Ayon kay Juan
17 Pagkasabi nito, tumingala si Jesus sa langit at sinabi niya: “Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong anak para maluwalhati ka ng iyong anak.+ 2 Binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng tao+ para mabigyan niya ng buhay na walang hanggan+ ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.+ 3 Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan,+ kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos,+ at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.+ 4 Naluwalhati kita sa lupa+ dahil tinapos ko ang gawain na ibinigay mo sa akin.+ 5 Kaya, Ama, luwalhatiin mo ako; hayaan mong makasama kitang muli at magkaroon ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong kasama kita bago pa umiral ang sanlibutan.+
6 “Ipinakilala ko ang pangalan mo sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.+ Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. 7 Alam na nila ngayon na ang lahat ng bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; 8 dahil nang sabihin ko sa kanila ang mga sinabi mo sa akin,+ tinanggap nila iyon at naunawaan nilang dumating ako bilang kinatawan mo,+ at naniwala sila na isinugo mo ako.+ 9 Nakikiusap ako para sa kanila; nakikiusap ako, hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo; 10 at ang lahat ng akin ay sa iyo at ang sa iyo ay akin,+ at niluwalhati nila ako.
11 “Aalis na ako sa sanlibutan, at pupunta ako sa iyo, pero sila ay mananatili sa sanlibutan.+ Amang Banal, bantayan mo sila+ alang-alang sa iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin, para sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa.+ 12 Noong kasama pa nila ako, binabantayan ko sila+ alang-alang sa iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin; at iningatan ko sila, at walang isa man sa kanila ang napuksa+ maliban sa anak ng pagkapuksa,+ para matupad ang nasa Kasulatan.+ 13 Pero pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako ay nasa sanlibutan para madama nila nang lubos ang kagalakang nadarama ko.+ 14 Ipinaalám ko sa kanila ang iyong salita, pero napoot sa kanila ang sanlibutan+ dahil hindi sila bahagi ng sanlibutan,+ kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.
15 “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi hinihiling ko na bantayan mo sila dahil sa isa na masama.+ 16 Hindi sila bahagi ng sanlibutan,+ kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.+ 17 Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan;+ ang iyong salita ay katotohanan.+ 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan.+ 19 At pinananatili kong banal ang sarili ko alang-alang sa kanila, para sila rin ay maging banal sa pamamagitan ng katotohanan.
20 “Nakikiusap ako, hindi lang para sa kanila, kundi para din sa mga nananampalataya sa akin dahil sa kanilang pagtuturo; 21 para silang lahat ay maging isa,+ kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo,+ para sila rin ay maging kaisa natin, at sa gayon ay maniwala ang sanlibutan na isinugo mo ako. 22 Ibinigay ko sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, para sila ay maging isa kung paanong tayo ay iisa.+ 23 Ako ay kaisa nila at ikaw ay kaisa ko, para lubusan silang magkaisa,+ at sa gayon ay malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at na inibig mo sila kung paanong inibig mo ako. 24 Ama, gusto ko sana na kung nasaan ako, naroon ding kasama ko ang mga ibinigay mo sa akin,+ para makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, dahil inibig mo ako bago pa maitatag ang sanlibutan.+ 25 Amang Matuwid, hindi ka nakilala ng sanlibutan,+ pero kilala kita,+ at nalaman nila* na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala,+ para maipakita nila sa iba ang pag-ibig na ipinakita mo sa akin at ako ay maging kaisa nila.”+