Kapag Dumating si Jesus na Nasa Kaluwalhatian ng Kaharian
“Ang ilan sa mga nakatayo rito ay hindi na makatitikim pa ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian.”—MATEO 16:28.
1, 2. Ano ang nangyari di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 32 C.E., at ano ang layunin ng pangyayaring ito?
DI-NAGTAGAL pagkatapos ng Pentecostes 32 C.E., nakita ng tatlo sa mga apostol ni Jesu-Kristo ang isang di-malilimutang pangitain. Ayon sa kinasihang ulat, “isinama ni Jesus si Pedro at si Santiago at si Juan na kaniyang kapatid at dinala sila sa isang matayog na bundok nang sila lamang. At siya ay nagbagong-anyo sa harap nila.”—Mateo 17:1, 2.
2 Ang pangitain ng pagbabagong-anyo ay naganap sa isang maselang na panahon. Sinimulan na ni Jesus na sabihin sa kaniyang mga tagasunod na siya ay magdurusa at mamamatay sa Jerusalem, ngunit nahirapan silang unawain ang kaniyang mga salita. (Mateo 16:21-23) Pinalakas ng pangitain ang pananampalataya ng tatlong apostol ni Jesus bilang paghahanda sa kaniyang sasapit na kamatayan at gayundin para sa mga taon ng pagpapagal at pagsubok na darating sa Kristiyanong kongregasyon. May matututuhan kaya tayo ngayon mula sa pangitain? Oo, dahil sa ang inilalarawan nito ay aktuwal na nangyayari sa ating panahon.
3, 4. (a) Ano ang sinabi ni Jesus anim na araw bago ng pagbabagong-anyo? (b) Ilarawan ang nangyari noong panahon ng pagbabagong-anyo.
3 Anim na araw bago ng pagbabagong-anyo, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang Anak ng tao ay itinalagang dumating na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ng kaniyang mga anghel, at kung magkagayon ay maglalapat siya ng kabayaran sa bawat isa ayon sa kaniyang paggawi.” Ang mga salitang ito ay matutupad sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi pa ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi na makatitikim pa ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:27, 28; 24:3; 25:31-34, 41; Daniel 12:4) Naganap ang pagbabagong-anyo bilang katuparan ng mga huling salitang ito.
4 Ano nga ba ang talagang nakita ng tatlong apostol? Ganito ang paglalarawan ni Lucas sa pangyayari: “Habang [si Jesus] ay nananalangin ang kaanyuan ng kaniyang mukha ay naiba at ang kaniyang kasuutan ay naging maputi na kumikinang. Gayundin, narito! dalawang lalaki ang nakikipag-usap sa kaniya, na sina Moises at Elias. Ang mga ito ay nagpakita na may kaluwalhatian at nagpasimulang magsalita tungkol sa kaniyang pag-alis na itinalagang tuparin niya sa Jerusalem.” Nang magkagayon, “isang ulap ang namuo at nagpasimulang lumilim sa [mga apostol]. Nang sila ay mapasok sa ulap, sila ay natakot. At isang tinig ang nanggaling sa ulap, na nagsasabi: ‘Ito ang aking Anak, ang isa na pinili. Makinig kayo sa kaniya.’ ”—Lucas 9:29-31, 34, 35.
Napatibay ang Pananampalataya
5. Ano ang naging epekto kay apostol Pedro ng pagbabagong-anyo?
5 Kinilala na ni apostol Pedro si Jesus bilang “ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mateo 16:16) Tiniyak ng mga salita ni Jehova mula sa langit ang pagkilalang iyan, at ang pangitain ng pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang patikim ng pagdating ni Kristo taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Kaharian, na sa wakas ay hahatol sa sangkatauhan. Mahigit na 30 taon pagkatapos ng pagbabagong-anyo, sumulat si Pedro: “Hindi sa pagsunod sa mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha na ipinabatid namin sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kundi sa pagiging mga saksing nakakita sa kaniyang karingalan. Sapagkat tumanggap siya ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama, nang ang mga salitang gaya ng mga ito ay ibinigay sa kaniya ng maringal na kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang aking iniibig, na akin mismong sinang-ayunan.’ Oo, ang mga salitang ito ay narinig naming ibinigay mula sa langit habang kami ay kasama niya sa banal na bundok.”—2 Pedro 1:16-18; 1 Pedro 4:17.
