KARAGDAGANG IMPORMASYON
1 JEHOVA
Ang pangalan ng Diyos ay Jehova at nangangahulugan itong “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, at siya ang lumalang ng lahat ng bagay. May kapangyarihan siyang gawin ang anumang ipasiya niya.
Sa Hebreo, isinusulat ang pangalan ng Diyos sa apat na letra. Sa Ingles, ang mga letrang iyon ay katumbas ng YHWH o JHVH. Halos 7,000 ulit lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo ng Bibliya. Ginagamit ng mga tao sa buong mundo ang iba’t ibang anyo ng pangalang Jehova, at binibigkas ito sa paraang natural sa wika nila.
2 ANG BIBLIYA AY “MULA SA DIYOS”
Ang Awtor ng Bibliya ay ang Diyos, pero gumamit siya ng mga tao para isulat ito. Kapareho ito ng isang negosyante na nagpagawa sa sekretarya niya ng isang liham na naglalaman ng mga ideya niya. Ginamit ng Diyos ang banal na espiritu para gabayan ang mga sumulat ng Bibliya habang isinusulat ang kaisipan niya. Ginabayan sila ng espiritu ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Kung minsan, isinusulat nila ang nakita nila sa pangitain o sa panaginip.
3 PRINSIPYO
Ito ay mga turo ng Bibliya na nagpapaliwanag ng mga pangunahing katotohanan. Halimbawa, ang prinsipyong “ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali” ay nagtuturo sa atin na puwedeng makabuti o makasamâ ang mga taong nakakasalamuha natin. (1 Corinto 15:33) At ang prinsipyong “anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya” ay nagtuturo sa atin na hindi natin matatakasan ang resulta ng mga ginagawa natin.—Galacia 6:7.
4 HULA
Ito ay mensahe mula sa Diyos. Puwede itong isang paliwanag tungkol sa kalooban ng Diyos, isang aral na gustong ituro ng Diyos, isang utos, o isang hatol. Puwede ring tungkol ito sa mangyayari sa hinaharap. Maraming hula sa Bibliya ang natupad na.
5 MGA HULA TUNGKOL SA MESIYAS
Tinupad ni Jesus ang maraming hula ng Bibliya tungkol sa Mesiyas. Tingnan ang kahong “Mga Hula Tungkol sa Mesiyas.”
▸ Kab. 2, par. 17, tlb.
6 LAYUNIN NI JEHOVA PARA SA LUPA
Nilalang ni Jehova ang lupa para maging paraiso at tirhan ng mga taong nagmamahal sa kaniya. Hindi nagbabago ang layunin niya. Malapit nang alisin ng Diyos ang kasamaan at bigyan ng buhay na walang hanggan ang mga lingkod niya.
7 SATANAS NA DIYABLO
Si Satanas ang anghel na nagpasimula ng rebelyon sa Diyos. Tinawag siyang Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang,” dahil nilabanan niya si Jehova. Tinawag din siyang Diyablo, na nangangahulugang “Maninirang-Puri.” Ibinigay sa kaniya ang pangalang ito dahil nagsasabi siya ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos at dinadaya ang mga tao.
8 MGA ANGHEL
Nilalang na ni Jehova ang mga anghel bago pa niya lalangin ang lupa. Nilalang sila para tumira sa langit. Mahigit isang daang milyon ang mga anghel. (Daniel 7:10) May pangalan sila at iba’t ibang katangian, at ayaw ng tapat na mga anghel na sambahin sila ng mga tao. May iba’t iba silang posisyon at atas. Ang ilan sa mga atas na ito ay ang paglilingkod sa harap ng trono ni Jehova, paghahatid ng mensahe niya, pagbibigay ng proteksiyon at gabay sa mga lingkod niya sa lupa, paglalapat ng hatol niya, at pagsuporta sa pangangaral. (Awit 34:7; Apocalipsis 14:6; 22:8, 9) Sa hinaharap, makikipaglaban sila kasama ni Jesus sa digmaan ng Armagedon.—Apocalipsis 16:14, 16; 19:14, 15.
