ARALING ARTIKULO 22
AWIT BLG. 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin
Ang Panahon ng Pagiging Magkasintahan
‘Napakahalaga ng panloob na pagkatao.’—1 PED. 3:4.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang gagawin ng mga magkasintahan para makagawa ng tamang desisyon at kung paano sila matutulungan ng mga kapatid sa kongregasyon.
1-2. Ano ang naging komento ng ilan tungkol sa panahon ng pagiging magkasintahan?
PUWEDENG maging masaya ang panahon ng pagiging magkasintahan. At para sa marami, sang-ayon silang napakasaya ng panahong ito. Kung may kasintahan ka ngayon, siguradong ganiyan din ang gusto mo. Sinabi ni Tsion,a isang sister na taga-Ethiopia: “Isa sa pinakamasayang parte ng buhay ko ay noong magkasintahan pa lang kami ng asawa ko. Mayroon kaming mga seryosong usapan, at nagbibiruan din kami. Masaya ako kasi nahanap ko y’ong isa na mamahalin ko at magmamahal sa akin.”
2 Ganito naman ang sinabi ni Alessio, isang brother na taga-Netherlands, “Sobrang saya noong magkasintahan pa lang kami ng asawa ko, pero may mga hamon din.” Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang hamon na posibleng mapaharap sa mga magkasintahan. Titingnan din natin kung anong mga prinsipyo sa Bibliya ang tutulong sa kanila na gawin ang tamang desisyon. Pagkatapos, tatalakayin natin kung paano sila matutulungan ng kongregasyon.
ANG LAYUNIN NG PAGIGING MAGKASINTAHAN
3. Para saan ang panahon ng pagiging magkasintahan? (Kawikaan 20:25)
3 Totoo, masaya ang panahon ng pagiging magkasintahan. Pero seryosong hakbang din ito na papunta sa pag-aasawa. Sa panahon ng kasal, mananata sa harap ni Jehova ang lalaki at babae na mamahalin nila at irerespeto ang isa’t isa habang nabubuhay sila. Bago tayo gumawa ng anumang panata, dapat na pag-isipan natin itong mabuti. (Basahin ang Kawikaan 20:25.) Totoo rin iyan sa panata sa pag-aasawa. Tumutulong ang panahon ng pagiging magkasintahan para makilalang mabuti ng lalaki at babae ang isa’t isa at makagawa ng tamang desisyon. Minsan, ang tamang desisyon ay magpakasal; kung minsan naman, ang tamang desisyon ay maghiwalay. Kung naghiwalay ang magkasintahan, walang mali doon. Ipinapakita lang niyan na naging epektibo ang panahon ng pagiging magkasintahan nila—nakatulong iyon para makagawa sila ng tamang desisyon.
4. Bakit dapat tayong magkaroon ng tamang pananaw sa pagliligawan at pagiging magkasintahan?
4 Bakit mahalagang magkaroon tayo ng tamang pananaw sa pagliligawan at pagiging magkasintahan? Kung tama ang pananaw ng isang tao tungkol dito, hindi siya manliligaw kung wala siyang intensiyong mag-asawa. Pero hindi lang ang mga single ang dapat magkaroon ng tamang pananaw dito—lahat tayo. Halimbawa, iniisip ng ilan na kapag magkasintahan na, wala nang ibang pupuntahan iyon kundi kasal. Ano ang epekto ng ganitong pananaw sa mga single na Kristiyano? Sinabi ni Melissa, isang single na sister na taga-United States: “Kapag magkasintahan na ang isang brother at isang sister, inaasahan na ng ibang kapatid na magpapakasal sila. Dahil dito, may ilang magkasintahan na natatakot maghiwalay kahit nakita na nilang hindi sila bagay sa isa’t isa. May ilan naman na hindi na lang nakipagligawan. Talagang nakaka-stress ito!”
KILALANING MABUTI ANG ISA’T ISA
5-6. Ano ang dapat alamin ng magkasintahan sa isa’t isa? (1 Pedro 3:4)
5 Kung may kasintahan ka na, ano ang makakatulong sa iyo na makapagdesisyon kung papakasalan mo siya o hindi? Kilalaning mabuti ang isa’t isa. Baka may ilang bagay ka nang alam sa kaniya bago pa kayo magsimulang magligawan. Pero ngayon, may pagkakataon kayong alamin ang “panloob na pagkatao” ng bawat isa. (Basahin ang 1 Pedro 3:4.) Kasama dito ang pag-alam sa lalim ng kaugnayan niya kay Jehova, kung ano ang mga katangian niya, at kung paano siya mag-isip. Paglipas ng panahon, dapat masagot mo ang mga tanong na gaya nito: ‘Magiging mabuting asawa kaya siya para sa akin?’ (Kaw. 31:26, 27, 30; Efe. 5:33; 1 Tim. 5:8) ‘Kaya ba naming ibigay ang pagmamahal at atensiyon na kailangan ng isa’t isa? Kaya ko bang palampasin ang di-magagandang ugali niya?’b (Roma 3:23) Habang mas nakikilala ninyo ang isa’t isa, tandaan: Ang pinakamahalaga ay hindi ang dami ng pagkakapareho ninyo, kundi ang kakayahan ninyong mag-adjust sa mga pagkakaiba ninyo.
