Mateo
8 Pagkababa niya sa bundok ay sumunod sa kaniya ang malalaking pulutong. 2 At, narito! isang lalaking ketongin+ ang lumapit at nagsimulang mangayupapa sa kaniya, na sinasabi: “Panginoon, kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” 3 At sa gayon, pagkaunat ng kaniyang kamay, hinipo niya siya, na sinasabi: “Ibig ko. Luminis ka.”+ At kaagad na nalinis ang kaniyang ketong.+ 4 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Tiyakin mong huwag sabihin kaninuman,+ ngunit humayo ka, magpakita ka sa saserdote,+ at maghandog ka ng kaloob+ na itinakda ni Moises, ukol sa layuning magpatotoo sa kanila.”
5 Nang pumasok siya sa Capernaum,+ isang opisyal ng hukbo ang lumapit sa kaniya, na namamanhik sa kaniya 6 at nagsasabi: “Ginoo, ang aking alilang lalaki ay nakaratay sa bahay dahil sa paralisis, na lubhang napahihirapan.” 7 Sinabi niya sa kaniya: “Pagdating ko roon ay pagagalingin ko siya.” 8 Bilang tugon ay sinabi ng opisyal ng hukbo: “Ginoo, hindi ako taong karapat-dapat upang pumasok ka sa ilalim ng aking bubong, ngunit sabihin mo lamang ang salita at ang aking alilang lalaki ay mapagagaling. 9 Sapagkat ako rin ay taong inilagay sa ilalim ng awtoridad, na may mga kawal sa ilalim ko, at sinasabi ko sa isang ito, ‘Humayo ka!’+ at siya ay humahayo, at sa isa pa, ‘Halika!’ at siya ay lumalapit, at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya iyon.” 10 Sa pagkarinig nito, si Jesus ay namangha at nagsabi roon sa mga sumusunod sa kaniya: “Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Walang sinuman sa Israel ang kinasumpungan ko ng ganito kalaking pananampalataya.+ 11 Ngunit sinasabi ko sa inyo na marami mula sa mga silanganing bahagi at mga kanluraning+ bahagi ang darating at hihilig sa mesa na kasama nina Abraham at Isaac at Jacob sa kaharian+ ng langit;+ 12 samantalang ang mga anak ng kaharian+ ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon mangyayari ang kanilang pagtangis at ang pagngangalit ng kanilang mga ngipin.”+ 13 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa opisyal ng hukbo: “Humayo ka. Ayon sa iyong pananampalataya, maganap nawa nang gayon para sa iyo.”+ At ang alilang lalaki ay napagaling nang oras na iyon.
14 At, pagdating sa bahay ni Pedro, nakita ni Jesus ang biyenang babae+ nito na nakahiga at nilalagnat.+ 15 Kaya hinipo niya ang kaniyang kamay,+ at iniwan siya ng lagnat, at bumangon siya at nagsimulang maglingkod sa kaniya.+ 16 Ngunit nang gumabi na, ang mga tao ay nagdala sa kaniya ng maraming tao na inaalihan ng demonyo; at pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng isang salita, at pinagaling niya ang lahat ng mga nasa masamang kalagayan; 17 upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi: “Siya mismo ang kumuha ng aming mga sakit at nagdala ng aming mga karamdaman.”+
18 Nang makita ni Jesus ang isang pulutong sa palibot niya, nagbigay siya ng utos na tumungo sa kabilang ibayo.+ 19 At may isang eskriba na lumapit at nagsabi sa kaniya: “Guro, susundan kita saan ka man pumaroon.”+ 20 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.”+ 21 Nang magkagayon ay sinabi sa kaniya ng isa pa sa mga alagad: “Panginoon, pahintulutan mo muna akong umalis at ilibing ang aking ama.” 22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Patuloy mo akong sundan, at hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”+
23 At nang lumulan siya sa isang bangka,+ ang kaniyang mga alagad ay sumunod sa kaniya. 24 Ngayon, narito! isang malaking daluyong ang bumangon sa dagat, anupat ang bangka ay natatabunan na ng mga alon; gayunman, siya ay natutulog.+ 25 At lumapit sila at ginising siya,+ na sinasabi: “Panginoon, iligtas mo kami, mamamatay na kami!” 26 Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit mahina ang inyong loob, kayo na may kakaunting pananampalataya?”+ Nang magkagayon, sa pagbangon, sinaway niya ang mga hangin at ang dagat, at nagkaroon ng lubos na katahimikan.+ 27 Kaya ang mga tao ay namangha at nagsabi: “Ano bang uri ng tao ito,+ na maging ang mga hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?”
28 Nang makarating siya sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno,+ may sumalubong sa kaniya na dalawang lalaking inaalihan ng demonyo+ na lumalabas mula sa gitna ng mga alaalang libingan, na lubhang mabangis, anupat walang sinuman ang may lakas ng loob na dumaan sa daang iyon. 29 At, narito! humiyaw sila, na nagsasabi: “Ano ang kinalaman namin sa iyo, Anak ng Diyos?+ Pumunta ka ba rito upang pahirapan kami+ bago ang takdang panahon?”+ 30 Ngunit sa may kalayuan mula sa kanila ay isang kawan ng maraming baboy ang nanginginain. 31 Kaya ang mga demonyo ay nagsimulang mamanhik sa kaniya, na sinasabi: “Kung palalayasin mo kami, papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”+ 32 Alinsunod dito ay sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo!” Sila ay lumabas at pumasok sa mga baboy; at, narito! ang buong kawan ay nagdagsaan sa bangin patungo sa dagat at namatay sa tubig.+ 33 Ngunit ang mga tagapagpastol ay nagtakbuhan at, pagpasok sa lunsod, iniulat nila ang lahat ng bagay, lakip na ang pangyayari tungkol sa mga lalaking inaalihan ng demonyo. 34 At, narito! ang buong lunsod ay lumabas upang salubungin si Jesus; at pagkakita sa kaniya, mapilit nila siyang pinakiusapan na umalis sa kanilang mga distrito.+