Mga Huling Araw
Kahulugan: Ginagamit ng Bibliya ang pananalitang “mga huling araw” upang tumukoy sa huling yugto ng panahon bago sumapit ang itinakda ng Diyos na pagpuksa na mangyayari sa katapusan ng isang sistema ng mga bagay. Ang Judiong sistema at ang pagsamba nito may kaugnayan sa templo sa Jerusalem ay nakaranas ng mga huling araw sa panahon na umabot sa sukdulan noong 70 C.E. Ang nangyari noon ay lumalarawan sa mararanasan pa sa lalong matinding paraan sa buong globo sa panahong ang lahat ng mga bansa ay mapapaharap sa paggagawad ng hatol na itinakda ng Diyos. Ang mga huling araw ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay nagsimula noong 1914, at ang ilan sa lahing nabubuhay noon ay makasasaksi sa ganap na kawakasan nito sa “malaking kapighatian.”
Ano ang nagpapatotoo na tayo ngayon ay nabubuhay sa “mga huling araw”?
Inilalarawan ng Bibliya ang mga pangyayari at kalagayan na magiging palatandaan ng mahalagang panahong ito. “Ang tanda” ay binubuo ng maraming pinagsamasamang katibayan; kaya upang matupad ito ay kailangang makitang nangyayari ang lahat ng bahagi ng tanda sa loob lamang ng isang lahi. Ang iba’t-ibang bahagi ng tanda ay nakaulat sa Mateo mga kabanata 24, 25, Marcos 13, at Lucas 21; may karagdagan pang mga detalye sa 2 Timoteo 3:1-5, 2 Pedro 3:3, 4, at Apocalipsis 6:1-8. Upang ipaghalimbawa ito, isasaalang-alang natin ang ilan sa natatanging bahagi ng tanda.
“Magsisitindig ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian” (Mat. 24:7)
Ang buhay sa lupa ay pininsala ng digmaan sa loob ng libulibong taon. Sumiklab ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa at sa gitna mismo ng mga bansa. Nguni’t noong 1914 nagsimula ang unang pandaigdig na digmaan. Hindi lamang ito isang labanan sa pagitan ng dalawang hukbo sa larangan ng digmaan. Sa kaunaunahang pagkakataon, lahat ng malalaking bansa ang nagdidigmaan. Buong mga bansa—pati ang karaniwang mga mamamayan—ay inorganisa upang tangkilikin ang digmaan. Tinatantiya na sa katapusan ng digmaan ang nasangkot ay 93 porsiyento ng populasyon ng daigdig. (Tungkol sa makasaysayang kahulugan ng 1914, tingnan ang mga pahina 174, 175.)
Gaya ng inihula sa Apocalipsis 6:4, ‘inalis sa lupa ang kapayapaan.’ Kaya mula noong 1914 ay patuloy na nakaranas ng kaligaligan ang sanlibutan. Naganap ang Digmaang Pandaigdig II mula noong 1939 hanggang 1945. Ayon sa retiradong Admiral na si Gene La Rocque, hanggang 1982 ay nagkaroon ng 270 karagdagang digmaan mula noong 1945. Mahigit sa 100 milyong katao ang napatay sa digmaan sa siglong ito lamang. Gayon din, ayon sa edisyon ng 1982 ng World Military and Social Expenditures, noong taóng iyon may 100 milyong katao na tuwiran o di tuwirang nakilahok sa gawaing militar.
Higit pa ba ang kailangan upang matupad ang bahaging ito ng hula? May sampu-sampung libong nukleyar na mga sandata na nakahandang gamitin karakaraka. Sinasabi ng pangunahing mga siyentista na kung gagamitin ng mga bansa ang kahit kaliit-liitang bahagi ng kanilang inimbak na nukleyar na sandata, maaaring malipol ang kabihasnan pati na rin ang buong lahi ng tao. Nguni’t hindi iyon ang hantungang itinuturo ng hula ng Bibliya.
