Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 7
Ang Ikapitong Kapangyarihang Pandaigdig
Ito ang panghuli sa isang serye ng pitong artikulo sa sunud-sunod na isyu ng “Gumising!” na tumatalakay sa ulat ng Bibliya tungkol sa pitong kapangyarihang pandaigdig. Layunin nito na ipakita na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos at mapagkakatiwalaan at na ang mensahe nito ay isang pag-asa na matatapos na ang pagdurusang dulot ng malupit na pamamahala ng tao.
NABUBUHAY tayo sa isang napakahalagang yugto ng panahon—ang pamamahala ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya. Ito lang ang kapangyarihang inihula na hindi namahala noong panahon ng Bibliya, di-tulad ng unang anim na kapangyarihan na naging bahagi ng ulat ng kasaysayan ng Bibliya. Hinggil sa pitong kapangyarihan, o mga “hari” na ito, inihula ng Bibliya: “May pitong hari: lima ang bumagsak na, isa ang narito, ang isa ay hindi pa dumarating, ngunit pagdating niya ay mananatili siya nang maikling panahon.”a—Apocalipsis 17:10.
Nang isulat ang mga salitang ito, mahigit 1,900 taon na ang nakalilipas, lima sa pitong “hari,” o imperyo, ang “bumagsak na.” Ang mga ito ay ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Ang pananalitang “isa ang narito” ay tumutukoy sa Roma. Pero hindi ito mananatili magpakailanman. Susundan pa ito ng isang imperyo, pero ganito ang sinabi sa hula: “Hindi pa [ito] dumarating.” Bilang katuparan ng hula sa Bibliya, dumating nga ang ikapitong “hari”! Ano ang imperyong ito? Mamamahala ba ito magpakailanman? Kung hindi, paano ito magwawakas? Sinasagot iyan ng Bibliya.
Maaasahang mga Hula
Lumitaw ang ikapitong hari nang ang Inglatera, na nasa hilagang-kanlurang bahagi ng Imperyo ng Roma, ay maging makapangyarihan. Noong dekada ng 1760, ang islang bansang ito ay naging ang Imperyo ng Britanya. Patuloy na yumaman at naging makapangyarihan ang Britanya. Pagsapit ng ika-19 na siglo, ito na ang pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. “Ang Imperyo ng Britanya,” ayon sa isang reperensiya, “ang pinakamalaking imperyo sa daigdig.” Mayroon itong “372 milyong populasyon at mahigit 28 milyong kilometro kuwadrado ang teritoryo nito.”
Pero noong unang digmaang pandaigdig (1914-1918), pumasok ang Britanya sa isang espesyal na kaugnayan sa Estados Unidos, na dating kolonya nito. Ano ang resulta? Ang Imperyo ng Britanya ay naging ang alyansang Anglo-Amerikano, isang tambalan na Ingles ang wika at nananatili hanggang sa ngayon.—Tingnan ang kahong “Isang Napakahalagang Alyansa.”
Ang hula sa Apocalipsis 17:10 ay kaugnay ng isa pang hula sa aklat ng Daniel. Isinulat ni Daniel ang tungkol sa isang “pagkalaki-laking imahen” na nakita ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya sa isang pangitaing ibinigay sa kaniya ng Diyos. (Daniel 2:28, 31-43) Isiniwalat ni Daniel sa hari na ang mga bahagi ng katawan ng imahen ay sumasagisag sa sunud-sunod na pulitikal na imperyong nagsimula sa Babilonya, ang kapangyarihang pandaigdig noong panahong iyon. (Tapós nang mamahala ang Ehipto at Asirya.) Ito ang pinatutunayan ng kasaysayan:
Ang ulo na ginto ay kumakatawan sa Imperyo ng Babilonya.
Ang dibdib at mga bisig na pilak ay lumalarawan sa Medo-Persia.
Ang tiyan at mga hita na tanso ay tumutukoy sa sinaunang Gresya.
Ang mga binti na bakal ay kumakatawan sa Imperyo ng Roma.
