ARALING ARTIKULO 36
Armagedon—Isang Magandang Balita!
“Tinipon sila ng mga ito sa . . . Armagedon.”—APOC. 16:16.
AWIT 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas
NILALAMANa
1-2. (a) Bakit magandang balita ang Armagedon para sa sangkatauhan? (b) Ano-anong tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
SINASABI ng mga tao na ang “Armagedon” ay isang digmaang nuklear o pagkagunaw ng mundo. Pero sinasabi ng Bibliya na ang Armagedon ay isang magandang balita na dapat panabikan! (Apoc. 1:3) Hindi pupuksain ng digmaang ito ang sangkatauhan, kundi ililigtas pa nga! Paano?
2 Ipinapakita ng Bibliya na ang digmaan ng Armagedon ay magliligtas sa sangkatauhan dahil tatapusin nito ang pamamahala ng tao. Pupuksain nito ang masasama at iingatan ang mga matuwid. At ililigtas nito ang ating planeta mula sa lubusang pagkasira. (Apoc. 11:18) Para mas maintindihan natin ang mga puntong ito, talakayin natin ang apat na tanong: Ano ang Armagedon? Ano muna ang mangyayari bago ito dumating? Paano tayo makakasama sa mga maliligtas sa Armagedon? Paano tayo makakapanatiling tapat habang papalapit ang Armagedon?
ANO ANG ARMAGEDON?
3. (a) Ano ang kahulugan ng “Armagedon”? (b) Ayon sa Apocalipsis 16:14, 16, bakit natin masasabing hindi literal na lugar ang Armagedon?
3 Basahin ang Apocalipsis 16:14, 16. Ang salitang “Armagedon” ay isang beses lang lumitaw sa Kasulatan, at galing ito sa salitang Hebreo na nangangahulugang “Bundok ng Megido.” (Apoc. 16:16; tlb.) Ang Megido ay isang lunsod noon sa Israel. (Jos. 17:11) Pero ang Armagedon ay hindi tumutukoy sa isang literal na lugar. Partikular itong tumutukoy sa kalagayan kapag nagtipon na ang “mga hari ng buong lupa” laban kay Jehova. (Apoc. 16:14) Pero sa artikulong ito, gagamitin din natin ang salitang “Armagedon” para tumukoy sa digmaang sisiklab pagkatapos na pagkatapos magtipon ang mga hari sa lupa. Paano natin nalaman na ang Armagedon ay isang makasagisag na lugar? Una, walang literal na bundok ng Megido. Ikalawa, ang palibot ng Megido ay napakaliit para magkasya ang “mga hari ng buong lupa” at ang kanilang mga hukbo at sandatang pandigma. Ikatlo, gaya ng makikita natin sa artikulong ito, ang digmaan ng Armagedon ay magsisimula kapag ang “mga hari” ng mga bansa ay lumusob na sa bayan ng Diyos, na nasa iba’t ibang panig ng mundo.
4. Bakit iniugnay ng Diyos sa Megido ang pangwakas na dakilang digmaan?
4 Bakit iniugnay ni Jehova sa Megido ang pangwakas na dakilang digmaan? Maraming digmaang naganap noon sa Megido at sa kalapít nitong Lambak ng Jezreel. May mga pagkakataong tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na manalo sa mga digmaang ito. Halimbawa, “sa tabi ng ilog ng Megido,” tinulungan ng Diyos ang Israelitang hukom na si Barak na talunin ang hukbo ng mga Canaanita na pinamumunuan ni Sisera. Nagpasalamat si Barak at ang propetisang si Debora kay Jehova dahil sa kanilang makahimalang tagumpay. Umawit sila: “Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin . . . kay Sisera. Tinangay sila ng rumaragasang ilog ng Kison.”—Huk. 5:19-21.
5. Ano ang malaking pagkakaiba ng digmaan ng Armagedon at ng digmaan noong panahon ni Barak?
5 Tinapos nina Barak at Debora ang kanilang awit sa pananalitang ito: “Malipol nawa ang lahat ng iyong kaaway, O Jehova, pero ang mga umiibig sa iyo ay maging gaya nawa ng araw na sumisikat nang napakaliwanag.” (Huk. 5:31) Sa Armagedon, mapupuksa rin ang mga kaaway ng Diyos, samantalang maliligtas naman ang mga umiibig sa Diyos. Pero may isang malaking pagkakaiba ang dalawang digmaang ito. Sa Armagedon, hindi makikipaglaban ang bayan ng Diyos. Hindi man lang sila hahawak ng sandata! ‘Magkakaroon sila ng lakas kung mananatili silang panatag at magtitiwala’ kay Jehova at sa kaniyang mga hukbo sa langit.—Isa. 30:15; Apoc. 19:11-15.
