KABANATA 2
Isinilang sa Langit ang Kaharian
1, 2. Ano ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng daigdig? Bakit hindi nakapagtatakang walang taong nakakita rito?
MAY mga pangyayaring nagpabago sa takbo ng kasaysayan. Ano kaya ang pakiramdam na mabuhay sa gayong panahon? Pero kung sakali ngang nabuhay ka sa panahong iyon, personal mo kayang masasaksihan ang lahat ng pangyayaring nagdulot ng pagbabago? Malamang na hindi. Karamihan ng mga pangyayaring tumuldok sa pamamahala ng mga dating rehimen at naging bahagi ng kasaysayan ay naganap nang lingid sa mata ng publiko—sa mga silid ng trono ng hari, mga silid-pulungan, o sa mga opisina ng gobyerno. Gayunman, milyon-milyong buhay ang naapektuhan ng mga pagbabagong iyon.
2 Kumusta naman ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng daigdig? Milyon-milyong buhay din ang naapektuhan nito. Pero walang taong nakakita rito. Ito ang pagsilang sa langit ng Kaharian ng Diyos, ang matagal nang ipinangakong Mesiyanikong gobyerno na malapit nang tumapos sa masamang sistema ng sanlibutan. (Basahin ang Daniel 2:34, 35, 44, 45.) Dahil hindi nasaksihan ng mga tao ang pagsilang ng Kaharian, iisipin ba nating inilihim ito ni Jehova? O inihanda niya ang kaniyang bayan para sa pagsilang nito? Tingnan natin.
‘Hahawanin ng Aking Mensahero ang Daan sa Harap Ko’
3-5. (a) Sino ang “mensahero ng tipan” na binabanggit sa Malakias 3:1? (b) Ano ang mangyayari bago dumating sa templo ang “mensahero ng tipan”?
3 Noon pa man, nilayon na ni Jehova na ihanda ang kaniyang bayan para sa pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian. Halimbawa, pansinin ang hula sa Malakias 3:1: “Narito! Isinusugo ko ang aking mensahero, at hahawanin niya ang daan sa harap ko. At biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon, na hinahanap ninyo, at ang mensahero ng tipan na siyang kinalulugdan ninyo.”
4 Sa modernong-panahong katuparan, kailan dumating si Jehova, “ang tunay na Panginoon,” para inspeksiyunin ang mga naglilingkod sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo? Ipinaliliwanag ng hula na si Jehova ay kasamang darating ng “mensahero ng tipan.” Sino ito? Walang iba kundi ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo! (Luc. 1:68-73) Bilang ang bagong-luklok na Tagapamahala, iinspeksiyunin niya at dadalisayin ang bayan ng Diyos sa lupa.—1 Ped. 4:17.
5 Sino naman ang isa pang “mensahero” na unang binanggit sa Malakias 3:1? Ang makasagisag na tauhang ito ay lilitaw bago ang pagkanaririto ng Mesiyanikong Hari. Noong mga dekada bago 1914, mayroon bang ‘naghawan ng daan’ para sa Mesiyanikong Hari?
6. Sino ang inihulang “mensahero” na unang dumating para ihanda ang bayan ng Diyos sa mga mangyayari sa hinaharap?
6 Sa publikasyong ito, masasagot natin ang gayong mga tanong habang tinatalakay ang kapana-panabik na kasaysayan ng makabagong-panahong bayan ni Jehova. Makikita sa kasaysayang ito na noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, isang maliit na grupo ng mga tapat ang nangibabaw bilang tanging grupo ng mga tunay na Kristiyano sa gitna ng mga huwad. Nakilala ang grupong iyon bilang mga Estudyante ng Bibliya. Ang mga nangunguna sa kanila—si Charles T. Russell at ang kaniyang mga kasamahan—ay talagang kumilos bilang ang inihulang “mensahero,” na nagbibigay ng espirituwal na mga tagubilin sa bayan ng Diyos at naghahanda sa kanila para sa mga mangyayari sa hinaharap. Talakayin natin ang apat na paraan kung paano kumilos ang “mensahero” na ito.
Pagsamba sa Katotohanan
7, 8. (a) Noong ika-19 na siglo, sino ang naglantad na mali ang turo tungkol sa imortalidad ng kaluluwa? (b) Anong iba pang kasinungalingan ang inilantad ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasamahan?
