Mga Mensahe ng Anghel sa Ating Kaarawan
“Isinugo . . . ng Diyos ang kaniyang anghel at ibinigay iyon sa pamamagitan ng mga tanda.”—APOCALIPSIS 1:1.
1. Ano ang maling pagkaunawa tungkol sa pangalang Apocalipsis, at ano ang isinisiwalat ng Apocalipsis tungkol sa hinaharap?
APOCALIPSIS. Anong dalas na ang pangalang iyan ay narinig sa ika-20 siglong ito—subalit maling-mali ang pagkaunawa riyan! Sa diwa na naaayon sa Bibliya, hindi iyan tumutukoy sa pagkalipol ng buong sangkatauhan sa isang digmaang nuklear. Bagkus, ang salitang Griegong ito ay nangangahulugang “pag-aalis ng takip.” Sa pamamagitan ng makahulang mga larawan, ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis, o Pagsisiwalat, ay nag-aalis ng takip sa mga pangyayari na umaabot sa sukdulan sa pagbubukang-liwayway ng isang panahon ng walang-hanggang kaligayahan para sa sangkatauhan. Sa gayon, ang Apocalipsis ay sinisimulan ng apostol ni Jesus na si Juan sa mga salitang: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at silang mga nakapakinig ng mga salita ng hulang ito, at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito; sapagkat ang takdang panahon ay malapit na.”—Apocalipsis 1:3.
2, 3. Bakit ito ay hindi isang maligayang daigdig, at ano ang nilayon na gawin ni Jehova?
2 Ang daigdig sa ngayon ay hindi maligaya. Ang dahilan kung bakit hindi maligaya ito ay isinasaad sa isang awit na likha ni Moises mga 3,460 taon na ngayon: “Sila’y nagpakasamâ sa ganang sarili nila; sila’y hindi mga anak [ng Diyos], ang kapintasan ay kanilang sarili. Mga tampalasan at likong lahi!” (Deuteronomio 32:5) Angkop na angkop nga ang mga salitang iyon sa modernong lahi, na ang mga bagay na minamahalaga ay totoong baluktot na baluktot at liko! Halimbawa, ang paunang-salita ng World Military and Social Expenditures 1987-88 ay nagsasabing tahasan: “Ang buhay ng lahat ng bansa ay pinasamâ ng paligsahan sa pagpaparamihan ng armas. Ang Estados Unidos at ang Unyong Sobyet ay magkasamang gumugugol ng humigit-kumulang na $1.5 bilyon isang araw sa hukbong pandepensa. Gayunman ang Estados Unidos ay nasa ikalabing-walong hanay kung ihahambing sa lahat ng bansa sa dami ng namamatay na mga sanggol, ang USSR ay ikaapatnapu’t anim. Ang nagpapaunlad na mga bansa ay gumugugol ng halos makaapat na dami sa armas kung ihahambing sa nagugugol sa pangangalaga sa kalusugan ng kanilang mamamayan. Gayumpaman daan-daang milyon sa mga bansang iyon ang nagugutom; 20-porsiyento ng kanilang mga anak ay namamatay bago sumapit ang kanilang ikalimang taóng kapanganakan.”
3 May iba pang mga dahilan sa paglakad na ito sa landas ng kapahamakan—ang pagguho ng moral at ng kaayusan ng pamilya, ang krimen at terorismo na lumalaganap sa lupa, ang kawalang-pag-ibig at katampalasanan ng kasalukuyang lahi. Anong ligaya natin sa pagkaalam na nilayon ni Jehova na ‘ipahamak ang mga nagpapahamak ng lupa’! (Apocalipsis 11:18) Sa kapana-panabik na detalye, ang aklat ng Apocalipsis sa Bibliya, sa sunud-sunod na 16 na pangitain, ay naglalahad kung paano niya gagawin ito.