Ang mga paa, na pinaghalong bakal at luwad, ay lumalarawan sa mabuway na sistema ng pulitika at lipunan ng mga tao sa panahon ng kapangyarihang pandaigdig na Anglo-Amerikano.
Ayon sa Apocalipsis 17:10, “mananatili [ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig] nang maikling panahon.” Gaano iyon katagal? Paano ito magwawakas? At ano ang mangyayari kapag natapos na ang pamamahala nito? Sinasagot ni Daniel ang mga tanong na ito.
Isang Pag-asang Tiyak na Matutupad
Pagkatapos ilarawan ang nabanggit na imahen, isinulat ni Daniel: “Isang bato [mula sa isang bundok ang natibag] na hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at tinamaan nito ang imahen sa mga paa nitong bakal at hinulmang luwad at dinurog ang mga iyon.” (Daniel 2:34) Ano ang ibig sabihin ng kamangha-manghang pangitaing ito?
Nagpatuloy si Daniel: “Sa mga araw ng mga [huling] haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [sa lupa], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”b (Daniel 2:44, 45) Pansinin ang mahahalagang puntong ito:
1. Ang matagumpay na Kaharian, na isinasagisag ng malaking bato, ay ‘itinatag’ ng Diyos mismo at hindi ng “mga kamay” ng tao. Kaya naman, matatawag itong Kaharian ng Diyos.
2. “Dudurugin” ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pamahalaan ng tao, pati na ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig. Bakit? Lahat ng ito ay tatangging isuko ang kanilang kapangyarihan at makikipaglaban sa Diyos sa pangwakas na digmaan sa makasagisag na lugar na tinatawag na Har–Magedon, o Armagedon. Ipinapakita ng Bibliya na kasali sa digmaang ito ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 16:13, 14, 16.
3. Di-tulad ng panandaliang mga pamahalaan ng tao, kasama na ang pitong kapangyarihang pandaigdig, ang Kaharian ng Diyos ay “hindi magigiba kailanman.” Mamamahala rin ito sa buong lupa.—Daniel 2:35, 44.
Ang pangwakas na paglipol sa mga kalaban ng Diyos ay isang kapana-panabik na katuparan ng hula sa Genesis 3:15, na binanggit sa unang artikulo ng seryeng ito. Dudurugin ni Jesu-Kristo na Binhi ng babae ang makasagisag na serpiyente, si Satanas, at ang binhi nito. (Galacia 3:16) Kasama sa binhi ni Satanas ang lahat ng tao na sumusunod sa kaniyang masasamang gawain at nagtataguyod ng pamamahala ng tao sa halip na pamamahala ng Diyos at ni Kristo.—Awit 2:7-12.
Dahil diyan, may napakahalagang tanong na bumabangon: Kailan mangyayari ang pangwakas na paglipol na iyan? Kailan aalisin ng “bato”—ng Kaharian ng Diyos—ang lahat ng bakas ng pamamahala ng tao? Sinasagot iyan ng Bibliya sa pamamagitan ng isang “tanda” na magiging pagkakakilanlan ng mga huling araw.—Mateo 24:3.
Alamin ang “Tanda”!
Kasama sa tanda ng kawakasan ang mga digmaan sa buong daigdig, “malalakas na lindol,” “mga salot,” at laganap na “kakapusan sa pagkain.” (Lucas 21:10, 11; Mateo 24:7, 8; Marcos 13:8) Kabilang din sa tanda ng “mga huling araw” ang napakasamang moral at espirituwal na kalagayan ng mga tao. (2 Timoteo 3:1-5) Nangyayari na ba ang “lahat ng mga bagay na ito”? (Mateo 24:8) Oo. Kaya naman maraming tao ang natatakot sa hinaharap. Sinabi ng pahayagang The Globe and Mail: “Ang ilan sa pinakarespetadong palaisip sa siyensiya at lipunan ay gumagawa ng nakatatakot na mga prediksiyon tungkol sa katapusan ng sangkatauhan.”
Pero sa isang napakahalagang punto, mali ang mga prediksiyong ito—hindi magwawakas ang mismong sangkatauhan. Sa katunayan, ginagarantiyahan ito ng Kaharian ng Diyos! Nang ibigay ni Jesu-Kristo ang tanda ng kawakasan, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Paano natupad ang hulang ito?