“Magkakaroon ng kakapusan sa pagkain . . . sa iba’t-ibang dako” (Mat. 24:7)
Marami ang naganap na taggutom sa kasaysayan ng tao. Kumusta naman ang sa ika-20 siglo? Bunga ng pandaigdig na digmaan ay nagkaroon ng laganap na taggutom sa Europa at Asya. Ang Aprika ay tinamaan ng tagtuyot, na nagbunga ng laganap na kakapusan sa pagkain. Noong dakong huli ng 1980 ang Food and Agriculture Organization ay tumaya na 450 milyong katao ang gutóm na gutóm, at halos isang bilyon ay kulang ng pagkain. Sa mga ito, mga 40 milyon ang namamatay bawa’t taon—may mga taon na ito’y umaabot sa 50 milyon—dahil sa kakapusan ng pagkain.
Kakaiba ba ang mga taggutom na ito? Oo; patuloy na umiiral ito kahit na may pagkaing makukuha. May mga bansang mararami ang sobra, at dahil sa modernong transportasyon ang pagkain ay madaling maihatid sa mga nangangailangan. Ngunit ang pambansang patakaran at makakomersiyong mga kapakanan ay maaaring salungat dito. Ang totoo, ang mga bansang doo’y angaw-angaw ang kapos sa pagkain ay marahil nagluluwas ng karamihan ng kanilang pinakamainam na pagkain sa mga bansang marami na nito. Ang kalagayang ito ay hindi lamang umiiral sa iisang dako, kundi sa buong daigdig. Noong 1981 iniulat ng The New York Times: “Ang pag-unlad sa kabuhayan at ang lumalaking pangangailangan ukol sa pagkain sa buong daigdig ay nagpataas ng presyo ng pagkain, kung kaya’t ang mahihirap na bansa ay nahihirapang makabili ng kanilang pangangailangan sa pagkain.” Sa maraming lupain ang produksiyon ng pagkain ay hindi makahabol sa pagdami ng populasyon, kahit sa tulong ng makabagong siyensiya. Ang makabagong mga dalubhasa sa pagkain ay walang maiaalok na kalutasan sa suliraning ito.
“Magkakaroon ng malalakas na lindol” (Luc. 21:11)
Totoo na nagkaroon ng malalakas na lindol sa nagdaang mga siglo; bukod dito, dahil sa kanilang higit na sensitibong mga kasangkapan ay may nairerekord na mahigit sa isang milyong lindol bawa’t taon. Subali’t hindi kailangang magkaroon ng pantanging kasangkapan upang malaman na may dumating na malakas na lindol.
Totoo ba na nagkaroon ng higit kaysa karaniwang dami ng malalakas na lindol mula noong 1914? Dahil sa estadistikang nakuha mula sa National Geophysical Data Center sa Boulder, Colorado, bukod sa pagsusuri sa ilang tinatanggap na reperensiya, sinukat noong 1984 ang mga lindol lamang na may lakas na 7.5 o higit pa sa sukatang Richter, o kaya’y nagdulot ng pagkawasak sa ari-arian na may halagang limang milyong dolyar (E.U.) o higit pa, o kaya’y nagdulot ng kamatayan sa 100 katao. Tinantiya na nagkaroon ng 856 ng gayong mga lindol sa loob ng 2,000 taon bago ang 1914. Ang pagsukat ding ito ay nagpakita na sa loob ng 69 na taon lamang pagkatapos ng 1914 nagkaroon ng 605 ng gayong mga lindol. Ito’y nangangahulugan na, kung ihahambing sa naunang 2,000 taon, ang pamantayang bilang bawa’t taon ay nag-ibayo ng 20 ulit mula noong 1914.
“Sa iba’t-ibang dako ay magkakasalot” (Luc. 21:11)
Noong natapos ang unang digmaang pandaigdig sinalot ng trangkasong Espanyol ang buong globo, na pumatay sa mahigit na 20 milyong katao sa bilis na hindi napapantayan sa kasaysayan ng sakit. Sa kabila ng pagsulong sa siyensiya ng medisina, marami ang namamatay pa rin taun-taon dahil sa kanser, sakit sa puso, iba’t-ibang sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagsisiping, multiple sclerosis, malaria, river blindness, at Chagas’ disease.
