Kabanata 4
Dumarating si Jesus na May Pampatibay-Loob
1. Kanino sumusulat si Juan, at sino ngayon ang dapat magkaroon ng masidhing interes sa kaniyang mensahe?
DAPAT makapukaw ng masidhing interes ang sumusunod na pangungusap sa bawat miyembro ng mga kongregasyon ng bayan ng Diyos sa ngayon. Ito’y isang serye ng mga mensahe. Ang mga ito ay may partikular na pagkakapit habang papalapit “ang takdang panahon.” (Apocalipsis 1:3) Ang pagbibigay-pansin sa mga kapahayagang iyon ay magdudulot sa atin ng walang-hanggang pakinabang. Sinasabi ng ulat: “Si Juan sa pitong kongregasyon na nasa distrito ng Asia: Magkaroon nawa kayo ng di-sana nararapat na kabaitan at kapayapaan mula sa ‘Isa na ngayon at ang nakaraan at ang darating,’ at mula sa pitong espiritu na nasa harap ng kaniyang trono, at mula kay Jesu-Kristo.”—Apocalipsis 1:4, 5a.
2. (a) Ano ang isinasagisag ng bilang na “pito”? (b) Sa panahon ng araw ng Panginoon, kanino kumakapit ang mga mensahe sa “pitong kongregasyon”?
2 Ang sinusulatan ni Juan dito ay ang “pitong kongregasyon,” at binabanggit sa atin sa dakong huli ng hula ang mga pangalan nito. Madalas banggitin ang bilang na “pito” sa Apocalipsis. Sumasagisag ito sa pagiging ganap, lalung-lalo na may kaugnayan sa mga bagay ng Diyos at sa kaniyang pinahirang kongregasyon. Yamang ang bilang ng mga kongregasyon ng bayan ng Diyos sa buong daigdig ay umabot na nang halos sandaang libo sa panahon ng araw ng Panginoon, makatitiyak tayo na bagaman ang mensahe ay pangunahin nang para sa “pitong kongregasyon” ng mga pinahiran, kapit din ito sa lahat ng kabilang sa bayan ng Diyos sa ngayon. (Apocalipsis 1:10) Oo, may napakahalagang mensahe si Juan para sa lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at sa lahat ng kaugnay rito, saanman sila naroon sa lupa.
3. (a) Ayon sa pagbati ni Juan, saan nagmumula ang “di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan”? (b) Anong pananalita ni apostol Pablo ang katulad ng pagbati ni Juan?
3 “Di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan”—lubhang kanais-nais ang mga ito lalung-lalo na kung alam natin kung kanino nagmumula ang mga ito! Ang “Isa” na pinagmumulan ng mga ito ay ang Soberanong Panginoong Jehova mismo, “ang Haring walang hanggan,” na nabubuhay “mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.” (1 Timoteo 1:17; Awit 90:2) Nasasangkot din dito ang “pitong espiritu,” isang pananalitang nagpapahiwatig ng ganap na pagkilos ng aktibong puwersa, o banal na espiritu, ng Diyos samantalang naghahatid ito ng kaunawaan at pagpapala sa lahat ng nagbibigay-pansin sa hula. Napakahalaga rin ng papel ni “Jesu-Kristo,” na tungkol sa kaniya ay sumulat si Juan nang maglaon: “Puspos siya ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan.” (Juan 1:14) Kaya ang pagbati ni Juan ay katulad din ng mga pananalitang binanggit ni apostol Pablo bilang konklusyon ng kaniyang ikalawang liham sa kongregasyon ng Corinto: “Sumainyo nawang lahat ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo at ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikibahagi sa banal na espiritu.” (2 Corinto 13:14) Maging totoo rin nawa ang mga salitang ito sa bawat isa sa atin na umiibig sa katotohanan ngayon!—Awit 119:97.