7 Nananalangin ang mga Estudyante ng Bibliya kapag nag-aaral; nagkakasundo sila sa natututuhan nilang malilinaw na doktrinang nakasalig sa Bibliya, kinokolekta nila ang mga ito, at inilalathala. Sa loob ng maraming siglo, ang Sangkakristiyanuhan ay nabalot ng espirituwal na kadiliman; marami sa mga turo nito ay nag-ugat sa paganismo. Ang isang malinaw na halimbawa ay ang imortalidad ng kaluluwa. Pero noong ika-19 na siglo, sinuri ng ilang taimtim na mga estudyante ng Bibliya ang turong ito at nakita nilang hindi ito nakasalig sa Salita ng Diyos. Sina Henry Grew, George Stetson, at George Storrs ay buong-tapang na sumulat ng mga akda at nagbigay ng mga pahayag na naglalantad sa kasinungalingang ito ni Satanas.a Ang mga akda at pahayag nila ay nagkaroon ng malaking epekto kay C. T. Russell at sa kaniyang mga kasamahan.
8 Nakita ng maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya na ang iba pang turong kaugnay ng imortalidad ng kaluluwa ay nakakalito rin at mali—halimbawa, aakyat sa langit ang lahat ng mabubuting tao o walang-hanggang parurusahan ng Diyos sa impiyerno ang imortal na kaluluwa ng masasamang tao. Ang mga kasinungalingang iyon ay buong-tapang na inilantad ni Russell at ng kaniyang mga kasamahan sa kanilang mga artikulo, aklat, pamplet, tract, at inilathalang mga sermon.
9. Paano inilantad ng Zion’s Watch Tower na mali ang doktrina ng Trinidad?
9 Inilantad din ng mga Estudyante ng Bibliya na mali ang Trinidad, isang doktrina na lubos na iginagalang ng marami. Noong 1887, sinabi ng Zion’s Watch Tower: “Malinaw ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagkakaiba at eksaktong kaugnayan ni Jehova at ng ating Panginoong Jesus.” Sinabi rin sa artikulo na talagang nakapagtataka na “marami ang tumanggap at tumangkilik sa ideya ng tatluhang Diyos—tatlong Diyos sa isang persona, at kasabay nito ay isang Diyos sa tatlong persona. Pinatutunayan lang niyan na napakahimbing ng tulog ng simbahan habang iginagapos siya ng kaaway sa mga maling turo.”
10. Paano nalaman ng Watch Tower na isang mahalagang taon ang 1914?
10 Gaya ng ipinahihiwatig ng buong pamagat nito, ang babasahing Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence ay nakapokus sa mga hula tungkol sa pagkanaririto ni Kristo. Nakita ng mga tapat na pinahirang manunulat nito na ang hula ni Daniel tungkol sa “pitong panahon” ay may kaugnayan sa panahon ng katuparan ng mga layunin ng Diyos hinggil sa Mesiyanikong Kaharian. Noon pa mang dekada ng 1870, tinukoy na nila na magtatapos ang pitong panahon sa taóng 1914. (Dan. 4:25; Luc. 21:24) Bagaman hindi lubusang nauunawaan ng mga kapatid noong panahong iyon kung gaano kahalaga ang taóng 1914, ipinangaral nila ang katotohanang iyan sa Bibliya sa abot ng kanilang makakaya. At hanggang ngayon, dama natin ang epekto ng kanilang pagsisikap.
11, 12. (a) Kanino ibinigay ni Brother Russell ang kapurihan para sa mga itinuro niya? (b) Gaano kahalaga ang pagsisikap ni Russell at ng kaniyang mga kasamahan noong mga dekada bago 1914?
11 Hindi inangkin ni Russell at ng kaniyang tapat na mga kasamahan ang karangalan sa pagkatuklas at pagkaunawa sa mahahalagang espirituwal na katotohanang iyon. Pinapurihan ni Russell ang mga nauna sa kaniya. Higit sa lahat, ibinigay niya ang kapurihan sa Diyos na Jehova, ang isa na nagtuturo sa Kaniyang bayan kung ano ang dapat nilang malaman at kung kailan nila ito dapat malaman. Maliwanag na pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ni Russell at ng kaniyang mga kasamahan na masala ang katotohanan mula sa mga kasinungalingan. Sa paglipas ng mga taon, lalong nakita ang kaibahan nila sa Sangkakristiyanuhan.