9 KASALANAN
Anumang nararamdaman, iniisip, o ginagawa natin na laban kay Jehova o sa kalooban niya ay kasalanan. Dahil sinisira ng kasalanan ang kaugnayan natin sa Diyos, binigyan niya tayo ng mga utos at prinsipyo na tutulong sa ating umiwas sa paggawa ng sinasadyang kasalanan. Noong una, perpekto ang lahat ng nilalang ni Jehova, pero nang piliin nina Adan at Eva na suwayin si Jehova, nagkasala sila kaya hindi na sila perpekto. Tumanda sila at namatay, at dahil namana natin ang kasalanan ni Adan, tumatanda rin tayo at namamatay.
10 ARMAGEDON
Digmaan ito ng Diyos para wakasan ang sistemang ito ni Satanas at ang lahat ng kasamaan.
11 KAHARIAN NG DIYOS
Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno na itinatag ni Jehova sa langit. Si Jesu-Kristo ang Hari nito. Sa hinaharap, gagamitin ni Jehova ang Kahariang ito para alisin ang lahat ng kasamaan. Mamamahala sa buong lupa ang Kaharian ng Diyos.
12 JESU-KRISTO
Nilalang ng Diyos si Jesus bago ang lahat ng bagay. Isinugo ni Jehova si Jesus sa lupa para mamatay para sa lahat ng tao. Pagkatapos mamatay ni Jesus, binuhay siyang muli ni Jehova. Hari na ngayon si Jesus sa langit sa Kaharian ng Diyos.
13 ANG HULA TUNGKOL SA 70 LINGGO
Inihula ng Bibliya kung kailan darating ang Mesiyas. Ito ay sa katapusan ng isang panahon na tinatawag na 69 na linggo, na nagsimula noong taóng 455 B.C.E. at natapos noong taóng 29 C.E.
Paano natin nalaman na nagtapos iyon noong 29 C.E.? Nagsimula ang 69 na linggo noong 455 B.C.E. nang dumating si Nehemias sa Jerusalem at simulang itayong muli ang lunsod. (Daniel 9:25; Nehemias 2:1, 5-8) Naiisip natin ang bilang na 12 sa salitang “dosena,” at naaalaala naman natin ang bilang na 7 sa salitang “linggo.” Ang mga linggo sa hulang ito ay hindi katumbas ng mga linggo na may pitong araw kundi mga linggo na may pitong taon, kaayon ng makahulang tuntunin na “isang araw para sa isang taon.” (Bilang 14:34; Ezekiel 4:6) Ibig sabihin, ang isang linggo ay may habang pitong taon at ang 69 na linggo ay katumbas ng 483 taon (69 x 7). Kung bibilang tayo ng 483 taon mula 455 B.C.E., papatak ito ng 29 C.E. Iyan mismo ang taon kung kailan nabautismuhan si Jesus at naging Mesiyas!—Lucas 3:1, 2, 21, 22.
Sa hula ring iyon, sinabi na may isa pang linggo, na katumbas ng karagdagang pitong taon. Sa panahong ito, sa taóng 33 C.E., papatayin ang Mesiyas, at simula sa taóng 36 C.E., ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng bansa, hindi lang sa mga Judio.—Daniel 9:24-27.
14 ANG HUWAD NA TURO NG TRINIDAD
Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ang Maylalang at nilalang niya si Jesus bago ang lahat ng iba pang bagay. (Colosas 1:15, 16) Hindi si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Hindi niya inangkin na kapantay siya ng Diyos. Ang totoo, sinabi niya: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28; 1 Corinto 15:28) Pero itinuturo ng ilang relihiyon ang Trinidad, o tatlong persona sa iisang Diyos: ang Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu. Ang salitang “Trinidad” ay wala sa Bibliya. Huwad na turo ito.
Ang banal na espiritu ay aktibong puwersa ng Diyos, ang di-nakikitang kapangyarihan na ginagamit niya para gawin ang kalooban niya. Hindi ito isang persona. Halimbawa, ang unang mga Kristiyano ay “napuspos ng banal na espiritu,” at sinabi ni Jehova: “Ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao.”—Gawa 2:1-4, 17.