“Ang Tapat na Saksi”
4. Paano inilarawan ni Juan si Jesu-Kristo, at bakit angkop na angkop ang mga paglalarawang ito?
4 Kasunod ni Jehova, si Jesus ang pinakamaluwalhating persona sa sansinukob, gaya ng kinikilala ni Juan, nang ilarawan niya si Jesus bilang “‘ang Tapat na Saksi,’ ‘Ang panganay mula sa mga patay,’ at ‘Ang Tagapamahala ng mga hari sa lupa.’” (Apocalipsis 1:5b) Gaya ng buwan sa langit, tiyak na mananatili siyang ang pinakadakilang Saksi sa pagka-Diyos ni Jehova. (Awit 89:37) Pagkatapos makapanatiling tapat hanggang sa kaniyang sakripisyong kamatayan, siya ang kauna-unahan mula sa sangkatauhan na ibinangon tungo sa imortal na buhay bilang espiritu. (Colosas 1:18) At ngayon sa mismong harapan ni Jehova, dinakila siya nang higit kaysa sa lahat ng mga hari sa lupa, palibhasa’y ipinagkaloob sa kaniya ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18; Awit 89:27; 1 Timoteo 6:15) Noong 1914, iniluklok siya bilang Hari upang magpuno sa gitna ng mga bansa sa lupa.—Awit 2:6-9.
5. (a) Paano nagpatuloy si Juan sa pagpapahayag ng pagpapahalaga sa Panginoong Jesu-Kristo? (b) Sinu-sino ang nakikinabang sa pagbibigay ni Jesus ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao, at paano tumanggap ng pantanging pagpapala ang pinahirang mga Kristiyano?
5 Patuloy na ipinahayag ni Juan ang kaniyang pagpapahalaga sa Panginoong Jesu-Kristo sa ganitong marubdob na pananalita: “Sa kaniya na umiibig sa atin at nagkalag sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo—at ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama—oo, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailanman. Amen.” (Apocalipsis 1:5c, 6) Ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang ang mga nananampalataya sa kaniya sa daigdig ng sangkatauhan ay maisauli sa sakdal na buhay. Ikaw, mahal naming mambabasa, ay maaaring mapabilang dito! (Juan 3:16) Subalit isang pantanging pagpapala ang nabuksan para sa pinahirang mga Kristiyano na katulad ni Juan dahil sa sakripisyong kamatayan ni Jesus. Sila’y ipinahahayag na matuwid salig sa haing pantubos ni Jesus. Tinalikuran ng mga kabilang sa munting kawan ang lahat ng pag-asang mabuhay sa lupa, gaya ng ginawa ni Jesus, at inianak sila sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, na may pag-asang buhaying-muli at maglingkod kasama ni Jesu-Kristo sa kaniyang Kaharian bilang mga hari at saserdote. (Lucas 12:32; Roma 8:18; 1 Pedro 2:5; Apocalipsis 20:6) Kaylaking pribilehiyo! Kaya hindi kataka-takang bumulalas si Juan nang buong katiyakan na ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol kay Jesus!
‘Dumarating na Nasa mga Ulap’
6. (a) Ano ang ipinahahayag ni Juan tungkol sa ‘pagdating ni Jesus na nasa mga ulap,’ at anong hula ni Jesus ang malamang na naalaala ni Juan? (b) Paano ‘darating’ si Jesus, at sino sa lupa ang daranas ng matinding pamimighati?
6 Pagkatapos nito, buong-kagalakang ipinahahayag ni Juan: “Narito! Dumarating siya na nasa mga ulap, at makikita siya ng bawat mata, at niyaong mga umulos sa kaniya; at dadagukan ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pamimighati dahil sa kaniya. Oo, Amen.” (Apocalipsis 1:7) Tiyak na naalaala rito ni Juan ang naunang hula ni Jesus hinggil sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Sinabi noon ni Jesus: “Kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay dadagukan ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mateo 24:3, 30) Kaya ‘darating’ si Jesus sa diwa na ibabaling niya ang kaniyang pansin sa paglalapat ng mga hatol ni Jehova sa mga bansa. Napakalaking pagbabago ang idudulot nito sa lupa, at yamang ipinagwawalang-bahala ng “lahat ng mga tribo sa lupa” ang katunayan ng paghahari ni Jesus, tiyak na mararanasan nila ang “galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”—Apocalipsis 19:11-21; Awit 2:2, 3, 8, 9.