12 Talagang kahanga-hanga ang pagsisikap ng mga tapat na lalaking iyon noong mga dekada bago 1914 para itaguyod ang mga doktrinang nakasalig sa Bibliya. Ganito ang sinabi sa Nobyembre 1, 1917, ng The Watch Tower and Herald of Christ’s Presence: “Milyon-milyon sa ngayon ang malaya na sa takot na dulot ng turo ng apoy ng impiyerno at ng iba pang huwad na mga doktrina . . . Tuloy-tuloy ang daloy ng Katotohanan, na nagsimula mahigit apatnapung taon na ang nakalilipas, at patuloy itong dadaloy hanggang sa mapuno nito ang buong lupa; at kung paanong hindi kayang hadlangan ng ordinaryong walis ang pagdaluyong ng dagat, hindi rin kayang hadlangan ng mga kaaway ang paglaganap ng Katotohanan sa buong lupa.”
13, 14. (a) Paano inihanda ng “mensahero” ang daan para sa Mesiyanikong Hari? (b) Ano ang matututuhan natin sa ating mga kapatid noong ika-19 na siglo?
13 Pag-isipan ito: Magiging handa kaya ang bayan ng Diyos sa pasimula ng pagkanaririto ni Kristo kung hindi nila alam ang pagkakaiba ni Jesus at ng kaniyang Ama na si Jehova? Siyempre hindi! Hindi rin sila magiging handa kung iniisip nilang ang imortalidad ay awtomatikong taglay ng lahat ng tao at hindi isang mahalagang kaloob na para lang sa mga pilíng tapat na tagasunod ni Kristo. At hindi rin sila magiging handa kung iniisip nilang walang-hanggang pinarurusahan ng Diyos ang mga tao sa apoy ng impiyerno. Talaga ngang inihanda ng “mensahero” ang daan para sa Mesiyanikong Hari!
14 Kumusta naman tayo sa ngayon? Ano ang matututuhan natin sa ating mga kapatid noong ika-19 na siglo? Gaya nila, dapat din tayong maging masikap sa pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos. (Juan 17:3) Habang nagugutom sa espirituwal ang materyalistikong sanlibutang ito, lalo pa sana tayong manabik sa espirituwal na pagkain!—Basahin ang 1 Timoteo 4:15.
“Lumabas Kayo sa Kaniya, Bayan Ko”
15. Ano ang unti-unting naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya? (Tingnan din ang talababa.)
15 Itinuro ng mga Estudyante ng Bibliya na kailangang humiwalay sa mga relihiyon ng sanlibutan. Noong 1879, may binanggit ang Watch Tower na “simbahan ng Babilonya.” Tinutukoy ba nito ang papa sa Roma? Ang Simbahang Romano Katoliko? Ilang siglo nang sinasabi ng mga Protestante na ang Babilonya, na binabanggit sa hula ng Bibliya, ay tumutukoy sa Simbahang Katoliko. Pero unti-unting naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang lahat ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay bahagi ng modernong-panahong “Babilonya.” Bakit? Dahil lahat ng mga ito ay nagtuturo ng huwad na mga doktrina na natalakay sa nakaraang mga parapo.b Sa paglipas ng panahon, lalong naging deretsahan ang ating mga publikasyon tungkol sa dapat gawin ng tapat-pusong miyembro ng mga simbahan ng Babilonya.
16, 17. (a) Paano hinimok ng Tomo III ng Millennial Dawn at ng Watch Tower ang mga tao na tumiwalag sa huwad na relihiyon? (b) Ano ang nagpahina noon sa puwersa ng babalang ito? (Tingnan ang talababa.)
16 Halimbawa, noong 1891, tinalakay sa Tomo III ng Millennial Dawn ang pagtatakwil ng Diyos sa modernong-panahong Babilonya, at sinabi na ang lahat ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay itinatakwil. Idinagdag pa nito na ang lahat ng “hindi sang-ayon sa huwad na mga doktrina at gawain [ng modernong-panahong Babilonya] ay dapat nang humiwalay rito.”
17 Noong Enero 1900, may payo ang Watch Tower sa mga hindi pa nagpapabura ng kanilang pangalan sa listahan ng mga miyembro ng simbahan ng Sangkakristiyanuhan at nangangatuwiran, “Panig ako sa katotohanan, at bihira naman akong dumalo sa pagtitipon ng ibang relihiyon.” Nagtanong ang artikulo: “Pero tama bang ang isang paa natin ay nasa labas at ang isa naman ay nasa loob ng Babilonya? Ito ba ang pagsunod na hinihiling . . . at nakalulugod at katanggap-tanggap sa Diyos? Siyempre hindi. Siya [ang miyembro ng simbahan] ay hayagang nakipagtipan sa isang denominasyon nang umanib siya rito, at dapat na mamuhay siya ayon sa lahat ng kahilingan ng tipang iyon hanggang sa . . . hayagan niyang itakwil o ipawalang-bisa ang pagiging miyembro niya rito.” Sa paglipas ng mga taon, lalong naging malinaw ang mensaheng iyan.c Dapat putulin ng mga lingkod ni Jehova ang anumang ugnayan nila sa huwad na relihiyon.