6. Ano ang sunud-sunod na nangyari pagkatapos ng pagbabagong-anyo?
6 Sa ngayon, napatitibay din naman ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng nakita ng tatlong apostol. Mangyari pa, patuloy ang mga pangyayari sapol noong 32 C.E. Nang sumunod na taon, si Jesus ay namatay at binuhay-muli, anupat umakyat sa kanang kamay ng kaniyang Ama. (Gawa 2:29-36) Noong Pentecostes ng taóng iyon, isinilang ang bagong “Israel ng Diyos,” at nagsimula ang isang kampanya ng pangangaral, una muna sa Jerusalem at pagkaraan ay lumaganap hanggang sa mga dulo ng lupa. (Galacia 6:16; Gawa 1:8) Halos karaka-raka ay nasubok ang pananampalataya ng mga tagasunod ni Jesus. Ang mga apostol ay dinakip at binugbog nang husto dahil sa tumanggi silang huminto ng pangangaral. Di-nagtagal at pinaslang si Esteban. Pagkatapos ay pinatay naman si Santiago, isa sa nakasaksi sa pagbabagong-anyo. (Gawa 5:17-40; 6:8–7:60; 12:1, 2) Gayunman, nakaligtas sina Pedro at Juan upang makapaglingkod nang buong katapatan kay Jehova sa loob ng marami pang taon. Sa katunayan, sa pagtatapos ng unang siglo C.E., sumulat pa si Juan ng maiikling pangitain tungkol kay Jesus taglay ang makalangit na kaluwalhatian.—Apocalipsis 1:12-20; 14:14; 19:11-16.
7. (a) Kailan nagsimulang matupad ang pangitain ng pagbabagong-anyo? (b) Kailan naglapat ng kabayaran si Jesus sa ilan ayon sa kanilang paggawi?
7 Sapol nang magsimula ang “araw ng Panginoon” noong 1914, natupad na ang marami sa mga pangitaing nakita ni Juan. (Apocalipsis 1:10) Kumusta naman ang ‘pagdating ni Jesus na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama,’ gaya ng inilalarawan ng pagbabagong-anyo? Nagsimulang matupad ang pangitaing ito nang isilang ang makalangit na Kaharian ng Diyos noong 1914. Nang si Jesus, gaya ng isang bituing pang-araw, ay lumitaw sa pansansinukob na tanawin bilang isang bagong kaluluklok na Hari, iyon ay, wika nga, pagbubukang-liwayway ng isang bagong araw. (2 Pedro 1:19; Apocalipsis 11:15; 22:16) Si Jesus ba nang panahong iyon ay naglapat ng kabayaran sa ilan ayon sa kanilang paggawi? Oo. May matibay na ebidensiya na di-nagtagal pagkaraan nito, nagsimula ang makalangit ng pagkabuhay-muli ng mga pinahirang Kristiyano.—2 Timoteo 4:8; Apocalipsis 14:13.
8. Anong mga pangyayari ang magpapakilala sa kasukdulan ng katuparan ng pangitain ng pagbabagong-anyo?
8 Subalit di na magtatagal, darating si Jesus “sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya” upang hatulan ang buong sangkatauhan. (Mateo 25:31) Sa panahong iyon, isisiwalat niya ang kaniyang sarili sa kaniyang buong maringal na kaluwalhatian at magbibigay sa “bawat isa” ng nararapat na kabayaran para sa kaniyang paggawi. Mamanahin ng mga taong tulad-tupa ang walang-hanggang buhay sa Kaharian na inihanda para sa kanila, at magtutungo naman ang mga taong tulad-kambing sa “walang-hanggang pagkaputol.” Tunay na maningning na pagtatapos iyon sa katuparan ng pangitain ng pagbabagong-anyo!—Mateo 25:34, 41, 46; Marcos 8:38; 2 Tesalonica 1:6-10.