15 KRUS
Hindi gumagamit ng krus ang mga tunay na Kristiyano sa pagsamba sa Diyos. Bakit?
Ang krus ay matagal nang ginagamit ng huwad na relihiyon. Noong sinaunang panahon, ginagamit ito sa pagsamba sa kalikasan at sa paganong mga ritwal sa sekso. Noong unang 300 taon pagkamatay ni Jesus, hindi gumagamit ang mga Kristiyano ng krus sa pagsamba nila. Pero nang maglaon, ginamit ng emperador ng Roma na si Constantino ang krus bilang simbolo ng Kristiyanismo. Ginamit ang simbolong ito para mas makilala ang Kristiyanismo. Pero walang kaugnayan ang krus kay Jesu-Kristo. Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Ang krus ay masusumpungan kapuwa sa mga kultura bago ang panahong Kristiyano at sa mga kulturang di-Kristiyano.”
Hindi namatay si Jesus sa krus. Ang mga salitang Griego na isinaling “krus” ay nangangahulugang “tulos,” “troso,” o “puno.” Sinasabi ng The Companion Bible: “Walang anumang nakaulat sa wikang Griego ng [Bagong Tipan] na nagpapahiwatig man lamang ng dalawang piraso ng kahoy.” Namatay si Jesus sa isang tulos.
Ayaw ni Jehova na gumamit tayo ng mga rebulto o simbolo sa pagsamba.—Exodo 20:4, 5; 1 Corinto 10:14.
16 ANG MEMORYAL
Inutusan ni Jesus ang mga alagad niya na ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan niya. Ginagawa nila ito taon-taon tuwing Nisan 14, ang petsa kung kailan ipinagdiriwang ng mga Israelita ang Paskuwa. Ang tinapay at alak, na lumalarawan sa katawan at dugo ni Jesus, ay ipinapasa sa lahat ng dumalo sa Memoryal. Ang mga mamamahalang kasama ni Jesus sa langit ang kumakain ng tinapay at umiinom ng alak. Ang mga may pag-asa namang mabuhay magpakailanman sa lupa ay magalang na dumadalo sa Memoryal pero hindi sila kumakain ng tinapay o umiinom ng alak.
17 KALULUWA
Ang salitang Hebreo na neʹphesh at Griego na psy·kheʹ ay isinasalin sa maraming Bibliyang Tagalog na “kaluluwa.” Pero batay sa pagsusuri kung paano ginagamit sa Bibliya ang mga salitang ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa (1) mga tao, (2) mga hayop, o (3) buhay ng tao o hayop. Narito ang ilang halimbawa:
Tao. “Noong panahon ni Noe . . . iilang tao, walong tao [psy·kheʹ], ang nakaligtas sa tubig.” (1 Pedro 3:20) Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa mga tao—si Noe at ang asawa niya, ang tatlo nilang anak na lalaki, at ang kani-kanilang asawa.
Hayop. “Sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon sa tubig ng maraming buháy na nilalang [neʹphesh], at magliparan sa ibabaw ng lupa ang lumilipad na mga nilalang sa langit.’ Pagkatapos, sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon sa lupa ng buháy na mga nilalang [neʹphesh] ayon sa kani-kanilang uri—maaamong hayop, gumagapang na mga hayop, at maiilap na hayop, ayon sa mga uri nito.’ At iyon nga ang nangyari.”—Genesis 1:20, 24.
Buhay ng isang tao o hayop. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Patay na ang lahat ng taong gustong pumatay sa iyo [neʹphesh].” (Exodo 4:19) Noong nasa lupa si Jesus, sinabi niya: “Ako ang mabuting pastol; ibinibigay ng mabuting pastol ang buhay [psy·kheʹ] niya alang-alang sa mga tupa.”—Juan 10:11.
Bukod diyan, kapag ginagawa ng isang tao ang isang bagay nang “buong kaluluwa” niya, nangangahulugan ito na buong puso niya itong ginagawa at ibinibigay niya ang buong makakaya niya. (Mateo 22:37; Deuteronomio 6:5) Ang salitang neʹphesh o psy·kheʹ ay puwede ring tumukoy sa kagustuhan o sa ganang kumain ng isang buháy na nilalang. Puwede ring tumukoy ang mga ito sa patay na tao o bangkay.—Bilang 6:6; Kawikaan 23:2; Isaias 56:11; Hagai 2:13.
