Ano ang Susi sa Tunay na Pagka-Kristiyano?
SA NGAYON, maraming tao ang nag-aangkin ng pagka-Kristiyano kaysa anumang iba pang relihiyon sa daigdig. Ngunit ang mga paniwala ng nag-aangking mga Kristiyanong ito ay nagkakasalu-salungatan, sila’y walang pagkakaisa, at kung minsan sila’y nagpapatayan pa. Maliwanag, marami ang hindi tunay na mga Kristiyano. Sinabi ni Jesus na sa ating kaarawan, marami ang magsasabi sa kaniya, “Panginoon, Panginoon,” sa ibang pananalita, ang mag-aangkin na sila’y Kristiyano, gayunman ay kaniyang sasabihin sa kanila: “Kailanman ay hindi ko kayo nangakilala! Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:21, 23) Tiyak iyan, walang isa man sa atin ang magnanais na mapasa-grupong iyan! Kaya papaano natin malalaman kung tayo nga ay tunay na mga Kristiyano?
Ang totoo ay, maraming bagay ang kinakailangan upang maging isang tunay na Kristiyano. Ang tunay na Kristiyano ay kailangang may matibay na pananampalataya sapagkat “kung walang pananampalataya ay hindi maaaring makalugod na mainam [sa Diyos].” (Hebreo 11:6) Ang matibay na pananampalatayang iyan ay kailangang may kasamang matuwid na mga gawa. Ang alagad na si Santiago ay nagbabala na “ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Isa pa, ang isang Kristiyano ay kailangang kumilala sa autoridad ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ngunit ang susi sa tunay na pagka-Kristiyano ay isang bagay na bukod pa rito.
Ano ba ang susi? Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto: “Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel datapuwat wala akong pag-ibig, ako’y naging isang tumutunog na kapirasong tanso o isang kumakalantog na pompiyang. At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula at maalaman ko ang lahat ng banal na lihim at lahat na kaalaman, at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya na anupa’t mapalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking ari-arian upang pakainin ang iba, at kung ibigay ko ang aking katawan, upang maipagmalaki ko, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang anumang pakikinabangin.”—1 Corinto 13:1-3.
Samakatuwid ang pag-ibig ang susi sa tunay na pagka-Kristiyano. Ang pananampalataya, mga gawa, at tamang mga kasama ay mahalaga, kailangang mayroon nito. Subalit kung walang pag-ibig, ang kanilang halaga ay hindi natatamo. Bakit nga ganiyan?
Sa simpleng pangungusap, dahilan sa uri ng Diyos na ating sinasamba. Tinukoy ni apostol Juan si Jehova, na Diyos ng tunay na pagka-Kristiyano, sa ganitong mga salita: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang Diyos na Jehova ay marami pang mga ibang katangian, tulad baga ng kapangyarihan, katarungan, at karunungan, subalit siya palibhasa higit sa lahat ay isang Diyos ng pag-ibig, anong uri ng mga tao ang nais niyang sumamba sa kaniya? Tiyak, mga tao na tumutulad sa kaniya at nagpapaunlad ng pag-ibig.—Mateo 5:44, 45; 22:37-39.
Isang Tamang Motibo
Oo, ang pag-ibig ang nagtutulak sa mga Kristiyano na tumulad sa Diyos na kanilang sinasamba. Ito’y nangangahulugan na ang kanilang mga motibo ay katulad din ng mga motibo ng Diyos. Ano bang motibo higit sa lahat ang nag-udyok sa Diyos na Jehova na suguin si Jesus sa lupa upang ibigay sa atin ang pagkakataon na magtamo ng buhay na walang-hanggan? Pag-ibig. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat may pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Kung gayon, ano ang dapat na maging motibo natin sa paggawa sa kalooban ng Diyos? Minsan pa, ang pag-ibig. “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos.”—1 Juan 5:3.
Posible ba na maglingkod sa Diyos na taglay ang isang maling motibo? Oo. Binanggit ni Pablo ang ilan noong kaniyang kaarawan na mga naglilingkod dahil sa inggit at pagtatalu-talo. (Filipos 1:15-17) Iyan ay maaaring mangyari sa atin. Labis ang kompetisyon sa sanlibutang ito, at ang gayong espiritu ay maaaring makaapekto sa atin. Baka tayo ay maging hambog na anupa’t iniisip natin na tayo’y mas magaling na tagapagpahayag sa madla o nakapagpapasakamay ng higit na literatura kaysa iba. Baka ihambing natin ang ating mga pribilehiyo sa paglilingkod sa tinatamasa naman ng iba at tayo’y maging mapagbigay-importansya sa sarili—o mainggitin. Ang isang elder ay baka mapanaghiliin dahil sa kaniyang posisyong ginagampanan, hanggang sa sukdulang hadlangan ang isang nakababatang lalaki na may kakayahang sumulong. Ang paghahangad ng personal na kapakinabangan ay baka mag-udyok sa atin na paunlarin ang pakikipagkaibigan sa nakaririwasang mga Kristiyano samantalang ipinagwawalang-bahala naman ang mga dukha.
