Maging Maliligayang Mambabasa ng Aklat ng Apocalipsis
“Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nasusulat dito.”—APOCALIPSIS 1:3.
1. Ano ang kalagayan ni apostol Juan nang isulat niya ang Apocalipsis, at sa anong layunin isinulat ang mga pangitaing ito?
“AKONG si Juan . . . ay napasa pulo na tinatawag na Patmos dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) Ganiyan ang kalagayan nang isulat ni apostol Juan ang aklat ng Apocalipsis, o Pagsisiwalat. Ipinalalagay na siya’y ipinatapon sa Patmos noong panahon ng pamamahala ng Romanong Emperador Domitian (81-96 C.E.), na nagpatupad sa pagsamba sa emperador at naging tagausig ng mga Kristiyano. Habang nasa Patmos, si Juan ay tumanggap ng sunud-sunod na pangitain na isinulat niya. Isinaysay niya ang mga ito, hindi upang takutin ang mga unang Kristiyano, kundi upang palakasin, aliwin, at patibayin ang loob nila hinggil sa mga pagsubok na dinaranas nila at daranasin pa.—Gawa 28:22; Apocalipsis 1:4; 2:3, 9, 10, 13.
2. Bakit interesado ang mga Kristiyanong nabubuhay ngayon sa naging kalagayan noon ni Juan at ng kaniyang kapuwa mga Kristiyano?
2 Ang mga kalagayan nang isulat ang aklat na ito ng Bibliya ay napakahalaga para sa mga Kristiyanong nabubuhay ngayon. Si Juan ay dumaranas noon ng pag-uusig sapagkat siya’y isang saksi ni Jehova at ng Kaniyang Anak, si Kristo Jesus. Siya at ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay nabubuhay sa isang kapaligirang saklot ng pagkapoot dahil, sa kabila ng pagsisikap nilang maging kapuri-puring mamamayan, hindi nila magagawang sumamba sa emperador. (Lucas 4:8) Sa ilang bansa, nasa gayunding kalagayan ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon, sa mga lugar na ang Estado ang may karapatang magsabi kung ano ang “tama sa relihiyosong paraan.” Kaya naman, tunay na nakaaaliw ang mga salitang masusumpungan sa pambungad sa aklat ng Apocalipsis: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nasusulat dito; sapagkat ang itinakdang panahon ay malapit na.” (Apocalipsis 1:3) Oo, ang atentibo at masunuring mambabasa ng Apocalipsis ay makasusumpong ng tunay na kaligayahan at maraming pagpapala.
3. Sino ang Pinagmulan ng Apocalipsis na ibinigay kay Juan?
3 Sino ba ang sukdulang Pinagmulan ng Apocalipsis, at anong alulod ang ginamit upang maipahatid ito? Ang pambungad na talata ay nagsasabi sa atin: “Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan. At isinugo niya ang kaniyang anghel at iniharap ito sa mga tanda sa pamamagitan niya sa kaniyang aliping si Juan.” (Apocalipsis 1:1) Sa madaling salita, ang mismong Pinagmulan ng Apocalipsis ay ang Diyos na Jehova, na nagbigay nito kay Jesus, at sa pamamagitan ng isang anghel, ipinaabot naman ito ni Jesus kay Juan. Isinisiwalat ng masusi pang pagsusuri na ginamit din ni Jesus ang banal na espiritu upang ihatid ang mga mensahe sa mga kongregasyon at upang bigyan si Juan ng mga pangitain.—Apocalipsis 2:7, 11, 17, 29; 3:6, 13, 22; 4:2; 17:3; 21:10; ihambing ang Gawa 2:33.
4. Anong paraan ang ginagamit pa rin ni Jehova sa ngayon upang akayin ang kaniyang bayan sa lupa?
4 Ginagamit pa rin ni Jehova ang kaniyang Anak, ang “ulo ng kongregasyon,” upang turuan ang kaniyang mga lingkod sa lupa. (Efeso 5:23; Isaias 54:13; Juan 6:45) Ginagamit din ni Jehova ang kaniyang espiritu upang turuan ang kaniyang bayan. (Juan 15:26; 1 Corinto 2:10) At kung paanong ginamit ni Jesus ang “kaniyang aliping si Juan” upang ipaabot ang nakapagpapalakas na espirituwal na pagkain sa unang-siglong mga kongregasyon, sa ngayon ay ginagamit naman niya “ang tapat at maingat na alipin,” na binubuo ng kaniyang pinahirang “mga kapatid” sa lupa, upang magbigay sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan at sa mga kasama nila ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45-47; 25:40) Maliligaya yaong kumikilala sa Pinagmulan ng ‘mabubuting kaloob’ na tinatanggap natin bilang espirituwal na pagkain at sa alulod na Kaniyang ginagamit.—Santiago 1:17.
