Ang Pagsubok at Pagsalà sa Modernong Panahon
“Sino ang makatitiis sa araw ng kaniyang pagparito, at sino ang tatayo pagka siya’y napakita?”—MALAKIAS 3:2.
1. Nang si Jehova’y dumating sa espirituwal na templo sa modernong panahon, ano ang kaniyang nasumpungan, na nagbangon ng anong tanong?
NANG “ang tunay na Panginoon” ay dumating sa espirituwal na templo kasama ang kaniyang “sugo ng tipan,” hindi nagtagal pagkatapos na maitatag na ang Kaharian sa langit noong 1914, ano ang nasumpungan ni Jehova? Ang kaniyang bayan ay nangangailangan noon na dalisayin at linisin. Kanila bang tatanggapin ito at matitiis nila ang anumang kinakailangang paglilinis ng kanilang organisasyon, aktibidad, doktrina, at asal? Gaya ng pagkasabi ni Malakias: “Sino ang makatitiis sa araw ng kaniyang pagparito, at sino ang tatayo pagka siya’y napakita?”—Malakias 3:1, 2.
2. Sa modernong panahon, sino “ang mga anak ni Levi” sa Malakias 3:3?
2 Tinatanggap ni Jehova ang pananagutan na paglilinis at pagdalisay sa “mga anak ni Levi.” (Malakias 3:3) Sa sinaunang Israel, sa tribo ni Levi nanggagaling ang mga saserdote at ang kanilang mga katulong sa templo. Ang gayong “mga anak ni Levi” ay katumbas ng tinipong kalipunan ng mga pinahiran sa ngayon na naglilingkod bilang mga saserdote sa ilalim ni Jesus, ang Mataas na Saserdote. (1 Pedro 2:7-9; Hebreo 3:1) Sila ang mga unang dumaan sa pagsubok nang si Jehova’y dumating sa kaniyang espirituwal na templo kasama ang kaniyang “sugo ng tipan.” Ngayon, ano ang katibayan na ang pagdalisay na ito ay naganap mula noong katapusang mga araw ng Digmaang Pandaigdig I patuloy?
Isang Panahon ng Mahigpit na mga Pagsubok
3. Sa tag-init ng 1918, ano ba ang kalagayan ng mga saksi ng Diyos?
3 Nang si Jehova’y kasama ng kaniyang “sugo ng tipan” na pumaroon sa espirituwal na templo, Kaniyang nasumpungan ang nalabi na nangangailangan ng pagdalisay at paglilinis. Halimbawa, hinihimok ng The Watch Tower ang kaniyang mga mambabasa na ipangilin ang Mayo 30, 1918, bilang isang araw ng pananalangin sa pagtatagumpay ng mga bansang demokratiko, gaya ng hinihiling ng kongreso ng E.U. at ni Pangulong Wilson. Ito’y isang paglabag sa pagkaneutral ng Kristiyano.—Juan 17:14, 16.
4. Ano ang mga nangyari kaugnay ng mga pag-uusig sa mga lingkod ni Jehova?
4 Ang pinahirang mga lingkod ni Jehova ay ginipit na mabuti ng klero at ng mga pamahalaan. Sa maling paratang na sedisyon, ang pinahirang nalabi ay nagtangka na liwanagin sa publiko ang kanilang kawalang kasalanan. Datapuwat, noong Mayo 7, 1918, naglabas ng mandamyento de aresto para dakpin ang walong miyembro ng panguluhan at patnugutan ng Watch Tower Bible and Tract Society, kasali na ang pangulo, si J. F. Rutherford. Ang paglilitis sa kanila ay nagsimula noong Lunes, Hunyo 3. Noong Hunyo 20 ang hurado ay nagbaba ng hatol na nagkasala at ito’y batay sa apat na pagbilang. Noong Hulyo 4, 1918 naman, ang nag-alay na mga lalaking Kristiyanong ito ay isinakay sa tren at dinala sa bilangguan sa Atlanta, Georgia, E.U.A.