Ang mga bagay na ito ay maaaring mangyari dahil sa tayo ay hindi sakdal. Gayunman, kung—tulad ni Jehova—ginagawa nating pag-ibig ang pangunahing magpakilos sa atin, paglalabanan natin ang ganiyang mga hilig. Ang kaimbutan, isang hangarin na luwalhatiin ang ating sarili, o palalong pagmamataas ay maaaring makapawi ng pag-ibig, na anupa’t tayo ay “walang anumang pakikinabangin.”—Kawikaan 11:2; 1 Corinto 13:3.
Ang Pag-ibig sa Isang Sanlibutang Mapag-imbot
Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Papaano natin maiiwasan na tayo’y madaig ng impluwensiya ng sanlibutang nakapaligid sa atin? Ang pag-ibig ang tutulong. Halimbawa, sa ngayon ang mga tao ay “mga maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:4) Tayo’y binabalaan ni Juan na huwag tayong maging ganiyan. Sinabi niya: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagkat lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan.”—1 Juan 2:15, 16.
Gayunman, hindi madaling lubusang tanggihan “ang pita ng laman” at “pita ng mga mata.” Ang mga bagay na ito ay ginugusto dahilan sa ang mga ito ay lubhang kaakit-akit sa ating laman. Isa pa, mayroong lalong marami at sari-saring kalayawan na maaaring makamtan sa ngayon kaysa noong kaarawan ni Juan, kaya kung ang pita ng mga mata ay isang suliranin noon, lalong higit ngayon.
Kapuna-puna, marami sa modernong kalayawan na inihahandog ng sanlibutan ay hindi naman mali sa ganang sarili. Walang anumang masama sa pagkakaroon ng isang malaking bahay, isang magandang kotse, isang telebisyon, o isang stereo. Hindi rin lumalabag sa anumang kautusan na nasa Bibliya na magbiyahe nang malayo sa kawili-wiling paglalakbay at magkaroon ng kaiga-igayang mga bakasyon. Ano ba ang punto ng babala ni Juan, kung gayon? Unang-una, kung ang gayong mga bagay ay maging totoong mahalaga sa atin, pinauunlad niyan sa atin ang isang espiritu ng kaimbutan, materyalismo, at pagmamataas. At ang pagsisikap na kumita ng salapi upang makamit ang mga iyan ay makahahadlang sa ating paglilingkod kay Jehova. Kahit na rin ang pagtatamasa ng kaligayahan sa paggamit ng gayong mga bagay ay gumugugol ng panahon, at samantalang ang makatuwirang dami ng paglilibang ay nagdudulot ng ginhawa, ang ating panahon ay limitado, dahilan sa ating obligasyon na mag-aral ng Bibliya, makipagpulong sa mga kapuwa Kristiyano para sa pagsamba, at mangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Awit 1:1-3; Mateo 24:14; 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25.
Sa materyalistikong panahong ito, determinasyon ang kailangan upang ‘magawang unahin muna ang Kaharian’ at huwag ‘gamitin na lubusan ang sanlibutang ito.’ (Mateo 6:33; 1 Corinto 7:31) Ang isang matibay na pananampalataya ay tutulong. Ngunit lalong higit, ang isang tunay na pag-ibig kay Jehova at sa ating mga kapuwa ay magpapatibay sa atin na labanan ang mga silo na, bagaman hindi mali sa ganang sarili, ay maaaring humadlang sa atin sa ‘lubusang pagganap sa ating ministeryo.’ (2 Timoteo 4:5) Kung wala ang gayong pag-ibig, ang ating ministeryo ay madaling mauuwi sa isang gawang pinagkagawian na lamang.
Pag-iibigan sa Kongregasyon
Itinampok ni Jesus ang kahalagahan ng pag-ibig nang kaniyang sabihin: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Bakit gugugol ng napakalaking panahon ang mga matatanda sa pagpapastol at pagtulong sa mga kapuwa Kristiyano kung ang mga ito ay hindi nila iniibig? Bakit titiisin ng kongregasyon ang mga kahinaan ng kanilang mga kapuwa—kasali na ang mga matatanda—kung hindi dahilan sa pag-ibig? Ang pag-ibig ang nagpapakilos sa mga Kristiyano na magtulungan sa isa’t isa sa isang pisikal na paraan pagka kanilang nabalitaan na ang iba ay nasa pangangailangan. (Gawa 2:44, 45) Sa mga panahon ng pag-uusig, ang mga Kristiyano ay nagbibigay ng proteksiyon sa isa’t isa at namamatay pa nga alang-alang sa isa’t isa. Bakit? Dahilan sa pag-ibig.—Juan 15:13.
