Isang Pangangasiwa Para sa Pagtupad sa Layunin ng Diyos
“[Ang Diyos ang] nagpapakilos ng lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban.”—EFESO 1:11.
1. Bakit magtitipon ang lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Abril 12, 2006?
SA Miyerkules ng gabi, Abril 12, 2006, mga 16 na milyon katao ang magtitipon upang ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon. Sa bawat dakong pagtitipunan, may isang mesa kung saan nakalagay ang tinapay na walang lebadura, na lumalarawan sa katawan ni Kristo, at ang pulang alak, na sumasagisag sa kaniyang itinigis na dugo. Bago matapos ang pahayag na nagpapaliwanag sa kahulugan ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus, ang mga emblemang ito—una ang tinapay, at pagkatapos ang alak—ay ipapasa sa lahat ng dumalo. Sa ilang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, isa o higit pa sa mga dadalo ang makikibahagi sa mga emblema. Gayunman, karaniwan na, walang sinuman sa mga dadalo ang makikibahagi. Bakit iilang Kristiyano lamang, yaong mga umaasang mabubuhay sa langit, ang nakikibahagi, samantalang ang karamihan, yaong mga umaasang mabubuhay magpakailanman sa lupa, ay hindi nakikibahagi?
2, 3. (a) Paano lumalang si Jehova ayon sa kaniyang layunin? (b) Sa anong layunin nilalang ni Jehova ang lupa at ang tao?
2 Si Jehova ay isang Diyos ng layunin. Sa pagtupad sa kaniyang layunin, ‘pinakikilos niya ang lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban.’ (Efeso 1:11) Una niyang nilalang ang kaniyang bugtong na Anak. (Juan 1:1, 14; Apocalipsis 3:14) Pagkatapos, sa pamamagitan ng Anak na ito, nilalang ni Jehova ang isang pamilya ng mga espiritung anak at nang maglaon ang pisikal na uniberso, kabilang na ang lupa at ang mga taong naririto.—Job 38:4, 7; Awit 103:19-21; Juan 1:2, 3; Colosas 1:15, 16.
3 Hindi nilalang ni Jehova ang lupa upang dito subukin ang mga tao para malaman kung kuwalipikado silang mapabilang sa kaniyang pamilya ng mga espiritung anak sa langit, gaya ng itinuturo ng maraming relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Nilalang niya ang lupa taglay ang isang tiyak na layunin, upang ito ay “tahanan.” (Isaias 45:18) Nilalang ng Diyos ang lupa para sa tao at ang tao para sa lupa. (Awit 115:16) Ang buong globo ay magiging isang paraiso, punô ng matuwid na mga tao, na siyang magsasaka at mag-iingat dito. Hindi kailanman ibinigay sa unang mag-asawa ang pag-asa na magtutungo sila sa langit sa dakong huli.—Genesis 1:26-28; 2:7, 8, 15.
Hinamon ang Layunin ni Jehova
4. Paano hinamon ang paraan ng pamamahala ni Jehova sa pasimula ng kasaysayan ng tao?
4 Nagrebelde ang isang espiritung anak ng Diyos at determinado siyang biguin ang layunin ni Jehova, anupat inabuso nito ang kaloob ng Diyos na kalayaang magpasiya. Sinira niya ang kapayapaan na tinatamasa ng lahat ng maibiging nagpapasakop sa soberanya ni Jehova. Si Satanas ang umakay sa unang mag-asawa upang tahakin ang isang landasin na hiwalay sa Diyos. (Genesis 3:1-6) Hindi niya ikinaila ang kapangyarihan ni Jehova, ngunit hinamon niya ang Kaniyang paraan ng pamamahala at ang Kaniyang karapatan bilang Soberano. Kaya, bumangon dito sa lupa ang napakahalagang isyu hinggil sa soberanya ni Jehova, sa mismong pasimula ng kasaysayan ng tao.
5. Anong pangalawahing isyu ang ibinangon, at sinu-sino ang nasangkot?
5 May malapit na kaugnayan sa pangunahing isyung iyan ng pansansinukob na soberanya ang pangalawahing isyu na ibinangon ni Satanas noong panahon ni Job. Kinuwestiyon ni Satanas ang motibo ng mga nilalang ni Jehova sa pagpapasakop at paglilingkod sa Kaniya. Ipinahiwatig ni Satanas na ginagawa nila ito dahil sa sakim na mga dahilan at kung malalagay sila sa pagsubok ay tatalikuran nila ang Diyos. (Job 1:7-11; 2:4, 5) Bagaman ang hamong ito ay ibinangon sa isang taong lingkod ni Jehova, kasangkot din sa hamong ito ang mga espiritung anak ng Diyos, maging ang bugtong na Anak ni Jehova.