“Mga Anghel” at “mga Tanda”
4. Paanong ang mga anghel ay nasasangkot sa Apocalipsis, at paano inilalarawan ng mga pangitain ang pinakaprominenteng anghel?
4 Ang Apocalipsis ay nagsasabog ng liwanag sa unang hula ng Bibliya, sa Genesis 3:15, na nagpapakita kung paano malulutas ang alitan ni Satanas at ng organisasyon ng Diyos na inihahambing sa isang babae, at ng kanilang dalawang ‘mga binhi.’ Isinisiwalat nito ang paghatol ni Jehova sa kaniyang mga kaaway at sa mga umiibig sa kaniya at sumusuporta sa kaniyang soberanya. Ang Apocalipsis ay inihatid kay Juan ng isang anghel “sa pamamagitan ng mga tanda.” Ang iba pang mga anghel, o mga mensahero, ay may bahagi sa pagpapahayag at pagganap ng ipinahihiwatig ng mga tandang iyon. Ang pinaka-prominenteng anghel ay ipinakikilala ng Apocalipsis 1:5 bilang “si Jesu-Kristo, ‘ang Tapat na Saksi,’ ‘Ang panganay sa mga patay,’ at ‘Ang Pangulo ng mga hari sa lupa.’” Ang “mga tanda,” o mga pangitain, ay naglalarawan sa kaniya bilang isang “Leon,” isang “Kordero,” si “Miguel,” at kung ilang beses na inilalarawan siya na isang makapangyarihang anghel.—Apocalipsis 5:5, 13; 9:1, 11; 10:1; 12:7; 18:1.
5. Ano ang tinatalakay sa unang pangitain ng Apocalipsis, at paano tayo nasasangkot dito?
5 Ang unang pangitain, sa Apocalipsis 1:10–3:22, ay tumatalakay sa nakapupukaw na mga mensahe na ibinigay ng niluwalhating si Jesus sa “mga anghel,” o mga tagapangasiwa, ng pitong kongregasyon sa Asya na lumalarawan sa buong pangglobong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa “araw ng Panginoon.” Kaya’t ang mga mensahe ay para sa atin sa ngayon! Tayo’y dapat maging masikap na “makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon,” sapagkat ang mga babala at mga payong ito ay para sa ikatitibay-loob natin, upang tayo’y maging tapat—sinang-ayunan dahil sa ating mga gawa at sa ating “pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagtitiis.”—Apocalipsis 1:10; 2:7, 10, 19.
6. Paano tayo makikinabang sa bawat isa sa mga mensahe na ipinadala sa pitong kongregasyon sa Asya?
6 Tulad ng kongregasyon sa Efeso, marahil ay naglingkod tayo nang may katapatan at kinapootan natin ang mga gawa ng sekta-sektang mga apostata, subalit kung ang ating sariling pag-ibig ay manghina sa anumang paraan, tayo’y dapat magsisi at manumbalik sa ating unang pag-ibig taglay ang buong kasiglahan nito! Tulad ng mayaman sa espirituwalidad na mga Kristiyano sa Smirna, walang takot na pagsumikapan natin na makamit ang gantimpala, anupa’t pinatutunayan nating tayo’y “tapat hanggang kamatayan,” kung sakaling kailanganin iyan. Tulad niyaong mga sinubok ni Satanas sa Pergamum, kailangang pagsisihan natin ang anumang nakalipas na idolatriya, imoralidad, o sektaryanismo. Ang mga taga-Tiatira ay pinayuhan na mag-ingat laban sa katulad na mga pang-aakit, lalo na ang mga impluwensiyang tulad-Jezebel. Tayo man ay kailangan ding pakaingat! Sinuman na nakaranas ng kamatayan sa espirituwal, tulad ng mga Kristiyano sa Sardis, ay kailangang gumising bago maging huli na ang lahat. Isang bukás na pintuan ng paglilingkod ang nakaharap sa atin, tulad din ng napaharap sa mga taga-Filadelfia; harinawang magkaroon tayo ng lakas na magtagumpay kung nasa panahon ng pagsubok, gaya ng kanilang ginawa! Kung ang sinuman sa atin ay naging malahininga katulad ng mga taga-Laodicea, gumising tayo upang makita ang ating espirituwal na pagkahubad at tayo’y magsisi. Si Jesus ay nakatayo at tumutuktok sa pinto. Harinawang tayong lahat ay sumalubong sa kaniya at makisalo sa kaniya sa isang nakagagalak na espirituwal na hapunan sa ating 55,000 kongregasyon sa buong globo!—Apocalipsis 1:11; 2:7, 10, 11, 17, 29; 3:6, 13, 22.