18. Bakit kailangang lumabas ang mga tao sa Babilonyang Dakila?
18 Kung hindi regular na nababalaan ang mga tao na lumabas sa Babilonyang Dakila, magkakaroon kaya si Kristo, ang bagong-luklok na Hari, ng isang grupo ng nakahandang pinahirang mga lingkod dito sa lupa? Siyempre hindi, dahil ang mga Kristiyano lang na malaya sa gapos ng Babilonya ang makasasamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Determinado rin ba tayong maging malaya sa huwad na relihiyon? Patuloy nawa nating sundin ang utos: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko”!—Basahin ang Apocalipsis 18:4.
Nagtitipon Para sa Pagsamba
19, 20. Paano pinasigla ng Watch Tower ang bayan ng Diyos na magtipon para sa pagsamba?
19 Itinuro ng mga Estudyante ng Bibliya na ang mga magkakapananampalataya ay dapat magtipon para sa pagsamba, saanman ito posibleng idaos. Para sa mga tunay na Kristiyano, hindi sapat na lumabas lang sa huwad na relihiyon. Napakahalaga ring makibahagi sa tunay na pagsamba. Sa mga unang isyu pa lang ng Watch Tower, pinasigla na nito ang mga mambabasa na magtipon para sa pagsamba. Halimbawa, noong Hulyo 1880, nag-ulat si Brother Russell tungkol sa isang paglalakbay niya bilang tagapagsalita, at sinabi niyang talagang nakapagpapatibay ang mga pagpupulong na iyon na pinuntahan niya. Pagkatapos, pinasigla niya ang mga mambabasa na magpadala ng mga card tungkol sa kanilang pagsulong, at ang ilan sa mga ito ay ilalathala sa Watch Tower. Para saan? “Ipaalam ninyo sa amin . . . kung paano kayo pinagpapala ng Panginoon; kung naipagpapatuloy ninyo ang pagpupulong kasama ang inyong mga kapananampalataya.”
20 Noong 1882, lumabas sa Watch Tower ang artikulong “Assembling Together.” Pinasigla ng artikulong ito ang mga Kristiyano na magdaos ng mga pulong para “patibayin, pasiglahin, at palakasin ang isa’t isa.” Sinabi nito: “Hindi mahalaga kung may edukado o magaling sa inyo. Dalhin ng bawat isa ang kaniyang sariling Bibliya, papel, at lapis, at gamitin nang husto ang Konkordansiya . . . Pumili ng paksa; hingin ang patnubay ng Espiritu para maunawaan ito; pagkatapos ay magbasa, mag-isip, ihambing ang mga teksto sa ibang teksto at siguradong aakayin kayo nito sa katotohanan.”
21. Anong magandang halimbawa sa pagpupulong at pagpapastol ang ipinakita ng kongregasyon sa Allegheny, Pennsylvania?
21 Nasa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A. ang punong-tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya. Doon, nagpakita sila ng mahusay na halimbawa sa pagtitipon bilang pagsunod sa payo sa Hebreo 10:24, 25. (Basahin.) Naalaala ng isang may-edad na kapatid na si Charles Capen ang mga pagpupulong na iyon na dinadaluhan niya noong bata pa siya. Isinulat niya: “Natatandaan ko pa ang isa sa mga tekstong nakapinta sa pader ng assembly hall ng Samahan. ‘Isa lang ang inyong Panginoon, ang Kristo; at kayong lahat ay magkakapatid.’ Nanatiling malinaw sa isip ko ang tekstong iyan—walang nakatataas sa bayan ni Jehova, pantay-pantay ang lahat.” (Mat. 23:8) Naalaala rin ni Brother Capen ang nakapagpapasiglang mga pulong, ang mga pampatibay, at ang mga pagsisikap ni Brother Russell na pastulan ang bawat miyembro ng kongregasyon.