18 ESPIRITU
Ang mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “espiritu” sa Bagong Sanlibutang Salin ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang bagay. Pero lagi itong tumutukoy sa isang bagay na hindi nakikita ng tao, gaya ng hangin o hininga ng tao at hayop. Puwede ring tumukoy ang mga salitang iyan sa mga espiritung persona at sa banal na espiritu, ang aktibong puwersa ng Diyos. Hindi itinuturo ng Bibliya na may isang bahagi ng tao na humihiwalay at patuloy na nabubuhay pagkamatay niya.—Exodo 35:21; Awit 104:29; Mateo 12:43; Lucas 11:13.
19 GEHENNA
Gehenna ang pangalan ng isang lambak malapit sa Jerusalem kung saan itinatapon at sinusunog ang mga basura. Walang ebidensiya na pinahihirapan o sinusunog nang buháy noong panahon ni Jesus ang mga hayop o tao sa lambak na ito. Kaya ang Gehenna ay hindi lumalarawan sa isang di-nakikitang lugar kung saan ang mga namatay ay walang katapusang pinahihirapan at sinusunog. Nang sabihin ni Jesus ang tungkol sa mga mapupunta sa Gehenna, ang tinutukoy niya rito ay ang mga mamamatay na wala nang pag-asa.—Mateo 5:22; 10:28.
20 ANG PANALANGIN NG PANGINOON
Ito ang panalanging sinabi ni Jesus sa mga alagad niya nang turuan niya sila kung paano mananalangin. Tinatawag din itong Ama Namin o modelong panalangin. Halimbawa, tinuruan tayo ni Jesus na manalangin nang ganito:
“Pakabanalin nawa ang pangalan mo”
Ipinapanalangin natin na linisin ni Jehova ang kaniyang pangalan, o reputasyon, mula sa lahat ng kasinungalingan. Kailangan ito para parangalan at igalang ng lahat ng nasa langit at lupa ang pangalan ng Diyos.
“Dumating nawa ang Kaharian mo”
Ipinapanalangin natin na sana ay puksain na ng gobyerno ng Diyos ang masamang sanlibutan ni Satanas, mamahala na ito sa buong lupa, at gawin nitong paraiso ang lupa.
“Mangyari nawa ang kalooban mo . . . sa lupa”
Ipinapanalangin natin na mangyari ang layunin ng Diyos sa lupa para ang lahat ng masunurin at perpektong tao ay mabuhay magpakailanman sa Paraiso, gaya ng layunin ni Jehova nang gawin niya ang tao.
21 PANTUBOS
Ibinigay ni Jehova ang pantubos para iligtas ang tao mula sa kasalanan at kamatayan. Ang pantubos ay ang halagang ibinayad para maibalik ang perpektong buhay na naiwala ng unang tao, si Adan, at para maayos ang nasirang kaugnayan ng tao kay Jehova. Isinugo ng Diyos si Jesus sa lupa para mamatay alang-alang sa lahat ng makasalanan. Dahil sa kamatayan ni Jesus, may pagkakataon ang lahat ng tao na mabuhay magpakailanman at maging perpekto.
22 BAKIT NAPAKAHALAGA NG TAÓNG 1914?
Itinuturo ng hula sa Daniel kabanata 4 na itatatag ng Diyos ang Kaharian niya sa taóng 1914.
Ang hula: Ipinakita ni Jehova kay Haring Nabucodonosor ang isang hula sa pamamagitan ng isang panaginip tungkol sa isang napakalaking puno na pinutol. Sa panaginip, nilagyan ng bigkis na bakal at tanso ang tuod ng puno para hindi ito tumubo sa loob ng “pitong panahon.” Pagkatapos, tutubo uli ang puno.—Daniel 4:1, 10-16.
