LEVITA, MGA
[Ni (Kay) Levi].
Mga inapo ni Levi na ikatlong anak ni Jacob kay Lea. (Gen 29:32-34) Kung minsan ang terminong ito ay tumutukoy sa buong tribo, ngunit kadalasa’y hindi kasama rito ang makasaserdoteng pamilya ni Aaron (Jos 14:3, 4; 21:1-3); kaya naman madalas lumitaw ang pananalitang “mga saserdote at mga Levita.” (1Ha 8:4; 1Cr 23:2; Ezr 1:5; Ju 1:19) Tanging ang mga lalaking miyembro ng pamilya ni Aaron ang nanunungkulan noon bilang mga saserdote, samantalang ang iba pang miyembro ng tribo, yaong mga Levita, ay naglilingkod bilang kanilang mga katulong. (Bil 3:3, 6-10) Nagsimula ang kaayusang ito noong maitayo ang tabernakulo, yamang bago nito ay walang partikular na pamilya o tribo ang inatasan bilang tagapaghandog ng mga hain.—Exo 24:5.
Kinuha Bilang Pantubos Para sa mga Panganay. Ang mga Levita ay pinili ni Jehova bilang kahalili ng lahat ng panganay ng ibang mga tribo. (Exo 13:1, 2, 11-16; Bil 3:41) Mula sa gulang na isang buwan pataas, may 22,000 lalaking Levita na maaaring ipalit sa gayunding bilang ng mga panganay na lalaki ng ibang mga tribo. Isiniwalat ng sensus na kinuha sa Ilang ng Sinai na 22,273 ang mga panganay na anak na lalaki sa ibang mga tribo. Dahil dito, hiniling ng Diyos na isang pantubos na halagang limang siklo ($11) ang ibigay kay Aaron at sa kaniyang mga anak para sa bawat isa sa 273 panganay na lumabis kaysa sa mga Levita.—Bil 3:39, 43, 46-51.
Mga Tungkulin. Ang mga Levita ay binubuo ng tatlong pamilya na mula sa mga anak ni Levi na sina Gerson (Gersom), Kohat, at Merari. (Gen 46:11; 1Cr 6:1, 16) Sa ilang, ang bawat pamilyang ito ay inatasan ng kani-kaniyang dako na malapit sa tabernakulo. Ang Kohatitang pamilya ni Aaron ay nagkampo sa harap ng tabernakulo sa dakong silangan. Ang natitirang mga Kohatita naman ay nagkampo sa dakong timog, ang mga Gersonita ay sa dakong kanluran, at ang mga Merarita ay sa dakong hilaga. (Bil 3:23, 29, 35, 38) Trabaho ng mga Levita ang pagtatayo, pagkakalas, at pagbubuhat ng tabernakulo. Kapag panahon na upang lumipat ng kampo, ibinababa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kurtinang partisyon sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan at tinatakpan nila ang kaban ng patotoo, ang mga altar, at ang iba pang sagradong mga muwebles at mga kagamitan. Pagkatapos ay binubuhat ng mga Kohatita ang mga bagay na ito. Mga Gersonita ang nagdadala sa mga telang pantolda, mga pantakip, mga pantabing, mga tabing ng looban, at mga pantoldang panali (maliwanag na ang mga ito ang mga panali ng mismong tabernakulo), at mga Merarita naman ang nag-aasikaso sa mga hamba, mga haligi, may-ukit na mga tuntungan, mga pantoldang tulos at mga panali (mga panali ng loobang nakapalibot sa tabernakulo).—Bil 1:50, 51; 3:25, 26, 30, 31, 36, 37; 4:4-33; 7:5-9.
Sa ilalim ng paghahari ni David, organisadung-organisado ang gawain ng mga Levita dahil nag-atas siya ng mga tagapangasiwa, mga opisyal, mga hukom, mga bantay ng pintuang-daan, mga ingat-yaman, at ng napakaraming makakatulong ng mga saserdote sa templo, sa mga looban, at sa mga silid-kainan may kaugnayan sa paghahandog, paghahain, gawaing pagpapadalisay, pagtitimbang, pagsusukat, at sa iba’t ibang tungkuling pagbabantay. Ang mga Levitang manunugtog ay inorganisa sa 24 na grupo, katulad ng mga pangkat ng mga saserdote, at halinhinan silang naglilingkod. Ang kanilang mga tungkulin ay pinagpasiyahan sa pamamagitan ng palabunutan. Ang partikular na atas ng mga grupo ng bantay ng pintuang-daan ay pinili rin sa gayong paraan.—1Cr 23, 25, 26; 2Cr 35:3-5, 10.