6. Paano napatunayang tapat si Jehova sa kaniyang layunin at sa kaniyang pangalan?
6 Palibhasa’y tapat sa kaniyang layunin at sa kahulugan ng kaniyang pangalan, ginawa ni Jehova ang kaniyang sarili na isang Propeta at Tagapagligtas.a Sinabi niya kay Satanas: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Sa pamamagitan ng Binhi ng kaniyang “babae,” o ng makalangit na bahagi ng kaniyang organisasyon, sasagutin ni Jehova ang hamon ni Satanas at bibigyan ang mga inapo ni Adan ng pag-asang maligtas at mabuhay.—Roma 5:21; Galacia 4:26, 31.
“Ang Sagradong Lihim ng Kaniyang Kalooban”
7. Anong layunin ang isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ni apostol Pablo?
7 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Efeso, buong-husay na ipinaliwanag ni apostol Pablo kung paano pinangangasiwaan ni Jehova ang mga bagay-bagay upang matupad ang kaniyang layunin. Sumulat si Pablo: “Ipinaalam niya sa atin ang sagradong lihim ng kaniyang kalooban. Ito ay ayon sa kaniyang ikinalulugod na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:9, 10) Ang maluwalhating layunin ni Jehova ay pagkaisahin ang uniberso na tinatahanan ng mga nilalang na maibiging nagpapasakop sa kaniyang soberanya. (Apocalipsis 4:11) Sa gayon ay mapababanal ang Kaniyang pangalan, mapatutunayang sinungaling si Satanas, at matutupad ang kalooban ng Diyos “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
8. Ano ang kahulugan ng salita na isinaling “pangangasiwa”?
8 Matutupad ang “ikinalulugod,” o layunin, ni Jehova sa pamamagitan ng “isang pangangasiwa.” Ginamit ni Pablo ang isang salita na literal na nangangahulugang “pamamahala sa sambahayan.” Ang pananalitang ito ay tumutukoy sa paraan ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay.b Kabilang sa kamangha-manghang paraan ng isasagawang pangangasiwa ni Jehova sa mga bagay-bagay upang matupad ang kaniyang layunin ay ang “sagradong lihim” na unti-unting isisiwalat sa paglipas ng panahon.—Efeso 1:10; 3:9, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
9. Paano unti-unting isiniwalat ni Jehova ang sagradong lihim ng kaniyang kalooban?
9 Sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga tipan, unti-unting isiniwalat ni Jehova kung paano matutupad ang kaniyang layunin may kaugnayan sa Binhi na ipinangako sa Eden. Isiniwalat sa kaniyang tipang pangako kay Abraham na ang ipinangakong Binhi ay darating sa lupa mula sa angkan ni Abraham at ito ang magiging paraan upang ‘pagpalain ng lahat ng bansa sa lupa’ ang kanilang sarili. Ipinahihiwatig din ng tipang iyan na may iba pang makakasama ang pangunahing bahagi ng binhi. (Genesis 22:17, 18) Ang tipang Kautusan na ginawa sa Israel sa laman ay nagsiwalat sa layunin ni Jehova na magkaroon ng “isang kaharian ng mga saserdote.” (Exodo 19:5, 6) Ipinakita ng tipan kay David na ang Binhi ang magiging Ulo ng isang Kaharian hanggang sa panahong walang takda. (2 Samuel 7:12, 13; Awit 89:3, 4) Nang maakay ng tipang Kautusan ang mga Judio tungo sa Mesiyas, isiniwalat ni Jehova ang iba pang mga aspekto ng katuparan ng kaniyang layunin. (Galacia 3:19, 24) Ang mga taong makakasama ng pangunahing bahagi ng binhi ang bubuo ng inihulang “kaharian ng mga saserdote” at dadalhin sa “isang bagong tipan” bilang ang bagong “Israel,” ang espirituwal na Israel.—Jeremias 31:31-34; Hebreo 8:7-9.c
10, 11. (a) Paano isiniwalat ni Jehova ang inihulang Binhi? (b) Bakit bumaba rito sa lupa ang bugtong na Anak ng Diyos?
10 Upang maisagawa ang pangangasiwa sa layunin ng Diyos, dumating ang panahon na kailangan nang bumaba sa lupa ang inihulang Binhi. Isinugo ni Jehova si anghel Gabriel upang sabihin kay Maria na magsisilang siya ng isang anak na lalaki na tatawaging Jesus. Sinabi ng anghel kay Maria: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Sa gayon ay naging maliwanag ang pagkakakilanlan ng ipinangakong Binhi.—Galacia 3:16; 4:4.
