Talaga Bang Napakahaba ng Buhay ng mga Tao Noong Panahon ng Bibliya?
SI Jeanne Louise Calment ay namatay noong Agosto 4, 1997, sa kaniyang bayan sa timog-silangang Pransiya—sa edad na 122!
Dahil sa mga pagsulong sa larangan ng siyensiya, pangangalaga sa kalusugan, at iba pa, ang mga tao sa ngayon ay natulungan na magkaroon ng mahabang buhay. Pero kaunti lamang ang nabubuhay nang isang daang taon o higit pa. Iyan marahil ang dahilan kung bakit napapabalita ang mga may mahabang buhay, gaya ni Madame Calment.
Binabanggit ng Bibliya na mas mahaba ang buhay ng mga tao noon, ang ilan ay halos umabot pa nga ng isang libong taon. Totoo ba iyan? Talaga bang nabuhay nang gayon kahaba ang mga tao noong panahon ng Bibliya? At ano ang halaga nito sa atin?
Mga Taong Nabuhay Nang Mahaba
Binabanggit ng aklat ng Bibliya na Genesis ang pitong lalaking nabuhay nang mahigit 900 taon. Silang lahat ay isinilang bago ang Baha noong panahon ni Noe. Ang mga ito ay sina Adan, Set, Enos, Kenan, Jared, Matusalem, at Noe. (Genesis 5:5-27; 9:29) Malamang na di-kilala ng karamihan ang marami sa kanila, pero silang lahat ay kabilang sa unang sampung henerasyon sa kasaysayan ng tao. Kilalang-kilala si Matusalem bilang ang taong nabuhay nang pinakamahaba—969 na taon!
May binabanggit pa ang Bibliya na di-kukulangin sa 25 indibiduwal na nabuhay rin nang mahaba. Ang ilan ay nabuhay nang 300, 400, 700 taon, o higit pa nga. (Genesis 5:28-31; 11:10-25) Pero para sa marami, ang mga ulat na ito ay alamat lamang. Gayon nga ba?
Alamat o Maaasahang Ulat?
Ayon sa dokumentong inilathala ng Max Planck Institute for Demographic Research sa Alemanya, kinumpirma ng mga mananaliksik ang edad ni Madame Calment sa tulong ng mga “simple at mapatutunayang salaysay” niya—mga detalye tungkol sa kaniyang sarili at mga kamag-anak at sa mga pangyayari noong panahon nila. Ang mga detalyeng ito ay inihambing ng mga mananaliksik sa ilang legal na dokumento at rekord ng gobyerno at simbahan, pati na sa mga sensus at mga artikulo sa pahayagan. Bagaman imposibleng mapatunayan ang lahat ng detalye, natiyak pa rin nila ang edad ni Madame Calment sa pamamagitan ng tuwiran at di-tuwirang mga katibayan.
Kumusta naman ang mga ulat sa Bibliya? Maaasahan ba ang mga ito? Oo! Bagaman hindi lahat ng detalye ay napatunayan ng sekular na mga akda, paulit-ulit na ipinakikita ng mga ebidensiya na ang sinasabi ng Bibliya ay maaasahan at sinusuportahan ng kasaysayan, siyensiya, at kronolohiya.a Hindi iyan kataka-taka, sapagkat sinasabi mismo ng Bibliya: “Ang Diyos ay nagsasabi ng totoo, bagaman ang lahat ay sinungaling.” (Roma 3:4, Contemporary English Version) Oo, yamang ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos,” lahat ng mababasa rito ay totoo.—2 Timoteo 3:16.
Si Moises, na ginabayan ng Diyos na Jehova sa pagsulat ng Pentateuch, o ang unang limang aklat ng Bibliya, ay isa sa pinakamaimpluwensiya at iginagalang na tao sa kasaysayan. Itinuturing siya ng mga Judio na pinakadakila sa lahat ng kanilang guro. Kinikilala naman siya ng mga Muslim na isa sa kanilang pinakadakilang propeta. Para sa mga Kristiyano, si Moises ay lumalarawan kay Jesu-Kristo. Makatuwiran bang sabihin na di-mapagkakatiwalaan ang mga akda ng gayon kaimportanteng tao?
Iba ba ang Pagsukat Nila ng Panahon?
Sinasabi ng ilan na noong panahon ng Bibliya, ang isang taon ay katumbas lamang ng isang buwan. Pero kapag sinuring mabuti ang ulat ng Genesis, makikita natin na pareho lamang sa ngayon ang pagsukat nila ng panahon. Tingnan ang dalawang halimbawa. Sa ulat tungkol sa Baha, mababasa natin na nagsimula ang Delubyo nang si Noe ay 600 taóng gulang, “nang ikalawang buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan.” Pagkatapos, sinabi nito na inapawan ng tubig ang lupa sa loob ng 150 araw at “nang ikapitong buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan, ang arka ay lumapag sa mga bundok ng Ararat.” (Genesis 7:11, 24; 8:4) Kaya ang limang buwan—mula sa ika-17 araw ng ikalawang buwan hanggang sa ika-17 araw ng ikapitong buwan ng taóng iyon—ay binubuo ng 150 araw. Maliwanag, walang basehan ang paniniwala na ang isang taon ay katumbas lamang ng isang buwan.