Mga Niluwalhating Kasamahan ni Jesus
9. Dapat ba nating asahan na kasama ni Jesus sina Moises at Elias sa katuparan ng pangitain ng pagbabagong-anyo? Ipaliwanag.
9 Hindi nag-iisa si Jesus sa pagbabagong-anyo. Nakitang kasama niya sina Moises at Elias. (Mateo 17:2, 3) Sila ba’y literal na naroon? Hindi, sapagkat ang dalawang lalaki ay matagal nang namatay at natutulog sa alabok habang naghihintay ng pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Hebreo 11:35) Makikita ba sila na kasama ni Jesus kapag dumating siya na nasa makalangit na kaluwalhatian? Hindi, sapagkat nabuhay sina Moises at Elias bago pa nabuksan sa mga tao ang makalangit na pag-asa. Makakabilang sila sa makalupang “pagkabuhay-muli ng . . . mga matuwid.” (Gawa 24:15) Kaya ang pagpapakita nila sa pangitain ng pagbabagong-anyo ay makasagisag. Sumasagisag sa ano?
10, 11. Sino ang inilalarawan nina Elias at Moises sa ibang mga konteksto?
10 Sa ibang mga konteksto, sina Moises at Elias ay makahulang mga tauhan. Bilang tagapamagitan ng tipang Batas, lumalarawan si Moises kay Jesus, ang Tagapamagitan ng bagong tipan. (Deuteronomio 18:18; Galacia 3:19; Hebreo 8:6) Lumalarawan naman si Elias kay Juan Bautista, isang tagapagpauna sa Mesiyas. (Mateo 17:11-13) Isa pa, sa konteksto ng Apocalipsis kabanata 11, lumalarawan sina Moises at Elias sa pinahirang nalabi sa panahon ng kawakasan. Paano natin nalalaman ito?
11 Buweno, tingnan ang Apocalipsis 11:1-6. Mababasa natin sa talata 3: “Ang aking dalawang saksi ay pangyayarihin kong manghula nang isang libo dalawang daan at animnapung araw na nadaramtan ng telang-sako.” Natupad ang hulang ito sa nalabi ng pinahirang mga Kristiyano noong Digmaang Pandaigdig I.a Bakit dalawang saksi? Sapagkat ang pinahirang nalabi ay gumaganap ng mga gawa na, sa espirituwal na paraan, katulad ng ginawa nina Moises at Elias. Ganito pa ang sabi sa talata 5 at 6: “Kung nais ng sinuman na pinsalain [ang dalawang saksi], ay lumalabas ang apoy mula sa kanilang mga bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung magnanais ang sinuman na pinsalain sila, ay sa ganitong paraan siya dapat patayin. Ang mga ito ang may awtoridad na magsara ng langit upang walang bumuhos na ulan sa mga araw ng kanilang panghuhula, at may awtoridad sila sa ibabaw ng mga tubig upang gawing dugo ang mga ito at upang hampasin ang lupa ng bawat uri ng salot sa tuwing kanilang naisin.” Kaya naman, nagugunita natin ang mga himala na ginawa nina Elias at Moises.—Bilang 16:31-34; 1 Hari 17:1; 2 Hari 1:9-12.
12. Sa konteksto ng pagbabagong-anyo, sino ang inilalarawan nina Moises at Elias?
12 Sino, kung gayon, ang inilalarawan nina Moises at Elias sa konteksto ng pagbabagong-anyo? Sinabi ni Lucas na sila’y nagpakita kasama ni Jesus “na may kaluwalhatian.” (Lucas 9:31) Maliwanag, lumalarawan sila sa mga Kristiyanong pinahiran ng banal na espiritu bilang “mga kasamang tagapagmana” ni Jesus at na dahil dito ay tumanggap ng kamangha-manghang pag-asa na ‘luwalhatiing kasama’ niya. (Roma 8:17) Makakasama ni Jesus ang mga pinahirang binuhay-muli kapag dumating siya na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama upang ‘maglapat ng kabayaran sa bawat isa ayon sa kaniyang paggawi.’—Mateo 16:27.