11 Kailangang bumaba sa lupa ang bugtong na Anak ni Jehova at masubok nang lubusan. Nasa mga kamay ni Jesus ang ganap na kasagutan sa hamon ni Satanas. Mananatili kaya siyang tapat sa kaniyang Ama? Nasasangkot dito ang isang sagradong lihim. Nang dakong huli, ipinaliwanag ni apostol Pablo ang papel ni Jesus: “Ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyong ito ay kinikilalang dakila: ‘Siya ay nahayag sa laman, ipinahayag na matuwid sa espiritu, nagpakita sa mga anghel, ipinangaral sa gitna ng mga bansa, pinaniwalaan sa sanlibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.’” (1 Timoteo 3:16) Oo, dahil sa kaniyang di-nagmamaliw na katapatan hanggang kamatayan, nakapaglaan si Jesus ng tiyak na kasagutan sa hamon ni Satanas. Ngunit hindi pa naisisiwalat ang ibang detalye ng sagradong lihim.
“Ang Sagradong Lihim ng Kaharian ng Diyos”
12, 13. (a) Ano ang isang aspekto ng “sagradong lihim ng kaharian ng Diyos”? (b) Ano ang kasangkot sa pagpili ni Jehova ng limitadong bilang ng mga tao upang magtungo sa langit?
12 Sa isa sa kaniyang mga paglalakbay sa Galilea upang mangaral, ipinahiwatig ni Jesus na ang sagradong lihim ay may malapit na kaugnayan sa pamahalaan ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng langit [“kaharian ng Diyos,” Marcos 4:11].” (Mateo 13:11) Isang aspekto ng lihim na iyan ang pagpili ni Jehova ng isang “munting kawan” ng 144,000 tao na makakasama ng kaniyang Anak bilang bahagi ng binhi at maghaharing kasama niya sa langit.—Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1, 4.
13 Yamang nilalang ang mga tao upang mabuhay sa lupa, kailangan ang ‘isang bagong paglalang’ ni Jehova upang makapunta sa langit ang ilang tao. (2 Corinto 5:17) Bilang isa sa mga piniling makibahagi sa natatanging makalangit na pag-asang ito, sumulat si apostol Pedro: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat ayon sa kaniyang dakilang awa ay binigyan niya tayo ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana. Ito ay nakataan sa langit para sa inyo.”—1 Pedro 1:3, 4.
14. (a) Paano napabilang ang mga di-Judio sa “sagradong lihim ng kaharian ng Diyos”? (b) Bakit natin nauunawaan ang “malalalim na bagay ng Diyos”?
14 Ang isa pang bahagi ng sagradong lihim na may kaugnayan sa pamahalaan ng Kaharian sa hinaharap ay ang kalooban ng Diyos na isama ang mga di-Judio sa maliit na bilang ng mga tao na tatawagin upang magharing kasama ni Kristo sa langit. Ipinaliwanag ni Pablo ang aspektong ito ng paraan ng “pangangasiwa” ni Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin: “Sa ibang mga salinlahi ang lihim na ito ay hindi ipinaalam sa mga anak ng mga tao gaya ng isiniwalat na ngayon sa kaniyang banal na mga apostol at mga propeta sa pamamagitan ng espiritu, samakatuwid nga, na ang mga tao ng mga bansa ay magiging mga kasamang tagapagmana at mga kasangkap ng katawan at mga kabahagi natin sa pangako kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.” (Efeso 3:5, 6) Ang pagkaunawa sa bahaging ito ng sagradong lihim ay isiniwalat sa “banal na mga apostol.” Gayundin sa ngayon, kung hindi dahil sa tulong ng banal na espiritu, hindi natin mauunawaan ang “malalalim na bagay ng Diyos.”—1 Corinto 2:10; 4:1; Colosas 1:26, 27.
15, 16. Bakit sa sangkatauhan pumili si Jehova ng mga makakasama ni Kristo bilang tagapamahala?
15 “Ang isang daan at apatnapu’t apat na libo” na nakitang nakatayo kasama ng “Kordero” sa makalangit na Bundok Sion ay sinasabing “binili mula sa lupa,” “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero,” si Kristo Jesus. (Apocalipsis 14:1-4) Pinili ni Jehova ang una sa kaniyang makalangit na mga anak upang maging pangunahing bahagi ng binhi na ipinangako sa Eden, ngunit bakit sa sangkatauhan siya pumili ng mga makakasama ni Kristo? Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang limitadong bilang na ito ay ‘tinawag ayon sa layunin ni Jehova,’ “ayon sa ikinalulugod ng kaniyang kalooban.”—Roma 8:17, 28-30; Efeso 1:5, 11; 2 Timoteo 1:9.
