Kabanata 14
Ang Karingalan ng Makalangit na Trono ni Jehova
Pangitain 2—Apocalipsis 4:1–5:14
Paksa: Kagila-gilalas na mga pangyayari sa harap ng trono ng paghatol ng Diyos
Panahon ng katuparan: Itinatampok ng pangitaing ito ang mga pangyayaring nagaganap mula 1914 hanggang sa katapusan ng Milenyo at pagkatapos nito, kapag ang bawat nilalang sa langit at sa lupa ay pupuri kay Jehova.—Apocalipsis 5:13
1. Bakit tayo dapat maging lubhang interesado sa mga pangitaing ibinabahagi sa atin ni Juan?
IBINABAHAGI sa atin ngayon ni Juan ang iba pang nakapupukaw-damdaming pangitain. Sa ilalim ng pagkasi, nasa araw pa rin siya ng Panginoon. Kaya ang inilalarawan niya ay may malalim na kahulugan para sa atin na nabubuhay mismo sa araw na iyon. Sa pamamagitan ng mga pangitaing ito, inaalis ni Jehova ang talukbong na nagkukubli sa makalangit na mga bagay at ipinakikita niya sa atin ang kaniyang sariling pangmalas sa mga paghatol na ilalapat niya rito sa lupa. Karagdagan pa, tinutulungan tayo ng pagsisiwalat na ito na maunawaan ang ating papel sa layunin ni Jehova, makalangit man o makalupa ang ating pag-asa. Kaya dapat na patuloy tayong maging lubhang interesado sa kapahayagan ni Juan: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nakasulat dito.”—Apocalipsis 1:3.
2. Ano ngayon ang nararanasan ni Juan?
2 Ang namamasdan ngayon ni Juan ay nakahihigit sa anumang video na naipalabas sa mga tao sa makabagong panahon! Isinusulat niya: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at, narito! isang bukás na pinto sa langit, at ang unang tinig na aking narinig ay gaya ng sa trumpeta, na nagsasalita sa akin, na nagsasabi: ‘Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat maganap.’” (Apocalipsis 4:1) Sa pangitain, nakita ni Juan ang presensiya ni Jehova sa di-nakikitang mga langit, na lubhang nakatataas sa malayong kalawakan na nagalugad na ng mga astronot, at mas malayo pa kaysa sa mga galaksi ng pisikal na sansinukob. Waring pumasok si Juan sa isang bukás na pinto, at inaanyayahan siyang pagmasdan ang makapigil-hiningang tanawin ng sukdulang espirituwal na mga langit, kung saan mismo nakaluklok si Jehova sa kaniyang trono. (Awit 11:4; Isaias 66:1) Kaylaking pribilehiyo!
3. Ano ang ipinaaalaala ng tinig na “gaya ng sa trumpeta,” at sino ang walang-alinlangang Pinagmumulan nito?
3 Hindi ipinakikilala ng Bibliya kung kanino ang “unang tinig” na ito. Gaya ng malakas na tinig ni Jesus na narinig bago nito, may mapuwersa itong tunog na tulad ng trumpeta. (Apocalipsis 1:10, 11) Ipinaaalaala nito ang dumadagundong na tunog ng tambuli na nagsilbing hudyat sa presensiya ni Jehova sa Bundok Sinai. (Exodo 19:18-20) Walang-alinlangang si Jehova ang maringal na Pinagmumulan ng utos. (Apocalipsis 1:1) Sa pangitain, binuksan ni Jehova ang pinto upang makapasok si Juan sa kabanal-banalang dako sa napakalawak na nasasakupan ng pagkasoberano ni Jehova.
Ang Nagniningning na Presensiya ni Jehova
4. (a) Ano ang kahulugan ng pangitain ni Juan para sa mga pinahirang Kristiyano? (b) Ano ang kahulugan ng pangitain para sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa?
