Armagedon
Kahulugan: Ang Griyegong Har Ma·ge·donʹ, galing sa Hebreo at isinaling “Armagedon” ng maraming tagapagsalin, ay nangangahulugang “Bundok ng Megido,” o “Bundok ng Kapisanan ng mga Hukbo.” Iniuugnay ng Bibliya ang pangalang ito, hindi sa isang nukleyar na pagkawasak, kundi sa dumarating na pansansinukob na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apoc. 16:14, 16) Ang pangalang ito ay tuwirang ikinakapit sa “dako [Griyego, toʹpon; alalaong baga’y, kalagayan o situwasyon]” na kung saan ang makapolitikang mga pinuno ng daigdig ay tinitipon laban kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo. Ang gayong paglaban ay ipakikita sa pamamagitan ng isang pangglobong kilusan laban sa mga lingkod ni Jehova sa lupa, ang nakikitang mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos.
Pahihintulutan ba ang mga tao na wasakin ang lupa sa pamamagitan ng tinatawag ng iba na “termonukleyar na Armagedon”?
Awit 96:10: “Si Jehova mismo ay naging hari. Ang mabungang lupain [Hebreo, te·velʹ; ang lupa, mabunga at natatahanan, ang mapananahanang globo] ay naging matatag din anupa’t hindi ito maaaring mayanig.”
Awit 37:29: “Ang mga matuwid ay magmamana ng lupa at sila’y tatahan dito magpakailanman.”
Apoc. 11:18: “Nangagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong [kay Jehova] sariling poot, at ang itinakdang panahon . . . upang ipahamak mo yaong mga nagpapahamak sa lupa.”
Ano ang Armagedon, ayon sa tinutukoy sa Bibliya?
Apoc. 16:14, 16: “Sila nga’y mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo at nagsisigawa ng mga tanda, at kanilang pinaparoonan ang mga hari sa buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. At sila’y tinipon sa dako na kung tawagin sa Hebreo ay Har-Magedon [Armagedon].”
Ang Armagedon ba’y sa Gitnang Silangan lamang paglalabanan?
Ang mga pinuno at hukbo ng lahat ng bansa ay pipisanin laban sa Diyos
Apoc. 16:14: “Kanilang pinaparoonan ang mga hari sa buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.”
Apoc. 19:19: “Nakita ko ang mabangis na hayop [makapolitikang pamamahala ng tao sa kabuuan] at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo na nangagkakatipong samasama upang makipagdigma laban sa nakasakay sa kabayo at laban sa kaniyang hukbo.”
Jer. 25:33: “At yaong mapapatay ni Jehova sa araw na yaon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”
Ang paggamit ng pangalang Armagedon (Har–Magedon) ay hindi nangangahulugan na ang digmaan ay paglalabanan sa isang literal na Bundok ng Megido
Walang literal na Bundok ng Megido; kundi isa lamang bunton ng lupa na mga 70 piye (21 m) ang taas na siyang kinaroroonan ng mga kagibaan ng sinaunang Megido.
Ang mga hari at hukbong sandatahan ng “buong tinatahanang lupa” ay hindi magkakasiya sa literal na Kapatagan ng Esdraelon, na nasa ibaba ng Megido. Ang kapatagan ay hugis triyanggulo, at 20 milya (32 km) lamang ang haba at 18 milya (29 km) ang lapad sa silangang dulo nito.—The Geography of the Bible (Nueba York, 1957), Denis Baly, p. 148.
Ang pangalan ay angkop dahil sa papel na ginampanan ng Megido sa kasaysayan; ang kapatagan sa ibaba ng Megido ay naging dako ng mahahalagang digmaan
Doon pinangyari ni Jehova ang pagkatalo ni Sisera, pinuno ng hukbong Canaanita, sa kamay ni Hukom Barak.—Huk. 5:19, 20; 4:12-24.
Sinabi ni Thutmose III, paraon ng Ehipto: “Ang pagsakop sa Megido ay katumbas ng pagsakop ng isang libong bayan!”—Ancient Near Eastern Texts Relating to the Old Testament (Princeton, N. J.; 1969), pinamatnugutan ni James Pritchard, p. 237.
Ang pagtukoy sa Megido (na nangangahulugang “Kapisanan ng mga Hukbo”) ay angkop sapagka’t ang Armagedon ay isang pandaigdig na situwasyon na kung saan ang mga hukbo at iba pang tagatangkilik ng mga pinuno ng lahat ng mga bansa ay nasasangkot.
Sino o ano ang malilipol sa Armagedon?
Dan. 2:44: “Ang Diyos sa langit ay magtatayo ng isang kaharian . . . Pagdudurugdurugin at wawakasan nito ang lahat ng mga kahariang ito, at ito lamang ang mananatili magpakailanman.”
Apoc. 19:17, 18: “Nakita kong nakatayo ang isang anghel sa araw, at siya’y sumigaw sa isang malakas na tinig at nagsabi sa lahat ng ibon na nagsisilipad sa himpapawid: ‘Magsiparito kayo, at mangagkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos, upang kayo’y makakain ng laman ng mga hari at ng laman ng mga pinunong militar at ng laman ng mga taong makapangyarihan at ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay doon, at ng laman ng lahat, maging malaya o alipin man at ng maliliit at malalaki.”