6 Ano pa ang dapat mong malaman tungkol sa kaniya? Bago pa tuluyang mahulog ang loob mo sa kaniya, ipakipag-usap mo na ang ilang mahahalagang bagay, gaya ng mga goal niya. Pero paano naman ang tungkol sa kalusugan niya, pinansiyal na kalagayan, o masasamang bagay na naranasan niya noon? Hindi naman kailangang pag-usapan ang lahat ng bagay kung nagsisimula pa lang kayo. (Ihambing ang Juan 16:12.) Kung sa tingin mo, masyado pang maaga para pag-usapan ang personal na mga bagay, sabihin iyon sa kaniya. Pero paglipas ng panahon, kailangan pa rin niyang malaman ang mga impormasyong ito para makagawa siya ng tamang desisyon. Kaya may panahong dapat pa rin ninyong pag-usapan ito.
7. Paano mas makikilala ng magkasintahan ang isa’t isa? (Tingnan din ang kahong “Paano Kung Malayo Kayo sa Isa’t Isa?”) (Tingnan din ang mga larawan.)
7 Paano mo makikilala nang husto ang kasintahan mo? Magagawa mo ito kung mag-uusap kayo nang masinsinan, magiging totoo sa isa’t isa, at makikinig nang mabuti. (Kaw. 20:5; Sant. 1:19) Puwede kayong makapag-usap nang mabuti habang kumakain kayo, naglalakad sa lugar na maraming tao, o kapag nangangaral kayong magkasama. Mas makikilala rin ninyo ang isa’t isa kapag kasama ninyo ang mga kaibigan at pamilya ninyo. Bukod diyan, magplano ng mga gawain kung saan makikita mo kung paano gumagawi ang kasintahan mo sa iba’t ibang sitwasyon kasama ang iba’t ibang tao. Tingnan kung ano ang sinikap na gawin ni Aschwin, na taga-Netherlands, noong magkasintahan pa lang sila ni Alicia. Ikinuwento niya: “Naghahanap kami ng mga gawaing tutulong sa amin na mas makilala ang isa’t isa. Halimbawa, magkasama kaming nagluluto o gumagawa ng ilang simpleng gawain. Dahil dito, nakikita namin ang magagandang katangian at kahinaan ng isa’t isa.”
8. Paano makakatulong sa magkasintahan ang pag-aaral nang magkasama?
8 Mas makikilala rin ninyo ang isa’t isa kung pag-aaralan ninyong magkasama ang espirituwal na mga bagay. Kapag mag-asawa na kayo, kailangan ninyo ng panahon para sa family worship. Tutulong ito na maging mahalagang bahagi ng pagsasama ninyo ang Diyos. (Ecles. 4:12) Kaya ngayon pa lang, habang magkasintahan kayo, puwede na kayong mag-iskedyul ng panahon na mag-aral nang magkasama. Siyempre, hindi pa rin kayo maituturing na isang pamilya at hindi pa rin ulo ng sister ang brother. Pero makakatulong ang pag-aaral ninyong magkasama para makita ninyo ang espirituwalidad ng isa’t isa. May nakita pang pakinabang dito sina Max at Laysa, na taga-United States. Sinabi ni Max: “Noong bago pa lang kaming magkasintahan, pinag-aralan na agad namin ang mga publikasyon tungkol sa pagde-date, pag-aasawa, at buhay ng may pamilya. Dahil doon, napag-usapan namin ang maraming mahahalagang bagay na mahirap simulang pag-usapan.”
IBA PANG BAGAY NA DAPAT PAG-ISIPAN
9. Ano ang dapat pag-isipan ng magkasintahan kapag nagdedesisyon kung kanino sasabihin ang tungkol sa kanila?
9 Kanino ninyo dapat sabihin ang ugnayan ninyo? Kayong magkasintahan ang magdedesisyon niyan. Kung bago pa lang kayo, baka makatulong kung sa ilang tao lang muna ninyo ito sabihin. (Kaw. 17:27) Kung gagawin ninyo iyan, puwede ninyong maiwasan ang maraming tanong tungkol sa inyo at ang pressure na gumawa ng desisyon. Pero kung hindi ninyo ito sasabihin kahit kanino, baka lagi na lang kayong magtago dahil sa takot na malaman ito ng iba. Mapanganib iyan. Kaya makakabuting sabihin ito sa iba na makakapagbigay ng magandang payo at makakatulong sa inyo. (Kaw. 15:22) Halimbawa, puwede ninyo itong sabihin sa ilang kapamilya ninyo, matured na mga kaibigan, o sa mga elder.
