Isaias
37 At nangyari nga, nang marinig iyon ni Haring Hezekias, kaagad niyang hinapak ang kaniyang mga kasuutan at nagdamit ng telang-sako+ at pumasok sa bahay ni Jehova.+ 2 Bukod diyan, si Eliakim,+ na namamahala sa sambahayan, at si Sebna na kalihim+ at ang matatandang lalaki sa mga saserdote+ ay kaniyang isinugo na nadaramtan ng telang-sako kay Isaias+ na anak ni Amoz na propeta.+ 3 At sinabi nila sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Hezekias, ‘Ang araw na ito ay isang araw ng kabagabagan+ at ng pagsaway at ng walang-pakundangang panlilibak,+ sapagkat ang mga anak ay nakarating na hanggang sa bukana ng bahay-bata, at walang lakas na magsilang.+ 4 Marahil ay maririnig ni Jehova na iyong Diyos ang mga salita ni Rabsases,+ na isinugo ng hari ng Asirya na kaniyang panginoon upang tuyain+ ang Diyos na buháy, at kaniya ngang pagsusulitin siya dahil sa mga salita na narinig ni Jehova na iyong Diyos.+ At magpailanlang ka ng panalangin+ alang-alang sa mga nalabi na masusumpungan.’ ”+
5 Kaya ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay pumaroon kay Isaias.+ 6 At sinabi ni Isaias sa kanila: “Ito ang dapat ninyong sabihin sa inyong panginoon, ‘Ito ang sinabi ni Jehova:+ “Huwag kang matakot+ dahil sa mga salita na narinig mong sinalita nang may pang-aabuso ng mga tagapaglingkod+ ng hari ng Asirya tungkol sa akin. 7 Narito, maglalagay ako sa kaniya ng isang espiritu,+ at siya ay makaririnig ng isang ulat+ at babalik sa kaniyang sariling lupain; at ipabubuwal ko nga siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.” ’ ”+
8 Pagkatapos ay bumalik si Rabsases+ at nasumpungan ang hari ng Asirya na nakikipagbaka laban sa Libna,+ sapagkat narinig niya na nilisan na nito ang Lakis.+ 9 At narinig niyang sinabi may kinalaman kay Tirhaka+ na hari ng Etiopia: “Lumabas siya upang makipagbaka laban sa iyo.” Nang marinig niya, kaagad siyang nagsugo ng mga mensahero+ kay Hezekias, na nagsasabi: 10 “Ito ang dapat ninyong sabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang magpalinlang sa iyong Diyos na pinagtitiwalaan mo,+ na nagsasabi: “Ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asirya.”+ 11 Narito! Narinig mo mismo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asirya sa lahat ng mga lupain nang italaga sila sa pagkapuksa,+ at ikaw ba ay maliligtas?+ 12 Nailigtas ba sila ng mga diyos+ ng mga bansa na winasak ng aking mga ninuno,+ maging ang Gozan+ at ang Haran+ at ang Rezep at ang mga anak ng Eden+ na nasa Tel-asar? 13 Nasaan ang hari ng Hamat+ at ang hari ng Arpad+ at ang hari ng lunsod ng Separvaim+—ng Hena at ng Iva?’ ”+
14 Sa gayon ay kinuha ni Hezekias ang mga liham mula sa kamay ng mga mensahero at binasa ang mga iyon,+ pagkatapos ay umahon si Hezekias sa bahay ni Jehova at inilatag iyon sa harap ni Jehova.+ 15 At si Hezekias ay nagsimulang manalangin kay Jehova,+ na sinasabi: 16 “O Jehova ng mga hukbo, na Diyos ng Israel,+ na nakaupo sa mga kerubin, ikaw lamang ang tunay na Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa.+ Ikaw ang gumawa ng langit at ng lupa.+ 17 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Jehova, at pakinggan mo.+ Idilat mo ang iyong mga mata,+ O Jehova, at tingnan mo, at pakinggan mo ang lahat ng mga salita ni Senakerib+ na ipinasabi niya upang tuyain ang Diyos na buháy.+ 18 Katotohanan nga, O Jehova, na winasak ng mga hari ng Asirya ang lahat ng mga lupain, at ang kanilang sariling lupain.+ 19 At ang kanilang mga diyos ay inihagis sa apoy,+ sapagkat ang mga iyon ay hindi mga diyos,+ kundi gawa ng mga kamay ng tao,+ kahoy at bato, anupat sinira nila ang mga iyon.+ 20 At ngayon, O Jehova na aming Diyos,+ iligtas mo kami mula sa kaniyang kamay,+ upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw, O Jehova, ang tangi[ng Diyos].”+