‘Paglago ng katampalasanan kasabay rin ng panglalamig ng pag-ibig ng marami’ (Mat. 24:11, 12)
Sinabi ng isang tanyag na kriminologo: “Sa pagmamasid ng krimen sa buong daigdig ang kapansinpansin ay ang malawak at patuloy na pagdami nito sa lahat ng dako. Kung mayroon mang eksepsiyon ay iilan lamang ito, at ang mga ito’y maaaring madaling tabunan ng lumalaking daluyong.” (The Growth of Crime, Nueba York, 1977, Sir Leon Radzinowicz at Joan King, p. 4, 5) Ito’y talagang dumadami; hindi ito dahil lamang sa lalong wastong pagrerekord ng krimen. Totoo, may mga kriminal din noong sinaunang mga lahi, nguni’t hindi sa lawak na ating nararanasan ngayon. Batid ito ng mga taong may edad mula sa sarili nilang karanasan.
Kasama sa katampalasanang binabanggit sa hula ang paghamak sa mga kautusan ng Diyos, na ang inuuna sa buhay ay ang sarili at hindi ang Diyos. Dahil sa saloobing ito, mabilis na dumarami ang mga diborsiyo, tinatanggap bilang pangkaraniwan ang pagsisiping ng mga hindi kasal at ang homoseksuwalidad, at sampu-sampung milyong aborsiyon ang isinasagawa taun-taon. Ang gayong katampalasanan ay iniuugnay (sa Mateo 24:11, 12) sa impluwensiya ng mga bulaang propeta, yaong mga nagwawalang-bahala sa Salita ng Diyos dahil sa kanilang sariling mga turo. Ang kanilang pagsunod sa pilosopiya sa halip na manghawakan sa Bibliya ay nagdaragdag sa mga suliranin ng isang sanlibutang salat sa pag-ibig. (1 Juan 4:8) Basahin ang paglalarawan nito sa 2 Timoteo 3:1-5.
“Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa tinatahanang lupa” (Luc. 21:25, 26)
“Sa ngayon ang nangingibabaw na damdamin sa ating buhay ay ang takot,” sabi ng U.S. News & World Report. (Oktubre 11, 1965, p. 144) “Sa kasalukuyan ang sangkatauhan ay matatakutin nang higit kailanman,” ang ulat ng magasing Aleman na Hörzu.—Num. 25, Hunyo 20, 1980, p. 22.
Maraming mga bagay ang nagdaragdag sa kapaligirang ito ng takot sa buong daigdig: marahas na krimen, kawalan ng hanapbuhay, kawalan ng kapanatagan sa pananalapi dahil sa pagkabaon sa utang ng maraming bansa, pambuong-daigdig na polusyon sa kapaligiran, kawalan ng matibay at maibiging buklod ng pamilya, at ang namamayaning damdamin na ang sangkatauhan ay nasa bingit ng nukleyar na pagkalipol. Binabanggit ng Lucas 21:25 ang ‘mga tanda sa araw, buwan, at mga bituin, at ang ugong ng dagat’ may kaugnayan sa hapis na nararanasan ng mga bansa. Ang pagsikat ng araw ay madalas na nagiging sanhi, hindi ng pananabik, kundi ng pagkatakot sa kung ano ang maaaring mangyari sa araw na yaon; kapag sumisikat ang buwan at mga bituin, ang mga tao ay nagkukulong sa kanilang nakasusing mga tahanan dahil sa takot sa krimen. Sa ikadalawampung siglo lamang ginamit ang mga eroplano at missile upang magpaulan ng kapahamakan mula sa langit. Ang mga submarino na may kargang maraming nakamamatay na missile ang gumagala-gala sa karagatan, na ang isa sa mga submarinong ito ay may kakayahang lumipol sa 160 mga lunsod. Hindi katakataka na nahahapis ang mga bansa!
‘Ang tunay na mga tagasunod ni Kristo ay kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa kaniyang pangalan’ (Mat. 24:9)
Ang pag-uusig na ito ay hindi dahil sa pakikilahok sa politika kundi ‘dahil sa pangalan ni Jesu-Kristo,’ sapagka’t ang mga tagasunod niya’y nanghahawakan sa kaniya bilang Mesiyanikong Hari ni Jehova, sapagka’t sila’y tumatalima kay Kristo sa halip na sa alinmang makalupang tagapamahala, sapagka’t buong katapatang nanghahawakan sila sa kaniyang Kaharian at hindi nasasangkot sa kalakaran ng mga pamamahala ng tao. Tulad ng ipinakikita ng modernong kasaysayan, ito ang naging karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng bahagi ng lupa.