7. Paano “makikita” si Jesus ng “bawat mata,” pati na ng mga masuwayin?
7 Noong huling gabi ni Jesus kapiling ang kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Sandali na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” (Juan 14:19) Kung gayon, paano ‘siya makikita ng bawat mata’? Hindi natin dapat asahan na si Jesus ay literal na makikita ng kaniyang mga kaaway, sapagkat pagkatapos umakyat ni Jesus sa langit, sinabi ni apostol Pablo na si Jesus ngayon ay “tumatahan sa di-malapitang liwanag,” at na “walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita” sa kaniya. (1 Timoteo 6:16) Maliwanag na ang ibig sabihin ni Juan sa salitang ‘makita’ ay “maunawaan,” kung paanong maaari din nating makita, o maunawaan, ang di-nakikitang mga katangian ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang paglalang. (Roma 1:20) ‘Dumarating si Jesus na nasa mga ulap’ sa diwa na hindi siya makikita ng literal na mata gaya ng araw kapag natatakpan ito ng mga ulap. Matakpan man ng ulap ang araw sa maghapon, alam nating naroroon lamang iyon dahil sa liwanag sa paligid natin. Sa katulad na paraan, bagaman ang Panginoong Jesus ay hindi nakikita, mahahayag siyang gaya ng ‘isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa kaniya.’ Mapipilitan din ang mga ito na ‘makita siya.’—2 Tesalonica 1:6-8; 2:8.
8. (a) Sino ang “mga umulos sa kaniya” noong 33 C.E., at sino ang mga ito sa ngayon? (b) Yamang wala na sa lupa si Jesus, paano siya maaaring ‘ulusin’ ng mga tao?
8 Si Jesus ay “makikita” rin “niyaong mga umulos sa kaniya.” Sino kaya ang mga ito? Nang patayin si Jesus noong 33 C.E., literal siyang inulos ng mga sundalong Romano. May kasalanan din ang mga Judio sa pagpaslang na iyon, yamang sinabi ni Pedro sa ilan sa kanila noong Pentecostes: “Ginawa siya ng Diyos bilang kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ibinayubay.” (Gawa 2:5-11, 36; ihambing ang Zacarias 12:10; Juan 19:37.) Halos 2,000 taon nang patay ngayon ang mga Romano at Judiong iyon. Kaya ang mga ‘umuulos sa kaniya’ ngayon ay maliwanag na kumakatawan sa mga bansa at mga tao na nagpapamalas ng gayunding pagkapoot kay Jesus noong nakabayubay siya. Wala na rito sa lupa si Jesus. Subalit kapag ang mga mananalansang ay aktibong umuusig sa mga Saksi ni Jehova, na nagpapatotoo hinggil kay Jesus, o kumukunsinti sa gayong pagtrato, para na ring si Jesus ang ‘inuulos’ ng mga mananalansang na ito.—Mateo 25:33, 41-46.
“Ang Alpha at ang Omega”
9. (a) Sino ngayon ang nagsasalita, at ilang ulit niyang ginawa ito sa Apocalipsis? (b) Ano ang ibig sabihin ng pagtukoy ni Jehova sa kaniyang sarili bilang “ang Alpha at ang Omega” at “ang Makapangyarihan-sa-lahat”?