6. Paano tatalunin ni Jehova sa Armagedon ang mga kaaway niya?
6 Paano tatalunin ng Diyos sa Armagedon ang mga kaaway niya? Puwede siyang gumamit ng iba’t ibang paraan. Halimbawa, baka gamitin niya ang lindol, graniso, at kidlat. (Job 38:22, 23; Ezek. 38:19-22) Baka paglaban-labanin niya ang kaniyang mga kaaway. (2 Cro. 20:17, 22, 23) At baka gamitin niya ang kaniyang mga anghel para lipulin ang masasama. (Isa. 37:36) Anuman ang gamitin ng Diyos, mananalo siya. Lahat ng kaaway niya ay mapupuksa. At ang lahat ng matuwid ay maliligtas.—Kaw. 3:25, 26.
ANO MUNA ANG MANGYAYARI BAGO ANG ARMAGEDON?
7-8. (a) Ayon sa 1 Tesalonica 5:1-6, anong kakaibang proklamasyon ang gagawin ng mga lider ng mga bansa? (b) Bakit mapanganib ang kasinungalingang ito?
7 Sisigaw muna ng “kapayapaan at katiwasayan” bago ang “araw ni Jehova.” (Basahin ang 1 Tesalonica 5:1-6.) Sa 1 Tesalonica 5:2, ang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:14) Paano natin malalaman kung magsisimula na ang kapighatiang ito? May sinasabi ang Bibliya tungkol sa isang kakaibang proklamasyon. Ito ang magsisilbing hudyat ng malaking kapighatian.
8 Ito ang inihulang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan.” Bakit isisigaw iyan ng mga lider ng mga bansa? Makikibahagi ba ang mga lider ng relihiyon? Posible. Pero ang proklamasyong ito ay isa na namang kasinungalingan mula sa mga demonyo. At mapanganib ito dahil paaasahin nito ang mga tao na magkakaroon ng katiwasayan, pero ang totoo, hudyat na pala ito ng malaking kapighatian. Oo, “biglang darating ang kanilang pagkapuksa, gaya ng kirot na nadarama ng isang babaeng manganganak.” Paano naman ang mga tapat na lingkod ni Jehova? Baka magulat pa rin sila sa biglang pagdating ng araw ni Jehova, pero nakahanda sila.
9. Pupuksain ba ng Diyos ang sanlibutan ni Satanas sa isang pagkakataon lang? Ipaliwanag.
9 Hindi pupuksain ni Jehova ang buong sanlibutan ni Satanas sa isang pagkakataon lang, gaya ng ginawa niya noon sa panahon ni Noe. Sa halip, mangyayari ang pagpuksa sa dalawang yugto. Una, pupuksain niya ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Pagkatapos, sa Armagedon, pupuksain niya ang iba pang bahagi ng sanlibutan ni Satanas, kasama na ang politika, militar, at komersiyo. Talakayin natin ang mga detalye sa dalawang mahahalagang pangyayaring ito.
10. Ayon sa Apocalipsis 17:1, 6 at 18:24, bakit pupuksain ni Jehova ang Babilonyang Dakila?
10 “Ang hatol sa maimpluwensiyang babaeng bayaran.” (Basahin ang Apocalipsis 17:1, 6; 18:24.) Nilapastangan ng Babilonyang Dakila ang pangalan ng Diyos. Nagturo siya ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. Gaya ng imoral na babae, nagtaksil siya kay Jehova nang suportahan niya ang gobyerno ng tao. Ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan at impluwensiya para pagsamantalahan ang mga miyembro niya. At pinadanak niya ang dugo ng marami, kasama na ang mga lingkod ng Diyos. (Apoc. 19:2) Paano pupuksain ni Jehova ang Babilonyang Dakila?