4 Ano ang nakikita ni Juan? Makinig tayo habang ibinabahagi niya sa atin ang kaniyang kagila-gilalas na karanasan: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kaagad akong napasakapangyarihan ng espiritu: at, narito! isang trono ang nasa kinalalagyan nito sa langit, at may isang nakaupo sa trono.” (Apocalipsis 4:2) Sa isang iglap, nakita ni Juan sa tulong ng banal na espiritu ang mismong trono ni Jehova, na para bang aktuwal na naroroon siya sa harap ng Kaniyang presensiya. Talagang kapana-panabik ito para kay Juan! Dito’y patiunang ipinakita kay Juan ang kamangha-manghang tanawin sa mismong mga langit kung saan nakalaan para sa kaniya at sa iba pang pinahirang Kristiyano ang “isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana.” (1 Pedro 1:3-5; Filipos 3:20) May malalim na kahulugan din ang pangitain ni Juan para sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Tinutulungan sila nito na maunawaan ang kaluwalhatian ng presensiya ni Jehova at ang makalangit na kaayusan ng pamamahala na ginagamit ni Jehova sa paghatol sa mga bansa at pagkatapos ay sa pagpatnubay naman sa buhay ng mga tao sa lupa. Si Jehova ay talagang isang Diyos na napakahusay mag-organisa!
5. Anong realidad na isinasagisag ng takip ng kaban ng tipan ang nakikita ni Juan?
5 Ang karamihan sa mga naoobserbahan ni Juan doon sa langit ay katulad ng mga bahagi ng tabernakulo sa ilang. Itinayo ito mga 1,600 taon ang kaagahan bilang santuwaryo ng tunay na pagsamba ng mga Israelita. Nasa Banal ng mga Banal ng tabernakulong iyon ang kaban ng tipan, at si Jehova mismo ay nagsasalita mula sa ibabaw ng takip ng Kaban na iyon na yari sa purong ginto. (Exodo 25:17-22; Hebreo 9:5) Sa gayon, ang takip ng Kaban ay nagsilbing sagisag ng trono ni Jehova. Ang realidad ng makasagisag na larawang iyon ang nakikita ngayon ni Juan: ang Soberanong Panginoong Jehova mismo na nakaupo sa walang-kapantay na karingalan ng kaniyang matayog at makalangit na trono!
6. Ano ang sinasabi sa atin ni Juan na nakita niya hinggil kay Jehova, at bakit angkop ito?
6 Di-tulad ng naunang mga propeta na nakakita ng mga pangitain hinggil sa trono ni Jehova, hindi detalyadong inilalarawan ni Juan ang Isa na Banal na nakaupo roon. (Ezekiel 1:26, 27; Daniel 7:9, 10) Subalit ganito ang sinasabi sa atin ni Juan hinggil sa Isa na nakita niyang nakaluklok sa trono: “At ang nakaupo, sa kaanyuan, ay tulad ng batong jaspe at ng mahalagang kulay-pulang bato, at sa palibot ng trono ay may isang bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan.” (Apocalipsis 4:3) Anong di-mapapantayang karingalan! Nababanaag ni Juan ang maaliwalas at kumikislap na kagandahan na gaya niyaong sa kumikinang at mamahaling mga bato. Akmang-akma ito sa paglalarawan ng alagad na si Santiago kay Jehova bilang “Ama ng makalangit na mga liwanag”! (Santiago 1:17) Hindi pa nagtatagal matapos niyang isulat ang Apocalipsis, sinabi mismo ni Juan: “Ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman kung kaisa niya.” (1 Juan 1:5) Napakaluwalhating Persona nga si Jehova!