21 At si Isaias na anak ni Amoz ay nagsugo kay Hezekias, na sinasabi: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Sa dahilang nanalangin ka sa akin may kinalaman kay Senakerib na hari ng Asirya,+ 22 ito ang salita na sinalita ni Jehova laban sa kaniya:
“Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, inalipusta ka niya.+
Sa likuran mo ay iniling ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo.+
23 Sino ang tinuya+ mo at pinagsalitaan nang may pang-aabuso?+
At laban kanino mo inilakas ang iyong tinig+
At itinitingin mo ang iyong mga mata sa kaitaasan?+
Laban nga sa Banal ng Israel!+
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay tinuya mo si Jehova at sinasabi mo,+
‘Taglay ang karamihan ng aking mga karong pandigma ako mismo+—
Ako nga ay aakyat sa kaitaasan ng mga bulubunduking pook,+
Sa pinakamalalayong bahagi ng Lebanon;+
At puputulin ko ang matatayog na sedro nito, ang mga piling puno ng enebro nito.+
At papasukin ko ang huling kaitaasan nito, ang kagubatan ng taniman nito.+
25 Ako nga ay huhukay at iinom ng tubig,
At tutuyuin ko ng mga talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga kanal ng Nilo+ sa Ehipto.’+
26 Hindi mo ba narinig?+ Mula noong malaon nang mga panahon ay iyon nga ang gagawin ko.+
Mula noong mga araw na nakalipas ay inanyuan ko na iyon.+ Ngayon ay pangyayarihin ko iyon.+
At ikaw ay magiging tagapagtiwangwang ng mga nakukutaang lunsod upang maging gaya ng mga bunton ng pagkaguho.+
27 At ang mga tumatahan sa kanila ay mawawalan ng lakas;+
Sila ay talagang masisindak at mapapahiya.+
Sila ay magiging gaya ng pananim sa parang at ng luntiang murang damo,+
Damo sa mga bubong+ at sa hagdan-hagdang lupain sa harap ng hanging silangan.+
28 At ang iyong pag-upong tahimik at ang iyong paglabas+ at ang iyong pagpasok ay nalalaman kong lubos,+
At ang iyong pagpapakabagabag laban sa akin,+
29 Sapagkat ang iyong pagpapakabagabag laban sa akin+ at ang iyong pag-ungal ay umabot sa aking pandinig.+
At ilalagay ko nga ang aking pangawit sa iyong ilong at ang aking renda sa pagitan ng iyong mga labi,+
At dadalhin nga kitang pabalik sa daan na iyong pinanggalingan.”+
30 “ ‘At ito ang magiging tanda para sa iyo: Kakainin sa taóng ito ang sumibol mula sa mga natapong butil,+ at sa ikalawang taon ay ang butil na tumutubo sa ganang sarili; ngunit sa ikatlong taon ay maghasik kayo ng binhi at gumapas, at magtanim kayo ng mga ubasan at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon.+ 31 At yaong mga makatatakas na mula sa sambahayan ni Juda, yaong mga nalalabi,+ ay tiyak na mag-uugat nang pababa at magluluwal ng bunga nang paitaas.+ 32 Sapagkat mula sa Jerusalem ay may nalabing yayaon+ at yaong mga makatatakas mula sa Bundok Sion.+ Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.+
33 “ ‘Kaya ito ang sinabi ni Jehova may kinalaman sa hari ng Asirya:+ “Hindi siya papasok sa lunsod na ito,+ ni magpapahilagpos man siya roon ng palaso, ni haharapin man iyon nang may kalasag, ni magtitindig man ng muralyang pangubkob laban doon.” ’+
34 “ ‘Sa daan na kaniyang pinanggalingan ay babalik siya, at sa lunsod na ito ay hindi siya papasok,’ ang sabi ni Jehova.+ 35 ‘At tiyak na ipagtatanggol+ ko ang lunsod na ito upang iligtas ito alang-alang sa akin+ at alang-alang kay David na aking lingkod.’ ”+
36 At ang anghel+ ni Jehova ay humayo at sinaktan ang isang daan at walumpu’t limang libo sa kampo ng mga Asiryano.+ Nang ang mga tao ay maagang bumangon sa kinaumagahan, aba, narito, ang lahat ng mga ito ay patay na mga bangkay.+ 37 Dahil dito si Senakerib+ na hari ng Asirya ay lumisan at yumaon at bumalik+ at nanahanan sa Nineve.+ 38 At nangyari nga na habang yumuyukod siya sa bahay ni Nisroc+ na kaniyang diyos,+ siya ay pinatay nina Adramelec at Sarezer, na kaniyang sariling mga anak, sa pamamagitan ng tabak,+ at sila ay tumakas patungo sa lupain ng Ararat.+ At si Esar-hadon+ na kaniyang anak ay nagsimulang maghari bilang kahalili niya.