16 Layunin ni Jehova na pabanalin ang kaniyang dakila at banal na pangalan at ipagbangong-puri ang kaniyang pansansinukob na soberanya. Sa pamamagitan ng kaniyang walang kahambing na matalinong paraan ng “pangangasiwa” sa mga bagay-bagay, isinugo ni Jehova ang kaniyang panganay na Anak para magtungo rito sa lupa, kung saan sinubok siya nang lubusan. Bukod diyan, ipinasiya ni Jehova na mapabilang sa pamahalaan ng Mesiyanikong Kaharian ng kaniyang Anak ang mga tao na nagtaguyod din sa Kaniyang soberanya hanggang kamatayan.—Efeso 1:8-12; Apocalipsis 2:10, 11.
17. Bakit tayo magagalak na si Kristo at ang kaniyang mga kasamang tagapamahala ay nabuhay bilang mga tao?
17 Ipinakita ni Jehova ang kaniyang matinding pag-ibig sa mga inapo ni Adan sa pamamagitan ng pagsusugo sa kaniyang Anak dito sa lupa at sa pamamagitan ng pagpili mula sa sangkatauhan ng makakasamang mga tagapagmana ng Anak sa pamahalaan ng Kaharian. Paano makikinabang diyan ang iba na napatunayang tapat kay Jehova, mula kay Abel patuloy? Palibhasa’y isinilang na alipin sa kasalanan at kamatayan, ang di-sakdal na mga tao ay kailangang mapagaling sa espirituwal at pisikal at gawing sakdal, kasuwato ng orihinal na layunin ni Jehova para sa sangkatauhan. (Roma 5:12) Kaylaki ngang kaaliwan para sa lahat ng mga umaasang mabuhay nang walang hanggan sa lupa na malamang pagpapakitaan sila ng kanilang Hari ng pag-ibig at mabait na pang-unawa gaya ng ginawa niya sa kaniyang mga alagad noong panahon ng ministeryo niya sa lupa! (Mateo 11:28, 29; Hebreo 2:17, 18; 4:15; 7:25, 26) At napakalaking katiyakan nga para sa kanila na maunawaang ang mga kasamang haring-saserdote ni Kristo sa langit ay mga tao noon na may pananampalataya at nakipagpunyagi mismo sa kanilang mga kahinaan, at naranasan ang mga hamon sa buhay, na gaya ng nararanasan natin!—Roma 7:21-25.
Ang Di-nabibigong Layunin ni Jehova
18, 19. Bakit mas malinaw na sa atin ang mga salita ni Pablo sa Efeso 1:8-11, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Mas nauunawaan na natin ngayon ang kahulugan ng mga salita ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano, na masusumpungan sa Efeso 1:8-11. Sinabi niya na ipinaalam ni Jehova sa kanila “ang sagradong lihim ng kaniyang kalooban,” na “itinakda [sila] bilang mga tagapagmana” kasama ni Kristo, at na “itinalaga [sila] ayon sa layunin niya na nagpapakilos ng lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban.” Nauunawaan natin na tugma ito sa kamangha-manghang “pangangasiwa” ni Jehova sa mga bagay-bagay upang matupad ang kaniyang layunin. Tinutulungan din tayo nito na maunawaan kung bakit iilan lamang sa mga Kristiyano na dumadalo sa Hapunan ng Panginoon ang nakikibahagi sa mga emblema.
19 Sa susunod na artikulo, titingnan natin kung ano ang kahulugan ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa mga Kristiyano na may makalangit na pag-asa. Aalamin din natin kung bakit ang milyun-milyong may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay dapat maging lubhang interesado sa isinasagisag ng Memoryal.
[Mga talababa]
a Ang banal na pangalan ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Maaaring gampanan ni Jehova ang anumang papel na nais niyang gampanan upang matupad ang kaniyang layunin.—Exodo 3:14, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
b Ipinakikita ng mga salita ni Pablo na ang “pangangasiwa” ay nagaganap na noong panahon niya, samantalang ipinahihiwatig ng Kasulatan na ang Mesiyanikong Kaharian ay itinatag lamang noong 1914.
c Para sa detalyadong pagtalakay sa mga tipang ito na nauugnay sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos, tingnan Ang Bantayan, Pebrero 1, 1989, pahina 10-15.
Bilang Repaso
• Bakit nilalang ni Jehova ang lupa at inilagay rito ang tao?
• Bakit kinailangang subukin sa lupa ang bugtong na Anak ni Jehova?
• Bakit sa sangkatauhan pumili si Jehova ng mga makakasama ni Kristo bilang tagapamahala?