10. Ano ang dapat ninyong gawin para patuloy na mapasaya si Jehova? (Kawikaan 22:3)
10 Paano ninyo patuloy na mapapasaya si Jehova sa panahon ng pagiging magkasintahan ninyo? Natural lang na maging mas malapít kayo sa isa’t isa sa panahong ito. Kaya ano ang makakatulong para hindi kayo makagawa ng imoralidad? (1 Cor. 6:18) Iwasan ang malalaswang usapan, mga sitwasyong dalawa lang kayo, at sobrang pag-inom. (Efe. 5:3) Patitindihin kasi ng mga ito ang pagnanasa ninyo at mahihirapan kayong gawin ang tama. Makakabuti kung regular ninyong pag-uusapan ang mga gagawin ninyo para masunod ang mga pamantayan ni Jehova. (Basahin ang Kawikaan 22:3.) Tingnan ang nakatulong kina Dawit at Almaz, na taga-Ethiopia. Sinabi nila: “Nagde-date kami sa mga lugar na maraming tao o kasama ng mga kaibigan namin. Hinding-hindi namin hinayaang dalawa lang kami sa kotse o sa bahay. Kaya naiwasan namin ang mga sitwasyong puwede kaming matukso.”
11. Ano ang dapat pag-isipan ng magkasintahan pagdating sa pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa?
11 Puwede bang magpakita ng pagmamahal sa isa’t isa ang magkasintahan? Habang lumalalim ang pagmamahalan ninyo, baka may ilang angkop na paraan para ipakita ito. Pero kung dahil dito, magising ang pagnanasa ninyo, baka mahirapan na kayong gumawa ng tamang desisyon. (Sol. 1:2; 2:6) Posible ring mauwi sa imoralidad ang pagpapakita ng pagmamahal. (Kaw. 6:27) Kaya sa simula pa lang, pag-usapan na ang mga limitasyong gagawin ninyo para masunod ang mga prinsipyo sa Bibliya.c (1 Tes. 4:3-7) Pag-isipan ito: ‘Ano ang magiging tingin ng iba kapag nakita nila kaming nagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa? Posible kaya nitong magising ang pagnanasa ko o pagnanasa niya?’
12. Ano ang dapat pag-isipan ng magkasintahan kapag nagkaroon sila ng mga di-pagkakaunawaan?
12 Paano ninyo haharapin ang mga di-pagkakaunawaan? Paano kung mayroon kayong mga hindi mapagkasunduan kung minsan? Ibig sabihin ba agad nito, hindi talaga kayo para sa isa’t isa? Hindi naman; talagang nangyayari iyan. Ang matatag na pag-aasawa ay ang pagsasama ng dalawang taong iginagalang ang isa’t isa at handang makibagay sa pagkakaiba nila. Kaya makikita sa pagharap ninyo ng problema ngayon kung magiging matagumpay ang pagsasama ninyo. Pag-isipan ito: ‘Kaya ba naming pag-usapan ang mga problema nang kalmado at magalang pa rin sa isa’t isa? Inaamin ba namin ang mga pagkakamali namin at sinisikap itong baguhin? Handa ba kaming magparaya sa isa’t isa, humingi ng sorry, at magpatawad?’ (Efe. 4:31, 32) Pero kung lagi na lang kayong nag-aaway sa panahong magkasintahan kayo, malamang na magiging ganiyan din kayo kapag mag-asawa na kayo. Kung nakita mong hindi talaga siya magiging mahusay na asawa para sa iyo, makakabuti para sa inyong dalawa na maghiwalay.d
13. Ano ang dapat pag-isipan ng isang brother at isang sister kapag nagpapasiya kung gaano dapat katagal ang pagiging magkasintahan nila?
13 Gaano kayo dapat katagal na magkasintahan? Kadalasan nang pangit ang resulta ng padalos-dalos na desisyon. (Kaw. 21:5) Kaya dapat na may sapat na haba ng panahon ang pagiging magkasintahan ninyo para talagang makilala ninyo ang isa’t isa. Pero hindi rin ito dapat patagalin nang hindi kinakailangan. Sinasabi rin ng Bibliya: “Ang inaasahan na hindi nangyayari ay nagpapalungkot sa puso.” (Kaw. 13:12) Isa pa, kung masyado ninyo itong papatagalin, baka matukso kayong gumawa ng imoralidad. (1 Cor. 7:9) Imbes na isip-isipin kung gaano dapat katagal ang pagiging magkasintahan ninyo, ito ang pag-isipan, ‘Ano pa ba ang kailangan kong malaman tungkol sa kaniya para makapagdesisyon ako?’