5. Paano nahayag na kailangan ng pagsalà sa mga naglilingkod sa Diyos, at ano ang nagpapakita na ito’y naganap?
5 Nang tag-init ng 1918, ang dating malakas at organisadong tinig ng pangmadlang pangangaral tungkol sa Kaharian ni Jehova na isinasagawa ng mga pinahiran ay lubhang humina. Para bagang noon ay ‘pinatay’ sila kung tungkol sa kanilang pangmadlang aktibidad. (Apocalipsis 11:3, 7) Sa panahon ng mga kombensiyon ng Samahan ng tag-init na iyon, may ilang mga apostata na humiwalay at nagtatag ng kanilang sariling sumasalungat na mga grupong relihiyoso. Sa pagpapakita nila ng mga ugali ng isang “masamang alipin,” sila’y ‘itinahip’ na gaya ng “ipa” upang mapahiwalay sa tapat na nalabi ni Jehova. (Mateo 3:12; 24:48-51) Ang Pag-alaala sa kamatayan ni Kristo ay ginanap noong linggo, Abril 13, 1919, at mayroong 17,961 na dumalo buhat sa maraming bansa. Kung ihahambing sa isang di-kompletong ulat para sa 1917, ang bilang ng dumalo sa Memoryal ay umurong ng mahigit na 3,000, anupa’t nagpapakita ng mga epekto ng ginawang pagsalà.
6. Paanong ang pagpapahintulot ni Jehova sa gayong mga pagsubok ay ukol sa ikapagpapala ng kaniyang bayan sa dakong huli?
6 Gayunman, ang pagpapahintulot ni Jehova na dumanas ng gayong mahihigpit na pagsubok ang kaniyang mga lingkod ay ukol sa kanilang ikapagpapala sa dakong huli. Kailanman ay hindi niya sila lubusang pinabayaan. Noong Martes, Marso 25, 1919, si J. F. Rutherford at ang kaniyang pitong mga kasama ay piniyansahan at nangakalaya sa piitan at nang dakong huli ay lubusan silang pinawalang-sala. Biglang-bigla, para sa nilinis na mga nakatawid sa panahong ito ng pagsubok, natamo nila ang kalayaan buhat sa pagkaalipin! Oo, “ang espiritu ng buhay buhat sa Diyos ay pumasok sa kanila at sila’y nagsitayo sa kanilang mga paa,” handa para sa pagkilos.—Apocalipsis 11:11.
7. (a) Ano ngayon ang ginawa nitong mga saksing napasauli sa dati? (b) Ano ang resulta ng pagkadalisay at pagkalinis na ito?
7 Ano ngayon ang gagawin nila? Bilang isang sambayanang Kristiyano na napasauli sa dati, sinuring mabuti ng nalabi ang kanilang sarili. Sila’y nanalangin na patawarin sila ni Jehova sa anumang mga kasalanan ng pakikipagkompromiso. (Ihambing ang Awit 106:6; Isaias 42:24.) Sila’y humayo bilang isang nilinis na bayan. Bilang resulta ng pagkadalisay, ang tapat-pusong nalabi ay ‘naging isang bayan kay Jehova na naghahandog ng handog sa katuwiran.’ (Malakias 3:3) Ang espirituwal na mga hain ng papuri na kanilang inihandog ay nakalugod sa Diyos. (Hebreo 13:15) Kanilang ikinagagalak na ang sandaling panahon ng di-pagkalugod sa kanila ni Jehova ay natapos na. Sila’y may tiwala na ang kanilang paglilingkod sa hinaharap ay makalulugod sa kaniya. (Isaias 12:1) Mula noong Setyembre 1 hanggang 8, 1919, isang masayang kombensiyon ang idinaos sa Cedar Point, Ohio, at 7,000 ang dumalo at 200 ang nabautismuhan. Lahat ng ito ay nagpapakita ng pagsasauli nila sa dating kalagayan at ng pananabik nila na matapos ang gawain ni Jehova ng pangangaral.