Mga Saksi Tulad Nina Moises at Elias
13. Anong mga katangian ang nagpapakilala kina Moises at Elias bilang angkop na makahulang larawan ng mga pinahirang kasamang tagapagmana ni Jesus na niluwalhating kasama niya?
13 May kapansin-pansing mga katangian na nagpapakilala kina Moises at Elias bilang angkop na makahulang larawan ng pinahirang mga kasamang tagapagmana ni Jesus. Kapuwa sina Moises at Elias ay naglingkod bilang mga tagapagsalita ni Jehova sa loob ng maraming taon. Kapuwa sila napaharap sa poot ng isang tagapamahala. Sa panahon ng pangangailangan, bawat isa ay inalalayan ng isang banyagang pamilya. Kapuwa sila humula nang buong-tapang sa mga hari at tumayong matatag laban sa mga bulaang propeta. Nakita kapuwa nina Moises at Elias ang mga pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova sa Bundok Sinai (tinatawag ding Horeb). Silang dalawa ay humirang ng mga kahalili sa silangang panig ng Jordan. At sa panahon kapuwa nina Moises (kasama si Josue) at Elias (kasama si Eliseo) ay naganap ang pinakamaraming himala, maliban doon sa mga naganap noong panahon ni Jesus.b
14. Paano naglingkod ang mga pinahiran bilang tagapagsalita ni Jehova, gaya nina Moises at Elias?
14 Hindi ba ang lahat ng ito ay nagpapaalaala sa atin ng Israel ng Diyos? Oo, gayon nga. Sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga tagasunod: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Bilang pagsunod sa mga salitang ito, naglingkod ang mga pinahirang Kristiyano bilang mga tagapagsalita ni Jehova mula noong Pentecostes 33 C.E. hanggang sa ngayon. Tulad nina Moises at Elias, sila ay napaharap sa poot ng mga tagapamahala at nagpatotoo sa kanila. Sinabi ni Jesus sa kaniyang 12 apostol: “Kayo ay dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mateo 10:18) Paulit-ulit na natupad ang kaniyang mga salita sa kasaysayan ng Kristiyanong kongregasyon.—Gawa 25:6, 11, 12, 24-27; 26:3.
15, 16. Anong pagkakatulad ang mayroon sa pagitan ng pinahiran at nina Moises at Elias tungkol sa kanilang (a) walang-takot na paninindigan sa katotohanan? (b) pagtanggap ng tulong mula sa mga di-Israelita?
15 Karagdagan pa, ang pinahirang mga Kristiyano ay walang-takot na gaya nina Moises at Elias sa paninindigan sa katotohanan laban sa relihiyosong kasinungalingan. Alalahanin kung paano tinuligsa ni Pablo ang Judiong bulaang propeta na si Bar-Jesus at mataktika ngunit matatag na ibinunyag ang pagiging huwad ng mga diyos ng mga taga-Atenas. (Gawa 13:6-12; 17:16, 22-31) Tandaan din na sa modernong panahon ay buong-tapang na ibinunyag ng pinahirang nalabi ang Sangkakristiyanuhan at ang gayong pagpapatotoo ay sumalot sa kaniya.—Apocalipsis 8:7-12.c
16 Nang takasan ni Moises ang poot ni Faraon, nakasumpong siya ng kanlungan sa tahanan ng isang di-Israelita, si Reuel, na tinatawag ding Jetro. Nang maglaon, tumanggap si Moises ng kapaki-pakinabang na payong pang-organisasyon mula kay Reuel, na ang anak na si Hobab ang siyang umakay sa Israel sa ilang.d (Exodo 2:15-22; 18:5-27; Bilang 10:29) Natulungan din ba ang mga miyembro ng Israel ng Diyos ng mga taong hindi pinahirang miyembro ng Israel ng Diyos? Oo, sila’y sinuportahan ng “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” na lumitaw sa eksena nitong mga huling araw. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16; Isaias 61:5) Bilang paghula tungkol sa magiliw, maibiging suporta ng mga “tupa” na ito sa kaniyang pinahirang mga kapatid, ganito ang makahulang sinabi sa kanila ni Jesus: “Ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng makakain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng maiinom. Ako ay naging estranghero at mapagpatuloy ninyo akong tinanggap; hubad, at dinamtan ninyo ako. Ako ay nagkasakit at inalagaan ninyo ako. Ako ay nasa bilangguan at pinuntahan ninyo ako. . . . Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ay ginawa ninyo iyon sa akin.”—Mateo 25:35-40.
