nananalig na hindi nagkakamali ang Sagradong Kasulatan, sinabi ni Jesus na “hindi mapawawalang-bisa ang Kasulatan” (Ju 10:34, 35) at na “mauuna pang lumipas ang langit at lupa kaysa lumipas sa anumang paraan ang isang pinakamaliit na titik o ang isang katiting na bahagi ng isang titik mula sa Kautusan at hindi maganap ang lahat ng mga bagay.” (Mat 5:18) Sinabi niya sa mga Saduceo na nagkakamali sila hinggil sa pagkabuhay-muli dahil “hindi ninyo alam ang Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos.” (Mat 22:29-32; Mar 12:24) Naging handa siyang magpaaresto at sumailalim sa kamatayan mismo sapagkat batid niyang ito’y sa ikatutupad ng nasusulat na Salita ng Diyos, ang Sagradong Kasulatan.—Mat 26:54; Mar 14:27, 49.
Sabihin pa, ang nabanggit na mga pananalita ay tungkol sa Hebreong Kasulatan bago ang panahong Kristiyano. Ngunit malinaw rin na ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay iniharap at tinanggap bilang kinasihan sa gayunding paraan (1Co 14:37; Gal 1:8, 11, 12; 1Te 2:13), anupat minsan ay tinukoy ng apostol na si Pedro ang mga liham ni Pablo bilang kasama ng iba pang bahagi ng Kasulatan. (2Pe 3:15, 16) Sa gayon, ang buong kalipunan ng Kasulatan ang siyang bumubuo sa nagkakaisa at nagkakasuwatong nasusulat na Salita ng Diyos.—Efe 6:17.
Awtoridad ng mga Kopya at mga Salin. Ang nasusulat na Salita ng Diyos kung gayon ay maituturing na walang anumang kamalian. Totoo ito may kinalaman sa orihinal na mga sulat, na hindi na umiiral sa ngayon. Ang mga kopya ng orihinal na mga sulat na iyon at ang mga salin tungo sa maraming wika ay hindi makapag-aangkin ng ganap na katumpakan. Gayunman, may nakakukumbinsing ebidensiya at matibay na dahilan upang maniwala na ang taglay nating mga manuskrito ng Sagradong Kasulatan ay halos eksaktong mga kopya ng nasusulat na Salita ng Diyos, anupat ang mga puntong kinukuwestiyon ay hindi gaanong nakaaapekto sa kahulugan ng mensaheng itinatawid. Ang mismong layunin ng Diyos sa paghahanda ng Sagradong Kasulatan at ang kinasihang kapahayagan na “ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman” ay nagbibigay ng katiyakan na iningatan ng Diyos na Jehova ang panloob na integridad ng Kasulatan sa paglipas ng maraming siglo.—1Pe 1:25.
Bakit naiiba ang mga pananalitang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga pagsipi nito sa Hebreong Kasulatan?
Sa maraming kaso, maliwanag na ang salin ng Griegong Septuagint ang ginamit ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan kapag sumisipi sila sa Hebreong Kasulatan. Kung minsan, ang pananalita ng Septuagint, ayon sa pagkakasipi nila, ay waring naiiba sa mababasa sa Hebreong Kasulatan na kilala sa ngayon (ang karamihan sa mga salin ngayon ay ibinatay sa Hebreong tekstong Masoretiko na mula pa noong mga ikasampung siglo C.E.). Halimbawa, ang pagsipi ni Pablo sa Awit 40:6 ay may pananalitang “ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin,” isang pananalitang matatagpuan sa Septuagint. (Heb 10:5, 6) Ngunit kahalili ng pananalitang iyan, ang taglay nating mga manuskritong Hebreo ng Awit 40:6 ay kababasahan ng “ang mga tainga kong ito ay binuksan mo.” Hindi matiyak kung ang pariralang matatagpuan sa Septuagint ay nasa orihinal na tekstong Hebreo. Anuman ang naging kalagayan, pinatnubayan ng espiritu ng Diyos si Pablo sa kaniyang pagsipi, at sa gayo’y may pagsang-ayon ng Diyos ang mga salitang iyon. Hindi ito nangangahulugan na ang buong saling Septuagint ay dapat ituring na kinasihan; gayunman, ang mga bahaging sinipi ng kinasihang mga Kristiyanong manunulat ay naging mahalagang bahagi ng Salita ng Diyos.
