TAKOT
Gaya sa karaniwang paggamit, ang takot ay nangangahulugan ng pangamba na may mangyayaring masama, o nakasasakit, at karaniwan nang isa itong nakapipighating damdamin na may kasamang panghihilakbot at pagkaligalig. Gayunman, ang takot ay maaari ring mangahulugan ng kalmadong pagsasaalang-alang sa anumang maaaring makasakit o magdulot ng pinsala, anupat dahil sa gayong pagsasaalang-alang ang isa ay may-katalinuhang nag-iingat at nag-iisip nang patiuna.
Ano ang pagkatakot kay Jehova na dapat nating taglayin?
Ipinakikita ng Bibliya na may wastong pagkatakot at di-wastong pagkatakot. Kaya ang pagkatakot ay maaaring kapaki-pakinabang at nagpapakilos sa isang indibiduwal na gumawi nang maingat kapag may panganib, sa gayo’y naiiwasan niya ang kapahamakan. Maaari din itong maging malagim, anupat sinisira nito ang pag-asa at pinahihina ang loob ng isang tao, at maaari pa nga itong humantong sa kaniyang kamatayan. Ang pagkatakot sa Diyos ay nakabubuti; isa itong pagkasindak at malalim na pagpipitagan sa Maylalang at isang kapaki-pakinabang na panghihilakbot na hindi Siya mapalugdan. Ang pagkatakot na ito na hindi siya mapalugdan ay resulta ng pagpapahalaga sa maibiging kabaitan at kabutihan niya at gayundin ng pagkilala sa kaniya bilang ang Kataas-taasang Hukom at ang Makapangyarihan-sa-lahat, na may kapangyarihang magparusa o pumuksa sa mga sumusuway sa kaniya.—Tingnan ang PANGHIHILAKBOT; SINDAK.
Mahalaga ang wastong pagkatakot sa Diyos na Jehova para sa mga nagnanais na maglingkod sa kaniya. Ang malalim na pagkatakot na ito kay Jehova “ang pasimula ng karunungan.” (Aw 111:10; Kaw 9:10) Hindi ito isang malagim na pagkatakot na nakasisira, yamang “ang pagkatakot kay Jehova ay dalisay.” (Aw 19:9) Ganito inilalarawan ang pagkatakot na ito sa Kawikaan 8:13: “Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” Hahadlangan nito ang isa mula sa paggawa ng masama, sapagkat “dahil sa pagkatakot kay Jehova ay lumalayo sa kasamaan ang isa.”—Kaw 16:6.
Sina Adan at Eva ay hindi nagpakita ng wastong pagkatakot sa Diyos at dahil dito ay sumuway sila sa kaniya. Lumikha ito sa kanila ng isang nakapipighati at masidhing pagkatakot, kaya naman nagtago sila mula sa presensiya ng Diyos. Sinabi ni Adan: “Narinig ko sa hardin ang iyong tinig, ngunit natakot ako.” (Gen 3:10) Ang anak ni Adan na si Cain ay nakadama ng gayunding pagkatakot pagkatapos niyang paslangin ang kaniyang kapatid na si Abel, at maaaring dahil din sa pagkatakot na ito kung kaya siya nagpasiyang magtayo ng isang lunsod.—Gen 4:13-17.
Sa Hebreo 12:28, ang mga Kristiyano ay tinagubilinang magkaroon ng makadiyos na takot: “Patuloy tayong magkaroon ng di-sana-nararapat na kabaitan, na sa pamamagitan nito ay kaayaayang makapag-uukol tayo sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may makadiyos na takot at sindak.” Ang kapahayagan naman ng isang anghel na nasa kalagitnaan ng langit at naghahayag ng walang-hanggang mabuting balita ay nagsimula sa mga salitang, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” (Apo 14:6, 7) Ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos at ng pagkatakot sa tao nang sabihin niya ang nakatala sa Mateo 10:28: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” Sa Apocalipsis 2:10, pinayuhan din niya ang mga Kristiyano: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan.” Inaalis ng tunay na pag-ibig kay Jehova ang may-karuwagang pagkatakot sa tao na umaakay sa pakikipagkompromiso.
Gayunman, kasangkot sa wastong pagkatakot ang angkop na paggalang sa sekular na awtoridad, sapagkat batid ng mga Kristiyano na ang makatarungang kaparusahan mula sa awtoridad dahil sa isang krimen ay nagsisilbing isang di-tuwirang kapahayagan ng galit ng Diyos.—Ro 13:3-7.
Inihula ni Jesus na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay mapupuno ng pagkatakot ang lupa. Sinabi niya na magkakaroon ng “nakatatakot na mga tanawin” at ang mga tao ay ‘manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.’ (Luc 21:11, 26) Bagaman maaapektuhan ng pagkatakot ang mga tao sa pangkalahatan, dapat namang sundin ng mga lingkod ng Diyos ang simulaing binanggit sa Isaias 8:12: “Ang kinatatakutan nila ay huwag ninyong katakutan.” Ipinaliwanag ng apostol na si Pablo: “Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip.”—2Ti 1:7.
Matapos niyang maingat na pag-aralan ang sangkatauhan at gayundin ang mga pinagkakaabalahan at kapaha-pahamak na mga karanasan ng tao, sinabi ni Solomon: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Ec 12:13.
Pagkatakot ng mga Hayop sa mga Tao. Sa Genesis 9:2 ang salitang “pagkatakot” ay ginagamit may kaugnayan sa mga nilalang na hayop. Sinabi ng Diyos kay Noe at sa mga anak nito: “Pagkatakot sa inyo at pangingilabot sa inyo ang mananatili sa bawat nilalang na buháy sa lupa.” Noong panahong nasa loob ng arka si Noe at ang kaniyang pamilya, ang mga hayop at mga ibon na nakakulong doon ay may pagkatakot sa mga taong ito na nakatulong upang makontrol sila. Kaya nga, nang lumabas na sila mula sa arka pagkatapos ng Baha, tiniyak ni Jehova kay Noe na magpapatuloy ang pagkatakot na ito. Sinusuhayan ito ng karanasan ng tao. Sinabi ni Dr. George G. Goodwin, Associate Curator of Mammals, The American Museum of Natural History: “Karaniwan na, hindi sasalakayin ng leopardo ang tao. Gayunman, kapag napukaw sa galit at nasaktan, babaling ang hayop sa mga tao at lalaban.” Sa katulad na paraan, kapag may pagkakataon, karaniwan nang mas pipiliin ng makamandag na mga ahas na kilalang mga agresibo, gaya ng mamba at king cobra, na maingat na gumapang palayo sa tao kaysa sa umatake. Bagaman pinakikitunguhan ng tao nang may kalupitan ang ilang hayop at dahil dito’y nagiging mabalasik ang mga ito, karaniwan nang may pagkatakot pa rin ang mga hayop sa tao. Kaayon ito ng sinabi ng Diyos sa Genesis 1:26-28, na ang mga nilalang na hayop ay mapapasailalim sa kapamahalaan ng tao mula sa panahon ng kaniyang pagkalalang.