KUNG PAANO MAKAKATULONG ANG IBA SA MGA MAGKASINTAHAN
14. Paano makakatulong ang iba sa mga magkasintahan? (Tingnan din ang larawan.)
14 Kung may kakilala tayong magkasintahan, paano natin sila matutulungan? Puwede natin silang imbitahang kumain, sumama sa family worship, o sa paglilibang natin. (Roma 12:13) Makakatulong iyon sa kanila para mas makilala nila ang isa’t isa. Kailangan ba nila ng chaperone, ng masasakyan, o ng lugar kung saan puwede silang mag-usap? Kung oo, may magagawa ka ba para tulungan sila? (Gal. 6:10) Sinabi ni Alicia, na binanggit kanina, “Naa-appreciate namin ni Aschwin kapag sinasabi ng mga kapatid na puwede kaming bumisita sa kanila kapag kailangan namin ng lugar para mag-usap.” Kung pinakisuyuan kang mag-chaperone, isipin mong paraan iyon para matulungan ang mga kaibigan mo. Huwag hayaang magkaroon ng pagkakataon na maiiwan silang dalawa lang. Pero tingnan din kung kailangan nila ng panahon at distansiya para makapag-usap sila nang sila lang.—Fil. 2:4.
15. Ano pa ang puwede nating maitulong sa mga magkasintahan? (Kawikaan 12:18)
15 Makakatulong din tayo sa mga magkasintahan kung magiging maingat tayo sa mga sinasabi natin. Minsan, kailangan nating kontrolin ang sarili natin at huwag nang magkomento. (Basahin ang Kawikaan 12:18.) Halimbawa, baka excited tayong sabihin sa iba na may bagong magkasintahan. Pero baka gusto nila na sila mismo ang magsabi nito. Hindi rin natin sila dapat pagtsismisan o kuwestiyunin ang mga personal na bagay tungkol sa kanila. (Kaw. 20:19; Roma 14:10; 1 Tes. 4:11) Bukod diyan, hindi tayo dapat magkomento o magtanong ng makaka-pressure sa kanila na magpakasal. Sinabi ni Elise at ng asawa niya: “Naiilang kami noon kapag tinatanong kami tungkol sa kasal. Kasi ang totoo, hindi pa talaga namin napag-uusapan iyon.”
16. Ano ang dapat na reaksiyon natin kapag naghiwalay ang isang magkasintahan?
16 Paano kung nalaman nating naghiwalay ang isang magkasintahan? Dapat nating iwasang makialam sa desisyon nila o sisihin ang isa man sa kanila. (1 Ped. 4:15) Sinabi ng sister na si Lea, “Nang malaman ko na pinag-uusapan ng iba ang paghihiwalay namin, nasaktan ako.” Gaya ng binanggit sa umpisa, kapag nagdesisyong maghiwalay ang magkasintahan, walang mali dito. Kadalasan, ipinapakita lang nito na naging epektibo ang pagiging magkasintahan nila—nakatulong ito sa kanila na gumawa ng tamang desisyon. Pero siyempre, baka dahil dito, masaktan sila at malungkot. Kaya dapat natin silang tulungan.—Kaw. 17:17.
17. Ano ang dapat na patuloy na gawin ng mga magkasintahan?
17 Gaya ng natutuhan natin, may mga hamon sa panahon ng pagiging magkasintahan, pero puwede rin itong maging masaya. Sinabi ni Jessica: “Sa totoo lang, medyo mahirap din talaga noong magkasintahan kami. Pero sulit naman na kinilala naming mabuti ang isa’t isa.” Kung may kasintahan ka ngayon, patuloy ninyong kilalaning mabuti ang isa’t isa. Kung gagawin ninyo iyan, makakagawa kayo ng tamang desisyon.
AWIT BLG. 49 Pinasasaya ang Puso ni Jehova
a Binago ang ilang pangalan.
b Para sa iba pang tanong na puwedeng pag-isipan, tingnan ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, p. 39-40.
c Ang paghimas sa ari ng isa ay isang uri ng seksuwal na imoralidad. Kailangan itong asikasuhin ng mga elder at dapat bumuo ng hudisyal na komite. Ang paghimas sa dibdib at pakikipag-usap nang imoral sa pamamagitan ng text o telepono ay puwede ring maging dahilan para bumuo ng hudisyal na komite, depende sa kalagayan.
d Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Agosto 15, 1999.