1 Juan 2:16, 17: “Lahat ng nangasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mata at ang palalong pagpapasikat ng karangyaan sa buhay—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi sa sanlibutan. Bukod dito, ang sanlibutan ay lumilipas pati na ang pita nito, subali’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”
Apoc. 21:8: “Nguni’t kung tungkol sa mga duwag at yaong mga walang pananampalataya at yaong mga kasuklamsuklam sa kanilang karumihan at mga mamamatay-tao at mga mapakiapid at yaong mga nagsasagawa ng pangkukulam at mga mananamba sa diyus-diyosan at lahat ng mga sinungaling, ang kanilang magiging bahagi ay sa dagatdagatan na nagliliyab sa apoy at asupre. Ito ang ikalawang kamatayan.”
Ang pagkalipol ba’y magiging walang-hanggan?
Mat. 25:46: “Sila [yaong mga tatangging gumawa ng mabuti sa “mga kapatid” ni Kristo] ay pasasa walang-hanggang pagkalipol.”
2 Tes. 1:8, 9: “Yaong mga hindi kumikilala sa Diyos at yaong mga hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. . . . ay tatanggap ng kaparusahan ng walang-hanggang pagkalipol.”
May mga makaliligtas ba?
Zef. 2:3: “Hanapin ninyo si Jehova, kayong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay malilingid kayo sa araw ng galit ni Jehova.”
Roma 10:13: “Lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”
Awit 37:34: “Umasa kay Jehova at ingatan ang kaniyang daan, at itatanghal ka upang iyong ariin ang lupain. Kapag inihiwalay ang masasama, ay iyong makikita.”
Juan 3:16: “Ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”
Apoc. 7:9, 10, 14: “Tumingin ako, at, narito! ang isang malaking pulutong, na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa’t bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng luklukan at sa harapan ng Kordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit; at may mga palma sa kanilang mga kamay. At sila’y nagsisigawan sa malakas na tinig, na nangagsasabi: ‘Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero.’ . . . ‘Ang mga ito’y siyang nagsilabas mula sa malaking kapighatian.’ ”
Ano ang mangyayari sa maliliit na bata sa Armagedon?
Hindi tuwirang sinasagot ng Bibliya ang tanong na ito, at hindi tayo ang magiging hukom. Gayumpaman, ipinakikita ng Bibliya na itinuturing ng Diyos na “banal” ang mga mumunting anak ng tunay na mga Kristiyano. (1 Cor. 7:14) Ipinakikita rin nito na nang lipulin ng Diyos ang mga balakyot sa nakalipas na mga panahon ay kaniya ring nilipol ang kanilang maliliit na anak. (Bil. 16:27, 32; Ezek. 9:6) Hindi gusto ng Diyos na ang sinoman ay mapahamak, kaya nagbibigay siya ngayon ng babala upang makinabang kapuwa ang mga magulang at ang kanilang mga anak. Hindi ba magiging matalino ang mga magulang kung itataguyod nila ang isang landasin na magbubunga ng pagsang-ayon ng Diyos sa kanilang mga anak kapuwa ngayon at sa Armagedon?
Ang paglipol ba sa mga balakyot ay lumalabag sa pag-ibig ng Diyos?
2 Ped. 3:9: “Si Jehova . . . ay matiisin sa inyo sapagka’t hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsipagsisi.”
Luc. 18:7, 8: “Hindi kaya ipaghihiganti ng Diyos ang kaniyang mga pinili na nagsisitawag sa kaniya araw at gabi, sapagka’t siya’y mapagpahinuhod sa kanila? Sinasabi ko sa inyo, sila’y mabilis Niyang ipaghihiganti.”
2 Tes. 1:6: “Matuwid sa bahagi ng Diyos na gantihin ng kapighatian yaong mga pumipighati sa inyo [ang kaniyang mga lingkod].”
Posible ba na kumuha ng neutral na katayuan?
2 Tes. 1:8: “Pinaghihigantihan niya yaong mga [sadyang] hindi kumikilala sa Diyos at yaong mga hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”
Mat. 24:37-39: “Kung paano ang mga araw ni Noe . . . hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, ay gayon din naman ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”
Mat. 12:30: “Ang wala sa panig ko ay laban sa akin, at ang hindi nakikipagtipong kasama ko ay nagsasambulat.”
Ihambing ang Deuteronomio 30:19, 20.
Kaninong impluwensiya ang nagtutulak sa mga bansa sa pandaigdig na kalagayan na hahantong sa pakikidigma laban sa Diyos?
Apoc. 16:13, 14: “Nakakita ako ng tatlong maruruming kinasihang kapahayagan na gaya ng mga palaka na lumalabas sa bibig ng dragon [si Satanas na Diyablo; Apoc. 12:9] at sa bibig ng mabangis na hayop at sa bibig ng bulaang propeta. Sila nga’y mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo at nagsisigawa ng mga tanda, at kanilang pinaparoonan ang mga hari sa buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.”
Ihambing ang Lucas 4:5, 6; 1 Juan 5:19; gayon din ang Gawa 5:38, 39; 2 Cronica 32:1, 16, 17.