17. Paano nagkaroon ng karanasan ang mga pinahiran na nakakatulad sa naranasan ni Elias sa Bundok Horeb?
17 Isa pa, ang Israel ng Diyos ay nagkaroon ng isang karanasan na katulad sa karanasan ni Elias sa Bundok Horeb.e Tulad ni Elias nang siya’y tumatakas mula kay Reyna Jezebel, inakala ng natatakot na pinahirang nalabi na ang kanilang gawain ay nakumpleto na noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig I. Pagkatapos, tulad din ni Elias, napaharap din sila kay Jehova, na dumating upang hatulan yaong mga organisasyon na nag-aangking ang “bahay ng Diyos.” (1 Pedro 4:17; Malakias 3:1-3) Samantalang ang Sangkakristiyanuhan ay nasumpungang kulang, ang pinahirang nalabi ay kinilala bilang “ang tapat at maingat na alipin” at inatasan sa lahat ng makalupang pag-aari ni Jesus. (Mateo 24:45-47) Sa Horeb, nakarinig si Elias ng “isang banayad, mahinang tinig” na napatunayang kay Jehova, na nagbibigay sa kaniya ng higit pang gawain. Sa mga taon ng katahimikan pagkatapos ng digmaan, narinig ng tapat na mga pinahirang lingkod ni Jehova ang kaniyang tinig mula sa mga pahina ng Bibliya. Napag-unawa rin naman nila na sila’y may atas na dapat tuparin.—1 Hari 19:4, 9-18; Apocalipsis 11:7-13.
18. Paano iniharap sa pamamagitan ng Israel ng Diyos ang natatanging mga kapahayagan ng kapangyarihan ni Jehova?
18 Sa wakas, iniharap ba sa pamamagitan ng Israel ng Diyos ang natatanging mga kapahayagan ng kapangyarihan ni Jehova? Pagkamatay ni Jesus, ang mga apostol ay nagsagawa ng maraming himala, ngunit unti-unting natapos ang mga ito. (1 Corinto 13:8-13) Sa ngayon, hindi tayo nakakakita ng mga himala sa pisikal na diwa. Sa kabilang banda, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, ang isa ring iyon ay gagawa ng mga gawa na aking ginagawa; at siya ay gagawa ng mga gawa na mas dakila kaysa sa mga ito.” (Juan 14:12) Ito ay unang natupad nang ipangaral ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balita sa buong Imperyong Romano noong unang siglo. (Roma 10:18) Higit pang dakilang mga gawa ang ginagawa ngayon habang pinangungunahan ng pinahirang nalabi ang pangangaral ng mabuting balita “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Ang resulta? Nasaksihan sa ika-20 siglo ang pagtitipon ng pinakamalaking bilang ng nakaalay, tapat ng mga lingkod ni Jehova sa buong kasaysayan. (Apocalipsis 5:9, 10; 7:9, 10) Tunay na maringal na katibayan ng kapangyarihan ni Jehova!—Isaias 60:22.