‘Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo’ (Mat. 24:14)
Ang balitang ipangangaral ay na ang Kaharian ng Diyos sa kamay ni Jesu-Kristo ay nagsimula nang mamahala sa langit, na malapit nang wawakasan nito ang buong balakyot na sistema ng mga bagay, na sa ilalim ng pamamahala nito ang sangkatauhan ay aakayin tungo sa kasakdalan at ang lupa ay magiging paraiso. Ang mabuting balitang ito ay ipinangangaral ngayon sa mahigit 200 lupain at kapuluan, sa kaduluduluhang bahagi ng lupa. Ang mga Saksi ni Jehova ay gumugugol ng daan-daang milyong oras sa gawaing ito bawa’t taon, na paulit-ulit na nagbabahay-bahay upang ang lahat na maaabot nila ay mabigyan ng pagkakataong makinig.
Ano ang kahulugan ng lahat ng mga pangyayaring ito sa “mga huling araw”?
Luc. 21:31, 32: “Pagka nakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos [alalaong baga’y, ang panahon ng paglipol nito sa kasalukuyang balakyot na sanlibutan at ng ganap na pamamahala nito sa buong lupa]. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.” (Ang “lahing” nabubuhay nang magsimulang matupad ang tanda noong 1914 ay tumatanda na ngayon. Kaya ang nalalabing panahon ay napakaikli na. Ito’y pinatutunayan ng lahat ng nakikitang nangyayari sa daigdig.)
Bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang “mga huling araw” ay nagsimula noong 1914?
Ang taong 1914 ay nakatakda sa hula ng Bibliya. Para sa detalye hinggil sa kronolohiya, tingnan ang mga pahina 340-342, sa ilalim ng paksang “Mga Petsa.” Ang kawastuan ng petsang ito ay makikita sapagka’t ang mga kalagayan sa daigdig na inihula para sa panahong ito ay natupad mula noong 1914 gaya nga ng inihula. Ang mga binanggit sa itaas ay mga halimbawa nito.
Papaano minamalas ng mga historyador ang taóng 1914?
“Kung tayo ay lilingon makikita natin mula sa ating punto de vista ngayon na ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I ang nagdala sa ikadalawampung-siglo ng ‘Panahon ng Kabagabagan’ —sa makulay na pangungusap na ginamit ng historyador na Ingles na si Arnold Toynbee—na siyang patuloy na nararanasan ng ating kabihasnan. Maging sa tuwiran o di-tuwirang paraan ang lahat ng kaligaligan ng nakaraang kalahating siglo ay nagsimula noong 1914.”—The Fall of the Dynasties: The Collapse of the Old Order (Nueba York, 1963), Edmond Taylor, p. 16.
“Ang mga taong kabilang sa lahi ng Digmaang Pandaigdig II, na siyang aking lahi, ay laging nag-iisip na ang digmaang ito ang pinakamalaking modernong panahon ng pagbabago. . . . Dapat namang pagbigyan kami sa aming pagmamalaki, sa aming personal na bahagi sa kasaysayan. Subali’t dapat nating malaman na, kung ang pinag-uusapan ay ang sosyal na kalagayan, isang lalong malaking pagbabago ang naganap dahil sa Digmaang Pandaigdig I. Noon ang marami sa mga maka-politika at maka-sosyal na kalakaran, na itinayo sa loob ng daan-daang mga taon, ay nagkawatak-watak—kung minsan sa loob lamang ng ilang linggo. At ang mga iba ay lubusang nabago. Noong Digmaang Pandaigdig I ang dating mga pinagtitiwalaan ay naglaho. . . . Ipinagpatuloy, pinalawak at pinagtibay ng Digmaang Pandaigdig II ang pagbabagong ito. Tungkol sa sosyal na kalagayan ang Digmaang Pandaigdig II ay siyang huling pagbabaka ng Digmaang Pandaigdig I.”—The Age of Uncertainty (Boston, 1977), John K. Galbraith, p. 133.