22. Paano tumugon ang mga tapat nang himukin silang daluhan ang mga Kristiyanong pagpupulong? Ano ang matututuhan natin sa kanila?
22 Ang mga tapat ay positibong tumugon sa halimbawang iyon at sa mga ibinigay na tagubilin. Nabuo ang mga kongregasyon sa ibang mga estado, gaya ng Ohio at Michigan, at pagkatapos ay sa buong Hilagang Amerika at sa ibang lupain. Pag-isipan ito: Magiging handa kaya ang mga tapat para sa pagkanaririto ni Kristo kung hindi sila sinanay na sumunod sa payo na magtipon para sa pagsamba? Siyempre hindi! Kumusta naman tayo sa ngayon? Kailangan din nating maging determinado na regular na daluhan ang mga Kristiyanong pagpupulong, at samantalahin ang bawat pagkakataon na magtipon para sa pagsamba at magpatibayan sa isa’t isa.
Nangangaral Nang Masigasig
23. Paano nilinaw ng Watch Tower na ang lahat ng pinahiran ay dapat maging mángangarál ng katotohanan?
23 Itinuro ng mga Estudyante ng Bibliya na ang lahat ng pinahiran ay dapat mangaral ng katotohanan. Noong 1885, sinabi ng Watch Tower: “Huwag na huwag nating kalilimutan na ang bawat pinahiran ay pinahiran para mangaral (Isa. 61:1), tinawag para sa ministeryo.” Ganito naman ang payo sa isang isyu ng Watch Tower noong 1888: “Malinaw ang ating atas . . . Kung babale-walain natin ito at magdadahilan, tayo ay tamad na mga lingkod na hindi karapat-dapat sa mataas na posisyong ipinagkaloob sa atin.”
24, 25. (a) Ano pa ang ginawa ni Russell at ng kaniyang mga kasamahan bukod sa pagpapasigla sa mga tao na mangaral? (b) Paano inilarawan ng isang colporteur ang kaniyang gawain noong hindi pa uso ang mga sasakyan?
24 Hindi lang basta pinasigla ni Brother Russell at ng kaniyang mga kasamahan ang mga tao na mangaral. Naglathala rin sila ng mga tract na pinamagatang Bible Students’ Tracts, na tinawag din nang maglaon na Old Theology Quarterly. Ibinigay ito sa mga mambabasa ng Watch Tower para ipamahagi sa publiko nang walang bayad.
Makabubuting tanungin ang ating sarili, ‘Pangunahin ba sa buhay ko ang gawaing pangangaral?’
25 Ang mga buong-panahong ministro noon ay tinatawag na colporteur. Isa sa kanila si Charles Capen, na nabanggit na. Naalaala niya: “Ginamit ko ang mga mapa na gawa ng United States Government Geological Survey para makubrehan ko ang teritoryo sa Pennsylvania. Makikita sa mapa ang lahat ng daan, kaya posibleng mapuntahan ang bawat sulok ng [Pennsylvania] nang naglalakad lang. Kung minsan, pagkatapos kong maglakbay nang tatlong araw sa mga nayon para kumuha ng mga order para sa mga aklat sa serye ng Studies in the Scriptures, umaarkila ako ng isang kabayo at karwahe para ihatid ang mga order. Madalas akong makitulog sa bahay ng mga magbubukid. Hindi pa uso ang mga sasakyan noong panahong iyon.”
26. (a) Bakit kailangang makibahagi sa pangangaral ang bayan ng Diyos para maging handa sila sa paghahari ni Kristo? (b) Ano-ano ang makabubuting itanong sa ating sarili?
26 Ang gayong mga pagsisikap sa pangangaral ay talagang nangailangan ng lakas ng loob at sigasig. Magiging handa kaya sa paghahari ni Kristo ang mga tunay na Kristiyano kung hindi naituro sa kanila ang kahalagahan ng gawaing pangangaral? Tiyak na hindi! Ang totoo, ang gawaing iyan ay magiging isang napakalinaw na palatandaan ng pagkanaririto ni Kristo. (Mat. 24:14) Kailangang maihanda ang bayan ng Diyos para maging pangunahin sa kanila ang gawaing iyan na nagliligtas-buhay. Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Pangunahin ba sa buhay ko ang gawaing pangangaral? Nagsasakripisyo ba ako para lubos akong makabahagi sa gawaing ito?’
Isinilang ang Kaharian ng Diyos!
27, 28. Ano ang nakita ni apostol Juan sa isang pangitain? Ano ang reaksiyon ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo sa pagsilang ng Kaharian?