7. Ano ang matututuhan natin hinggil sa bahagharing nasa palibot ng trono ni Jehova?
7 Pansinin na nakita ni Juan sa palibot ng trono ang isang bahaghari, kulay berdeng gaya ng esmeralda. Ang salitang Griego na isinasalin dito na bahaghari (irʹis) ay nagpapahiwatig ng isang anyong pabilog. Unang binanggit sa Bibliya ang bahaghari kaugnay ng panahon ni Noe. Nang humupa ang tubig ng Delubyo, nagpalabas si Jehova ng isang bahaghari sa ulap, at ipinaliwanag niya kung ano ang isinasagisag nito nang sabihin niya: “Ang aking bahaghari ay ibinibigay ko sa ulap, at ito ay magiging tanda ng tipan sa pagitan ko at ng lupa. At tiyak na maaalaala ko ang aking tipan sa pagitan ko at ninyo at ng bawat kaluluwang buháy sa lahat ng laman; at ang tubig ay hindi na magiging delubyo na lilipol sa lahat ng laman.” (Genesis 9:13, 15) Kung gayon, ano ang ipinagunita kay Juan ng makalangit na pangitain? Ang bahagharing nakita niya ay tiyak na nagpaalaala sa kaniya na mahalagang magkaroon ng mapayapang pakikipag-ugnayan kay Jehova, gaya ng tinatamasa sa ngayon ng uring Juan. Ikinintal din nito sa isipan niya ang tungkol sa katiwasayan at kapayapaan ng presensiya ni Jehova, katiwasayang mararanasan ng lahat ng masunuring tao kapag iniladlad na ni Jehova ang kaniyang tolda sa sangkatauhan sa lipunan ng bagong lupa.—Awit 119:165; Filipos 4:7; Apocalipsis 21:1-4.
Pagkilala sa 24 na Matatanda
8. Sino ang nakikita ni Juan sa palibot ng trono, at kanino kumakatawan ang mga ito?
8 Batid ni Juan na mga saserdote ang inatasang maglingkod sa sinaunang tabernakulo. Kaya maaaring nagulat siya nang makita niya ang sumunod na inilarawan niya ngayon: “At sa palibot ng trono ay may dalawampu’t apat na trono, at sa mga tronong ito ay nakita kong nakaupo ang dalawampu’t apat na matatanda na nadaramtan ng mapuputing panlabas na kasuutan, at sa kanilang mga ulo ay may mga ginintuang korona.” (Apocalipsis 4:4) Oo, sa halip na mga saserdote, 24 na matatanda ang nakaluklok at nakokoronahang gaya ng mga hari. Sino ang matatandang ito? Walang iba kundi ang mga pinahiran sa kongregasyong Kristiyano, na binuhay-muli at nakaluklok sa makalangit na tungkuling ipinangako sa kanila ni Jehova. Paano natin nalaman ito?
9, 10. Paano natin nalaman na kumakatawan ang 24 na matatanda sa pinahirang kongregasyong Kristiyano sa maluwalhati at makalangit na tungkulin nito?
9 Una sa lahat, nakokoronahan sila. Binabanggit ng Bibliya ang pagkakamit ng mga pinahirang Kristiyano ng ‘koronang walang kasiraan’ at ng walang-kamatayang buhay—imortalidad. (1 Corinto 9:25; 15:53, 54) Subalit yamang nakaupo ang 24 na matatanda sa mga trono, ang mga ginintuang korona sa kontekstong ito ay kumakatawan sa maharlikang awtoridad. (Ihambing ang Apocalipsis 6:2; 14:14.) Pinatutunayan nito na ang 24 na matatanda ay lumalarawan sa pinahirang mga tagasunod-yapak ni Jesus sa kanilang makalangit na tungkulin, sapagkat nakipagtipan sa kanila si Jesus upang umupo sa mga trono sa kaniyang Kaharian. (Lucas 22:28-30) Si Jesus lamang at ang 24 na matatandang ito ang inilalarawang namamahala sa langit sa presensiya ni Jehova. Maging ang mga anghel ay hindi inilalarawan nang gayon.
10 Kasuwato ito ng pangako ni Jesus sa kongregasyon ng Laodicea: “Ang isa na nananaig ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono.” (Apocalipsis 3:21) Subalit ang makalangit na atas ng 24 na matatanda ay hindi lamang pamumuno sa pamahalaan. Sa pambungad ng aklat ng Apocalipsis, sinabi ni Juan tungkol kay Jesus: “Ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama.” (Apocalipsis 1:5, 6) Kapuwa mga hari at saserdote ang mga ito. “Sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.”—Apocalipsis 20:6.