Ang Trono ng Diyos, Isang Nakabalumbong Aklat, at Isang Tanong
7. Anong mga papuri ang inaawit sa ikalawang pangitain, at paano ka naaapektuhan?
7 Sa ikalawang pangitain ay nakita ni Juan ang maningning na trono ni Jehova sa langit. Ang ating marilag na Diyos ay lumitaw sa gitna ng nangingibabaw na kaningningan, pinaglilingkuran ng apat na kerubin, ng hukbu-hukbong mga anghel, at ng binuhay-muling mga nagtagumpay na Kristiyano. Totoong nakapupukaw-kaluluwa ang kanilang awit ng papuri: “Karapat-dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahilan sa iyong kalooban kung kaya’t sila’y nagsiiral at nangalalang”! Si Jehova ay nag-aabot ng isang nakabalumbong aklat sa Isang karapat-dapat magbukas niyaon—ang Leon ng tribo ng Juda, ang pinatay na Kordero na nagiging ating Manunubos. Lahat ng nilalang ay pumupuri kay Jehova at sa Kordero.—Apocalipsis 4:11; 5:2-5, 11-14.
8. Ano ang makikita natin sa ikatlong pangitain ng Apocalipsis, at paano nauugnay ito sa kaarawan natin?
8 Ngayon ay ang ikatlong pangitain! Binubuksan ng Kordero ang pitong tatak ng nakabalumbong aklat. Ano ang nakikita natin? Una, ang bagong kaluluklok na si Jesus ay lumabas mula sa mga langit na nakasakay sa isang kabayong maputi, na lumalarawan sa matuwid na pakikidigma. Kasunod nito, sa pamamagitan ng isang nakasakay sa kabayong mapula isang lubus-lubusang digmaan ang nagaganap sa lupa. Pagkatapos ay dumating naman ang kabayong maitim ng taggutom, at kasunod nito ang kabayong maputla ng salot, na ang nakasakay ay may pangalang Kamatayan! Kasunod ang Hades, upang sumakmal sa angaw-angaw na mga biktima. Lahat na ito ay “pasimula ng kahirapan” na sumapit sa sangkatauhan noong 1914-18 at natatandaan pa ng mga may edad nang nasa salinlahing iyan na ngayon ay mga buháy pa. (Mateo 24:3-8) Ang mga mangangabayong iyon ay patuloy pa rin ang pagpapakaskas! At sa pagbubukas ng ikalima at ikaanim na mga tatak, ang mga pangyayari ay nagaganap patungo sa ‘dakilang araw ng galit ni Jehova at ng Kordero.’ Ang tanong ay: “Sino ang makatatayo?”—Apocalipsis 6:1-17.
Yaong mga “Makatatayo”
9. Anong kapana-panabik na pagsisiwalat ang ginagawa sa ikaapat na pangitain?
9 Nahahayag ang ikaapat na pangitain, na nagpapakita kung sino ang makaliligtas sa araw ng galit ng Diyos, at kung bakit. Pinipigil ng mga anghel ang apat na hangin upang huwag munang ipahamak ang lupa upang ang pagtatatak sa espirituwal na Israel—ang 144,000—ay matapos. “Pagkatapos ng mga bagay na ito,” ang pangitain ay lumalawak at nagiging isang tanawing nakapangingilig: “Narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nangakatayo sa harap ng trono [ng Diyos] at sa harap ng Kordero, na nangakadamit ng mga puting kasuotan; may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay. At sila’y patuloy na nagsisigawan sa malakas na tinig, na nagsasabi” ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’” (Apocalipsis 7:1-10) Iyo bang nakikita ang iyong sarili sa larawang ito?