“Lumipas ang kalahating siglo mula noon, subali’t hindi pa naaalis ang kalunos-lunos na bakas ng Dakilang Digmaan [Digmaang Pandaigdig I, na nagsimula noong 1914] mula sa katawan at kaluluwa ng mga bansa. . . . Gayon na lamang kalaki ang pinsala nito sa pisikal at moral anupa’t walang naiwang gaya ng dati. Ang buong lipunan: mga sistema ng pamahalaan, mga hangganang pambansa, mga batas, mga hukbong sandatahan, ugnayan ng mga estado, gayon din ang mga ideolohiya, buhay pampamilya, mga inimbak na kayamanan, mga katungkulan, mga personal na ugnayan—ang lahat ay lubus-lubusang nagbago. . . . Sa wakas ay nawalan ng panimbang ang sangkatauhan, at hindi na bumuti pa hanggang sa araw na ito.”—Heneral Charles de Gaulle, nang nagsalita noong 1968 (Le Monde, Nob. 12, 1968, p. 9).
Mayroon bang maiiwang buháy sa lupa pagkatapos ng kawakasan ng kasalukuyang sistema ng sanlibutan?
Tiyak na mayroon. Ang katapusan ng kasalukuyang sistema ng globo ay darating, hindi dahil sa walang patumanggang pagpapatayan sa isang nukleyar na digmaan, kundi sa isang malaking kapighatian na kinabibilangan ng “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apoc. 16:14, 16) Ang lupa ay hindi lilipulin ng digmaang yaon, ni wawasakin nito ang buong sangkatauhan.
Mat. 24:21, 22: “Kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo’y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailanman. At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamáng makaliligtas; datapuwa’t dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na yaon.” (Kaya may “laman,” bahagi ng sangkatauhan, na maliligtas.)
Kaw. 2:21, 22: “Ang matuwid ay tatahan sa lupa, at ang walang sala ang mamamalagi roon. Nguni’t ang mga balakyot ay lilipulin mula sa lupa; at silang nagsisigawang may karayaan ay bubunutin doon.”
Awit 37:29, 34: “Ang mga matuwid ay magmamana ng lupa at sila’y tatahan dito magpakailanman. Umasa kay Jehova at ingatan ang kaniyang daan, at itatanghal ka upang iyong ariin ang lupain. Kapag inihiwalay ang masasama, ay iyong makikita.”
Bakit naghintay ang Diyos ng gayong katagal bago puksain ang mga balakyot?
2 Ped. 3:9: “Hindi mapagpaliban si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagka’t hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsipagsisi.”
Mar. 13:10: “Sa lahat ng mga bansa ay kinakailangan munang maipangaral ang mabuting balita.”
Mat. 25:31, 32, 46: “Pagparito ng Anak ng tao [si Jesu-Kristo] na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating luklukan. At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at sila’y pagbubukdin-bukdin niya na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. At ang mga ito [na ayaw kumilala sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo bilang kinatawan mismo ng Hari] ay pasasa walang-hanggang pagkalipol, subali’t ang mga matuwid ay pasasa walang-hanggang buhay.”
Tingnan din ang mga pahina 397, 398 at 84-86.
Kung May Magsasabi—
‘Hindi mo masasabing mas masama ang kalagayan ngayon; lagi namang may digmaan, taggutom, lindol, at krimen’
Maaari kayong sumagot: ‘Nauunawaan ko kung bakit gayon ang sabi ninyo. Tayo’y ipinanganak sa isang sanlibutan kung saan naging pangkaraniwan lamang ang gayong mga balita. Nguni’t ipinaliliwanag ng mga historyador na talagang may malaking kaibahan ang ika-20 siglo. (Basahin ang mga sinipi sa mga pahina 174, 175.)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Hindi lamang ang pagkakaroon ng digmaan, taggutom, lindol, at krimen ang siyang mahalaga. Alam po ba ninyo na ang tandang ibinigay ni Jesus ay binubuo ng maraming bahagi?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Hindi niya sinabi na ang paglitaw ng isang pangyayari lamang ang siyang magpapatunay na tayo’y nasa “mga huling araw” na. Nguni’t pagka nakikita ang buong tanda, iyan ang hinahanap natin—lalo na kung ito’y nagaganap sa buong globo at nagsimula sa isang taóng itinakda ng kronolohiya ng Bibliya.’ (Tingnan ang mga pahina 169-174, gayon din ang mga pahina 340-342.)
