Mga May-edad Nang Brother—Pinahahalagahan ni Jehova ang Inyong Katapatan
MAHAL ng mga elder sa buong mundo ang mga pribilehiyo ng paglilingkod na taglay nila sa bayan ng Diyos. At talagang malaking pagpapala sila sa atin! Pero nagkaroon ng pagbabago kamakailan. Hiniling sa mga may-edad nang brother na ibigay sa mga nakababatang brother ang ilan sa mabibigat nilang pananagutan. Paano?
Sa bagong kaayusan, ang mga tagapangasiwa ng sirkito at mga field instructor ay hindi na magpapatuloy sa kanilang atas kapag 70 anyos na sila. At para naman sa mga elder na 80 anyos na, ililipat nila sa mga nakababatang elder ang ilan sa kanilang mga atas, gaya ng pagiging koordineytor ng Komite ng Sangay o ng lupon ng matatanda sa kongregasyon. Paano tumugon sa pagbabagong ito ang mahal nating mga elder na may-edad na? Nanatili silang tapat kay Jehova at sa organisasyon!
“Sang-ayon talaga ako sa naging desisyon,” ang sabi ni Ken, na naging koordineytor ng isang Komite ng Sangay nang halos 49 na taon. “Ang totoo, noong mismong araw na malaman ko iyon, nanalangin ako kay Jehova na sana’y magkaroon ng nakababatang brother na maglilingkod bilang koordineytor.” Ang reaksiyon ni Ken ay karaniwan sa tapat na mga may-edad sa buong mundo. Siyempre pa, dahil gustong-gusto nilang paglingkuran ang mga kapatid, may mga nadismaya nang kaunti sa simula.
“Medyo nalungkot ako,” ang sabi ni Esperandio, na dating koordineytor ng lupon ng matatanda sa kanilang kongregasyon. Pero inamin niya, “Mas kailangan kong bigyan ng panahon ngayon ang humihina kong kalusugan.” Gaya ng inaasahan, si Esperandio ay patuloy na naglilingkod nang tapat kay Jehova at itinuturing na isang pagpapala sa kanilang kongregasyon.
Kumusta naman ang matatagal nang naglalakbay na tagapangasiwa na nabigyan ng ibang atas? Inamin ni Allan, na 38 taóng naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, “Nang malaman ko, natigilan ako.” Pero alam niya ang magiging pakinabang kung sasanayin ang mga nakababatang brother sa gawaing iyon, at patuloy pa rin siyang naglilingkod nang tapat.
Si Russell, 40 taóng naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa at field instructor, ay nagsabing nadismaya silang mag-asawa noong una. “Mahal na mahal namin ang aming pribilehiyo at kaya pa naman namin.” Ibinabahagi nila ngayon ang kanilang mga natutuhan at karanasan sa kanilang kongregasyon, at tuwang-tuwa naman ang mga kapatid.
Kahit hindi mo personal na nadama ang mga damdaming nabanggit kanina, makatutulong sa iyo ang ulat sa 2 Samuel na maunawaan kung bakit nila nadama iyon.
ISANG TAONG MAHINHIN AT REALISTIKO
Alalahanin ang nangyari nang maghimagsik ang anak ni Haring David na si Absalom. Tumakas si David mula sa Jerusalem patungong Mahanaim, sa silangan ng Ilog Jordan. Doon, kinailangan ni David at ng mga kasama niya ang ilang pangunahing pangangailangan. Natatandaan mo ba ang nangyari?
Tatlong lalaking tagaroon ang nagdala ng mga higaan, pagkain, at mga kagamitang kailangan nila. Isa rito si Barzilai. (2 Sam. 17:27-29) Nang mabigo ang paghihimagsik ni Absalom, puwede nang bumalik si David sa Jerusalem, at inihatid siya ni Barzilai sa Jordan. Hinimok siya ni David na sumama sa Jerusalem. Sinabi ng hari na siya ang maglalaan ng pagkain niya roon, kahit hindi kailangan ni Barzilai ang mga iyon dahil isa siyang “lubhang dakilang tao [o, napakayaman].” (2 Sam. 19:31-33) Pero malamang na pinahalagahan ni David si Barzilai dahil sa mga katangian niya at sa mga mungkahing maibibigay niya. Tiyak na napakagandang pribilehiyo ang tumira at maglingkod sa maharlikang korte!
Palibhasa’y realistiko at mahinhin, sinabi ni Barzilai na 80 anyos na siya. At idinagdag niya: “Makikilala ko pa ba ang mabuti at masama?” Ano ang ibig niyang sabihin? Tiyak na nagtamo si Barzilai ng karunungan sa buong buhay niya. At kaya pa rin niyang magbigay ng mahuhusay na payo, gaya ng ginawa ng “matatandang lalaki” kay Haring Rehoboam. (1 Hari 12:6, 7; Awit 92:12-14; Kaw. 16:31) Kaya nang sabihin ni Barzilai ang tungkol sa pagkilala ng mabuti at masama, maaaring pisikal na limitasyong dulot ng kaniyang edad ang tinutukoy niya. Inamin niyang apektado na ng katandaan ang kaniyang panlasa at pandinig. (Ecles. 12:4, 5) Kaya si Barzilai na mismo ang humimok kay David na isama sa Jerusalem ang nakababatang lalaking si Kimham, na marahil ay anak ni Barzilai.—2 Sam. 19:35-40.