Mga Kongregasyong Pinapatnubayan ni Kristo
5. (a) Sa ano inihalintulad ang mga kongregasyong Kristiyano at ang mga tagapangasiwa nito? (b) Sa kabila ng di-kasakdalan ng tao, ano ang makapagpapaligaya sa atin?
5 Sa pambungad na mga kabanata ng Apocalipsis, ang mga kongregasyong Kristiyano ay inihahalintulad sa mga patungan ng lampara. Ang kanilang mga tagapangasiwa ay inihahalintulad sa mga anghel (mga mensahero) at sa mga bituin. (Apocalipsis 1:20)a Patungkol sa kaniyang sarili, sinabi ni Kristo kay Juan na isulat: “Ito ang mga bagay na sinasabi niya na may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, siya na lumalakad sa gitna ng pitong ginintuang patungan ng lampara.” (Apocalipsis 2:1) Ipinakikita ng pitong mensahe na ipinadala sa pitong kongregasyon sa Asia na noong unang siglo C.E., ang mga kongregasyon at ang kanilang matatanda ay may mabubuting katangian at mahihinang katangian. Gayundin naman sa ngayon. Samakatuwid, mas liligaya tayo kung hindi natin kalilimutan kailanman ang katotohanan na si Kristo, ang ating Ulo, ay nasa gitna ng mga kongregasyon. Alam na alam niya ang nangyayari. Ang mga tagapangasiwa ay nasa “kaniyang kanang kamay” sa makasagisag na paraan, alalaong baga’y, kontrolado at pinapatnubayan niya at mananagot sa kaniya ayon sa paraan ng kanilang pagpapastol sa mga kongregasyon.—Gawa 20:28; Hebreo 13:17.
6. Ano ang nagpapakitang hindi lamang ang matatanda ang mananagot kay Kristo?
6 Gayunman, dinadaya lamang natin ang ating sarili kung iisipin nating ang mga tagapangasiwa lamang ang mananagot kay Kristo ayon sa kanilang mga gawa. Sa isa sa kaniyang mga mensahe ay sinabi ni Kristo: “Malalaman ng lahat ng mga kongregasyon na ako yaong sumasaliksik ng mga bato at mga puso, at ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ang alinsunod sa inyong mga gawa.” (Apocalipsis 2:23) Ito’y magkasabay na isang babala at isang pampatibay-loob—isang babala na alam ni Kristo ang ating kaloob-loobang mga motibo, isang pampatibay-loob sapagkat tinitiyak sa atin nito na batid ni Kristo ang ating mga pagsisikap at pagpapalain niya tayo kung ginagawa natin ang ating magagawa.—Marcos 14:6-9; Lucas 21:3, 4.
7. Paano ‘iningatan [ng mga Kristiyano sa Filadelfia] ang salita tungkol sa pagbabata ni Jesus’?
7 Ang mensahe ni Kristo sa kongregasyon na nasa lunsod ng Filadelfia sa Lydia ay hindi naglalaman ng pagsaway, subalit may pangako ito na dapat nating pag-ukulan nang matamang pansin. “Sapagkat iningatan mo ang salita tungkol sa aking pagbabata, iingatan din kita mula sa oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa, upang maglagay ng pagsubok sa mga tumatahan sa lupa.” (Apocalipsis 3:10) Ang Griego para sa “iningatan [mo] ang salita tungkol sa aking pagbabata” ay maaari ring mangahulugang “iningatan [mo] ang aking sinabi tungkol sa pagbabata.” Ipinahihiwatig ng talata 8 na ang mga Kristiyano sa Filadelfia ay hindi lamang sumunod sa mga utos ni Kristo kundi sumunod din naman sa kaniyang payo na sila mismo ay buong-katapatang magbata.—Mateo 10:22; Lucas 21:19.
8. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus sa mga Kristiyano sa Filadelfia? (b) Sino sa ngayon ang apektado ng “oras ng pagsubok”?
8 Idinagdag pa ni Jesus na iingatan niya sila mula sa “oras ng pagsubok.” Anuman ang kahulugan niyan para sa mga Kristiyano noon, hindi natin alam. Bagaman sandaling nahinto ang pag-uusig nang mamatay si Domitian noong 96 C.E., isang panibagong daluyong ng pag-uusig ang nagsimula naman sa ilalim ni Trajan (98-117 C.E.), na walang-pagsalang nagdulot ng higit pang mga pagsubok. Subalit ang pinakamatinding “oras ng pagsubok” ay magaganap sa “araw ng Panginoon” sa “panahon ng kawakasan,” na kinaroroonan natin ngayon. (Apocalipsis 1:10; Daniel 12:4) Ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ay dumanas ng isang partikular na panahon ng pagsubok sa panahon ng Digmaang Pandaigdig I at karaka-raka pagkatapos nito. Subalit, “ang oras ng pagsubok” ay patuloy pa rin. Apektado nito ang “buong tinatahanang lupa,” lakip na ang milyun-milyong bumubuo ng malaking pulutong, na umaasang makaliligtas sa malaking kapighatian. (Apocalipsis 3:10; 7:9, 14) Maliligayahan tayo kung ‘iingatan natin ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagbabata,’ alalaong baga’y: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.
Maligayang Pagpapasakop sa Soberanya ni Jehova
9, 10. (a) Sa anong mga paraan dapat makaapekto sa atin ang pangitain ng trono ni Jehova? (b) Paano makapagpapaligaya sa atin ang pagbabasa natin ng Apocalipsis?
9 Dapat nating ikamangha ang pangitain ng trono ni Jehova at ng kaniyang makalangit na korte na ibinigay sa mga kabanata 4 at 5 ng Apocalipsis. Dapat nating hangaan ang taos-pusong kapahayagan ng papuri na sinambit ng makapangyarihang mga nilalang sa langit habang maligaya silang nagpapasakop sa matuwid na soberanya ni Jehova. (Apocalipsis 4:8-11) Ang ating mga tinig ay dapat marinig na kasabay niyaong mga nagsasabi: “Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero ay ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailan kailanman.”—Apocalipsis 5:13.
10 Sa praktikal na paraan, nangangahulugan ito ng ating maligayang pagpapasakop sa kalooban ni Jehova sa lahat ng bagay. Sumulat si apostol Pablo: “Anuman iyon na inyong ginagawa sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa pangalan ng Panginoong Jesus, na pinasasalamatan ang Diyos na Ama sa pamamagitan niya.” (Colosas 3:17) Ang ating pagbabasa ng Apocalipsis ay tunay na makapagpapaligaya sa atin kung sa kaibuturan ng ating isip at puso ay kinikilala natin ang soberanya ni Jehova at isinasaalang-alang ang kaniyang kalooban sa bawat pitak ng ating buhay.
11, 12. (a) Paano uugain at wawasakin ang makalupang sistema ni Satanas? (b) Ayon sa Apocalipsis kabanata 7, sino ang “makatatayo” sa panahong iyon?
11 Ang maligayang pagpapasakop sa soberanya ni Jehova ang saligan ng kaligayahan ng bawat tao at ng sansinukob. Hindi na magtatagal at uugain ng isang makasagisag na ubod-lakas na lindol ang pandaigdig na sistema ni Satanas mula sa pinakapundasyon nito at wawasakin ito. Walang mapagkukublihan ang mga taong ayaw pasakop sa makalangit na pamahalaan ng Kaharian ni Kristo, na kumakatawan sa lehitimong soberanya ng Diyos. Ang hula ay nagsasabi: “Itinago ng mga hari sa lupa at ng matataas-ang-katungkulan at ng mga kumandante ng militar at ng mayayaman at ng malalakas at ng bawat alipin at ng bawat malayang tao ang kanilang mga sarili sa mga yungib at sa malalaking bato ng mga bundok. At patuloy nilang sinasabi sa mga bundok at sa malalaking bato: ‘Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng Isa na nakaupo sa trono at mula sa poot ng Kordero, sapagkat ang dakilang araw ng kanilang poot ay dumating na, at sino ang makatatayo?’ ”—Apocalipsis 6:12, 15-17.