Ang ikalawang halimbawa ay nasa Genesis 5:15-18. Ayon sa ulat na ito, si Mahalalel ay naging ama nang siya ay 65 anyos, nabuhay pa nang 830 taon, at namatay sa edad na 895. Ang kaniyang apo na si Enoc ay naging ama rin sa edad na 65 anyos. (Genesis 5:21) Kung ang isang taon ay katumbas nga ng isang buwan, ang dalawang iyon ay naging magulang nang sila ay limang taóng gulang pa lamang! Makatuwiran bang isipin iyon?
Sinusuportahan din ng arkeolohiya ang ulat ng Bibliya tungkol sa mga taong may mahahabang buhay. Tungkol sa patriyarkang si Abraham, sinasabi ng Bibliya na siya ay mula sa lunsod ng Ur, at nang maglaon ay nanirahan sa lunsod ng Haran, pagkatapos, sa rehiyon ng Canaan. Nakipaglaban siya kay Kedorlaomer, ang hari ng Elam, at tinalo ito. (Genesis 11:31; 12:5; 14:13-17) Pinatutunayan ng mga tuklas na talagang umiral ang mga lugar at taong nabanggit. Tinutulungan din tayo ng arkeolohiya na maunawaan ang heograpiya ng mga lupain at kaugalian ng mga tao noong panahon ni Abraham. Yamang tumpak ang mga ulat na ito ng Bibliya tungkol kay Abraham, bakit natin pagdududahan ang kaniyang edad na 175 anyos?—Genesis 25:7.
Kaya walang dahilan para pag-alinlanganan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa napakahabang buhay ng ilang tao noon. Pero baka maitanong mo, ‘Ano naman ang halaga sa akin kung ang mga taong iyon ay nabuhay nang napakahaba o hindi?’
Puwede Ka Ring Mabuhay Nang Mahaba!
Ang napakahabang buhay ng mga tao bago ang Baha ay nagpapatunay na ang katawan ng tao ay may kahanga-hangang potensiyal na mabuhay nang mahaba. Dahil sa makabagong teknolohiya, nasuri ng mga siyentipiko ang katawan ng tao at ang kamangha-manghang disenyo nito, pati na ang kagila-gilalas na kakayahan nitong pagalingin ang sarili. Ang kanilang konklusyon? Ang tao ay puwedeng mabuhay magpakailanman. “Ang pagtanda,” sabi ng propesor sa medisina na si Tom Kirkwood, “ay nananatiling isa sa pinakamalaking misteryo sa siyensiya ng medisina.”
Gayunman, para sa Diyos na Jehova, ang pagtanda ay hindi isang misteryo o problemang walang solusyon. Nilalang niya ang unang taong si Adan na sakdal, o perpekto. Nilayon ni Jehova na ang mga tao ay mabuhay magpakailanman. Nakalulungkot, nagrebelde si Adan sa Diyos. Dahil dito, siya ay nagkasala at naging di-sakdal. Ito ang paliwanag na matagal nang hinahanap ng mga siyentipiko: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Tayo ay nagkakasakit, tumatanda, at namamatay dahil sa kasalanan at di-kasakdalan.
Pero hindi kailanman nagbago ang layunin ng ating maibiging Maylalang. Bilang patunay, inilaan niya ang haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, anupat naging posible ang kasakdalan at buhay na walang hanggan. Sinasabi ng Bibliya: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:22) Ang mga tao bago ang Baha ay mas malapit sa kasakdalan kaysa sa atin, at iyan ang dahilan kung bakit sila nabuhay nang mas mahaba. Pero mas malapit naman tayo ngayon sa panahon kung kailan matutupad ang mga pangako ng Diyos. Malapit nang mawala ang lahat ng bakas ng kasalanan at di-kasakdalan, at ang mga tao ay hindi na tatanda at mamamatay.—Isaias 33:24; Tito 1:2.
Paano mo matatanggap ang mga pagpapalang ito? Huwag mong isiping panaginip lamang ang pangako ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Siya na nakikinig sa aking salita at naniniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan.” (Juan 5:24) Kaya mag-aral ng Bibliya at sundin ang mga matututuhan mo. Kung gagawin mo ito, matutularan mo ang mga binanggit ni apostol Pablo na “maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:19) Makatitiyak ka na ang Diyos na nagbigay ng napakahabang buhay sa mga taong binanggit sa Bibliya ay makapagbibigay rin sa iyo ng buhay na walang hanggan!
[Talababa]
a Para sa mga detalye, tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Graph sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1000*
969* MATUSALEM
950* NOE
930* ADAN
900*
800*
700*
600*
500*
400*
300*
200*
100* TAO SA NGAYON
*EDAD