11. Ano ang “kulay-iskarlatang mabangis na hayop,” at paano ito gagamitin ng Diyos laban sa Babilonyang Dakila?
11 Pupuksain ni Jehova ang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” sa pamamagitan ng “10 sungay” ng “kulay-iskarlatang mabangis na hayop.” Ang mabangis na hayop na ito ay kumakatawan sa United Nations. Ang 10 sungay ay kumakatawan sa kasalukuyang mga gobyerno na sumusuporta sa organisasyong ito. Sa takdang panahon ng Diyos, sasalakayin ng mga gobyerno ang Babilonyang Dakila. “Gagawin nila siyang wasak at hubad” sa pamamagitan ng pagsamsam sa kayamanan niya at paglalantad sa kaniyang kasamaan. (Apoc. 17:3, 16) Magugulat ang mga tagasuporta niya sa mabilis na pagkapuksang ito—na parang isang araw lang. Dahil matagal na nitong ipinagyayabang: “Ako ay isang reyna, at hindi ako biyuda, at hindi ako kailanman magdadalamhati.”—Apoc. 18:7, 8.
12. Ano ang hindi hahayaan ni Jehova na gawin ng mga bansa, at bakit?
12 Hindi hahayaan ng Diyos na puksain ng mga bansa ang kaniyang bayan. Ipinagmamalaki nilang taglay nila ang pangalan ng Diyos, at sinunod nila ang kaniyang utos na lumabas sa Babilonyang Dakila. (Gawa 15:16, 17; Apoc. 18:4) Nagsisikap din silang tulungan ang iba na lumabas sa Babilonyang Dakila. Kaya hindi madadamay “sa mga salot niya” ang bayan ni Jehova. Pero masusubok pa rin ang pananampalataya nila.
13. (a) Sino si Gog? (b) Ayon sa Ezekiel 38:2, 8, 9, bakit lulusubin ni Gog ang bayan ng Diyos?
13 Ang paglusob ni Gog. (Basahin ang Ezekiel 38:2, 8, 9.) Matapos mapuksa ang lahat ng huwad na relihiyon, ang bayan ng Diyos na lang ang matitira, gaya ng isang punong nanatiling nakatayo sa kabila ng napakalakas na bagyo. Siyempre, mag-iinit sa galit si Satanas. Kaya gagamit siya ng “maruruming mensahe,” o maling impormasyon mula sa mga demonyo, para udyukan ang koalisyon ng mga bansa na lusubin ang bayan ni Jehova. (Apoc. 16:13, 14) Ang koalisyong ito ay tinatawag na “Gog ng lupain ng Magog.” Kapag nilusob na ng mga bansa ang bayan ni Jehova, magsisimula na ang digmaan ng Armagedon.—Apoc. 16:16.
14. Ano ang malalaman ni Gog?
14 Magtitiwala si Gog sa ‘lakas ng tao’—sa kaniyang hukbong militar. (2 Cro. 32:8) Magtitiwala naman tayo sa ating Diyos, si Jehova. Pero iisipin ng mga bansa na kamangmangan iyon, dahil ang Babilonyang Dakila, na minsang naging makapangyarihan, ay hindi nailigtas ng kaniyang mga diyos mula sa “mabangis na hayop” at sa “10 sungay” nito. (Apoc. 17:16) Kaya aakalain ni Gog na madali siyang magtatagumpay. “Gaya ng mga ulap na tumatakip sa lupain,” lulusubin niya ang bayan ni Jehova. (Ezek. 38:16) Pero hindi niya alam na isang bitag iyon. Gaya ng Paraon sa Dagat na Pula, malalaman ni Gog na si Jehova pala ang kalaban niya.—Ex. 14:1-4; Ezek. 38:3, 4, 18, 21-23.
15. Ano ang gagawin ni Kristo sa Armagedon?
15 Ipagtatanggol ni Kristo at ng kaniyang mga hukbo sa langit ang bayan ng Diyos at dudurugin nila ang hukbo ni Gog. (Apoc. 19:11, 14, 15) Pero ano ang mangyayari sa mortal na kaaway ng Diyos, si Satanas, na nagsinungaling sa mga bansa at nagsulsol sa kanila na lusubin ang bayan ng Diyos sa Armagedon? Siya at ang kaniyang mga demonyo ay ihahagis ni Jesus sa kalaliman, at ikukulong sila roon nang isang libong taon.—Apoc. 20:1-3.
PAANO KA MAKAKALIGTAS SA ARMAGEDON?
16. (a) Paano natin maipapakitang tayo ay “nakakakilala sa Diyos”? (b) Sa Armagedon, ano ang mangyayari sa mga nakakakilala kay Jehova?