8. (a) Paanong naapektuhan tayong lahat sa ngayon ng ginawang pagdalisay at paglilinis? (b) Bukod sa modernong-panahong “mga anak ni Levi,” sino pa ang kailangang dumaan sa pagsubok at pagsalà?
8 Paanong naaapektuhan ng lahat ng ito ang mga lingkod ng Diyos na nabubuhay sa ngayon? Sang-ayon sa hula, si Jehova, kasama ang kaniyang sugo, ay darating at “uupong gaya ng mangdadalisay at maglilinís.” (Malakias 3:3) Oo, ang gawang pagdalisay at paglilinis ay nagpapatuloy, at siya’y ‘uupo’ at magmamasid nang maingat. Hindi dahil sa ang tapat na nalabi ay dumaan sa isang panahon ng mahigpit na pagsubok maaga ng siglong ito ay nangahulugan na natapos na ng Dakilang Mangdadalisay ang kaniyang paglilinis sa kanila. Ang pagsubok at pagsalà ay nagpatuloy hanggang sa kaarawan natin. Si Jehova ay nariyan pa rin sa kaniyang templo, nakaupo at humahatol. Kaniyang dinadalisay hindi lamang “ang mga anak ni Levi,” ang pinahirang nalabi. Ipinakikita ng hula ni Malakias ang Kaniyang pagtingin sa “tagaibang bayan,” katumbas ng “malaking pulutong,” na ang pag-asa’y makalupang buhay. (Malakias 3:5; Apocalipsis 7:9, 10) Oo, noong nakalipas na 69 na mga taon, nagkaroon ng patuloy na pagdalisay sa mga lingkod ni Jehova sa apat na pangkalahatang paraan.
Pagdalisay sa Organisasyon
9. Ano ang ilan sa progresibong pangyayari sa kayarian ng organisasyon sapol noong 1919?
9 Una, ang paglilinis ay naganap sa pamamagitan ng progresibong pagtutugma ng pandaigdig na kongregasyon sa panibagong pagkaunawa sa mga simulain ng Kasulatan. Kailangan noon ang unti-unting pag-aalis sa demokratikong mga paraan ng pamamalakad sa kongregasyon. Pag-usapan natin ang ilan sa mga progresibong hakbang kasuwato ng bagay na ito.
1919: Pinasimulan ng Lupong Tagapamahala ang paghirang sa pamamagitan ng pag-aatas buhat sa punung-tanggapan ng Watch Tower Society ng isang permanenteng direktor sa paglilingkod para sa bawat kongregasyon upang mamanihala sa mga aktibidades sa paglilingkod sa larangan.
1932: Ang taunang eleksiyon ng matatanda at diakono ay tinapos; ang pagpili ng kongregasyon ng mga lalaki para sa mga puwestong ito ay hinalinhan sa pamamagitan ng pagpili ng isang komite sa paglilingkod na tutulong sa (at kasali ang) hinirang ng Samahan na direktor sa paglilingkod.
1937: Kinilala na ang “mga Jonadab” [yaong mga may makalupang pag-asa] ay maaaring humawak ng responsableng mga katungkulan sa kongregasyon.
1938: Lahat ng mga tagapangasiwa at ang kani-kanilang mga katulong ay hihirangin ng Samahan sa isang teokratikong paraan.
1972: Niliwanag na ang maka-Kasulatang paraan ng pamamahala sa bawat kongregasyon ay hindi lamang sa pamamagitan ng isang maygulang na lalaking Kristiyano kundi sa pamamagitan ng isang lupon ng matatanda, na hinirang ng Samahan.
1975: Pagtatatag ng mga komite ng Lupong Tagapamahala upang mangalaga sa sari-saring pananagutan; walang iisang lalaki na mamamanihala, kundi lahat ng nasa loob ng isang komite ay magkakaroon ng pare-parehong tinig, at sila’y magkakaisang titingala sa liderato ni Kristo Jesus.
10. (a) Ano ang resulta ng gayong mga pagdalisay? (b) Ano ba ang nadarama mo tungkol sa lahat ng gayong mga pagtutuwid?