12 May kinalaman sa tanong na iyan, sa sumunod na kabanata, inilarawan ni apostol Juan yaong bumubuo ng malaking pulutong, na lumabas mula sa malaking kapighatian, bilang “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 14, 15) Ang kanilang pagtayo sa harap ng trono ng Diyos ay nagpapakitang kinikilala nila ang tronong iyan at lubusan silang nagpapasakop sa soberanya ni Jehova. Kung gayon ay nakatayo silang may pagsang-ayon.
13. (a) Ano ang sinasamba ng kalakhang bahagi ng mga naninirahan sa lupa, at ano ang isinasagisag ng marka sa kanilang noo o sa kanilang kamay? (b) Kaya bakit kakailanganin ang pagbabata?
13 Sa kabilang dako naman, inilalarawan ng kabanata 13 ang natitira pa sa mga naninirahan sa lupa na sumasamba sa makapulitikang sistema ni Satanas, na isinasagisag ng isang mabangis na hayop. Tumatanggap sila ng marka sa kanilang “noo” o sa kanilang “kamay,” na nagpapakita ng kanilang mental at pisikal na pagsuporta sa sistemang iyan. (Apocalipsis 13:1-8, 16, 17) Pagkatapos, idinagdag pa ng kabanata 14: “Kung ang sinuman ay sasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at tatanggap ng marka sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay, siya ay iinom din ng alak ng galit ng Diyos na ibinubuhos nang walang halo sa kopa ng kaniyang poot . . . Dito nangangahulugan ng pagbabata para sa mga banal, yaong mga tumutupad ng mga kautusan ng Diyos at ng pananampalataya kay Jesus.” (Apocalipsis 14:9, 10, 12) Sa paglipas ng panahon, mas matindi ang magiging tanong: Sino ang iyong sinusuportahan? Si Jehova at ang kaniyang soberanya o ang di-makadiyos na makapulitikang sistema na isinasagisag ng mabangis na hayop? Maliligayahan yaong mga umiiwas na tumanggap ng marka ng hayop at tapat na nagbabata sa pagpapasakop sa soberanya ni Jehova.
14, 15. Anong mensahe ang isiningit sa paglalarawan ng Apocalipsis sa Armagedon, na may anong kahulugan para sa atin?
14 Ang mga tagapamahala ng “buong tinatahanang lupa” ay tumatahak patungo sa isang sagupaan, na hahantong sa pakikipagharap kay Jehova hinggil sa isyu ng pagkasoberano. Ang pagtutuos na ito ay ang Armagedon, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Isang nakapupukaw na pangungusap ang makikita sa mismong kalagitnaan ng paglalarawan sa pagtitipon ng mga tagapamahala sa lupa upang makipagdigma kay Jehova. Si Jesus mismo ay sumingit sa pangitain upang sabihin: “Narito! Dumarating akong gaya ng isang magnanakaw. Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan, upang hindi siya maglakad nang hubad at makita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.” (Apocalipsis 16:15) Maaaring ito’y tumutukoy sa mga Levitang guwardiya sa templo na hinuhubaran ng kanilang mga kasuutan at hinihiya sa madla kapag sila’y nasumpungang natutulog sa panahon ng kanilang pagbabantay.
15 Maliwanag ang mensahe: Kung nais nating makaligtas sa Armagedon, dapat tayong manatiling alisto at pamalagiin ang makasagisag na kasuutan na nagpapakilala sa atin bilang tapat na mga Saksi ng Diyos na Jehova. Maliligayahan tayo kung iiwasan natin ang espirituwal na pag-aantok at magpapatuloy nang walang-humpay, anupat masigasig na nakikibahagi sa pagpapalaganap ng “walang-hanggang mabuting balita” hinggil sa nakatatag na Kaharian ng Diyos.—Apocalipsis 14:6.
