Ayon kay Juan
10 “Sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa kulungan ng tupa na hindi dumadaan sa pinto kundi umaakyat sa bakod ay isang magnanakaw at mandarambong.+ 2 Pero ang dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa.+ 3 Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto,+ at pinakikinggan ng mga tupa ang tinig niya.+ Tinatawag niya sa pangalan ang kaniyang mga tupa at inaakay palabas. 4 Kapag nailabas na niya ang lahat ng tupa niya, pumupunta siya sa unahan nila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa dahil kilala nila ang tinig niya. 5 Hindi sila susunod sa ibang tao, kundi lalayuan* nila ito dahil hindi nila kilala ang tinig ng ibang tao.”+ 6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, pero hindi nila iyon naintindihan.
7 Kaya sinabi ulit ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ako ang pinto para sa mga tupa.+ 8 Ang lahat ng dumarating na kahalili ko ay mga magnanakaw at mandarambong; pero hindi nakikinig sa kanila ang mga tupa. 9 Ako ang pinto; ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at siya ay papasok at lalabas at makakakita ng madamong pastulan.+ 10 Dumarating lang ang isang magnanakaw para magnakaw at pumatay at pumuksa.+ Pero dumating ako para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. 11 Ako ang mabuting pastol;+ ibinibigay ng mabuting pastol ang buhay niya alang-alang sa mga tupa.+ 12 Kapag nakita ng taong upahan na dumarating ang lobo,* iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas dahil hindi siya isang pastol at hindi sa kaniya ang mga tupa. Sinusunggaban ng lobo ang mga tupa at binubulabog ang mga ito. 13 Dahil isa siyang taong upahan, wala siyang malasakit sa mga tupa. 14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa,+ 15 kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama;+ at ibinibigay ko ang buhay ko alang-alang sa mga tupa.+
16 “At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito;+ kailangan ko rin silang akayin, at makikinig sila sa tinig ko, at sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.+ 17 At mahal ako ng Ama+ dahil ibinibigay ko ang aking buhay+ para tanggapin ko itong muli. 18 Walang taong kumukuha nito sa akin, kundi ibinibigay ko ito sa sarili kong pagkukusa. May awtoridad ako na ibigay ito, at may awtoridad ako na tanggapin itong muli.+ Ang utos na ito ay tinanggap ko mula sa aking Ama.”
19 Dahil sa mga sinabi niya, muling nabahagi ang mga Judio.+ 20 Sinasabi ng marami sa kanila: “Baliw siya at sinasapian ng demonyo.+ Bakit kayo nakikinig sa kaniya?” 21 Sinasabi naman ng iba: “Hindi ito kayang sabihin ng taong sinasapian ng demonyo. Ang isang demonyo ay hindi nakapagpapagaling* ng mga bulag, hindi ba?”
22 Nang panahong iyon ay Kapistahan ng Pag-aalay sa Jerusalem. Taglamig noon, 23 at naglalakad si Jesus sa templo sa kolonada* ni Solomon.+ 24 Pinalibutan siya ng mga Judio at sinabi: “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na sa amin.” 25 Sumagot si Jesus: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo naniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng Ama ko ang nagpapatotoo tungkol sa akin.+ 26 Pero hindi kayo naniniwala, dahil hindi ko kayo mga tupa.+ 27 Ang mga tupa ko ay nakikinig sa tinig ko, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.+ 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan,+ at hindi sila kailanman mapupuksa, at walang sinumang aagaw* sa kanila mula sa kamay ko.+ 29 Ang ibinigay sa akin ng aking Ama ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pang bagay, at walang sinuman ang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng Ama.+ 30 Ako at ang Ama ay iisa.”+
31 Muli ay dumampot ng bato ang mga Judio para batuhin siya.+ 32 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Marami akong ipinakitang mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan kung bakit ninyo ako babatuhin?” 33 Sumagot ang mga Judio: “Babatuhin ka namin, hindi dahil sa mabuting gawa, kundi dahil sa pamumusong;*+ tao ka lang pero ginagawa mong diyos ang sarili mo.” 34 Sinabi ni Jesus: “Hindi ba nakasulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko: “Kayo ay mga diyos”’?+ 35 Kung tinawag ng Diyos na ‘mga diyos’+ ang mga hinatulan ng kaniyang salita—at hindi puwedeng mabago ang nasa Kasulatan— 36 bakit ako na pinabanal at isinugo ng Ama sa mundo* ay pinaparatangan ninyo ng pamumusong dahil sinabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos’?+ 37 Kung hindi ko ginagawa ang kagustuhan ng Ama ko, huwag kayong maniwala sa akin. 38 Pero kung ginagawa ko iyon, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin,+ maniwala kayo sa mga gawa, para malaman ninyo at patuloy na malaman na ang Ama ay kaisa ko at ako ay kaisa ng Ama.”+ 39 Kaya tinangka nilang muli na hulihin siya, pero nakatakas siya.+
40 At muli siyang umalis papunta sa kabila ng Jordan sa lugar kung saan nagbabautismo si Juan noong una,+ at nanatili siya roon. 41 Marami ang pumunta sa kaniya at sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi gumawa si Juan ng kahit isang himala,* pero totoo ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito.”+ 42 At marami ang nanampalataya roon kay Jesus.