11. Bakit angkop na 24 ang bilang ng matatanda, at ano ang ipinahihiwatig ng bilang na ito?
11 Ano ang kapansin-pansin sa bilang na 24, yamang 24 na matatanda ang nakita ni Juan na nakapalibot sa trono? Sa maraming paraan, inilalarawan sila ng tapat na mga saserdote sa sinaunang Israel. Sumulat si apostol Pedro sa mga pinahirang Kristiyano: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.’” (1 Pedro 2:9) Kapansin-pansin na nahahati ang sinaunang pagkasaserdoteng iyon ng mga Judio sa 24 na dibisyon. Bawat dibisyon ay may kani-kaniyang atas na maglingkod sa harap ni Jehova nang mga ilang linggo bawat taon, upang hindi magkaroon ng patlang ang banal na paglilingkurang iyon. (1 Cronica 24:5-19) Kung gayon, naaangkop na may 24 na matatanda sa pangitain ni Juan hinggil sa makalangit na pagkasaserdote sapagkat ang pagkasaserdoteng ito ay naglilingkod kay Jehova nang patuluyan, walang patid. Kapag nakumpleto na, magkakaroon ng 24 na dibisyon, bawat isa’y may 6,000 mananaig, sapagkat sinasabi sa atin ng Apocalipsis 14:1-4 na 144,000 (24 x 6,000) ang “binili mula sa sangkatauhan” upang tumayo sa makalangit na Bundok Sion kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo. Yamang ang bilang na 12 ay sumasagisag sa isang organisasyon na timbang ayon sa pamantayan ng Diyos, dinodoble—o pinatitibay—ng bilang na 24 ang gayong kaayusan.
Mga Kidlat, mga Tinig, at mga Kulog
12. Ano ang sumusunod na nakikita at naririnig ni Juan, at ano ang ipinagugunita ng “mga kidlat at mga tinig at mga kulog”?
12 Ano ang susunod na nakikita at naririnig ni Juan? “At mula sa trono ay may lumalabas na mga kidlat at mga tinig at mga kulog.” (Apocalipsis 4:5a) Kay-inam na ipinagugunita nito ang iba pang nakasisindak na pagtatanghal ng makalangit na kapangyarihan ni Jehova! Bilang halimbawa, nang “bumaba” si Jehova sa Bundok Sinai, ganito ang iniulat ni Moises: “Noong ikatlong araw nang mag-umaga na ay nagsimulang kumulog at kumidlat, at nagkaroon ng isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok at ng napakalakas na tunog ng tambuli. . . . Nang patuluyang lumalakas nang lumalakas ang tunog ng tambuli, si Moises ay nagsimulang magsalita, at ang tunay na Diyos ay nagsimulang sumagot sa kaniya sa isang tinig.”—Exodo 19:16-19.
13. Ano ang inilalarawan ng mga kidlat na nagmumula sa trono ni Jehova?
13 Sa panahon ng araw ng Panginoon, itinatanghal ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan at presensiya sa kahanga-hangang paraan. Hindi, hindi sa pamamagitan ng literal na kidlat, sapagkat mga tanda ang nakikita ni Juan. Kung gayon, ano ang isinasagisag ng mga kidlat? Buweno, nakapagbibigay-liwanag ang pagkidlat, subalit nakamamatay rin ito. Kaya ang mga kidlat na ito na nagmumula sa trono ni Jehova ay angkop na lumalarawan sa mga kislap ng kaliwanagan na patuluyan niyang ipinagkakaloob sa kaniyang bayan, at higit pang mahalaga, ang mga ito ay lumalarawan sa kaniyang maapoy na mga mensahe ng paghatol.—Ihambing ang Awit 18:14; 144:5, 6; Mateo 4:14-17; 24:27.
14. Sa anong paraan naririnig ang mga tinig sa ngayon?
14 Sa ano naman kumakatawan ang mga tinig? Isang tinig ang nakipag-usap kay Moises nang bumaba si Jehova sa Bundok Sinai. (Exodo 19:19) Mga tinig mula sa langit ang naghatid ng karamihan sa mga utos at kapahayagan sa aklat ng Apocalipsis. (Apocalipsis 4:1; 10:4, 8; 11:12; 12:10; 14:13; 16:1, 17; 18:4; 19:5; 21:3) Sa ngayon, naghahatid din si Jehova ng mga utos at kapahayagan sa kaniyang bayan, anupat nililiwanag ang kanilang kaunawaan hinggil sa mga hula at simulain ng Bibliya. Ang mga impormasyong nagbibigay-liwanag ay kadalasang isinisiwalat sa internasyonal na mga kombensiyon, at ang gayong mga katotohanan sa Bibliya ay ipinahahayag naman sa buong daigdig. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa tapat na mga mangangaral ng mabuting balita: “Aba, sa katunayan, ‘sa buong lupa ay lumabas ang kanilang tinig, at hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa ang kanilang mga pananalita.’”—Roma 10:18.