10. (a) Sa paghahambing sa mga ulat sa Memoryal para sa 1935 at 1987 ano ang ipinakikita tungkol sa katuparan ng ikaapat na pangitain? (b) Sa anong tanong ngayon nasasangkot ang bawat isa sa atin, at bakit?
10 Noong 1935 ang dumalo sa buong daigdig sa pagdiriwang ng Alaala ng kamatayan ni Jesus ay 32,795. Dito, 27,006 ang nakibahagi sa mga emblema bilang ang mga nalalabi pa rito sa lupa ng 144,000, na may makalangit na pag-asa. Pagkatapos, nang taon ding iyon, nagliwanag na mainam kung sino ang malaking pulutong. Ang mga maaamong taong ito, na umaasang magtatamo ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso, ay nananampalataya rin naman sa itinigis na dugo ni Jesus; sila’y lumalapit kay Jehova sa pag-aalay, nagpapabautismo, at masigasig na naglilingkod sa Diyos taglay ang maligayang pag-asang makatawid nang buháy sa “malaking kapighatian.” Sa Memoryal noong 1987, ang bilang ng mga dumalo ay 8,965,221, at 8,808 lamang ang nakibahagi. Ito’y nagpapakita na ang milyun-milyon sa ngayon ay kabilang sa malaking pulutong o dili kaya’y interesado na mapabilang sa grupong iyan. Ikaw ba ay “makatatayo” bilang isa sa mga ito sa panahon ng ‘dakilang araw ng galit ni Jehova at ng Kordero’? Ikaw ay makaliligtas kung kukuha ka ng mga hakbangin ukol sa layuning iyan.—Apocalipsis 6:15-17; 7:14-17.
Paghihip ng Trumpeta na Naghahayag ng mga Kahatulan ng Diyos
11. Anong mga kahatulan ang inihahayag ng paghihip ng trumpeta sa ikalimang pangitain, at paano ito nauugnay sa ating kaarawan?
11 Ang ikapitong tatak ay binubuksan! Nahahayag ang ikalimang pangitain ng Apocalipsis. Pitong anghel ang nakatayo sa harap ng Diyos. Sila’y binibigyan ng pitong trumpeta, at sa pamamagitan nito ay kanilang inihahayag ang mga kahatulan na ipinahahayag sa buong lupa ng bayan ni Jehova sapol noong 1922. Ang unang apat ay naghahayag ng mga kahatulan sa “ikatlong” bahagi ng sangkatauhan, maliwanag na tumutukoy sa mga nasa Sangkakristiyanuhan. Ang mga ‘trumpetang’ ito ay nagpapakita na ang bahagi ng Sangkakristiyanuhan sa “lupa” (ang waring permanenteng sistema ng mga bagay ni Satanas) at sa “dagat” (ang maligalig na karamihan sa sangkatauhan), pati na ang kaniyang ‘mga ilog at mga bukal ng tubig’ (ang mga doktrina at pilosopiya ng Sangkakristiyanuhan) at ang kaniyang madilim na mga tanglaw (ang klero, na walang espirituwal na liwanag), ay pawang mga tudlaan ng galit ng Diyos. Isang lumilipad na “agila,” na lumalarawan sa isang anghel, ang susunod na makikita sa kalagitnaan ng langit, at nagbabalita na ang darating pang tatlong paghihip ng trumpeta ay mangangahulugan ng ‘pagkaaba, pagkaaba, pagkaaba, ng mga nananahan sa lupa.’—Apocalipsis 8:1-13.