16 Baguhan man tayo sa katotohanan o hindi, dapat nating ipakita na tayo ay “nakakakilala sa Diyos” at “sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus” para makaligtas sa Armagedon. (2 Tes. 1:7-9) Kilala natin ang Diyos kung alam natin ang mga gusto, ayaw, at pamantayan niya. Ipinapakita rin nating kilala natin siya kung mahal natin siya at sinusunod at kung ibinibigay natin sa kaniya ang ating bukod-tanging debosyon. (1 Juan 2:3-5; 5:3) Kapag ipinapakita nating kilala natin ang Diyos, ipapakita rin ng Diyos na “kilala niya” tayo, o nalulugod siya sa atin. (1 Cor. 8:3) Kaya ililigtas niya tayo sa Armagedon!
17. Ano ang ibig sabihin ng pagsunod “sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus”?
17 Kasama sa “mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus” ang lahat ng katotohanang itinuro ni Jesus, na nasa Salita ng Diyos. Sinusunod natin ang mabuting balita kapag isinasabuhay natin ito. Ibig sabihin, inuuna natin ang kapakanan ng Kaharian, sumusunod tayo sa matuwid na pamantayan ng Diyos, at ipinapangaral natin ang Kaharian ng Diyos. (Mat. 6:33; 24:14) Kasama rin dito ang pagsuporta natin sa mga pinahirang kapatid ni Kristo habang ginagampanan nila ang mabibigat na atas.—Mat. 25:31-40.
18. Paano susuklian ng mga pinahirang kapatid ni Kristo ang kabaitang ipinakita sa kanila ng “ibang mga tupa”?
18 Malapit nang suklian ng mga pinahirang lingkod ng Diyos ang kabaitang ipinakita sa kanila ng “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Paano? Bago magsimula ang digmaan ng Armagedon, lahat ng 144,000 ay nasa langit na bilang mga imortal na espiritu. Magiging bahagi sila ng mga hukbo sa langit na dudurog kay Gog at poprotekta sa “malaking pulutong” ng bayan ng Diyos. (Apoc. 2:26, 27; 7:9, 10) Kaya isang napakagandang pribilehiyo para sa malaking pulutong na suportahan ang mga pinahirang lingkod ni Jehova habang nandito sila sa lupa!
PAANO TAYO MAKAKAPANATILING TAPAT HABANG PAPALAPIT ANG WAKAS?
19-20. Paano tayo makakapanatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok habang papalapit ang Armagedon?
19 Sa mga huling araw na ito, maraming lingkod ni Jehova ang dumaranas ng mga pagsubok. Pero puwede pa rin tayong maging masaya kahit nagtitiis. (Sant. 1:2-4) Malaking tulong kung magiging matiyaga tayo sa taos-pusong pananalangin. (Luc. 21:36) Dapat din nating pag-aralan ang Salita ng Diyos araw-araw at bulay-bulayin ito, kasama na ang mga kahanga-hangang hula na malapit nang matupad. (Awit 77:12) Kung gagawin natin iyan at makikibahagi tayo nang lubos sa ministeryo, mapapanatili nating buháy ang ating pananampalataya at pag-asa!
20 Isip-isipin kung gaano ka kasaya kapag nawala na ang Babilonyang Dakila at kapag tapos na ang Armagedon! Isip-isipin din kung gaano ka kasaya kapag naipagbangong-puri na ang pangalan at soberanya ng Diyos! (Ezek. 38:23) Kaya ang Armagedon ay magandang balita para sa mga nakakakilala sa Diyos, sumusunod sa kaniyang Anak, at nagtitiis hanggang wakas.—Mat. 24:13.
AWIT 143 Patuloy na Magbantay at Maghintay
a Matagal nang hinihintay ng bayan ni Jehova ang Armagedon. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang Armagedon, kung ano muna ang mangyayari bago ito dumating, at kung paano tayo makakapanatiling tapat habang papalapit ang wakas.
b LARAWAN: Magkakaroon ng malalaking kaganapan sa sanlibutan. Tayo ay (1) makikibahagi sa ministeryo hangga’t posible, (2) patuloy na mag-aaral ng Bibliya, at (3) patuloy na magtitiwala sa proteksiyon ng Diyos.
c LARAWAN: Lumulusob ang mga pulis sa bahay ng isang pamilyang Kristiyano na nagtitiwalang alam ni Jesus at ng mga anghel ang nangyayari.