15. Anong mga kulog ang nagmula sa trono sa panahong ito ng araw ng Panginoon?
15 Kulog ang kadalasang kasunod ng kidlat. Tinukoy ni David ang literal na kulog bilang “tinig ni Jehova.” (Awit 29:3, 4) Nang ipakipaglaban ni Jehova si David sa mga kaaway nito, sinasabing nagpakulog Siya. (2 Samuel 22:14; Awit 18:13) Sinabi ni Elihu kay Job na ang tinig ni Jehova ay gaya ng kulog, habang gumagawa Siya ng “mga dakilang bagay na hindi natin matatalastas.” (Job 37:4, 5) Sa panahong ito ng araw ng Panginoon, si Jehova ay ‘nagpapakulog,’ anupat nagbababala hinggil sa makapangyarihang mga gawa na pasasapitin niya laban sa kaniyang mga kaaway. Paulit-ulit na umaalingawngaw sa buong lupa ang makasagisag na mga dagundong na ito ng kulog. Maligaya ka kung nagbibigay-pansin ka sa dumadagundong na mga kapahayagang ito at kung ginagamit mo nang may katalinuhan ang iyong dila upang lumakas pa ang tunog ng mga ito!—Isaias 50:4, 5; 61:1, 2.
Mga Lampara ng Apoy at Malasalaming Dagat
16. Ano ang kahulugan ng “pitong lampara ng apoy”?
16 Ano pa ang nakikita ni Juan? Ito: “At may pitong lampara ng apoy na nagniningas sa harap ng trono, at ang mga ito ay nangangahulugang pitong espiritu ng Diyos. At sa harap ng trono ay may gaya ng isang malasalaming dagat na tulad ng kristal.” (Apocalipsis 4:5b, 6a) Si Juan mismo ang nagpapaliwanag sa kahulugan ng pitong lampara: “Ang mga ito ay nangangahulugang pitong espiritu ng Diyos.” Sumasagisag ang bilang na pito sa pagiging ganap ayon sa pamantayan ng Diyos; kaya tiyak na kumakatawan ang pitong lampara sa ganap na kakayahan ng banal na espiritu na magbigay-liwanag. Anong laki ng pasasalamat ng uring Juan sa ngayon dahil ipinagkatiwala sa kanila ang ganitong kaliwanagan, pati na ang pananagutang ipamahagi ito sa mga tao sa lupa na gutom sa espirituwal! Kaylaki ng kagalakan natin na bawat taon, daan-daang milyong kopya ng magasing Bantayan sa mga 150 wika ang patuloy na nagpapasinag ng liwanag na ito!—Awit 43:3.
17. Ano ang isinasagisag ng “malasalaming dagat na tulad ng kristal”?
17 Nakikita rin ni Juan ang isang “malasalaming dagat na tulad ng kristal.” Ano ang isinasagisag nito may kinalaman sa mga inanyayahan sa makalangit na looban ni Jehova? Binanggit ni Pablo kung paano pinabanal ni Jesus ang kongregasyon, anupat “nililinis ito sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.” (Efeso 5:26) Bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay malinis na dahil sa salita na sinalita ko sa inyo.” (Juan 15:3) Kaya ang malasalaming dagat na ito na tulad ng kristal ay tiyak na kumakatawan sa nasusulat na Salita ng Diyos na may kakayahang linisin ang isa. Ang mga kabilang sa maharlikang pagkasaserdote na lumalapit sa presensiya ni Jehova ay dapat na lubusang nilinis sa pamamagitan ng kaniyang Salita.
Masdan—“Apat na Nilalang na Buháy”!
18. Ano ang nakikita ni Juan sa gitna at sa palibot ng trono?
18 Ibang bagay naman ang nakikita ngayon ni Juan. Sumulat siya: “At sa gitna ng trono at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harap at sa likuran.”—Apocalipsis 4:6b.