10 Ano ba ang resulta ng gayong mga pagtutuwid? Walang alinlangan na ang pagpapala ni Jehova ay sumagana, gaya ng pinatutunayan ng pagsulong ng espirituwalidad at ng bilang ng kaniyang mga mananamba. (Ihambing ang Gawa 6:7; 16:5.) Totoo, ang mga ilang tagapangasiwa at ang mga iba pa ay nasalà upang mapahiwalay dahil sa hindi sila nagpapasakop nang may katapatan sa paraan na ang Diyos ang nagdidirekta. Subalit ang karamihan ng mga lingkod ni Jehova ay napatunayang masunurin at mapagpasakop sa mga pagsulong na ginawa ng organisasyon. (Hebreo 13:17) Kanilang pinahahalagahan na sa pamamagitan ng gayong mga pagtutuwid sila ay dinala ng Dakilang Mangdadalisay sa higit na pakikiayon sa maka-Kasulatang mga paraan para sa mga kongregasyon.
Ang Ministeryo sa Larangan
11. Sa anong progresibong pag-unlad dumaan ang gawaing pangangaral noong nakalipas na mga dekada?
11 Ikalawa, naganap ang paglilinis sa pamamagitan ng mga pagsubok kung tungkol sa pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan.
1922: Lahat ng mga kaanib sa mga kongregasyon ay hinimok na makibahagi sa pagbabahay-bahay. Nagkaroon ng buwanang Bulletin (ngayo’y ang Ating Ministeryo sa Kaharian) na mayroong mga tagubilin sa paglilingkod.
1927: Nagsimula ang regular na pangangaral sa bahay-bahay kung Linggo; mga aklat at mga pulyeto ang ipinamahagi kapalit ng isang abuloy.
1937: Ang unang Model Study na pulyeto para sa mga pag-aaral ng Bibliya sa mga tahanan ay natanggap.
1939: Isinagawa ang unang taunang kampanya para sa pagkuha ng suskripsiyon ng Watchtower; nakakuha ng mahigit na 93,000 mga bagong suskripsiyon.
1940: Nagsimula ang pamamahagi ng magasin sa lansangan.
Ang pangmadlang pangangaral na ito ay pinalawak pa rin, kasali na ang mga pagdalaw-muli at pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.
12. (a) Ano ba ang mga resulta ng gayong pagdalisay sa ministeryo sa larangan? (b) Paano natin maipakikita ang ating katapatan sa paraan na ginagamit ni Jehova sa pagdalisay sa kaniyang bayan?
12 Ano ba ang naging resulta? Sa loob ng lumakad na mga taon ang iba ay nasalà upang mailabas dahil sa sila’y walang hangarin na maging mga Kristiyanong mamumunga. (Juan 15:5) Gayunman karamihan ng mga lingkod ni Jehova ay tunay na tumugon sa panawagan para sa mga tagapangaral ng Kaharian. Aba, ang munting pangkat na iyon na wala pang 8,000 noong 1919, ay dumami hanggang sa pinakamataas na bilang na 3,229,022 mga mamamahayag ng Kaharian nong 1986! Kumusta naman ang buong-panahong ministeryo? Kung ihahambing sa 150 aktibong mga colporteurs (payunir) noong tagsibol ng 1919, noong nakaraang taon ay nagkaroon ng sa katamtaman ay mahigit na 391,000 mga mamamahayag na payunir na aktibo bawat buwan—ang pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng modernong mga Saksi ni Jehova! Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng aktibong pakikibahagi ng mabuting balita, ating ipinakikita ang tapat na pagtataguyod natin sa paraan na ginagamit ni Jehova upang patuloy na linisin ang kaniyang bayan.—1 Corinto 9:16.