‘Hindi kaya mangyayari na sa hinaharap ay may lahi na higit na makatutugon sa hula kaysa sa lahing ito?’
Maaari kayong sumagot: ‘Maganda ang tanong na yaon, at ang kasagutan ay nagpapatingkad sa bagay na talagang nabubuhay tayo ngayon sa “mga huling araw.” Papaano? Buweno, ang bahagi ng tandang ibinigay ni Jesus ay may kaugnayan sa digmaan sa pagitan ng mga bansa at kaharian. Nguni’t ano ang mangyayari ngayon kung kailangang maghintay hanggang sa magsiklab ang isa pang pandaigdig na digmaan bago natin masabing natupad ang tanda? Halos walang maliligtas sa digmaang iyon, kung mayroon man. Kaya, yamang sinabi ng Diyos na may maliligtas, ito’y nagpapahiwatig na napakalapit na tayo sa katapusan ng matandang sistemang ito.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Kung paano ang bakas ng daliri ay eksaktong-eksakto sa may-ari nito, gayon din ang mga pangyayari sa daigdig ay dapat na parehong-pareho sa hula. Walang iba na may gayunding bakas ng daliri kundi ang may-ari. Gayon din, ang mga pangyayaring nagsimula noong 1914 ay hindi uulitin sa isang lahi sa hinaharap.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Bawa’t bahagi ng tanda ay maliwanag na nakikita ngayon.’ (2) ‘Tiyak na hindi natin gustong maging katulad ng mga tao noong kaarawan ni Noe. (Mat. 24:37-39)’
‘Hindi natin makikita ang katapusan sa ating kapanahunan’
Maaari kayong sumagot: ‘Nguni’t naniniwala kayo na darating ang panahon na kikilos ang Diyos, hindi po ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Imposible nating malaman kung kailan mangyayari ito kung hindi Niya ipapahayag sa atin. Maliwanag na sinabi ni Jesus na hindi nalalaman ng sinomang tao ang araw o oras, nguni’t detalyado niyang ipinaliwanag kung ano ang mangyayari sa loob ng lahing yaon.’ (2) ‘Ang paliwanag na iyon ay tungkol sa mga pangyayaring kilalang-kilala ninyo. (Kung maaari, pag-usapan ang ilang detalye ng tanda, na ginagamit ang mga puntong inilaan sa naunang mga pahina.)’
‘Hindi ko iniintindi ang mga bagay na iyon; ang iniintindi ko lamang ay ang araw na ito’
Maaari kayong sumagot: ‘Totoo na hindi natin dapat na labis na ikabalisa ang kinabukasan. Nguni’t ang lahat sa atin ay nagpaplano ng ating buhay upang ipagsanggalang ang ating sarili at ang ating minamahal sa buhay. Ang mabuting pagpaplano ay praktikal. Ipinakikita ng Bibliya na may kamanghamanghang mga bagay sa unahan natin, kaya matalino tayo kung gagawa tayo ng plano upang tamasahin ang mga ito. (Kaw. 1:33; 2 Ped. 3:13)’
‘Ayokong isipin ang masasamang kalagayang iyan; ang gusto kong isipin ay ang magandang kinabukasan’
Maaari kayong sumagot: ‘Ang totoo, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay magiging palaisip sa magandang kinabukasan sa ating kaarawan. (Luc. 21:28, 31)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Nguni’t pansinin na hindi niya sinabing ipikit nila ang kanilang mata sa nangyayari sa mundo upang iwasan ang pagkalungkot. Sinabi niya na ang kanilang pag-asa ay may matibay na kinasasaligan; ito’y sapagka’t nauunawaan nila ang kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig at kung ano ang kalalabasan nito.’