Ang kahulugan ng hula para sa atin: Ang puno ay lumalarawan sa pamamahala ng Diyos. Sa loob ng maraming taon, gumamit si Jehova ng mga hari sa Jerusalem para mamahala sa bansang Israel. (1 Cronica 29:23) Pero hindi naging tapat ang mga haring iyon, kaya nagwakas ang pamamahala nila. Nawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Iyan ang simula ng “pitong panahon.” (2 Hari 25:1, 8-10; Ezekiel 21:25-27) Nang sabihin ni Jesus na “ang Jerusalem ay tatapak-tapakan ng mga bansa hanggang sa matapos ang mga takdang panahon ng mga bansa,” ang tinutukoy niya ay ang “pitong panahon.” (Lucas 21:24) Kaya ang “pitong panahon” ay hindi natapos noong nandito si Jesus sa lupa. Nangako si Jehova na mag-aatas siya ng isang Hari sa katapusan ng “pitong panahon.” Ang pamamahala ng bagong Haring ito, si Jesus, ay magdadala ng maraming pagpapala para sa bayan ng Diyos sa buong lupa, magpakailanman.—Lucas 1:30-33.
Ang haba ng “pitong panahon”: Ang “pitong panahon” ay may habang 2,520 taon. Kapag nagbilang tayo ng 2,520 taon mula sa taóng 607 B.C.E., papatak ito sa taóng 1914. Iyan ang taon kung kailan si Jesus, ang Mesiyas, ay ginawang Hari ni Jehova sa Kaharian ng Diyos sa langit.
Paano natin nakuha ang bilang na 2,520? Sinasabi ng Bibliya na ang tatlo at kalahating panahon ay katumbas ng 1,260 araw. (Apocalipsis 12:6, 14) Kaya ang “pitong panahon” ay doble ng bilang na iyan, o 2,520 araw. Ang 2,520 araw ay katumbas ng 2,520 taon dahil sa makahulang tuntunin na “isang araw para sa isang taon.”—Bilang 14:34; Ezekiel 4:6.
23 MIGUEL NA ARKANGHEL
Ang salitang “arkanghel” ay nangangahulugang “pinuno ng mga anghel.” Isang arkanghel lang ang binabanggit sa Bibliya, at Miguel ang pangalan niya.—Daniel 12:1; Judas 9.
Si Miguel ang Lider ng hukbo ng tapat na mga anghel ng Diyos. Sinasabi sa Apocalipsis 12:7: “Si Miguel at ang mga anghel niya ay nakipagdigma sa dragon [at sa] mga anghel nito.” Sinasabi ng aklat ng Apocalipsis na ang Lider ng hukbo ng Diyos ay si Jesus, kaya ang Miguel ay isa pang pangalan ni Jesus.—Apocalipsis 19:14-16.
24 MGA HULING ARAW
Ang pananalitang ito ay tumutukoy sa panahon kung kailan magaganap ang malalaking pangyayari sa mundo bago puksain ng Kaharian ng Diyos ang sanlibutan ni Satanas. Ang pananalitang “katapusan ng sistemang ito” at “presensiya ng Anak ng tao” ay ginagamit din sa mga hula ng Bibliya para tumukoy sa panahong iyon. (Mateo 24:3, 27, 37) Nagsimula ang “mga huling araw” nang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos noong 1914 at matatapos ito kapag pinuksa na ang sanlibutan ni Satanas sa Armagedon.—2 Timoteo 3:1; 2 Pedro 3:3.
25 PAGKABUHAY-MULI
Kapag binuhay ng Diyos ang isang namatay, tinatawag itong pagkabuhay-muli. Siyam ang pagkabuhay-muli na binabanggit sa Bibliya. Sina Elias, Eliseo, Jesus, Pedro, at Pablo ay bumuhay-muli ng patay. Naging posible lang ang mga himalang ito dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Nangangako si Jehova na bubuhayin niyang muli dito sa lupa ang mga “matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Binabanggit din ng Bibliya na may pagkabuhay-muli sa langit. Mangyayari ito kapag ang mga pinili, o pinahiran, ng Diyos ay binuhay-muli sa langit para makasama ni Jesus.—Juan 5:28, 29; 11:25; Filipos 3:11; Apocalipsis 20:5, 6.