9 At ngayon, himala ng mga himala! Nagsasalita mismo ang Soberanong Panginoong Jehova. Lubhang naaangkop ito bilang paunang salita sa mga pangitain na malapit nang mahayag, yamang siya ang ating Dakilang Tagapagturo at ang talagang Pinagmumulan ng Apocalipsis! (Isaias 30:20) Nagpapahayag ang ating Diyos: “Ako ang Alpha at ang Omega, . . . ang Isa na ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 1:8) Ito ang una sa tatlong pagkakataon sa Apocalipsis kung saan si Jehova mismo ay nagsalita mula sa langit. (Tingnan din ang Apocalipsis 21:5-8; 22:12-15.) Alam na alam ng unang-siglong mga Kristiyano na ang alpha at ang omega ang una at huling titik ng alpabetong Griego. Ang pagtawag ni Jehova sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng dalawang titik na iyon ay nagdiriing walang umiral na Diyos na makapangyarihan-sa-lahat na nauna sa kaniya, at wala nang susunod pa sa kaniya. Matagumpay niyang lulutasin magpakailanman ang isyu hinggil sa pagka-Diyos. Ipagbabangong-puri siya magpakailanman bilang ang iisa at tanging Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at Kataas-taasang Soberano ng lahat ng kaniyang mga nilalang.—Ihambing ang Isaias 46:10; 55:10, 11.
10. (a) Paano ngayon inilalarawan ni Juan ang kaniyang sarili, at saan siya nakabilanggo? (b) Sino ang malamang na nakipagtulungan upang maipadala sa mga kongregasyon ang balumbon na isinulat ni Juan? (c) Paano madalas inilalaan ang espirituwal na pagkain sa ngayon?
10 Nagtitiwala si Juan na mamaniobrahin ni Jehova ang kalalabasan ng mga bagay-bagay nang sabihin niya sa kaniyang mga kapuwa alipin: “Akong si Juan, ang inyong kapatid at kabahagi ninyo sa kapighatian at sa kaharian at sa pagbabata na kasama ni Jesus, ay nasa isla na tinatawag na Patmos dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) Ang may-edad nang si Juan ay bilanggo sa Patmos alang-alang sa mabuting balita, anupat nagbabata ng mga kapighatian kasama ng kaniyang mga kapatid at lubos na umaasang magkakaroon ng bahagi sa darating na Kaharian. Nakikita niya ngayon ang kauna-unahang pangitain sa Apocalipsis. Walang-alinlangang napatibay siya nang husto ng mga pangitaing ito, kung paanong ang uring Juan ay napasisigla rin sa ngayon na makita ang katuparan nito. Hindi natin alam kung paano ipinadala ni Juan sa mga kongregasyon ang balumbon ng Apocalipsis, palibhasa’y nakabilanggo siya nang panahong iyon. (Apocalipsis 1:11; 22:18, 19) Maaaring nakipagtulungan ang mga anghel ni Jehova upang maisagawa ito, kung paanong madalas nilang ipagsanggalang ang tapat na mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa ilalim ng mga pagbabawal at paghihigpit sa ngayon, anupat naparating nila ang napapanahong espirituwal na pagkain sa kanilang mga kapatid na uhaw sa katotohanan.—Awit 34:6, 7.
11. Anong pribilehiyo, na katulad niyaong kay Juan, ang lubhang pinahahalagahan ng uring Juan sa ngayon?
11 Tiyak na gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Juan sa kaniyang pribilehiyo na gamitin ni Jehova bilang Kaniyang alulod ng pakikipagtalastasan sa mga kongregasyon! Sa katulad na paraan, lubhang pinahahalagahan ng uring Juan sa ngayon ang kanilang pribilehiyo na maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” sa sambahayan ng Diyos. (Mateo 24:45) Mapabilang ka nawa sa mga mapatitibay ng espirituwal na paglalaang ito upang makamit mo ang maluwalhating tunguhin na mabuhay magpakailanman!—Kawikaan 3:13-18; Juan 17:3.
[Kahon sa pahina 21]
Pagkuha ng Espirituwal na Pagkain sa Mahihirap na Panahon
Sa mga huling araw na ito, nagtitiis ng napakaraming pag-uusig at kagipitan ang mga Saksi ni Jehova, kaya napakahalagang tumanggap sila ng espirituwal na pagkain upang manatiling matibay ang kanilang pananampalataya. Kadalasan, ang sapat na panustos ay nailalaan sa pamamagitan ng namumukod-tanging mga pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova.