12. Sino ang nagbubukas ng balon ng kalaliman, at paanong sa modernong panahon ay isang kuyog ng “mga balang” ang tumibo sa klero?
12 Samakatuwid ay hinihipan ng ikalimang anghel ang kaniyang trumpeta. Narito! “Isang bituin”—ang Panginoong Jesus—ang nagbubukas ng mausok na balon ng kalaliman, at isang kuyog ng mga balang ang naglalabasan. Kapuna-puna, ito’y lumalarawan sa pagpapalaya ni Jesus sa pinahirang mga saksi ng Diyos buhat sa pagkahinto sa gawain noong 1919. Sa pamamagitan ng autoridad na galing sa Diyos, sinasalanta ng mga ito ang pastulan ng klero, mga huwad na turo at pagpapaimbabaw ng klero ay ibinilad nila nang “limang buwan”—ang karaniwang haba ng buhay ng isang balang. Pinatotohanan nito na ang salinlahi ng modernong-panahong mga balang ay “sa anumang paraan hindi lilipas” hanggang sa matapos ni Jehova at ni Kristo ang paghuhukom sa mga bansa. Nangyari na nga, ang pangkat ng mga balang ay nakapag-iwan na sa mga tao ng isandaang milyong mga lathalaing salig-sa-Bibliya, na may nag-aapoy na mga mensahe ng paghatol na tumitibo na gaya ng mga buntot ng alakdan. Ito pa ang sabi ni Juan: “Ang unang pagkaaba ay nakaraan na. Narito! Dalawa pang pagkaaba ang darating pagkatapos ng mga bagay na ito.”—Apocalipsis 9:1-12; Mateo 24:34; 25:31-33.
13. (a) Sino ang inilalarawan ng apat na anghel na kinalagan buhat sa lugar na malapit sa Ilog Euprates, at ano ang kanilang gawain? (b) Sino ang makalawang sampunlibong tigsasampung libong mangangabayo, at sa paanong ang kanilang kapangyarihan ay “nasa kanilang mga bibig at nasa kanilang mga buntot”?
13 Ang ikaanim na trumpeta ay humihihip, nagbabalita ng ikalawang “pagkaaba.” Apat na anghel ang kinakalagan buhat sa lugar na malapit sa Ilog Euprates, anupa’t angkop na lumalarawan sa pagpapalaya noong 1919 ng pinahirang mga saksi ng Diyos buhat sa pagkabihag sa Babilonya. Sila’y inihanda upang “patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao,” anupa’t ipinakikilala na ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay patay ayon sa pangmalas ni Jehova. Subalit kailangan ang tulong upang mapalawak ang gawaing pagpapatotoong ito, at ito naman ay inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng pagtitipon sa isang malaking pulutong ng mga kamanggagawa. Ang pinahirang mga saksi at ang mga katulong nilang ito ay sama-samang umaabante bilang ang di-mabilang na mga nasa hukbo ng mga mangangabayo, “makalawang sampunlibong tigsasampung libo.” Ang kanilang kapangyarihan ay “nasa kanilang mga bibig” yamang kanilang sinasalita ang kahatulan ng mga mensahe ni Jehova sa mga tahanan ng mga tao, at iyon ay “nasa kanilang mga buntot” yamang sila’y nag-iiwan ng mga literatura sa Bibliya na naghahayag ng kaniyang mabilis-na-dumarating na araw ng paghihiganti.—Apocalipsis 9:13-21; Gawa 20:20, 21.
14. (a) Sino ang “malakas na anghel” sa ikaanim na pangitain, at ano ang kaniyang ginagawa at sinasabi? (b) Ano ang tinutukoy ng pagsasabing ang munting balumbon ng aklat ay “sintamis ng pulut-pukyutan” gayunman ay ‘mapait sa tiyan’?