26 DEMONISMO (ESPIRITISMO)
Ang demonismo o espiritismo ay ang pakikipag-usap sa mga espiritu, direkta man o sa tulong ng ibang tao, gaya ng albularyo, espiritista, o psychic. Nagsasagawa ng espiritismo ang ilan dahil naniniwala silang may espiritu ang tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan at nagiging makapangyarihang espiritu. Iniimpluwensiyahan din ng mga demonyo ang mga tao na suwayin ang Diyos. Maituturing din na demonismo ang astrolohiya, panghuhula, mahika, pangkukulam, pamahiin, okultismo, at mga kababalaghan. Maraming aklat, magasin, horoscope, pelikula, poster, at kanta na nagpapakitang nakakatuwa o walang masama sa mga demonyo, mahika, at kababalaghan. Maraming kaugalian sa burol at libing, gaya ng babang-luksa, anibersaryo ng kamatayan, paghahain para sa namatay, o ilang ritwal sa burol, ang may kaugnayan din sa mga demonyo. Karaniwang gumagamit ng droga ang mga tao kapag sinusubukan nilang gamitin ang kapangyarihan ng mga demonyo.—Galacia 5:20; Apocalipsis 21:8.
27 SOBERANYA NI JEHOVA
Si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang lumalang ng buong uniberso. (Apocalipsis 15:3) Kaya naman siya ang May-ari ng lahat ng bagay at ang Soberano, o ang may ganap na awtoridad para mamahala sa mga nilalang niya. (Awit 24:1; Isaias 40:21-23; Apocalipsis 4:11) Gumawa siya ng batas sa lahat ng bagay na nilalang niya. May awtoridad din si Jehova na mag-atas ng tagapamahala. Sinusuportahan natin ang soberanya ng Diyos kapag iniibig at sinusunod natin siya.—1 Cronica 29:11.
28 ABORSIYON
Ang aborsiyon ay ang sinasadyang pagpatay sa ipinagbubuntis na sanggol. Hindi ito isang aksidente o resulta ng likas na reaksiyon ng katawan ng tao. Mula sa paglilihi, ang sanggol ay hindi na bahagi ng katawan ng nanay nito. Ang sanggol ay ibang persona.
29 PAGSASALIN NG DUGO
Paraan ito ng paggamot kung saan isinasalin sa isang tao ang purong dugo o ang isa sa apat na pangunahing sangkap nito mula sa ibang tao o sa nakaimbak na dugo. Ang apat na pangunahing sangkap ng dugo ay ang plasma, pulang selula, puting selula, at platelet.
30 DISIPLINA
Sa Bibliya, ang salitang “disiplina” ay hindi lang basta katumbas ng parusa. Kapag dinidisiplina tayo, sinasanay tayo, tinuturuan, at itinutuwid. Si Jehova ay hindi kailanman naging abusado o malupit sa mga dinidisiplina niya. (Kawikaan 4:1, 2) Magandang halimbawa si Jehova sa mga magulang. Napakaepektibo ng disiplinang ibinibigay niya dahil puwede itong mahalin ng dinidisiplina niya. (Kawikaan 12:1) Mahal ni Jehova ang mga lingkod niya, at sinasanay niya sila. Itinatama niya ang maling mga kaisipan nila at tinutulungan silang mag-isip at gumawi sa paraang magpapasaya sa kaniya. Para sa mga magulang, kasama sa disiplina ang pagtulong sa mga anak nila na maintindihan kung bakit dapat silang maging masunurin. Kasama rin dito ang pagtuturo sa kanila na mahalin si Jehova, pati na ang Salita niya, ang Bibliya, at maintindihan ang mga prinsipyo nito.
31 MGA DEMONYO
Sila ay mga di-nakikita at makapangyarihang espiritung nilalang. Ang mga demonyo ay masasamang anghel. Naging masama sila nang suwayin nila ang Diyos at maging kaaway niya. (Genesis 6:2; Judas 6) Kumampi sila kay Satanas sa pagrerebelde kay Jehova.—Deuteronomio 32:17; Lucas 8:30; Gawa 16:16; Santiago 2:19.