27 Sa wakas, sumapit na ang napakahalagang taon ng 1914. Gaya ng natalakay sa pasimula ng kabanatang ito, walang taong nakakita sa maluwalhating mga pangyayari sa langit. Pero sa isang pangitain, ipinakita kay apostol Juan ang mga kaganapang iyan sa makasagisag na paraan. Isipin ito: Nakakita si Juan ng “isang dakilang tanda” sa langit. Ang ‘babae’ ng Diyos—ang kaniyang organisasyon ng mga espiritung nilalang sa langit—ay nagdalang-tao at nagsilang ng isang anak na lalaki. Ang makasagisag na anak na ito ay “magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” Pero nang isilang ito, ang anak ay “inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono.” Isang malakas na tinig sa langit ang nagsabi: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo.”—Apoc. 12:1, 5, 10.
28 Walang dudang ang nakita ni Juan sa pangitain ay ang pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian. Talagang napakaluwalhati ng kaganapang iyon, pero hindi iyon ikinatuwa ng lahat. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay nakipagdigma sa tapat na mga anghel na nasa ilalim ng pamumuno ni Miguel, o Kristo. Ang resulta? “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”—Apoc. 12:7, 9.
29, 30. Pagkasilang ng Mesiyanikong Kaharian, paano nagbago ang kalagayan (a) sa lupa? (b) sa langit?
29 Matagal pa bago 1914, sinabi na ng mga Estudyante ng Bibliya na magsisimula ang isang mapanganib na panahon sa taóng iyon. Pero sila mismo ay walang kaide-ideya kung gaano katindi ang magiging katuparan ng prediksiyong iyon. Gaya ng isiniwalat sa pangitain ni Juan, si Satanas ay magdudulot ng mas malaking kapahamakan sa lipunan ng tao: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apoc. 12:12) Noong 1914, sumiklab ang unang digmaang pandaigdig at nagsimulang matupad sa buong daigdig ang tanda ng pagkanaririto ni Kristo bilang Hari. Nag-umpisa na ang “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay.—2 Tim. 3:1.
30 Pero masaya na sa langit. Hinding-hindi na makababalik doon si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Sinasabi sa ulat ni Juan: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan!” (Apoc. 12:12) Ngayong malinis na ang langit at nailuklok na si Jesus bilang Hari, handa na ang Mesiyanikong Kaharian para kumilos alang-alang sa bayan ng Diyos sa lupa. Ano ang gagawin nito? Gaya ng binanggit sa pasimula ng kabanatang ito, si Kristo, bilang “ang mensahero ng tipan,” ay kikilos muna para dalisayin ang mga lingkod ng Diyos sa lupa. Paano?
Panahon ng Pagsubok
31. Ano ang inihula ni Malakias tungkol sa panahon ng pagdadalisay? Paano natupad ang hulang ito? (Tingnan din ang talababa.)
31 Inihula ni Malakias na hindi magiging madali ang pagdadalisay: “Sino ang makatatagal sa araw ng kaniyang pagdating, at sino ang tatayo kapag nagpakita siya? Sapagkat siya ay magiging gaya ng apoy ng tagapagdalisay at gaya ng lihiya ng mga tagapaglaba.” (Mal. 3:2) Totoong-totoo ang mga salitang iyan! Pasimula noong 1914, ang bayan ng Diyos sa lupa ay napaharap sa sunod-sunod na mga pagsubok at problema. Noong Digmaang Pandaigdig I, maraming Estudyante ng Bibliya ang dumanas ng matinding pag-uusig at ibinilanggo.d
32. Anong kaguluhan ang naganap sa loob ng bayan ng Diyos pagkaraan ng 1916?
32 Nagkaroon din ng kaguluhan sa loob ng organisasyon. Noong 1916, namatay si Brother Russell sa edad na 64. Hindi iyon matanggap ng marami sa bayan ng Diyos. Matindi pala ang paghanga sa kaniya ng ilan. Bagaman ayaw ni Brother Russell ang gayong paghanga, marami ang halos sumamba na sa kaniya. Marami rin ang nag-isip na hindi na magpapatuloy ang pagsisiwalat ng katotohanan ngayong patay na siya. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa pagpapatuloy ng gawain. Ang gayong saloobin ay isa sa mga dahilan ng paglaganap ng apostasya na nagdulot ng pagkakabaha-bahagi sa organisasyon.