Dumarating na Nasa Kaluwalhatian ang mga Kapatid ni Jesus
19. Kailan makikitang kasama ni Jesus na nasa kaluwalhatian ang kaniyang mga pinahirang kapatid?
19 Samantalang tinatapos ng mga nalabi sa pinahirang mga kapatid ni Jesus ang kanilang makalupang landasin, sila’y niluluwalhating kasama niya. (Roma 2:6, 7; 1 Corinto 15:53; 1 Tesalonica 4:14, 17) Sa gayo’y nagiging imortal na mga hari at saserdote sila sa makalangit na Kaharian. Kasama ni Jesus, kung magkagayo’y “magpapastol [sila] sa mga tao sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal anupat sila ay magkakadurug-durog tulad ng mga sisidlang luwad.” (Apocalipsis 2:27; 20:4-6; Awit 110:2, 5, 6) Kasama ni Jesus, sila’y uupo sa mga trono na humahatol sa “labindalawang tribo ng Israel.” (Mateo 19:28) Ang dumaraing na sangnilalang ay sabik na naghihintay sa mga pangyayaring ito, na bahagi ng “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.”—Roma 8:19-21; 2 Tesalonica 1:6-8.
20. (a) Hinggil sa anong pag-asa pinatibay ng pagbabagong-anyo ang pananampalataya ni Pedro? (b) Paano pinatitibay ng pagbabagong-anyo ang mga Kristiyano sa ngayon?
20 Bumanggit si Pablo tungkol sa pagsisiwalat kay Jesus sa panahon ng “malaking kapighatian” nang isulat niya: “Siya ay darating upang luwalhatiin may kaugnayan sa kaniyang mga banal at upang ituring nang may pagkamangha sa araw na iyon may kaugnayan sa lahat niyaong mga nagsagawa ng pananampalataya.” (Mateo 24:21; 2 Tesalonica 1:10) Anong kagila-gilalas na pag-asa ito para kina Pedro, Santiago, Juan, at sa lahat ng Kristiyanong pinahiran ng espiritu! Ang pagbabagong-anyo ay nagpatibay sa pananampalataya ni Pedro. Tiyak, ang pagbabasa tungkol dito ay nagpapatibay rin naman sa ating pananampalataya at nagpapatatag sa ating pagtitiwala na malapit nang ‘maglapat si Jesus ng kabayaran sa bawat isa ayon sa kaniyang paggawi.’ Napatibay ang pagtitiwala ng tapat na mga pinahirang Kristiyanong nabubuhay pa hanggang sa ngayon na sila’y luluwalhatiing kasama ni Jesus. Pinatibay ang pananampalataya ng mga ibang tupa sa pagkaalam na kaniyang ililigtas sila sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay tungo sa maluwalhating bagong sanlibutan. (Apocalipsis 7:14) Ano ngang laking pampatibay-loob upang manatiling matatag hanggang sa wakas! At marami pa tayong matututuhan sa pangitaing ito, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang mga aklat na “Let Your Name Be Sanctified,” pahina 313-14, at Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 164-5, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Exodo 2:15-22; 3:1-6; 5:2; 7:8-13; 8:18; 19:16-19; Deuteronomio 31:23; 1 Hari 17:8-16; 18:21-40; 19:1, 2, 8-18; 2 Hari 2:1-14.
d Tingnan ang aklat na You May Survive Armageddon Into God’s New World, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 281-3.
e Tingnan ang “Let Your Name Be Sanctified,” pahina 317-20.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sino ang nagpakita kasama ni Jesus sa pagbabagong-anyo?
◻ Paano napatibay ng pagbabagong-anyo ang pananampalataya ng mga apostol?
◻ Nang magpakita “na nasa kaluwalhatian” sina Moises at Elias kasama ni Jesus sa pagbabagong-anyo, sino ang inilalarawan nila?
◻ Anong pagkakatulad mayroon sa pagitan nina Moises at Elias at ng Israel ng Diyos?
[Larawan sa pahina 10]
Napatibay ng pangitain ng pagbabagong-anyo ang pananampalataya ng mga Kristiyano noon at ngayon