Sa mahigit 230 lupain, ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang Kaharian ng Diyos. Sa katunayan, ang tawag sa kanilang pangunahing magasin ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—ang Jehova ay personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Ang kanilang programa ng pagtuturo ng Bibliya ay tumutulong sa napakaraming indibiduwal at pamilya na baguhin ang kanilang masamang paraan ng pamumuhay at palitan ito ng malinis at mapayapang paggawi na ayon sa mga pamantayan ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Bilang resulta, milyun-milyon sa buong daigdig ang nakatitiyak na poprotektahan sila ng Diyos kapag nakialam na ang kaniyang Kaharian sa mga gawain ng tao.
Makikita nila ang katuparan ng modelong panalangin ni Kristo, na tinatawag ding Panalangin ng Panginoon. Binabanggit doon: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Naisip mo na ba kung ano ang magiging buhay sa lupa kapag ang lahat ng tao ay nagmamahal at sumusunod sa Diyos? Makatutulong sa iyo ang sumusunod na mga teksto para maunawaan kung bakit angkop ang pananalitang ‘mabuting balita.’
Kapag Nangyari Na ang Kalooban ng Diyos sa Lupa . . .
● Magkakaroon ng tunay na kapayapaan, hindi lang pagtigil ng digmaan. “Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.” (Awit 46:8, 9) “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
● Ang lahat ay magkakaroon ng saganang pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
● Ang lahat ay magkakaroon ng sakdal na kalusugan. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
● Ang lahat ay magkakaroon ng komportableng bahay. “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
● Matatapos na ang lahat ng pagdurusa. “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, . . . at papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Gusto mo ba ang mga pangakong iyan? Kung gayon, hinihimok ka ng mga Saksi ni Jehova na mag-aral ng Bibliya para lalo kang makumbinsi na malapit nang magwakas ang malupit na pamumuno ng mga tao sa kanilang kapuwa. Makikita mo rin na makapagtitiwala ka nang lubusan sa Bibliya at na talagang ito ay mula sa Diyos.—2 Timoteo 3:16.c
[Mga talababa]
a Ang mga imperyong iniulat sa Bibliya ay karaniwan nang pinamamahalaan ng isang hari. Kaya naman, madalas tukuyin ang mga imperyong ito bilang “hari,” “kaharian,” o pareho pa nga.—Daniel 8:20-22.
b Para sa higit na impormasyon tungkol sa makalangit na Kaharian ng Diyos, tingnan ang kabanata 8 at 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Para matuto nang higit tungkol sa Bibliya, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, sumulat sa angkop na adres na nasa pahina 5, o pumunta sa Web site na www.watchtower.org.
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
ISANG NAPAKAHALAGANG ALYANSA
Sa isang press conference kasama ang punong ministro ng United Kingdom na si David Cameron noong Hulyo 2010, sinabi ng presidente ng Estados Unidos na si Barack Obama: “Hindi kami magsasawang sabihin ito. Talagang espesyal ang ugnayan ng Estados Unidos at ng United Kingdom. Iisa ang ating pinagmulan. Pareho tayo ng mga simulain. . . . Higit sa lahat, matagumpay ang ating alyansa dahil isinusulong nito ang ating mga kapakanan. . . . Kapag nagtutulungan ang Estados Unidos at United Kingdom, ang ating mga mamamayan—at ang mga mamamayan sa buong daigdig—ay mas tiwasay at mas maunlad. Sa madaling salita, ang Gran Britanya ang pinakamalapít at pinakamalakas na kaalyado ng Estados Unidos.”
[Dayagram sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Babilonya
Medo-Persia
Gresya
Roma
Britanya at Estados Unidos
[Larawan sa pahina 18]
Ipinangangako ng Bibliya na magkakaroon ng tunay na kapayapaan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Time line: Egyptian wall relief and bust of Nero: Photograph taken by courtesy of the British Museum; Persian wall relief: Musée du Louvre, Paris