33. Paano nasubok ang bayan ng Diyos dahil sa hindi natupad na mga inaasahan?
33 Naging pagsubok din ang hindi natupad na mga inaasahan. Tama ang Watch Tower sa pagsasabing 1914 magtatapos ang mga Panahong Gentil, pero hindi pa lubusang naintindihan ng mga kapatid kung ano ang mangyayari sa taóng iyon. (Luc. 21:24) Inisip nila na sa taóng 1914 dadalhin ni Kristo sa langit ang kaniyang pinahirang uring kasintahang babae para mamahalang kasama niya. Pero hindi iyon nangyari. Noong huling bahagi ng 1917, inihayag ng The Watch Tower na ang 40-taóng panahon ng pag-aani ay matatapos sa tagsibol ng 1918. Pero hindi nagwakas ang gawaing pangangaral. Patuloy itong sumulong kahit pagkalipas ng 1918. Ipinahiwatig ng magasin na tapós na nga ang pag-aani pero may panahon pa ng paghihimalay. Gayunman, marami pa rin ang tumigil sa paglilingkod kay Jehova dahil sa pagkabigo.
34. Anong napakalaking pagsubok ang bumangon noong 1918? Bakit inisip ng Sangkakristiyanuhan na “patay” na ang bayan ng Diyos?
34 Isang napakalaking pagsubok ang bumangon noong 1918. Inaresto si J. F. Rutherford, na humalili kay C. T. Russell sa pangunguna sa bayan ng Diyos, at ang pitong iba pang may-pananagutang brother. Di-makatarungan silang sinentensiyahan ng maraming-taóng pagkabilanggo sa piitang pederal sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Nang mga panahong iyon, parang naparalisa ang gawain ng bayan ng Diyos. Tuwang-tuwa ang maraming klero ng Sangkakristiyanuhan. Inisip nila na ngayong nakabilanggo na ang mga “lider,” nakasara na ang punong-tanggapan sa Brooklyn, at sinasalansang ang gawaing pangangaral sa Amerika at Europa, “patay” na ang salot na mga Estudyante ng Bibliya—hindi na sila banta. (Apoc. 11:3, 7-10) Maling-mali sila!
Panahon ng Pagbangon!
35. Bakit hinayaan ni Jesus na masubok ang kaniyang mga tagasunod? Ano ang ginawa niya para tulungan sila?
35 Hindi alam ng mga kaaway ng katotohanan na talagang hinayaan ni Jesus na masubok ang kaniyang mga tagasunod dahil kumikilos noon si Jehova bilang “tagapagdalisay at tagapaglinis ng pilak.” (Mal. 3:3) Sigurado si Jehova at ang kaniyang Anak na babangon ang mga tapat mula sa matitinding pagsubok bilang mga sinala at dinalisay—mas handa na para maglingkod sa Hari. Pasimula 1919, nagawa ng espiritu ng Diyos ang isang bagay na imposible sa tingin ng mga kaaway ng kaniyang bayan. Ibinangon ang mga tapat! (Apoc. 11:11) Nang panahong iyon, tinupad ni Kristo ang isang mahalagang bahagi ng tanda ng mga huling araw. Inatasan niya “ang tapat at maingat na alipin,” isang maliit na grupo ng pinahirang mga lalaki na mangunguna sa bayan ng Diyos sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon.—Mat. 24:45-47.
36. Ano ang nagpapatunay na bumangon sa espirituwal ang bayan ng Diyos?
36 Pinalaya si Brother Rutherford at ang pitong iba pa noong Marso 26, 1919. Iniskedyul agad ang isang kombensiyon para sa Setyembre. Sinimulan din ang mga plano para maglathala ng isa pang magasin, na tatawaging The Golden Age. Magiging kasamahan ito ng The Watch Tower, at dinisenyo ito para gamitin sa ministeryo sa larangan.e Inilathala rin nang taóng iyon ang unang isyu ng Bulletin, na ngayon ay workbook para sa pulong sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano. Simula’t sapol, naging pampasigla na ito sa ministeryo sa larangan. Mula noong 1919, kitang-kitang binigyan ng higit na priyoridad ang ministeryo sa bahay-bahay.