Noong panahon ni Moises, ang isang Levita ay ganap na makapanunungkulan pagsapit niya sa edad na 30 taon. Kabilang sa mga tungkulin niya ang pagbubuhat ng tabernakulo at ng mga kagamitan nito kapag ito’y inililipat. (Bil 4:46-49) May ilang tungkulin na maaari niyang gampanan pasimula sa edad na 25, ngunit lumilitaw na hindi kasama rito ang mabigat na paglilingkod, gaya ng paglilipat ng tabernakulo. (Bil 8:24) Noong panahon ni Haring David, ang edad ay ibinaba sa 20 taóng gulang. Ang dahilan ni David ay sapagkat ang tabernakulo (na noo’y hahalinhan na ng templo) ay hindi na kailangang ilipat-lipat. Ang katungkulang paglilingkod ay natatapos sa edad na 50 taon. (Bil 8:25, 26; 1Cr 23:24-26; tingnan ang EDAD.) Kailangang maging bihasa sa Kautusan ang mga Levita, yamang madalas silang tawagin upang basahin iyon sa madla at ituro iyon sa karaniwang mga tao.—1Cr 15:27; 2Cr 5:12; 17:7-9; Ne 8:7-9.
Panustos. Ang mga Levita ay pangunahing tinutustusan sa pamamagitan ng mga ikapu mula sa ibang mga tribo, na nagbibigay sa kanila ng ikasampu ng lahat ng bunga ng lupa at ng mga baka. Ang ikasampu naman ng mga ito ay ibinibigay ng mga Levita sa mga saserdote. (Bil 18:25-29; 2Cr 31:4-8; Ne 10:38, 39) Gayundin, bagaman ang mga Levita ay eksemted sa paglilingkod militar, sila, kasama ng mga saserdote, ay binabahaginan ng samsam mula sa pakikipagbaka. (Bil 1:45-49; 31:25-31; tingnan ang IKAPU.) Ang mga Levita ay hindi tinakdaan ng teritoryo sa Canaan, yamang si Jehova ang kanilang bahagi. (Bil 18:20) Gayunman, ang ibang mga tribo ng Israel ay nagbigay sa kanila ng kabuuang 48 lunsod na nakapangalat sa Lupang Pangako.—Bil 35:1-8.
Pinagmulan ng mga Tagasuporta sa Tunay na Pagsamba. Sa mga Levita nagmula ang ilang mahuhusay na halimbawa ng kasigasigan para sa tunay na pagsamba. Makikita ito sa insidente may kinalaman sa ginintuang guya at muli noong lisanin ng mga Levita ang teritoryo ni Jeroboam pagkatapos na mahati ang kaharian. (Exo 32:26; 2Cr 11:13, 14) Naging masigasig din sila sa pagsuporta sa mga haring sina Jehosapat, Hezekias, at Josias at gayundin sa mga gobernador na sina Zerubabel at Nehemias at sa saserdoteng-eskriba na si Ezra sa pagsisikap ng mga ito na isauli ang tunay na pagsamba sa Israel.—2Cr 17:7-9; 29:12-17; 30:21, 22; 34:12, 13; Ezr 10:15; Ne 9:4, 5, 38.
Gayunman, bilang isang tribo, hindi nila sinuportahan ang Anak ng Diyos sa kaniyang gawaing pagsasauli, bagaman may indibiduwal na mga Levita na naging mga Kristiyano. (Gaw 4:36, 37) Marami sa mga saserdoteng Levita ang naging masunurin sa pananampalataya. (Gaw 6:7) Nang mawasak ang Jerusalem at ang templo nito noong 70 C.E., ang mga rekord ng pamilya ng mga Levita ay nawala o nasira, anupat nagwakas ang sistemang Levitiko. Ngunit isang “tribo ni Levi” ang kabilang sa espirituwal na Israel.—Apo 7:4, 7.
Sa pangalan ng tribong ito kinuha ang pangalan ng aklat ng Bibliya na Levitico. Malawakang tinatalakay sa aklat na ito ang mga Levita at ang kanilang mga tungkulin.