Halimbawa, sa Alemanya sa ilalim ni Hitler, ang mga Saksi ay gumamit ng mimyograp at namahagi ng mga kopya ng Ang Bantayan, bagaman opisyal na ipinagbabawal ito ng malulupit na tagapamahalang Nazi. Sa Hamburg, nilusob ng Gestapo ang isang bahay kung saan ginagawa ang pagmimimyograp. Maliit lamang ang bahay at walang ligtas na lugar na mapagtataguan ng anumang bagay. Ang makinilya ay itinago sa loob ng paminggalan at ang malaking mimyograp naman sa kahon ng patatas sa silong ng bahay. Bukod dito, may maleta sa likuran ng kahon na punung-puno ng magasin! Imposibleng hindi ito makita. Subalit ano ang nangyari? Nang buksan ng opisyal ang paminggalan, hindi niya napansin ang makinilya. At sa silong naman, ganito ang iniulat ng may-bahay: “Nakatayo sa gitna ng silid ang tatlong opisyal, maniwala kayo, sa harap mismo ng kahon at ng maletang punô ng mga Bantayan. Subalit waring walang isa man sa kanila ang nakapansin nito; para bang bigla silang nabulag.” Dahil sa namumukod-tanging pangangalagang ito ng Diyos, ang sambahayan ay nakapagpatuloy sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa gipit at mapanganib na mga panahon.
Noong dekada ng 1960, sumiklab ang gera sibil sa pagitan ng Nigeria at ng humiwalay na lalawigan ng Biafra. Dahil nasa loob ng teritoryo ng Nigeria ang Biafra, isa lamang paliparan ng eroplano ang nag-uugnay rito sa ibang bahagi ng daigdig. Nangangahulugan ito na nanganganib maputol ang suplay ng espirituwal na pagkain ng mga Saksi sa Biafra. Pagkatapos, sa pasimula ng 1968, isang kawani sa serbisyo sibil ang inatasan ng mga awtoridad ng Biafra ng isang mahalagang posisyon sa Europa at isa pa ay inatasan sa paliparan ng Biafra. Nagkataon na parehong Saksi ni Jehova ang dalawang ito, at sila ngayon ay nasa magkabilang dulo ng tanging kawing na nag-uugnay sa Biafra at sa ibang bahagi ng daigdig. Natanto ng dalawa na siguradong si Jehova ang gumawa ng kaayusang ito. Kaya nagboluntaryo sila sa maselan at mapanganib na tungkulin ng paghahatid ng espirituwal na pagkain sa Biafra. At nagawa nila ito sa buong panahon ng digmaan. Isa sa kanila ang nagkomento: “Hindi kayang isaplano ng tao lamang ang kaayusang ito.”
[Chart sa pahina 19]
Makasagisag na mga Bilang sa Apocalipsis
Bilang Makasagisag na Kahulugan
2 Sumasagisag sa matibay na pagpapatotoo sa isang bagay.
(Apocalipsis 11:3, 4; ihambing ang Deuteronomio 17:6.)
3 Nagpapahiwatig ng pagdiriin. Nagpapakita rin ng tindi.
4 Sumasagisag sa pagiging pansansinukob o pagiging
parisukat sa simetriya.
6 Sumasagisag sa di-kasakdalan, isang bagay na di-normal
at kakila-kilabot.
(Apocalipsis 13:18; ihambing ang 2 Samuel 21:20.)
7 Sumasagisag sa pagiging ganap ayon sa pamantayan ng
Diyos, tumutukoy man ito sa mga layunin ni Jehova
o ni Satanas.
10 Sumasagisag sa kabuuan o pagiging ganap sa pisikal
na paraan, may kaugnayan sa mga bagay na nasa lupa.
12 Sumasagisag sa isang organisasyon na itinatag ng Diyos
sa langit man o sa lupa.
24 Sumasagisag sa saganang (dinoble) kaayusan
ni Jehova sa organisasyon. (Apocalipsis 4:4)
Ang ilan sa mga bilang sa Apocalipsis ay dapat unawaing literal. Madalas, tumutulong ang konteksto upang matiyak ito. (Tingnan ang Apocalipsis 7:4, 9; 11:2, 3; 12:6, 14; 17:3, 9-11; 20:3-5.)