19. Saan lumalarawan ang apat na nilalang na buháy, at paano natin nalaman ito?
19 Saan lumalarawan ang mga nilalang na ito? Isang pangitain na iniulat ng isa pang propeta, si Ezekiel, ang tumutulong sa atin na malaman ang sagot. Nakita ni Ezekiel si Jehova na nakaluklok sa isang makalangit na karo, na kasama ang mga nilalang na buháy na may mga katangiang katulad ng inilalarawan ni Juan. (Ezekiel 1:5-11, 22-28) Nang dakong huli, muling nakita ni Ezekiel ang tulad-karong trono na kasama ang mga nilalang na buháy. Subalit sa pagkakataong ito, tinukoy niya ang mga nilalang na buháy bilang mga kerubin. (Ezekiel 10:9-15) Ang apat na nilalang na buháy na nakikita ni Juan ay tiyak na kumakatawan sa maraming kerubin ng Diyos—mga nilalang na may mataas na katungkulan sa Kaniyang organisasyon ng mga espiritu. Hindi ipagtataka ni Juan na makitang napakalapit ng mga kerubin kay Jehova, yamang sa sinaunang kaayusan ng tabernakulo, dalawang gintong kerubin ang nakapatong sa takip ng kaban ng tipan, na kumakatawan sa trono ni Jehova. Sa pagitan ng mga kerubing ito, naririnig ang tinig ni Jehova na nagbibigay ng mga utos sa bansa.—Exodo 25:22; Awit 80:1.
20. Paano masasabing nasa “gitna ng trono at sa palibot ng trono” ang apat na nilalang na buháy?
20 Ang apat na nilalang na buháy ay nasa “gitna ng trono at sa palibot ng trono.” Ano talaga ang kahulugan nito? Maaaring mangahulugan ito na nakaposisyon sila sa palibot ng trono anupat bawat isa sa kanila ay nakatayo sa gitna ng bawat panig. Kaya binigyang-kahulugan ng mga tagapagsalin ng Today’s English Version ang orihinal na pananalitang Griego sa paraang ito: “nakapalibot sa trono sa bawat panig nito.” O kaya, ang pangungusap ay maaaring mangahulugan na ang apat na nilalang na buháy ay nasa gitnang posisyon sa langit na kinaroroonan ng trono. Marahil iyan ang dahilan kung bakit isinalin ng The Jerusalem Bible ang pariralang ito bilang: “sa gitna, nakapalibot sa mismong trono.” Ang mahalagang punto ay ang pagiging malapit ng mga kerubin sa trono ni Jehova, na nakakatulad ng mga kerubin na nakita ni Ezekiel sa bawat sulok ng tulad-karong organisasyon ni Jehova. (Ezekiel 1:15-22) Lahat ng ito ay kasuwato ng mga salita sa Awit 99:1: “Si Jehova ay naging hari. . . . Siya ay nakaupo sa mga kerubin.”
21, 22. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang apat na nilalang na buháy? (b) Ano ang isinasagisag ng hitsura ng bawat isa sa apat na nilalang na buháy?
21 Nagpapatuloy si Juan: “At ang unang nilalang na buháy ay tulad ng leon, at ang ikalawang nilalang na buháy ay tulad ng guyang toro, at ang ikatlong nilalang na buháy ay may mukhang tulad ng sa tao, at ang ikaapat na nilalang na buháy ay tulad ng lumilipad na agila.” (Apocalipsis 4:7) Bakit lubhang magkakaiba ang hitsura ng apat na nilalang na buháy? Ang natatanging mga nilalang na buháy ay maliwanag na nagtatampok ng espesipikong makadiyos na mga katangian. Una, nariyan ang leon. Ginagamit sa Bibliya ang leon bilang sagisag ng lakas ng loob, lalung-lalo na sa pagtataguyod ng katarungan at katuwiran. (2 Samuel 17:10; Kawikaan 28:1) Kaya angkop na lumalarawan ang leon sa makadiyos na katangian na katarungang may lakas ng loob. (Deuteronomio 32:4; Awit 89:14) Ang ikalawang nilalang na buháy ay kahawig ng guyang toro. Anong katangian ang ipinaaalaala sa iyo ng toro? Para sa mga Israelita, mahalagang pag-aari ang toro dahil sa lakas nito. (Kawikaan 14:4; tingnan din ang Job 39:9-11.) Kaya kumakatawan ang guyang toro sa kapangyarihan, sa dinamikong lakas na ibinibigay ni Jehova.—Awit 62:11; Isaias 40:26.