37. Paano napatunayang di-tapat ang ilan noong mga taon pagkaraan ng 1919?
37 Patuloy na nadalisay ang mga lingkod ni Kristo dahil sa gawaing pangangaral. Hindi masikmura ng mga mapagmataas at arogante ang gayong “hamak” na gawain. Kaya ang mga ayaw makibahagi sa gawain ay humiwalay sa mga tapat. Sa mga taon pagkaraan ng 1919, ang ilang di-tapat na nagkimkim ng sama ng loob ay nanirang-puri at pumanig pa nga sa mga nang-uusig sa mga tapat na lingkod ni Jehova.
38. Ano ang pinatutunayan ng bawat tagumpay ng mga tagasunod ni Kristo sa lupa?
38 Pero sa kabila ng mga pagsalakay na iyon, patuloy na tumatag at sumulong sa espirituwal ang mga tagasunod ni Kristo sa lupa. Ang bawat tagumpay nila mula noon ay nagbibigay sa atin ng matibay na patotoo na namamahala na ang Kaharian ng Diyos! Ang mga tagumpay ng di-sakdal na mga taong iyon laban kay Satanas at sa kaniyang napakasamang sistema ay naging posible lamang dahil sa patuloy na suporta at pagpapala ng Diyos, na inilalaan niya sa pamamagitan ng kaniyang Anak at ng Mesiyanikong Kaharian.—Basahin ang Isaias 54:17.
39, 40. (a) Ano ang magagandang bahagi ng publikasyong ito? (b) Paano ka makikinabang sa pag-aaral ng aklat na ito?
39 Sa susunod na mga kabanata, susuriin natin kung ano na ang naisakatuparan sa lupa ng Kaharian ng Diyos mula nang isilang ito sa langit noong 1914. Tatalakayin sa bawat seksiyon ng aklat na ito ang isang partikular na aspekto ng gawaing pang-Kaharian dito sa lupa. Sa bawat kabanata, isang kahon para sa repaso ang tutulong sa bawat isa na masuri kung gaano katotoo sa atin ang Kaharian. Sa dulong mga kabanata, tatalakayin natin kung ano ang ating maaasahan sa malapit na hinaharap kapag dumating na ang Kaharian para puksain ang masasama at gawing paraiso ang lupa. Paano ka makikinabang sa pag-aaral ng aklat na ito?
40 Gusto ni Satanas na pahinain ang iyong pananampalataya sa Kaharian ng Diyos. Pero gusto ni Jehova na patibayin ang iyong pananampalataya para maprotektahan ka nito at mapanatili kang matatag. (Efe. 6:16) Kaya pinasisigla ka naming pag-aralang mabuti ang publikasyong ito. Laging tanungin ang iyong sarili, ‘Totoo ba sa akin ang Kaharian ng Diyos?’ Habang nagiging mas totoo sa iyo ang Kaharian, mas malamang na manatili kang tapat at aktibong sumusuporta sa Kaharian; sa gayon, mas malamang na buháy ka sa panahon kung kailan makikita ng lahat ng tao na totoo ang Kaharian ng Diyos at namamahala na ito!
a Para sa higit pang impormasyon tungkol kina Grew, Stetson, at Storrs, tingnan ang aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 45-46.
b Nakita ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangangailangang humiwalay sa mga relihiyosong organisasyon na bahagi ng sanlibutan. Pero sa loob ng maraming taon, itinuring pa rin nilang mga kapatid na Kristiyano ang mga indibiduwal na naniniwala sa pantubos at nagsasabing nakaalay sila sa Diyos kahit hindi naman sila mga Estudyante ng Bibliya.
c Ang isang dahilan kung bakit humina ang puwersa ng babalang iyan ay dahil ikinakapit ito noon pangunahin na sa munting kawan ni Kristo na 144,000. Makikita natin sa Kabanata 5 na bago 1935, pinaniniwalaan na bahagi ng “lubhang karamihan,” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9, 10 ng King James Version, ang napakaraming miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at na sila ang bubuo sa pangalawahing uring makalangit bilang gantimpala nila sa pagpanig kay Kristo sa panahon ng kawakasan.
d Noong Setyembre 1920, naglathala ang The Golden Age (Gumising!) ng espesyal na isyu tungkol sa maraming kaso ng pag-uusig sa mga kapatid sa Canada, England, Germany, at Estados Unidos noong panahon ng digmaan. Ang ilan sa mga pag-uusig na ito ay napakabrutal. Kapansin-pansin, noong mga dekada bago ang unang digmaang pandaigdig, halos wala silang naranasang gayong klase ng pag-uusig.
e Sa loob ng maraming taon, ang The Watch Tower ay pangunahin nang inilathala para patibayin ang mga miyembro ng munting kawan.