14 Ngayon ang ikaanim na pangitain ay nahahayag. Nakikita natin ang isang “malakas na anghel,” maliwanag na ito’y ang Panginoong Jesus sa isang natatanging papel na ginagampanan niya. Siya ay mayroong hawak na isang munting balumbon ng aklat. Nakaririnig ng mga tinig at mga kulog, at pagkatapos ang anghel ay nanunumpa sa pamamagitan ng ating Dakilang Maylikha: “Hindi na magkakaroon ng pagkaatraso; kundi sa mga araw ng paghihip ng ikapitong anghel, pagka kaniyang hihipan na ang kaniyang trumpeta, ang banal na lihim ng Diyos . . . ay tapos na nga.” Sinabi kay Juan na kunin ang munting balumbon ng aklat at kanin iyon. Sa kaniyang bibig iyon ay “sintamis ng pulut-pukyutan,” kung paanong ang mabuting balita ng Kaharian, taglay ang ipinangakong mga pagpapala ng “isang bagong langit at isang bagong lupa,” ay napakasarap na pakinggan para sa pinahirang uring Juan at sa mga kasamahan nito sa ngayon. Subalit, sa kabaligtaran, ang utos na ipahayag ang araw ng paghihiganti ng Diyos “may kinalaman sa mga bayan at mga bansa at mga wika at sa maraming mga hari” ay mapait sa tiyan na tiisin. Subalit, magpakalakas-loob ka! Tibayan mo ang iyong pananampalataya na si Jehova ay magbibigay ng kinakailangang lakas samantalang ibinabalita mo ang kaniyang araw ng paghihiganti.—Apocalipsis 10:1-11; 21:1, 4; 1 Juan 5:4; Isaias 40:29-31; 61:1, 2.
Ang Ikapitong Trumpeta at ang Ikatlong Pagkaaba
15. (a) Ano ang mangyayari pagkatapos na maihayag ang ikatlong pagkaaba at mahipan ng ikapitong anghel ang kaniyang trumpeta? (b) Sa anong paraan isang pagkaaba ang pagbabalita ng Kaharian?
15 Pagkatapos ihula ang pagtatangka ng kaaway noong 1918 na “patayin” ang mga saksi ng Diyos, at pagkatapos ilarawan kung paanong kapuna-punang ang “espiritu ng buhay mula sa Diyos” ay muling nagpasigla sa kanila noong 1919 upang magbigay ng pangglobong patotoo, si Juan ay sumulat: “Nakaraan na ang ikalawang pagkaaba. Narito! Nagmamadaling dumarating ang ikatlong pagkaaba.” Sa paano? Ang ulat ay nagpapatuloy: “At humihip ng kaniyang trumpeta ang ikatlong anghel.” Samakatuwid ang ikatlong pagkaaba ay kaugnay ng paghihip ng huling trumpetang iyon. At pakinggan! “Nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, na nagsasabi: ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [Jehova] at ng kaniyang Kristo, at siya’y maghahari magpakailan-kailan man.’” Ito ay yaong kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus, na kasama ang kaniyang 144,000 mga kasamahang tagapamahala ay tumatapos sa banal na lihim ng Diyos, na nagbabangong-puri sa walang-hanggang soberanya ng Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Ang pagbabalita bang ito ng Kaharian ay isang pagkaaba? Sa mga balakyot, oo! Sapagkat ipinakikita nito kung paano nga “ipahahamak [ng Diyos] yaong mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:1-19.
16. Anong madulang pagsisiwalat ang ginagawa sa ikapitong pangitain?
16 Ang ikapitong pangitain ang ngayo’y natatanaw! Masdan, hayun, ang masunuring organisasyon ng Diyos sa langit, ang kaniyang “babae.” Ito’y nagdadalantao at nasa kahirapan ng kaniyang panganganak sa isang malaon nang hinihintay-hintay na sanggol. Sa unang pagkakataon—ngunit hindi ito ang huli—sa Apocalipsis, isang matingkad-pulang dragon, “ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumadaya sa buong tinatahanang lupa,” ay lumilitaw, na nakahandang sakmalin ang sanggol sa sandaling maipanganak na iyon. Ang inihulang ‘pag-aalitan [ng ahas] at ng babae’ ay patuloy tungo sa pagtatagisan ng lakas! Ang babae ay nagsisilang ng “isang anak, na lalaki,” na kapagdaka’y inagaw at dinala sa trono ng Diyos.—Apocalipsis 12:1-6, 9; Genesis 3:15; Daniel 2:44; 7:13, 14.