Lumalagong Liwanag
13. Ano ang ilan sa mga halimbawa ng kung paano binigyang-liwanag ni Jehova ang kaniyang bayan?
13 Ikatlo, naganap ang paglilinis nang ang bayan ng Diyos ay subukin tungkol sa pagtanggap sa progresibo o pasulong na liwanag sa espirituwal buhat sa Bibliya. (Kawikaan 4:18) Mula noong 1919 hanggang sa kasalukuyan halos bumaha ang pag-agos ng bagong-kauunawang mga katotohanan.
1925: Malinaw na napagkilala ang dalawang magkaiba at magkasalungat na mga organisasyon—ang kay Jehova at ang kay Satanas.
1931: Tinanggap ang bagong pangalang mga Saksi ni Jehova.
1935: Ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9-15 ay nakilala bilang isang uri na may makalupang pag-asa.
1941: Ang pagiging matuwid ng pansansinukob na soberanya ni Jehova ay ipinakita na siyang pangunahing isyu na ibinangon ng hamon ni Satanas.
1962: Ang “nakatataas na mga awtoridad” ng Roma 13:1 ay nakilala nang husto bilang ang sekular na mga awtoridad ng pamahalaan, na sa kanila’y kailangang pasakop nang may pasubali ang mga Kristiyano.
1986: Kinilala noon na kapuwa ang nalabi at ang “malaking pulutong” ay kailangang makasagisag na bumahagi sa laman at dugo ni Jesus sa pamamagitan ng pagtanggap sa kaniyang hain upang makasuwato niya.—Juan 6:53-56.
Sa nalakarang maraming mga taon, samantalang binibigyang-liwanag ni Jehova ang kaniyang bayan, nagliwanag na kailangan noon na bigyang-pansin ng kongregasyon ang pagpapanatili ng isang malinis at neutral na organisasyon na gumagalang sa kabanalan ng dugo.—1 Corinto 5:11-13; Juan 17:14, 16; Gawa 15:28, 29.
14. (a) Paano tumugon ang bayan ni Jehova sa gayong pasulong na liwanag? (b) Ano ang iyong disididong pasiya tungkol sa alulod ng pakikipagtalastasan ni Jehova?
14 Paano tumugon ang bayan ng Diyos sa gayong pasulong na liwanag? Sa buong panahong nalakaran, mayroong mga ilan na ayaw tumanggap ng mga ilang pagbabago. Ang mga ito ay ‘itinahip.’ (Mateo 3:12) Sa kabilang dako, anong ligaya ng tapat na mga lingkod ni Jehova dahil sa gayong espirituwal na kaliwanagan! Sa panahon na kakapa-kapa ang Sangkakristiyanuhan sa espirituwal na kadiliman, ang landas ng bayan ni Jehova ay paliwanag nang paliwanag. Hindi ba tayo dapat na maging disidido na kumapit nang mahigpit sa alulod ng pakikipagtalastasan na ginagamit ni Jehova, at tanggapin ang lahat ng gayong pasulong na liwanag bilang “pagkain sa tamang panahon”?—Mateo 24:45.
Pagwawaksi sa Maruruming Gawain
15. Paano baitang-baitang na dinalisay ni Jehova ang kaniyang bayan kung tungkol sa marurumi o maka-Babilonyang mga gawain?
15 Ikaapat, ang paglilinis ay naganap nang sapilitang ipag-utos ang pagwawaksi sa marurumi o maka-Babilonyang mga gawain. Noong mga taon ng 1920 ang bayan ng Diyos ay huminto na ng pagdiriwang ng Pasko at iba pang mga kapistahan na nakita nilang nagmula sa mga pagano. Noong 1945 ang Kristiyanong paninindigan tungkol sa pagsasalin ng dugo ay ipinaliwanag. Noong mga taon ng 1960 at 1970, samantalang patuloy na sumasamâ ang moralidad ng daigdig, Ang Bantayan ay patuloy na naglaan ng mahalagang mga payo para sa bayan ng Diyos sa mga paksa na gaya baga ng wastong pakikitungo ng mga sekso sa isa’t isa at ang pangangailangan na umalpas sa tabako at iba pang mga droga.