PAGPAPLANO PARA SA HINAHARAP
Ang saloobin ni Barzilai ay makikita sa pagbabagong ginawa dahil sa pagtanda, na nabanggit sa simula. Siyempre pa, sa panahon natin, hindi lang kalagayan at kakayahan ng isang tao ang kailangang isaalang-alang, gaya sa kaso ni Barzilai. Kailangan ding maging makatotohanan sa pagsasaalang-alang ng kung ano ang pinakamabuti para sa mga tapat na elder sa buong lupa.
Palibhasa’y mahinhin ang mga may-edad nang Kristiyanong ito, kitang-kita nila na mas susulong ang organisasyon ni Jehova kung ililipat sa mga nakababatang brother ang pananagutang matagal na nilang hawak. Kadalasan, ang mga may-edad nang brother ang nagsasanay sa mga nakababata, gaya ng pagsasanay marahil ni Barzilai sa kaniyang anak at ni apostol Pablo kay Timoteo. (1 Cor. 4:17; Fil. 2:20-22) Napatunayan ng mga nakababatang brother na sila ngayon ay “kaloob na mga tao,” na makatutulong “ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.”—Efe. 4:8-12; ihambing ang Bilang 11:16, 17, 29.
IBA’T IBANG LARANGAN NG PAGLILINGKOD
Marami sa bayan ng Diyos sa buong daigdig na nagbitaw ng kanilang pananagutan ang nagkaroon na ngayon ng pagkakataong makibahagi sa mga bago o karagdagang paraan ng paglilingkod kay Jehova.
“May panahon na ako ngayon sa mga di-sumasampalatayang asawa ng mga sister sa aming kongregasyon,” ang sabi ni Marco, na 19 na taóng naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa.
“Kasama sa mga tunguhin namin ngayon ang tumulong sa mga di-aktibo at magdaos ng mas maraming Bible study,” ang sabi ni Geraldo, na 28 taóng naglingkod sa gawaing paglalakbay. Ayon sa kaniya, may 15 Bible study silang mag-asawa at marami-rami na ring di-aktibo ang dumadalo na sa mga pulong.
Sinabi ni Allan, na sinipi kanina: “May pagkakataon na kami ngayon na lubusang makibahagi sa pangangaral. Sumasama kami sa pampublikong pagpapatotoo, nangangaral sa lugar ng negosyo, at nagpapatotoo sa aming mga kapitbahay; dalawa sa kanila ang nakapunta na sa Kingdom Hall.”
Kung isa kang tapat at may-kakayahang brother na tumanggap ng bagong atas, may isa pang espesyal na paraan para makatulong ka. Masusuportahan mo ang gawain ni Jehova kung ibabahagi mo sa mga nakababatang brother ang iyong magagandang karanasan. “Sinasanay at ginagamit ni Jehova ang kapuri-puri at mahuhusay na kabataan,” ang sabi ni Russell, na sinipi kanina. “Nakikinabang ang buong kapatiran sa kanilang masiglang pagtuturo at pagpapastol!”—Tingnan ang kahong “Tulungan ang mga Nakababatang Brother na Maabot ang Kanilang Buong Potensiyal.”
PINAHAHALAGAHAN NI JEHOVA ANG IYONG KATAPATAN
Kung nasa bagong atas ka ng paglilingkod, manatiling positibo. Napakarami mo nang natulungan sa iyong buong-pusong paglilingkod, at puwede mo pa ring gawin iyan. Mahal ka ng mga kapatid at patuloy ka nilang mamahalin.
Mas mahalaga, nakatatak ka na sa puso ni Jehova. Hindi niya ‘lilimutin ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan, dahil ikaw ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.’ (Heb. 6:10) Tinitiyak sa atin ng talatang iyan na ang kaniyang pangako ay hindi lang sa nakaraan nating paglilingkod kumakapit. Napakahalaga mo kay Jehova para limutin niya ang pagsisikap na ginawa mo at patuloy na ginagawa para palugdan siya!
Paano kung hindi ka naman personal na nakaranas ng pagbabago ng atas, gaya ng tinalakay sa itaas? Kapit pa rin ito sa iyo. Paano?
Kung nakakasama mo ngayon ang isang tapat na may-edad nang brother na nabigyan ng bagong atas, makikinabang ka sa kaniyang pagiging may-gulang at makaranasan. Hingin ang kaniyang payo. Hingan siya ng mungkahi. At tingnan kung paano niya may-katapatang ginagamit sa kaniyang atas ngayon ang mga natutuhan niya noon.
Ikaw man ay isang may-edad na nabigyan ng ibang atas o isang kapatid na nakikinabang mula sa mga may-edad, tandaan na pinahahalagahan ni Jehova ang katapatan ng matatagal nang naglilingkod sa kaniya at patuloy na naglilingkod.