‘Maligaya ang Sinumang Tumutupad sa mga Salitang Ito’
16. Bakit isang partikular na dahilan ng kaligayahan ang pangwakas na mga kabanata ng Apocalipsis?
16 Labis na matutuwa ang maliligayang mambabasa ng aklat ng Apocalipsis habang binabasa nila ang pangwakas na mga kabanata na naglalarawan ng ating maluwalhating pag-asa—isang bagong langit at isang bagong lupa, alalaong baga’y, isang matuwid na pamahalaan ng Kaharian sa langit na mamamahala sa isang bago at nilinis na lipunan ng tao, na pawang sa ikapupuri ng “Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 21:22) Sa pagtatapos ng kamangha-manghang serye ng mga pangitain, sinabi ng mensaherong anghel kay Juan: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo; oo, si Jehova na Diyos ng kinasihang mga pahayag ng mga propeta ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan. At, narito! ako ay dumarating nang madali. Maligaya ang sinumang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbong ito.”—Apocalipsis 22:6, 7.
17. (a) Anong katiyakan ang ibinibigay sa Apocalipsis 22:6? (b) Dapat na alisto tayong iwasan ang ano?
17 Maaalaala ng maliligayang mambabasa ng Apocalipsis na ang mga salitang katulad nito ay lumitaw sa pambungad ng “balumbon.” (Apocalipsis 1:1, 3) Tinitiyak sa atin ng mga salitang ito na lahat ng “mga bagay” na inihula sa huling aklat na ito ng Bibliya ay ‘magaganap sa di-kalaunan.’ Nasa kadulu-duluhan na tayo ng panahon ng kawakasan anupat ang nauugnay na mga pangyayaring inihula sa Apocalipsis ay tiyak na malapit nang maganap sa mabilis na pagkakasunud-sunod. Samakatuwid, anumang waring matatag na kalagayan ng sistema ni Satanas ay hindi dapat na maging dahilan upang tayo’y maipaghele hanggang sa makatulog. Maaalaala ng alistong mambabasa ang babalang ibinigay sa mga mensaheng ipinadala sa pitong kongregasyon sa Asia at iiwasan nila ang mga bitag ng materyalismo, idolatriya, imoralidad, pagkamalahininga, at apostatang sektaryanismo.
18, 19. (a) Bakit tiyak na darating si Jesus, at sa anong pag-asa na ipinahayag ni Juan tayo nakikibahagi? (b) Sa anong layunin ‘darating’ si Jehova?
18 Sa aklat ng Apocalipsis, maraming ulit na ipinatalastas ni Jesus: “Ako ay paririyan sa iyo nang madali.” (Apocalipsis 2:16; 3:11; 22:7, 20a) Siya’y tiyak na darating upang ipataw ang kahatulan sa Babilonyang Dakila, sa makapulitikang sistema ni Satanas, at sa lahat ng taong ayaw pasakop sa soberanya ni Jehova, na ipinahahayag ngayon ng Mesiyanikong Kaharian. Sinasabayan natin ang tinig ni apostol Juan, na bumubulalas: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”—Apocalipsis 22:20b.
19 Si Jehova mismo ay nagsabi: “Narito! Ako ay dumarating nang madali, at ang gantimpala na aking ibibigay ay nasa akin, upang mag-ukol sa bawat isa ng ayon sa kaniyang gawa.” (Apocalipsis 22:12) Habang naghihintay sa maluwalhating gantimpalang buhay na walang katapusan bilang bahagi ng alinman sa ipinangakong “bagong langit” o “bagong lupa,” sana’y buong-sigasig tayong makiisa sa pagpapaabot ng paanyaya sa lahat ng tapat-pusong mga tao: “ ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Sana’y maging maliligayang mambabasa rin naman sila ng kinasihan at nakapagpapasiglang aklat ng Apocalipsis!
[Talababa]
a Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 28-9, 136 (talababa).
Mga Punto sa Repaso
◻ Anong alulod ang ginamit ni Jehova upang maipahatid ang Apocalipsis, at ano ang ating matututuhan mula rito?
◻ Bakit dapat tayong maligayahan sa pagbabasa ng mga mensaheng ipinadala sa pitong kongregasyon sa Asia?
◻ Paano tayo mapananatiling ligtas sa “oras ng pagsubok”?
◻ Anong kaligayahan ang mapapasaatin kung tutuparin natin ang mga salita sa balumbon na nilalaman ng Apocalipsis?
[Larawan sa pahina 15]
Maliligaya yaong kumikilala sa Pinagmulan ng masayang pabalita
[Larawan sa pahina 18]
Maligaya ang isa na nananatiling gising