Kung minsan ang pinakadakilang patotoo ng pag-ibig ay nakikita sa maliliit na bagay. Ang isang matanda, na gipit na dahil sa dinadalang mabigat na pasanin sa trabaho, ay baka lapitan ng isang kapuwa Kristiyano na may reklamo na naman na waring hindi gaanong mahalaga sa matanda. Ang matanda ay dapat bang magalit? Sa halip na ito’y payagang maging isang sanhi ng pagkakabaha-bahagi, siya’y nakikitungo nang may pagtitiis at kabaitan sa kaniyang kapatid. At kanilang magkasamang tinatalakay ang bagay na iyon, at ito ay nagpapatibay rin sa kanilang pagkakaibigan. (Mateo 5:23, 24; 18:15-17) Sa halip na igiit ng bawat isa ang kaniyang mga karapatan, dapat sinisikap ng lahat na pasulungin ang kabaitang ipinayo ni Jesus, ang pagiging handa na patawarin ang kanilang mga kapatid nang “pitumpu’t-pitong ulit.” (Mateo 18:21, 22) Sa gayon, ang mga Kristiyano ay nagsisikap na mabuti na magbihis ng pag-ibig, “sapagkat ito ay isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”—Colosas 3:14.
Pagpapatindi ng Ating Pag-ibig sa Isa’t Isa
Oo, ang pag-ibig ang tamang motibo sa paglilingkod kay Jehova. Ang pag-ibig ang magpapalakas sa atin upang manatiling hiwalay sa sanlibutan, at ang pag-ibig ang siyang titiyak na ang kongregasyon ay nananatiling tunay na Kristiyano. Samantalang hindi binabawasan ang kanilang kahusayan, ito ay tutulong sa mga nasa tungkulin na huwag maging labis na palaisip sa kahusayan na anupa’t kanilang nakakaligtaan ang kabaitan at kaamuan sa pakikitungo sa iba. Ang pag-ibig ang tumutulong sa lahat sa atin upang “maging masunurin sa mga nangunguna . . . at pasakop.”—Hebreo 13:17.
Si apostol Pablo ay nagpayo sa atin na tayo’y magkaroon ng “maningas na pag-ibig” sa isa’t isa sapagkat “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Papaano natin magagawa ito? Ang tao ay nilalang ayon sa wangis ng Diyos at sa gayon may natural na kakayahan na umibig. Subalit ang uri ng pag-ibig na tinutukoy natin dito ay nangangailangan ng isang bagay na bukod pa rito. Sa katunayan, iyon ang pangunahing bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Samakatuwid, upang mapaunlad ang pag-ibig, kailangang ilantad natin ang ating sarili sa espiritu ng Diyos. Papaano? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, na kinasihan ng espiritu ni Jehova. (2 Timoteo 3:16) Sa pamamagitan ng pananalangin na pagkalooban tayo ng espiritu ni Jehova upang mapatibay ang ating pag-ibig kay Jehova at sa ating mga kapatid. At sa pamamagitan ng ating pakikisama sa kongregasyong Kristiyano, na malayang dinadaluyan ng espiritu.
Kailangan ding suriin natin ang ating sarili upang makita kung tayo’y mayroong anumang mga gawa o mga kaisipan na salat sa pag-ibig. Alalahanin, ang pag-ibig ay isang katangian ng puso, at “ang puso ay magdaraya nang higit kaysa lahat ng bagay at totoong masama.” (Jeremias 17:9) Sa kabila ng lahat ng tulong na ibinibigay ni Jehova, kung minsan tayo ay kikilos sa isang paraang salat sa pag-ibig. Baka tayo’y makapagsalita nang napakatalas sa isang kapuwa Kristiyano, o tayo’y baka mangalisag at magdamdam sa isang bagay na sinasabi. Kung gayon, makabubuting maging panalangin natin ang kagaya ng kay David: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang bumabagabag sa akin na mga kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang lakad ng kasamaan, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.”—Awit 139:23, 24.
Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” (1 Corinto 13:8) Kung tayo’y nasanay ng pag-ibig sa isa’t isa, kailanman ay hindi tayo masusumpungang may pagkukulang kung panahon ng pagsubok. Ang pag-ibig na umiiral sa gitna ng bayan ng Diyos ay may malaking nagagawa sa espirituwal na paraiso na umiiral sa ngayon. Tanging iyon lamang matinding nag-iibigan sa isa’t isa buhat sa puso ang makasusumpong ng kaluguran sa pamumuhay sa bagong sanlibutan. Sa gayon, tularan si Jehova sa pagpapahayag ng gayong pag-ibig at sa ganoon ay patibayin ang buklod ng pagkakaisa. Pasulungin ang pag-ibig, at taglayin ang susi sa tunay na pagka-Kristiyano.