17. (a) Sino si Miguel, at paano siya kumikilos ayon sa kaniyang pangalan mula noong 1914? (b) Ipakita ang pagkakaiba ng ‘tatlong pagkaaba’ at ng ‘pagkaaba ng lupa’ na tinutukoy sa Apocalipsis 12:12.
17 Ito ang Kaharian na isinasagisag ng sanggol na lalaki, at itinatag sa langit noong makasaysayang taóng 1914. Ang Hari nito, si Kristo Jesus, ay tinatawag din na Miguel, na ang ibig sabihin ay “Sino ang Gaya ng Diyos?” Kaniyang sinasagot kapagdaka ang tanong na iyan sa pamamagitan ng pakikipagbaka kay Satanas at pagbubulid dito sa lupa sa matandang dragong iyan at sa kaniyang mga demonyo. Mula noong 1914, “sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” Samakatuwid ang pagkaabang ito, na mababanaag sa kalunus-lunos na kalagayan ng sangkatauhan sa ngayon, ay naiiba at hindi dapat ipagkamali sa ‘tatlong pagkaaba’ na pinasasapit ni Jehova sa mga balakyot sa paghatol sa kanila.—Apocalipsis 12:7-12.
18. (a) Anong pagkaaba ang sinikap ni Satanas na Diyablo na idulot sa tapat na mga alipin ni Jehova bago at sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II? (b) Ano desidido pa ring gawin ng Diyablo, at ano ang isisiwalat ng natitirapang mga pangitain?
18 Ang Diyablo ay nagsikap na dulutan din ng pagkaaba ang tapat na mga alipin ni Jehova sa lupa. Bago at sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II, siya’y nagbuga ng isang mistulang baha ng pag-uusig sa pagsisikap na malunod ang gawain ng “mga nalalabi” ng tulad-babaing organisasyon ng Diyos—yaong bahagi ng 144,000 na naglilingkod pa sa gitna ng sangkatauhan. Pinapangyari ni Jehova na ang bahang iyon ay lamunin ng lupa, ang sariling sistema ng mga bagay ni Satanas. Gayunman, isang napopoot na Satanas ang desidido pa rin na makipagbaka sa mga Saksi ni Jehova. (Apocalipsis 12:13-17) Ano ang katapusang kahihinatnan nito? Siyam na pangitain ang darating pa, at ang mga ito ang magsasabi sa atin!—Habacuc 2:3.
MGA TANONG SA REPASO
□ Paano gumamit si Jehova ng mga anghel may kaugnayan sa aklat ng Apocalipsis?
□ Paano tayo dapat maapektuhan ng mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon?
□ Ano ang naging resulta ng paghihip ng pitong trumpeta?
□ Ano ang inilalarawan ng kuyog ng mga balang at ng di-mabilang na mga mangangabayo?
□ Bakit ang kapanganakan ng Kaharian ng Diyos ay iniugnay sa “ikatlong pagkaaba”?