Sa ilang kaso, ang mga pagsipi ni Pablo at ng iba pa ay naiiba sa mababasa sa taglay nating mga manuskrito kapuwa ng Hebreo at Griegong mga teksto. Gayunman, maliliit lamang ang mga pagkakaiba, at kung susuriin, makikitang ang mga ito’y resulta lamang ng paggamit ng singkahulugang pananalita, paghahalimbawa, o pagdaragdag ng pampalinaw na mga salita o mga parirala. Halimbawa, sa Genesis 2:7, sinasabi na “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy,” samantalang nang sipiin ni Pablo ang bahaging ito, sinabi niya: “Ganito nga ang nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.’” (1Co 15:45) Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga salitang ‘una’ at “Adan,” naidiin niya ang ipinakikita niyang pagkakaiba ni Adan at ni Kristo. Ang idinagdag niya ay lubusang kaayon ng mga katotohanang nakaulat sa Kasulatan at hindi pumilipit sa diwa o nilalaman ng tekstong sinipi. Ang mga sinulatan ni Pablo ay may mga kopya (o mga salin) ng Hebreong Kasulatan na mas matatanda kaysa sa taglay natin sa ngayon at maaari nilang suriin ang kaniyang mga pagsipi, gaya ng ginawa ng mga taga-Berea. (Gaw 17:10, 11) Yamang inilakip ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ang mga akdang iyon sa kanon ng Sagradong Kasulatan, ito’y ebidensiya na tinanggap nila ang gayong mga pagsipi bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos.—Ihambing din ang Zac 13:7 sa Mat 26:31.
“Mga Kinasihang Kapahayagan”—Tunay at Huwad. Ang salitang Griego na pneuʹma (espiritu) ay ginagamit sa pantanging paraan sa ilang akdang apostoliko. Halimbawa, sa 2 Tesalonica 2:2, hinimok ng apostol na si Pablo ang mga kapatid sa Tesalonica na huwag mabagabag o matinag mula sa kanilang katinuan “sa pamamagitan ng kinasihang kapahayagan [sa literal, “espiritu”] o sa pamamagitan ng bibigang mensahe o sa pamamagitan ng liham na para bang mula sa amin, na wari bang ang araw ni Jehova ay narito na.” Maliwanag na ginamit ni Pablo ang salitang pneuʹma (espiritu) may kaugnayan sa mga paraan ng pakikipagtalastasan, gaya ng “bibigang mensahe” o “liham.” Kaya naman sinabi ng Commentary on the Holy Scriptures ni Lange (p. 126) tungkol sa tekstong ito: “Ang tinutukoy rito ng Apostol ay isang espirituwal na pahiwatig, bulaang prediksiyon, pananalita ng isang propeta.” (Isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976) Ang Word Studies in the New Testament ni Vincent ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng espiritu. Sa pamamagitan ng makahulang mga pananalita ng mga indibiduwal sa mga kapulungang Kristiyano, anupat nag-aangking may awtoridad ng mga pagsisiwalat ng Diyos.” (1957, Tomo IV, p. 63) Kaya bagaman ang pneuʹma sa tekstong iyon at sa kahawig na mga kaso ay isinalin lamang na “espiritu” sa ilang salin, ang ibang mga salin ay kababasahan ng “mensahe ng Espiritu” (AT), “prediksiyon” (JB), “pagkasi” (D’Ostervald; Segond [Pranses]), “kinasihang kapahayagan” (NW).
Nililinaw ng mga salita ni Pablo na may tunay na “mga kinasihang kapahayagan,” at mayroon ding huwad. Sa 1 Timoteo 4:1, tinukoy niya ang dalawang uring ito nang sabihin niya na “ang kinasihang pananalita [mula sa banal na espiritu ni Jehova] ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” Ipinakikita nito na ang huwad na “kinasihang mga pananalita” ay nagmumula sa mga demonyo. Sinusuportahan ito ng pangitaing ibinigay sa apostol na si Juan kung saan nakakita siya ng “tatlong maruruming kinasihang kapahayagan” na parang mga palaka na lumalabas sa bibig ng dragon, ng mabangis na hayop, at ng huwad na propeta, anupat espesipiko niyang binanggit na ang mga kapahayagang iyon ay “kinasihan ng mga demonyo,” upang tipunin ang mga hari ng lupa sa digmaan ng Har–Magedon.—Apo 16:13-16.
Dahil dito, hinimok ni Juan ang mga Kristiyano na “subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1Ju 4:1-3; ihambing ang Apo 22:6.) Pagkatapos ay ipinakita niya na ang tunay na mga kinasihang kapahayagan ng Diyos ay dumarating sa pamamagitan ng tunay na kongregasyong Kristiyano, hindi sa pamamagitan ng di-maka-Kristiyano at makasanlibutang mga pinagmulan. Sabihin pa, ang pananalita ni Juan ay kinasihan ng Diyos na Jehova, ngunit bukod pa rito, ang liham ni Juan ay nagsilbing matibay na saligan para sa ganitong tahasang pananalita: “Siya na nagtatamo ng kaalaman sa Diyos ay nakikinig sa atin; siya na hindi nagmumula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa ganitong paraan natin binibigyang-pansin ang kinasihang kapahayagan ng katotohanan at ang kinasihang kapahayagan ng kamalian.” (1Ju 4:6) Hindi ito basta isang dogmatikong opinyon sapagkat ipinakita ni Juan na siya at ang iba pang tunay na mga Kristiyano ay nagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, pangunahin na ang pag-ibig, at pinatunayan nila sa pamamagitan ng kanilang tamang paggawi at tapat na pananalita na sila’y talagang ‘lumalakad sa liwanag’ kaisa ng Diyos.—1Ju 1:5-7; 2:3-6, 9-11, 15-17, 29; 3:1, 2, 6, 9-18, 23, 24; ihambing ang pagkakaiba sa Tit 1:16.