22 Ang ikatlong nilalang na buháy ay may mukhang gaya ng sa tao. Tiyak na kumatawan ito sa tulad-diyos na pag-ibig, yamang tao lamang ang nilalang sa lupa ayon sa larawan ng Diyos, na may sukdulang katangian ng pag-ibig. (Genesis 1:26-28; Mateo 22:36-40; 1 Juan 4:8, 16) Walang alinlangan, ipinamamalas ng mga kerubin ang katangiang ito habang naglilingkod sila sa palibot ng trono ni Jehova. Ano naman ang tungkol sa ikaapat na nilalang na buháy? Ang isang ito ay may anyong gaya ng isang lumilipad na agila. Itinatawag-pansin mismo ni Jehova ang matalas na paningin ng isang agila: “Doon sa malayo ay tumitingin ang mga mata nito.” (Job 39:29) Kaya angkop na lumalarawan ang agila sa matalas na karunungan. Si Jehova ang Bukal ng karunungan. Nagpapakita ng banal na karunungan ang kaniyang mga kerubin habang sinusunod nila ang kaniyang mga utos.—Kawikaan 2:6; Santiago 3:17.
Umaalingawngaw ang mga Papuri kay Jehova
23. Ano ang isinasagisag ng bagay na ‘punô ng mga mata’ ang apat na nilalang na buháy, at ano ang idiniriin ng pagkakaroon nila ng tatlong pares na pakpak?
23 Ipinagpapatuloy ni Juan ang kaniyang paglalarawan: “At kung tungkol sa apat na nilalang na buháy, ang bawat isa sa kanila ay may tig-aanim na pakpak; sa palibot at sa ilalim ay punô sila ng mga mata. At wala silang pahinga araw at gabi habang kanilang sinasabi: ‘Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang nakaraan at ang ngayon at ang darating.’” (Apocalipsis 4:8) Ang pagiging punô nito ng mga mata ay nagpapahiwatig ng ganap at matalas na paningin. Walang-humpay itong ginagamit ng apat na nilalang na buháy, palibhasa’y hindi nila kailangang matulog. Tinutularan nila ang Isa na hinggil sa kaniya ay nasulat: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Palibhasa’y napakaraming mata, nakakakita ang mga kerubin sa lahat ng direksiyon. Walang nakalalampas sa kanilang pansin. Kaya nasasangkapan silang mabuti upang maglingkod sa Diyos sa kaniyang paghatol. Hinggil sa kaniya ay sinasabi: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” (Kawikaan 15:3) At sa pamamagitan ng tatlong pares na pakpak—ginagamit sa Bibliya ang bilang na tatlo bilang pagdiriin—makakakilos na kasimbilis ng kidlat ang mga kerubin upang ihayag at ilapat ang mga hatol ni Jehova.
24. Paano pinupuri ng mga kerubin si Jehova, at ano ang kahulugan nito?
24 Pakinggan! Maganda ang himig at nakapupukaw-damdamin ang awit ng papuri na iniuukol ng mga kerubin kay Jehova: “Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang nakaraan at ang ngayon at ang darating.” Minsan pa, ang tatlong beses na pag-ulit ay nagpapahiwatig ng tindi. Idiniriin ng mga kerubin ang pagiging banal ng Diyos na Jehova. Siya ang Bukal at sukdulang Pamantayan ng kabanalan. Siya rin ang “Haring walang hanggan,” laging “ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.” (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 22:13) Hindi nagpapahinga ang mga kerubin samantalang inihahayag nila ang walang-kapantay na mga katangian ni Jehova sa buong sangnilalang.