[Kahon sa pahina 14]
KABANATA AT TALATA NG BAWAT PANGITAIN:
□ UNANG PANGITAIN 1:10–3:22
□ IKA-2 PANGITAIN 4:1–5:14
□ IKA-3 PANGITAIN 6:1-17
□ IKA-4 PANGITAIN 7:1-17
□ IKA-5 PANGITAIN 8:1–9:21
□ IKA-6 PANGITAIN 10:1–11:19
□ IKA-7 PANGITAIN 12:1-17
□ IKA-8 PANGITAIN 13:1-18
□ IKA-9 PANGITAIN 14:1-20
□ IKA-10 PANGITAIN 15:1–16:21
□ IKA-11 PANGITAIN 17:1-18
□ IKA-12 PANGITAIN 18:1–19:10
□ IKA-13 PANGITAIN 19:11-21
□ IKA-14 NA PANGITAIN 20:1-10
□ IKA-15 PANGITAIN 20:11–21:8
□ IKA-16 NA PANGITAIN 21:9–22:5
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 15-18]
ANG 16 NA MGA PANGITAIN SA APOCALIPSIS—MGA ILANG TAMPOK
1 Si Jesus, sa gitna ng mga kandelero ng pitong kongregasyon, ay nagpapadala ng maibiging mga mensahe sa pamamagitan ng pitong bituin, ang pinahirang mga tagapangasiwa
2 Sa harap ng makalangit na trono ni Jehova ang nagtagumpay na Kordero ay tumatanggap ng isang balumbon ng aklat ng kahatulang mga mensahe
3 Si Kristo Jesus ay nangangabayo patungo sa pananakop, habang ang ibang mga mangangabayo ay nagdudulot ng kahirapan sa sangkatauhan at ang araw ng poot ng Diyos ay palapit nang palapit
4 Samantalang pinipigil ng mga anghel ang malaking kapighatian, ang pagtitipon sa 144,000 at sa malaking pulutong ay natatapos
5 Ang mga anghel ay humihihip ng mga trumpeta upang ibalita ang mga kahatulang mensahe, at ang mga Saksi ni Jehova ay nagkukuyug-kuyog na mistulang mga balang sa pagbubunyag sa huwad na relihiyon
6 Sa paghihip sa ikapitong trumpeta, ang “mga saksi” ng Diyos ay muling sumigla upang ibalita ang napipintong Kaharian ni Jehova at ng kaniyang Kristo
7 Pagkatapos na maisilang ang Kaharian noong 1914, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ibinubulusok ni Kristo sa lupa
8 Dalawang mababangis na hayop ang lumilitaw, at ang isang larawan ng una, ang pinagsamang UN, ay hinihingahan ng hininga ng buhay ng ikalawang pulitikal na hayop
9 Yaong mga nasa sangkatauhan na ‘natatakot sa Diyos at nagbibigay-kaluwalhatian’ sa kaniya ay inaani para sa buhay na walang-hanggan, ang iba ay para sa pagkapuksa
10 Ang pagbubuhos ng pitong mangkok ng galit ng Diyos ay nagtatapos sa paglipol sa lahat ng mga pinakikilos ng marungis na “hangin” ni Satanas
11 Ang dakilang patutot, ang huwad na relihiyon, ay inaalis sa pagkaupo sa makapulitikang “hayop,” na pagkatapos ay siyang nagwawasak sa kaniya
12 Pagkatapos na mapuksa ang Babilonyang Dakila, tinatapos ang mga paghahanda para sa kasal ng Kordero at ng kaniyang kasintahan, ang 144,000
13 Pagkatapos na mapuksa na ang dakilang patutot, nangunguna si Jesus sa makalangit na mga hukbo sa pagpuksa sa nalalabi pang bahagi ng makalupang pamamalakad ni Satanas
14 Samantalang nasa kalaliman si Satanas ay nabubuksan ang daan para sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at ng kaniyang kasintahan, ang 144,000
15 Sa ilalim ng “bagong langit” ni Kristo Jesus at ng kaniyang kasintahan, ang lipunan ng “bagong lupa” ng sangkatauhan ay magtatamasa ng di-kawasang mga pagpapala buhat kay Jehova
16 Ang mga paglalaan ng Diyos ng pagpapagaling at pagbibigay-buhay sa sangkatauhan ay umaagos sa pamamagitan ng maningning na Bagong Jerusalem