16. Tungkol sa maruruming gawain ano ang dapat maging pangmalas sa gayong mga pagtutuwid?
16 Mangyari pa, ang gayong mga pagbabago may kinalaman sa maruruming gawain ay kalimitan nagsilbing isang pagsubok sa katapatan kung para sa bayan ng Diyos. Gayunman, yaong mga nagsigawa ng kinakailangang mga pagbabago ay naniniwala na ang gayong mga pagbabago ay isang tulong sa pagwawaksi sa isang maruming kasuotan. (Colosas 3:9, 10) Kanilang natalos na bagama’t ang mga kaugalian na kaugnay ng mga ilang kapistahan ay sa tingin hindi nakapipinsala, ang pangmalas ni Jehova ang dapat na pag-isipan natin; kaniyang nasaksihan nang tuwiran ang paganong mga gawaing relihiyoso na pinagmulan ng mga ito. Kung tungkol sa mga kahilingan ng Diyos tungkol sa kalinisang-asal, ang kanilang pagkakilala rito ay isang proteksiyon ito imbis na isang restriksiyon o paghihigpit, kaya’t sila’y pinagpala ni Jehova sa pagiging malinis. Kung sakaling ang isang pagbabago ay waring mahirap na maunawaan, sila’y nagtiwala na si Jehova ang ‘nagtuturo sa kanila ng mapapakinabangan ng kanilang sarili.’—Isaias 48:17.
17, 18. (a) Bilang mga indibiduwal paano tayo sinusubok ng Dakilang Mangdadalisay? (b) Tayo ay dapat na maging disidido sa ano samantalang hinihintay natin ang araw ni Jehova?
17 Taun-taon patuloy na dinadalisay at nililinis ni Jehova ang kaniyang bayan. Bilang isang pangkat, sila’y napadalisay kung tungkol sa kanilang organisasyon, aktibidad, doktrina, at kalinisan sa moral. Subalit kumusta naman tayo bilang mga indibiduwal? Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon si Jehova ay patuloy na namamahagi ng “matigas na pagkain” para sa patnubay na dumadalisay sa puso. Ang ating mga motibo ay sinusubok at sinusuri. (Hebreo 4:12; 5:14) Sa pamamagitan ng pagtugon sa ginagawang pagdalisay at paglilinis ng Dakilang Mangdadalisay, tayo’y nananatiling malinis samantalang hinihintay natin “ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”—Malakias 4:5.
18 Salamat kay Jehova, “ang tunay na Panginoon,” at sa kaniyang “sugo ng tipan,” si Jesu-Kristo, na dumadalisay sa atin at hinahango tayo sa karumihan sa panahong ito ng pagsubok at pagsalà. Harinawang lahat tayo ay magpatuloy na lumakad sa malilinis na landas ni Jehova ng kapayapaan sa ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Kristo Jesus, at sa gayo’y manatili sa ating maligayang relasyon kay Jehova.—Isaias 9:6; Awit 72:7.
Paano ba Dinalisay ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod Kung Tungkol sa—
◻ Mga pagtutuwid sa organisasyon?
◻ Pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan?
◻ Pagtanggap sa pasulong na liwanag?
◻ Pagwawaksi sa maruruming gawa?
[Blurb sa pahina 16]
Bunga ng paglilinis at pagdadalisay, ang tapat-pusong nalabi ay ‘naging isang bayan kay Jehova na naghahandog ng kaloob sa katuwiran’
[Blurb sa pahina 19]
Sa taun-taon ay patuloy na dinadalisay at nililinis ni Jehova ang kaniyang bayan
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga karumihan, o sukal ay hinahapaw ng sinaunang mangdadalisay. Sa katulad na paraan, pinahintulutan ni Jehova ang pagsubok at pagsalà upang madalisay ang kaniyang mga lingkod
[Larawan sa pahina 18]
Ang ilan ay ‘itinahip’ na gaya ng “ipa,” ngunit ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay nagagalak na tumatanggap sa pasulong na espirituwal na kaliwanagan
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.