25. Paano nagkakaisa ang mga nilalang na buháy at ang 24 na matatanda sa pagsamba kay Jehova?
25 Ang langit ng mga langit ay umaalingawngaw sa papuri kay Jehova! Nagpatuloy sa paglalarawan si Juan: “At kailanma’t ang mga nilalang na buháy ay naghahandog ng kaluwalhatian at karangalan at pasasalamat sa Isa na nakaupo sa trono, ang Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman, ang dalawampu’t apat na matatanda ay sumusubsob sa harap ng Isa na nakaupo sa trono at sumasamba sa Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman, at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harap ng trono, na sinasabi: ‘Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.’” (Apocalipsis 4:9-11) Sa buong Kasulatan, isa ito sa pinakadakilang kapahayagan ng pagbibigay-galang kay Jehova, ang ating Diyos at Soberanong Panginoon!
26. Bakit inihahagis ng 24 na matatanda ang kanilang mga korona sa harap ni Jehova?
26 Ang 24 na matatanda ay may pangkaisipang saloobin na ipinakikita ni Jesus, anupat inihagis pa nga nila ang kanilang mga korona sa harap ni Jehova. Hindi man lamang pumasok sa isip nila na dakilain ang kanilang sarili sa presensiya ng Diyos. Mapagpakumbaba nilang kinikilala na ang tanging layunin ng kanilang paghahari ay ang magdulot ng karangalan at kaluwalhatian sa kaniya, gaya ng laging ginagawa ni Jesus. (Filipos 2:5, 6, 9-11) Mapagpasakop nilang kinikilala ang kanilang pagiging nakabababa at ipinahahayag nila na ang kanilang pamamahala ay sakop ng soberanya ni Jehova. Kaya taos-puso silang nakikiisa sa mga kerubin at sa lahat ng tapat na sangnilalang sa pagpuri at pagluwalhati sa Diyos na lumalang ng lahat ng bagay.—Awit 150:1-6.
27, 28. (a) Paano dapat makaapekto sa atin ang paglalarawan ni Juan sa pangitaing ito? (b) Anu-anong tanong ang bumabangon tungkol sa susunod na makikita at maririnig ni Juan?
27 Sino ang hindi mapakikilos sa pagbabasa ng ulat ni Juan tungkol sa pangitaing ito? Ito’y napakarilag at napakadakila! Gaano pa kaya ang mismong langit? Ang mismong karingalan ni Jehova ay dapat magpakilos sa sinumang may mapagpahalagang puso na makisama sa apat na nilalang na buháy at sa 24 na matatanda sa pagpuri sa Kaniya, kapuwa sa panalangin at sa pangmadlang paghahayag ng Kaniyang pangalan. Pribilehiyo ng mga Kristiyano na maging mga saksi ng Diyos na ito sa ngayon. (Isaias 43:10) Tandaan na may katuparan ang pangitain ni Juan sa araw ng Panginoon, na siya nating kinabubuhayan ngayon. Ang “pitong espiritu” ay laging handang pumatnubay at magpalakas sa atin. (Galacia 5:16-18) Makatutulong sa atin ngayon ang Salita ng Diyos upang maging banal habang naglilingkod sa isang banal na Diyos. (1 Pedro 1:14-16) Walang pagsala, maligaya tayo na basahin nang malakas ang mga salita ng hulang ito. (Apocalipsis 1:3) Kay-inam na pangganyak ito upang maging tapat tayo kay Jehova at huwag pahintulutan ang sanlibutan na ilihis tayo mula sa aktibong pag-awit ng kaniyang kapurihan!—1 Juan 2:15-17.
28 Hanggang sa puntong ito, nailarawan ni Juan ang kaniyang nakita nang anyayahan siyang pumasok sa bukás na pintong iyon sa langit. Namumukod-tangi ang pag-uulat niya tungkol kay Jehova, na sa buong kadakilaan ng Kaniyang kamahalan at karangalan, ay nakaluklok sa Kaniyang makalangit na trono. Napaliligiran siya ng pinakamakapangyarihan sa lahat ng organisasyon—nagniningning sa karilagan at katapatan. Nagsisimula na ang sesyon ng banal na Hukuman. (Daniel 7:9, 10, 18) Nakahanda na ang tanghalan para sa isang di-pangkaraniwang bagay na mangyayari. Ano iyon, at paano ito nakaaapekto sa atin sa ngayon? Tunghayan natin ang susunod na eksena!
[Buong-pahinang larawan sa pahina 75]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 78]